Papaano Babasahin ang Panulaang Filipino Ngayon? ni Louie Jon A. Sanchez


louiepoetryfil.png

In our continuing Exclusive Content Series, Ateneo professor and award-winning poet Louie Jon A. Sanchez writes about the state of Filipino poetry today. –Webmaster’s note

Nais kong simulan ang pagninilay na ito sa ganitong tanong: paano nga ba?  Pagninilay ang metodo ko, isang pamamaraan na hinuhubdan ng pagpapanggap; at bakit?  Sapagkat mambabasa lamang naman din ako—isa sa maraming kasapi ng masasabing “lipunan” ng mga mambabasa sa Filipinas ng nilalang na tinatawag na “Panulaang Filipino” (Mayroon nga ba nito?  At nasaan?  Baka isa rin itong “pangangailangang katha” ).  Hindi ko mithing magpanukala ng nakayayanig, basta-basta maglista ng mga akda at pangalan (at bumigkas ng libak o papuri), o magpatuloy ng pagtatala sa tumatakbo pa namang kasaysayang pampanitikan.  Samantalang ibinabahagi ko ang nakayanan kong basahin at pag-isipan sa loob ng ilang taóng pag-aabang sa tula, inuusisa ko rin ang okasyon ng aking pagtatanong.  Na isang mas mainam na pamamaraan ng pagsusog sa pagtatanong hinggil sa “lagay” ng panulaan—kung ang ibig sabihin natin ng “lagay”ay ang katayuan nito, o kung papaano ito inaanyuan ng kasalukuyang pagsusulat.  May kinalaman din sa saysay ng salitang “lagay” ang “kinalalagyan” o lunan ng isang bagay, marahil sa isang pag-usad, pagsulong (o pag-urong, hindi kaya?).  At kung idadawit pa ang Espanyol na anyo nitong “estado”, baka hindi na rin maiwasang idawit, ngayon pa lamang, ang pagiging nakalugar ng usapin ng pag-uusisa sa lagay ng panulaan, sa pook na bumibigkas, nanalinghaga dito.  Ang pagtatanong hinggil sa “lagay” ng “Panulaang Filipino” ay nakasalalay kung gayon sa lapot ng kahulugan ng salitang ito na nagtatangkang pulsuhan ang tula bilang isang mahalagang praktika ng pagpapakahulugan.  Kailangang dumaan tayo sa pakikipambuno sa salitang ito upang higit na mapalitaw ang saysay ng panulaan para sa kasalukuyang panahon, at sa kasalukuyang mga makata.  Sa pamamagitan nito, mauusisa natin nang husto ang orisonte ng mga posibilidad ng mahalagang tanong ng tangkang paliwanag na ito: papaano babasahin ang Panulaang Filipino ngayon?  Mga posibilidad sapagkat talaga namang marami.  Sisikapin kong makapaglahad ng substansyal, sa pamamagitan ng pagliliwaliw sa mga lunan ng pangunahing kaisipang mararating natin ng pagdalumat, at sa huli, pagbasa ng mga tulang sa ganang akin ay maaaring magpakita ng ilang pangunahing problematika ng panulaang inilulugar natin sa ngayon, at inilalarawan natin bilang “Panulaang Filipino”.  Samantalang ninasa ko ang maging mas masaklaw sana (at napakahirap nito; patunay diyan ang unang borador ng sanaysay na ito na isinulat ko noong nagdaang Mayo), nakatuon lamang ang talakay sa mga tulang nasusulat sa kinikilala nating “Pambansang Wika”, sa Filipino, bagaman may iba na rin akong mga pagbasa sa wikang ito, na makikita sa mga susunod na salaysay.

Bilang isa ring tumutula, masayang isigaw na lamang ang tugon na malusog, malusog ang panulaan!  Ang taon pa lamang na ito, ang 2013, na animo’y “taon ng tula,” wika nga ng isang makata, ay kapanapanabik na taon ng paglabas ng mga una at bagong aklat ng mga tarikan at baguhan.  Sa ili na ito ng ating bayan na kakaunti ang pagkakataong makapaglathala, lalo na ang makapagpalibro, sagana nang maituturing ang ani ng panulaan.  Dapat nang tagayan.  Kaya mahirap kung ipipirme lamang sa Filipino ang talaan, sapagkat wika nga, may lakas sa bilang.  Sa pag-alam ng “lagay” ng “Panulaang Filipino”—na hindi na lamang dapat maipook bilang Tagalog o Ingles, kundi pagsasaklaw na rin sa diskurso ng matulaing proyektong isinusulat sa mga wika ng rehiyon—kailangan nating pagsama-samahin ang buong produksyon upang makita ang kabuuang paglalawas sa panulaan at upang kumawala na rin sa di kritikal na kompartamentalisasyong nakabatay sa lupalop, maging sa kinaaanibang samahan, o piniling politika, na bagaman mga lehitimong usaping nagpapaliwanag hinggil sa pagtula ay nauuwi rin madalas sa fetishisasyon—ng kabukuran, ng pagkakaiba, ng pagiging “bago”—at kung saan ayaw kong makanal.  Ang tanong hinggil sa “lagay” ay pag-uusisa sa kalusugan sa isang katawan, sa lawas na ito ng panulaan.  Bagaman sari-sari ang pook ng mga pintig ng tula sa katawang ito, isang buong katawan itong pinakikiramdaman, pinupulsuhan.  Sa kabuuan, ano ba ang masasalat na mga pintig?  Ano ang sinasabi ng katawan ng Panulaang Filipino?  Naririto, marahil, bagaman hindi ito depenitibo kundi mga sintoma, na maaaring ituring na mabuti at masama: ang apat na pangunahing palathalaang akademiko sa Filipinas ay patuloy na naglalabas ng aklat, kaakibat ang mga umuusbong na palathalaang akademiko sa labas ng Maynila, wika nga ng isang hinahangaang iskolar.  Naririyan din ang mga makatang masasabing nasa labas nitong Maynilang ito ngunit nakikipagtalastasan at minsan pa nga ay nilalampaso ang diskursong pampanulaan ng Maynila (kapuri-puri ang mga Ilokano, Bikolano, at Hiligaynon-Kiniray-a sa mga hakbanging ito; hindi pa natin naririnig ang Mindanao).  Paminsan-minsan, nasusumpungan natin ang mga komersyal na palathalaan na naglalabas ng mangilan-ngilang aklat ng tula.  Buhay na buhay naman ang palathalaang independiente, na nangangahas na ipabasa ang madalas marahas na pangangahas (mabuhay ang pagpaslang sa mga ama-amahang pampanitikan!).  Sa panahon ng paghihingalo ng tula sa naghihingalong Liwayway, may mga journal na sa internet na mapagpapasahan ng mga akda.  At malakas ang loob ng maraming makata na makipagpalitan ng talinghaga sa mga kabagang sa ibayong dagat sa pamamagitan ng paglalathala, iskolarsyip, at mga residensya.  Naantolohiya at naisasalin na ang ilan sa kanila.  Bahaging-bahagi na tayo ng diskurso, hindi tulad noong unang panahon na halos ituring tayong salingpusa sa maraming aspekto ng talastasang pangkultura.  Ang mismong katotohanang may tumutula pa, sumasali sa mga palihan at patimpalak, at gumagamit ng bagong midya sa matulaing proyekto ay higit pa sa sapat na katibayan ng panimulang tugon sa mga tanong hinggil sa “lagay” (kung hindi nga lamang ito pinroblema na nang mga nagdaang panahon).

Ngunit ayokong maging palagay na lamang sa ganitong pagsuhay sa eksternal na mga patunay, maging sa mainiping historisismo ng kasalukuyan, o ng kailan lamang.  Sa isang panahon, itinindig ni Virgilio S. Almario ang “banggaan” ng Balagtasismo versus Modernismo bilang buod ng Panulaang Filipino, ng mga salik at tunguhin nito.  Mahalaga ang sinasabi niya sa kaniyang aklat, na tumuturol din sa dalawang pangunahing diwa ng tula na bumabalangkas umano sa ating kamalayan—ang pagtulang “palabas” (na kinakatawan ng mga salawikain, at marahil ng Balagtasismo) at ang pagtulang “paloob” (na kinakatawan ng mga bugtong, at marahil din, ng Modernismo).  Madaling maghanay sa animo’y dalawang polaridad na ito ng “banggaan”, na kung mamasdang maigi ay diyalogo rin naman.  Ang diyalektika ay paghaharap ng mga panig, at ang paghaharap na ito’y tiyak din namang palitan at pagpapayaman ng mga tradisyon, bukod sa hidwaan.  Ang sarap pagpukulan ng titig ang salitang “palitan” dito dahil kung nagiging mabilis ang bigkas, palitán, nagiging imperatibo ang himig nito, na maaaring tumukoy sa isang radikal na aksyon ng pagbabago o pagrerebisa.  O pagtanggi sa nakamihasnan, sa status quo, tulad ng sa politikal na tama na, sobra na, palitán na.  Ngunit nagiging malumay ang saysay nito sa palítan, na tumutukoy naman naman sa magkaayong transaksyong na namamagitan sa dalawang panig na naghaharap.  Kaya kung kanina’y kailangan nating ilugar ang pagtatanong hinggil sa Panulaang Filipino ay kailangan din nating itindig ito sa kahit isang balangkas ng kasaysayan, na namumuhay sa mga ganitong mapahiwatig na palitan.  Halimbawa’y paniniwalaan natin si Almario, at ititirik natin ang pinag-uusapan nating “Panulaang Filipino” sa pagkakasaysayan ng Balagtasismo versus Modernismo: nasaan na ito, matapos na matuldukan ang huling pangungusap ng libro?  (Na may kaakibat pang isang interesanteng tanong: mapapangalanan din ba natin ngayon ang bagong nilalang na supling ng dalawang kilusang ito?  Puwede kaya ang “Modernong Balagtasismo” o “Balagtasistang Moderno” bilang katawagan?  At ano ang magiging katangian?)  Marahil, isa pang magandang tanong ay: natapos na nga ba ang Balagtasismo versus Modernismo na isinalaysay ni Almario?  May hinala akong hindi pa.  At kakatwa itong hinalang ito, lalo sa panahong nagbabandera ang marami ng mga panibagong “abangandismo”, at samutsaring ebanghelyo’t eksperimentong angkat mula sa mga neoimperyal na lupalop, at wari’y binubura ang ating konteksto.  Na hindi naman talaga masamang-masama, dahil ang mga ganitong kilusan mismo ang humubog sa “Balagtasismo” at “Modernismo” ng mga panahong pampanitikan na ikinasaysayan ni Almario.  Ang nakasasama, sa palagay ko, ay ang kawalan ng kritikalidad sa pag-unawa ng mga nagtatagpo, nagtatagisang pag-aanyo at pananalinghaga na bumubuo sa lawas ng “Panulaang Filipino”.  Sakaling tinatanggap nga natin ang mga kategoryang “Balagtasismo” at “Modernismo”, hindi naman natin kailangang pumili ng panig, wika nga.  Hindi ba mas maganda ngang isipin na naroroon ang dalawang espiritung ito sa kaibuturan, lumulubog-lumilitaw, wika nga ng bugtong?  Ang dalawang ito, itatwa man o tanggapin, ang humuhubog sa ating matulaing kaisipan.  Ang naglalambong na liriko at lumbay natin ay aral ng Balagtasismo; ang naghihimagsik na bisyon at berso natin ay turo ng Modernismo.  Sa pagitan ng dalawa matatagpuan ang mga sumunod na kilusang nagtangkang pumaroo’t parito sa maraming prusisyong nagtutuloy sa mga simbahan din ng dalawang ito.

Kaya marahil higit kong nais na magnilay ngayong pinag-iisip ako hinggil sa “lagay” ng “Panulaang Filipino”.  Hindi ko rin maiwasang ilagay ang mga ito sa panipi, dahil nababatid kong sa panahon ng pagduda at pagpapaliban (ikaw ang hari at guro ko, Derrida!), masarap isipin na ang mismong pag-iisip hinggil sa “lagay” ng “Panulaang Filipino” ay nangangahulugan ng pangangailangang titigang mabuti ang mga salita—na hindi ba mismong praktika at disiplina rin ng pagbabasa ng tula?  Bakit tinatanong ang “lagay”?  Kapag may sakit ang tao, o kung napaano, ganoon din ang tanong. Ano ang lagay?  Maaaring, mabuti na ang lagay, o masama ang lagay.  Maaari ring hindi matiyak ang lagay.  Ang “lagay” ay nagiging isang imahen na maaaring nakapagpapanatag, nakapanlulumo, o nakatitigalgal.  Isa pa, sino ang interlokyutor?  Sino ang tinatanong?  Sa pagbigkas ko halimbawa ng malusog, malusog ang panulaan!, sino akong may kakayahang pumulso?  Anong pinakamatuwid na posisyon ang nararapat sa aking umaamin na aktibong nakikibahagi sa mga gawain ng pagtula?  Sa palagay ko, madadawit na rin dito ang tanong hinggil sa lalim at lawak ng “pagkakakilala” ko sa nilalang na itong tinatawag na “Panulaang Filipino”, na totoo namang balangkas ng haraya, at nagmimithing igiit na mayroong tula at mga tumutula sa panig na ito ng daigdig.  Ngunit ano nga ba ang lahat ng mga pag-uusisang ito—na tunay namang katha ng sinasabi’t nagwakas nang pihit pa-wika—kundi paghahanap ng balangkas, paghahagilap ng anyo?  Nang simulan natin ang pagbabalik sa katawan bilang talinghaga, muli at muli nating ipinagunita ang halaga ng anyo, at kung papaanong nawawasak ang ideya ng construct sa pagpaparam, pagdedestrungka ng nilalaman, sa signifié.  Ang tula, sa una’t huli, ay paghahanap ng anyo, at sa Filipinas, ang pagtula ay masasabi kong paghahanap ng anyong “Filipino”.  Isa itong pakikipagsapalaran ng makata sa isang poskolonyal na kairalan.  Isang pagsilang pa-muli, isang muli at muling paglalakbay, isang pagharap sa libong pagkabigo at kamatayan, isang resureksyon, sa ngalan ng paghahanap sa bugtong na birtud ng pag-aanyo.  Nasaan nga ba sa katawan?  Sa tierra ng mga tanaga, diona, at dalit na itinala ng mga prayleng nag-aral ng ating mga wika?  Sa Jerusalem ng Pasyon?  Sa Berbanya ng Ibong Adarna?  Sa Albanya ng Florante at Laura?  Sa patria adorada ni Rizal?  Sa tinubuang bayan ni Bonifacio?  Tayong binukod ng mga pananakop ay nagnanasang maunawaan ang mabalintunang pagkakabukod natin.  Sa tula, binubukod natin ang ating danas, sa ngalan ng makasining na obhetismo, upang malayuan, matitigan ang matulaing saysay nito.  Samantalang inaalam natin, maaari, sa pinakabukal na paraan, ang lagay ng panulaan, itinatanghal din naman natin ang kabukuran natin, ang ating pagiging kapwa taga-usisa at paksa sa usapin.  Naririyan ang ating katawan, ang ating anyo.

Kaya, patawarin nawa ako, sa aking pagliliwaliw sa landas na ito ng pagtatanong hinggil sa pagbasa ng “Panulaang Filipino” ngayon, at sa aking madalas na paghingi ng tawad sa bawat binibitiwan kong salita.  Namumuhay ako bilang palaisip sa bansa ng duda, ng palagiang paghimpil upang magnilay.  Batid kong hindi mahahawakan kailanman ang katiyakan.  Marahil, ang pagiging laboy ng kamalayan ko’t palaging tigatig ay larawan din ng loob ng personang Filipino na namumuhay sa hypermediasyon ng maraming bagay: panitikan, kulturang popular, birong kami-kami lamang ang nakaaalam, mga laro sa salita at pun, atbp.  Malayo-layo na rin naman ang narating ng persona sa panulaang Filipino, mula sa pagsisimula niya bilang manlalakbay sa gitna ng bagyo at rilim.  Ngunit naroon pa rin siya sa gitna ng bagyo, na ngayo’y higit ang lupit at hagupit, sapagkat nagbagong anyo na ito mula sa pagiging relihiyoso at kolonyal na krisis patungong krisis na may kinalaman sa klima ng “posmodernong” sindak at ligalig, isag krisis na totoong personal at tungkol sa sarili.   Sa tangka kong bigyang-anyo ang “Panulaang Filipino” napadpad tuloy ako, muli at muli, sa tulang “Loser” ni Lolito Go (mababasa sa Likhaan 5), na sa palagay ko’y nagsasatinig at kumakatawan sa pag-aanyo sa “tulang Filipino” sa panahong ito ng ligalig, at pagkababad sa sinasabing hypermediasyon.  Sa isang palihan ko unang nakaenkuwentro ang tula at makata, at agad akong napukaw ng bagong ideya ng kumpisal na tinatangkang tupdin ng akda (hindi na niya kailangan si Sebastian de Totanes).  Ang sabi ng kaniyang unang linya: “Nag-unahan pa kaming ibrodkast ang napaagang wakas/ ng aming pag-ibig…”  Importante rito ang kakatwang pandiwang “ibrodkast”, ang pandiwang talamak ngayon sa popular na kaisipan.  Sa Facebook at Twitter nagaganap ang pag-uunahang nabanggit—ang pag-uunahan ng dating magkasintahan na ihayag sa buong daigdig ang kanilang hiwalayan—at maláy na maláy ang “celebritypikadong” persona sa pagiging animo’y “showbiz gimmick” ng pagpapaliwanag hinggil sa “closing ceremony ng aming hit teleserye.”  Naghihimutok ang persona sa naputol na relasyon, na may mediasyon ng social network.  Naghihimutok din siya bilang isang katauhang binabagyo ng kasalukuyang mga kahingian.  At dahil papalit-palit ng mga koda at namamangka sa ilog ng Ingles at Filipino, madaling naihambing ang obrang ito ni Go sa mga akda ni Rolando Tinio, isang moog ng Modernismo.  Ngunit masdang mabuti itong pagpapalit-palit ng diwa at wika dito, na buong tapang na naglalahad ng kritika laban sa kababawan ng mga kasalukuyang ugnayan, habang inilaladlad—hinuhugot sa pinakamalalalim na niloloob—ang sariling talambuhay at iba pang partikularidad:  “…Perhaps she’s right./ Ang buhay ko’y isang walang katapusang hunger strike.”  Nakalugar ang persona sa isang mapaniil na lipunang inilalarawan niyang “capitalist reality”, at wala siyang magawa kundi maging normatibo at katanggap-tanggap.  Naibigan ko ang tulang ito noon, at higit kong naunawaan ang suliranin ng persona nito, ngayong iniuugnay sa mga kasalukuyang proyekto ng pag-aanyo sa “Panulaang Filipino”.  Bilang poskolonyal na gawain, palaging problema ng pagtula sa Filipinas ang pagkilala at pagpapakilala sa sarili, at ang mga kalituhang binabata sa pamomroblema nito, na siyang palagiang bagyo ng pagkataong pambansa.  Kaya mahalagang-mahalagang sintoma ang persona ni Go sa kabuuang paghahagilap ng lawas ng persona sa tula sa Filipinas.  Inilulugar nito ang litong sarili sa kawalang-lugar, kasalatan, at kamangmangan ng ngayon, na sa tula ay isang espasyo ng salimbayang intertekstwal at interpersonal, habang iginigiit ang maaaring “katauhan” ng sarili gamit ang mga personal na detalye, bagaman lagi’t laging binabagahe ng isang tanong: “Kailan ka ba gigising?”  Ganito rin, sa palagay ko ang maitatanong natin hinggil sa katawang ito ng “Panulaang Filipino” na winawari natin bilang praktika ng pagpapakahulugan ng kasalukyan.  Kung ang persona sa tula ni Go ang tatanungin, naririto ang nilalang na ito na inilarawang “(s)ining ang…(isina)saing at hangin… ang (inuulam)”, : “Napakarami ko pang kayang gawin, tanggap na po ba ako?”  Sa tula, inuuyam ng persona ang proseso ng aplikasyon sa trabaho.  Sa pagkakataong ito ng pagninilay, tanong ito hinggil sa panauhang pinapagsalita natin bilang tayo, bilang kinatawan ng ating katauhan—na isang anyo rin ng pagharaya, pagrereklamasyon sa sarili.  Tanggap na ba natin ang katauhang ito?  Higit sa lahat, kilala ba natin?  Nagmamadali ang panahong ito na makilala ang sariling ito.  Kontrapuntal ang tula sapagkat bilang sining, naglulunoy ito sa konsentrasyon, sa pagtitig na hindi nagmamadali.

Tulad ng pag-alam sa poetikong katauhan, paghahanap din ng anyo ang pagsisiyasat sa mabagyong nakaraan, na magpahanggang ngayon ay paksa ng makatang Filipino. At nararapat lamang na problemahin ito sapagkat taliwas sa paniwalang maikli ang ating gunita, ang pinakamalaking suliranin talaga natin, sa aking palagay, ay ang kakayahang maging mapanuri sa mismong paggunita, sa mismong pagbalangkas at pagkakabalangkas sa ating gunita.  Itinungtong natin sa kasalukuyan ang “Panulaang Filipino”, at dahil sa kaniyang danas ng disorientasyon sa mga bagay-bagay sa pook at panahong ito, kailangan niyang katawanin ang mga kontradiksyon ng kaniyang kaakuhang lumalakad sa banghay ng kasaysayan, upang kahit papaano’y higit na mahinuha ang kahulugan ng kaniyang pag-iral.  Nagsasangang diwa para sa akin ang salitang “kontradiksyon” dito dahil hindi na lamang ito nangangahulugan ng salungatan ng dalawang bagay (na maaaring bumuo ng isang marikit at Pormalistang balintuna).  Dalawang salita ang kinakatawan ng “kontradiksyon” sa etimolohiya—ang “kontra” ay pagsalungat, at ang “diksyon” naman ay halos kaugnay ng salaysay bilang “pumpon ng mga salita.”  Sa isa pang tulang ibig kong pagnilayan, ang “Martial Law Baby” ni Alwynn Javier (mababasa sa aklat ng makata na Ang Pasipiko sa Loob ng Aking Maleta), itinatanghal ang pagsasangang-diwang binabanggit bilang lohika ng interogasyon ng nagdaan, at bilang isang kasalukuyang pag-aanyo ng Tulang Filipino, isang pagsisiyasat ng sariling mga pagpapakahulugan sa “katha” at “pagkakakatha” ng nakaraan.  May kumpletong ahensiya ang persona sa pagsusuot niya ng pagiging katauhang “supling” ng panahon ng diktadurya.  Muli at muli niyang ginagampanan ang trabaho ng pagkontra-paglalahad, pagkontra-memorya, na nailarawan na ng isang kritiko hinggil sa mga kuwentista at nobelista natin sa Ingles na parang hindi makausad sa paksa ng Batas Militar at paniniil ni Marcos.  Ngunit isang buong proseso ng pagpaslang na Edipal pa nga ang tinutupad niya, at hindi lamang basta-basta paglalahad, pagbubunyag ng mga di na rin naman lingid na rimarim at kasamaan (na sa palagay ko’y hanggahan ng katha; mahaba-habang salaysayan ang lagi nitong kailangan).  Ituturing niyang “idolong ama”, “diyos ama” sa simula si “Apo Lakay”, na minamasdan sa pagkakahimlay sa salaming ataul sa mausoleo sa Batac, Ilocos Norte, at titingnan at titingnan niya ang labí nito bilang sinekdoke ng kaniyang personal at pambansang kasaysayan.  Maraming pangamba ang persona sa harap ng kaniyang halimaw, gayong tiyak siya sa maraming “kabutihang” idinulot sa kaniyang pagkatao ng lipunang nasumpungan niya, ang lipunan ng Martial Law: “Binata na ako, aking ama./ Di ka pa rin naaagnas gayong alabok na/ ang iyong alaalang ipinagtutulos ko/ ngayon ng kandila…”; “Papaano kita lilimutin gayong/ binibigkas ko ang tabas ng iyong dila?”; “Paano ako aalma?/ Magmartsa man ako sa Mendiola,/ nakahambalang pa rin ang iyong barikada.”  AlaalaPaglimotPag-alma.  Pawang mga diksyon na kumakatawan sa bokabolaryo ng pagrerebisa, pagbabaluktot sa saysay ng yugtong mabagyo na iyon ng malapit na kasaysayan.  Sa “muling pagpaslang” ng persona sa amang ito, muli niyang sinasalita ang agon ng kaniyang malay at pagkatao, na muli at muli ring inilalahad ng mga kuwentista natin sa maikling kuwento at nobela.  Ngunit binibigyan niya ng tinig ang persona rito upang siyasatin ang diksyong umiiral, nakatitik sa pagkatao.  Sa pamamagitan nito niya nasusumpungan ang kontradiksyon na aking binabanggit sa simula.  Sa pagpapasapi sa multong ito ng nakaraan, nagagawa niya ang sariling eksorsismong pinagliliyab ng “lahat ng naipong poot”.  Si Marcos ang deus ex machina, wika nga at kailangan nang takdaan ang kaniyang “katapusan”.  Tumatakas ang saysay ng mga pangyayaring ito ay “itinatakas” ng persona ni Javier ang makahulugang bisa ng diktador upang kaniyang mapaglagablab at masupil.  Ang mismong salitang “diktador” ang nagpapahiwatig ng motibasyon sa likod ng nasang humulagpos sa pagkapiit ng persona sa kahulugan.  Sa huli, sa pagpaslang na tutupdin ng persona, matapos ng eleganteng ligoy ng paglalahad ng kaniyang karakterisasyon bilang “mabuting” mamamayang supling ng bagyo ng diktadurya, aaminin niya ang sariling parikala: “Ako ang tagapagmana ng iyong impiyerno.”

Ang pagpaksa sa nakaraan ay pagsisiyasat din sa kung papaano tumitingin ang Panulaang Filipino sa kaniyang kasalukyang kaligiran, ang kilometro zero ng pag-iral.  Ang ipinahihiwatig na tanong ng persona, ang ano ba ang totoo, ay may kinalaman sa madalas na pagtatanong natin hinggil sa ating realidad at danas, sa lupalop na ito ng bayang sawi.  Sa panahong ito.  Kadalasan, wala itong anyo, mahirap malirip, at hindi sumasapat ang mga hypermediasyon na kinalulugdan ng marami.  Kailangan nang higit na matamang pag-usisa, ng solidong paggalugad.  Kaya naghahanap ang Panulaang Filipino, lagi’t lagi, ng anyo—ng kahit papaano’y tiyak na hubog na magiging katawan, kinatawan ng paraan ng pagtingin nito.  Kaya sa kabila ng pagpasok ng maraming interesante’t kamangha-manghang “bagong” pag-aanyo ng panulaan—mulang konseptwal na pananaliksik hanggang kakatwang paglulubid ng salita—hindi pa rin namamatay ang ideya ng anyo, na madalas iniuugnay sa “tinalikuran” nang Balagtasismo ng mga “Modernista”.  Na sa palagay ko’y isang lisyang pagbasa sa ugnayan ng makatang Filipino sa anyo.  Sa bahaging ito, nais kong bigkasin ang ideya ng katatagan, na kung sa anyong pampanulaan ay nagiging mahusay na lunsaran ng poetikong pagtinging tigib sa estabilidad—sabihin mang ito’y kathang katuturan din.  Kailangan ito, at tinatanggap na kailangan ito ng nilalang na tinatawag nating “Panulaang Filipino”.  At  hindi na lamang ito tumutukoy sa mababaw na usapin ng pagwawaldas ng oras sa pagsisimula (at pagpapapiit) ng makata sa anyo bago magberso libre—isang simplistikong pananaw ng ilan.  Ang tula ay anyo sa mula’t mula, at hindi nito matatakasan ang ganoong katangian ng katatagan ng bigkas.  At ang katatagan dito’y hindi na rin lamang tumutukoy sa tiyak na bugso ng bigkas sa taludtod, saknong, at buong tula.  Ang kakatagan dito’y matatag na pinamumuhatan ng tingin, ng pagbaling sa danas, na kahit nahaharap sa kalituhan at ligalig na siyang daigdig ng makatang Filipino, ay nakapagrerehistro ng mga paninindigan.  Ang anyo ng tula ay mismong talinghaga ng ganitong pangangailangang kathain ang ating kakayahang tumugon sa ating danas sa tuwi-tuwina.  At halimbawa ng ganitong katatagan ang kamakailan lamang na ipinamalas ng papausbong na makatang si Patrick Quintos, na itinutudla ang kasalukuyang mga danas ng sindak, habang nakatungtong sa estabilidad ng anyo.

Gusto kong maging bala

 

Balang ikinarga sa isip ng gipit.

Balang ibubuga sa simpleng kalabit.

 

Tinggang ikinasa ng tákot sa digma.

Kapag ipinutok, iyak ang katugma.

 

Matuling lilipad at di maliligaw.

Tagô sa kamera’t mga balintataw.

 

Malaya’t payapang guguhit sa hangin.

Mainit na bakal ng mga dalangin.

 

“Sa ngalan ng ama’t espiritung anak.

Aba, inang luksa sa bahay na wasak.”

 

At tatagos ako sa ano mang dingding.

At tatagos ako sa lahat ng daing.

 

At balang babalik sa sariling hungkag.

Tahimik sa wakas: Basyong malalaglag.
Ang anyo ay kopla, ngunit may sukat na lalabindalawahin sa sesurang anim—ang taludtod ng Florante at Laura.  Tiyak na tiyak sa pagpapausad ng kaniyang tugon sa isang digmaan, maging sa pagpapaigting ng damdamin ng persona-bilang-bala, gamit ang piniling pares para sa mga monorima, na nagsasakatawan ng ingay, sagitsit, at pinsala ng sinekdokeng ito ng kaguluhan.  Sa piling ng bagabag, na matulaing kaisipang inihahayag ng persona, tumatayo ang makata sa balangkas ng tradisyon upang masiyasat at sa huli’y masapol nang mabuti ang epekto ng karahasan at digmaansa tao.  Madaling maibigan ng mga Pormalista ang tulang ito, hindi lamang dahil sa pagpili sa anyo, kundi pati na rin sa matulaing katahimikan na ipinahihiwatig ng mismong malikhaing pihit ng pagnanasang maging bala, na walang sinisino at ang batas lamang na sinusunod ay ang pagtahak sa direksyon ng pagkakapaputok dito.  Ngunit ang madalas na hindi nahahagip ng marami ay ang mismong ideya ng “katatagan” ng anyo ng tula bilang halagahan sa pagharap, lalo sa mga ganitong maunos na sandali sa kasaysayan.  Kailangan natin ang katatagang ganito sapagkat hindi maaaring manatili tayo sa pagkamabuway.  Binabagyo tayo ng alinlangan bilang kultura, at nasa isang ideya ng matatag na pagtalima ang higit na mas makapangyarihang pananaw.  Sa dakong ito ng katatagan tayo nakasasapol, tulad ng tulang ito.  Ang krisis ng makatang Filipino ay ang krisis ng pag-aanyo, at hindi siya naghahanap ng anyo upang itanghal lamang sa isang artipisyo ang balanse at ganda ng kaniyang saloobin.  Hindi niya maaaring sayangin ang sining sa ganoong makasariling hangad.  Kailangan niyang tibayan ang kaniyang dibdib upang matitigan, mata sa mata, ang kaniyang kalituhan, maging ang kasaysayan.  Kailangan niya ng matibay na matitindigan upang maisiwalat ang kaniyang nakikita—na madalas ay tinatanggihang makita ng marami.  May ideya ng katiyakang ipinahihiwatig ang tunog ng tatag,  sa mabilis nitong bigkas at halos ultimang pagparam sa tunog habang nabibikig ang lalamunan, habang bumibitaw ang ulinig ng huling pantig.  Ngunit naroroon sa pagbigkas na iyon ang posibilidad ng pagsagot, ng panunuligsa, ng pagkakamit-muli ng tinig matapos ng makailang ulit na pagkakapipi o pananahimik.  Sa tangkang pagpasok ng persona ni Quintos sa kamalayan ng bala, namalas niya ang lamig nito’t kawalang-pakundangan.  Mananakit ito o papatay sapagkat iyon lamang ang tangi nitong alam.  Pupuksa ito at maminminsala gamit ang bugtong na kapangyarihan.  Kahit nakakitigalgal ang mga imahen, ang maláy na pagpili sa anyo ang nagpatatag sa paninging ito, na paningin din ng maraming nasasangkot, at nakikisangkot sa pag-iral na Filipino.  Ang pagtingin ay hindi lamang pagpili ng titingnan, kundi pagsisiyasat din ng nakikita.  Kung nakatindig sa isang matatag na lunan, nagiging mas matalim ang namamalas na kaanyuan.

Sa haba ng ikinatalogo kong mga tanong sa sarili hinggil sa pangunahing tanong natin sa sanaysay na ito, may ilan akong mahahalagang kabatiran: una na riyan ang pananatili ng pag-iral ng ideya ng “Panulaang Filipino” na bagaman mahirap mabigyan ng buo at ganap na anyo sa ngayon ay lalaging magiging buhay at pumipintig.  Sa katawang ito nagkukrus ang landas ng lugar at kasaysayan, sapagkat sa mga ito binibigkas, nilalalang ang “Panulaang Filipino”—sa lupain nina Lam-Ang, Aliguyon, Labaw Donggon, at Bantugan; umiiral din ang nilalang na ito sa kasaysayang tiyak namang lagpas pa sa nalalaman at ipinaalám ng pagkakasaysayan mulang 1521.  Na nabuhay ito sa kabila ng maraming bisyo ng kolonyalismo, at balakid ng pagkakataon, ay mabuti nang senyal para tayain ang lagay nito.  Ang pagtatanong ng lagay ay nagpapatunay ng pag-unlad nito.  Isa pa, sa paglalahad natin ng sarisaring salimuot ng usaping ito, nakalulugod isipin na ang “Panulaang Filipino” ay namuhay, at binubuhay ng krisis, na lumalagpas sa hanggahan ng—bagaman sumasakop din sa—wika, lugar, politika, at estetika.  Totoong napakaliit na bahagi lamang ng panulaang nasusulat sa Filipino bilang representasyon ng kabuuang lawas, ngunit mabuti na rin siguro itong gamiting sinekdoke sa pagkakataong ito—isang panandaliang kalingkingan, kaysa sa tangkang bigyan ng mapanaklaw na metonimya o pangalan—ang Pambansang Panulaan.  May iba pang papel at panahon.  Sa pagtatangkang ilahad ang ilang natatanging tendensiya ng pagtula sa kasalukuyan, hinahangad ang magkaroon din tayo ng pagkakataong masulyapan ang mga problematika ng pagtula sa bansa, na nakatindig sa pagkilala sa sarili, pag-usisa sa nakaraan, at paghagilap ng pinakatamang anyo para sa ginagawang matulaing pagtingin at pagsisiyasat sa karanasan.  Problematika ang ginagamit kong salita dahil dalumat ang sinapupunan at puntod ng tula, isang proseso ng pag-iisip: kapag ginamit ko halimbawa ang “tunguhin” o “pamamaraan” ay para bang tinutuldukan ko lamang ang posibilidad ng aking pagninilay.  Mas gusto ko ang kawalang-katuldukan, ang ideya ng malawak na orisonte, na buháy sa diwa ng dalumat, na mas akmang rehistro sa kasaysayang pampanitikan.  Naniniwala ako na bukod sa pamamaraan, ang nararapat na sipatin ay ang mga bagay-bagay na pinipiling talakayin, tingnan ng makata, na sa dakong huli ay hindi maiiwasang maiugnay sa usapin ng kabansaan.  Para sa akin, ang tula, para maging tula, ay nararapat na lumagpas sa usapin ng kakanyahan at kakayahan.  Lagi’t laging may krisis sa daigdig na ito ng Filipinas, at nang itatag ng ikalawang bugso ng Modernismo sa panulaan ang himagsik sa tula noong Dekada ‘70, hindi lamang itinatag ang modernistang sensibilidad na natutuhan sa mga modelo’t nabasa.  Itinatag din ang sariling tindig sa isang konteksto na nagkakasaysay dahil sa araw-araw na danas ng krisis, mula nang bigkasin nang araw na yaon ng Setyembre 21, 1972 ang sumpa ng diktadurya.  Nag-iba man ang mukha ng pamahalaan ay naririto pa rin ang krisis—o mga krisis.  Kung tama si Almario, mukha ngang ipinagpapatuloy natin ang mga naitatag na pamomroblema sa pamamagitan ng reklamasyon ng sarili, kontrapuntal na pagbasa sa kasaysayan, at pagpapaloob sa katatagan ng tula bilang anyo, sampu ng iba pang problematika.  Ang tula ay problematika, at pamomroblematika, kung gayon, kaya’t hindi basta-basta maisasantabi ang mahirap, masalimuot na pagdalumat na tulad ng ating isinagawa.  Nagkakamali lalo ang nagsasabing ang Filipino ay hindi “teorya”, dahil ang mismong pagkakabit-kabit ng mga salita, ng “Panulaan” at “Filipino”, ay isa nang ngang gawain ng pagdalumat, isang paglukso sa hangin na kundi matutuhang paghusayin ay makahahangal.  Nabubuhay tayo sa teorya habang nagbabasa at sumusulat ng tula.  Ang tula mismo ay teorya, kaya napagpasyahan ko ang ganitong mapagmunakalang salaysay.  Hindi pa tapos ang aking pagbabasa, at wala pa akong maibabahaging katuldukan.  Ngunit sa huli, maaari nating matiyak ang ilang bagay: ang proyekto ng “Panulaang Filipino” ay proyekto ng mga muling pagkatha sa sarili, sa kasaysayan, at sa kinatatayuan—sa arkipelahikong sulok na ito, ang sulok nating takda.  Ang pagbasa kung gayon, sa una’t huli ay paghahagilap sa bait, kaalaman, at kabatirang ipinalilimot o nawawalan ng kabuuan dahil sa mga krisis ng nagdaan at kasalukuyang kasaysayan.

 

 

Lungsod ng Caloocan

Setyembre 21, 2013

 

 

 

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *