Call for submissions to May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong


asw.jpg

Wala raw aswang sa kanilang probinsya. Iyan ang sabi ng isang kaibigang manunulat. Pero sinabi rin niyang kung makakakita ng isang lumilipad,  malamang na galing iyon sa kabilang bayan at nakikiraan lang sa kanilang lugar. Seryoso siya rito. 

Ito ang bisa ng aswang bilang imaheng matagal nang namumugad sa ating kamalayan: kaya nitong magtakda ng mga hangganan sa mundong ating nakikita upang  maitangi ang sarili (pamilya, angkan, tribo, lahi, bansa) sa iba (dayuhan, estranghero, tagalabas, kalaban). At sa ganitong paraan,  hindi nga nalalayo ang aswang at ang nasyon bilang mga konseptong mapagtangi at mapaghati.

Visceral na nilalang ang aswang. Yari sa laman at dugo at kumakain din ng laman at dugo. Kung gayon, kailangang may hiwalay siyang kategorya mula sa mga multo at elemental gaya ng duwende, kapre, at tikbalang. May aswang na lumilipad. May aswang na naglalakad. May nagsasa-ibon, aso, pusa, baboy, kabayo at kung minsan pa nga, halaman. Sari-sari ang pangontra mula asin, dasal, bawang, latigo, itak, palaspas, walis na binaligtad, hanggang sa pag-awit ng mga kantang pangsimbahan. Dahil nakaugat ang mga kaalamang  ito sa mas malalim na kolektibong alaala ng bayan, mahalagang makita ang  kaibahan ng aswang sa mga bampira at taong-lobong ipinagpapalagay na kaniyang katulad sa kanluran. Sa kabilang banda, mahalagang matukoy din naman ang paglitaw niya sa iba’t ibang anyo at katawagan mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Wakwak, sigbin, boroka, balbal, atbp.

Dahil kinakatawan din ng aswang ang mga nagsasalungatang  kasaysayan  kung kaya’t hindi simpleng away  lang ng liwanag at dilim ang puno’t dulo ng kaniyang naratibo. Iba-iba at kung minsan, nagsasalungatan ang mga pagkakaintindi sa aswang. Siya ang switik na magnanakaw ng apoy ng Bulkang Mayon ayon sa alamat mula Albay. Pero siya rin ang masungit na tagapagbantay ng apoy ng Mayon, sabi naman ng isa pang alamat mula Catanduanes. Ang bruhong lumilipad, ayon sa Vocabulario de la lengua tagala nina San Lucar at Noceda.  Ang  panakot na nilalang para huwag abutin ng gabi sa paglalaro sa kalye, ayon kay Landa Jocano. Instrumento siya sa pagsuheto sa mga babaing humahamon sa sistemang patriarkal, ayon kay Herminia Meñez Coben. Ang babaylang pinagsademonyo ng mga prayleng Kastila upang maging manananggal. Siya ang maybahay na maaaring magdulot ng biyaya, sakit at  kamatayan sa kaniyang esposo kung kaya’t laging nasa maligalig na katayuang domestiko, ayon kay Raul Pertierra. Siya rin ang materyal sa psy-war propaganda ni Major General Lansdale sa kaniyang kampanya laban sa mga rebeldeng Huk. Siya si Maria Labo ng  Capiz at Sorsogon. Siya si Kapitan Gimo ng Dueñas, Iloilo. Siya ang manananggal na sumabit sa antena ng TV sa pelikulang  Shake, Rattle, and Roll IV. Ang atraskyon panturista sa Aswang Festival ng Capiz na sanhi ng iringan ng simbahan at LGU organizers. Siya ang idyomang bukambibig ng mga magsasaka sa kanilang mga protesta, ayon kay Bliss Cua Lim. Kapwa kumakatawan sa halimaw, paghahalimaw, gayon din sa mga hinalimaw. Ang aswang ang liminal. Ang wala sa lugar. Ang hindi mailugar. Gaya ng iba pang mga ligaw na identidad sa ating pambansang imahinaryo.

Nais suungin ng antolohiyang May Tiktik sa Bubong, May Sigbin sa Silong ang sanga-sangang paghimalay sa aswang, sa kaniyang paglipad at pagtawid sa iba’t ibang mga panahon at espasyo. Ito’y sa pag-asang masusumpungan din sa  proseso ng muling pag-aakda sa mitikal na nilalang na ito  ang mga posibleng pagkilala sa mga sariling nagpaparoo’t parito rin sa kung saan-saang sulok at tagpo ng kasaysayan. 

Bukas ang antolohiya sa mga ambag na sanaysay (historikal, personal, analitikal o kumbinasyon) at maikling kuwentong nakasulat sa wikang Filipino. Hinihiling ang pagsasalin sa mga akdang nakasulat sa iba pang mga wikang bernakular. Maaring hindi aswang ang pinakapaksa ng panulat pero kailangan itong magamit bilang mahalagang sangkap sa akda. Maaaring isang lokal na mito ang maging lunsaran ng isang kuwento pero hinihikayat ding gumawa ang may-akda ng kaniyang sariling artistikong interbensyon. Maximum ng tatlumpung pahina ang inaasahang haba. Lagyan ng pagination. 12 ang laki ng font. Doble espasyo.  Maglakip ng maikling bio-note. Banggitin ang uri ng  genre o anyong ipinapasa. Magsama rin ng sertipikasyong orihinal ang ipinasang akda. Ipadala ang manuskrito sa aswang_arkipelago@yahoo.com o sa agnuspress@gmail.com.  Setyembre 30, 2014 ang huling araw ng pagpapasa.    


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *