Mga artista gagamitin ang ‘improv theater’ upang itanghal ang kwento ng mga Lumad


sos.jpg

Sa layuning magpalaganap ng mga likhang-sining at pagtatanghal na halaw sa buhay ng mga mamamayang Pilipino, at upang makatugon sa panawagan at kampanya para sa mga Lumad, itatanghal ng Sining na Naglilingkod sa Bayan isang pangkulturang grupo para sa mga magsasaka, kasama ng Manila Playback, ang SAVE OUR SCHOOLS: isang playback theater performance. Gaganapin ito sa Setyembre 23, 2015 6:30 pm, sa Salud Taguibanwa, 4th Floor, Faculty Center, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Ang playback ay isang orihinal na porma ng improvisational theater kung saan nagkukuwento ang manonood at papanoorin nilang itanghal ito ng mga aktor matapos ang kanilang pagkukwento. Mabilis, interactive at mahusay na instrumento upang maipahayag at marinig ang mga kwento at isyu ng bawat isa sa komunidad. Sa Save Our Schools, ang manonood ay mga estudyante at mga indibidwal na nakpunta at makasalamuha ang mga Lumad sa kanilang pagbisita sa kanilang mga paaralan.

Ang mga Lumad ay isang grupo ng mga katutubo sa Mindanao na sapilitang naitaboy sa pagdaan ng mga taon at nakakaranas ng kahirapan sa kabila ng mga dinadalang proyektong pangkaunlaran sa kanilang mga lugar. Salat sa serbisyong panlipunan, ang kanilang pang araw-araw na buhay ay ang pagyamanin at alagaan ang kanilang lupang ninuno at ipagpatuloy ang nagsasarili nilang mga sistemang panlipunan kabilang ang pagtatayo ng sariling paaralan para sa kanilang mga anak.

Ang kamakailan na mga pagpatay sa mga Lumad, lalo na ang pagpatay kina Emerito Samarca, Executive Director ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (Alcadev); Dionel Campos, tagapangulo ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU); at isa pang Lumad at pinsan ni Campos na si Bello Sinzo, ang muling nagbibigay diin sa matagal nang pakikibaka ng mga Lumad. Mayaman ang kanilang lupang ninuno kung kaya’t malaon na itong gustong pasukin ng mga dayuhang korporasyon ng pagmimina, at ito ang matagal na ring tinututulan ng mga komunidad ng Lumad.

Ang Save Our Schools ay hatid din ng Sentro ng Wikang Filipino, Philippine PEN Writers in Prison Committee, SELDA, Karapatan, at ng Save Our Schools Network.

Ang playback theater performance na ito ay panimulang aktibidad ng LUMIKHA: LUMAYA: Filipino Arts Festival for Freedom sa pagtutulungan ng Philippine PEN Writers in Prison Committee, PUP Creative Writing Center, Concerned Artists of the Philippines (CAP), Samahan ng mga Ex-Detinidong Politikal sa Pilipinas (SELDA), Manila Playback, Sinagbayan-National, KARAPATAN-National at Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *