Mga tula ng mga makata sa Filipino mula 1985 hanggang 2015, inilunsad na at muling ilulunsad ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo


1453438_1109908739028328_2437084373650693196_n.jpg

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-30 taon ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ang paglulunsad ng librong pinamagatang LIRA 30: Tatlong Dekada ng Makatang LIRA. Ito na ang ikaapat na librong inilathala at inilimbag ng nasabing organisasyon. Tampok sa librong ito ang mga tulang ikinatha ng mga makatang LIRA sa loob ng tatlumpung taon. 

Iginawad nina Aldrin Pentero (Pangulo ng LIRA) at RR Cagalingan (Pangalawang Pangulo ng LIRA) ang mga unang kopya ng nasabing libro kina G. Virgilio S. Almario (Pambansang Alagad ng Sining at tagapagtaguyod ng organisasyon), Fidel Rillo (makata at editor ng libro), at Michael Gallego (makata at nagdisenyo ng libro) sa The Oracle Hotel and Residences noong 22 Disyembre 2015.

Sari-saring mga paksa ang tinalakay ng bawat makata sa librong ito: mula sa mga paglilimi sa panahon- “Matapos ang ulan, umiinit/ Ang daigdig, nanlalamig/ An gating mga puso” (mula sa tulang Matapos ang Ulan, Umiinit ni Jerry B. Gracio), mga pinananambitan- “Kung katahimikan ay humahaginit/ Sa silid, sa isip, sa mundong nagulat./ Ang Walang Hanggahan, siyang nakikinig.” (mula sa tulang Naririnig Kaya ni Rebecca Anonuevo), mga muling pagkikita- “Mas mahalaga na nga siguro ang dating hindi mahalaga:/Dahil nagkita tayo at hindi mo naman ako nakilala,/Mas mabuti pang hindi na lamang tayo nagkita.” (mula sa tulang Dahil Hindi Tayo Nagkita ni Giancarlo Abrahan), at mga biling nakasanayang marinig- “Bilin ni Tiya Ana,/ ubusin ang inyong tapsilog,/ huwag magtira kahit kapiranggot./ Kumain nang masigla para maging malusog/ at nang ang inyong katawan ay hindi mahulog.” (mula sa tulang Ang Bisita ni Beverly W. Siy).

Magkakaroon muli ng paglulunsad ng libro sa unang LIRAhan ng taon sa 19 Enero 2016, Martes, alas-7n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Ave., Quezon City. Sa gabing ito, makabibili ng librong LIRA 30 sa halagang 200 pesos, na mas mababa kaysa regular na halaga nitong 250 pesos. Magbabasa rin ng kani-kaniyang mga tula sa libro ang ilan sa mga kasapi. Magbibigay naman ng maikling talumpati ang editor na si Fidel Rillo. Sa pagtatapos ng gabi ay tutugtog ang modern jazz band na Modern Playground. Ang LIRAhan ang buwanang gabi ng tula at musika ng LIRA. Ginaganap ito tuwing ikatlong Martes ng buwan. Ito ay bukas sa publiko.

Upang magkaroon ng librong LIRA 30 at para rin sa mga tanong tungkol sa LIRAhan at sa organisasyon, mangyaring mag-e-mail sa palihanglira@gmail.com o makipag-ugnayan kay Mia Lauengco sa (63) 999 617 3476. 

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Taon-taon, nagdadaos ang LIRA ng palihan at klinikang pampanulaan mula Hunyo hanggang Disyembre. Nagsisilbing tagapanayam at umuupo sa workshop ang mga kilala at premyadong makata at manunulat. Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo Facebook page (www.facebook.com/PalihangLIRA) o mag-email sa palihanglira@gmail.com 

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *