Alvin Capili Ursua maglulunsad ng bagong aklat


ursua.jpg
Mananatiling pagtatangka ang pagtatangka ng isang manunulat na makapag-ambag sa panitikan kung walang pag-aalay sa kanyang kaligiran, sabihin pa, sa kanyang pinananahanan. 
Sa ganitong punto sinisipat ng makatang si Alvin Capili Ursua, kasama ng organisasyong Kataga – Lucena (Panitik at Tanghal), ang paglilimbag ng aklat.

Kaya’t sa darating na Pebrero 12, 2016, 3 n.h., ilulunsad ni Ursua ang aklat niyang Lucena: Dagim at Dagitab sa Maryhill College, Lungsod ng Lucena.

Inaanyayahan ang lahat ng mga gustong dumalo. Magkakaroon ng pagtatanghal ng ilang tula sa pamamagitan ng poetry reading, acoustic performance, at video presentation. Kitakits.

Lucenahim si Alvin Capili Ursua. Siya ang kasalukuyang tagapag-ugnay ng Kataga – Lucena (Panitik) sa Lalawigan ng Quezon. Hinirang siya bilang Makata ng Taon sa Talaang Ginto 2012. Nagwagi rin ang kanyang koleksiyon ng mga Tula (Kumpuni, 2012) at Tulang Pambata (Sisid, 2013) sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Naging guro siya sa Calayan Educational Foundation, Inc. Dagdag sa pagiging manggagawang pangkultura, pumapel siya sa entablado bilang Froilan (Isa Pang Soap Opera, 2014) at Toto (Ang Saya-Saya, 2015) sa panulat ni Reuel Molina Aguila, sa direksiyon ni Marco Antonio Rodas. Sa kasalukuyan, nagtuturo siya sa Maryhill College, Lungsod ng Lucena.

Ang Kataga – Lucena ay sangay na binubuo ng dalawang samahan. Sa panig ng Kataga – Lucena (Panitik) o KaLuPa, lumilikha sila ng mga makabuluhang akda mula sa katotohanan at karanasan ng lipunan bilang kanilang ambag sa pagsulong ng lipunang ito; samantalang pinaninindigan ng Kataga – Lucena (Tanghal) o KaLuTang ang pagtatanghal ng mga akda bilang bahagi ng pagiging manggagawang pangkultura. Patuloy ang pagpatatag ng iba pang sangay ng nasabing samahan: Kataga-Manila, Kataga-QC, at Kataga-Online.

 
 
 
 
 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *