Ilulunsad sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang SAGUPA: Antolohiya ng mga Tula ng mga Makatang Guro ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP sa Pebrero 17, 2016 (Miyerkules), ika-1 ng hapon, sa Bulwagang Bonifacio, PUP Sta. Mesa, Maynila. Kabilang sa antolohiya ang mga tula nina Jomar Adaya, Arlan Camba, Jhonley Cubacub, Marvin Lobos, Maricristh Magaling, Romeo Peña, MJ Rafal at Soliman Santos na pawang mga guro sa ilalim ng Kagawaran ng Filipinolohiya ng PUP at ang nagbigay ng panimulang salita sa antolohiya ay ang premyadong manunulat na si Rogelio L. Ordoñez.
Bukas din sa mga estudyante, guro at manunulat na hindi taga-PUP ang paglulunsad at kasabay nito ay isasagawa rin ang Lektura sa Kasaysayan ng Panitikan sa PUP na ibabahagi ni MJ Rafal bilang tagapagsalita.
Nailathala ang antolohiya sa pamamagitan ng PUP Kagawaran ng Filipinolohiya sa pakikipagtulungan ng PUP Press, PUP Center for Creative Writing at PUP Center for Social History.