BAYAN-BAYANAN:  Antolohiya ng mga Katha sa Lunan ng Gunita
Mga editor: Rolando B. Tolentino at Rommel B. Rodriguez

Ang ika-anim naming antolohiya ng kolaborasyon sa pagtipon ng mga kathang Filipino ay nakatuon ngayon sa mga kathang pumapaksa sa kinalakihan lugar.  Maaaring tungkol sa isang  bayan ng isang probinsiya, o kaya’y komunidad sa lunsod.  Gamit na lunsaran ng naratibo ang kinalakihang lugar, nagiging daan ang katha sa malikhaing pagbalik-tanaw dito upang magkaroon ng higit na pag-unawa sa nakaraan at kasalukuyan. Higit pa, inaasahang mailulunsad ng malikhaing akda ang pagbuo ng malikhaing kasaysayan ng pinapaksang lugar gamit ang personal na alaala’t gunita tungkol dito. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng tagisan at pag-uugnay ang realidad at ang imahinasyon ng manunulat upang maging buo ang pag-unawa natin sa lipunan at kasaysayan.

Ang ganitong paksa sa pagsulat ng katha ay hindi rin naman bago sa kasaysayan at tradisyong pampanitikan ng Pilipinas.  Ilan sa mga manunulat ang nagsulat na hinggil sa mga partikular na lugar bilang lunan ng kanilang gunita na masasabing nilangkapan ng imahinatibo at malikhaing pagsasalaysay.  Sa kuwento halimbawa ni Brigido Batungbakal na “Nagbibihis na ang Nayon,” matalinhagang isinalarawan ang pagbabago’t pagkasira ng nayon gamit ang imahen ni Derang. Gayundin, ang paghiraya sa isang komunidad bilang lunsaran ng tunggalian sa pagitan ng manunulat at ng kanyang kapaligiran ay mababasa naman sa kuwentong “May Buhay sa Looban” ni Pedro S. Dandan.  

Samantala, hindi rin maitatanggi ang paglikha naman ni Roger Sicat sa bayan ng San Roque na magiging lunan ng iba’t ibang tauhang mabubuhay sa kanyang mga maikling kuwento tulad ng “Tata Selo,” at “Ang Kura at ang Agwador.” Ang bagong nobelang “Sa Amin sa Dagat-dagatang Apoy”  ni Mayette Bayuga ay isang mapangahas na akdang tumatalakay sa komunidad ng mga maralitang-tagalunsod ay kung sa paanong paraan nila inaangkin ang yaman, buhay at karapatang lagi’t lagi na lamang ipinagkakait sa kanila ng mga makapangyarihan sa lipunan.  Sa huli, patunay ang mga akdang ito mula sa mayamang balon ng ating panitikan na mabisang maging lunan ang isang malikhaing akda, hindi lamang upang maitala ang lokal na kasaysayan ng isang bayan, nayon, at komunidad, kundi higit pa, magsilbing lunan ng gunita ng manunulat upang maisulong ang ating kolektibong kamalayan bilang isang lahi at bansa.

Katulad ng mga naunang gabay sa mga isusumiteng katha, marapat na nakabatay ito sa mga sumusunod na pamantayan:

1. Politikal ang paksang tinatalakay ng akda.  Bagaman maaaaring magsimula ito mula sa personal na mga hinaing, inaasahang tutugon ang katha mula sa politisasyon ng paksa o kaya na maging kabuuang paksa ng  katha.

2. Kontemporaryo ang paksang tinalakay.  Kung magbibigay ng kathang nakalagak sa nakalipas na panahon, inaasahang maaari itong iugnay sa mga pangkasalukuyang kondisyon ng lipunan.

3.  Nakatuon ang akda sa isang partikular na lugar (bayan, nayon, komunidad, baranggay) na magiging lunsaran ng buong naratibo.

4. May minimum na sampung pahina, double-spaced.

Dadaan sa karaniwang proseso ng pagsala ang mga kathang isusumite. Ang pablisyer ang mayroong huling pasya sa mga ilalathalang akda sa antolohiya.
Ang “BAYAN-BAYANAN:  Antolohiya ng mga Katha sa Lunan ng Gunita,” ang pinakahuling proyekto ng kolaborasyon ng mga editor sa pagpapaunlad ng makabagong kathang Filipino.  Ang tatlong nailathala na sa kolaborasyong ito ay “Kathang-Isip: Mga Kuwentong Fantastiko” (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2011), “Transfiksyon: Mga Kathang In-Transit” (Quezon City: University of the Philippines Press, 2014), at “Like/Unlike: Kwentong Facebook Status at Politika ng Agam-agam” (Manila: Flipside Publishing, 2014).  Ang ikaapat, “Wagi/Sawi: Mga Kwentong Luwalhati at Pighati” ay kasalukuyang inihahanda para sa publikasyon sa tulong at suporta ng UP Press. Ang antolohiyang “Experimental: Mga Kathang Anti-katha,” ay kasalukuyan namang naisumite para sa konsiderasyon ng isang indipendyenteng pablisher.

Maaaring ipadala ang inyong mga akda sa  bayanbayanan2016@gmail.com. Deadline para sa submisyon ay sa Hunyo 30, 2016.