Bagong nobela ni Rogelio Braga ilulunsad ng UP Writers Club


12226405_10153302991016205_240184345_n.jpg

Ilulunsad ng UP Writers Club at ng Balangiga Press ang Colon, nobela ng mandudula at mangangatha na si Rogelio Braga ngayong Sabado, ika-19 ng Marso sa Lobby ng Gonzales Hall (Main Library) ng Unibersidad ng Pilipinas mula 1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon. Ito ay bukas sa publiko.

Ang Colon ay isang nobela na nagtatanghal ng salimuot ng relasyong Moro-Filipino, identidad, at ng mga naratibo ng karasahan sa digmaan at kapayapaan sa pagitan ng dalawang nagtutunggaliang bayan/banwa/bangsa.

“Isang hindi inaasahang bisita ang dumalaw sa huling araw sa lamay ng tumayong mga magulang ni Blesilda. Bitbit ng matanda ang isang lihim sa pagkatao niya na magdadala sa kanya mula sa kumportableng buhay na call center executive sa Maynila patungo sa masalimuot na mga lansangan ng Cebu, sa kabukiran ng Manili sa North Cotabato, at sa kasagsagan ng digmaan sa Mindanao noong panahon ni Marcos, ng karahasan ng mga Ilaga sa Hilaga at Gitnang Mindanao, hanggang sa kasalukuyan sa patuloy na tunggalian ng mga kasaysayan, mga paniniwala, at mga imahinasyon sa lokasyon ng isang nawawalang bayan. Ang Colon ay nobela sa paghahanap ng identidad, ng pag-ibig, ng kapayapaan at kalayaan, at ng mga pinatatahimik na naratibo ng mga tauhan na patuloy na naghahanap ng daigdig na matitirahan lamang sa pagtuklas at pagtakas.” – mula sa pabalat ng Colon.

“Sa panahong nahihirapang makasabay ang pagsulat ng nobela sa ragasa at salimuot ng mga diskurso ukol sa pagkabansa, lahi, at etnisidad lumilinaw ang ambag ng Colon. Tinawid ng may-akda ang kabilang panig ng mga nasabi na sa mga dakilang nobelang Tagalog at maging ang kabilang panig pa ng kabilang iyon nang hindi umuulit sa pinanggalingan. At sa kaniyang pagtawid, mahihirapan nang masundan at masabayan si Rogelio Braga ng mga dapat sanang kasabayan niyang manunulat.” – Allan N. Derain, awtor ng Ang Banal na Aklat ng mga Kumag

Itinatag noong 1927, ang UP Writers Club ay samahan ng mga manunulat na mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas. Kabilang sa mga naging kasapi nito ay mga premyadong makata, mandudula, kritiko, at manunulat ng Pilipinas. Ang Balangiga Press ay isang independent publishing company na nagsusulong ng malayang pagbabasa at panitikan ng pakikisangkot. Magkakaroon din ng pagtatanghal ang UP Repertory Company sa paglulunsad at ilang diskusyon tungkol sa Bangsamoro struggle, Mindanao, at pagka-bansa.  

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *