Ang Sinulat ng Gabi

0

ni RR Cagalingan

Narinig ko na rin ito tuwing mag-aaya at nabanggit na rin ng isang kaibigan sa kaniyang post:

A: Tara, Writers’ Night táyo?

B: Ay, hindi ako pupunta, hindi naman ako writer.

At malungkot ko na lang sasabihin na, hindi naman ganun ’yun basta punta lang tayo. Hindi ko na rin maalala ang eksaktong panahon na inimbitahan akong dumalo sa taunang event na ito sa UP. Pitong taon na rin kami nagpupunta rito at bunga marahil ng pagkakaibigang nabuo sa iba’t ibang pangkat. Hanggang ngayon ay hindi ko na lang inaatang sa sarili ang bigat ng salitang manunulat. O siguro dahil makapal lang ang mukha ko at mahilig talagang uminom. Basta.

Alam kong medyo nahuli ako sa programa ngayon dahil nang silipin ko ang phone ay may ilang mensahe na ang mga kasamang nangangasiwa sa event. Pasensiya na at talagang naging umaatikabo ang biyahe mulang Maynila tungong Diliman. Pero nakaabot pa naman ako para masípat ang eksena, partikular ang marami-raming nagbebenta ng mga aklat—mulang mainstream hanggang sa indie na publikasyon. Parang naalala ko na hindi yata ganito noong nagdaang taon. At siyempre, bumisita muna ako sa booth ng Librong LIRA upang makahingi ng last minute instructions sa paglulunsad ng Ibig ni sir Joey Baquiran. Hindi ko rin nakaligtaang makipag-apir kay kuya Manny ng Anvil. Pramis, ang mamang ito ang isa sa mga pinakamasugid na tagasubaybay ng mga libro sa Filipinas.

Nasabihan na rin ako na magiging estrikto ang programa sa oras. At napakagandang marining ito dahil sa dinami-dami ng event sa lungsod ay normal na ang magpahaba nang magpahaba dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Pagpasok mulang Lung Center (ang designated smoking area ng Univ Hotel na kinaroroonan ng ilang nagbebenta ng aklat) ay sasambulat ang malaking garden area na may trapal at punông-puno ng mga nakasilong na mga manunulat, bisita, manginginom, mangingibig, mutya, at iba pa. Naabutan ko pa ang paglulunsad ng Likhaan 11 at pagbati muli sa mga nakapaglathala sa journal ng ICW. Mabuti at mababása na ngayon nang libre ang Likhaan online kayâ mas lalawak pa ang maabot nito. Kruhay (Mabuhay sa Kinaray-a) nga pala kina Carlomar Arcangel Daona, Mariel Alonzo, Joel M. Toledo, Ned Parfan, Kat del Rosario, Anna Felicia C. Sanchez, Jenny Ortuoste, Thomas David Chaves, Jimmuel Naval, Chuckberry J. Pascual, Nicko Manipis de Guzman, Arbeen Regalado Acuna, Abner Dormiendo, Allan Popa, Jason Tabinas, Joselito D. Delos Reyes, Eugene Evasco, at Charlson Ong.

Pahabol na pagbati pala kay VJ Campilan na nagwagi ng Gawad Madrigal 2017 para sa kaniyang unang aklat na All my Lonely Islands (Anvil).

Sa loob ng silong, pansin na may kaniya-kaniyang puwesto ang mga panauhin. Naging biro na rin naming tawagin itong mga presidential table ng ilang hinahangaang manunulat. Marami ang nagkukumustahan at nagkakampayan. May mga eleganteng manang sa harapan na wagas sa pambubuyo sa mga nagbabasá. Naalala ko ang isa sa kanila na nagpayo sa isang magbabasá pa lámang na, lagyan mo naman ng libog!

Marami rin ang nása labas ng silong, lalo na sa hanay ng mga mas nakababata. Wala naman segurong pagtatangi kung saan nakaupo o nakapuwesto rito o bakâ nahihiya lámang ang iba. Kahit sa gilid ng venue maya’t maya ay may tumatawid na kung sino. Pero natitiyak kong unibersal ang alaala ng basâng damo at putik na kumapit sa mga sapatos at pantalon dahil nga umulan nang kaunti.

May mga kumanta ng mga standard at suwabeng-suwabe ang hagod ng mga bayaw ng Radioactive Sago Project. Nakakatuwa dahil minsan na lang sila makompleto o bihira na talaga akong manood ng gig. May ipinabalik na alaala ang kanilang Black Smoke Blues at para bang angkop rin sa kung anong lumalambong sa kasalukuyang sitwasyon natin. Panalong-panalo ang hulíng kanta ng Sago na kahit tumatakbo ito sa pagitan ng dalawang dekada ay wagas at wasak pa rin ang bulyaw ni Lourd hinggil sa pag-iral natin dahil lahat tayo ay baboy!

May balagtasan din pala mula sa grupong The Makátas. Sorry sa plug: kabilang po ako sa grupong ito. Pero sa dinami-dami ng mga pinagtanghalan, may kakaibang udyok ang ganang sumapi sa amin sa pakikipagtalo. Kasabay na rin nito ang tákot na bakâ ma-next ang mga tugmaan namin dahil nakikinig sina sir Rio Alma at Michael Coroza sa likod.

Nagkaroon din ng open mic kayâ hindi nagpahuli ang mga rapper ng Cannabis Ink mulang Tondo, mga kasapi ng Ugnayan ng Manunulat (UP UGAT), at si Franz “Lion Pants” Pantaleon. Pinakamasaya pa ring makita ang mga batang manunulat na nagtatanong kung maaari silang magbahagi ng kanilang mga akda. Kahit kailan, basta may panahon, hindi táyo dapat tumanggi sa mga nais magbahagi.

Saglit lamang ang open mic at nagbigay-daan pa ito sa kantahan mula kina Charlson Ong (na maituturing na muhong mang-aawit ng Writers’ Night), Marne Kilates (ang makatang crooner ng Daraga), at Celina Cristobal. Habang patuloy ang pagkalag sa awit ng gabi ay inanunsiyo na rin na libre ang beer (nagbigay ang San Miguel Corporation ng labinglimang kahon ng alak bilang donasyon sa piging) kayâ lalo pang lumawig ang posibilidad ng gabi (na malasing lalo?).

Padagdag lang nang padagdag ang kasiyahan ng Writers’ Night kada taon. Kahit saang pangkat o linyang pinagmulan ay bukás ang gabing ito para sa iyo. Panawagan na rin ito sa iba pang kapatid lalo na ang mga nagsusulat sa kani-kanilang pahayagang pangkampus at organisasyong pangmanunulat. Bukod sa mga pangkat, bakâ nga panahon na rin para mas idiin pa ang kahulugan ng Writers’ Night bílang gabi ng pagniniig ng mga manunulat at mambabasá. Dahil ang manunulat ay mambabasá at mahirap maging manunulat kung walang mambabasá. At kung di pa rin umobra ang pangungumbinsi, nasabi ko na kanina na libre ang beer!

 

Kasapi si RR Cagalingan ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at alumnus ng Thomasian Writers Guild (TWG). Naglilingkod siya sa pamahalaan at nakitira sa Lungsod Pasig.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here