Ang Tagasálin Bílang Tuláy ng Karanasan at Kaisipan

0

Noong Pebrero 8-10, 2018, mapalad akóng nakalahok sa únang Saling Panitik: Palihang Bienvenido Lumbera ng UP Institute of Creative Writing (LIKHAAN) sa University Hotel, UP Diliman, Quezon City. Bílang isáng bágong manunulat sa Filipino at nagsisimulang guro ng malikháing pagsúlat at panitikan, mahalagang matutuhan ko ang pagsasálin sa personál at propesyonal na antas. Bagaman kakauntî pa lámang ang nalikom kong danas sa loob ng silíd-aralán, kapansin-pansin ang pagkawálay ng mga tinúturúan kong mag-aarál sa haráp ng mga pampanitikang teksto. Nása Ingles o Filipino man ang babasahín, ang madalás niláng bukambibig, “Ang lalim.” Úpang mapatatág ng (nais na maging) tagasálin ang pagtatangkang makalikhâ ng tuláy sa pagitan ng teksto at mámbabasá, maínam na masaálang-álang ang umiiral na alyenasyon ng nakararami sa wika─na marahil ay ikinadúlot ng mga panlipunan, politikál, pang-ekonomiya, at pangkalinangang kadahilanan.

Sa pagbubukás ng únang Saling Panitik, idiniin ni Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagád ng Sining sa Panitikan, ang madamdámin at teknikal na aspekto ng pagsasálin sa lektura niyáng “Translation and Culture.” Dahil sa dinamikong lagay ng wika sa lipunan, ipinaliwanag niya ang pangangailangan ng mga panibágong sálin ng mga lumàng akda. Bukod sa pagiging maálam sa wika, itinampok niya ang halaga ng pagkakaroon ng malalim na pag-unáwa sa kultura at kamalayán ng mga magiging mámbabasá. Idinagdag niyáng hindî lámang pagtutumbas ng pangangahulugan ng orihinal na teksto patúngo sa katutubong wika ang tungkulin ng tagasálin, dapat ding malimitahan ang pagkakalayô ng magkakaibáng kaisipán at kalinangan sa proseso ng pagsasálin. Sa lekturang “My Practice of Translation: The Vanishing, Relocation, and Transfiguration,” tinalakay ni G. Marne Kilates ang kinauukulan niyáng espasyo bílang tagasálin ng katutubong panitikan patúngo sa Ingles. Nilinaw niyáng may bukód-tangìng paggámit ang Filipinas sa Ingles; inihalintulad niya itó sa sámot-sarìng pag-angkop ng nasábing wika sa ibá’t ibáng panig ng daigdig (hal. Britanya, Amerika, Awstralya, at ibá pa). Dito niya isinakonteksto ang tatlong dekada niyáng karanasan sa pagsasálin. Inilarawan niyáng ‘hindî perpektong sining’ ang pagsasálin dahil kaagad na may nawawalâ sa akto ng pag-alpas ng tagasálin sa orihinal na wika ng akda: ang dapat na tanggapin ng tagasálin bágo pa man siyá tumáhak sa napilì niyáng proyekto. Sa lekturang “Ang Pampanitikan sa Pagsasalin,” tinuunán ng pansin ni Dr. Michael Coroza ang ‘pagsasáling pampanitikan’ (lában sa ‘pragmatikong pagsasálin’) kung saan kinakailangang magkaroon ng kritikal na matá at kabihasnang makapagsulát ang tagasálin. ‘Matálik na pagbása’ ang naging sentro ng diskusyon niya sa pag-unáwa ng ‘simuláing wika’ ng orihinal na teksto at pagbigay kahulugan ng ‘tunguhing wika’ sa isinasáling gawâ; masinop na makahahábi ang tagasálin ng ‘kabilâng búhay’ ng isáng akda sa ganitong paraan. Matimbáng niya ring pinuna ang pagkasalimuot ng pagsasálin ng tulâ dahil sa pagkasiksík ng estruktura ng anyông itó. Tugma, súkat, himig, at tayutay ang ilan sa napakaraming elementong kailangang alalahanin sa pagsasálin ng tulâ.

Pagkatápos ng únang bahagi ng Saling Panitik, hinatì ang mga kalahok ayon sa mga sumusunod na wika: Bikol, Filipino, Iloko, at Pangasinense. Hábang nagkaroon ng kaniya-kaniyang lektura ang ibá’t ibáng pangkat─ang “Pagsasalin ng Tula/Prosa sa Bikol” ni G. Niles Jordan Breis, ang “Mga Suliranin sa Pagsasalin sa Iloco” ni G. Junley Lazaga, at ang “Idioma at Estilo sa Pagsasalin ng Zarzuelang Pangasinense,” ni Dr. Ma. Crisanta Flores─naging bahagi akó ng lektura pára sa Filipinong “Ang Kinomisyong Salin bilang Pagtatanghal” ni G. Vladimeir Gonzales. Malíban sa teorya ng ‘refraction/rewriting’ (ang pagsasálin ng esensya ng gawâ), naging dagdag na pagsúbok ang realidad ng ‘kinomisyong sálin’ sa paglatag ni G. Gonzales ng teorya ng ‘skopos’ (ang layunin ng sálin sa propesyonal na antas). Naatásan ang mga kalahok sa Filipinong magsálin ng isáng bahagi ng dulâng The Seven Deadly Sins of the Petty Bourgeoisie ni Bertolt Brecht nang may mga nakalakip na isá hanggáng tatlong kahingian sa loob ng isáng ‘kinomisyong sálin.’ Dalawang restriksiyon ang pumaloob sa isinagawâ kong pagsasálin ng pangatlong eksena sa dulâ ni Brecht na “Wrath,” ang paggámit sa Maynila bílang lunan sa halip na Los Angeles at paglalagay ng tugma at súkat. Nang pinamagatang “Poot,” sipì ng nagawâ kong sálin ang sumusunod:

 

ANNIE I:

Nakauusad kamí sa bukás at maunlad na lungsod ng Maynila;

Malugod ang pagkupkop sa áming mga ekstra sa siyudad na itó.

Ano ang aantala sa ámin úpang maging marangal at dakila

Kung matutuhan náming maiwasan ang malî, salà, at pagkalitó?

 

PAMILYA:

O áming Panginoon, lubos Ninyong gabayán ang mahal náming anák.

Wagás Ninyong ilantád ang landas na patúngo sa ginhawa at galák.

 

ANNIE I:

Kung higit mong dadamhin ang bagsik ng desisyon at iláp ng hustisya,

Dî mag-aalinlangang magpamalas ng lagim ang Buông Kaharian;

Kung magpápadalá ka, mulî kang ibabalik sa bigô mong pamilya,

Ganap na tatanggalin ang saysáy at dangal mo, at dî ka pagbibigyan.

 

Ang sumusunod naman ang katumbas na sipì ng naging batayang teskto sa Ingles:

 

ANNIE I:

We’re making progress. We have come to Los Angeles

And every door is open here to welcome extras.

We only need a bit of practice avoiding possible faux pas

And what can stop us going straight to the top then?

 

FAMILY:

O Lord, look down upon our daughter

Show her the way that leads the Good to Thy reward.

 

ANNIE I:

If you take offence at Injustice

Mister Big will show he’s offended;

If a curse or a blow can enrage you so

Your usefulness here is ended.

 

Bágo ko subúking maging kritiko ng sarili kong gawâ, gusto ko munang balikán ang lektura ni G. Kilates kung saan iniláhad niya ang pananaw ni Lawrence Venuti hinggil sa pagsasálin, “[T]he translator negotiates linguistic and cultural differences…by reducing them and supplying another set of differences.” Higit na mahabà ang kinalabasán ng mga taludtod sa Filipino dahil nakapaloob ang mga itó sa súkat na may dalawmpu’t isáng pantig at may sesurang 7/7/7. Marami ring nagbágo sa mga imahen, konsepto, at paglalarô ng salitâ─halimbawa, imbes na isinálin ko ang “Mister Big will show he’s offended” bílang “Ipakikíta ni Mamâng Malaki na nainsulto siyá,” naisip kong mas maitatawíd ng linyang “Dî mag-aalinlangang magpamalas ng lagim ang Buông Kaharian” ang diwà ng teksto sa mga mámbabasáng Filipino.

Sa hulíng bahagi ng palíhan, mulîng nagtipon ang mga kalahok; nagpresenta ang bawat pangkat ng mga naging resulta ng kaniya-kaniyang proyekto ng pagsasálin. Sa kabila ng ibá’t ibáng kinamihasnan, umáwit at nagtanghal ang mga kalahok nang taglay ang makukulay at buháy na himig ng apat na rehiyon sa pagtatapós ng únang Saling Panitik. Sa mga ganitong urì ng programa, káyang mapatibay at mapag-isá ang nag-uumápaw na pagkakaiba ng mga katutubong wika sa Filipinas: ang pagtanggap at pagyákap sa kaibahan at ang pag-igpaw dito sa pamamagitan ng pagpapatingkad sa sarì-sarìng kultura ng bansa. Sa muntîng danas na itó at mulâ na rin sa mapagpantasya kong haraya, tinatáhak ng isáng (nais na maging) tagasálin ang puwáng ng alyenasyon úpang magsilbing tuláy ng karanasan at kaisipan sa hangáring mapagtagpo ang daigdig ng liwanag at dilim.

 

Si Mia Jalandoni Sumulong ay ipinanganak sa Jaro, Iloilo at lumaki sa Antipolo, Rizal.

 

Sanggunian

Brecht, Bertolt. The Seven Deadly Sins of the Petty Bourgeoisie. PDF, RevSocialist, 1933.

Coroza, Michael M. “Ang Pampanitikan sa Pagsasalin.” 8 Feb. 2018, Pamantasang Ateneo de Manila. Reading.

Gonzales, Vladimeir B. “Ang Kinomisyong Salin bilang Pagtatanghal: Mga Tala at Paghihimay.” 8 Feb. 2018, Unibersidad ng Pilipinas. Reading.

Kilates, Marne. “My Practice of Translation: The Vanishing, Relocation, and Transfiguration.” 8 Feb. 2018, Reading.

LIKHAAN. “Saling Panitik: Palihang Bienvenido Lumbera Translators Seminar.” 8 Feb. 2018, UP Institute of Creative Writing. Quezon City. Lecture.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here