Orlino, Michael Rey S.

0

Si Michael Rey S. Orlino ay makata na nagtapos ng Bachelor of Science in Electronics and Engineering sa Ateneo de Manila University at ng Masters sa Engineering Management sa University of South Australia. Siya ay naging masugid na miyembro ng Heights at Matanglawin noong kolehiyo. Naging bahagi siya ng Unang Palihang Rogelio Sicat at Heights Writers Workshop noong 2010. Karamihan sa mga akda niya ay nailimbag sa Heights at Matanglawin. Noong 2012, nagawaran rin siya ng Loyola School Awards for the Arts, ang pinakamataas na parangal para sa sining ng Ateneo. Pagkatapos ng kolehiyo naging tagapagtatag na miyembro siya ng Kataga kung saan nailimbag ang mga tula niya sa unang dalawang antolohiya ng grupo. Bagaman nasa pagiging inhenyero ang buhay niya ngayon, patuloy niyang binabalikan ang unang pagmamahal niya sa panitikan at panitikang Pilipino.

LIST OF WORKS

  • Saranggola. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 2 Quezon City Philippines. 2016.
  • Ang Mangangaso. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 2 Quezon City Philippines. 2016.
  • Sa Pananampalataya. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 2 Quezon City Philippines. 2016.
  • Isda. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 2 Quezon City Philippines. 2016.
  • Pagdaan sa Kabulusan. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 1 Quezon City Philippines. 2014.
  • Binusabos Mo Ako, Diyos Ko. Mula sa antolohiyang Kataga 1 Quezon City Philippines. 2014.
  • Awit ng Pag-asa. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 1 Quezon City Philippines. 2014.
  • Diona sa Diyos. Tula. Mula sa antolohiyang Kataga 1 Quezon City Philippines. 2014.
  • Pagkatapos ng Baha. Tula. Heights. Volume 57 Number 2. Quezon City Philippines. 2009
  • Mapa. Tula. Heights. Volume 56 Number 2. Quezon City Philippines. 2008

SAMPLE WORKS

Pagdaan sa Kabulusan

Tila may katubusan akong
Hinahanap pagdaan dito ng aking bus.
Nakahilera ang magkakapit-balikat
Na barung-barong

Na nakatanghod sa itim
Na estero ng lungsod.
Naka-plakard ang kanilang
Maghapong-magdamag-segu-segundong

Paghihirap sa bawat lawit na dingding
Na lawanit. Nakasampay
Ang kanilang protesta
(Hindi sa hari, hindi sa pari)

Sa bawat lubid ng alambre.
Habang ako, panandaliang
Nakasakay sa bus, patungo
Sa sarili kong Kabulusan,

Sa aking bababaan,
Sa sarili kung pananahan.
Hinahanap ko ang kalubusan
Ng paghihirap at paglalakbay.

Naghahangad ako ng katubusan
Ng lahat ng paghihirap at paglalakbay.

Diona sa Diyos

Lahat ay nahuhulog
Bulalakaw o unos,
Inuulos ang moog

Ng aking pananalig.
Naiwang nakatirik
Itong posteng naliglig

Ng aking alinlangan.
Di ko maintindihan,
Parang may kahulugan.

Pagkatapos ng Baha

Binabanlawan ng isang deboto
Ang nasagip na santong rebulto.

Mula sa umaagos na tubig sa alulod,
Tila hinuhugasan niya ang karumihan

Nitong nagsaputik. Binihisan
Ng mga naisalbang damit ng anak.

Tila kinakausap niya ito at tinatanong.
Ngunit estatwa lamang itong nakatitig

Sa kawalan. Hindi marinig
Ang boses ng nawalan.

Isda

Kapag iniisip ko ang isda,
naiisip ko kung gaano kahirap
paksain ito sa tula. Matigas masyado
ang “S” at matapang ang tunog ng “D”.
Hindi, halimbawa kung sa Ingles,
swabe ang pagsabi ng fish.
Saka kapag naiisip ko ang isda,
naiisip ko ang lata ng Ligo,
ang sarsa nito na mapapabago
ang lasa, depende sa dinagdag
na bawang, toyo o suka.
O kaya iyong madalas na salitang
kaugnay kapag isda—galunggong,
tamban o tilapia. O kung anumang
mumurahing mabibili mula sa aplaya
at talipapa. Parang may tinik
sa lalamunan. Ewan. Kapag naiisip
ko ang isda, naalala ko ang ilan
kong mga tula tungkol sa hikahos.
Pero wala nang sakit sa lalamunan.
Natanggal na, hindi lang nang biglaang
pagsubo ng maraming kanin at pag-inom
ng maraming tubig. Siguro,
dahil may trabaho na ako. Lumalawak
ang bokabularyo sa iba pang isdang
higit na malinamnam. O siguro,
gaya kanina, bumili ng isdang
pangdekorasyon ang pinakamamahal ko,
dama ko ang ligaya niya para sa nilalang na ito.
Gusto ko kapag iniisip ko ang isda,
iniisip ko siya at ang kanyang walang-
hanggang ligaya habang pinagmamasdan
ang kaniyang alagang walang hanggang
paikot-ikot din sa kaniyang maliit na mundo.
Iniisip ko ang isang masayang tula, halimbawa.

Mapa

Isang dangkal lamang
ang pagitan natin

kanina habang iniiyak
mo ang pamamaalam

patungong Amerika. Natatandaan mo bang
isang dangkal din lamang

ang pagitan natin sa tuwing mag-aaral
tayong magkatabi sa Heograpiya

at Kasaysayan? At sa tuwing
ilalapat mo

ang mapa ay nararamdaman ko
ang pag-alon

ng iyong buhok patungo
sa dalampasigan

ng aking balikat. At sa tuwing
bibigkasin mo ang kabisera

ng mga bansa’y dumarampi
sa aking pisngi ang lamig

ng amihang nagmumula
sa iyong bibig. Nilalamig ako

hanggang ngayon. Alam mo bang
nahihirapan ang aking harayang

abutin ka habang inilalapat
ko ang kamay sa mapa? Gaano

kaya kalawak
ang isang dangkal

na papagitan
sa ating dalawa?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here