Siklo Si Siglo

0

  ni Vim Nadera

            Rara avis si Rom.

            Bihira, di kaya’y pambihira, ang isang Romeo Palustre Peña.

            Kung tutuusin, siya lamang yata ang masigasig na malikhaing manunulat mulang Bondoc Peninsula.

            Kinamulatan niya ang tinatawag na “hacienda belt.

            Kinagisnan na niya ang ekta-ektaryang sakahan nakapaligid sa kaniya.

            Hinubog siya ng hamog mulang Catanauan magpahanggang maging habagat ito sa San Francisco, San Andres, San Narciso at Mulanay na nababanggit  lagi, mas madalas kaysa hindi, kapag ay pinag-uusapan ay karalitaan.

            Pinamugaran niya ang pinamugaran din daw ng mga “taong labas” galing sa Tagkawayan, Buenavista at San Andres na, kung tutuusin, ay minahan ng ginto at iba pang mamamahaling mineral.

            Dinadaan-daanan niya ang pabrika’t planta sa Gumaca, Pagbilao,  Atimonan, at Macalelon.

            Totoo, mayaman ang pinanggalingan ni Rom.

            Sa kasamaang-palad, ang mga yamang ito ay hindi kaniya.

            Kundi pag-aari ng iilan lamang.

            Ang minoryang ito ang puno’t dulo ng tunggalian.

            Mula noon hanggang ngayon.

            Kung baga, isinilang siya sa lunang kakambal ng mga kuwento.

            Kung hindi man, ng mga kasaysayan.

            Mga kasaysayan ito ng pagkawala, ng pagpapahirap, ng pag-aresto, ng detensiyon, ng paghahalughog, ng panghihimasok, ng pangangamkam, ng pamimilit, ng pagbabanta, at ng iba’t ibang uri ng paglabag sa karapatang-pantao.

            Iyan ang kaniyang Lalawigan ng Quezon.

            Iyan ang aming Lalawigan ng Quezon.

            Sa kasalukuyan, ang mga alagad ng panitikan doon ay mas kilala sa pananaludtod tulad ng inyong abang lingkod.

            Mananalinghaga rin, halimbawa, ang kaniyang ka-kontemporanyo roon.

            Nariyan ang taga-Sampaloc na si Vijae Orquia Alquisola na naging presidente ng College Editors Guild of the Philippines bago siya nakilala bilang premyadong makata sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at iginagalang na guro ng Literatura sa Unibersidad ng Santo Tomas na siya ring naglathala ng kaniyang aklat ng mga tula.  Gayundin ang Lucenahing si Alvin Capili Ursua ng Calayan Educational Foundation, Inc. na isa mga manunulat at dating punong tagapag-ugnay ng Kataga na hinirang na Makata ng Taon sa Talaang Ginto 2012 bago pa man siya magwagi ang kanyang kalipunan ng mga tula (Kumpuni, 2012) at tulang pambata (Sisid, 2013) sa Palanca.

            Sadyang mabibilang sa daliri ang mga nobelista o nasa kalibre niya pagdating sa pagsusulat ng tuluyan.

            Maaaring busisiin ang kaniyang pinagmulan.

            Dahil ba siya ay isang Peña?

            Lolo niya, diumano, si Valeriano Hernandez Peña.

            Bulakenyo, kung tutuusin, ang mga Hernandez pero ang mga Peña, na apelyido ng kaniyang nanay, ang taga-Quezon.

            Kung baga, nananalaytay sa mga ugat ni Rom ang dugo ng Ama ng Nobelang Tagalog” na pinatanyag ng mga obrang Kasaysayan ng Magkaibigang si Nena at si Neneng(1905), Pagluha ng Matuid (1899), Mag-inang Mahirap (dalawang bahagi – 1905 at 1906), Hatol ng Panahon (1909), Pahimakas ng Isang Ina (1914), Unang Pag-ibig (1915),Dangal ng Magulang (1920), at iba pa.

            Subalit, ang siste, hindi nagkasya si Rom sa kaniyang pamana.

            Nagkusang-palo pa rin siya.

            Una, nagtapos siya ng M.A.F. Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon.

            Ikalawa, kumuha pa siya ng AB Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.

            Ikatlo, nag-aral siya muli sa UP para sa kaniyang masterado.

            Minsan ko pa siyang nakilala noon.

            Bagamat magkababayan kami.

            Bilang Tayabasin, ako rin ay limitado sa aking kinalakhang bayan at lungsod sa Quezon.

            Bunga ng bunganga, kung baga, ang kaalamang ko mula sa nanay kong doktora na na-destino  kina Ron.

            Panay tandang-pananong pa rin sa akin kung bakit mula noong bata pa ako ay pinag-iingat kami ng mga kalaro ko, kung hindi man pinagbabawalan, na maligaw sa dakong iyon ng aming lalawigan.

            Sa ganang-akin, buhày na misteryo ang teritoryo ni Rom.

            Kaya, nang lumapit siya sa akin para sa mga panukala, agad kong iminungkahi ang pagkukuwento.

            Siya ang inatasan kong boses ng Bondoc Peninsula.

            Nang ginawa niyang opisyal ang aking pagiging tagapayo, ang una’t huli kong kahingaan ay hindi maikli kundi mahaba dapat ang kaniyang kuwento.

            Kung kaya, ginawa kong nobelista si Rom!

            Malay man o hindi, parang pinapuno ko sa kaniya ang mga pagkukulang sa mga palaisipang aking kinalakhan.

            Siya lamang ang makagagawa nito.

            Naniwala ako sa kaniya.

            Nagtiwala ako sa kaniya.

            Naniwala naman siya sa kaniya.

            Nagtiwala naman siya sa kaniya.

            Sarili niya at wala nang iba pa.

            Hayun, malayo ang kaniyang nahayon!

 

            Bago niya matapos ang proyektong ito, pinalawak ang daigdig niya ng National Writers Workshop sa Unibersidad ng Santo Tomas (2008), UP-DFPP Palihang Rogelio Sicat sa Malikhaing Pagsulat (2009), Iligan Writers Workshop (2010), at Iyas Writing Workshop (2011).

            Pinalakas pa ang loob niya nang siya ay pinuri’t pinarangalan: Filipino Migration to Hawaii Centennial Literary Prize (2006), National Book Store Writing Contest (2006), International Writing Contest for Young People ng UNESCO at Goi Peace Foundation (2007), at Gawad Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagsulat ng Sanaysay (2010 at 2012).

            Ngayon, pagkaraan ng ilang rebisyon, isang nobelista na si Rom.

            Maililista na ang Siglo B. Peninsula na isa mga makabagong klasiko.

            Kronika ito ng kuwaderno niyang may nakaipit.

            Sa halip na coconut, nangangamoy ito ng Chocnut.

            Subalit sa kaniyang akda, masasamyo pa rin ang kopra sa kaniyang wika.

            Tulad ng niyog, bilog na bilog ang disenyo nito bago pa man ito lukarin.

            Sa ilalim ng lilim ng palapa ng mga salita o parirala o talata, mababanaag at mauulinigan ang nangaghahabulang tandang, inahin, at sisiw hanggang sa sukal.

            O hanggang sa suka na naging tuba sa bibig ng kababaihang daig pa ang kalakihan sa pagbarik: “Hindi baleng magtagal sa suso, huwag na huwag lamang sa baso.”          

            Upang mahulasan sa pagkalango ng anyo sa nilalaman, o ng nilalaman sa anyo, ipinahahanap, o ipinahaharap, sa mga mambabasa ang magkahalong tuwa at takot ang dulot ng lamig ng ilog ng mga maligno.

            Ilusyon ba ito ng agos sa disyerto?

            O alusyon sa buwan ng tagsibol?

            Ito ba ang panahon ng mga binhi?

            O germen kaya Germinal ang lahat?

            Bagong buto ang bukang-liwayway.

            Mistulang ginigising sila ng ingay ng kapitbahay na pinaghihinalaang lumang-lupa.

            Kaya, mulat man o hindi, nasasaksihan nila ang nasa gitna ang naiipit na mga tauhan.

            O sila ay siya.

            Bilang may-akda?

            Sa pagitan ng paglabas-pasok sa kanayunan at/o kalungsuran, matatagpuan ang sarili.

            Isinilang si Rom noong 8 Hulyo 1987.

            Gen Y siyang maituturing dahil nandoon siya kalagitnaan mulang 1977~1982 hanggang 1995~2001.

            Ilan sa mga katangian niya, ayon sa mga banyagang pagsasaliksik, ay ang pagiging alipin ng teknolohiya, ambisyoso, mahilig sa kolaborasyon at komunikasyon, gustong laging minamahal.

            At, higit sa lahat, maki-pamilya.

            Pilit niyang binabalanse ang trabaho-tahanan.

            Bakit?

            Sapagkat pinalaki siya sa mga magulang na masisipag.

            Naaalala ba ninyo si Siglo?

            Sa kaniya?

            Pagitan ng mga linya, nakikita ko rin ang bida sa mga nobelang Rosales ni F. Sionil Jose: binatang nagpapakatatag sa hamon ng Maynilang malayo sa probinsiya at  pamilya, walang iniwan sa dagang bukid na naghahanap ng lungga sa lungsod, magpahanggang maging hasà o dalubhasa sa basâ at bahâ.

            Tubig ang isa pang talinghagang mahal ng may-akda.

            Pinagtatampisawan kaya niya ang kahulugan nito bilang simbolo ng pagiging dalisay ng mga protagonista.

            O ng lahat ng probinsiyano’t probinsiyana.

            Sa kabilang banda, ito rin kaya ang pagtukoy niya sa pagiging mabunga nila?

Na sila ang kadluang-buhay? Na kung wala sila ay wala ring siyudad? Na kung ganoon ay wala ring pag-usad? Na wala ring pag-unlad?

            Sirkulasyon din ang isa pang isinasagisag nito.

            Siklo si Siglo.

            Maaari rin namang pagsalungguhit ito sa daloy — mula kuna hanggang kabaong — kaya masasabi rito na ang tubig ay dugo!

            Para sa matatanda, ang ibig sabihin nito ay kaalaman

.           O, kung mas paiigtingin ang pagtingin, ito ay ang katalinuhan.

            Sa kabuuan, ang nobela ay pagdakila sa dunong!

            Ito ang pampuksa, halimbawa, sa apoy!

            O hangin bilang historya ng pagiging matalino?

            Pero ang ihip sa nobela ay marumi.

            Posible bang patungkol ito sa polusyon bilang isang tipo ng talinong nakapanghihinayang dahil ginamit sa katiwalian?

            Isa pang elementong pinili ng awtor dito ay ang sunog.

            Pahiwatig ba ito na, ano man ang mangyari, lagi’t laging may luwalhati ng Diyos?

            Kahit pa parating dito ay may alikabok.

            Dito ba maalabok?

            Dito ba maabo?

            O kahit saan?

            O kahit sa anomang lugar na pinaghaharian ang masamang espiritu at mababangis na hayop?

            Ito ba ang mundong ito?

            Ito ba ang mundong ito ni Don Cuvenar?

            Ito rin ba ang mundo ni Lolo Valer?

            Nina Rick, Cristoph, at Mar?

            At ni Siglo?

            Hati-hati sila.

            Halo-halo sila.

            Labo-labo sila.

            Lahok-lahok sila.

            Walang ipinagkaiba sa panahon.

            Sa noon.

            Sa ngayon.

            Sa nasa dako pa roon.

            Paulit-ulit.

            Pabalik-balik.

            Kahit pabago-bago.

            Kaya inuulit?

            Kaya binabalik-balikan?

            Kasi pabago-bago.

            Ganito.

            Ganito nang ganito.

            Ganito ang gunita.

            Ito ang trabaho ng memorya.

            Binigyan tayo ng kapangyarihan.

            Kakayahang makalingon.

            Makaalala.

            Gahum ito ni Rom.

            Gamay niya ang kaniyang nakaraan.

            Malinaw at maliwanag na natatandaan pa niya ang kaniyang paglulukad, ang pagniniyog ni Lolo, ang Brgy, Tagabas Ibaba, ang pagluwas mulang Catanauan, ang pag-aaral sa Maynila, ang pag-uwi tuwing tagbanas, ang pagpapasalubong hindi ng pampabusog ng tiyan kundi ng pampabusog ng diwa sa tiyahin, ang pagtuklas at pagpunang itinuro ng pamantasan, ang pagbabasa, ang pagsusulat.

            At, sa wakas, ang paglilimbag!

            Nang matuldukan na niya ang nobela noong 2013, sunod-sunod na, wika nga, ang biyaya.

            O laya.

            O lipad.

            Daig na niya ang pinakawalang ibon sa hawla nang mailathala na siya sa Like/Unlike: Kuwentong Facebook Status at Politika ng Agam-agam (Flipside Publishing, 2014),Pylon: Isangdaa’t Labing Isang mga Tula ng mga Makata ng PUP (PUP Press, 2015), Sagupa (2016, PUP Press), Liwayway Magazine, Espasyo, FATAQ Journal sa Australia, at Lotus Journal sa Egypt.

            Lalong pumailanlang ang kaniyang pakpak kahit sa ibang daigdig para katawanin ang Filipinas sa Writers Union of Africa, Asia and Latin America na nasa Cairo, Egypt.

            Bukod sa pagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat sa PUP, siya rin ay aktibo bilang bagong Direktor ng PUP Center for Social History.

            Sa kabilang banda, tinatapos din niya ang PhD sa Philippine Studies sa UP Diliman.

            At sa tulong ng UP National Writers Workshop, manganganak nang manganganak pa siya ng sanlaksang nobela.

*Si Romeo Palustre Peña ay naging fellow ng 57th UP National Writers Worskshop. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here