Villagracia, Bobby V.


Ipinanganak ako sa Labo, Camarines Norte noong ika-5 ng Agosto, 1958 ng mag-asawang Lorenzo Asis Villagracia Sr. at Preciosa Jamito Villaluz. Siyam kaming magkakapatid, si Aleli, (SLN), ako, Melanie, Liza, Ronel, Gemma, Emmanuel, Vivian at Lorenzo Jr. Dalawa ang anak namin ng asawa kong si Alice Bibat Bilbao, si Fritzie Gaile at Juan Marco, may dalawa sa unang karelasyon, si Melanie at Mary
Ann at dalawa sa sumunod, si Virgilio Jr. at Eva Grace. Narehistro ako sa Local Civil Registrar ng Labo, Camarines Norte sa pangalang Vergelio, Robert sa Simbahang Katoliko ng Labo, ngunit nang mag-aral, nagamit ang BOBBY sa lahat ng mahalagang kaganapan sa buhay, pagsusulat at pagtratrabaho. Nag-aral ako ng primarya sa Bayan-bayan Elementary School, elementarya sa Tulay na Lupa Elementary School, high school sa Tulay na Lupa National High School, kursong AB English sa Mabini College at maikling kursong typing. Pumasa ako sa pagsusulit ng Civil Service Commission, 1979 (second grade), nagtrabaho sa Philippine Postal Corporation, 1981 at pumasa sa Philippine National Police Academy, 1983. Nagsimula sa malikhaing pagsusulat sa komiks noong 1983 at paglipas ng panahon, nagsulat sa iba’t-ibang palimbagang naglalathala ng tabloid, magasin, pocketbook at maliit na magasing naglalathala ng maikling kuwentong katatawan at crosswords.

MGA AKDA
“Minsan sa Aking Buhay” – una kong kuwento sa komiks na nalathala sa Lovelife Komiks at nilimbag ng Graphics Arts Service Incorporated noong taong ika-17 ng Nobyembre, 1983.

“Pilyo rin ang Postman” – isa pang kuwento kong nalathala sa Lovelife Komiks noong ika-30 ng Setyembre, 1983 na nilimbag ng Graphics Service Arts Service Inc. Naging dahilan ang kuwentong ito upang makilala ako ng mga katrabaho ko sa Post Office.

“Kawawa si Intoy” – kuwento kong nalathala sa Kasaysayan Komiks noong ika-13 ng Hunyo,1985 at nilimbag ng Atlas Publishing Company Incorporated. Umani rin ng atensyon ang kuwentong ito dahil sa halip na pangalan ko ang nailagay, pangalan ni Direktor Lav Diaz na kasabayan ko noong nagsusulat sa nabanggit na palimbagan. Tungkol ang kuwento sa isang batang namumulot ng basura na inagawan sa nakuhang metal ngunit radioacticve palang bahagi ng bumagsak na spaceship.

“Ang Matandang Yogi” – kuwento kong nalathala sa Marvel Komiks at nilimbag ng Rex Publishing Company Incorporated noong ika-11 ng Nobyembre, 1985. Umani ng atensyon ang kuwento kong ito dahil nagkamali ang apelyidong nailagay, sa halip na Villagracia, Villanueva.

“Mga Patak ng Dugo” – kuwento kong nalathala sa True Ghosts Komiks noong ika-13 ng Enero, 1987 at nilimbag ng Atlas Publishing Company Incorporated. Umani ng atensyon ang kuwentong ito tungkol sa kriminal na tinutugis ng mga alagad ng batas na sinundan ang mga patak ng dugo upang sa huli, matagpuan ang nakahandusay niyang bangkay.

‘Huling Bala” –kuwento kong nalathala sa Commander Komiks noong ika-23, 1987 at nilimbag ng Graphics Arts Service Incorporated. Umani ng atensyon ang kuwentong ito dahil sa ikot ng kuwento o twist kung saan nakaharap ng naghihiganting bida ang dalawang kalabang sugatan, ang nagturo sa kuta at may pinakamalaking atraso. Inakala ng may pinakamalaking atraso na sa kaniya ang huling bala ngunit
nagkamali siya dahil iniwan siyang nakagapos para unti-unting mamatay.

“Boknoy” – kuwento kong nalathala sa Shocker Komiks at nilimbag ng Graphics Arts Service Incorporated noong ika-14 ng Mayo, 1987. Umani ng atensyon ang kuwentong ito tungkol sa retarded na lalaking anak na nilinlang ng ama sa bilis ng kamay kaya naniwalang nalunok ang tali ng saranggola. Sa huli, nilaslas ng anak ang tiyan ng natutulog na ama para kunin ang tali ng saranggola na inakala
niyang nilunok.

“Dating Pag-ibig, Bagong Pag-ibig” – kuwento kong nalathala sa True Horoscope Komiks noong ika-30, ng Nobyembre, 1987 at nilimbag ng Atlas Publishing Company Incorporated. Umani ng atensyon ang kuwentong ito dahil larawan ko ang ginamit ko sa kuwento bilang letter sender sa pangalang Fermin Nicolas.

“Salapi” – kuwento kong nalathala sa King Komiks noong ika-9 ng Disyembre, 1987 na nilimbag ng Atlas Publishing Company Incorporated. Umani ng atensyon ang kuwentong ito dahil sa pagtuligsa ko sa pariralang nakalagay sa salaping papel na nagsasabing nababayaran ng salapi ng Pilipinas ang ng uri ng pagkakautang. Ayon kay Ginoong Ted Tenorio, pangkalahatang punong patnugot ng Atlas, naging
dahilan ang kuwentong ito para baguhin ang pariralang nakalagay sa perang papel ng ating bansa.

“Nakabalik si Pitoy. . . Hindi si Pitoy” – kuwento kong punong-puno ng katatawanang nalathala sa Unisex Solar Komiks, (hindi kasama sa Roces Group of Companies). Walang tala kung kailan nalimbag ang komiks na ito.

“Blood Gang” – una kong maiksing nobelang nalathala noong 1986 sa Action Komiks ng Atlas Publishing Company.

“Muling Magbabaga ang Punglo” – una kong nobela sa komiks na nalathala sa King Komiks na inilalathala ng Atlas Publishing Company noong 1987. Tungkol sa nagaganap na mainit na labanan sa pagitan ng rebelde at gobyerno ang nobela naging malaking tagumpay.

“Takas” – isa sa mga nobela kong prosang nalathala sa pocketbook noong gitnang bahagi ng dekada 90. Nalathala ang nobelang prosang ito sa Atlas Publishing Company noong 1997 na nalipat na ang pagmamay-ari sa National Bookstore. Bukod sa binago ang titulong Mga Bilanggong Puso sa Takas, binago rin ang middle initial kong V sa B.

“Trahedya” – nobela kong prosang nanalo ng ikalawang karangalan sa AIDS Media Awards 1999 at inilathala ng Ford Foundation bilang pocketbook noong 2000.

“Minsan Lang” – kuwento kong nagwagi ng unang karangalan sa AIDS Media Awards 2000 sa pagsulat ng maikling kuwento sa komiks at nalathala sa Espesyal Komiks noong 2001. Pagmamay-ari na ng National Bookstore ang Atlas Publishing Company ng malathala ang kuwentong ito.

“Mamahalin Kita, Magpakailan Man” – nobela kong prosang nalathala sa pahayagang Balita na nililimbag ng Manila Bulletin Publishing Corporation Incorporated noong 2013. Kabilang pa sa nobela kong nalathala sa Balita ang “Orokotok” gamit ang pseudonym na Juan Jamillan, “Annabel”, “Esperanza” at “Asbo” na nililimbag sa kasalukuyan, Abril, 2017.

“Tahid” – nobela ko sa anyong comics strip (three frames) sa pahayagang Remate na nililimbag ng Remate News Central noong 2013. Sa kasalukuyan (Abril, 2017), inilalathala ng Remate ang nobela kong “Lahing Asuwang” at Punglo ang Hahatol”.

“Ita ng Camarines Norte” – mahigit dalawang daan at limampung (250) pahina ng manuskritong bunga ng pananaliksik sa buhay, tradisyon at kultura ng mga katutubong Kabihug sa Camarines Norte noong 2005 na itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

“Etnograpiya ng Kabihug” (Ita ng Camarines Norte) – mahigit dalawang daan at limampung (250) pahina ng manuskritong bunga ng pananaliksik sa mga katutubong Kabihug sa Camarines Norte na itinaguyod din ng National Commission for Culture and Arts (NCCA) noong 2007. Karugtong ang pananaliksik ng Ita ng Camarines Norte na tulad ng nabanggit na manuskrito, hindi pa nalilimbag ang Etnograpiya ng Kabihug.

“Selda Dos (Manila City Jail)” – unang aklat ko sa UP Press na nilimbag noong 2016 tungkol sa naging buhay ko sa Selda Dos o Cuerna ng Manila City Jail bilang detenido sa loob ng tatlong (3) buwan.

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *