Lunsad-Aklat ng ‘Pedestrian at Iba Pang Mga Tula’ ni Gerome Nicolas Dela Peña

0

Inaanyayahan ang lahat na dumalo sa lunsad-aklat ng librong “Pedestrian at Iba Pang Mga Tula” na gaganapin sa ika-14 ng Setyembre, 2018, mula ika-5 ng hapon hanggang ika-10 ng gabi. Ang lugar ng aktibidad ay sa Kinamat Resto-bar (1342, Col. Guido Street, Binangonan, 1940 Rizal).

Magkakaroon ng mga maikling pagtalakay ang guro at makata na si Gerome Nicolas Dela Peña hinggil sa kasalukuyang papel ng indie/self-publishing sa Philippine literary scene at tatalakayin din niya ang malikhaing proseso sa pagbubuo ng proyektong ito. Ang nasabing event ay magsisilbing isang open mic din para sa mga nagnanais na makapagbahagi ng kanilang mga likhang tula hinggil sa naratibo ng pagtawid at paglalakbay sa iba’t ibang pedestrian lane ng buhay.

Si Gerome Nicolas Dela Peña ay nagtapos ng kursong BSED-Filipino sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig at kasalukuyang nasa ilalim ng programang M.A. sa Filipinolohiya sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Naging Pangulo siya ng SamFil (Samahan ng mga Mag-aaral na Nagpapakadalubhasa sa Asignaturang Filipino) at Pangulo rin ng University Student Council noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Kasalukuyan siyang guro sa Departmento ng Filipino sa Our Lady of Fatima University – Antipolo Campus. Siya ay ganap na kasapi ng KATAGA (Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas).

Nagwagi na siya ng iba’t ibang karangalan at gantimpala sa pagsulat sa larang ng wika at panitikang Filipino gaya ng Unang Karangalan sa Tagisan ng Makata ng SamFil, Unang Gantimpala sa Pagsulat ng Tula (TANAGA) mula sa Kilometer 64 Writers’ Collective, mga gantimpala sa pagsulat ng tula mula sa KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan) at iba pa. Siya ang may-akda ng librong, “LateLater-Latest (Mga Hugot Kong Laptrip at Badtrip)” na lumabas noong 2016 at ilan sa kanyang mga tula, sanaysay at maikling kwento ay nailathala na rin sa iba’t ibang mga antolohiya at textbooks sa buong bansa.

Kinilala at pinarangalan ng prestihiyosong Saranggola Blog Awards ang kanyang mga tula at sanaysay sa magkasunod na taong 2016 at 2017. Siya rin ay co-editor at contributor ng Pusuan Mo: An Anthology of Literary Works for Millennials na inilathala ng Southern Voices. Naging fellow siya sa tula ng ika-6 na Angono Summer Writers Workshop na ginanap mismo sa Art Capital ng bansa. Bahagi naman ang kanyang mga tula at dagli sa kalalabas lamang na antolohiyang “Tuwing Umuulan” na inilathala ng Kataga-Manila.

Madalas siyang maimbitahan bilang panauhing tagapagsalita sa mga seminar at palihan hinggil sa wika, literatura at pananaliksik sa Filipino sa iba’t ibang paaralan at pamantasan.
Kasalukuyan siyang Pangulo ng DamLay-Institute of Graduate Studies ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina. Kasalukuyan din niyang isinusulat ang isang koleksyon ng mga tula para sa kanyang panggradwadong tesis.

Ang librong Pedestrian at Iba Pang Mga Tula ay nagkakahalaga ng ₱200.00 bilang launch price para sa mga makadadalo at makabibili ng aklat sa mismong araw ng paglulunsad nito. Matapos ang nasabing araw, magiging ₱250.00 naman ang regular price ng libro.

Para mga katanungan hinggil sa nasabing lunsad-aklat, tumawag o mag-text lamang kay G. Gerome Nicolas Dela Peña sa numerong 09466438681 o kontakin lamang siya sa kanyang Facebook account.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here