Kult 3 Panawagan para sa mga Kontribusyon: Cultural Studies at Criticism sa Panahon ni Duterte

0

Ang panahon ni Duterte sa Pilipinas ay panahon ng hangal na pagbabago. Maaaring tingnan ang #ChangeIsComing nito bilang orchestrated na foreshadowing of what is to come. Yun nga lang—ang “change” ay hindi something significant tulad ng mas maalwang buhay, mas masaganang ekonomiya, mas maunlad na Pilipinas kundi ang circus sa/ng pang-araw-araw. Kaagapay ang social media at akit ng digital rush bilang senyales ng pag-unlad (salamat sa Internet, nakakasabay na tayo sa globalisasyon… at 1mb per second), sumasagwan ang rehimeng Duterte sa pamamagitan ng pagbabagong walang-sustansya (magbabago ng isip tungkol sa time frame ng pagsugpo sa droga; mag-aappoint ng mga progresibo sa Gabinete para lamang harangan ng Commission on Appointments; mumurahin si Trump ngunit yayakapin ang mga Kanong sundalo).

Heto ang lumang bugtong sa kaso ni Alice sa wonderland kung saan kailangan niyang kumilos nang napakabilis “just to stay in place.” At ano ang ibig sabihin ni Godard nang sabihin niyang “change nothing so that everything will be different;” isang paglalaro sa “some things must change so that everything remains the same” na mas apparent sa lohika ng status quo (kahit palitan mo ang nasa gobyerno… may ‘bagong’ labas na smartphone at tayo’y gutom pa rin). Sa ganitong fast-paced na pagpapalitan ng mga usapin (palitan ang huling linya ng Lupang Magiliw, nag-resign si Mocha; pinalitan ni Gloria si Alvarez, ni Panelo si Roque), ano ang mga tungkulin at paano ang moda ng kritisismo? Harapin at daanin sa tit-for-tat ang bawat usapin (mula padrino system sa bigating literary awards, bawat ‘joke’ ni Duterte, red-tagging sa mga unibersidad, pambobomba sa mga Lumad) o magtakda ng #priorities with the danger of tagging other concerns as “non-issues”? May silbi pa ba sa kritisismo at araling pang-kultura ang pamimilosopo ni Mao tungkol sa primarya at sekundaryang kontradiksyon at sa maraming aspeto ng bawat isa? Paano maikakabit ang analisis ng mga partikularidad (PepeDederalismo video, landslides sa Itogon, Benguet) sa mga mas malawak na usapin (misogyny, patriarchy, mala-pyudal na ekonomiya)? At ang kritisismo in itself—ang mga anyo, lunsaran at audience nito—paano magninilay ngayong lumalakas ang factor ng pagiging viral para makahubog ng public opinion; lantarang sinisikil ang kritikal na potensyal ng mga paaralan—redbaiting sa mga mag-aaral, kaso ng ‘contempt’ sa mga propesor, at ang dati pa namang problema ng budget cuts at mababang kalidad ng edukasyon.

Mula rito, nag-iimbita ang Ibong Adorno-Institute for Social Research ng mga maikling papel na pino-problema ang pagsasagawa ng kritisismo at araling pang-kultura sa panahon ni Duterte. Ipadala ang mga abstrak (200-300 na salita) hanggang November 30, 2018 sa IbongAdorno@yahoo.com. Inaasahan naman na maipadala ang mga buong papel (1000-2000 na salita) hanggang January 18, 2019. Matapos ang proseso ng review, editing at curation, maisasama ang mga napiling papel sa ikatlong edisyon ng Kult, ang critical journal ng Ibong Adorno, na ilalabas sa unang bahagi ng 2019.

 

*Nasa anyo ng self-published na zine, ang Kult ay ang regular na critical journal ng Ibong Adorno-Institute of Social Research. Ang Ibong Adorno-ISR ay isang grupo ng mga kritikong naglalayong i-popularize ang kritikal na teorya sa pamamagitan ng paggamit dito sa pag-unawa ng mga pang-araw-araw na pangyayari at isyu. Maliban rito, primaryang lagusan ng maiikling komentaryo at analisis ng Ibong Adorno ang social media, bahagi ng layuning maabot ang mas maraming mambabasa at makapag-foster ng mas mayayabong na diskurso tungkol sa lipunan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here