Taliba’t Salimbayan: Pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan sa UP Diliman


Ang buwan ng Abril ay buwan ng panitikan.

Kaugnay nito, pangungunahan ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP DFPP) ang mga serye ng aktibidad bilang pakikibahagi ng UP Diliman sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan sa buong bansa.

Tampok na tema ngayong taon ang “ Panitikan: Taliba’t Salimbayan.” Layunin ng mga serye ng aktibidad na itanghal ang larangan ng panitikan bilang disiplinang bahagi ng UP DFPP na mayroong mayaman at mahabang kasaysayan sa pagsulong at paglikha ng mga kaalamang nakaugat sa ating bayan at kasaysayan. Itatampok din ang panitikan bilang matibay na muhon na nakapagluwal na ng mga bagong henerasyon ng mga guro, manunulat, mananaliksik at manggagawang pangkultura na may matingkad na pagpapahalaga sa ating lipunan at mamamayan. Pagtatampok din ito sa panitikan na patuloy na nakapag-aambag sa paghubog ng makabayang adhikain at kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas.

Inaanyayahan ang lahat ng mga guro’t mag-aaral na makiisa sa mga nakalatag na aktibidad bilang pagdiriwang ngayong Abril. Magkakaroon ng paglulunsad ng panawagan para sa kontribusyon ng mga malikhaing akda sa dyornal na “Lagda,” ang opisyal na dyornal ng DFPP. Kasama ring ilulunsad ang bagong dyornal na “Dating,” na mananawagan sa pagpasa ng mga kritikal na papel ng mga gradwadong mag-aaral ng wika, panitikan, malikhaing pagsulat at araling pilipino. Ilulunsad din ang Gawad Rogelio Sicat 2019. Para sa alituntunin ng gawad na ito, bisitahin ang https://gawadsicat2019.home.blog/tuntunin-ng-patimpalak/.

Bukod sa paglunsad ng panawagan para sa malikhaing akda at kritikal na papel, magkakaroon din ng isang gabi ng mga kultural na pagtatanghal na “Tanghal Husay” na pangnungunahan ng mga samahan ng mga mag-aaral ng UP DFPP. Bahagi rin ng pagdiriwang ang “Tanyag Likha,” na sama-samang itatampok at ilulunsad ang mga bagong aklat-publikasyon ng kaguruan ng departamento. Magkakaroon din ng serye ng mga panayam na nakatuon naman sa ugnayan ng panitikan sa sining ng teatro, pelikula at musika.

Abangan ang mga susunod na partikular na panawagan at detalye ng bawat aktibidad upang sama-sama nating ipagdiwang ang buwan ng panitikan ngayong Abril 2019!


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *