Nagwagi sa Unang Gawad Edgardo B. Maranan para sa Pinakamahusay na Tesis sa Malikhaing Pagsulat, Kinilala sa Buwan ng Wika 2019


Itinanghal bilang nagwagi sa unang Gawad Edgardo B. Maranan para sa Pinakamahusay na tesis sa Malikhaing Pagsulat si G. Daniel Lorenzo Z. Mariano, mag-aaral ng kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman. Kinilala bilang pinakamahusay na tesis sa malikhaing pagsulat ang kanyang akdang Ang mga Paboritong Pagkain ni Beauty at Iba pang mga Sanaysay.”

Kinikilala at itinatanghal ng Gawad Edgardo B.Maranan ang buhay at ambag ni Edgrado B. Maranan, isa sa mga pinakamasikhay at pimakamahusay na Pilipinong manunulat ng mga maikling kwento, sanaysay, dula, pagsasalin, kwentong pambata at tula. Ang gawad na ito ay itinaguyod ng pamilya ni Edgardo B. Maranan sa pamamagitan ng Ed Maranan Memorial Initiatives, sa tulong ng mga guro at iskolar na sina Dr. Milagros C. Laurel, Dr. Rosario Torres Yu, ng mga kamag-anak at iba pang kaibigan ng manunulat. Katuwang din sa pagbuo ng gawad ang UP Sentro ng Wika ng Filipino at ang UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Maaaring lumahok sa gawad na ito ang mga mag-aaral na nasa programa ng Malikhaing Pagsulat sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP Diliman. Para sa unang taon, ibinukas ang gawad para sa mga tesis na nasa antas batsilyer o di-gradwado.

Itinampok ang pagkapanalo ni G. Mariano sa programang “Salunga,” ang pangkulturang pagtatanghal na bahagi ng Sulong: Buwan ng Wika 2019 na pinangunahan ng UP Sentro ng Wikang Filipino. Sa programang ito, bukod sa pagbabasa ng isang piyesa mula sa kayang tesis, ibinahagi ni G. Mariano ang halaga at ambag ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtalakay ng mga usaping personal patungo sa pulitikal at panlipunan. Dumalo sa pagbibigay ng gawad sina Dr. Michael Francis Andrada para sa UP Sentro ng Wikang Filipino, Prop. Vladimeir B. Gonzales para sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, at si Dr. Diego S. Maranan para sa Ed Maranan Memorial Initiatives.

Si G. Mariano ay nagkamit ng sertipiko ng pagkilala at premyong sampung libong piso bilang bahagi ng gawad. Inaasahang maipagpapatuloy pa ang gawad na ito sa mga susunod na taon, at maitatampok na rin ang mga tesis sa malikhaing pagsulat na nasa antas masterado at doktorado.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *