12 Manunulat, Napili Na Para Sa Ikalawang Palihang Lazaro Francisco!


ni R.B.Abiva

Ikinalulugod ng Samahang Lazaro Francisco o SLF na ipakilala sa publiko ang labindalawang writing fellow na napili para sa Ikalawang Palihang Lazaro Francisco na gaganapin sa Oktubre 20 at 27 sa Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija sa pangunguna ng Direktor ng Palihan na si Arkin Franny.

Ang mga napiling fellow ay sina Cheska Mae DG Enriquez (Tula), Ambrocio Escalante Pascual (Tula), Arthur Allen P. Baldevarona (Personal Na Sanaysay), Ron Santos (Maikling Kuwento), Maria Fatima Cerva (Maikling Kuwento), Andyleen C. Feje (Maikling Kuwento), Neil Cirilo (Tula), Nathaniel Capinpin (Tula at Sanaysay), Kaiessa Heintz (Dagli), Jerwyn Labagnoy (Maikling Kuwento), Arnel Bien Francisco (Dagli), at Athina Bales (Tula).

 Sasanayin ang 12 kalahok ng mga manunulat ng Cabanatuan na sina R.B. Abiva at Arkin Franny, at Roda Tajon bilang panauhing manunulat.

Ayon kay Arkin Franny, Direktor ng Palihan: “Nakakatuwa at unti-unti nang nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na manunulat, at sa pamamagitan ng isang palihan ay maaaring magising at lumabas ang kanilang mga nakatagong potensiyal.  At mukhang masusundan pa ito kaya pagsusumikapan pa naming makalikom ng suporta upang mabigyan naman ng pagkakataon ang iba.”

 Dagdag naman ni RBA: “Ang maganda sa palihan na ito ay may mga naimbitahang mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya bilang observers. Isa ito sa mga hakbangin ng SLF upang mahikayat ang mga millennial na magbasa, magsulat, at maglathala.”

Sentral na layunin ng palihan ang payabungin at hasain ang mga lokal na manunulat, at bilang pagkilala at pagpapatuloy na rin sa mga simulain ni Lazaro Francisco.

Ang mga manuskritong isasalang sa palihan ay nakatakdang ilabas sa ikalawang isyu ng SARO: Pampanitikang Diyornal Ng Samahang Lazaro Francisco bago magtapos ang taon na ito.

Panghuli, ipinapaabot ng SLF ang taos-puso at sukol hanggang langit na pasasalamat sa mga indibidwal at organisasyong hindi nag-atubiling magbahagi ng kanilang rekurso at biyaya.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *