Si RENE BOY ABIVA/ RBA ay tubong Bayombong, Nueva Vizcaya. Nagtapos siya ng elementarya sa Bonfal Proper Elementary School, sekondarya sa Aritao High School, at kolehiyo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) at kasalukuyang kumukuha ng MA-Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman. Nagsusulat siya ng tula at maikling kuwento sa wikang Iloko at Filipino, siya rin ay musikero, mang-aawit, iskultor, at pintor. Na-eksibit na ang kanyang mga pinta noong Hulyo 2016 sa UP Bulwagan ng Dangal.

Nakatanggap na siya ng apat na Writing Fellowship Grants: 58th University of the Philippines National Writers Workshop (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat -Maikling Kuwento (UP Diliman), 6th Cordillera Creative Writing Workshop –Tula (UP Baguio), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop –Daniw (Mariano Marcos State University).

Siya ang awtor ng PALTIING: Mga Piling Tulang Prosa (Southern Voices Printing Press, 2020), Kapatiran Ng Bakal At Apoy: Mga Piling Maikling Kuwento At Dagli (Pantas Publishing, 2020), PO(E)(LI)TIKA: Mga Tula (MRC Printing Press & Publications, 2019), Agaw Agimat: Parnaso Ng Isang Bilanggong Politikal (Pantas Publishing, 2019), at Tuligsa at iba pang mga tula (Pantas Publishing, 2018).

Naging kontribyutor din siya sa mga antolohiya gaya ng Tagnawa Series 4- Daniw (GUMIL- Filipinas, 2020), Stop That Dam(n) (Liga Ng Mga Kabataang Propagandista, 2020), Kartilya: Lives & Struggles of BPO Workers Collected In Literature ( AUX, 2020), BASAG: Modernong Panitikan Ng Mga Kuwentistang Wasak (Literarti, 2020), Inkwentro: Antipasista (Ugat Lahi, 2019), AKDA: Volume 5 (Kamandag, 2019), at Hulagpos (Selda, 2016).

Isa siya sa mga patnugot ng SARO I, 2, at 3: Pampanitikang Diyornal Ng Samahang Lazaro Francisco (2019), at librong Pandayan ng Paninindigan: Pagbisita at iba pang mga tula (Ascent, 2019). Literary columnist siya sa Pinoy Weekly.

Nalathala na rin ang kanyang mga tula sa Liwayway, Bannawag, Diliman Review, Agos-SWF, Tinig Ng Plaridel- UP, Katitikan: Literary Journal of the Philippine South, Novice Magazine, Tawid News Magazine, Philippine Collegian UP- Diliman, Pinoy Weekly, Bulatlat, Northern Dispatch Weekly, Manila Today, Kodao, PinoyReporter, Arkibong Bayan, Hiyaw, at marami pang iba.

Nakatanggap na rin siya ng pagkilala mula sa GUMIL- Filipinas (Gunglo Dagiti Mannurat Nga Ilokano, Inc./ Ilocano Writers Association of the Philippines, Inc.)  bilang PASNAAN 9 Outstanding Fellow, at Natatanging Pagkilala mula sa Samahang Lázaro Francisco, Lázaro Francisco Cultural Heritage Association, at Masonic Lodge 53. Nahirang din siyang 9th Pinduteros Readers’ Choice Awardee for Poetry (2019) ng HR.Online Philippines at ng British Embassy-Manila.

Nagwagi na rin siya ng Ikalawang Gantimpala sa 5th Saniata Prize-Ilocano Poetry (2019), Unang Gantimpala para sa Poetry Slam Recital Duet ng UP Likhaan (2019), Ikalawang Gantimpala sa 8th Pinduteros Readers’ Choice Award- Poetry (2018), naging Finalist sa 1st (2018) at 2nd (2019) Gabriela Prize Poetry Contest ng Imnas & Iway Publications, at Unang Gantimpala sa BJMP Regional Literary Contest-Short Story Category (2016).

Miyembro siya ng Kilometer KM 64 Writers Collective at ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), paglao’y itinatag niya ang Samahang Lázaro Francisco (SLF), samahan ng mga manunulat na nakabase sa Gitnang Luzon. Ikinararangal niyang maging isang Kandidatong Kasapi ng KATAGA- Samahan Ng Mga Manunulat Sa Pilipinas, Inc.

Mabibili ang kanyang mga katha sa National Bookstore, Popular Bookstore, UP Bookshop, at Mt. Cloud. Habang maaari namang matagpuan ang libro niyang Agaw Agimat sa National Library of Australia.

Nagsilbi na rin siyang inampalan sa mga palihan sa malikhaing pagsulat gaya ng Palihang Lázaro Francisco, Palihang KATAGA-QC, at PASNAAN 10.

Dati siyang detenidong politikal.