Dulang May Isang Yugto
ni U Elserio

Mga Tauhan
CONNIE – 40s, OFW, bagong byuda
PINA – 19, college student, galit sa nanay na si Connie
NIKO – 20, orgmate ni Pina

Panahon at Tagpuan
Kasalukuyan, Quezon City

            Isang linggo pagkatapos malibing ang asawa ni CONNIE. Naglilinis siya ng bahay, habang nakatambay naman sa kusina sina PINA at NIKO. May center kitchen table na may dalawang silya, meron ding cupboards, drawers. Maraming kahon sa paligid.

NIKO: Sa tingin ko, may microaggression sa term na “kasambahay.” Kasi ‘yung katulong, may naitutulong. ‘Yung kasambahay, kasama mo lang sa bahay. Ginagamit ‘yung salita para maliitin ‘yung kontribusyon nung katulong.

PINA: Hindi ka kasi nakapook. Hindi Filipino ang perspektibo mo sa “kasama.” Hindi lang ibig sabihin nun nasa isang lugar ‘yung amo at katulong. Kasambahay, s’ya ‘yung taong maasahan mo, at maaasahan ka. Kasama.

CONNIE (ibababa ang walis, uubo): Anak…

PINA: Pupunta ka ba sa rally next week?

NIKO (maookwardan sa mag-ina): A, siguro? Hindi ko lang sure.

PINA: Ito, walang commitment. Akala ko ba, if you don’t live it, you don’t believe it?

            Uubo nang mas malakas si CONNIE, ilalabas, titingnan, saka muling ibubulsa ang cellphone.

NIKO (titingin sa cellphone): Ano, kailangan ko na yatang mauna.

PINA: O, bata ka pa.

CONNIE (galit): PINA!

NIKO (magba-bow na parang tanga): A, sige po Tita. Condolence po ulit. (Kay PINA.) Text text na lang. (Aalis ng entablado.)

PINA (tatayo, dadalhin ang pinag-inuman nila ng kape ni NIKO sa lababo; magbubukas ng cupboard, may hahanapin, hindi makikita. Magbubukas ng ibang cupboard.): Nasan na ‘yung kape? Nasan na ‘yung kape? (Kay CONNIE.) Ginalaw n’yo ba ‘yung kape?

CONNIE: Nilipat ko sa drawer.

PINA (magbubukas ng tatlong drawer. Kukunin ang bote ng kape, at ibabalik sa cupboard.): Dito lang ‘yan, wag n’yong guluhin ‘yung pagkakaayos.

CONNIE: Hindi ko ginulo, inilipat ko lang ng lugar.

PINA (kakatukin ang cupboard): Dyan ‘yan nilalagay ni Papa.

            Patlang.

CONNIE: Pasensya ka na. (Bubuntong-hininga.) Nag-ayos ako kanina, habang tulog ka. (Tatapikin ng paa ang isang kahon.) Baka meron akong nailagay dito sa mga kahon na hindi dapat. (Kukuha ng orange juice mula sa ref, uupo.)

PINA (luluhod sa sahig, magbubukas ng isang kahon.): Itatapon n’yo?

CONNIE: Ipamimigay. Sa mga mas nangangailangan.

PINA (maglalabas ng tsinelas.): Importante ‘to.

CONNIE: Hindi kasya sa ‘yo, hindi kasya sa ‘kin.

PINA: Paborito n’yang pares ‘to. (Patlang.) Tingnan mo, butas-butas na pero gusto pa rin n’yang gamitin. (Patlang.) Ba’t n’yo naman pinamimigay ang tsinelas na butas-butas na? (Ibababa ang mga tsinelas sa sahig.)

CONNIE: Mas gusto mo bang Tinapon ko na lang sana?

PINA (maglalabas ng t-shirt na gaudy ang design.) At ito! Ako ang nagbigay sa kanya nito!

CONNIE (lalapit kay PINA, hahawakan ito sa balikat.): Anak, kung ikaw ang namatay, at kami ng Papa mo ang nag-aayos ng mga naiwan mong gamit, itatapon ko pa rin ‘yan.

PINA (lalayo.) Hindi nakakatawa Ma! (Patlang.) Nagpapatawa ka man lang ba? (Ibababa ang t-shirt sa sahig.)

CONNIE (hihila ng silya, dudukot mula sa kahon ng dambuhalang mug.): Ito, regalo n’ya sa akin ‘to. Pareho kasi kaming mahilig magkape. (Ibabalik ang mug sa kahon.)

PINA (bubunot ng kalendaryo.): Ito!

CONNIE: Mula 2008 pa ‘yan!

PINA: Hindi mo ba alam, lagi n’yang sinasabi. Di mo na kailangan ng bagong kalendaryo. Ima-minus mo lang ang current year sa 2008, tas ia-add ‘yon sa mga araw.

CONNIE: Walang sense ‘yon, anak. At isa pa, may cellphone naman, ba’t n’ya pa kakailanganin ng kalendaryo?

PINA: Walang sense sa ‘yo, pero kay Papa meron. Sa akin meron. (Isasama ang kalendaryo sa t-shirt at tsinelas.)

CONNIE (ilalabas ang isang alkansyang baboy.) Alkansya namin ito. Noong nagpupundar pa lang kami. Nag-iipon para sa magandang bahay (gestures around), para sa edukasyon mo. (Ipapatong muli ang kamay sa balikat ni PINA.) Hindi lang mga meaningful sa ‘yo ang nasa kahon na ‘yan. (Ibabalik ang alkansya sa kahon.)

PINA (lalayo ulit, tatayo para umupo sa may kitchen table.): Pero ikaw lang ‘yung itutuloy ang pagtatapon.

CONNIE: Ido-donate ko nga e, hindi naman ‘to nakikinig.

PINA: Gusto mo ba ‘yon? Na ibang tao ‘yung gagamit ng tsinelas ni Papa? Ng t-shirt n’ya? (Lalapit sa kahon, ilalabas ang mug.) Ng mug n’yo?

CONNIE (hahawakan ang dibdib.): Twenty five years kaming kasal ng Papa mo, Pina. Wala s’ya sa mug, o sa alkansya, o sa kahit saan. Nandidito s’ya. (Patlang.) Pero kung importante sa ‘yo, sige. Ilabas mo lahat ng meaningful sa ‘yo mula sa mga kahon. ‘Yon naman ang sinabi ko kanina di ba, bago ka nang-away? Kunin mo lahat, iakyat mo sa kwarto mo.

            Hindi pa tapos sa pagsasalita si CONNIE ay naghahalungkat na si PINA.

PINA (ilalabas isa-isa ang ilang items, at ilalagay sa sahig.): Ang paborito n’yang cap! (Halukay.) Ang paborito n’yang kaldero! (Halukay.) Ang paborito n’yang neck warmer! (Patlang. Mabibigla.) At ito! (Ipapakita kay CONNIE ang wallet.)

CONNIE (babalikan ang orange juice.): Ano ‘yan, ang paborito n’yang wallet?

PINA: Ang tangi n’yang wallet! (Yayakapin.)

CONNIE: Ako ang nagbigay sa kanya n’yan.

PINA (iigtad, ilalayo sa dibdib ang wallet): Totoo?

CONNIE: Ba’t naman ako magsisinungaling tungkol sa wallet?

PINA: Para mambwisit.

CONNIE: Anak, isang linggo na lang, aalis na ako. Ganito ba tayo araw-araw? Hindi mo ako papansinin kasi may bisita ka? Tapos pag nag-usap tayo, makikipag-away ka lang. Sa tingin mo, ikaw lang ang namatayan. Nawalan ako ng asawa.

PINA: Nawalan ako ng ama. Pwede kang mag-asawa ulit. Ako wala nang magulang.

CONNIE: At ano ako?

PINA: Ewan.

CONNIE: Ang sakit mo namang magsalita. (Tatayo at hahablutin ang wallet mula kay PINA.)

PINA: Akin na ‘yan!

CONNIE: Ako nga ang nagbigay nito sa kanya.

PINA: Hindi ‘yon totoo!

CONNIE: Kahit na hindi, pag-aari ito ng asawa ko. At ngayong wala na s’ya, akin na ‘to.

PINA: Hindi mo alam kung ano ang ibig sabihin n’yan.

CONNIE (Iwawagayway ang wallet.): At ano ang ibig sabihin nito, aber?

PINA: Every week, binibilhan ko ng lotto ticket si Papa. Nilalagay ko d’yan.

CONNIE: Sinasayang mo ang allowance mo.

PINA: Sabi n’ya kasi, wala s’yang ibang gusto kundi ang pag-uwi mo. Kaya s’ya tumataya sa lotto, para pwede na kayo ulit magkasama.

CONNIE: At ano pa? Anibersaryo namin ang PINAtayaan n’ya, para swerte?

PINA: Lucky pick, para random.

CONNIE (ibabalik ang wallet.): Baka naman gusto mo, iakyat mo lang ‘yang mga kahon. Mukhang wala ka namang gustong ipamigay e.

PINA (bulong.): ‘Yung pangit mong mug.

CONNIE: Ano?

PINA (normal na boses.): Shh. (Bubuklatin ang wallet, ilalabas isa-isa ang contents.) Ba’t mo itatapon ‘tong beep card n’ya?

CONNIE: Alangan namang gamitin ko ‘yung beep card ng patay na?

PINA: At ito? (Ipapakita ang Starbucks card.) Akala ko ba mahilig kayo sa kape?

CONNIE: Hindi naman kumpleto ‘yan e, paano ko ipapalit sa journal?

PINA: Wala ka ba talagang pinapahalagahan?

CONNIE: Nilabas ko naman ‘yung mga importante. ‘Yung pictures natin, ‘yung IDs n’ya.

PINA: At ito (ipapatong sa mesa ang lotto ticket. Kukunin ang cellphone.)

CONNIE: Diyos ko, Pina. Kung lahat ng taong nagsusugal, nananalo, wala nang mahirap sa mundo.

            Ihahampas ni PINA ang kamay sa mesa.

CONNIE: Ano na naman ‘yan, di ka na two, di ka pwedeng mag-tantrums.

PINA (bulong.): As if naman na-witness mo ang mga tantrums ko.

CONNIE: Ano?

PINA: Sabi ko, mayaman na tayo.

CONNIE: Ano?

            Hahakawan ni PINA ang lotto ticket sa kanang kamay, ang kanyang cellphone sa kaliwa, at ilalapit ang dalawa sa mukha ni CONNIE.

CONNIE: Hmp, two winners. Me ka-share pa tayo.

PINA (dahan-dahang ibababa ang lotto ticket sa mesa. Ihihitsa ang cellphone sa sahig.): Ikaw lang, ikaw lang talaga, ikaw lang sa buong mundo ang nenegahin ang sampung milyong piso!

CONNIE (magkikibit-balikat.): Para namang anlaki-laki nun, alam mo ba kung ilang dolyar lang ‘yun? (Pupulutin ang cellphone, kakalikutin.) Lampas lang ng konti sa one hundred ninety thousand!

PINA: Talaga bang gusto mong sirain ang huling blessing sa ‘kin ni Papa?

CONNIE: Aanhin ko ‘yang pera kung wala naman ang Papa mo?

PINA: Hindi mo na kailangang umalis. (Patlang.) Pero ‘yon nga ano, gusto mong umalis.

CONNIE: Gusto kong makalimot.

PINA: Gusto mong tumakas.

CONNIE: Puro lang sakin ang nandito.

PINA: At ako?

CONNIE: Sumama ka sa akin!

            Tatahimik si PINA. Hindi n’ya inaasahan ang sagot na ito.

CONNIE (deflated.): O, wag. (Tatanawin mula sa malayo ang lotto ticket.) Malaking halaga naman talaga ‘yan. Ano’ng balak mong bilhin?

PINA: Bilhin?

CONNIE: Pwede rin namang magtayo ka ng business. Ang pangarap ko noon, grocery. Hindi sari-sari store a. (Tatayo.) Walang tingi-tingi. Kung gusto mong bumili ng sigarilyo (kunwaring hihithit), bumili ka ng isang rim!

PINA: Wala naman akong gustong bilhin.

CONNIE: Pwede ring magtayo ka ng apartment complex. Tatlong floor, sa ‘yo ‘yung nasa taas. Tas ‘yung first at second, tig-aapat na apartment. Wag kang magpaparenta ng pamilya, sakit sa ulo lang ‘yon. Nakaka-guilty pang palayasin. Dapat puro single. Parang Melrose Place, pero third world. (Patlang.) Alam mo ba ‘yung Melrose Place?

PINA: Wala rin akong gustong business.

CONNIE: Kung wala ka pang maisip, pwede mong ilagay lang lahat sa bonds. Wag sa stocks, malulugi ka lang dun. Bonds. Alam mo ba ‘yung bonds? James Bonds! (Tatawa sa sariling joke.)

PINA: Tama ka, Ma. Wala ngang kwenta ‘to. (Akmang lulukutin ang lotto ticket.)

CONNIE (hahablutin ang lotto ticket, ilalagay sa pitaka ng asawa.): Akala ko ba, huling blessing ng Papa mo?

PINA: Hindi. Joke ‘yan. Joke ng Diyos. Ngayon, pwede nang matupad lahat ng pangarap namin ni Papa, pero wala na s’ya. Tapos… Bond pa kayo nang bond d’yan.

CONNIE: Bonds! (Diin sa “s.”)

            Parang iiyak si PINA, pero hindi matutuloy. Mukha tuloy s’yang umiire.

CONNIE (lalapit kay PINA, hahaplusin ito sa likod.): Sige nga, ano ba’ng pangarap n’yo ng Papa mo?

PINA: Gagawa kami ng app.

CONNIE: App?

PINA: Oo, ‘yung sa cellphone. Baka naman hindi n’yo alam kung ano ang kurso ko?

CONNIE: Syempre alam ko.

PINA: Sige nga, ano?

CONNIE (manghuhula.): Clo…

PINA: Mali.

CONNIE: … eng…

PINA: Mali!

CONNIE: … nurs….

PINA: Hay naku, anlayo. App nga e!

CONNIE (matatanto ang lohikal na sagot. Self-righteous at indignant.): Malamang, computer science.

PINA: Mali!

CONNIE: E so Clothing Technology nga? ‘Yun naman ang una kong hula.

PINA: Marketing, Ma. Marketing.

CONNIE: Unang-una sa lahat, Marketing ka pala, ba’t anlakas mong humirit dun so boyfriend mong supot na ayaw sumama sa rally? At pangalawa, paano naman naging clue ‘yung app sa Marketing!

PINA: Paano n’yo nalaman?

CONNIE: Hindi ko nga nalaman kasi mali-mali ang clue mo.

PINA: Paano n’yo nalamang uncircumcised si Niko?

CONNIE: Sinilipan ko s’ya kanina sa banyo, bakit ba?

PINA: Oh my God Ma, nakakadiri ka. At hindi ko s’ya boyfriend ‘no!

CONNIE: Hindi ko s’ya sinilipan, ano ba’ng tingin mo sa ‘kin. Inaasar lang kita kaya sinabi kong supot s’ya. At isa pa, kung hindi mo s’ya boyfriend, pa’no mo nalamang supot s’ya?

PINA: Kailangan bang maging boyfriend ko s’ya para malaman ko ‘yon?

CONNIE: Aba, aba. Masyado ka na yatang liberated. Hindi kita ganyan pinalaki.

PINA: Hindi mo ako pinalaki at all!

            Parang sinampal si CONNIE. Mahabang patlang.

CONNIE (ihahagis sa mesa ang wallet, pupulutin ang cellphone.): Ayos pa, o.

PINA: Matibay ‘yan.

CONNIE (ipapatong sa mesa ang cellphone.): Ako bumili n’yan para sa ‘yo.

PINA: Sumbatan time na ba? (Iwawagayway ang wallet.) Marami na akong pera, gusto mo bang bayaran kita. Kaya ko, with interest!

CONNIE: Hindi pwera wala ako dito, hindi ako naging nanay sa ‘yo.

PINA: Alam n’yo, me sinabing related d’yan si Niko.

CONNIE (uupo.): Anong kalokohan ‘yan? Parang ‘yung PINAtalak n’ya kanina tungkol sa katulong? Hindi n’ya ba alam na offensive ‘yon para sa ‘king OFW?

PINA: Account executive ka, Ma, hindi DH.

CONNIE: OFW pa rin! Marami kaya akong kaibigang katulong.

PINA: Talaga lang a.

CONNIE: Account executive man o DH, hindi Pilipinas ang hindi Pilipinas. Doon, ang maaasahan mo lang, kapwa Filipino mo.

PINA: Ayan, ayan, saktong-sakto talaga sa sinabi ni Niko.

CONNIE: Sige na nga, ano po ang sinabi ng henyong si Niko?

PINA: Kasi, di ba, alam n’yo ‘yung kantang “Estudyante Blues.”

CONNIE: Oo naman. (Magsisimulang kumanta.) Pag–

PINA: Sapat na ‘yung oo, Ma. Makinig ka muna sa lecture. (Hindi na pasasabatin si CONNIE.) Di ba dun sa kanta, sabi ni Freddie Aguilar, “Wala doon si Tatay, wala doon si Nanay, katulong ang naghihintay”? Ang implication, hindi s’yang magulang. Pero meron, ‘yung katulong. ‘Yon naman ang nag-aalaga sa kanya e. ‘Yung katulong naman ang nandun sa bahay pag-uwi n’ya. So wag s’yang magreklamo.

CONNIE: Talagang obsessed ‘yang si Supot sa katulong, ano?

PINA: Tungkol ‘yon sa ‘tin, Ma.

CONNIE: Hindi naman katulong ang Papa mo, anak.

PINA: Si Papa ang tatay ko, at ang nanay ko. Kasi kayo, wala.

CONNIE: Wala nga ako, pero ako ang dahilan kung bakit may diaper ka. Kung bakit nakapag-preschool ka. Nakapagbakasyon sa Hong Kong, sa Taiwan. At wag mo ‘kong mahirit-hiritang ipagpapalit mo lahat ‘yon para magkaroon ka ng nanay, dahil kakasabi mo lang, may nanay ka naman. (Patlang.) At ngayon wala na s’ya.

PINA: At anong meron ako?

CONNIE: Isang daang libong mahigit na dolyar.

PINA: At kayo.

CONNIE: Ano mo nga ba ako, kundi mo nanay?

PINA: Ninang?

CONNIE: Ninang!

PINA: Di ba ganun ang ninang? Spoiler. Laging nagpapasalubong. Kasi nga, madalang tayong magkita. So ‘yung hindi mo nagagawang pang-araw-araw, tina-try mong punuan with big gestures. Kaya nga, Hong Kong para sa seventh birthday ko. Taiwan para sa eighteenth.

CONNIE: Singapore nung tenth.

PINA: Tenth ba, hindi fifteenth?

CONNIE: Fifteenth mo dito.

PINA: A, oo. Inaway mo ako.

CONNIE: Ako ang inaway mo.

PINA: Sinabunutan mo ako.

CONNIE: Pagkatapos mo akong murahin.

PINA: At least lampas na tayo sa pagmumurahan at pagbubuntalan.

CONNIE: Kasi ano na tayo?

PINA: Alam na natin kung ano tayo sa isa’t isa.

CONNIE: So, ano kita, inaanak?

PINA: Alam mo kung anong naiisip kong gawin sa perang ito, Nang?

CONNIE: Ano ‘yon, Pina?

PINA: Ido-donate ko sa charity.

CONNIE: Anak ng pating, anong charity? Akala ko ba, app?

PINA: Ikaw na rin nagsabi e, nasa Marketing ako, hindi naman Com Sci.

CONNIE: E mas malayo naman sa Marketing ang charity!

PINA: Isipin mo na lang, Nang. (Tatayo, ge-gesture sa cupboards.) Protacio Sion Foundation.

CONNIE: May ganun bang charity?

PINA: Wala, ako ang magtatatag.

CONNIE: Foundation for the?

PINA: Ewan. For the blind?

CONNIE: Wala ka man lang ideya. Iyon namang may kinalaman sa Papa mo! (Patlang.) Bakit hindi Foundation for Coffee Farmers?

PINA: Ang gandang ideya!

CONNIE: Talaga?

PINA: Hindi, ano ba? Iilang tao lang matutulungan non. Plus, ano ako, plagiarist? Ginagawa na ng Starbucks ‘yon e.

CONNIE: Starbucks? Napakaelitista mo talagang tao. Pabalikin mo ‘yang si Niko dito’t mag-sorry ka sa kanya.

PINA: Wag kang magulo, Nang. Nag-iisip ako. (Iikot-ikot sa kusina.) Bakit hindi… Cancer Foundation.

CONNIE: Anong klaseng kanser?

PINA: ‘Yung hindi masyadong kilalang kanser.

CONNIE: Bawal ang breast.

PINA: Bawal din ang leukemia.

CONNIE: Hindi naman ata kanser ‘yon e.

PINA: Cancer of the blood ‘yon!

CONNIE: Kung cancer of the blood s’ya, bakit hindi s’ya tinatawag na cancer of the blood?

PINA: Alam ko na, penile cancer!

CONNIE: Akala ko ba, gusto mo mas maraming matulungan kaya di pwede ‘yung Coffee Farmers?

PINA: Wait, wait, wait! (Mind blown gesture.) Alam ko na.

CONNIE: Lung cancer?

PINA: Male breast cancer.

CONNIE: Tama, bakit hindi?

PINA: Di ba, di ba? Protacio Sion Foundation for Male Breast Cancer Treatment.

CONNIE: Ang haba ng pangalan.

PINA: Bibigyan ko ng palayaw! Prota-Sion.

CONNIE: Nilagyan mo lang ng “n” ang pangalan ang Papa mo.

PINA: Hindi. Protacio plus Sion, Prota-Sion, kasi dapat lagi mong tsinetsek kung…

CONNIE: …kung …

PINA: … para ma-early detection ang kanser…

CONNIE: … hindi ko magets ang sinasabi mo…

PINA: Kung meron kang protru-sion! Ano ba ‘yan?

CONNIE: Aba sorry a, hindi kasi ako Marketing major.

PINA: Hindi nga, pero dapat may alam ng konti sa sales ang isang Commerce grad! Accounting executive pa naman kayo!

CONNIE: Hindi!

PINA: Hindi kayo Commerce grad?

CONNIE: Hindi ako accounting executive.

PINA: E ano kayo?

            Mahabang patlang.

CONNIE: Kasambahay. Hindi, mali, katulong. Kasi ‘yung mga Intsik, hindi kasama ang tingin sa akin. (Patlang.) Parang hindi ka shocked.

PINA: Matagal ko nang alam, Mama. Noong fifteenth birtday ko pa. Sinabi sa akin ni Papa pagkaalis n’yo. Para di na ako magalit sa inyo.

CONNIE: Hindi ata umepekto. Hindi ka man lang nagtext habang nasa airport ako, hindi man lang nag-email.

PINA: Mas lalo pa nga akong nagalit.

CONNIE: Ipe-plagiarize mo ba si Vilma?

PINA (mapapaupo.): Paano n’yo nagawang mag-alaga ng ibang tao, Ma, tapos ako hindi n’yo inalagaan?

CONNIE (uupo, hahaplusin ang mukha ni PINA.): Kasi kung ikaw ang inalagaan ko anak, walang magbabayad sa akin.

            Mahabang patlang.

PINA (ilalabas ang lotto ticket.): I’ll make a deal with you. Sa ‘yo na ‘tong pera, mag-sorry ka lang sa ginawa mo.

CONNIE: I’ll make a deal with you. Sa ‘yo na ‘yang pera, gastusin mo sa kung ano-ano, wag mo lang ituloy ‘yung Foundation na ‘yan.

PINA: Pera ko ‘to, pamana sa ‘kin ng tatay at nanay ko.

CONNIE: Pera ko ‘yan, conjugal property.

PINA: Na-establish na natin na wala ‘kang pakialam sa ‘kin, kaya ba’t di ka na lang umalis ng Pilipinas nang mas maaga?

CONNIE: Na-establish na natin na wala ka na ngang modo, wala ka pang utang na loob. Aalis ako, pero aminin mo ‘to: sige, hindi ako naging nanay sa ‘yo. Pero hindi ka rin naman naging anak sa akin!

PINA: Ano? What does that even mean? Malamang hindi kita magulang, hindi rin mo ‘ko anak. Wala kang binigay sa ‘kin, kaya dapat wala ka ring hihingin!

CONNIE: Pero meron, meron. (Patlang.) Meron. (Iikot sa kusina. Bubuksan ang isang cupboard, maglalabas ng cereal.) Imported ‘to, galing sa ‘kin. (Yuyuko, kukuha ng frying pan.) Teflon! Galing sa ‘kin. (Pupunta sa likod ni PINA, titingnan ang etiketa ng damit.) Gap! Gap! Galing sa ‘kin.

PINA: Excuse me lang ‘no, ukay ‘to. (Patlang.) Hindi ako (diin) bibili ng Gap, gumagamit sila ng child labor!

CONNIE: Puro ka dada. Child labor kuno. Kasambahay kuno. E ‘yung paghihirap ko, hindi mo man lang kilalanin.

PINA: Kinikilala ko! (Patlang. Pupunta sa cupboard, maghahalughog. Pagkatapos, pupunta sa isang drawer.) Teka. (Titingin sa damit ni CONNIE, aatras, pupunta sa mga kahon. Mapapansin ang cellphone.) Eto, eto. (Itatapat ang cellphone sa mukha ni CONNIE.)

CONNIE: Anong gagawin ko sa selfie mo? Iyon ang kapalit ng pagpapakatulong ko, nagpaganda ka?

PINA (titingnan ang cellphone, dudutdot.): Eto! (Itatapat ang cellphone sa mukha ni CONNIE.) Mataas na grades! At hindi lang ngayong college ‘yan a. Elementary, valedictorian. High school, valedictorian. Hindi ka man lang pumunta sa graduation ko.

CONNIE: Paano ako pupunta nag-aalaga ako ng anak ng puti!

PINA: Akala ko ba nag-enjoy ka dun?

CONNIE: Nag-enjoy ako sa pera! Pero hindi kailanman sa mga kinailangan kong gawin para makuha ang perang ‘yon.

PINA (babalikan ang lotto ticket.): Swerte ka pala. Eto na’ng pera, at wala kang kailangang gawin para makuha. (Iaabot.)

            Mag-aalinlangan si CONNIE, pero bibigay ito’t aabutin ang lotto ticket, na hahablutin palayo ni PINA.

CONNIE: Josefina!

PINA: Consolacion!

CONNIE (uupo.): Ayoko na. Ayoko nang makipag-away. (Patlang.) Pero gusto ko nga ‘yang pera.

PINA: Sinasabi ko na nga ba.

CONNIE: Alam kong hindi ko kahit kailan mababayaran ang atraso ko sa ‘yo. Sa isip mo, ako ‘yung taong nang-abandona sa ‘yo. ‘Yung taong walang pakialam, ‘yung hindi nagmahal. At (patlang) sa tingin ko, may punto ko. At (patlang) sawa rin naman ako sa kakahingi ng paumanhin. Hindi, hindi sawa. Ayokong humingi ng paumanhin, dahil lahat ng kinailangan mo sa akin, binigay ko.

PINA: Except ang pagiging nanay.

CONNIE: Except ang pagiging nanay.

PINA: Aminin mo, mas mahalaga naman ang perang ‘to sa ‘yo kesa sa akin, ‘no?

CONNIE: Inaamin ko.

PINA (devastated, mapapaupo.): Wow.

CONNIE: Pero, aminin mo rin.

PINA: Ang ano?

CONNIE: Sige na, hindi kita mahal.

PINA: Aray.

CONNIE: Pero matagal mo na ring hindi kinalangan ang pagmamahal na ‘yon. Matagal mo na ring hindi ginusto.

PINA: Hindi totoo.

CONNIE: At bakit mo nga namang kakailanganin at gugustuhin ang pagmamahal ko, e sapat na naman ang pagmamahal ni Protacio Sion, ang pinakamagaling na magulang sa mundo.

PINA (itataas ang lotto ticket.): Isang hirit mo pa laban sa kanya, pupunitin ko ‘to.

CONNIE: I’m sorry, I’m sorry. (Ilalabas, sisilipin, ibubulsa ang sariling cellphone.) Hindi ka maniniwala dito, pero pag iniisip ko s’ya lately, ang iniisip ko ‘yung masamang alaala namin.

PINA: I totally believe that.

CONNIE: Para kasing mas madaling tanggapin na patay na s’ya kung ang aalalahanin ko ‘yung mga away namin, ‘yung mga kakulangan n’ya. Pero hindi. Alam mo kung anong nakakatawa? Kahit dun sa mga inaalala kong away, napapaiyak ako. Kahit pag iniisip ko ang mga kakulangan n’ya, mas lalo ko lang iniisip na ako na ang may malaking kakulangan sa mundo, kasi wala na s’ya. Walang makakapuno ng pwesto n’ya sa buhay ko. (Patlang.) He was my best friend.

PINA: Best friend? Asawa mo s’ya.

            Hahagulhol si CONNIE.

PINA (aatras ang galit.): Tama na ‘yan, Ma.

            Tuloy lang sa iyak si CONNIE.

PINA (nagpipigil ng iyak.): Huy, Donya Consolasion.

            Tuloy lang sa iyak si CONNIE.

PINA (hahaplusin ang braso ni CONNIE.): Nang, tahan na. (Patlang.) Gusto mo ng bad memory? Alam mo, mahal na mahal ko si Papa, pero hindi s’ya perpekto. (Patlang.) Let’s see… (Patlang.) One time, nung bata ako, sabi n’ya, wag matigas ang ulo mo, hindi ka naman uten. Oh my God. Kinailangan ko pang itanong sa bakery kung ano ‘yung uten!

            Titingnan lang ni CONNIE si PINA.

PINA (iaabot ang lotto ticket.): Ito o, sa ‘yo na.

CONNIE (tuloy pa rin sa iyak, pero kukunin ang lotto ticket.): Thank you.

PINA: Grade six.

CONNIE (kukunin ang wallet, isusuksok ang lotto ticket sa loob, ibubulsa ang wallet.): Grade six…?

PINA: Grade six ako nagdesisyong hindi na kita kailangan, o gusto, sa buhay ko.

CONNIE: Eight years ago. Sa graduation mo?

PINA: Summer, bale. Di ba sabi mo magbi-beach tayo, pero di ka tumuloy ng uwi?

CONNIE: Maraming beses ko yatang ginawa ‘yon.

PINA: Oo, before and after. Pero espesyal ‘to, kasi sabi mo, reward ko sa pagiging valedictorian ang pagpunta natin ng beach. Alam mo kung ano ang trigger?

CONNIE: Hindi man lang kita tinawagan?

PINA: Nagpadala ka ng pera.

CONNIE: Nagpadala ako ng pera.

PINA: Nagpadala ka ng pera, at nakapag-beach kami. Nang wala ka. Hindi ka naman pala essential ingredient e. ‘Yung pera ang kinailangan namin ni Papa, ‘yung pera dapat ang ginugusto ko, kasi gusto kong mag-beach. Na galing sa ‘yo ‘yung perang ‘yon, e, ganun talaga. Nagsaya kami, alam mo ba? Sapat na si Papa. Higit pa sa sapat. At ngayon, wala na s’ya. (Iiyak.) Pareho pala tayong nawalan ng best friend e.

            Tatayo si CONNIE para bigyan ng masahe si PINA. Magri-ring ang cellphone ni CONNIE. Hindi niya ito papansinin sa simula, pero tuloy lang ito sa ring.

PINA (hahawakan ang kamay ni CONNIE.): Okey lang, sagutin mo.

CONNIE (pupunta sa may lababo. Bulong.): Hello? May ginagawa kami ni Pina. Mamaya ka na lang tumawag. (Patlang.) Oo na, oo na, wag ka nang makulit. (Babalik sa likod ni PINA, pero tatanggi na si PINA sa masahe. Uupo si CONNIE sa tapat ni PINA.)

PINA (magpupunas ng luha.): Sino ‘yon?

CONNIE: Kwan, kumare ko.

PINA: Kumare? Ninang ko?

CONNIE: Ako ang ninang ng anak n’ya.

PINA: May inaanak ka pala.

CONNIE: Isa lang.

PINA: Dito sila nakatira sa Pilipinas?

CONNIE: ‘Yung inaanak ko. ‘Yung kumare ko, OFW din.

PINA: Nag-long distance call s’ya?

CONNIE: Viber ‘yon, hindi tawag sa cellphone. Ano ba namang interogasyon ‘to? Malala ka pa sa puti sa Embassy.

PINA: Ilang taon na ‘yung inaanak mo?

CONNIE: Kasing edad mo.

PINA: Pumunta s’ya sa burol?

CONNIE: Oo, pati sa libing.

PINA: Hindi mo ‘ko pinakilala?

CONNIE: Hindi naman s’ya importanteng tao.

PINA: Pero tinatawagan ka ngayon ng nanay n’ya.

CONNIE (hindi mapigilan ang sarili. May diin.): Tatay. (Patlang.) ‘Yung tatay, importanteng tao. ‘Yung inaanak ko, hindi.

PINA: Akala ko ba kumare mo ang tumawag?

CONNIE: Susmaryosep! Alam mo bang October 2001 ako umalis ng Pilipinas? Para kang puti! Anong tingin mo sa ‘kin, terorista?

PINA: Sinungaling, sinungaling ka. Sino ‘yung kausap mo?

CONNIE: Kumpare ko nga.

PINA: At anong gusto n’yang pag-usapan n’yo?

CONNIE: Kung kelan ako uuwi.

PINA: Ano namang pakialam n’ya kung kelan ka uuwi?

            Sasagot na dapat si CONNIE pero may kakatok.

NIKO (off-stage.): Tao po, tao po.

PINA: Niko?

CONNIE: Niko, hijo, pasok!

            Titingnan nang masama ni PINA si CONNIE.

NIKO (may alinlangang papasok sa kusina.): Mrs. Sion, Pina, sorry. Naiwan ko ‘yung cellphone ko dito.

PINA: Niko, wala kang sense of timing.

NIKO: I’m sorry po, Mrs. Sion, papatayin kasi ako ng nanay ko kung mawala ko ‘yun.

PINA: Sigurado ka bang nandito ‘yon?

NIKO: Oo, Pins. May track phone app ako sa tablet.

CONNIE (bubulong kay PINA.): Puro kayo rally tapos puro kayo gadget. (Kay NIKO, normal na boses.) Ang galing naman ng app na ‘yan. Ganun din ba ang app mo, anak? Sige hijo, nasan na ‘yung cellphone mo? Alam mo bang States, ang tawag namin d’yan dati, mobile?

NIKO (mag-o-all fours sa sahig.): Hindi po ganung ka-exact, Mrs. Sion. Basta alam ko lang po, nandito sa bahay n’yo. E dito naman ako sa kusina tumambay, so…

PINA (mag-o-all fours din.): Tulungan na kita.

CONNIE (mag-o-all fours din.): Ay, ako rin.

            Iikot sina NIKO, PINA, at CONNIE sa center kitchen table. Ilang beses silang iikot, minsan mababangga pa ang mga kahon.

PINA (tatayo.): Suko na ako.

CONNIE: Ako hindi pa.

NIKO (tatayo na rin.): Ay, hindi po, Mrs. Sion. Baka po nagkamali ‘yung app. Tsaka (titingin kay PINA.), ano po kasi.

CONNIE (tatayo na rin.): Wag mo nang sabihin. Alam ko namang hindi lang kayo sa kusina tumambay ni Pina. Pero hijo, hindi na kita papabalikin ngayon sa kwarto ni Pina, ha? S’ya na lang ang maghahanap ng cellphone mo.

PINA: Ano? Para kang baliw!

CONNIE: Isipin mo nga, Pina, papayag ba ang tatay mong pumunta si Niko sa kwarto mo?

            Mahabang patlang.

PINA: Fine. (Padabog na aalis sa kusina.)

NIKO: Salamat po, Mrs. Sion.

CONNIE (uupo.): Please, hijo. Call me Auntie. Upo ka, upo.

NIKO (uupo.): Salamat po, Auntie.

CONNIE: Sabihin mo sa akin, matagal na ba kayong nagse-sex ni Pina?

NIKO (halos mapatayo.): Po?

CONNIE: Wag ka nang magsinungaling, Niko. Baka multuhin ka ni Protacio.

NIKO: Hindi naman po kaming nag… Hindi naman po matagal.

CONNIE: Hindi kayo matagal mag-sex?

NIKO: Hindi po. Este, hindi pa po matagal kaming nagse-sex. Mga (patlang.) dalawang buwan pa lang po.

CONNIE: Hmm… Dalawang buwan. Two months ago unang naospital si Protacio, ano?

NIKO: Po?

CONNIE: Alam mo, Niko, nag-college din ako. Edukada akong tao. Klarong-klaro sa akin ang sitwasyon n’yo ni Pina.

NIKO: Hindi ko po… hindi ko po s’ya pinagsamantalahan. Este, talaga pong hindi ako reypist. Ang ibig kong sabihin, I didn’t take advantage of her sadness po. Matagal na naman po kaming nagmomomol.

CONNIE: Anong kinalaman ng pagmo-mall n’yo sa sex?

NIKO: E ‘yon po bale ang first step.

CONNIE (tatango.): Ganun ba? Iba na talaga ang kabataan ngayon. Kami ni Protacio, namamasyal lang sa Luneta.

NIKO: Totoo po?

CONNIE: Ano ka ba? Hindi! Mukha ba ‘kong 60 sa ‘yo?

NIKO: Sorry po, Auntie. Mukha po kayong bata.

CONNIE: Better.

NIKO: Sana po naniniwala kayo sa ‘kin. Hindi po ko talaga pinagsamantalahan ang lungkot ni Pins.

CONNIE: Sana, Niko, sana. Alam mo, hindi kami malapit sa isa’t isa ni Pina, pero hindi ko pa rin gugustuhing gamitin at lokohin mo s’ya. Sige na, pumunta ka na sa kwarto n’ya. Tulungan mo na s’yang hanapin ang cellphone mo.

NIKO (mabilis na tatayo.): Talaga po?

CONNIE: Oo. Hanapin n’yo ang cellphone mo. (Kikindat.)

            Litong aalis si NIKO sa kusina.

            Mabilis na tatayo si CONNIE, ilalabas ang lotto ticket sa wallet, at isusuksok ito sa alkansyang baboy. Ipagpapalit n’ya ang pwesto ng mga kahon, para nasa ilalim na kahon ang kahon kung saan nakalagay ang baboy.

            Babalik sina NIKO at PINA sa kusina.

NIKO: Yehey, Auntie! Nakita ko na!

CONNIE: Congratulations. Gusto mo bang dito mag-dinner?

            Sasagot sana si NIKO pero sasabat si PINA.

PINA: Hindi ano! Sige na, Niko. Magkita na lang tayo sa rally. (Halos ipagtulakan na si NIKO palabas ng kusina.)

CONNIE (uupo.): Malungkot ka pala.

PINA (uupo.): Hindi ba umiiyak ako kanina.

CONNIE: Oo, oo. Ngayon, malungkot ka. Pero nung burol, di ka umiyak. Kahit nung libing.

PINA: Hindi pwera hindi umiiyak, hindi malungkot. (Itataas ang mga kamay na parang sumusuko.) Look, ayoko na nang away. Tapos na tayo don, tapos na tayo sa sigawan, sa iyakan. Gusto ko na lang magpahinga.

CONNIE: May kailangan akong sabihin sa ‘yo.

PINA: Isang linggo ka pa naman dito, bukas ka na lang magkumpisal.

CONNIE: Kailangan ngayon. Kundi baka hindi ko na naman masabi.

PINA (bubuntong-hininga.): Ano pa ba ang masasabi mo? Hindi mo ako mahal, check. Mas mahal mo pa ang pera kesa sa akin, check. Best friend lang ang tingin mo sa asawa mo, check. (Patlang.) Hay naku, alam ko na.

CONNIE: Wag mong sabihin, gusto kong ako ang magsabi.

PINA: May iba ka nang pamilya, ano?

CONNIE: Pina…

PINA: Sila ang inuuwian mo.

CONNIE: Sila ang dahilan kung bakit hindi ako umuuwi.

PINA: Sila ang minahal mo.

CONNIE: Minahal ko rin kayo.

PINA: Pinadalhan mo kami ng pera.

CONNIE: Hindi ba pagmamahal din ‘yon?

PINA: I guess. (Patlang.) Alam ni Papa?

CONNIE: Oo.

PINA: Ba’t di n’ya sinabi sa ‘kin?

CONNIE: Sabi ko sabihin na n’ya e. Gusto daw n’ya, pagtapos ka na ng college. Baka daw kasi masira ang tingin mo sa pamilya.

            Tatawa sina PINA at CONNIE.

PINA: Oh my God, si Papa talaga. Napaka-naive.

CONNIE: Idealistic lang.

PINA: Ilan ang anak mo?

CONNIE: Dalawa. Isang babae, si Elisabeth, isang lalake, si David.

PINA: Kaedad ko ‘yung panganay, ‘no?

CONNIE: Isang taon ang lamang mo. (Patlang.) Alam mo kung ano ang nakakatawa? Ayokong magkaanak. Sinabi ko ‘yan sa Papa mo. Ayokong magkaanak. Tapos, nagkaanak kami, tapos, nag-abroad ako para lang makatakas sa responsibilidad. Ayun pala, mag-aanak din ako. Dalawa pa!

PINA: Bibigyan kita ng parenting advice.

CONNIE: Talaga lang a.

PINA: Shh! Makinig ka. (Patlang.) Alam mo nung sixteen ako, may nag-imbita sa ‘kin sa pool party. Pool party. Bumili pa talaga ako ng bikini. Pagdating ko dun sa bahay, bilyar pala ‘yung tinutukoy nilang pool. (Patlang.) Mahal na mahal ko si Papa. Pero may mga incidents na ganun na… na kinailangan ko ng mas feminine na touch sana.

CONNIE: Sixteen ka na naloko ka pa nang ganun?

PINA: ‘Yung anak mong babae, kailangan n’ya ng babaeng magulang. Please. (Patlang.) Libreng advice ‘yon, wag mo nang tanggihan. (Patlang.) ‘Yung tumawag mong kumpare, s’ya ‘yung asawa mo?

CONNIE: Si Elisabeth ‘yon. (Patlang.) Last year namatay si Kublai.

PINA: Si Kublai ‘yung asawa mo.

CONNIE: Oo.

PINA: Anong kinamatay n’ya?

CONNIE: Hindi ka maniniwala, pero male breast cancer.

PINA: Aray.

CONNIE: Natulungan kaya s’ya nung Foundation mo?

PINA: Nako, Foundation. Alam mo namang hindi panalo ‘yung lotto ticket di ba?

            Mapapatayo si CONNIE, magkakandarapang hanapin ang alkansyang baboy. Hindi n’ya ito mabuksan. Kukuha s’ya ng malaking kutsilyo sa may lababo para buksan ito. Ilalabas n’ya ang kanyang cellphone at ikukumpara ang mga numero sa website ng PCSO sa lotto ticket. All this time, tawang-tawa si PINA habang pinapanood si CONNIE.

CONNIE: Hay naku, I deserved that, ano? (Unti-unting matatawa si CONNIE. Sasabayan s’ya ni PINA.) Ikaw, naku ikaw!

PINA: Ano?

CONNIE: Loko-loko ka rin ano?

PINA: Naniwala ka ba talagang ibibigay ko na lang sa ‘yo ‘yung sampung milyong piso?

CONNIE: Naku! Ikaw! Anak ka talaga ng tatay mo!

WAKAS

Ang Anak Ka Ng ay unang itinanghal bilang bahagi ng Virgin Labfest 15, sa Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater) sa Cultural Center of the Philippines, noong Hunyo 20, 2019, sa direksyon ni Maynard Manansala. Pinagbidahan ito nina Skyzx Labastilla at Krsytle Valentino.