ni U.Z. Eliserio

Matangos ang ilong ng Diktador, at iyon lang ang mabuting masasabi tungkol sa kanya. Bako-bako ang kanyang mga ngipin, at kahit noong binata pa’y panot na. Wala man lang s’yang tapang para magpakalbo na nang tuluyan sa barbero. Biro ng kanyang mga kakilala, sa sobrang pangit n’ya, tanging ang pinakadesperadong babae sa Cubao ang magpapabayad sa kanya. Pero, syempre, nang maging Diktador, wala nang makapagbiro laban sa kanya. Pinapapapatay n’ya lahat, ang mga troll sa Internet, ang mga mamamahayag na gustong ireport ang katotohanan, ang mga kaaway sa politika. Sino ang Diktador na ito? Itago na lang natin s’ya sa pangalang Trump.

Saan nanggaling si Diktador Trump? Bagaman todo ang kanyang makinarya ng propaganda para palabasing galing s’ya sa hirap, ang kwento n’ya’y ang karaniwang kasaysayan ng mga makapangyarihan sa Pilipinas: mayaman ang kanyang pamilya. Bahagi sila ng isa sa 150 na nagmamay-ari ng mayorya sa lupa ng bayan. Mahalaga para kay Diktador Trump na isipin ng mga taong dinaan n’ya sa tyaga ang kanyang pag-unlad: ano pa ba ang makakabili sa kanilang katapatan at pagsunod kundi ang identipikasyon? Pero mahalaga rin kay Diktador Trump na tingnan ang kanyang sarili bilang laki sa hirap. Nang sa gayon, kakayanin n’yang tingnan ang sarili sa salamin bawat umaga, at sabihing para sa mabuti ang kanyang ginagawa, kahit na ubod nang sama. Hindi s’ya nagkakamal ng salapi at impluwensya dahil hayok s’ya sa kapangyarihan, kundi dahil mabuti s’yang ama sa bayan, at kung susundin lang ang kanyang loob ay magiging payapa at maunlad ang lahat.

Pangit si Diktador Trump, at ipokrito, pero hindi s’ya bobo. Sa totoo, madunong s’ya. Wais pa. Mahusay s’yang politiko. Noong hindi pa s’ya Diktador, marunong n’yang makipagkompromiso. Sa mga manggagawa, pinangako n’ya ang katapusan ng kontraktwalisasyon. Sa mga kapitalista, ipinangako n’ya ang pag-igting ng liberalisasyon. Nangako s’ya ng kapayapaan. Nangako s’ya ng walang hanggang digmaan. Basang-basa ang pamamayani ng patriyarkiya sa Pilipinas, machismo ang napili n’yang ideolohiya. Lalake s’yang haharap sa Estados Unidos. Lalake s’yang haharap sa Tsina. Lalake s’yang mambababae. Lalake s’yang hindi matanggihan ninoman.

Madunong din s’ya sa kasaysayan. Alam n’ya ang tadhana ng lahat ng Diktador: ang maagnas at mapalitan. Kaya nga sa unang araw pa lang ng kanyang diktadurya, ipinamukha na n’ya sa bayan na hindi s’ya diktador, sa pamamagitan ng pagtawag sa sarili bilang… Diktador. Diktador Trump, ang diktador na hindi diktador. Pagkatapos ay pinasuspinde n’ya ang writ of habeas corpus at ipinakulong ang pinakamapanganib sa kanyang mga kaaway.

Dito na maaaninag ang kanyang pagkawais. Pinakulong, pinadistyero, pinapatay n’ya ang mga pinakamatindi ang paglaban sa kanya. Pero iyong pwedeng bilhin, binili n’ya. Iyong pwedeng suhulan, sinuhulan n’ya. Iyong natatakot para sa kapakanan ng pamilya, binantaan n’ya ang pamilya. Iyong nasisilaw ng medalya at rekognisyon, binuhusan n’ya ng pagkilala ng estado. Naging kaulayaw s’ya ng mga alagad ng sining, ng mga negosyante, ng mga pulis, ng militar. Para bagang binasa n’ya ang Prinsipe ni Machiavelli–at pinaniwalaan ang mga aral nito.

Hindi naman absolutong halimaw si Diktador Trump. Hindi lahat ng kanyang ugnayan ay utilitarian. Sa ilalim ng kanyang rehimen, naging legal ang medicinal marijuana. Nagpatayo s’ya ng women’s shelter sa buong bansa. At kinaibigan n’ya ang isang buang, isang manunulat, na itatago natin sa pangalang Rio Elise.

Walang kredibilidad si Rio bilang alagad ng panitikan. Wala s’yang natatamong gawad. Hindi bumebenta ang kakaunti n’yang libro. Wala s’yang Ph.D. mula sa prestihiyosong unibersidad. Dalawang daan lang ang followers n’ya sa Twitter, at karamihan dito’y mga bot. Wala rin naman s’yang husay sa paggawa ng talumpati. Wala talaga s’yang pwedeng maging papel o silbi kay Diktador Trump. Pero lagi s’yang naiimbitahan sa mga party sa Palasyo. Pinakikinggan ng Diktador ang kanyang mga ideya, kahit hindi naman pwedeng iimplementa ang mga ito (halimbawa, libreng pagkain hindi lamang para sa mga mahirap, kundi para sa lahat ng Filipino). Aliw na aliw si Diktador Trump lalo na sa mga pitch ni Rio. Isang halimbawa: “Gagawa ako ng kwentong pambatang Uuwi na ang Tatay kong si Joma ang pamagat. Bale ‘yung nanay nung bata, hindi alam kung sino ang tatay n’ya. E kawawa naman ‘yung bata, kasi inaasar ng mga kalaro. Kaya sabi nung nanay, si Joma ang tatay n’ya, at mahal na mahal s’ya nito, kaso hindi pwedeng umuwi ng Pilipinas si Joma kasi baka ipapapatay ng militar. E nagkaroon ng peace talks, at nangako si Joma na uuwi na s’ya. Kaya ‘yung bata, ipinagmalaki sa mga kaibigan at kapitbahay na sa wakas uuwi na sa Pilipinas ang tatay n’yang mahal na mahal s’ya.”

“Ano ang ending?” tanong ni Diktador Trump habang sinisilipan ang waitress ng restaurant.

“Wala, e di di n’ya tatay si Joma.”

“Kawawa naman ‘yung bata.”

“Kaya nga, cutting edge na kwentong pambata. Para harapin nila ang malupid na realidad imbes na maging utak-milenyal.”

Pinisil ni Diktador Trump ang pwet ng waitress habang ngingisi-ngisi.

Muntik nang isa si Rio sa pinadampot ng Diktador sa mga unang araw ng kanyang paghahasik ng lagim. Bago pa man kasi maging presidente si Diktador Trump, noong kasagsagan ng eleksyon, nagpost si Rio sa Twitter ng kanyang painting (sa totoo lang ay Photoshop) na anti-Trump (karikatura ito, mukhang barracuda si Trump). Hindi akalain ni Rio na sa dalawang daang followers n’yang karamihan ay bot, may isa pala na tao na ubod na mahal si Trump at bilib na bilib sa mga pangako nito. Nag-viral ang “painting” ni Rio (hindi rin s’ya nirerespeto ng mga kapwa alagad ng sining) at nabalitaan ito ng Diktador. Hindi ito pinansin ni Diktador Trump, pero ikinubli n’ya ang pangalan ni Rio sa kabinet sa kanyang isip. Nang matapos ang eleksyon ay hindi pa rin n’ya ito inalala. Pero nang maging Diktador, ipinahanap n’ya sa kanyang mga alipores ang “painting.” Pinaprint n’ya ito at pina-frame. Habang ikinukulong at ipinapatapon at nara-riding in tandem ang mga pinakamakalakas na kaaway ng Diktador, pinagmuni-munihan n’ya ang magiging kapalaran ng “pintor” na nagsubok lumaban sa kanya. Ipinadampot n’ya si Rio.

Sa kahabaan ng Roces napagbuksan ng van na itim ang manunulat-pintor na hindi inirerespeto ng kanyang komunidad. Nagsisigaw s’ya, pero nagkataong may service ang Jesus Miracle Crusade sa Amoranto Stadium, at walang nakarinig ng kanyang paghingi ng saklolo. Sinikmuraan s’ya ng pulis at nilagyan ng plastic ng Save More sa ulo. Na-trapik pa sila papuntang Palasyo. Iyon ang pinakanakakatakot na dalawang oras sa buhay ni Rio.

Isang tingin pa lang ng Diktador kay Rio, kinaawaan n’ya na ito. Alam n’yang hindi ito magiging panganib sa kanya, ilan mang karikatura ang likhain nito. Bako-bako rin kasi ang ngipin ni Rio, at mas panot pa ito sa Diktador. Mas malala pa: pango ang ilong nito! Mas mababa pa ito sa ipis sa pananaw ng Diktador, kasi, “Ang ipis pag nakita mo, tatapakan mo. Inirerespeto mo ang potensyal nitong gambalain ka.” Ipapabalik na sana ng Diktador si Rio sa kung saan ito dinakip nang bumulalas ang manunulat-pintor: “Magsusulat ako ng nobela laban sa ‘yo!”

Sumimangot ang Diktador. Bagaman kaawa-awa ang hitsura ni Rio, may konting tapang ang karikatura nito. Baka naman mas mapanganib pa kung panulat ang pag-uusapan. “At anong uri ng nobela ang isusulat mo?”

Nasa kusina sila ng Palasyo. Nagluluto si Diktador Trump. Hawak-hawak ng dalawang pulis ang mga braso ni Rio. Kumalam ang kanyang sikmura. “Pwede… pwedeng patikim muna?” Kilala n’ya ang halimuyak ng sinigang.

“Hindi pa luto. Anong klaseng nobela ang isusulat mo”

Bumulwak ang mga salita mula sa bunganga ni Rio. “Magsusulat ako ng realistang nobela na maglalarawan ng mga karumal-dumal mong gawain. Assassin ang bida. S’ya ‘yung nagmamaneho ng motor. May ka-riding in tandem s’ya. Habang umiikot sila sa Maynila papunta sa target nila, ilalarawan n’ya, mala-flaneur, ang kinasasadlakan namin dahil sa ‘yo. Ang pekeng luntian ng damo. Ang mga puting pader na nagtatago ng mga squatter. Ang mga billboard mo ng “salot ang droga”! Lahat ‘yan pakiramdam ng mambabasa s’ya ang makakakita. Isang araw lang ‘tong lahat mangyayari, makinig ka. Iyon ang conceit. Beinte kwatrong kabanata, tig-60 pahina bawat isa, isang pahina, isang minuto.”

“Mukhang matagal mo na ‘yang napag-isipan, bago pa man kita ipa-abduct.”

“Ha? E…” Sinubukang magpunas ng pawis ni Rio, mainit sa kusina, pero hindi s’ya makakakalas sa mga pulis. “O sige, hindi naman kasi kailangang laban sa ‘yo, o kahit tungkol sa ‘yo, o kahit tungkol sa Pilipinas ‘yung nobela. Gusto ko lang talaga ‘yung 60 pahina ang bawat kabanata ng 24 na kabanatang nobela.”

Kumuha ng mangkok si Diktador Trump at sinalukan ito ng sabaw. Ngumisi s’ya, at inilapag ang mangkok sa mesa sa harap ni Rio. “Sige na,” sabi n’ya sa mga pulis, “iwan n’yo na kami.” Kay Rio, sabi n’ya, “Uminom ka muna ng sabaw nang magkainit sa tyan mo. Kwentuhan mo pa ako tungkol sa nobela mo.”

“Itong 60 pahina bawat kabanata, o ‘yung ibang nobela ko?”

“Meron pang iba?” Humalakhak si Diktador Trump. Kung sa una’y naawa s’ya kay Rio, ngayon katawanan na ito sa kanya. “Lahat. Ikwento mo sa akin lahat.”

Sabi ni Mata, nagsusulat lang ng nobela ang mga manunulat para patunayang tama ang kani-kanilang teorya ng nobela. Para kay Rio, tama na ang kanyang teorya, at hindi na kailangang patunayan pa. Kaya wala s’yang nobelang naisusulat na magsisilbi sanang pruweba.

Ano nga ba ang nakita ng Diktador sa manunulat? Bahagi lang ito ng kanyang kampanyang kumbinsihin ang sarili na mabuti s’yang tao. Dahil mabait s’ya kay Rio, na sa mata n’ya ay baliw o bobo, walang pagkakaiba ang dalawang katangiang ito sa kanya, pwede n’yang sabihin, “Masdan n’yo akong maawa. Masdan n’yo akong magdesisyon alinsunod sa aking puso.”

At si Rio, bakit s’ya nahumaling sa Diktador?

Ipinanganak n’ya sa isang mababang gitnang uring pamilya. Mayroon silang sariling bahay, at ang kanyang mga tiyuhin ay kasama sa unang buga ng mga OFW, OCW pa noong 80s, na nakipagsapalaran sa Gitnang Silangan.

Isang beses nang umuwi ang panganay na kuya ng kanyang tatay. Minolestya nito si Rio. Nagsumbong ang noo’y kinse anyos sa kanyang mga magulang. Nag-away ang kanyang tatay at tiyo. Nagkatakwilan. Hindi kinasuhan ng tatay ni Rio ang kanyang tiyo. Hindi na nila muling kinausap ang mga kamag-anak ng kanyang tatay, pero hindi rin ito naghangad ng paghihiganti para sa kanya. Gabi-gabi noon, binubulungan ng kanyang nanay si Rio, “Hindi nakakalimot ang mga Eliserio, at hindi tayo nagpapatawad. Hindi nakakalimot ang mga Elise, at hindi tayo nagpapatawad.” Ito ang dahilan kung bakit apelyido ng kanyang nanay ang gamit ni Rio. Dahil mahal s’ya ng kanyang tatay, pero mahal pa rin nito ang kapatid.

Otsenta anyos na ang tatay ni Rio, pero may saysay pa rin itong mag-isip. Nagpatayo ito ng bahay sa Bulacan pagkatapos mamatay ng asawa. Linggo-linggo dinadalaw ito ni Rio, linggo-linggo isa lang ang kanilang pinag-uusapan. “Kasumpa-sumpa ang Diktador! Hindi ako mamamatay nang hindi napapatalsik ang Trump na iyan!”

Nangingiti si Rio pag nagagalit ang kanyang tatay sa Diktador, lalo na pag nanginginig ito habang sumisigaw sa telebisyon. “Hunyango! Hunyango!” sigaw nito sa telebisyon. Bakit daw nagpapanggap na pino at pulido si Diktador Trump, e noong nakilala n’ya ito sa Negros noon, panay ang mura nito. Ngayon, laging naka-Amerikana.

Alam ni Rio, kahit kailan ay hindi napunta ang kanyang tatay sa Negros.

Alam din n’ya, hindi peke ang pagiging malinis ng panlabas na anyo ni Diktador Trump. Hindi talaga ito palamura. Hindi nga ito mahilig sumigaw. Paano’y alam nito, kahit na bulong lang, may bigat ang mga salita. Isang beses nga, nakita ni Rio na sunggaban ng mga tauhan ng Diktador ang isang negosyante nang magtaas ito ng kilay. Hindi kailangan ng salita kung mayroong kapangyarihan.

Kabaliktaran naman si Rio. Wala s’yang kapangyarihan kung wala s’yang salita. At kaunti lang ang salitang alam n’ya. Sinusubukan n’yang lamunin ang mundo gamit ang limitado n’yang bokabularyo. Kaya kadalasan s’ya ang nakakain. S’ya ang nasusupalpal. S’ya ang nato-troll. Merong magsasabing ito ang dahilan kung bakit s’ya kumapit sa Diktador. Naakit s’ya ng kapangyarihan nito. Aalagaan s’ya ni Diktador Trump. Ipagtatanggol at ipaglalaban. Aarugain s’ya nito tulad ng ginagawa ng Diktador sa Pilipinas.

Tsaka, kasi, talagang nakikinig si Diktador Trump sa mga kwento n’ya.

Alam naman ni Rio na wala s’yang talento. Kaya nga naaakit s’ya sa mga anti-realistang moda, sa pagpipinta man o pagsusulat. Ang gusto n’ya sa sining, appropriation. Isang beses, pinicturean n’ya ang mural sa Heart Center, iyong napapaligiran si Imelda ng mga doktor at may sakit. Crinop n’ya ang mga doktor at tinawag itong “Paghigop.” Dalawang follower n’ya sa Twitter, kasama rito iyong nagsumbong sa kanya sa Diktador, ang nag-favorite nito. Sa totoo, hungkag ang kanyang pangako na magsulat ng realistikong nobela laban sa Diktador. Walang kabatiran si Rio tungkol sa sikolohiya, walang kakayahan sa set pieces. Sinubukan n’ya rin minsang magsulat ng pop, kaso kapos s’ya sa pacing at hindi maintindihan ang ibig sabihin ng suspense. Akit na akit s’ya sa conceptual writing ni Goldsmith.

May tinik naman ang kanyang karikatura. Kahit papaano, may hapdi ang kanyang parodiya. Pwede nating sabihin, may kaunti s’yang talento–sa panggagago.

Nagkaroon lang s’ya ng lakas ng loob aminin ang lahat nang ito dahil sa Diktador. Madalas kasi s’yang sabihin ni Diktador Trump, habang hinihimas ang kanyang buhok, “Rio, ba’t di ka magsulat ng satirikal, doon ang lakas mo.” O di kaya, “Wag kang masyadong puro kasarian ang tinatalakay, hindi iyan ang puno’t dulo ng problema ng ating bayan.” Wala mang sariling talento tungkol sa sining, pwede sanang kritiko si Diktador Trump. Ilang beses ding pinagmunihan ni Rio kung totoo ang tsismis na sagisang-panulat ng Diktador ang Poseidon Slytherin, isang anonymous blogger na mahilig sumulat ng sanaysay na ipinepresenta ang kasaysayan sa pamamagitan ng trivia, ala-Ambeth Ocampo.

Isang beses lang nagkaroon ng hindi pagkakaintidihan ang Diktador at ang manunulat, bukod sa inisyal nilang engkwentro. Sa isang hapunan nakomento ni Rio na “Kung gusto mong makita ang pinakabobong Filipino, kailangan mo lang magbasa ng comments sa Facebook sa mga artikulo ng Rappler.” Kahit hindi alam ng Diktador kung ano ang Rappler, ipinagtanggol n’ya ito. “Hindi ka dapat nagsasabi nang ganyan tungkol sa mga kababayan natin. Walang bobong tao. May kanya-kanya tayong talento. May kanya-kanyang gamit.”

Manginig-nginig si Rio pero hindi s’ya sumabat. Alam n’ya kung sino ang nakikipagtalo sa kanya, at alam n’yang kahit tama s’ya, s’ya ang talo. Pero ipinahayag n’ya ang kanyang ngitngit sa pamamaitan ng hindi pagkain sa dessert sa gabing iyon (buko pandan pa naman, ang kanyang paborito). At nang dumating ang Sabado at bumisita s’ya sa Marilao sa kanyang tatay, sinabayan n’ya ito sa pagsigaw ng “Hunyango!” sa telebisyon.

Nagbati rin naman sila agad. Nagtext ang Diktador na “May ilan ngang nagkokomento na hindi ginagamit ang utak.” Nang bumisita naman si Rio sa Palasyo tatlong araw pagkatapos, nagdala s’ya ng buko salad na s’ya mismo ang may gawa. (May talento rin pala s’ya sa paggawa ng pagkain, pagkakapareho nila ito ng Diktador na walang pumapansin.)

Itinuturing ng mga historyador ang kamatayan ni Rio Elise bilang isa sa mga naging mitsa ng rebolusyon na s’ya namang naging pundasyon ng sosyalistang Utopia. Ang siste, hindi sana itinuring na martir ang manunulat kung hindi muna s’ya naging kaibigan ng Diktador.

Syempre pa, babae ang dahilan ng kanilang pag-aaway. Syempre pa, Shiela ang pangalan ng babaeng ito. Alam na natin ang banghay: anak ni Diktador Trump si Shiela. Sa unang pagkikita nila ni Rio, hindi agad sila nagkagustuhan. Mababa ang tingin ni Shiela kay Rio, dahil na rin sa paglalarawan dito ng Diktador. At si Rio naman, takot sa tao, at mas lalong takot sa babae. Pero isang beses nagkataong nagkasabay sila sa elevator ng Palasyo. Nagkataong nasira ang elevator. Doon sila nagkakwentuhan. Sa NGO nagtatraho si Shiela, nagtatanggol sa karapatan ng mga IP. Akala ni Rio intellectual property ang ibig sabihin ng IP, kaya nagtanong s’ya nang nagtanong tungkol sa kalikasan ng pinagtatrabahuan ni Shiela. Nang sa wakas ay matanto n’ya kung ano ang tunay nitong kahulugan, nag-break na ang ice. Nagkape sila pagkatapos maayos ang elevator, at naghapunan magkasama dalawang araw pagkatapos. Isang linggo pagkatapos, nanood sila ng sine. Isang araw pa bago mahulog ang loob ni Shiela. Si Rio, agad-agad, in love.

Ang hindi n’ya matanggap, ganun-ganun na lang ang halakhak ng Diktador sa kanyang rebelasyon. Hindi ito nagalit, hindi ito nagduda. Tinawanan lang nito si Rio, sabay sabi, “Hala sige, kung sa tingin mo kaya mo ang anak ko, I give you my blessing.” Para bang siguradong-sigurado ito na walang patutunguhan ang magiging relasyon nina Rio at Shiela. Dalawa na tuloy ang dahilan ni Rio na maging matino at pursigido: ang pagnanasa n’ya kay Shiela, at ang pagnanasa n’yang patunayang mali si Diktador Trump.

Syempre pa, nagkaroon ng third party. May ang pangalan. Katulad din ni Rio, manunulat-pintor. Hindi tulad ni Rio, may angking galing si May. Hindi naman sinasadya ni Rio na makiapid (may asawa si May). Nalasing lang silang pareho pagkatapos ng isang exhibit. Ang sinadya ni Rio: ang sunod-sunod pang pakikipagkita at pakikipagtalik kay May. Sobra-sobra ang sarap n’ya sa kasalanang ginagawa, hindi lang n’ya iniiputan sa ulo si Glenn (ang asawa ni May), niloloko pa n’ya–ang Diktador. At nang matuklasan ni Shiela ang tungkol kay May pero hindi pa rin ito nakipaghiwalay kay Rio dahil “I want to give us a chance,” naging buo na ang rebolusyon ng walang talentong si Rio. S’ya na ang tunay na lalake, at hindi pa n’ya kinailangang mangmanyak tulad ni Diktador Trump.

Paano nagawa ng isang hindi naman kagalingang lalake ang mapaibig ang dalawang babae? Ang tingin ni Shiela kay Rio, alaga. Oo, bobo nga ito tulad ng sabi ng kanyang tatay. Pero kasalanan ba ng mga bobo na bobo sila? Hindi nga ba’t bagay silang dalawa dahil matalino si Shiela? “Ikaw ang yin, ako ang yang,” sabi ni Shiela.

“Young?” sabi ni Rio. “Mas bata ka sa ‘kin, ano ba?” Hindi alam ng lalake kung gaano karaming beses n’yang pinatawa si Shiela, dahil lang tapat s’ya sa kung ano s’ya. Isa pa, kahit gaano n’ya ikaila, kahit papaano gusto ring magrebelde ni Shiela laban sa tatay. Bakit pa nga ba s’ya sa NGO nagpilit na magtrabaho?

At si May? Pareho lang sila ng motibasyon ni Shiela. Nakita ni May si Rio bilang mas mahinang bersyon n’ya. “Ito ang magiging ikaw pag nagtamad ka. Ito ang magiging ikaw pag hindi ka laging maghanap ng paraan para laging maging mas mahusay. Ito ang magiging ikaw pag nawalan ka ng talento.” Isa pa, ayaw lang talaga ni May sa asawa n’ya. Mas malala pa si Glenn si Rio. Wala itong interes sa sining!

Nang matuklasan ng Diktador ang pambababae ni Rio, unang n’ya inisip ay ipadakip lang ito, tulad ng una n’yang pinagawa. Pero imbes na kausapin pa, ipakain na lang ito sa mga gutom na baboy. Pero may pinagsamahan na kasi sila, kahit papaano. Kaya muling pinatawag ni Diktador Trump si Rio sa kanyang kusina. Hinandaan n’ya ito ng nilaga. Pinakain. Hiningan ng pinakabagong ideya. Eskultura naman ang nasa isip ni Rio!

“Mukhang naniniwili ka sa pintor na iyon,” sabi ng Diktador.

Lumunok si Rio. Habang kumakain ay nawala sa kanyang isip na mga pulis muli ang naghatid sa kanya sa harap ni Diktador Trump. Habang inilalarawan ang gusto n’yang gawing eskultura ng mga putol na braso, nawala sa kanyang isip si May at si Shiela. Ang mayroon lang ay silang dalawang magkaibigan. Pero naalala n’ya ang tawa ng Diktador, ang pangmamaliit sa kanya nito, hindi lang tungkol sa pagiging mangingibig ni Shiela, kundi sa isanlibo’t isang maliit na bagay. Lubos n’ya talagang kinaasaran ang palagiang pagpapayo ni Diktador Trump tungkol sa dapat n’yang isulat, tungkol sa lakas n’ya bilang alagad ng sining.

“Tsikboy e,” sabi ni Rio. Hinanda na n’ya ang sarili. Mato-torture s’ya, pero ayos lang. Papatayin s’ya, ayos lang. Basta nagago n’ya ang Diktador.

Tumango-tango si Trump. Inalok pa nito alak si Rio. Pinanood nitong lagukin ni Rio ang red wine. “Sige, mauna ka na muna. Tatawag pa ako sa Tsina,” sabi ni Diktador Trump.

Lumunok ulit si Rio at umuwi. Mga pulis ang nagdala sa kanya sa Roces.

Kinabukasan, tinawagan s’ya ng NCCA. Nakatanggap daw s’ya ng grant para likhain ang kanyang eskultura ng mga putol na braso.

Isang buwan ang ibinuhos ni Rio sa proyekto. Dahil ang Diktador mismo ang sponsor, nagawa n’yang ipabuwag ang fountain sa harap ng Cultural Center pero doon ipalit ang kanyang obra maestra. S’ya ang pumili ng semento, na mula sa lokal na kompanya “para kahit papaano anti-globalisasyon din ang pyesa.” Nawalan s’ya ng panahon para kay May, at nagkita lang sila ni Shiela para sa hapunan. Sa huli, ang babae na mismo ang nakipagkalas sa kanya. “Gusto pa rin kitang maging kaibigan,” sabi ni Rio.

Agosto 23 ang naging petsa ng paglalantad ng likhang pinamagatang “Mga Braso.” Dumalo ang tatay ni Rio. Dumalo si May. Dumalo si Glenn. Dumalo si Shiela. Dumalo ang mga poser at snob ng buong Kamaynilaan. Hindi dumating ang Diktador, pero naroon ang kanyang ahente. Hindi pa man lang nagugupit ang ribbon ay binaril na nito si Rio. Tumalsik ang dugo nito sa emcee. Sinalo ng mga braso ang walang talentong manunulat-pintor.

Ano ang silbi ng mga martir? O, mas mahalagang itanong, paano lumikha ng isang martir? Hindi ipinapanganak ang mga martir, kundi nililikha ng pangangailangan ng kasaysayan. Wala namang may gusto kay Rio Elise. Ang pinakamabait sa kanya ay iyong mga taong naawa sa kanya. Pero may Diktador, at kailangan ng bayan ng pangalang isisigaw. Marami na syempreng lumaban kay Trump, marami ang lumalaban sa kanya. Naging mahusay lang na simbolo si Rio, paano’y alam ng mga tao na alaga s’ya ng Diktador. Dramatiko pa ang kanyang kamatayan. “Kung ganito s’ya sa mga mahal s’ya, paano pa kaya sa kanyang mga kaaway?” Paano nga kaya?

Naging kumbinyenteng palusot ang asasinasyon kay Rio para magwala ang sambayanan. Dinumog ang kanyang burol sa Sto. Domingo. Mas marami pa ang sumali sa libing. Dekada na ang lumipas pero iyon pa rin ang sukatan ng kredibilidad ng paninindigan: “Nasaan ka nang ilibing si Rio?”

Sumunod ang mga strike. Nang binuwag ang mga iyon, nagsimula ang mga riot. Sinunog ang mga mall. Binaklas ang mga footbridge. Binato ng sapatos si Diktador Trump ng isang conference sa press conference. Pinatay ang babaeng ito. Pero ang sigaw ng sambayanan: “Hustisya para kay Rio Elise!”

Tatlong taon pagkatapos ng asasinasyon sa “Mga Braso,” sinunog ng isang mob ang Palasyo. Tatakas sana si Diktador Trump at ang kanyang pamilya, hindi kasama si Shiela, papunta sa Negros, pero pinagtaksilan sila ng PSG. Ang puno mismo nito ang bumaril sa Diktador–putok ang matangos na ilong nito.

Nagkaroon ng kudeta, na sinundan ng isa pang kudeta. Isang dekada rin ang itinagal ng junta ng paksyong nagwagi. Pero kahit na nagpapakasasa ang mga koronel at heneral, kahit na mas pinaigting pa nila lalo ang pagdakip, pag-torture, at pagpatay, alam ng lahat, ng bayan at ng mundo, na tapos na ang malagim na mga araw. Isang daang taon, dalawang buwan, at walong araw pagkatapos ng asasinasyon at pagkamartir ni Rio Elise, itinatag ang Sosyalistang Republika ng Pilipinas. Tatlong beses itong nabuwag, at tatlong beses bumangon.

Anong aral ang mapupulot sa kwento ng Diktador at walang talento? Siguro, na laging nagagapi ang mga buktot. Pwede rin: wag mag-aalaga ng kaawa-awa. At huli: kung papatay ka ng kaaway, siguraduhin mong hindi dramatiko ang pagputok ng bungo n’ya.

Bahagi ng Apat na Putok (Polytechnic University of the Philippines Press, 2018)