“Ang koleksiyong ito’y nahahati nga sa dalawang dahon, maikling kuwento at dagli na mayroong tig-tatatlong laman. Halos kombinasyon din ang aking ginawa, na parang eksperimental na rin, sa pamamagitan ng paglikha ng isang lunan na may kolektibong danas na mula sa tatlong oryentasyon ng pag-iral sa politika, ekonomiya, at kultura sa kasaysayan ng (mga) bansa at santinakpan. Makikita at mapapansin ito sa mga imahen, detalye, salita, galawan, at samyo na hinalaw mula sa dating Unyong Sobyet, Pilipinas, at Ka-Ilukanohan.  

Mapapansin sa koleksyong ito ang pagtatangka kong buuin (kahit papaano) sa aking mga akda ang kahulugan at praxis ng social realism, naturalismo, at realismo sa panitikan. Nawa’y n(m)agtagumpay nga ako sa bagay na ito, kung hindi ma’y kailangan ko itong akuhin bilang isang mukha ng aking kahinaan.

May mga bahaging mayaman sa eksenang erotiko at karahasan, kailangan kong ikumpisal sa publiko na sinadya ko ito sa kadahilanang mabuo ang pagiging tao ng mga karakter. Litaw na litaw din ang aking pagkahumaling sa mga makata at nobelistang Ruso gaya ni Gorky, Solzhenitsyn, at Zamyatin (nitong mga huling buwa’y nagugustuhan ko na rin si Yevgeny Yevtushenko, Bertolt Brecht, at Nikos Kazantzakis). Sa ganang akin, kakaiba ang tekstura, laman, at anino ng kanilang pagsusulat. Bakit? Dahil nga sa kakaiba ito, magaspang, at totoong kontra-establisiyemento.

Panghuli, nawa’y huwag tayong magtiis sa mga tagni-tagning kapilas ng langit sa ibabaw ng lupa at matutunan nawa nating pahalagahan ang kapangyarihan at sining ng pagwasak at pagkawasak nang sa gayo’y mailatag natin ang pulang alpombra ng tagumpay, at mailayo tayo sa mapait at paulit-ulit na pagtataksil sa sangkatauhan at malabnaw na pagwawakas ng bawat kapitulo ng ating kasaysayan.”- sipi mula sa Isang Bukas Na Kalatas Ng Kuwentista

“Ang poetika ng obrang ito ay malinaw na isang pag-alipusta sa mga pang-araw-araw na nangyayari sa kural, sa lansangan, sa kalapaw, at sa kung saan abutan ang mga taong walang tinig at mangarap na mayroon pa ring darating na kapayapaan tulad ni John Angelo Bahala na tung tawagin ay Edna Maximo.

Sa isang banda, kahit sabihing nating meron talagang Cordon at Santiago, makikikita natin na piling lunan lang ang mga ito upang ang mga naglalakad na mga patay—mga zombie ng bayan—ay meron malalakaran para ipakita sa atin na ganito ang ginawa natin sa mga ito, na tunay ngang buhay ang kaawa-awang masang walang kakayahan pero ang buhay na iyan ay hindi nagluluwal ng bagong buhay.

Ipapalirip sa atin ang obrang ito ang ilang sintomas ng kabulukan ng gimong—ng lipunan mismo.

Sa kwento ng bigas halimbawa, nariyan ang etikal na paglalagak sa kabulastogang nangyayari sa kanayunan.

Ang birtud ng librong ito ay ang kanyang kakayahang magsabi ng totoo—ng walang bling-bling na totoo.

Ito ang totoo ng mga taong nangangailangan ng totoong lipunan, ng kolektibong buhay, ng makatarungang pamumuhay.

Hindi ito ang bersyon ng totoo ng mga namumuno at naghaharing uri na buga ng buga ng mga walang kwentang abstraksyon sa kanilang pagkakatha ng mga walang kwentang batas na magpuprotekta sa kanilang mga interes.

Ito ang totoo ng lahat ng mga masang inagawan ng kritikal na pag-iisip at pagpapasya.

Kung ang mambabasa ay naghahanap ng mga walang katuturang dolce sa aklat na ito, sadyang madidismaya siya.

Wala rito ang mala-apyang na pagsasawika ng mga bagay-bagay tungkol sa pang-araw-araw na buhay sa bansa.

Ang meron dito ay ang birtud ng panggugulantang, ng panggigising, at ng pagpapaalala na ang mga pangyayari at mga tauhan dito ay mga pangyayari at tauhan sa bansang sawing ito.

Isang leksyon ang iniiwan ng akdang ito: hindi pwedeng tanggapin na lamang ang kasawiang kolektibo at personal.

Kailangan—kailangang-kailangan—ang estetikong bisyon ng ‘kapatiran ng bakal at apoy”’.

Sipi Mula sa Dangkok at Poetika: Isang Panimula Ni Dr. Aurelio Solver Agcaoili ng University of Hawai

“Ang pagbasa sa mga katha sa koleksyon ay ayon sa dayalektiko ng dosilidad ng pagpapatahimik at ang politikal na ahensya ng pagbibigay-boses.  Ang bilangguan ay sityo ng pagpapatahimik ng estado kaya ang mga bilanggo ang mga katawang kumakatawan sa sistematikong pagpapatahimik ng estado.  Kakatwa ang figura ng politikal na bilanggo dahil kahit ito nasa bilangguan at dapat napapatahimik, may kapasidad itong makapanghamig sa kapwa bilanggo at sa united front work sa kanya at kanilang ngalan para sa pagpapalaya ng lahat ng bilanggong politikal (hindi ba’t ang pagkakaroon ng bilanggong politikal ay katawang patunay sa kahinaan kundi man kapalpakan ng isang gobyernong may pretensyong maging liberal na demokratiko?) para sa retensyon at pagpapaunlad ng politikal na ahensyang kayang magtransforma ng pagkatao ng mamamayan tungo sa aktibong reteritorialisasyon ng kanilang politikal na pagkatao?  Lumalaban imbis na tinatanggap na lamang ang kanilang kondisyong hindi naman nila pinili, nagbabalikwas dahil ito ang nararapat para makamit ang panlipunang katarungan, pumapalag kapag inaapi ang kanyang kapwa?

            Liminal o mala-mala ang sityo ng bilangguan dahil sa pagkakaroon ng figura ng politikal na bilanggo na imbis na tanggapin ang kondisyon sa bilangguan at lipunan ay lumalaban ito, nagkakapagmulat sa kapwa bilanggo para makapagparating ng mga hinanaing, makapanindigan para sa kanilang natitirang karapatan at entitlement sa loob ng bilangguan, maiugnay ang kanilang pakikibaka sa bilangguan sa mas malaking pakikibaka para sa kalayaan at soberanya at kung ganito, maging ang solusyon sa kanilang pagkabilanggo at sa tunay na pagpapalaya sa lahat ng inapi ng sistema, at ng bansa.  Si R. B. Abiva na lamang ang makakapagsabi kung ang mga ito ay naisulat habang siya ay nasa bilangguan bilang isang bilanggong politikal.  Pero ang natitiyak natin, hindi naman maiaakda ng awtor ang mga katha kung hindi siya naging aktibista, dinakip at tinortyur, dinetina, at naging bilanggo kundi naman siya sa simula’t sapul ay isa kasing politikal na sabjek. 

            Ang politikal na ahensyang nagpatangi sa kanya sa labas ay siya ring nagpapatangi sa kanya sa loob ng bilangguan.  At kahit nasa labas na siya, at kahit hindi na siya kasalukuyang bilanggong politikal, mananatili ang politikal na pagkatao na naging bilanggong politikal siya sa patuloy na pagtratransforma ng kanyang politikal na ahensya at sa politikal na ahensya sa kanyang nakakaniig bilang isang politikal na manunulat.  Sa ganito babasahin ang mga katha ni R. B. Abiva sa koleksyon ito—mga kathang kinatha sa isang partikular na sityo at sandali ng pagiging politikal na manunulat ng awtor.  Marami naman ang ganitong politikal na manunulat sa kasalukuyang sandali—Jose Maria Sison, Allan Jazmines, Epifanio San Juan, Jr., Bienvenido Lumbera, Luis V. Teodoro, Gelacio Guillermo, Alice Guillermo, Joi Barrios, Ericson Acosta at Axel Pinpin na nakapaglabas na ng mga librong mayorya ay politikal ang tema ng panulat.  At mapapabilang si R. B. Abiva sa pagpapatuloy ng radikal na politikal na tradisyon sa panulat. 

            Kung ang pagpapatahimik ay nekropolitikang politika ng estado, ang pagbibigay-boses—lalo na sa posisyonalidad ng pagiging kasalukuyan at dating bilanggong politikal—ay kontra sa pagpapatahimik, kontra sa estado, kontra sa kalayaan, kontra sa mamamayan, ito ay pagpapasibol at pagpapaunlad ng politika ng pambansang demokratikong pag-asa na may ibang maaring mundo, ibang maaring realidad, ibang maaring lipunan.  Nakaangkla ang imahinasyon ng kontraryong mundo at pagsasamundo (worlding) sa pagpapalaganap—produksyon at pagpapalaganap kahit na at lalo na sa pinakamasikil na lagay–ng  radikal na politikal na panulat.  Narito kay R. B. Abiva at sa kanyang patuloy na pagsikhay sa politikal na panulat ang isa pang panandang-bato na hindi lahat ay nangahimbing sa katahimikan ng mapanganib na mga gabi at umaga, may mga nagsulat, may mga nagpaningas ng baga para sa pag-aakda ng kontraryong estado at maka-rebolusyon at sosyalistang kultural na imahinaryo.” Sipi Mula Sa Ang Piitan Bilang Pagpapatahimik, Ang Panulat Bilang Pagbibigay-Boses:  O Kung Paano Magbalikwas Bilang Bilanggong Politikal ni Dr. Rolando B. Tolentino, Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing

Ang ikalimang aklat na ito ni Rene Boy Abiva/ R.B. Abiva ay inilimbag ng Pantas Publishing at maaaring mabili sa Popular Bookstore.