Ang mga tulang nakapaloob sa librong ito ay pinaniniwalaang gawa umano ng isang makatang nakainom ng banal na pukyutan sa Hardin ng Eden, sabi naman ng iba’y naiwan ang kanyang musa sa Hardin ng Gethsemane, dagdag pa nila’y sumasanib sa kanya tuwing kabilugan ng buwan ang ispirito ng mga yumaong albulario-revolusionario. Anu’t ano pa’y isa ang malinaw, erehe ang makatang ito laban sa kumbensiyon at pormalismong nakasanayan, sa pananampalataya man o pamamaraan kung paano natin (dapat) isinasagawa ang mga interpretasyon sa patuloy na sagupaan ng tubig at apoy, liwanag at dilim, ng Hari at mga Alipin sa nakagisnan nating mundo.

Pasasaan pa’y ipinangangaral at ipinangangalandakan ng makata na darating sa tamang panahon si Juan Kristo, mga Diyos na mula sa kolektibo ng mga nahimasmasang alipin. Pasasaan pa’y nais niyang ikumpisal sa publiko na higit niyang nanaising maging isang pagano kaysa maging isang Kristiyano na hipokrito, makasarili, bulag, manhid, bingi, at pipi sa mga pangangailangan ng mundo, at walang pagmamalasakit sa mga api’t buhay na walang kabanalan.

Wika niya minsa’y kung magkakaroon o kung kikilalanin niya ang isang Diyos na pag-aalayan ng sarili at kaluluwa, isa itong Diyos na hindi nakaupo sa mga ulap, isang Diyos na walang sinag ng araw ang kanyang ulo, isang Diyos na hindi puti ni Arabo bagkus kayumanggi, isang Diyos na sarat ang ilong, isang Diyos na nakatuntong sa putik, nagugutom, nauuhaw, dugyutin, nabilanggo, at handang mamamatay kasama ng mga magbubukid, manggagawa, ng mga rebelde.

Ah! Oo. Tama! Ang Diyos nga raw niya’y handang maging isang rebelde! Ang Diyos niya’y ang mga gaya ni Juan Dela Cruz Palaris, ni Andres Malong, ni Pedro Calosa, at ang Sa.Ba.Tri ni Tomas Agulto.

Ah! Oo. Tama! Suma’y Diyos niya ang mulat na masa na kasama niyang hahamunin-patitiwarikin ang mundo!

Hindi ba ito rin ang wika noon ni Apolaqui bago dumating ang Diyos ng mga Hudyo na may maputing ngipin, olandes ang buhok, matangkad, bughawin ang kulay ng mata, at matangos ang ilong?

At hindi ngayon maiwasan ang mga tsismisan na ang makatang ito’y kampon daw ng diablo.

Narito naman ang sipi mula sa Introduksiyon ni Dr. Edberto M. Villegas ng UP- Manila:

Ang istilo ng presentasyon ng panglimang koleksiyon ng mga tulang prosang ito ni Abiva ay mayaman sa pagamit ng simbolismo sa pamamagitan ng mga larawan na siningit sa pagitan ng mga tula, halimbawa’y ang putol sa dalawang bahagi na larawan ni Kristo nakapako, larawan ng estatwa ni David, Moses, Venus de Milo, larawan ng isang matandang puno ng akasya, nagbabagang apoy,  at iba pa.

Ang mga tula ay hinati sa limang kapitulo na ang una ay pinamagatang “Sa Mga Ngalan”, ang pangalawa “Ng Mga Ina”, pangatlo “Ng Mga Ama” pagkatapos “Ng Mga  Anak”, at ang huli “Ng Mga Ispirito at Mga Santo”, at  ang bawat pahina ng mga kapitulo ay may kasamang imahen ng muling pagkabuhay ni Hesu Kristo.

Ito ay matalas na paggamit ng uyam tungkol sa relihiyon ng mga hipokritong Kristiyano na mababatid sa pagbasa ng karamihan ng mga tula sa bawat kapitulo.  Gumamit din ang makata ng uyam sa ilang tula na sinulat bilang mga tugon sa mga manunulat sa Kanluran, gaya nina Yevgeny Yevtushenko at Bertolt Brecht, at may isa kay Senador Sotto. Mayroon ding isang uyam na ang pamagat ay “Kung Buhay Lang Sana si Archimedes” na tugon sa “Kahibangan ng ilan sa ating mga Kababayang Nangibang Bayan sa Singapore at Malaysia”.

Ang pananaw ng makata ay sosyal realismo, na pinaigting ng metodo ng suryalismo -ang pagamit ng mga kahindik-hindik  na imahe, kagaya ng “pugot na ulo ng aso”, “pag-amoy sa abo ng mga patay”, at “itim na anghel” sa tulang Mortem- sa paglalahad niya ng mga pang-araw-araw na buhay at kamatayan na sinasapit ng mga ordinaryong mahihirap na Pilipino – tindera ng sitsaron at barbekyu, sapatero, bendor, pulubi, nagbebenta ng mga sampagita, puta, at iba pa.

Ang kaibahan ng sosyal realismo ni Abiva sa ilang taga-Kanluran kagaya nina Zola, Balzac, Gogol, at Steinbeck ay may malinaw na solusyon sa hinaharap ang Pilipinong makata upang wakasan ang pagdurusa ng mga api – ang rebolusyon.

Mas katumbas ang sosyal realismo ni Abiva sa Rusong Marxistang si Maxim Gorky, na sumali sa Rebolusyong Bolshevik sa Rusya noong 1917, at may-akda ng “ The Lower Depths”, “The Petty Bourgeoise”, at “The Mother”, mga salin sa Ingles mula sa Ruso at ilan sa mga sinulat niya. Sabi ni Gorky sa kanyang autobiograpiya na siya ay gradwado ng “Unibersidad ng Daigdig” sa pamamagitan ng pakikilahok niya sa pakikibaka ng masa ng Rusya at ibang bansa (at dahil hindi naman siya nakatapos ng kolehiyo).

Ang salitang paltiing ay salitang Iluko na ang ibig sabihin ay revelation o pahayag.

Ang larawan na ginamit sa pabalat ay kuha ni Maricon Montajes at dinisenyo naman ni Max Santiago ang buong pabalat.

Inimprenta ang unang isandaang kopya ng PALTIING: Mga Piling Tulang Prosa ng Southern Voices Printing Press.

Sisikaping mailagak ang mga libro sa Popular Bookstore at UP Bookshop para sa mga interesadong bumili. Maaari rin namang kontakin personal ang awtor.###