Manuel Ortega Abis

            “Sapagkat ang Kahapong walang paalam sa Ngayon ay malaki ang pagkakautang sa Kinabukasan.”

*

Mas malamig pa sa yelong lulutang-lutang sa loob ng isang basong Coke ang pananahimik ni Zeny. Ngunit hindi siya dapat magpahalata sa asawa.

“Ano’ng oras ang uwi mo?” ang tanong ni Alberto habang kunwari’y nilulunod ng kaniyang kanang hintuturo ang walang-kalaban-labang yelo sa loob ng babasaging baso.

Ano ka ba? Huwag mo ngang paglaruan iyang Coke mo. Para kang bata.

Marami pa sanang nais sabihin si Zeny sa asawa, ngunit pinagsabihan na lamang niya ang kaniyang sarili: Meron pa bang silbi na kausapin ko siya?   

Nilubayan ng lalaki iyung pagdutdot sa kaawa-awang yelo at umismid sa tinatanong.

“Bata? Bakit? Sino ba ang isip-bata sa ating dalawa? Ba’t ba atat na atat kang umuwi sa mga ‘yun? Pagkatapos mong layasan ang mga ‘yun? Tsaka – sino ba ang may atraso kanino, ha?”

Nanginginig ang tinig ni Alberto kapag nababahiran na ng galit ang mga salita.  

Pasimpleng pinahid ni Zeny ang puting bimpo sa namumugto niyang mga mata. Parang wala na yata siyang lakas na mangatuwiran pa sa isang tao na wala na rin marahil iba pang alam na pangungusap kundi iyung mga pangungusap na hindi makaahon-ahon sa mga tandang pananong. Parang nalulunod si Zeny. Hindi makahinga nang maayos. Bigla niyang naramdaman ang pamamanhid ng kaniyang katawan. Ngunit hindi siya dapat magpahalata. Agad siyang tumindig sa kaniyang kinauupuan at saglit na nagpaalam na papasok lamang siya sa kanilang silid upang makapagpahinga muna.

Hindi pa siya ganap na nakapapasok sa silid ay humambalos na sa kaniyang pandinig ang padabog na bukas-sara ng pinto sa entrada ng tinutuluyan nilang apartment. Sa liit ng apartment nila ay muntik magbaksakan iyung mga kuwadro ng larawang nakasabit sa dingding. Sinilip ni Zeny ang oras sa kaniyang relos. Naalaala niyang may orasan nga rin pala iyung cellphone niya. Inilabas niya ito sa bulsa ng suot niyang pantalon, pinasadahan ng salat iyung touch screen para sa kaniyang security pattern, at nang lumiwanag na ang LCD ay agad sinilip ang oras. Ika-lima na ng hapon. Hindi na siya makapaghihintay sa text o tawag ni Mamang. Hindi na siya magbabaon pa ng damit o kahit anupaman. Kunsabagay, nakapagmeryenda na siya kanina sa opisina bago pa siya nagpaalam na maga-undertime. Sinungkit niya mula sa pagkakasabit sa isang hanger ang kaniyang paboritong jacket. Sa loob-loob niya, mabuti na lamang at hindi niya kinuha ang lahat ng pera niya sa ATM. Kung nagkataon ay marahil nakupitan pa siya ng asawang wala na yatang pinagkatandaan sa kasalukuyang daigdig. Iyung pera sa ATM. Iyun na lamang ang gagamitin niya. Kahit ano ang mangyari ay buo na ang pasya ng isang bugtong na anak na dalawin sa burol ang pinakaunang sandali ng pinakahuling yugto sa buhay ng kaniyang Papang.

Kung kinakailangang liparin ni Zeny Segovia-Santillan ang pag-uwi niya sa kanila ay gagawin niya. Ayaw na niyang isipin pa kung ano ang sasabihin ni Alberto.

Bakit ba nagkaganito ka, Alberto? Kahit ano pa’ng gusto mong isumbat sa akin, wala ka nang magagawa dahil sawang-sawa na ako sa ganitong pamumuhay. Masakit ang mawalan, Alberto. Masakit ang mawalan. Kaya tama na iyung minsan…

May naalaala si Zeny ngunit hindi na lamang muna niya ito pinansin.

Isang kamay at braso pa lamang ang naisusuot niya sa jacket nang biglang tumunog na may kasamang panginginig ang hawak niyang cellphone.

*

Mas mainit pa sa pulutang pork sisig na nakahain sa harapan ng tatlumpu’t apat na taong gulang na si Alberto ang paggiling ng mananayaw sa ibabaw ng maliit na entablado ng beerhouse.

Magdadalawang oras na ang nakalipas simula nang kumaripas siya ng lakad palabas ng apartment nilang dalawa ni Zeny upang magpalamig muna ng ulo.

“Tarangis talaga! Batang-isip daw!”

Hindi siya mapakali. Maya-maya’y dinutdot-dutdot ng tinidor ang pulutang sisig. Nang magsawa na’y bigla namang isinandal ang likod sa upuan at parang napipilitang pinanood ang sumasayaw. Sa nakahahalinang indayog ng babaeng nasa entablado, na sinabayan pa ng patay-sinding mga ilaw at ng musikang malakas makabulabog ng kalamnan ng tao, waring hindi masilayan ng buhay at liwanag ang mga mata ng isang nilalang na nagpupuyos sa galit. Hindi mapakali si Alberto. Hindi matahimik ang kaniyang kalooban. Dinutdot muli iyung sisig. Ilang tusok lamang at ang pinagbalingan naman niya ay iyung bote ng serbesa, na kanina pa tumatangis ng malalamig na luha; ngunit ni minsan ay hindi man lamang pinagtangkaang halikan ng kapiling na customer. Hindi humihingi ng baso si Alberto kapag umiinom kasi mas nais niyang nilalagok iyung malamig na beer mula sa bote. Ang madalas na bukambibig niya sa sarili: Para malasing agad! Sinalat niya ang malamig na labi ng babasaging bote. Biglang may pumanhik sa isipan ng nagugulumihanang nilalang.

“Tulog na siguro ‘yung gaga kaya di na nagtext o tumawag para mag-sorry. Ha!”

Ngunit kahit anong pang gawing alumpihit ng lalaki sa kaniyang nararamdaman ay tinimpi niya ang sarili na huwag dukutin at ilabas ang cellphone na nakatumbok sa harapang bulsa ng kaniyang maong na pantalon.

“Sino ba kasi ang may atraso? Huwag niyang ikakatuwiran sa akin na balewala na ang lahat ng pinaggagagawa nila sa akin dahil ‘ala na ‘yung erpats niya. E nung pinakulong ako ng siraulong matanda na ‘yun, dun na nagsimulang masira ang magandang pagsasama namin ni Zeny. Kung alam lang nila. Daig pa ang napunta sa impiyerno sa mga naranasan ko sa loob ng city jail! Namputsa!”

Ilang saglit pa’y tumabi na kay Alberto ang dalagitang mananayaw at nagpakilala. Tinanong iyung lalaki kung may ka-table na ba siya. Nung bahagyang umiling ang lalaki ay kaagad umupo ang katatapos lamang sumayaw na dancer sa katabing upuan ng bago niyang customer. Nangingintab ang makinis na balat ng dalagita dahil sa pawis at sangkaterbang glitters na parang paminta na binudbod sa kung saan-saang lantad na bahagi ng murang katawan nito. Sa may hindi kalayuan na cashier’s counter, natanaw ng dalagita ang kaniyang floor manager. Binaling ng babae ang kaniyang tingin sa katabing lalaki. Nagpakilala siya ulit dito. Ngunit mas malambing ang tinig. 

“Hi, ako si Wilma. Yeng, for short.”

Bagaman iba ang nararamdaman ng dalagita sa kaniyang bagong-kakilala, tinanong pa rin niya si Alberto kung mayroon siyang panyo; dahil nga naliligo na sa pawis ang nakabulwag niyang dibdib at kabubukas pa lamang kasi ng aircon. At kung nanaisin ng lalaki ay mag-oorder na rin sana siya ng isang lady’s drink.

Hindi kaagad sumagot si Alberto. Saglit na napatitig sa mga mata ng babae at may biglang naalaala. Ngunit tulad ng maraming bagay ngayon sa buhay niya, binalewala na lamang niya kung ano mang kutob ang mayroon siya ngayon. Dinukot muna niya iyung cellphone sa pantalon at inilabas. Agad niyang pinindot ang off button nito. Pagkatapos ay binalik na muli sa nakangangang bulsa ng pantalon. Biglang nagbago ang awra ng lalaki. Ngayo’y nakangiti nang kinausap ang katabing anghel na naliligo sa walang-humpay na pagbuhos ng patay-sinding mga ilaw at kumukulog na musika sa loob ng isang kurbada ng langit na pawid lamang ang bubungan. Ilang saglit pa’y may ibinulong si Alberto sa babae. Sa naglalarong dilim at liwanag ng beerhouse, inilabas ni Wilma ang isang disposable lighter at ang kaha ng kaniyang sigarilyo. Iniabot sa lalaki ang kaha ng sigarilyo. Agad naman itong kinuha ni Alberto, inilabas ang mga istik sa loob nito at inilapag sa mesa. Pinilas niya iyung palara ng kaha ng sigarilyo.

Tinanong ni Alberto si Wilma kung saan nila maaaring gawin ang isang bagay. Ang isang natatanging bagay na natutuhan pa lalo sa matagal na pamamalagi niya sa loob ng bilibid. Isang bisyo na, tulad ng malaon nang poot na nakabaon sa pinakaugat at litid ng kaniyang puso’t isipan, ay hindi na niya marahil makakayanan pang bitiwan. 

Sa loob-loob ng asawa ni Zeny, “Masisisi niyo ba ako kung bakit nagkaganito ang buhay ko?”

Inulit muli ni Alberto ang tanong kay Wilma. Natawa iyung dancer.

“Saan pa? E di dun tayo sa CR.”   

*

Diktador na kung sa diktador ang Papang ni Zeny. Ngunit hindi naman iyun talaga ang malaon nang pinag-aawayan ng mag-asawa.

Dalawampung taon si Zeny nang mabuntis siya ni Alberto. Kagra-graduate pa lamang ni Zeny noon sa Bachelor in Public Administration sa Universidad de Manila at kukuha ng civil service exam upang maipasok ng kaniyang Papang sa Manila City Hall. Dating kasing pulis ang ama niya at nang magretiro ay kinuha ng isang konsehal upang gawing bodyguard.

Noong mga panahong iyon, iisa lamang ang tumatakbo sa isipan ng Papang ni Zeny. Kasi naman nang mabuntis ang kaniyang bugtong na anak na babae ng isang kaklaseng lalaki na kilalang tambay sa kanilang lugar sa Singalong, na ni minsan ay hindi niya nasilayan ang anino nitong umakyat man lamang ng ligaw o kaya’y simpleng ihatid man lamang iyung dalaga sa kanilang tahanan sa Calle Yakal sa Sta. Cruz, itinaga ng isang ama sa matigas na batong moog ng tadhana na walang magaganap na pag-iisang dibdib sa kaniyang pamilya habang siya’y hindi pa nalalagutan ng hininga. Wala.

Sa madaling salita, itinago ni Papang at Mamang si Zeny sa Laguna habang ito’y nagdadalang-tao. Wika nga, kaysa bigyan nila ng pagkakataong itanan ni Alberto ang kasintahan ay sila na ang nagtanan sa kanilang sariling anak upang malayo dito. Nakatatawa kung babalik-balikan ngayon iyung buong pangyayari, ngunit hinding-hindi noong mga panahong iyun.

Ito pa.

Mahigit walong buwan na ang nasa sinapupunan ng babae nang sa kasamaang-palad ay malaglag iyung bata. Ang tungkol dito’y wala na talagang maalaala pa si Zeny dahil lubhang napakabilis ng mga pangyayari noon. Isang gabi kasing langong-lango sa Empy si Alberto’y bigla na lamang sumugod ito sa Yakal at pinagtatadyakan iyung pinto ng bahay nina Zeny. Pauwi pa lamang si Papang noon. Sa madaling salita, nagpang-abot na nga iyung siga ng Sta. Cruz at iyung adik ng Singalong. Kahit may mga dala-dala (baril ang kay Papang at balisong naman ang kay Alberto) ay pinili ng dalawang magmano-mano na lamang. Matira ang matibay. Sa huli ay lumuwas ang matandang maton sa Laguna na may malaking bukol sa noo. Higit na kamalasan naman ang inabot ng adik na nakatunggali, sapagkat pinatokhang siya nito’t tinamnan pa ng shabu ng barangay captain ni Alberto sa Singalong. Na kumpareng buo naman ng dakilang maybahay ni Papang. Kaya naman nang makarating kay Zeny ang balita, agad naghilab ang kaniyang tiyan. Nagmamadaling isinugod sa ospital ang buntis. Kaagad pinasaksakan ng ama ng pampatulog upang huminahon ang tibok ng puso ng bugtong na anak. At upang hindi makaapekto sa kaniyang napaagang panganganak. Nang muling magkamalay si Zeny ay nasa malambot na higaan na siya ng kaniyang silid sa Calle Yakal, Sta. Cruz, Maynila. Sa labis na awa niya sa sarili at sa labis na galit niya sa kaniyang Papang ay nagpasya siyang sumama na nang tuluyan kay Alberto noong oras na iyon.

Ang isang pagpapasya na ngayo’y tinuturing ng babae bilang ang pinakamalaking pagkakamali niya sa buhay.    

Habang nakaupo si Zeny sa biyaheng pa-Laguna na bus ay napapailing na lamang ito kapag sumasagi sa isipan niya ang napakamaraming kabanata sa kaniyang tila nagbuhol-buhol na nakaraan.

Ngunit gaano man kadilim ang gabing pinagsadlakan ng iniping buwan, hindi maaaring hindi ito sunduin ng isang mapagpasensyang umaga na ang hatid ay ang muling pag-alimbukad ng liwanag.

Sa madaling salita, hindi lamang ang burol ng kaniyang ama ang pakay ng anak sa kaniyang paglalakbay ngayon.

Biglang nanginig iyung cellphone ni zeny. Tumatawag muli ang isang tao na kaniya nang nakumustang muli pagkatapos ng mahabang panahong walang anumang paalam man lamang, bago pa man siya nakalabas ng apartment kanina. Hindi ito si Alberto. Kundi ang isang nauna pa niyang manliligaw bago pa siya pinagsamantalahan ng isang halimaw na nakaraan. Isang halimaw na ngayo’y nagpapakilalang asawa niya sa harapan ng ibang tao. Nakatitiyak siya na hindi si Alberto ang tumatawag sa kaniya.

Ito’y si Jesse. Isang kababayan sa Laguna at naging masidhing manunuyo rin niya bago pa niya nakilala si Alberto.

Excited si Zeny nang kaniyang sagutin iyung tawag.

Hello, Jess? Oo, nakasakay na ako. Baka bago mag-seven o eight ay nandiyan na ako. Mabilis ang biyahe. Oo, Jess. Salamat nga pala ulit, ha, kasi ikaw ang nagsagawa ng last rites kay Papang. Ha? Oo, ako lang. Oo, oo. Ingat ka rin. Sandali nga pala, Jess! Ano ba iyung mahalagang sasabihin mo sa akin na ayaw mo pang sabihin sa phone ngayon?

*

Ikalabing-isa’t kalahati na ng gabi nang makabalik iyung inutusan na boy ng sarhento de mesa. May bitbit itong isang plastic bag na naglalaman ng isang order ng pansit, isang supot ng pandesal, at isang Coke singko. Iniabot muna ng batang lalaki iyung sukli kay Sir Bongbong bago pa ibinigay iyung plastic bag kay Wilma.

“O, ayan, sumubo ka muna. Katetext lang ni Ms. Sereno, iyung social worker na taga-DSW. Parating na ito’t may kasama raw na kamag-anak mo.”

Napahinto si Wilma sa pagsilip sa nilalaman ng plastic na bag na ngayo’y tangan niya.

“Kamag-anak?”

“Oo. Iyun siguro iyung kinukuwento mo kanina sa akin. Iyung mga nagpalayas sa iyo sa Laguna. At ang sabi pa ni Ms. Sereno ang sabi raw ng kamag-anak mo ay katorse ka pa lamang. Akala mo siguro di kita mabubuking, ‘no?”

Dito na ngayon kinabahan nang husto si Wilma. Kung hindi kasi nagkagulo sa beerhouse kanina ay hindi na sana siya nakasamang binitbit sa presinto’t ngayo’y nabuking na na isa pala siyang menor de edad – at isa ring istokwa. Sana pala’y hindi na sila lumabas ng CR ng makulit niyang customer kanina.

“Sige na’t kainin mo na ‘yan, iha,” ang sulsol ng sarhento sa dalagita. “Baka mamaya pagsabihan pa ako ng kamag-anak mo na ginugutom ka namin dito sa presinto. Huwag kang mag-alala. Mamaya na lamang ako maniningil. Pagdating nila,” ang sambit ni Sir Bongbong sabay kindat sa dalagita.

Sa loob ng isang di-kalayuang selda sa isang sulok ng presinto, nakapamaluktot na nakahiga sa malamig na semento at wala pa ring malay si Alberto. Nag-black out kasi siya nung pinukpok siya ng batuta sa batok ng barangay ex-o na kasama ng mga pulis kanina sa beerhouse. Nagwawala na kasi siya at ayaw pang sumama. Maya-maya’y tumindig ang isang batang kaselda ni Alberto, nilapitan iyung walang-malay, at biglang inilabas iyung ari. Inihian nito sa mukha ang natutulog na adik. Nakaraos na ito’t lahat-lahat ay hindi pa rin nagkamalay ang asawa ni Zeny.

Habang tahimik na nakaupo si Wilma sa harapan ng mesa ng sarhento ay natanaw niya iyung mga pangyayari sa loob ng selda. Iniyuko na lamang ng dalagita ang kaniyang ulo at napapikit ng kaniyang ngayo’y maluha-luhang mga mata.

Sa totoo lamang, hindi naman talaga pinalayas ang dalagita sa kanila. Siya naman ang umalis doon nang walang paalam. Ang dahilan kung bakit lumayas si Wilma sa kaniyang Daddy at Mommy sa Laguna dalawang taon na ang nakararaan ay upang hanapin ang kaniyang nakatatandang kapatid na babae na ni hindi man lamang niya nakilala at hindi rin siya nakatitiyak kung siya ba’y makikilala pa nito. Isang aksidente lamang kasi nang masilip niya iyung nakakuwadrong larawan ng kaniyang ate sa silid ng kaniyang Daddy at Mommy. Nang usisain niya si Mommy ay ayaw naman nitong umimik. Takot naman siyang tanungin ang kaniyang napakaistriktong Daddy. Ngunit kalaunan noong araw ding iyon ng kaniyang pagkakatuklas, nilapitan siya ng kaniyang Daddy upang ito’y magpaliwanag. Suwail daw kasi ang ate niya, kaya hayun at nagpa-Maynila mahigit sa isang dekada na ang nakararaan upang maging ganap na malaya na sa kung ano’ng nais nitong gawin sa sariling buhay. Sa labis na awa ni Wilma sa sarili at sa labis na galit niya sa kaniyang mga magulang ay nagpasya ang dalagitang kupitin iyung larawan sa pagkakakuwadro nito’t tuntunin ang kaniyang ate sa Maynila. Ni hindi man lamang binanggit ng kaniyang Daddy at Mommy ang pangalan ng ate niya. Anong uri silang mga magulang? Bakit? Ano ba ang naging malaking kasalanan o pagkakautang ng ate niya kila Daddy at Mommy upang gantihan nila ito nang ganitong uri ng pagtrato?

Sa loob-loob ni Wilma, kung ang binabanggit na kamag-anak ng sarhento de mesa ay ang Daddy at Mommy niya ay huwag na lamang. Hinding-hindi siya sasama sa dalawang ito pauwi sa Laguna kahit ano pa ang mangyari. Kahit magsama pa ng pulis ang kaniyang Daddy. Hinding-hindi.

Wilma Segovia?

Tumingala iyung dalagita. Tatlong anino ang dahan-dahang nagkahubog sa kaniyang luhaang paningin: isang babaeng naka-uniporme’t may nakasabit na ID ng DSW sa dibdib – si Ms. Sereno, isang pari na may hawak na maliit na bibliya sa kanang kamay – si Father Jesse, at ang pinakahuli sa lahat ay ang isang nilalang na nakatitiyak si Wilma na sa malamyos na tinig ng babaeng ito namutawi ang kaniyang kinagisnang pangalan.

Tinitigan ng dalagita iyung pinakahuling nilalang. Kaagad niya itong namukhaan.

“Ate!”

Anak!

Niyapos ni Zeny nang mahigpit ang dalagitang malaki ang pagkakagulat nang siya’y tawaging anak ng kaniyang inaakalang ate. Maluha-luhang bumulong ang isang ina sa tainga ng isang supling ng kahapong pilit na inilihim sa kaniya nang napakatagal na panahon. Isang kahapong hindi man lamang niyang nagawang salubungin ang pagsilang o magpaalam man lamang bago pa siya nagpakalayu-layo sa buhay.

Ngayon, higit kailanman, ay nabatid ni Zeny na malaking-malaki ang pagkakautang niya sa kaniyang anak.

Pagkatapos ng ilang madamdaming eksena ng paliwanagan at nang papalabas na ang bagong mag-ina sa presinto kasama sina Father Jesse at Ms. Sereno ay may isang alingawngaw na biglang napukaw at bumulahaw mula sa isang madilim at mapanghing sulok ng Selda ng Nakaraan.

At kahit pa may tila pilit na dumudutdot-dutdot at umaagaw sa atensiyon ni Zeny, hindi na nito nagawang lingunin at hagisan pa ito ng kahit kapiranggot na buto ng pansin o balat ng simpatiya man lamang. Sa halip ay nagpatuloy pa rin sa Ngayon ang kaniyang tiyak na paghakbang papalayo mula dito, habang akay-akay ang isang batang Kinabukasan na hinding-hindi na niya mapahihintulutang mailihim pang muli sa kaniya ng isang Kahapong walang paalam.

***