ng KATAGA-ONLINE

Sa panahong nanliligalig ang pandemya, nanganganib tayong lahat sa kinakaharap na krisis. Ngunit narito, nagkakaisa ang mga nagsusulong at nagpapayabong sa ating sining at kultura. Frontliners rin sila upang muling ipaalala na ang papel ng sining at panitikan ay nagiging mas sentro sa ating buhay. Patuloy na magtataguyod sa kolektibong kakayahan, kolaborasyon sa iisang layon at kamalayan sa kabila ng limitadong mapagkukunan ng programang pangkultura, mga proyektong hindi nailathala, pagkawala ng trabaho, at pagsasara ng mga tabing sa entablado. Sa pananatili, nasusubok nila ang sinumpaang tindig sa pagsusulong at pagpapalaganap ng masining at makabuluhang panitikan mula sa karanasan ng lipunan bilang ambag sa pagbabago nito.

Sa walang humpay na pambubulahaw ng mga balita sa telebisyon, nakakarinding mga isyu sa pahayagan man o internet, malinaw sa atin ang patuloy na pagnanaknak ng kahirapan dulot ng korapsyong mas nakamamatay pa sa pandemya. Ang elektronikong media na naglalaman mula sa mga pelikula sa Netflix, ang trending na clips sa Tiktok, hanggang sa samu’t saring meme at status sa Twitter at Facebook na naging outlet at pansamantalang nag-uugnay sa atin, kundi man mga kadenang nakakapulupot habang naka-quarantine sa mga sulok na nagsisilbing bartolina ng ating katayuan. Naka-lockdown ang mga bansa, patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya, libo-libong nahahawaan at namamatay, araw-gabi tayong nakaantabay, nangangamba’t naglalamay sa ating sariling kapalaran. Na mas konkretong ihulagway sa pagbibilang natin isa-isa… silang mga biktima ng COVID-19, ng EJK, kahirapan, inhustiya, at kawalang-katiyakan.

Ito ang ating birtwal na realidad. Ito ang ating katotohanan. Ito ang ating kinasasadlakan.

STEFANI J ALVAREZ
Tagapangulo, Kataga-Online

Hindi-Ito-Ang-Panahon-Para-Mamayapa-2

BACK TO FREELIPINIANA MAIN DIRECTORY