Ang MUSIKAHAN ay isang selebrasyon ng samu’t saring wika ng ating bansa. Magkakaiba-iba man ang wika o dayalektong sinasambit ng bawat isa, maaari pa rin tayong pagbuklurin ng unibersal na mensahe ng musika. Dinggin at intindihin ang himig ng bawat awit, at kilalanin nang mas malalim ang mayamang wika ng ating bansa.

Sa yugtong ito, masasaksihan natin ang mga awitin nina Eamarie Gilayo (Davao), Ferdinand Aragon (Cebu), Beauty Magtiza (Iloilo City), Gab Cabangon (Manila), at Solong Aki (Bicol).


Si Eamarie Gilayo ay isang mang-aawit, manunulat ng awitin, at community organizer ng musika sa Davao. Ang kaniyang mga kantang “Away, Wa’y Buwagay” at “Gukod-Gukod” ay napasama sa semi-final round ng PhilPop Music Festival noong 2018 at Visayan Music Awards noong 2019. Siya ay naging finalist sa Himig Handog 2019 para sa kaniyang kantang “Ikaw at Linggo” na naging nominado rin sa 33rd Awit Awards Best Ballad Recording.

Isa sa mga adbokasiya niya simula noong 2014 ay ang pagpapalawig ng orihinal na musikang Filipino sa pamamagitan ng pagbuo ng mga music camps sa ilalim ng Mindanao Music Community kung saan siya ay songwriting at creative writing mentor. Siya rin ay isa sa mga nagsulong ng kauna-unahang Mindanao Popular (MinPop) Music Festival na naging matagumpay noong Pebrero.

Si Eamarie ay nagtapos sa kursong International Studies major in Asian Studies at may units sa Philosophy sa Ateneo De Davao University.


Isang indie-folk singer-songwriter at visual artist mula sa Cebu si Ferdinand Aragon. Siya ang musikero sa likod ng awiting “Di Ko Man” na naging Philpop 2018 1st Runner-up at ng kantang “Matag Piraso” na nanalo bilang grand prize winner sa Visayan Music Awards 2019.
Si Ferdinand Aragon ay isa ring songwriter sa Living Word Christian Music.

Karamihan sa kaniyang mga sinusulat na awitin ay tungkol sa pag-ibig at pagbibigay pag-asa.


Tubong Iloilo City ang singer-songwriter na si Sheryl June “Beauty” Magtiza na unang nangarap maging isang professional volleyball player pagkagraduate niya sa kolehiyo noong 2012. Sa kasamaang palad, isang buwan pagkatapos siyang marecruit ng Phil. Air Force Women’s Volleyball Team noong 2013, nagkaroon ng pinsala ang kaniyang tuhod na naging dahilan upang hindi na siya makapaglarong muli. Dahil sa pagkalunod sa depresyon, naging sandalan niya ang musika. Tinulungan siya ng kaniyang kaibigan mabuo ang kaniyang first album na “Silakbo” noong 2016 at ang kasunod na album na “Redemption” noong 2018.

Sa kasalukuyan, binubuo niya ang kaniyang kauna-unahang self-produced album na “Ilongga” na ilalabas sa susunod na taon. Ang buong album ay binubuo ng mga kantang Hiligaynon. Ito ang paraan niya upang isulong ang musikang Hiligaynon dahil siya ay naniniwala na mas mailalabas ang emosyon sa paggamit ng sariling wika. Ang pagkanta ng musikang Hiligaynon ang isa rin sa naging dahilan upang siya ay makilala bilang musikero na taas-noong ipinagmamalaki ang kaniyang probinsiya at hindi kailanman malilimutan ang kanilang pinagmulan.


Si “Gab Cabangon o “Gab Cab” ay ang frontman at rhythm guitarist ng Alternative at Pop Rock band na KE. Madalas rin siyang umawit at sumulat ng mga kanta na nilikha gamit ang kanyang natatanging istilo na halintulad sa pagkukwento. Aktibo rin siya sa pagsasagawa ng online music shows sa Facebook page ng KE at sa pagsuporta sa mga fundraiser ng iba’t ibang advocacy groups gamit ang kanyang musika.


Sinimulang ibahagi ni Solong Aki ang kanyang musika noong 2017. Ang kaniyang mga kanta ay impluwensiya ng classical music, mga Filpino folk artists gaya ng Bayang Barrios, Grace, Joey Ayala, at Christian worship music. Nakikilahok siya sa iba’t ibang music productions sa Bicol at Metro Manila.

Pag dating naman sa paglikha ng mga pelikula, naranasan ni Solong Aki ang maging isang musical director, film/media composer, aktor, at line producer. Sumulat din siya ng mga orihinal na musika para sa short film entries sa mga lokal at internasyonal na film festivals gaya ng Sinag Maynila, Cinemalaya, at Manhattan Film Festival.

Kasulukuyan niyang isinusulong ang indie music at mga proyektong pangkalikasan.