Inilabas na ng Samahang Lázaro Francisco (SLF) ang listahan ng mga napiling kalahok na manunulat sa gaganaping Ikatlong Palihang Lázaro Francisco. Ito ay sina Marc Valmeo (Bulacan), Ronnel Talusan ( Bulacan), Joanah Pauline Macatangay (Bulacan), Alyana Walde (Bataan), Menard Miguel (Nueva Ecija), Alvin Moga (Nueva Ecija), Rossite Ramilo (Nueva Ecija), Joshua Mendoza (Nueva Ecija), Jethro Nocom (Bataan), Banjo Somera (Nueva Ecija), Princess Supnet (Nueva Ecija), JC Lubag (Bulacan), at Erwin Mallari (Bataan).

Dahil sa pandemya, gaganapin ang palihan sa paraang online sa darating na Oktubre 11, 18, at 25. Magsisilbing mga panelist ang mga miyembro ng LIRA na sina Cristobal Alipio at Adelma Salvador, at R.B. Abiva na Pangulong Tagapagtatag ng SLF at miyembro ng KATAGA at GUMIL-Filipinas. Ang palihan ay maisasakatuparan sa pagtataguyod ng sekretaryat na sina Ed Tigulo, Arbie Francisco, at Jerwyn Labagnoy.

Layunin ng palihan na mahasa at magabayan pa ang mga bagong sibol at lokal na manunulat sa bansa, partikular sa Gitnang Luson. Sa kabilang banda’y pagpapalakas din ito sa rehiyunal na panitikan. Pagtataguyod din ito sa mga nasimulan noon ng KAWIKA na itinatag ni Lázaro Francisco noong 1958 hinggil sa pagsasabansa at pagpapanguna sa wikang Tagalog, sa halip na wika ng mga banyaga, ang gamitin sa alinmang larangan ng pamumuhay ng mga Pilipino at bansang Pilipinas.

“Sa kabila ng krisis na kinahaharap ngayon ng bansa at mundo, sisikapin ng SLF na maging matagumpay ang ikatlong palihan sa kabila ng mga dagok at pagsubok dahil sa malalang suliraning kinahaharap ng lahat,” wika ni R.B. Abiva. ###