Panawagan para sa mga Papel

Bago pa lumaganap ang COVID-19 sa bansa, may nabuo nang sub-culture ng “alter” sa online platform na Twitter. Itong sub-culture ng mga lalaking nakatago ang mukha at tunay na pangalan, madalas ay nagbabahagi ng mga video ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki, ay nakikipa-usap sa mga kapwa alter (minsan ay tatawagin ding “tripper”) sa pamamagitan ng quote tweets, replies at likes. Sa maraming pagkakataon, hindi magtatawagan ng “bakla” ang mga kabahagi ng sub-culture na ito, pero sa maraming pagkakataon ay mababasa ang kalakip na hashtag na #sarapngpinoy.

Sa mga karaniwang social media news feed gaya ng mga nasa wall ng Facebook at Twitter, hinihimay ang pagkakaiba ng fuccboi at softboi. Sa madalas na paliwanag, ang fuccboi ay isang straight na lalaking libog at pakikipagtalik lang ang hanap sa isang babae; ang softboi naman ay tila ganito rin ang paglalarawan, bagaman natatakpan ang interes na makipagtalik sa pagpapanggap na may malasakit siya at may damdamin bukod sa pagnanasang makapagparaos. Paksa ng mangilan-ngilang memes ang pagbaklas sa fuccbois at softbois, bukod sa naikakabit sa mga bagong termino gaya ng “simp” o isang taong ginagamit ang pagtatanghal ng emosyon o pagiging “soft” o sensitibo para makuha ang emosyon at makatalik ang taong pinag-iinteresan niya.

Noong pumaloob ang bansa sa serye ng iba’t ibang quarantine at lockdown, natutok ang atensyon ng mga Pilipinong may computers at Internet access sa paghahanap ng mapagbabalingan ng kanilang ligalig. Naging materyal ng maraming online na usapan ang Boys Love o BL series, mga serye kung saan imbes na ang kumbensyunal na babae’t lalake ang bida ay dalawang lalake ang pumapaloob sa relasyong romantiko. Mula sa mga popular na BL series ng Thailand, nasimulan din ang mga orihinal na Pilipinong BL series na naging bukal din ng panibagong “ships” (pinaiksing tawag sa “relationships” na madalas gamitin ng fans sa online platforms) at stans (isang kategorya ng fan na inaasahang mas matindi sa isang simpleng fan lamang, pinagpapalagay na nahugot sa mga salitang isang kanta ng rapper na si Eminem, at base sa mga salitang “stalker” at “fan”). Sa ilang pagkakataon, may mga artista ng mga seryeng ito na may pahayag o masasabing hindi pabor sa fans (hal: ang paniniwalang ang BL series ay hindi gay series kundi dalawang “straight” na nagmamahalan lamang), kaya naman mula sa pag-stan, ang ibang mga bagong-usbong na idolo ay sumasailalim sa pag-unstan ng mga fan nila.

Samantala, nagpapatuloy ang pagbabahagi ng mga netizen sa iba’t ibang personalidad at trends na pumupuno sa iba’t ibang hinahanap ng katawan, isip at damdamin—Dalgona coffee at iba pang cooking ideas, bagong album ni Taylor Swift, mga Korean performing group at serye sa iba’t ibang streaming platforms, self-care webinars at online workout videos. Sabay-sabay na umiiral habang urong-sulong ang mga patakaran na may kaugnayan sa transportasyon, pagpasok sa trabaho, at access sa ayuda mula sa pamahalaan. Hindi ba’t may isang wellness influencer na takang-taka kung bakit napakaraming mga kababayan ang hindi kinakayang mag-“stay at home,” habang ang influencer ay kalma lamang at nagpapatugtog ng kanyang mahiwagang singing bowl sa ngalan ng pambansang paghilom? Interesanteng pag-isipan ang pagkakaiba sa kalam ng sikmurang walang makain sa alingawngaw ng isang singing bowl na pinapatunog mula sa isang exclusive na village at naka-broadcast sa Instagram Live.

Paano rin nagkakaroon ng dimensyong uri, lahi at etnisidad, henerasyon, relihiyon at iba pa sa usapin ng mga bagong danas ng sexualidad at kasarian sa new media? Paano nakakapaglahad ng protesta, tunggalian lampas sa individual at pasok sa formasyong grupo at panlipunan, negosiasyon at pagbabalikwas?

Itong mga bagong anyo ng panlipunang ugnayan, maging ang usapin ng pagkakaiba sa access at halaga nito base sa iba’t ibang isyu ng pribilehiyo, ang nais itampok ng proyektong Ships, Stans, Simps atpb.: Interogasyon ng Danas ng Nasang Sexualidad at Kasarian sa New Media. May pagkilala sa impact ng mga bagong daluyan ng impormasyon sa pagluwal ng mga bagong anyo ng pagnanasa, pero kinikilala din ang baryasyon sa laya at kalidad ng pagpuno sa mga puwang na ito base sa mga paghahati sa katayuan ng buhay nating mga Pilipino. Nais siyasatin ng proyekto ang mga nagbabagong kulay ng pag-ibig, libog, gutom, pangungulila, habang hinahagilap din kung paanong sa maraming bakas ng pagbabago ay may mga tao at puwersang naggigiit ng kanilang mapanupil at makitid na pananaw at tinig.

Mga Mungkahing Paksa ng Papel:

  • Pag-usbong ng iba’t ibang anyo ng fandom sa Pilipinas, sa tulong ng social media
  • Un-stanning at cancel culture
  • Alter at iba pang anonymous accounts na ginagamit para sa mga seksuwal na interaksyon
  • Mga bagong hubog ng sexualidad sa online platforms
  • Mga bagong kategorya ng fan at idol sa panahon ng Zoom, webinars at live streaming technology
  • Pagtatasa ng mga online trend sa panahon ng lockdown sa Pilipinas
  • Online charity drives at mga kaakibat na isyu
  • Counter-culture sa paggamit ng iba’t ibang online trends (hal: parody videos, paggamit ng “thirst trap” posts o posts na nagpapakita ng katawan upang magtalakay kaugnay sa komersyalisasyon ng katawan, meme culture, at iba pa)

Schedule:

Abril 15, 2021
Deadline pagpasa ng papel na proposal (titulo, proponent, abstrak, contact details)

Hunyo 30, 2021
Deadline ng buong papel na mula sa mga naaprubahang abstrak (15-20 pahina, CMS/Humanities format)

Agosto 31, 2021
Feedback at rebisyon sa mga sanaysay

Setyembre 30, 2021
Pagpasa ng pinal na kopya ng sanaysay

Nobyembre 2021
Pagpasa ng manuskrito isang university press

Email:

Para sa pagsusumite ng mga abstrak ar artikulo, at para sa mga tanong at paglilinaw, maaaring lumiham kina Rolando B. Tolentino ([email protected]), Laurence Marvin S. Castillo ([email protected]) at Vladimeir B. Gonzales ([email protected])