Can one make a living as a freelance writer in the Philippines? by Ime Morales

Can one make a living as a freelance writer in the Philippines?

Parents have often said that if we want to strike it rich, don’t be a writer. In reply, their idealistic children would then rattle off names like JK Rowling, Stephen King, Stephenie Meyer, and other high-profile names to defend their choice. After college, many of these wide-eyed writers would find themselves working in magazine or newspaper publishing, advertising, in the communication department of some company or NGO, or, God forbid, working as freelance writers.


Freelance, free lunch

There is a stigma attached to freelance writing and it has been present, nurtured by some of the writers themselves, for many years. Looking at it as a way to earn a quick buck is tantamount to disrespect for the profession, and it is this attitude that has been giving the industry a painful and slow death.

Freelancers who sell out and accept pennies for their work not only don’t give value to themselves (which is fine, as far as everyone else is concerned), but they also drag everyone else with them into the free-lunch pit. This is the place where writers slosh about in the company of clients who give low pay and treat writers like some cook in a panciteria.

These writers don’t realize that every time they sign a P0.50 per word contract, for instance, they are making sure that their children will get paid the same rate when it’s their turn to go freelance. You’ll get the cash for the electric bill this month, but is it really worth the trade-off?


Horror stories

If you’re a freelance writer in the Philippines, there would be times (and they would be often) that you’d probably grow a beard first, even if you’re not a man, before you receive your check. Other publications would require several interviews with expert resource persons for a 2,000-word article, but pay a fee that barely covers for the expenses related to producing the feature. Take a look at what some freelance writers are paid:

  • As low as P22 per hour (online writing)
  • P45 to P90 per 400-500-word article (online writing)
  • P100 per 250-word article (academic writing and research)
  • P300 per 400-word article (online writing)
  • P0.50 to P2 per word (some local magazines, newspapers and news websites)

(These are actual figures cited by some members of the Freelance Writers’ Guild of the Philippines, based on their individual experiences working with local and international clients.)

Also, racism is alive and well in the online writing business. Many Filipino freelancers don’t get the good deals offered by high-paying clients in the international market (P22.50 to P45 per word), possibly because “you can pay (Filipinos) literally pennies for a story… because they are not native (English) speakers.” This is a comment made by an American and cited by another Filipino freelance writer.

If you work in the advertising industry or if you are able to get corporate clients, then you can make more because these markets pay better than most outsourcing websites and online/print magazines or newspapers. But, you may have to set aside some of your principles when you’re asked to write copy to sell, say, liquor or tobacco. To put it bluntly, there is no room for the idealistic writer in the commercial writing industry.


The need to organize

Despite the economically grim picture, there is still an abundance of freelance writers locally, probably because there are moms or dads, some of them single parents, needing more time to raise their children as they work for a living. There are others who enjoy the freedom that freelancing offers. Some are working on their degrees, others do it to supplement a regular salary, and still there are those who think that writing is simple and that anyone with a pen can write!

To assure the healthy future of the freelance writing profession, if you can even call it such, there is a need to organize these disunited writers. The fact is, writers’ fees in the Philippines have stagnated at a more or less 20- year old level. This, plus a host of other challenges that plague the freelance writing community have encouraged a bunch of freelance writers to organize themselves into the Freelance Writers’ Guild of the Philippines (FWGP). The guild aims to protect the welfare of Filipino freelance scribes working in the country, as it tries to help members improve the quality of their work.

Presently, the Guild is trying to come up with a standard payscale to serve as a guide for freelance writers so that fees nationwide can become more or less consistent. FWGP also offers lectures and workshops on important topics like copyright, SEO writing and blogging, and, for the future, screenwriting, writing for children, and many more. Each month, OpenBook events are held to bridge the distance between authors and their readers. Successful authors are invited to share tips and advice on how to write, market/sell the work, how to get motivated or inspired, and even build discipline.

Its more important work, however, is to educate the writers on their rights and responsibilities so that the problems that plague freelance writers can be eradicated one by one: low fees, unreasonable waiting time for payments, low-quality work output, one-sided contracts and unjust policies by clients—these are just a few of the issues that need to be addressed.

Freelance writing could become a respected and high-paying profession, but it can only happen if there are enough good writers who will work to make the changes happen. Presently, we are far from this goal. And for as long as there are more writers who are willing to accept low fees just to get projects, and freelance writers who care more about quantity over quality, then the profession will continue to languish in this rut where it has been  for decades.

Sitwasyon ng Panitikang Pambata sa Pilipinas (2010-2012) ni Eugene Y. Evasco

Introduksiyon ng Interaktibong e-book at Picture Book Apps     

May dalawang mahalagang pangyayari sa kasalukuyan ang nagdulot ng pagbabago sa produksiyon ng mga aklat pambata sa bansa. Una rito ang pag-usbong at pag-unlad ng teknolohiya sa mga mobile phone, tablet, at internet na nagbigay-daan sa paglikha ng mga interaktibong e-book at mga picture book app. Tagapanguna ang Vibal Publishing sa paglikha ng mga ito. Unang interaktibong e-book na pambata sa bansa ay ang retelling ng Ibong Adarna (Vee Press ng Vibal Foundation, 2011). Libre itong madodownload at naglalaman ng simpleng pagbubuod ng kilalang korido at nilapatan ng mga digital na ilustrasyon.

Mas sopistikado at interaktibo naman ang mga taglay na features ng isang picture book app kumpara sa mga simpleng e-book o digital na bersiyon ng mga aklat. Nagtataglay ito ng animation, orihinal na musika, games, at mga interaktibong gawain sa tulong ng touch screen na teknolohiya. Muli, tagapanguna sa produksyon ng mga app na ito ang Vibal Digital Publishing. Nagsimula muna bilang mga nakalimbag na aklat, napili ng naturang palimbagan ang mga sumusunod bilang mga unang children’s book app sa bansa (2011): Yummy Fly Pie (kuwento at guhit ni Jomike Tejido), Mariang Sinukuan (muling isinalaysay ni Eugene Evasco, guhit ni Leo Cultura), Pagpagayuk (muling isinalaysay ni Evasco, guhit ni Piya Constantino), Amansinaya (muling isinalaysay ni Evasco, guhit ni Tejido), at Ang Mahiwagang Kamiseta (kuwento ni Evasco, guhit ni Ghani Madueno). Nilikha ang mga ito para sa mga kagamitang Android, iPad, at iPhone. Maaari itong mabasa at ipabasa (may feature na “read to me” at “read myself”) sa Ingles at Filipino. Ang Yummy Fly Pie naman ay may salin sa Mandarin. Ang mga nabanggit ay ambag ng Pilipinas sa produksyon ng daigdig sa panitikang nilikha para sa batang mambabasa na digital natives o higit na kilala ang mga aparatong digital. Hindi naman nito pinapaslang ang nakalimbag na aklat; sa halip, mas hinihikayat ng mga ito ang mga mambabasa na pahalagahan ang pagbabasa sa iba pang mga anyo gaya ng tablet.


Aklat Pambata mula sa Rehiyon

Ikalawang pangyayari ay ang kautusan ng Departamento ng Edukasyon (DepEd Order No. 16, s. 2012) kaugnay sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa SY 2012-2013. Hinahangad ng kautusang ito ang pangarap na bawat mag-aaral ay magiging mambabasa at makasusulat sa antas Grade 1. Ilan sa mga pangunahing wikang gagamitin ay ang Tagalog, Kapampangan, Pangasinan, Iloko, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Chavacano, Maranao, Maguindanao, at Tausug. Sa bisa ng kautusang ito, hindi lamang makalilikha ng mga textbook sa mga rehiyunal na wika, magkakaroon din ng mga programa at pangangailangang lumikha ng mga kuwento, karagdagang babasahin, o aklat pambata batay sa wika, kultura, at panitikang-bayan ang mga lalawigan. Sa mga susunod na taon, hindi lamang simpleng salin ang mga nilalaman ng textbook sa pagbasa at wika, magkakaroon din ng paglikha ng mga orihinal na kuwento sa kani-kanilang mga wika at kulturang pinagmulan. Aasahang maitatampok sa mga aklat na ito ang panitikang-bayan gaya ng mga alamat, mito, kuwentong-bayan, epiko na hindi kadalasang naitatampok sa mga aklat na nilikha sa Metro Manila. Dagdag pa, makatutulong rin ito upang higit na pagyamanin ang mga paksang maaaring talakayin ng pambansang panitikang pambata.

Kaugnay nito, magandang simulain ang paglalathala ng mga aklat pambata sa mga rehiyon. Halimbawa, sa wikang Hiligaynon, nailathala ng premyadong manunulat na si Alice Tan Gonzales ang koleksyon niya ng pitong pabulang pambata na May Isa Ka Kuring nga Hari kag Iban pa nga Sugilanon para sa Kabataan (May Isang Pusang Hari at Iba pang Kuwento para sa Bata) (Iloilo City: Seguiban Printing & Publishing Enterprises, 2010). Ayon kay John Iremil Teodoro, “Historikal ang librong ito dahil ito ang unang koleksiyon ng mga kuwentong pambata sa Hiligaynon, bagamat may pangilan-ngilang nalalathalang mga kuwentong pambata sa magasing Hiligaynon at Yuhum. Nagpapatibay ang librong ito ng posisyon ni Alice Tan Gonzales bilang nangungunang manunulat sa Hiligaynon ngayon.”

Taong 2010 din nalathala ang aklat pambata sa wikang Pangasinan, ang Pasirayew ya Malapati (Ang Mayabang na Kalapati) ni Erwin Fernandez, sa taguyod ng Ulupan na Pansiyansiya’s Salitan Pangasinan. Nilalayon ng publikasyong ito na “buhayin ang isang naghihingalong wika.”

Dapat ding kilalanin ang paglalathala ng aklat pambata ng mga manunulat na Bikol na An Poon Kan Pili Asin Iba Pang Osipon Pan-Aki (Ang Alamat ng Puno ng Pili at Iba pang Kuwentong Pambata) nina H. Francisco V. Peñones Jr., Christine S. Bellen, at Kristian S. Cordero; guhit ni Jerameel Lu (Naga City: Ina nin Bikol Foundation, 2010). Ayon kay Cordero, unang aklat ito ng kanilang serye sa Balaog Children’s Book Series at balak nilang makalikha pa ng siyam na aklat sa mga susunod na taon. Nakasulat ang kay Peñones sa Bikol, samantalang nakasulat naman sa Filipino ang mga kuwento nina Cordero at Bellen. May kasamang salin sa Ingles ang nasabing antolohiya. Sa anotasyon ni Bellen sa mga nilalaman, mapapansing tampok sa mga akda ang panitikang-bayan, kultura, at mga pangunahing icon ang rehiyon. Bukal at impluwensiya ng “Alamat ng Pili” ang epikong Ibalon. Tampok ang Naga City at ang Mahal na Birhen ng Penafrancia sa “Argos” at idinagdag naman ang kuwentong “Unang Uwi sa Bicol” ang pagkilala at pagtuklas ng isang bata sa bulkang Mayon at sa mga butanding ng Donsol, Sorsogon.  Dagdag pa ni Cordero, “ang Bikol at si Ina” ang naging tema ng kanilang unang antolohiya.

Kung masusundan pa ang ganitong produksiyon at mahihikayat pa ang maraming manunulat na lumikha ng aklat pambata sa mga rehiyunal na wika ng bansa, higit na mapauunlad at mapapalawak ang saklaw ng panitikang pambata sa bansa. Sa mga anyong pampanitikan sa Pilipinas, nahuhuli ang panitikang pambata sa produksiyon ng mga akda mula sa mga rehiyon. Nagkataong nasa Metro Manila ang kalakhan ng mga pangunahing tagapaglimbag, tagapagbenta, at tumatangkilik ng mga aklat pambata. Sa pamamagitan din nito, mawawakasan na ang pamamayani ng komersiyal na paglalathala na may tendensiyang tumugon sa middle class na karanasan at sensibilidad. Higit na magkakaroon ng representasyon ang ibang tinig at kultura, lalo pa’t may multikultural na katangian ang ating bansa. Higit pa rito, lalo pang mailalapit ang aklat sa mga batang matatas sa kanilang sariling mga wika.


Mga Patimpalak at Pagkilala sa mga Aklat Pambata

Malaking tulong ang mga gawad upang manghikayat ng mga manunulat at ilustrador.  Paraan din ang gawad upang kilalanin ang mataas na kalidad ng produksiyon ng mga aklat pambata.

Napasimulan ng Tomas Arejola Foundation sa Bicol ang kanilang patimpalak sa pagsulat (Premio Tomas Arejola para sa Literaturang Bikolnon). Ilan sa mga kategorya ang kuwentong pambata (osipon na pan-aki) at isang yugtong dula para sa bata (halipot na pasali na pan-entablado na pan-aki). Sa pamamagitan nito, nauudyukan ang mga manunulat sa sumulat at makalikom ng mga maiinam na akda na maaaring mailathala sa mga susunod na panahon.

Paraan din ang patimpalak upang makahikayat ng mga de-kalidad na manuskrito para sa publikasyon. Nagsagawa ang Adarna House ng timpalak para sa nobelang pambata, ngunit tila walang nagwagi o kulang ang mga manuskritong inilahok upang mapagpagdeklara ng nagwagi. Nagsagawa rin ng Lampara Book (Lampara Books Children Story Writing Contest noong 2011) ng kanilang sariling patimpalak ng kuwento upang makapili ng manuskritong ilalathala bilang isang picture book o illustrated book.

Bagong serye ng Lampara Books ang “Mga Premyadong Kuwento.” Itinatampok sa seryeng ito ang mga kuwentong nagwagi ng Palanca, Philippine Board on Books for Young People (PBBY), at ng Catholic Mass Media Award (CMMA). Bukod sa may marka ng kahusayan ang mga akdang nagwagi, may komersiyal na konsiderasyon din sa paglalathala nito. Tulad ng mga aklat na Newbery at Caldecott sa US, inaasahang mas maibebenta o madaling mailako ang mga premyadong aklat pambata, lalo pa’t may mga logo ng napagwagiang patimpalak ang mga pabalat. Kadalasan, ito ang hinahanap ng mga magulang at mag-aaral sa pamimili ng mga aklat para sa anak o mga mag-aaral.

Pinakamagandang pangyayari sa larangan ng paggawad ay ang National Children’s Book Award na nagdeklara ng mga unang nagwagi noong 2010. Ang mga unang nagwagi ay ang Araw sa Palengke, kuwento ni May Tobias-Papa, guhit ni Isabel Roxas (Adarna House) na pumapaksa sa karanasan ng bata sa lingguhang pamamalengke; Tuwing Sabado, kuwento ni Russell Molina, guhit ni Sergio Bumatay III (Lampara) na pumapaksa sa ugnayan ng bata sa kanyang amang nasa bilangguan; Can We Live on Mars? A Book About Space, ni Gidget Roceles-Jimenez, guhit ni Bru (Adarna House) na isang non-fiction na aklat pambata ukol sa outer space na tinalakay sa pananaw ng isang Pilipino; Tagu-Taguan: A Counting Book in Filipino na isinulat at iginuhit ni Jomike Tejido (Tahanan) na isang aklat ng pagbibilang na nasa anyong berso at itinatampok ang mga karaniwang kulisap sa bakuran; Lub-Dub, Lub-Dub, kuwento ni Russell Molina, guhit ni Jomike Tejido (Bookmark at Ramon Magsaysay Award Foundation) na isang kuwentong nagpapakilala sa kadakilaan ng pediatrician na si Dr. Fe del Mundo; at Just Add Dirt, kuwento ni Becky Bravo, guhit ni Jason Moss (Adarna) na masisteng kuwentong tumatalakay sa takot at katamaran ng bata na maligo at linisin ang sariling katawan.  Kinilala ang mga nasabing premyadong aklat bilang mga Best Reads sa taong 2010. Itinaguyod ng National Book Development Board at ng PBBY ang nasabing gawad na kumikilala hindi lamang sa mahusay na pagkakasulat kundi sa mahusay na ilustrasyon, pagdidisenyo ng aklat, at maging sa produksiyon ng aklat para sa mga bata. Natatangi ang gawad na ito, kumpara sa iba pang patimpalak, dahil ang buong nalathalang aklat ang kinikilatis at pinahahalagahan. Magandang balita rin ito sa mga manlilikha at tagapaglathala dahil nabibigyang-pokus na ang mga aklat pambata sa isang pambansang gawad, na hindi natugunan ng itinigil na kategorya ng Pinakamahusay na Aklat Pambata sa National Book Award ng Manila Critics Circle. Matatandaan ang hinaing ng mga manunulat sa nasabing gawad na nagparatang sa “kulang sa orihinalidad” ang mga aklat pambata sa isang taon, bagamat napakarami namang aklat na nalathala at karapat-dapat makilala ang kahusayan. Dahil dito, kapansin-pansin ang motibasyon ng bagong gawad sa paglikha ng mga mabubuting aklat pambata na lihis sa pormula, kinasanayan, at komersiyal na mga uri. Nagkakaroon ng “prestige project” ang ilang tagapaglathala, ibig sabihin, naglalathala sila ng mga aklat na bagamat hindi gaanong bebenta o mapagkakakitaan, maipagmamalaki naman sa nilalaman, ilustrasyon, at produksiyon. Halimbawa nito ay ang limited edition at hardbound na tatlong antolohiya ng modernong alamat ni Segundo Matias, mga guhit nina Sergio Bumatay III, Ibarra Crisostomo, Jomike Tejido, at Arnel Mirasol (2011).


Paglikha ng mga Aklat na may Natatangi at Sensitibong Usapin

Marahas na paratang ang sabihing “wholesome” ang mga aklat pambatang inilalathala ng mga pangunahing palimbagan sa bansa. Sa panahong ito, nagsikap na inilathala ng Anvil Publishing at ang Lampara Books ang mga aklat pambata na tumatalakay sa mga sensitibong usapin na marapat talakayin sa mga batang mambabasa. Binalanse ng dalawang palimbagan ang kanilang produksyon. Hindi lamang sila nasanay sa paglikha ng mga bestseller o mga kumikitang mga aklat gaya ng serye ng Anvil ng Mga Kuwento ni Lola Basyang o serye ng Lampara Books na Modernong Alamat o Mga Kuwentong Nanay. Kapwa nangahas ang dalawang palimbagan na ipakilala sa mga bata ang mga realidad ng buhay, kahit ito man ay sabihing marahas sa mga mambabasa.

Inilathala ng Anvil ang Bituin and the Big Flood (2010) ni Ma. Ceres P. Doyo, tumatalakay sa kalamidad at sa paghahanda upang maiwasan ang kapahamakan dito; Ipinaglihi sa Labanos (2012) ni Luis Gatmaitan, tumalalakay sa agam-agam ng isang ampong bata; Paikot-ikot (2009), kuwento ni Irene Carolina Sarmiento tungkol sa autism; Heaven’s Butterfly nina Cathy at Pia B. Guballa (2009), pumapaksa sa pagtanggap sa kamatayan.

Dapat ding kilalanin ang ambag ng C&E Publishing, na kilalang tagapaglimbag ng mga textbook, sa paglalathala nila ng mga serye ng aklat pambata (2011) ng dalawang premyadong manunulat na sina Simplicio Bisa at Edgardo Maranan. Kapuri-puri ang husay sa pagkakasulat at ang taglay na panlipunang realismo ni Maranan sa mga aklat, gayundin ang tapang ng kanyang mga paksain gaya ng militarisasyon sa nayon, ang usaping agraryo, at ang kalagayan ng mga indigenous people ng bansa.

May ambag din ang Museo Pambata sa produksiyon ng natatanging seryeng Batang Bayani (2010). Halaw sa tunay na kabayanihan at kadakilaan ng mga bata ang mga kuwento—pagiging interpreter sa mga binging kamag-anak sa Hands That Bridge ni Perpi Tiongson; pagpapahalaga sa  epikong Hudhud ng mga Ifugao sa Song of Dreams ni Agay C. Llanera; at pagsisikap na matuto, makapagpinta, at makapagturo sa kapwa-bata sa A Reader’s Story ni Bong Oris at Pallete of Dreams ni Liwliwa Malabed.

Gayundin, bunga din ng mga patimpalak ang mga serye ng aklat ng Gig Seafarer Children’s Stories (2010) at ang Gawad Panitikang Pangkalusugan (2010). May sampung aklat ang nalathala sa una, sa taguyod ng Gig and the Amazing Sampaguita Foundation, Inc. (GASFI), na matapang na tinatalakay ang realidad ng mga bata at pamilyang may amang nandarayuhan (seaman) sa ibang bansa. Isang aklat sa serye, ang Why Can’t Uncle Martin Fix My Bike ni Czaria Vijulet Jusi, ay tumatalakay sa pagkakaroon ng mangingibig ng ina dahil sa paglisan ng ama upang maghanapbuhay, na isinalaysay sa punto-de-bista ng isang bata. Nilalayon ng mga aklat na magsilbing inspirasyon at karagdagang-babasahin upang matulungan ang mga pamilya ng isang OFW.

Itinaguyod naman ng Mu Sigma Phi Sorority ng UP College of Medicine ang serye ng mga aklat pambata na naglalayong wasakin ng mga mito o pamahiin kaugnay sa medisina at kalusugan. Umaayon sa temang “Tabo-tabi Po: Exploring Philippine Health Myths” ang mga napili at pinarangalang kuwento. Ilan sa mga mitong tinatalakay at tinatangkang bigyang-paliwanag ay ang pagkakaroon ng sipon kapag naulanan (The Spirit of the Rain ni John Anthony Tindoc), ang pagsubo ng nahulog na pagkain kahit nahulog na (Five Seconds Only ni Hannah Lyn Creencia), ang masamang trato sa mga batang may suliranin sa pag-iisip (Crooked ni Mary Gigi Constantino at Maki’s Colorful World ni Margaret P. Yarcia), at ang paniniwalang “cute” ang mga batang matataba (Story of Superboy ni Benjamin Mangubat). Nalathala ang mga aklat noong 2010 at ibinibigay ang mga libreng kopya nito sa mga piling paaralan at komunidad.


Pagbabago ng Pananaw sa Sekswalidad at Kasarian

Ngayong taon din nakatakda ang publikasyon ng Mga Ikaklit sa Aming Hardin (Publikasyong Twamkittens, 2012), kuwento ni Bernadette Neri at guhit ni CJ de Silva, unang gantimpala sa 2006 Palanca Award para sa kuwentong pambata. Magsisilbing panandang-bato ang aklat na ito dahil sa matapang at positibong pagtalakay ang naiibang anyo ng pamilya, ang pagkakaroon ng lesbian na magulang ng isang bata. Napapanahon ang ganitong mga kuwento na naglalayong hamunin ang nakamihasnang pananaw sa mga homosekswal at itampok sila hindi lamang sa sekswal na identidad kundi sa kakayahan na makabuo ng pamilya at makahubog ng isang mabuting indibidwal.

Kaugnay din nito ang Barako, Baraking (Southern Voices Printing Press, 2011), kuwento ni Cindy L. Dizon-Gealogo at guhit ni Archie Geotina. Tinalalakay ng aklat ang tungkulin ng isang ama habang nangibang-bansa ang ina upang magtrabaho. Sinikap ipakilala sa mga batang mambabasa ang bagong kalakaran sa mga gampaning pangkasarian na ang ina ang naghahanapbuhay at ang ama naman ang nagiging tagapamahala ng tahanan. Sa simula ng kuwento, inilarawan ang mga tipikal na gawain ng mga barakong lalaki sa isang komunidad—mga hindi maasahan sa gawaing-bahay at nakatambay sa labas upang magsugal, makipaghuntahan, at uminom. Binago ng kuwento ang kahulugan ng pagkalalaki na hindi kailangang sumunod sa mga panlipunang atas upang masabing sila’y isang barako.


Pagsasalin ng mga Aklat Pambata

Nabanggit ni Segundo Matias, tagapaglathala ng Lampara Books, na ikinatuwa niyang makita sa mga bookstore ang mga salin ng mga bestseller sa mga bansang kanyang napuntahan. Dahil dito, naisipan niya ang pagsasalin ng mga aklat pambata, partikular ang mga nobelang young adult (YA) upang mabigyan ng mapagpipilian ang mambabasa na magbasa sa orihinal na Ingles o sa salin sa Filipino. Una sa kanilang proyekto ang salin ng popular na Twilight (Takipsilim) ni Armine Rhea Mendoza, na kilalang Camilla sa kanyang mga romance novel (Precious Pages Corporation, 2012). Magaan ang pagkakasalin ng naturang nobela, akma sa kumbersasyonal na wika ng orihinal. Hindi purong Tagalog ang ginamit ng tagasalin, na isang kilalang manunulat ng mga romance novel. Ginamit niya ang wika ng romance novel na malaya sa code-switching o paghahalinhinan ng Ingles at Filipino. Susunod na proyekto ng pagsasaling ito ang iba pang nobelang YA ni Stephanie Meyer at ang popular ding mga nobela na Hunger Games, Catching Fire, at Mockingjay ni Suzanne Collins. Sa pamamagitan ng pagsasalin, higit na nailalapit ang mga akdang banyaga sa mas maraming mambabasa sa bansa. Nawa’y hindi lamang mga bestseller ang nailalahok sa tunguhing ito kundi mga klasikong akdang pambata sa daigdig.

Mabuting balita rin na may mga aklat pambata sa Pilipinas ang naisasalin sa mga banyagang wika sa Asya. Sinundan nito ang dating pagkakasalin ng mga piling aklat ng Lampara Books (paris ng A Spider Story, The Spectacular Tree, at Si Isem sa Bayang Bawal Tumawa) sa wikang Tamil, Bahasa, at Mandarin ng tagapaglimbag na Kumaresh Publications ng Singapore noong 2004.

Pinakamatagumpay sa larangan ng pagsasalin at paglalathala ng aklat sa ibang bansa ang premyado at isa sa nangungunang manunulat para sa bata na si Luis Gatmaitan. Sa taong 2009, naisalin sa wikang Bahasa ang aklat pambatang Dua Belas Pasang Sepatu (Sandosenang Sapatos) ni Luis Gatmaitan ng Metalexia Publishing (Jakarta). Naisalin naman noong 2010 sa wikang Thai at Ingles ang Dukdik, The Pesky Blood Cell (Si Duglit, Ang Dugong Makulit) ng Kanok Bannasan Publishing (Bangkok). Noong 2011 naman, dalawa pa niyang aklat ang naisalin at nalathala sa ibang bansa. Una ay May Mga Lihim Kami ni Ingkong sa wikang Nihonggo ng Hikumano Publishing House, Inc. (Tokyo). Pangalawa naman ang bersyong Thai na Sandosenang Sapatos ng Kanok Bannasan Publishing. Napipinto na ring maisalin sa Danish ng Melaangaard Publishing ang kababanggit na libro ni Gatmaitan.

Dagdag pa rito, naisalin din sa Swedish ng Trasten (Stockholm) noong Oktubre 2011 ang premyadong aklat na Naku, nakuu, nakuuu (Adarna 2008), kuwento ni Nanoy Rafael at guhit ni Sergio Bumatay III.

Pinatunayan ng pagkakasalin ng mga ito na maaaring makapaglakbay ang mga aklat batay sa taglay nitong unibersal na tema at mataas na kalidad ng pagkakasulat at pagkakaguhit. Nakatutuwang isipin na ang ating bansang namihasa sa pag-angkat ng mga banyagang aklat pambata ay paunti-unti nang naipakikilala ang sariling likha sa iba’t ibang panig ng daigdig.


Pag-usbong ng mga Bagong Uri

“Maraming produksiyon, iisa ang hulma.” Ito ang diwa ng puna ni Virgilio S. Almario sa mga aklat pambata, batay sa lekturang binasa niya sa Unang Pambansang Kumperensiya sa Panitikang Pambata noong 2007 na itinaguyod ng UP Dept. ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) at ng NCCA. Sa kasalukuyan, sinisikap na ng mga palimbagan na lumikha ng mga aklat na hindi lamang picture book o illustrated storybook, na pinakakilala at tinatangkilik ng mga magulang, guro, at iba pang may kinalaman sa mga bata.

Patuloy pa rin ang paglalathala ng Adarna House ng mga board book para sa mga batang may edad 0-2. Maliit ang mga aklat na ito at may makapal at matigas na pahina, akma sa maliiit at mapantuklas na kamay ng mga bata. Tinatalakay nito ang mga konsepto ng kulay (Kulay!), bahagi ng katawan (Sampung Mga Daliri), pamilyar na bagay sa paligid (Bahay Kubo), at alpabeto (Ang Una Kong Alpabeto). Sinisikap punan ng mga board book na ito ang kakulangan ng bansa sa panitikan para sa mga sanggol at pre-school.

Dagdag pang ambag ng Adarna House ang kanilang produksiyon ng WiKAHON: Pahagdang Pagtuturo sa Filipino (2011). Nilalayon nitong paunlarin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa kasanayan sa pagbasa, gramatika, at pag-unawa sa mga tekstong binasa. Sang-ayon sa kanilang website, naglalaman ang WiKAHON ng 80 seleksiyon ng maiikling kuwento at sanaysay at may lakip na pagsasanay sa talasalitaan at pag-unawa. May kasama rin itong sanggunian ng mga tamang sagot at gabay sa pagtuturo para sa mga guro. Mahalaga ang ganitong malikhaing pagtuturo ng wikang Filipino na nakabatay sa mainam na uri ng panitikan at umaayon sa isinagawang pananaliksik ng University of the Philippines-Adarna House Filipino Text Readability Indexing System. Dagdag pa sa website, “sinusukat ang readability ng babasahin sa pamamagitan ng isang software na bumibilang sa mga salita, pantig ng bawat salita, at mga pangungusap.”

Nangahas naman ang Anvil Publishing na maglathala ng mga aklat ng tulang pambata, gayong batid nilang mahirap ibenta. Mga unang nagwagi ng kategorya ng tulang pambata ng Palanca Award (unang gantimpala sa Ingles at Filipino noong 2009) ang aklat na The Google Song and Other Rhymes of Our Times (2012) ni Edgardo Maranan at May Tiyanak sa Loob ng Aking Bag (2012) ni Eugene Y. Evasco. May mga lakip na ilustrasyon ang bawat tula sa aklat upang mabigyan ng mambabasa ng idea kung ano ang tampok na imahen ng bawat tula. Sa aklat ni Maranan, naglakip siya ng anotasyon o maikling paliwanag sa nilalaman sa bawat teksto. May malikhaing gawain para sa mga batang nais sumulat at mga payo sa mga guro kung paano ituturo ng tula sa aklat ni Evasco.

Nangunguna din ang Anvil Publishing sa paglalathala ng travel books na pambata (Top Ten Travels in Tokyo, Top Ten Travels in Kuala Lumpur, Top Ten Travels in New Zealand, 2010 at Top Ten Pinoy Travels, 2011) sa panulat ni Scott Lee Chua. Nasa punto-de-bista ng bata ang mga tampok na sampung gawain sa bansa at lugar sa bansa na kanyang nalakbay. Naglathala rin ng Anvil ng mga antolohiya ng dulang pambata at dulang pangtinedyer nina Rene Villanueva at Christine S. Bellen. Dagdag pa rito ang bagong-labas na nobelang YA na Salingkit: A 1986 Diary (2012) ni Cyan Abad-Jugo.

Kapuri-puri rin ang pagkakalathala ng Ay Naku! kuwento ni Reni Roxas, guhit ni Sergio Bumatay III (Tahanan, 2011) at The Rain is Here, kuwento ni Lina Diaz-de Rivera, guhit ni Bernadette Solina-Wolf  (Vibal, 2011) na maituturing na tunay na picture book (imbes na illustrated storybook). Matimpi ang paraan ng pagkukuwento at gumagamit lamang ng limitadong bilang ng mga salita. Kapansin-pansin ang tungkuling pang-naratibo ng mga ilustrasyon na hindi lamang palamuti sa mga aklat.

Sa larangan ng pelikulang pambata, marapat banggitin ang pagsisikap ng Ambient Media and Thaumatrope Animation sa produksiyon ng RPG Metanoia (2010) ni Luis G. Suarez, ang unang matagumpay na full-length computer-animated feature sa bansa. Nagtatampok ito ng pamilyar na karanasan, kultura ng bata, at mga imaheng Pilipino para sa isang animation. Binigyan nito ng disenteng kuwento ng pantasya ang mga batang manonood, hindi iyong paulit-ulit at pormuladong pantasya na masusumpungan sa mga fanteserye sa telebisyon. Sa darating na Disyembre 2012, mapapanood ng mga bata at pamilya Pilipino ang bagong retelling at rendisyon ng Mga Kuwento ng Lola Basyang (Unitel at ABC 5) na nagtatampok sa kuwento ni Severino Reyes na “Si Pedrong Walang Takot” at “Mariang Alimango.”


Hamon sa Mambabasa

Walang duda, hindi nagkukulang sa inisyatiba ng mga manunulat, ilustrador, at tagapaglimbag tungo sa ikauunlad ng panitikang pambata sa Pilipinas. Karamihan sa mga produksiyon ay maituturing na sugal, kapangahasan, at pakikiisa sa pagpapayabong ng anyo at nilalaman ng mga aklat pambata. Hindi maituturing na trabahong mapagkakakitaan ang paglikha ng mga aklat pambata, sa pananaw ng mga manunulat, tagasalin, editor, at ilustrador. Ngunit naglaan sila ng maraming oras sa training at pag-aaral upang matamo ang mataas na antas ng sining at propesyonalismo. Binubuhay ng mga pangunahing palimbagan gaya ng Vibal, Anvil, Lampara, Tahanan, at Adarna ang anyo ng panitikang pambata sa pagsusulong ng mga bagong anyo, gayong may mga puna’t batikos sa kalakhan ng kanilang komersiyal na mga produkto. Anu’t anuman, napapanatili nilang maunlad ang produksiyon ng panitikang pambata sa hindi laging sumasandig sa mga de-kahon, pormula, at gasgas na mga paksain.

May mga inisyatiba rin mula sa mga indibidwal, mga organisasyon, at mga masigasig na tinig mula sa rehiyon upang punan ang mga nakaliligtaan ng mga komersiyal na tagapaglathala.

Sa lahat ng nabanggit, hinihiling ng panitikang pambata ang mas maraming mambabasa at mas masugid na tagapagtangkilik. Aanhin pa ang mga pagbabago, aanhin pa ang mga paghamon sa paksa at anyo kung hindi naman ito pahahalagahan ng mga bata at pamilyang Pilipino? Kung gayon, kailangan ng tulong ng mga magulang, guro, at ibang nagmamalasakit upang ipakilala sa mga batang mambabasa ang mga hiyas ng kasalukuyang panitikan para sa batang Filipino.