Imperyalismo sa Anyo ng Nobelang Pambata: Mga Katiwalian sa Seryeng Old Glory (1899-1901) ni Edward Stratemeyer

Imperyalismo sa Anyo ng Nobelang Pambata: Mga Katiwalian sa Seryeng Old Glory (1899-1901) ni Edward Stratemeyer
ni Eugene Y. Evasco

Popular sa mga kabataang mambabasa ang mga seryeng Tom Swift, Rover Boys, Hardy Boys, Nancy Drew, at Bobbsey Twins. Mga aklat ito ng pakikipagsapalaran ang humubog sa anyo ng mga nobelang pambata hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa daigdig. Ngunit hindi batid ng nakararami, nagmula ang ideyang ito sa iisang tao. Itinuring siyang “pagawaan ng mga kuwento” o “pabrika ng mga aklat” ng mga kritiko dahil sa mga paulit-ulit na kuwento ng mga kabataang humaharap sa sari-saring adbentura. Dagdag nga ni O’Rourke, “Kung si Henry Ford ay sa industriya ng auto, siya’y sa produksiyon ng mga aklat pambata.” Ang itinuturing ay si Edward Stratemeyer. Bago pa man lubusang naging popular ang kaniyang tinataguriang pabrika, sumulat siya ng mga nobela para sa mga kabataang Amerikano habang sinasakop ang Pilipinas. Pinamagatang Old Glory ang serye ni Stratemeyer na inilathala ng Lee & Shepard sa Boston mula 1898-1901. Apat sa mga aklat na ito ay ukol sa pananakop sa Pilipinas: (1) Under Dewey at Manila; or, The War Fortunes of a Castaway, (2) Under Otis in the Philippines; or, A Young Officer in the Tropics, (3) The Campaign of the Jungle; or, Under Lawton through Luzon, at (4) Under MacArthur in Luzon; or, Last Battles in the Philippines. Dalawang aklat naman sa seryeng ito ay tumatalakay sa pananakop sa Cuba. Ito’y ang A Young Volunteer in Cuba; or Fighting for the Single Star (1899) atFighting in Cuban Waters; or, Under Schley on the Brooklyn (1899).

Si Edward Stratemeyer bilang Pagawaan ng mga Kuwento

Taong 1862 nang ipinanganak si Stratemeyer sa Elizabeth, New Jersey. Sa kaniyang kabataan, mahilig magbasa si Stratemeyer ng mga akda nina Horatio Alger at William T. Adams na nasa pormulang rags-to-riches. Noong siya’y 26 taong gulang, nalathala ang kaniyang kuwentong “Victor Horton’s Idea” sa Golden Days, isang magasin para sa kabataang lalaki. Ayon kay Deidre Johnson, ang bayad sa nasabing katha ay anim na beses na mahigit sa karaniwang lingguhang suweldo. Marahil, kinakitaan ng patnugot ang potensiyal ni Stratemeyer sa popular at komersiyal na pagsusulat.

Noong 1898, palagian nang nagsulat si Stratemeyer bilang panghalili sa puwestong iniwan ni Horatio Alger dahil sa malubhang karamdaman. Magandang tiyempo ang pangyayari ito para sa naturang manunulat. Sang-ayon kay O’Rourke, sa mga panahong naging permanenteng manunulat si Stratemeyer, lumaganap sa Estados Unidos ang pampublikong edukasyon. Dahil dito, tumaas ang bilang ng mga mambabasa. Sa mga panahon ding iyon, nais ng mga kabataang mambabasa ng aliw kumpara sa mga moralistikong akda. Kaya nga’t kapansin-pansin, ang mga lalaking tauhan ni Stratemeyer ay ang mga perpekto, lalaking-lalaki, at mulat na “gustong tularan ng bata at hindi ang lalaking dapat tularan ng bata.”

Sa tagumpay ng kaniyang panulat, dumagsa ang mga pasadya kay Stratemeyer. Sumulat siya ng mga serye ng pakikipagsapalaran gamit ang iba’t ibang talipanpan. Sa tagumpay nito dulot ng murang halaga ng mga aklat at popular na kuwentong panlalaki, naitatag ang Stratemeyer Literary Syndicate sa New York noong 1905. Tumagal ito hanggang 1984. Sa dami ng nakalinyang proyekto, kinomisyon niya ang iba’t ibang manunulat. Naging tagalikha siya ng mga tauhan, balangkas, banghay, at maging mga popular na talipanpan. Sumusulat lamang si Stratemeyer ng tatlong pahinang buod para sa napiling manunulat. Naglalaman ito ng mga tagpo, mga pangunahing tauhan, panahong ginagalawan, at balangkas ng nobela. Dagdag pa ni O’Rourke, “sinisigurado ni Stratemeyer na naglalaman ng cliffhanger ang bawat kabanata at 50 katatawanan sa bawat nobela.” Noong 1920, sampung milyong kopya ang naipagbenta ng “pabrika” ni Stratemeyer. Batay sa pag-aaral ng American Library Association (ALA), ang mga aklat ng nabanggit ang paborito sa talaan ng mga kabataang mambabasa. Sa huli, nakalikha si Stratemeyer ng 160 na aklat sa iba’t ibang talipanpan, 19 hanggang 31 na serye, 60 na aklat sa kaniyang pangalan, at 800 na balangkas ng mga nobela. Sa katunayan, isang likha niya ang anak na si Harriet Stratemeyer Adams, mas kilalang Carolyn Keene na sumulat ng seryeng Nancy Drew. Ayon kay John T. Dizer, si Stratemeyer ang “pinakamahalagang impluwensiya sa panitikang pambata sa Amerika.”

Mula Robinsonade hanggang Dime Novels—Ugat ng Nobela ng Adbentura

Nakaimpluwensiya nang husto ang Robinson Crusoe (1719) ni Daniel Defoe sa paglalaan ng modelo at inspirasyon para sa mga mambabasa at manunulat. Dahil dito, lumaganap sa Europa ang ganitong uri ng babasahin na kilalang Robinsonade.Katha ito ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran sa mga tunay at mga hinihirayang lunan, tulad ng kuwento ng isang taong nakikipagsapalaran sa banyagang pulo. Isa pang manunulat na nakaimpluwensiya sa pagpapaunlad ng nobela ng adbentura ang The Pioneers (1823) ng Amerikanong si James Fenimore Cooper. Taglay ng nobela niya ang mga sangkap tulad ng mapanlinlang na kaaway at mga elemento sa kalikasan bilang pagsubok na haharapin ng mga tauhan.

Sa pag-usbong ng nasabing anyo, unti-unting lumitaw ang kalikasan ng ganitong tipo ng kuwento. Ayon kay Butts, natatagpuan sa nobela ang kombinasyon ng mga extraordinaryo at ng mga ordinaryo’t maaaring maganap. Ang mga bayani o pangunahing tauhan ay normal at karaniwang kabataang lalaki. Walang bidang babae sa naunang produkisyon ng mga nobela. Nararapat na nagmula sa marangal ngunit hindi naman mula sa mayamang pamilya. Dapat na isinasagawa ng bayani ang tama batay sa alituntunin ng makabayang paniniwala. May naengkuwentrong domestikong suliranin ang bayani na nag-udyok sa kaniyang lumahok sa paglalakbay at pakikipagsapalaran. Sa seryeng Old Glory ang tatlong magkakapatid na bayani ay namatayan ng biyudang ina. Napunta sila sa pangangalaga ng malupit at gahaman na amain. At ang pamanang salapi ng kanilang ina ay ninakaw ng opisyal ng bangko.

Tampok din sa mga nobela ng adbentura ang pagkakaroon ng exotikong at banyagang lunan. Ang mapeligrong lokasyon ay naghahatid ng kapanabikan sa akda. May katambal na mapagkakatiwalaan at maaasahang kasamahan ang bayani. Sa pagbabasa ng tatlong aklat ni Stratemeyer, masasabing ang pagbibigay-diin sa pag-iisa at kapatiran ng mga sundalo mula sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos ay paraan upang mapagtibay rin ang hangaring nasyonalismo ng bansa. Maraming eksena sa nobela na inilalarawan na magkakapatid ang turing ng mga sundalo sa isa’t isa. Ipinalalaganap nito ang katapatan sa kanilang gawain at bansa. Sa ganitong katangian, iginigiit ng mga nobela ang katuwiran sa pananakop at pag-angkin ng mga bansa. Nagiging instrumento ng kapayapaan at katarungan ang imperyalismong layon sa mga nobela (Butts 1996: 332).

May natatanging kalikasan ang bayani sa mga nobela bukod sa pagtataglay nito ng katapangan. Mabilis itong matuto ng mga banyagang wika. Malakas ang loob at matiisin sa anumang lagay ng panahon at pagkakataon. Lagi nitong taglay ang kutob na gagabay sa kaniyang mga desisyon sa pakikidigma. Bilang gantimpala sa kabayanihan, ang bida sa mga nobela ay nabibigyan ng mataas na posisyon sa kanilang trabaho. Sa kaso ng tatlong nobela, naibalik ang yamang ninakaw ng empleyado at nabigyan ng karampatang parusa.

Umangkas ang seryeng Old Glory ni Stratemeyer sa paglaganap ng paglalathala ng mga dime novels sa Estados Unidos noong 1860. Sa paglalathala ng mga ganitong uri ng akda, naipahatid sa madla ang aklat na murang halaga. Sa Estados Unidos at sa Europa, namalasak ang ganitong uri ng babasahin hanggang sa pagtatapos ng ika-19 na siglo. Maiuugat sa mekanisasyon ng paglalathala, pag-unlad ng transportasyon, at pag-angat ng literasi ang popularisasyon ng mga dime novels. Kadalasang nitong pinapaksa ang pagkamakabayan sa mga engkuwentro laban sa mga katutubo ng Amerika at mga dayuhan. Paksain din ang mga Wild West adventure, urban outlaw, detective, at historical romance. Tiyak itong isinulat para sa mga kabataan at sa uring manggagawa, at mabibili sa mga bangketa, talipapa, at tindahan. Sa kalagitnaan naman ng 1890, tinatalakay ng mga popular na akdang ito ang digmaan at kagitingan para sa mga kabataang mambabasa.

Sa aklat na Edward Stratemeyer and the Stratemeyer Syndicate (1993) ni Deidre Johnson, tagumpay ni Stratemeyer sa kaniyang negosyo ang pag-eeksperimento sa bawat serye, paggamit ng napapanahong materyal sa mga aklat, pagtatampok ng pagpapahalagang panlipunan sa isang panahon. Hudyat ang mga aklat ni Stratemeyer sa pagbagsak ng mga moralistiko at instruksiyonal na akdang pambata. Mas nakatuon ang mga aklat niya sa aliw na tumutugon naman sa paghahanap ng mambabasa sa seguridad at kaayusan, maging ang pagkahumaling sa mga naiiba at mga pakikipagsapalaran sa panahong “tinutuklas” ang maraming bansa at umuusbong ang teknolohiya sa pagdating ng ika-20 siglo. Ngunit higit pa rito, lumago ang mga nobela ng adbentura kaalinsabay sa pag-usbong ng Estados Unidos bilang dakilang puwersa sa militar at hukbong pandagat, paglawak ng mga teritoryo, at interes sa pakikipagkalakalan (Butts 1996: 327).

Isang batikos sa mga aklat ni Stratemeyer ay nagmumula sa mga guro at librarian. Basura ang turing sa kaniyang mga aklat at nakasasama sa mga kabataan. Nananatili pa rin ang tradisyonal na paniniwala na ang panitikang pambata ay nararapat magturo at maghatid ng kagandahang-asal. Hindi nila matanggap ang pagbabasa bilang purong aliwan lamang. Gayong popular sa mga mambabasa ang mga nobela ni Stratemeyer, wala itong espasyo sa mga silid-aklatan. Dagdag sa batikos ay ang paulit-ulit at gasgas na banghay, na pormula ng tagumpay sa panulat ni Stratemeyer. Tinukoy nina Donelsen at Nilsen, mga historyador ng panitikang pangkabataan sa Estados Unidos, ang apat na katangian ng mga nobela ng Stratemeyer Syndicate: (1) de-kahong kuwento, (2) tauhang istiryotipikal, (3) predictable na banghay, at (4) hitik sa aksiyon. Sa kasalukuyan, ang tradisyong ipinamana ni Stratemeyer sa panitikang pambata ay kinalulugdan na ng mga guro, magulang, at mga kritiko. Natanggal na ang bansag na “basura” ang mga kahalintulad na aklat. Sa halip, tinawag itong “good bad book”. Ibig sabihin, ang mga aklat na ito’y “walang pretensiyong pampanitikan ngunit nananatiling nababasa habang ang naglaho naman ang mga seryosong publikasyon.” Dagdag pa rito, ipinapalagay na ang mga naturang aklat ay magsisilbing tuntungan at paghahanda para sa pagbabasa ng higit na seryosong panitikan.

Gayong nakahahalinang sundan ang mga pag-aaral ng isinagawa ng mga Amerikanong kritiko, lilihis ng landas ang pag-aaral na ito. Hindi nito susuriin ang popularidad at pormula ng mga akda ni Stratemeyer. Hindi nito susuriin ang ambag ng kaniyang panulat sa panitikang pambata sa Pilipinas at daigdig. Kundi, pangunahing pag-aaralan ang ugnayan ng panitikang pambata, kolonisasyon, at pangkulturang imperyalismo. Iisa-isahin din ang representasyon ng mga katutubo at Pilipino mula sa lente ng isang banyagang nobelista. Paano kaya tinugon ni Stratemeyer ang pagkahumaling ng mga kabataang Amerikano sa mga “kakaiba” sa bansang sinasakop? Ano ang konsepto ng nasyonalismo mula sa panig ng mananakop? Anu-ano ang mga itinatampok na pagpapahalagang panlipunan sa mga kolonyal na nobela ni Statemeyer? Paano nakatulong sa imperyalismo ang mga aklat niya? Paano niya hinuhubog ang magiting na kabataang Amerikanong mananakop at ang mandirigmang Pilipino? Paano naging propaganda ang mga mumurahing aklat pambata?

Ang mga Katiwalian ayon kay Morton Netzorg

“To read children’s books of the nineteenth and twentieth centuries is to read texts produced within a pattern of imperial culture.” Buhat ito sa panunuri ni Clare Bradford ukol sa mga modernong aklat pambata mula sa United Kingdom at sa Australia. Gayong lumipas na ang lantarang pananakop ng mga Briton sa ibang mga bansa, natukoy niya ang malawakang epekto ng kulturang imperyalismo sa mga kasalukuyang akdang pambata—kung ano ang magandang benipisyo ng Kanluraning kultura, paano naiaangat ng mga modernong teknolohiya at kasangkapan ang buhay ng mga katutubo, at ang pag-aangat sa antas ng pamumuhay ng mga primitibong kultura sa panghihikayat sa kanilang makapagtrabaho sa negosyo ng Kanluran. Sa pag-aaral ng panitikang pambata sa bansa, ambag naman ni Morton Netzorg angBackward, Turn Backward: A Study of Books for Children in the Philippines: 1866 to 1945 (1985). Sa panimulang sanaysay, nabanggit ni Lucresia Kasilag na kapaki-pakinabang ang tindahan ng aklat ng mag-asawang Norton sa Michigan para sa sinumang interesado sa mga aklat pambata ukol at likha ng mga Pilipino sa panahon ng kolonisasyong Amerikano. Sa koleksiyon ng mga aklat ni Netzorg, nabuo niya ang aklat na naglalaman ng listahan ng mga akdang pambatang nilikha ng mga mananakop. Nakalakip dito ang mga maikling buod, panimulang pagsusuri, at mga komentaryo sa produksiyon sa bawat panahon. Masisipat sa aklat ni Netzorg ang pagsasalansan ng mga kolonyal na aklat pambata ukol sa ating bansa. Kapansin-pansin na kung `di man wala, bibihira ang mga aklat na likha ng mga Pilipino. Sa panahon ng kolonisasyon mula Espanyol hanggang Hapon, nananatiling banyaga ang anyo ng panitikang pambata sa kapuluan. Walang manunulat na Pilipino para sa kabataan. Sa halip, ang mga babasahin ay buhat sa mga banyaga. Namalasak noong panahon ng Espanyol ang mga panitikang pambata ukol sa kostumbreng Europeo at relihiyong Katolisismo. Idinidiin ng mga aklat na ito ang wastong asal at urbanidad ng mga indio. Sa panahon naman ng Amerikano, dalawang uri ng panitikang pambata ang matutukoy—ang edukasyonal tulad ng mga textbuk at ang pang-aliwan tulad ng mga nobela ng adbentura. Ang unang uri ay ginamit na instrumento sa edukasyon (o misedukasyon) ng mga kabataang Pilipino sa ilalim ng pampublikong paaralan. Karaniwang paksain ay ang pagtuturo ng wikang Ingles, wastong sanitasyon, kasaysayang pandaigdig, siyensiya, at sibilisasyong Kanluranin na ipinagkait sa mga Pilipino noong panahon ng Espanyol. Samantala, ang ikalawang uri, tulad ng mga aklat nina Stratemeyer, ay tiyak na isinulat para sa kabataang Amerikano. Suspetsa ko’y pinasadya ang mga babasahin ito ng hukbong sandatahan ng Amerika, o kaya nama’y epekto ng namamayaning paniniwala noon na tungkulin ng mga Puti na iahon ang mga Pilipino (kasama na ang mga taga-Puerto Rico, Guam, at Cuba) sa kahirapan, kawalang-edukasyon, kawalang-sibilisasyon, at paganismo. Bukod sa aliwan, nilalayon nitong hikayatin ang mga lalaking kabataan na lumahok sa lumalawak na layon sa pananakop at pagpapalawak ng teritoryo. Balik-tanawin natin ang unang saknong ng tulang “White Man’s Burden: The United States and the Philippine Islands” (1899) ni Rudyard Kipling para masuri ang laganap na paniniwala kaugnay sa ganap na pamamahala at “pagpapaunlad” ng Estados Unidos sa kapuluan at sa tindig-pampolitika sa digmaang Estados-Unidos at Pilipinas:

Take up the White Man’s burden–
Send forth the best ye breed–
Go bind your sons to exile
To serve your captives’ need;
To wait in heavy harness,
On fluttered folk and wild–
Your new-caught, sullen peoples,
Half-devil and half-child.

Maihahanay ang mga komentaryo ni Netzorg kaugnay sa mga aklat pambata ukol sa mga Pilipino at Pilipinas bilang tanging tagpo. Una, napansin niya na ang mga akda ay may pagkarahuyo sa mga naiiba at mga `di karaniwan. Nagtataglay ang mga nobela ng pagkamangha at pagkalito sa pagnganganga ng mga katutubo, kung dugo ba galing sa baga ang kanilang nilulura (Netzorg 1985:41). Minsan, sanhi ang pagkamangha sa “pagdaragdag” ng kuwento ukol sa kultura ng mga katutubo. Isang halimbawa rito ay kung papaano raw pumili ang mga Pilipino ng susunod na reyna sa pamamagitan ng pagsukat sa haba ng buhok (Netzorg 1985: 48). Mangyari pa, ang ganitong katangian ng pagsusulat ay maiuugat sa mga lumang pagsusulat ng mga manlalakbay at kinomisyong manunulat batay sa kanilang pandarayuhan sa malalayong lugar. Sa ganitong mga naratibo, dulot ng kakulangan ng siyentipiko at kultural na kaalaman, napapalamutian ang anumang bagay na banyaga sa paningin ng sumusulat.

Kaugnay ng konsepto ng pagkamangha ay `di maipaliwanag na takot sa banyaga (xenophobia). Dagdag nga ng mananaliksik na ang xenophobiang pananaw ay “standard ingredient of the adventure yarn of U.S. domestic manufacture” (Netzorg 1985: 44). Halimbawang tinukoy ay buhat sa A Sailor Boy with Dewey; or, Afloat in the Philippines. Malinaw na ipinamalas sa aklat ang takot ng mg Amerikanong sundalo nang dumaong sila sa dalampasigan ng Zambales na pinamumugaran ng mga “tall, black savages who are brutish and who may be cannibals” (Netzorg 1985: 55). Maiuugnay ang ganitong katiwalian sa klasikong aklat pambata ni Astrid Lindgren. Sa kaniyang Pippi Longstocking at Pippi in the South Seas, nabanggit ng batang bidang tauhan na ang kaniyang ama ay kapitan ng barkong nakarating sa hinihirayang Kurrekurredutt Island sa may South Pacific na pinamumugaran ng mga kanibal. Sa Fortune Hunters of the Philippines; or, The Treasure of the Burning Mountain (1900) ni Louis Charles, isinalarawan din ang mga Tagalog bilang kanibal at nagsasagawa ng kahindik-hindik na ritwal. Pansinin natin ang sipi:

…a country inhabited by a wild tribe of Tagals called the Kana, meaning the eye-eaters, for in years gone by these people had been cannibals, and their greatest feast had been one of human eyes. (Netzorg 1985: 71-74)

Isa pang kapansin-pansin na hulma sa mga katutubong Pilipino mula sa lente ng Amerikano ay ang pagpansin sa mga makaluma o tradisyonal na gamit sa pakikidigma ng mga Igorottes, ang pagpugot ng ulo ng mga Tinguianes, ang pagiging “amphibious” ng mga “Tagalog” sa Cagayan Valley, ang mala-Satanas na pagwawala ng babaeng Negrite, at ang pangongolekta ng mga taga-Luzon ng anit ng mga tao. Isinasagawa ang barbarisasyon sa mga katutubo upang idiin ang pangangailangan ng mga ito ng edukasyon at ebanghelisasyon mula sa mananakop.

Ebidensiya rin sa pagkamangha ng mga manunulat ang mga pagsasalarawan sa mga hayop ng kapuluan: ang kapangitan ng mga kalabaw, ang hanggang-tuhod na palaka, ang lorong di mukhang loro ng Luzon, ang dambuhalang buwaya. Ang pagiging kahindik-hindik ng mga hayop na maeengkuwentro sa nobela ay nagbibigay ng higit na kagitingan sa pakikipagsapalaran ng mga kabataang tauhan sa akda. Naitatampok nang husto ang kabayanihan at kakisigan ng mga sundalo sa harap ng mga pagsubok. Naisasagawa ito alang-alang sa isa pang katiwalian ng mga nobelang pambata—ang exotisisasyon. Mangyari pa, “Exotic animals, exotic vegetables, exotic minerals, exotic humans were all set against the survival and success of American man and boy. The writers on the Philippines revelled in depicting the carabao as a savage beast, the Igorot as a savage man, the volcano as savage mountain. It made stories easier to write and it made the American boy better able to see himself as akin to heroes” (Netzorg 1985: 90).

At tulad din ng anumang suliranin sa mga panitikang popular, madalas natitisod ang mga nabanggit na nobelang pambata sa pagkakahon, regionalismo, sexismo, at pagpapalaganap ng mga istiryotipo. Sanhi ito ng kakulangan o kawalan ng pangkulturang pananaliksik. Ang mga manunulat ay nagsusulat na lang batay sa kung ano ang madadampot nila mula sa mga de-kahong paniniwala sa kanilang panahon o sa laganap na istiryotipo na nag-uumapaw sa kulturang popular. Ang hinihirayang Pilipino ng mga banyagang manunulat ang pangunahing biktima. Ang mga imahe ng katutubo ay pinagsama-samang palagay at katangian ng mga sumusunod: “American Indian, of domestic Black, of the Chinese, of the African cannibal, of the South Seas cannibal” (Netzorg 1985: 91).

Naratibo ng Kanluraning Imperyalismo

Gabay sa pag-aaral ng mga tekstong kolonyal ni Stratemeyer ang diskursong postkolonyal ni Edward Said. May tatlo itong katangian bilang paraan ng pagsipat sa mga akda (Patajo-Legasto 1993: 6). Una, may panunuri itong laban sa gahum (hegemony) tulad ng Orientalismo at kolonyalismo. Pangalawa, lumilikha ito ng mga bagong modelo ng panunuri laban sa mga Kanluraning diskurso. Dagdag pa ni Patajo-Legasto, may katangian itong oposisyonal sa pamamagitan ng muling paghubog ng kamalayang nasalanta ng karahasan ng imperyalismo at mala-kolonyal na sistema sa kaalaman. Kung gayon, isinasatinig nito ang mga alternatibong praktika tulad ng paghango at muling pagsipat ng mga tekstong naibukod (Patajo-Legasto 1993: 7).

Batay kay Said, ang Orientalismo ay:

Mode of discourse by which European culture (British and French) was
able to manage—and even produce—the Orient politically, sociologically, militarily, ideologically, scientifically and imaginatively during the post-Enlightenment period. (sipi kay Patajo-Legasto)

Maiuugnay ang ganitong sistema sa paraan ng imperyalismo ng Estados Unidos sa bansa. Sa limang sumusuportang institusyon ng orientalismo, tatlo ang matutukoy na mahalagang sa pag-aaral na ito. Una ay ang gamit ng mga larawan o representasyon (imagery). Sa bahaging ito, maraming mito ang ipinapalaganap kasama na ang pagturing sa bansang sasakupin bilang paraiso at nagtataglay ng mga lupaing karapat-dapat tuklasin. Isang natukoy na manipestasyon ang pagtukoy sa mga taga-Zamboanga bilang “mga unggoy na walang buntot” na bahagi ng awiting pangkawal ng mga Amerikano. Pangalawa’y ang bokabularyo. Tinukoy na halimbawa ni Patajo-Legasto ang tendensiya ng manankop na tukuyin sa babaeng pangalan ang bansa o lupaing pinangingibabawan. Panghuli’y ang mga doktrina (doctrines). Kabilang sa nabanggit ni Patajo-Legasto ang paniniwala sa white man’s burden ng makata ng imperyalismong si Rudyard Kipling, ang mga misyong pang-ebanghelyo, at ang Benevolent Assimilation Proclamation ni William McKinley noong 1898. Suriin natin ang teksto ng huling nabanggit:

I have been criticized a good deal about the Philippines, but don’t deserve it. The truth is I didn’t want the Philippines, and when they came to us, as a gift from the gods, I did not know what to do with them. When the Spanish War broke out Dewey was at Hongkong, and I ordered him to go to Manila and to capture or destroy the Spanish fleet, and he had to; because, if defeated, he had no place to refit on that side of the globe, and if the Dons were victorious they would likely cross the Pacific and ravage our Oregon and California coasts. And so he had to destroy the Spanish fleet, and did it! But that was as far as I thought then.

When I next realized that the Philippines had dropped into our laps I confess I did not know what to do with them. I sought counsel from all sides—Democrats as well as Republicans—but got little help. I thought first we would take only Manila; then Luzon; then other islands perhaps also. I walked the floor of the White House night after night until midnight; and I am not ashamed to tell you, gentlemen, that I went down on my knees and prayed Almighty God for light and guidance more than one night. And one night late it came to me this way—I don’t know how it was, but it came: (1) That we could not give them back to Spain—that would be cowardly and dishonorable; (2) that we could not turn them over to France and Germany—our commercial rivals in the Orient—that would be bad business and discreditable; (3) that we could not leave them to themselves—they were unfit for self-government—and they would soon have anarchy and misrule over there worse than Spain’s was; and (4) that there was nothing left for us to do but to take them all, and to the Filipinos, and uplift and civilize and Christianize them, and by God’s grace do the very best we could by them as our fellow-men for whom Christ also died. And then I went to bed, and went to sleep, and slept soundly, and the next morning I sent for the chief engineer of the War Department (our map-maker), and I told him to put the Philippines on the map of the United States (pointing to a large map on the wall of his office), and there they are, and there they will stay while I am President!

Sa siping ito, pinaniniwalaan ng Estados Unidos na kanilang tungkulin ang pangibabawan ang “nakabababang” kultura at ituro sa mga mamamayan nito kung paano ang makapagsarili pagkaraan ng pananakop. Ngunit ang hamon ni Patajo-Legasto, sa likod ng dakilang layunin na ibinabalandra ng mga mananakop, marapat na ilantad ang iba’t ibang karahasang sumulpot buhat sa ganitong paniniwala.

Sa diskurso naman ni Stratemeyer, dalawa ang nalilikha niyang mundo batay sa Estados Unidos at Pilipinas—sinilangang-bayan at ibayong-dagat, at sentro at gilid. Ang Pilipinas bilang gilid at naisantabi’t naibukod na lunan (othered) ay binubuo ng mga lupain, kultura, at mga katutubo upang makabuo at maipagpatuloy ang mga ideyang mahalaga sa isang diskursong kolonyal. Ginagamit ang Estados Unidos at Europa bilang pamantayan sa paghuhusga, pagsipat, at pagkilatis ng ibang bansa at kultura (Bradford 2001: 196-197). Sa ganitong pagsipat, tatlong katiwalian ang natukoy ni Bradford. Una, ipinangangalandakan sa pananakop ang Kristiyanismo. Sa Kristiyanismo, hinihikayat ang pagkapantay-pantay bilang mga anak ng Diyos ngunit ang proseso ng pananakop ay kabaligataran ng relihiyon. Ipinalalaganap nito ang pangingibabaw ng mga Puti sa hanay ng mga lahing kayumanggi, itim, at iba pang katutubo (Bradford 2001: 197). Pangalawa, kaalinsabay sa paglikha ng mga kolonyal na nobela, nakalilikha rin ng mga binary oppositions: sarili at iba, sibilisado at katutubo, at puti at itim. At panghuli, gamit sa diskurso ni Stratemeyer ang isang pagsipat na maka-Amerikano batay na rin sa mga lantad sa panitikan ng imperyalismo, ang Eurosentrikong pagsipat (Eurocentric gaze).

Anatomiya ng Adbentura

Buhay at pakikipagsapalaran ng tatlong magkakapatid na Russell ang pinapaksa ngOld Glory ni Stratemeyer. Sila’y taga-Buffalo, New York. Nang pumanaw ang kanilang ina, napunta sila sa pangangalaga ng malupit na tiyuhing si Job Dowling. Dahil di matiis ang kanilang abang kalagayan, lumayas ang tatlo at nagkahiwa-hiwalay. Higit pang lumala ang kanilang kondisyon nang tinangay ni Braxton Bogg, kahera sa Hearthstone Savings Institution, ang salaping pamana ng ina sa kaniyang mga anak. Si Ben, ang panganay, ay napunta sa New York. Si Larry ay pumuntang Tsina at doon natagpuan at napili ng Asiatic Squadron ng U.S. Navy para ipadala sa isang misyon sa Pilipinas. Si Walter nakipagsapalaran sa Boston. Ang tatlo’y kapwa nagkaroon ng “war fever” at naging mga sundalo ni Uncle Sam. Nagtagpo ang tatlo sa kanilang pakikipagsapalaran sa Luzon, gayong magkakahiwalay sila ng tunguhin sa digmaan. Hindi nabigyang-diin sa mga aklat ang ugnayan ng magkakapatid. Mas higit na ipinakita ang kapatiran ng lahat ng kabataang sundalo ng Estados Unidos, magkakaiba man sila ng lugar na pinagmulan. Sa unang aklat, tinalakay ang paglusob at pagsalakay ng hukbong Amerikano sa Maynila, Caloocan, Malabon, at Iloilo. Sa pangalawang aklat, isinalaysay ang pag-angkin sa mga bayan ng Sta. Cruz sa Laguna, Baliuag, Angat, San Rafael, San Isidro, at iba pang bayan sa Bulacan. Sa huling aklat, ipinagpatuloy ang layunin ng hukbo sa pagtugis kay Aguinaldo at sa mga rebeldeng Pilipino sa pamamahala ni Pio del Pilar. Nagsimula ang aklat sa pagdaong sa baybayin ng Hilagang Luzon, paglupig sa mga mandirigmang Negrito, at pagsuyod sa kabundukan ng Sierra Madre.

Kilala bilang tagapanguna sa larangan ng nobelang pangkabataan, taglay ng serye ang mga kumbensiyon ng modernong young adult literature. Nasusulat ito sa punto-de-bista ng isang kabataan. Ibig sabihin, kabataan ang protagonista o pangunahing tauhan sa mga aklat. Kapansin-pansing walang magulang o nakatatanda sa nobela. Hinaharap ng mga tauhang kabataan ang kanilang mga suliranin na walang tulong o may kakaunting tulong buhat sa nakatatanda. Optimistiko ang kuwento. Pinakamahalagang sangkap sa nasabing anyo ang paglalaan ng elemento ng pag-asa at tagumpay kahit digmaan ang paksain ng nobela. Sa pagsasalaysay ng karanasan ng kabataan, nailalahad din ang kuwento ng pagkakamalay. Isinasalarawan dito ang pagtawid ng tauhan mula sa yugto ng pagkabata tungo sa pagkagulang. At dahil ang panitikang pangkabataan ay audience-oriented, nagtataglay ito ng mga emosyon at karanasan na mahalaga at malapit sa karanasan ng kabataang mambabasa. Sa sinuring mga aklat, masusumpungan ang usapin ng bullying ni Quartermaster Yarrow sa kabataang sundalo, ang pagkahumaling ng kabataang lalaki sa bagong tuklas na teknolohiya, ang pagtutol at pagiging kritikal sa autoridad, ang paglalakbay at pagdanas ng mga bago bilang paraan ng pagkilala sa daigdig, ang mga aralin sa pagtitiis at pag-igpaw sa suliranin (tulad ng pagkain ng karne ng kalabaw at itlog ng mga ibon, at paggamit ng baging para mailigtas ang sarili sa kumunoy), at ang pagpapatunay sa sariling kakayahan, talino, at lakas kahit sa kanilang mga murang edad.

Bilang anyo ng adbentura, hindi nagkulang ang may-akda sa paglalahok ng mga kapana-panabik na hadlang na marapat igpawan ng bayaning kabataan. Mahalaga ang gamit ng mga elemento ng kalikasan upang bigyang-diin ang pasakit ng mga bayaning kabataan. Ang pagiging marahas ng kagubatan sa kapuluan ay waring inihahalintulad sa bagsik ng mga katutubong kailangang patahimikin. Ganito ang pagsasalarawan ng nobelista:

It was now that Ben got his first taste of a genuine tropical jungle, with its palms and plantains, enormous ferns, gum trees, mangoes, guaves, oranges, and citrons, all interlaced with the palasan, a thick vine which grows to the length of several hundred feet, and which gives forth a rank odor when crushed under foot. The soil was black.” (Stratemeyer 1899: 203)

Dagdag pa rito, sa unang aklat, lahok sa adbentura ng sundalong kabataan ang bagyo, lindol, kumunoy, maruming tubig, mga kakaibang hayop, kulisap, ahas, at baging. Sa ikalawang aklat, kinaharap ng bayani ang hamon ng maputik na ilog, mga lamok, langaw, matinik na damo, cannibal na rebelde, maysakit na mga daga, maalikabok na daan, balong may lason, kulog, malaria, tornado, kuweba, bangin, at ahas na sampung talampakan ang haba. Sa huling aklat, nagsilbing hadlang ang asintadong Tagalog, ulan, maputik na daan, at ang isdang lumulunok ng tao. Sa daloy ng kuwento, magkaalinsabay na pinaaamo ng sundalong Amerikano ang lupit ng kalikasan at pinatatahimik ang mga bagsik ng rebeldeng katutubo.

Gayong historikal ang tinahak na proyekto ni Stratemeyer, hindi nito nilayong isinalarawan ang kagitingan at kabayanihan ng historikal na personahe. Sa halip, itinuon nito ang kabayanihan ng kabataan sa pagtatanggol ng kanilang mga pinuno, paggalugad sa kalikasan, at pagtupad sa mahahalagang tungkulin bilang espiya, mensahero, manggagamot, tagapaglupig sa insurekto, at mandirigma para sa sibilisasyon ng bansang sasakupin. Nagagantimpalaan naman ang kabataang tauhan sa pagtatapos ng nobela—napatatahimik nila ang maliligalig na bayan, napasusuko ang rebelde, maaangking muli ang ninakaw na yaman, naimumulat ang masamang kamag-anak, nabibigyan ng mas mataas na posisyon sa hukbong sandatahan, at magkakaroon ng pagkakataon na makapagmina ng mga mineral at ginto sa mga kabundukan ng bansa (Stratemeyer 1899: 132). Ang papuri sa kabataang bayani ay nababakas sa mga siniping dialogo:

“You did wonderfully well for a boy.”
“A man could not have done more.” (Stratemeyer 1900: 78)

“And in years to come, you’ll be telling your grandchildren what a mighty fighter you were out in the state of Luzon.” (Stratemeyer 1900: 205)

“You are a credit to your country, and your uncle is proud of you.” (Stratemeyer 1900: 313)

Tinutugunan ng nabanggit ang pangangailangan ng kabataan na magkaroon ng modelo sa halagahan, pagtuklas ng kakayahan at interes, maihanda ang kanilang karera, mapaunlad ang personal na ideolohiya, at maging kapaki-pakinabang na miyembro ng grupo, sirkulo, at komunidad.

Si Edward Stratemeyer bilang Tagalikha ng Imperyo

Sa pagbabasa ng pakikipagsapalaran ng magkakapatid na Russell, matutukoy ang mga teknik ni Stratemeyer sa kaniyang serye. Upang mapanatili ang interes ng mga mambabasa, dahil hindi nailalathala ang mga aklat sa iisang taon, naglalaan ang manunulat ng buod sa susunod na aklat. Naglalaan din si Stratemeyer ng isang kabanata bilang edukasyonal o historikal na bahagi, ukol sa progreso ng pananakop sa bansa. Sa bawat aklat, matatagpuan ang isang kabanata ukol sa isang tampok na personahe sa kasaysayang pang-militar ng Estados Unidos. Naglalaman ito ng maikling talambuhay, papuri, at ambag sa lipunan ng tampok na bayani. Lagi’y idinidiin na nagmula ang sundalo sa pagiging karaniwang kabataan hanggang sa makamit niya ang karangalan bilang bayani. Hindi rin naman ganap na mandirigma ang mga sundalo. Sa mga aklat, isinalaysay na ang mga sundalo’y may malasakit din sa mga katutubo (lalo na sa mga bata at kababaihan). Tulad sa pelikula, hitik din ito sa mga yugtong rest and recreation upang malayang maipasok ng manunulat ang ilang aralin sa agham pangkalikasan, heograpiya, kultura, at maikling kasaysayan ng kanilang “bagong pag-aari”. Bilang tagapagsulong ng adhikaing makabansa, halos banggitin ni Stratemeyer sa bawat nobela ang lahat ng estado sa Amerika. Ikinakalat niya ito sa iba’t ibang pahina ng aklat. Isinasabuhay ng manunulat ang diwa ng Old Glory ng kanilang bansa. Bukod pa rito, maraming eksena ang nagpapatibay sa pagkakaisa ng mga estado sa kanilang nasyon. Kinatawan ang mga sundalong tauhan sa lunang pinagmulan. Higit itong isinasalarawan sa kapatiran at pagtutulungan ng mga sundalo, anumang lugar sila nagmula, anumang lahing Puti ang kanilang pinag-ugatan sa Amerika. Hitik din sa makabayang sentimiyento ang akda ni Stratemeyer. Inilalantad ng may-akda ang kaniyang sarili sa mga mambabasa sa anyo ng isang pinunong sundalo o isang nakatatanda. Sipatin natin ang dialogo ng dalawang sundalo, matapos magreklamo sa temperatura sa bansa:

“I’d rather live in the United States.”
“No better country, my lad, and you’ll find it so, even if you rove the world over.”
(Stratemeyer 1899: 116)

At dahil sa anumang digmaan ay kinakailangan ng isang magwawagi, mula sa isang Amerikano at maka-Amerikanong pagsipat, Estados Unidos ang mananaig sa akdang pandigmaan. Pansinin natin ang pagbubuod sa kampanya ng mga sundalong Amerikano:

The campaign had lasted three weeks, and during that time the troops had covered about a hundred and fifty miles of territory, fought twenty-two battles, captured twenty-eight towns, and destroyed large quantities of army stores, including three hundred thousand busheld of rice. The loses to the Americans had been about fifty killed and wounded, while the losses to the Filipinos were nearly ten times as great (Stratemeyer 1900: 313).

Bunga ng panitikang pinasadya ang mga pagkakamali kaugnay sa kultura at impormasyon ukol sa pinapaksang bansa. Sakit ng anumang komersiyal na pagsusulat ang pagiging dahop sa pananaliksik. Higit itong lantad sa anyo ng realismo at historikal na sulatin. Kung kaya, hindi nakapagtataka na 1,200 lamang ang bilang ni Stratemeyer sa mga pulo ng Pilipinas. “Bocave” ang pagkakabaybay sa bayan ng Bocaue. Narito pa ang ilan: “Subig” (Subic) Bay, Mount “Ararat” (Arayat), “caribao” (kalabaw), “pilai” (palay), at “cocoanut” (coconut) shell. Masusumpungan din ito sa pagkakapili ng may-akda sa pangalang Pilipino: Fipile, Muro, Drummo, Relosus, Barnabas Moval, at Bamrogina. Pakiwari ko’y pangalan ito ng tauhan sa mga komiks at pelikulang pantasya. Nakaliligalig din ang pagpili ng detalye at paghulma sa lunan ni Stratemeyer. Saang bahagi ng bansa mayroong tornado, cedar, at wild turkey? Nagkalat daw ang mga Negrito sa baybayin ng Zambales. Noong panahon ng Espanyol, lumikas ang mga Negrito patungong kabundukan. Marami raw lamok sa ilog ng Pilipinas. Paano makakapangitlog ang lamok sa gumagalaw at umaaagos na anyong tubig? Naglipana raw ang mga mandirigmang “Igorrote” sa Laguna. Anumang aklat pangkasaysayan ang gamiting sanggunian, walang dokumentong magpapatunay sa deskripsiyong ito ni Stratemeyer. Ganito rin ang obserbasyon ni Netzorg sa mga aklat pangkasaysayan ni Stratemeyer. Aniya:

Stratemeyer made unusual attempts to be historical in his main outline and time frame but for detail he also drew freely on his imagination so that occasionally there is a bit of rural American local color transported to his fictional Philippines. There is pretty clear evidence that he had never heard a Filipino speak any Philippine language (Netzorg 1985: 60).

Sa mga larawan, imahe, at representasyon ng mananakop, hinulma ang mga katutubong Pilipino bilang “half-civilized natives” (Stratemeyer 1899: 11), bilang “niggers” (Stratemeyer 1899: 165), bilang ignorante (Stratemeyer 1901: 217), at masahol tulad ng mga American Indian (Stratemeyer 1899: 218); ang mga Tagalog bilang mga kanibal (Stratemeyer 1900: 55); ang mga rebolusyonaryo bilang hadlang sa sibilisasyon nang sirain nila ang riles ng tren (Stratemeyer 1900: 257) at ang mga Negrito na mas mababang uri kumpara sa mga katutubong Australian (Stratemeyer 1901: 112). Negatibo ang pagpuna ni Stratemeyer sa ugaling pagsasabong ng mga Pilipino, ang pagtukoy sa mga Tsino bilang buwitre at sa mga Kastilang prayle bilang “chimpanzee”, at ang kalupitang dulot ng gubat sa bansa kung ikukumpara sa nasakop na nilang Cuba (Stratemeyer 1899: 203). Ganito naman ang teorya niya sa lahing Filipino:

He had yet to learn that the Filipinos are of two classes, those who are as upright and honest as any nation on the face of the earth, and those of almost pure Malayan blood, who are full of cunning and trickery, and who have absolutely no conscience (Stratemeyer 1899: 205)

Kapansin-pansin ding ang gumagabay na politika sa panulat ni Stratemeyer ay nagmula sa talumpati ni William McKinley. Sa sipi, lumalakas ang aking suspetsa na ganap ngang pinasadya ng pamahalaang Amerikano ang mga nobela sa manunulat upang hikayatin at bigyang-katwiran ang adhikaing imperyalismo sa hanay ng kabataan. Bukod pa rito, ginamit ang mga nobelang pambata upang mapagtibay ang mga baluktot na paniniwala ukol sa pakikipagdigma. Nagsilbing gabay sa pagpapadakila ng Estados Unidos ang mga nobela at munting paaralan upang sanayin ang mambabasa bilang imperyalista.

“I heard that all the different divisions of the Filipinos were fighting like cats and dogs among themselves.”

“That’s true,” pat in another. “I’ll tell you what it is, we’ve got to bring them into submission…It’s the one chance of making a civilized, Christianized nation of them.” (Stratemeyer 1899: 274)

Bukod sa xenophobia o takot sa banyaga, maikakabit kay Stratemeyer ang katiwaliang pagsasantabi sa Pilipinas habang nililikha niya ang mga nobela ukol sa bansa. Itinuring niya ang kapuluan bilang lugar na nangangailangan ng tulong upang magkaroon ng kabihasnan. “Anglo-Saxon blood is bound to rule the world,” sigaw ng mga sundalong Puti habang nananabik na salakayin ang kapuluan (Stratemeyer 1899: 82). Udyok pa ng isang tauhan, “I don’t think they’ll be unruly very long,–that is, after we give them a taste of the benefits of real civilization” (Stratemeyer 1899: 140). Sa aklat na The Campaign of the Jungle, inilista niya ang mga benipisyong igagawad—pagtataguyod ng mabuting lokal na pamahalaan, pagtatayo ng mga paaralan at mga korte, pagpapasinaya ng modernong sistema ng transportasyon tulad ng tren, paggagawad ng karapatang sibil, paghango sa bansa mula sa gutom tulad ng isinagawa ng mga Amerikano sa Cuba, at ang pagsusulong ng administrasyong serbisyo sibil. Lamang, sabi ng tauhang sundalo sa nobela, “if they would submit to our authority…under the guiding hand of Uncle Sam” (Stratemeyer 1899: 36). Mangyari pa, sa kaniyang huling aklat, ganito ang prediksiyon niya sa pamamahala ng mga kababayan:

In Manila and other large cities, business was picking up rapidly, and the American authorities were doing all in their power to restore order, open up the courts and schools, and bring matters to a satisfactory conclusion. (Stratemeyer 1901: 308)

Ang hindi mababasa sa teksto at ang hindi nailahok sa kuwento ni Stratemeyer ay ang dahas kaalinsabay sa tinagurian niyang progreso’t benepisyo. Ang dahas na tinutukoy ay ang pagpapatibay ng tunggaliang bayan at bukid sa lipunang Filipino. Sa pamamagitan nito, napanatili ang sistemang piyudal at kolonyal sa hanay ng mga elite na katutubo. Higit pang lumala ang pagsasantabi sa mga katutubo at mga anak-pawis. Mangyari pa, pumasok sa kamalayang Pilipino ang kolonyal na paniniwala kaugnay sa mga rebolusyonaryo—tinawag itong mga gerilya, bandolero, bandido, taong-labas, rebelde, insurekto, tulisan. Naging epektibo ang pagsasantabi (othering) ni Edward Stratemeyer sa pagturing sa mga katutubong nakikihamok bilang “tao sa damo” at “tubo sa damo”, gayong ang mga katagang katutubo na ito ay hindi tuwirang ginamit sa kaniyang mga nobela. Sa pananaliksik ni Francis Gealogo, inilalarawan niya ang “tao sa damo” at “tubo sa damo” na:

…ang pagkilos ay maaaring tingnan na may kabangisan at kakulangan sa pagkaamo. Dahil dito, ang mga nakikibaka, upang muling maging bahagi ng kaayusang panlipunan, ay tinitingnang kailangang paamuin at alisan ng kabangisan. Ang pagtira sa labas at ang pakikibaka mula rito ay tinitingnan bilang indikasyon ng pagtira sa daigdig ng kabangisan. (Gealogo 1994: 17)

Ang pagpapatayo ng mga korte at paaralan ay kabaligtaran ng pangakong sibilisasyon ng mananakop. Siniil ang hangaring mabuo ang Pilipinas bilang bansa. Nabansot ang pagpapayabong ng kamalayang makabansa. May parusang kamatayan at pagpapakulong sa mga nag-uudyok ng kalayaan at kasarinlan (Sedition Law, 1901), kamatayan at pagkakabilanggo sa paglahok at pagtulong sa mga bandido (Brigandage Act, 1902), masusing pagbantay at pagtitipon sa pinaghihinalaang gerilya (Reconcentration Act, 1903), at ang pagbabawal sa watawat at mga simbolong kaugnay sa Katipunan at ng Republika (Flag Law, 1907) (Lumbera 1997: 87-88). Nakaligtaan ng mga Pilipino ang kabihasnan sa proseso ng akulturasyon. Ang sibilisasyong pangako ng mga Amerikano ay para sa kanilang sariling interes.

Tungo sa Pagpapayabong ng Imahinasyong Pilipino

Kapag napag-uusapan ang mga lumaganap na panitikang pambata sa Pilipinas noong Panahon ng Amerikano, laging natutukoy ang mga aklat pang-eskuwelahan mula sa Estados Unidos bilang halimbawa ng pagpapatibay ng kontrol ng mananakop sa bansa. Halimbawa rito ang Baldwin Readers na nagturo sa mga batang katutubo na ang “A is for Apple” at ang Insular Readers na naghahatid ng halagahang Amerikano sa mga batang Filipino (Paterno 1994: 11). Sa panahon ding ito, pinagtibay ang pagtuturo ng wikang Ingles sa mga batang katutubo at dahil dito “matagumpay na naisakatuparan ng mga mananakop ang paghubog sa mga Pilipino bilang mga little brown Americans na saludo sa hegemonyang Amerikano (dela Cruz 1993: 9). Pinatutunayan ng mga naunang pag-aaral na ang mabisang paraan sa paglupig ng bansa ang pagsiil sa kultura sa anyo ng sistema sa pampublikong edukasyon. Ngunit ang hindi nailalahok sa mga tekstong pangkasaysayan ang mga nobelang pambata ni Edward Stratemeyer. Sa lalo pang pag-aaral ng mga tekstong ito, makikita ang kabilang dimensiyon ng propaganda—ang propaganda sa hanay ng mananakop, ang imbitasyon sa kanilang kabataan na maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Estados Unidos.

Hindi madaling mabura sa kamalayan ang pangkulturang impluwensiya ng kolonyalismong Amerikano, lalo pa’t ang imperyalismo ay nagkakaroon ng iba’t ibang anyo hindi lamang sa mga aklat pambata kundi sa pandaigdigang kulturang popular. Natukoy ng maraming kritiko na ang popular na akdang Charlie and the Chocolate Factory ni Roald Dahl, na nalalahok pa sa listahan ng mga modernong klasiko, ay naglalaman ng sentimiyento at diwang nagsusulong ng imperyalismo. Masisipat din ito sa mga pelikulang Hollywood tulad ng Deep Impact, Armageddon, Indiana Jones, at Independence Day na lagi’t laging hinuhulma ang Amerika at ang mga Amerikano bilang tagapagligtas at manunubos ng daigdig. Gamit ang hamong inilatag ni Priscelina Patajo-Legasto, iminumungkahing sa pag-aaral ng panitikang pambata, marapat na tuligsain ang naratibisasyong Europa/ Estados Unidos at ang mga ibinukod nito. Sa pamamagitan nito, makalilikha ng mga kasaysayan, realidad, at mg kultura ng isinantabing Filipino. Marapat ding isagawa ang paghango, pagsalba, at pagbalik-tanaw sa pamamagitan ng paglikha at muling paglikha ng alternatbong pangkulturang texto at mga textong tumutuligsa sa gahum (Patajo-Legasto 1993: 12-13). Maisasagawa ang mga ito kung ang mga manunulat pambata sa bansa ay hindi gaanong sasandig sa estetikang pinaunlad sa Kanluran. Mabigat na tungkulin ito, lalo pa’t ang mga anyo ng modernong panitikang pambata ay nag-ugat at namulaklak sa Britanya at Estados Unidos.

Isa pang paraan ay ang maging mapagmatyag sa mga imahe at representasyong inihahain ng mga aklat pambata at kulturang popular mula sa Kanluran. Tunay namang ang produksiyon ng mga aklat pambata sa Estados Unidos, tulad ng mga bansang sinakop nito, ay dumadaan sa panahon ng paghihilom. Maunlad ang produksiyon sa Kanluran ng mga aklat na nagpapakita ng mainam at itinuwid na representasyon ng mga kabataang Afro-Amerikano, Native American, Latino, at Asian-American. Nag-uumapaw ang mga nobelang pambata na ipinapakita ang dahas ng mga digmaan, holocaust, sexismo, at pag-aalipusta ng mga lahi. May mga palimbagan na espesyalisasyon ang itaguyod ang pagpapatanggap sa kultura at karanasang naisantabi rin sa kasaysayan ng Amerika. Ngunit tulad ng natuklasan ni Bradford, manaka-nakang sumusulpot ang mga diwang mananakop sa mga akdang pambatang inaakalang inosente ang nilalaman.

Dahil dito, hamon sa mga manunulat na Filipino na magkaroon ng pangkasaysayang perspektiba kaalinsabay ng paghahasa ng kanilang sining. Sang-ayon nga kay dela Cruz, “mahalagang suporta sa makabayang adhikain ang mahusay na paglalangkap ng temang Pilipino at masining na kasanayan. Kailangang tumulong ang panitikang pambata sa pagpapayaman ng imahinasyon ng kabataan. At dapat na ang imahinasyong ito ay mapayaman bilang imahinasyon ng Pilipino” (dela Cruz 1993: 12).

Kung susumahin ang tatlong nobela ni Statemeyer, inilalantad at ipinagmamalaki ang kabayanihan ng mga Puting Amerikano para sa kanilang kabataang mambabasa. Ipinababatid nito sa mga mambabasa na sila’y mga mamamayan ng Estados Unidos at tanging tagapagmana ng mga karangalan at tagumpay nito. Mula nga sa aklat pambatang Old Glory ni Robert Lang, sinasabing “When you see our glorious flag, the symbol of our country, enjoy the moment. Take time to reflect on how proud you are to be an American.” Sabihin mang hindi para sa mga Pilipinong mambabasa ang mga aklat ni Stratemeyer, ipinalaganap pa rin nito ang mga baluktot at maling paniniwala ukol sa kabihasnan at kasaysayang Pilipino. Napapanahon na upang ituwid ang mga katiwalian sa mga nobelang inaakala ng nakararami bilang mga aklat pambata lamang na mabibili sa mumurahing halaga at abot-kaya ng mga karaniwang mambabasa.

May dalawang anyo ang kapangyarihang hatid ng panitikang pambata sa kamalayan ng mambabasa. Iyong una’y nasa panig at sipat ng mga kolonyalista. Makapangyarihan ito dahil nakapanghihikayat ito sa lalong ikatatatag ng imperyo at pagpapalawak ng kapangyarihan sa ibang bansa. Dagdag nga ni Netzorg, “The books were not really about these countries, they were instead about fictional American boys who found these lands (largely invented as plot needs development) handy places in which to have adventures that allowed real boys to feel proud to be sons of the good old U.S.A.” (Netzorg 1985:88)

Isa sa panganib sa mga akda ni Stratemeyer ay ang paggamit nito ng popular na anyo ng panitikan. Higit itong naipapalaganap ang mga adhikaing kolonyal at imperyalista sa mga mababasa sa anyong madaling maintindihan at kapana-pananibik na wika. Mapatutunayan ito sa ilang mga puna ng kritiko(na matataguan sa mga huling pahina ng mga aklat) sa Old Glory Series.

“A good book for boys, giving a good deal of information in a most attractive form.”—Universalist Leader

“Mr. Edward Stratemeyer is in danger of becoming very popular among the young people of the country.”—Burlington (Iowa) Hawk Eye

“A boy once addicted to Stratemeyer stays by him.”—The Living Church

“Mr. Stratemeyer is in a class by himself when it comes to writing about American heroes, their brilliant doings on land and sea.” –Times Boston

Ngunit ang higit na mahalaga ay ang pangalawang anyong kapangyarihan sa panitikang pambata. May kapangyarihan din ang panitikang pambata na tuligsain at ituwid ang mga pagkakamali sa ating kasaysayan. May kapangyarihan ito na tutulan ang paglalaganap ng kolonyal at neokolonyal na kapangyarihan sa iba’t ibang anyo ng kultura. At ang kapangyarihang ito ay magkakabisa lamang kung tutugunan ng mga manunulat para sa kabataan ang hamon sa kanilang paglikha.

Bibliograpiya

Bradford, Clare. “The End of Empire? Colonial ang Postcolonial Journeys in Children’s Books,” nasa Children’s Literature (Annual of the Modern Language Association, Division on Children’s Literature and the Children’s Literature Association) (Vol. 29, 2001), pp. 196-218.

Butts, Dennis. “Shaping Boyhood: Empire Builders and Adventurers,” nasa International Companion Encyclopedia of Children’s Literature ni Peter Hunt (pat.). London at New York: Routledge, 1996.

Dela Cruz, Rolando S. “Kailangang magsimulang muli ang mga akdang pambata sa 
suliranin ng pagkabansa: Ang pulitika ng literaturang pambata,” nasa Kultura (Vol. 6, No. 2; 1993), pp. 4-12.

Doherty, Kathleen M. At Mary W. Cornog (mga pat.) Reader’s Handbook, Springfield: Massachusetts: Merriam Webster, Inc., 1997.

Donelsen, Kenneth L. at Nilsen, Allen Pace. Literature for Today’s Young Adult (Sixth Edition). New York: Longman, 2001.

Gealogo, Francis. “Hermeneutika ng Pakikipagtunggali: Ang pagpapakahulugan sa 
diskurso ng pakikibakang panlipunan” nasa Ang Kilusang Masa sa Kasaysayang Pilipino (1900-1992) Philippine Social Science Review (Jan-Dec. 1994), pp. 1-37.

Johnson, Deidre. Edward Stratemeyer and the Stratemeyer Syndicate (Twayne’s United States Authors Series, No. 627). Chicago: Macmillan Publishing Co., Inc., 1993.

Kipling, Rudyard. “The White Man’s Burden: The United States & The Philippine 
Islands, 1899.” Rudyard Kipling’s Verse: Definitive Edition. Garden City, New York: Doubleday, 1929.

Lumbera, Bienvenido at Cynthia Nograles Lumbera. Philippine Literature: A History and Anthology (Revised Edition), Pasig City: Anvil Publishing, Inc., 1997

Netzorg, Morton J. Backward, Turn Backward: A Study of Books for Children in the Philippines: 1866 to 1945. Quezon City: National Book Store, Inc., 1985.

O’Rourke, Meghan. “Nancy Drew’s Father: The Fiction Factory of Edward Stratemeyer” The New Yorker, Issue of 18 Nov. 2004 <http:www.newyorker.com/critic/atlarge/?041108crat_atlarge>

Patajo-Legasto, Priscelina at Cristina Pantoja-Hidalgo. Philippine Postcolonial Studies: Essays on Language and Literature, Quezon City: University of the Philippines Department of English and Comparative Literature, 1993.

Paterno, Maria Elena. “A History of Children’s Literature in the Philippines,” nasa 
Bumasa at Lumaya: A Sourcebook on Children’s Literature in the Philippines, Pasig City: Anvil Publishing Inc., 1994.

Rusling, James. “Interview with President William McKinley,” The Christian Advocate 22 January 1903, p.17. Muling nilathala nina Daniel Schirmer and Stephen Rosskamm Shalom, (mga pat.), The Philippines Reader. Boston: South End Press, 1987.

Stratemeyer, Edward. Under Otis in the Philippines; or, A Young Officer in the Tropics. Boston: Lee and Shepard Publishers, 1899.

Stratemeyer, Edward. The Campaign of the Jungle; or, Under Lawton through Luzon. Boston: Lee and Shepard, 1900.

Stratemeyer, Edward. Under MacArthur in Luzon; or, Last Battles in the Philippines. 
Boston: Lee and Shepard, 1901.

Unang nalathala sa Philippine Humanities Review, Vol. 8, 2005, pp. 110-128.

SILANG NAGIGISING SA MADALING-ARAW; Ang Nobelang Iloko at si Constante C. Casabar

SILANG NAGIGISING SA MADALING-ARAW;

Ang Nobelang Iloko at si Constante C. Casabar

Ni Noemi Ulep Rosal

INTRODUKSIYON

Sa kanyang librong The Origins and Rise of the Filipino Novel, sinabi ng kilalang manunulat, kritiko, at iskolar sa panitikan na si Resil Mojares:

The rise of the novel is tied to objective changes in Philippine society. The late nineteenth century is the key seminal period in the growth of the Filipino novel. Empirical tendencies…became more fully expressed. Economic changes in the colony, the holder intrusion of the contemporary world through the developments in trade and travel and the agency of a better-informed intelligentsia, the changing content of the European world itself, the emergence of native printing and publishing; these factors shaped a mileu which favored the rise of the novel.

Pahayag itong totoo hindi lamang sa nobelang Ingles at Tagalog kundi maging sa mga nobela sa bernakular.

Kasaysayan ng Nobelang Iloko, 1892-1957

Mahigit isang daang taon na ang nobelang Iloko. Kinikilalang unang nobela sa wikang ito ang Matilde de Sinapangan ni Padre Rugino Redondo, isang prayleng Agustiniano. Nalimbag ito noong 1892, isang taon pagkaraang malimbag ang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal, at pitong taon bago nalathala ang kinikilalang unang nobela sa Tagalog, ang Cababalaghan ni P. Bravo na sinulat ni Gabriel Beato Francisco. Ikinukuwento sa Matilde ang buhay ng isang dalagang lumaki sa tradisyunal na pamumuhay ng mga Katoliko, di gaya ng Noli at Fili na higit na naglalarawan sa nagbabagong lipunan. Hindi ito nakapagtataka sapagkat ang may-akda ng Matilde ay prayle, at pangunahing layunin niya ang pagtuturo ng pananampalataya, moralidad at pagpapahalagang Kristiyano. Ayon kay Tomas Alcid, bukod sa sobrang pangangaral, napakarami nitong mga kamaliang pang-gramatika, dahil hindi Ilokano ang may-akda.

Bukod sa nobelang ito, may ibang nobelang Iloko na lumabas rin bago matapos ang ikalabinsiyam na dantaon. Kabilang dito ang Ayat, Kaanonto Ngata? (Pag-ibig, Kailan Kaya?), na sinulat ng isang nagngangalang Don Quintin Alcid sa estilo ngpanagbiag (buhay) at tatlong nobelang sinulat ni Arturo Centeno ng Vigan, Ilocos Sur: Apay a di Mangasawa? (Bakit Ba Hindi Siya Mag-asawa), Dispensera atPadi A Puraw Wenno Naamo a Kibin (Putting Pare o Maamong Gabay). Ang mga akdang ito ay hindi na matatagpuan sa mga aklatan. Ang unang binanggit na nobela ay tungkol sa magkasintahang napakatagal pinaghiwalay ng tadhana ngunit nagkabalikan din sa bandang huli.

Pagdating ng ikadalawampung siglo, biglang dumami ang likhang pampanitikan sa iba’t ibang bahagi ng ating bayan. At ayon kay Leopoldo Y. Yabes, ang kinikilalang pangunahing iskolar sa literaturang Iloko, sa unang tatlumpu’t limang taon ng kasalukuyang dantaon ay nagkaroon na sa Ilocos ng malaganap at makabuluhang gawaing pampanitikan. Isa sa itinuturing niyang dahilan nito ay ang pagdami ng mga imprenta’t mga peryodiko noong panahong iyon. Aniya:

At no period in their history have they exhibited a greater interest in literary art. Probably there are more writers in the present century, quick and dead, than there were during the last three centuries taken together. With the establishment of more printing presses and with the rapid growth of periodicals, literature has become, for better or for worse, popular.

Ilan sa mga peryodikal na naitatag sa naturang panahon ang sumusunod: Algos Es Algo (1905), Nueva Era (1905), Dalan ti Cappie (1905, La Juventud Ilocana(1906), La Lucha , na kalaunan ay naging Dangadag (Labanan, 1914), Sinamar(Banaag, 1910), Ti Aguipadamag (1914), Palaris (1914) Triunfo del Pueblo(Tagumpay ng Bayan, 1914), Ti Mangyuna (Ang Tagapanguna, 1915), Liolioa(Aliw) at Bagnos (Gabay, 1917), Ti Damag ti Pagarian (Ang Balita ng Paharihan, 1919). Karamihan sa mga peryodikal na ito ay bilinggwal na publikasyon ng mga grupong relihiyoso, kagaya ng Dalan ti Cappie (Daan ng Kapayapaan) ng mga Protestante, La Lucha ng mga Aglipayano at Ti Damag ti Pagarian ng mga Sabatista. Bilang panlaban sa mga propagandang inilunsad ng mga peryodikong ito, itinatag din ng mga Katoliko ang Ti Aguipadamag (Ang Tagapagbalita). Batay sa nalikom na mga datos, ang La Lucha lamang ang naglathala ng mga nobela, ngunit ang lumalabas lamang noon ay mga isinalin sa Iloko ni Santiago Fonacier tulad ng mga nobela ni Rizal, ang Ivan the Fool ni Leo Tolstoy, ang Candide ni Voltaire, at ang La Figlia del Cardinale (Ang Anak ng Kardinal) ni Guzzoni. Sa panahon ding ito nalathala ang Biag ti Maysa a Lakay Wenno Nakaam-ames a Bales (Buhay ng Isang Matandang Lalake O Kakila-kilabot na Paghihiganti) ni Mariano Gaerlan, ngunit ito’y hindi lumabas na serye sa peryodikal kundi bilang buong aklat.

Ang Biag ti Maysa a Lakay (Buhay ng Isang Matandang Lalake) ay kuwentong gumagamit ng sinasabing teknik ni Enoch Arden. Sa ganitong pamamaraan ng pagkukuwento, isinasalarawan ng may-akda ang pangunahing tauhan na may nararamdamang kompulsiyong magkuwento ng kanyang buhay sa isang tagapakinig. Sa nobelang ito, ang pangunahing tauhang si Tandang Manuel ay nagkukuwento ng kanyang buhay sa isang binatang nagngangalang Carlos. Lumalabas sa kuwento niya na siya’y galing sa isang mahirap na pamilya, ngunit sa kabila nito ay pumunta siya sa Maynila upang mag-aral ng abugasya. Umasa siya na kapag siya’y nakatapos ay tatanggapin na siya ng matapobreng magulang ng kanyang kasintahan. Ngunit pagbalik sa kanyang prubinsya’y nalaman niyang ikakasal na ang kanyang kasintahan. Tumungo siya sa simbahan at binaril niya ang mga bagong kasal. Pagkatapos ng madugong pangyayaring ito, tumakas siya sa kabundukan at doon ay nabuhay siya nang dalawampu’t limang taon bilang isang ermitanyo.

Tulad din sa Matilde de Sinapangan , ang layunin ng may-akda ay mangaral sa mga mambabasa, na siyang laging gawi ng mga nobelista noong panahon ng mga Kastila. Ayon sa Paunang Salitang sinulat ng isang nagngangalang Pedro Cariño Tapia, idinidiin sa nobelang ito ang dalawang aral: ang tungkulin ng isang anak sa kanyang ina at ang panganib ng pagtitiwala sa anyong panlabas. At habang inilalarawan dito ang matinding kapangyarihan ng mga magulang sa kanilang mga anak, makulay ring inilalahad ang mga pangyayari sa Ilocos bago sumiklab ang Rebolusyon.

Haluang Banyaga at Katutubo

Ang nobela ni Gaerlan ay nagpapakita ng ilang aspektong maka-Espanyol na estilo ng panitikan sa panahon ng mga Kastila, tulad halimbawa ng maindayog na retorika o makulay at bombastikong pananalita na siyang pangkaraniwang nakikita natin sa mgapanagbiag, komedya, at sarsuela . Ngunit ito ay nahaluan na ng taal na karanasang Iloko, at ang paghahalo-halo ng mga elementong banyaga at katutubo ay nagiging natural na natural na. Kung banghay naman ng kuwento ang pag-uusapan, ito’y binubuo ng tradisyunal na pag-iibigan ng mayaman at dukha. Ang kaibhan lamang nito ay ang matrahedyang wakas ng kuwento.

Kitang-kita rin sa Biag ti Maysa a Lakay ang mahusay na paggamit ng may-akda sa salitang Iloko, isang katangiang makikita rin sa kanyang mga tula’t drama. Mahalagang banggitin dito na bukod sa kanyang pagiging nobelista, si Gaerlan ay isa ring tanyag na makata at mandudula. Madalas siyang sumasali noon sa bukanegan(anyong balagtasan sa Iloko) kung kaya’t nakilala rin siya bilang “Prinsipe ng mga Makatang Ilokano” pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Siya’y naging makata rin sa pagpuputong, at marami siyang nagawang tulang ganito hindi lamang sa Candon, Ilocos Sur, na kanyang sinilangan kundi maging sa iba pang bayan sa Ilocandia. Bilang isang mandudula, sumulat din si Gaerlan ng ilang sarsuela at mga dulang walang musika’t kanta, at may makabagong tema. Ginamit din niya rito ang estilong bombastiko.

Sa kamay ni Gaerlan, ang nobelang Iloko ay nagpatuloy pa rin sa pagdidiin sa pangangaral. Gayunpaman, binigyang-puwang ni Gaerlan ang masining na pagkukuwento, ang makulay at madamdaming paglalahad sa makataong karanasang nilalaman ng nobela, ngunit alinsunod lamang sa kanyang pagkakaintindi noon sa bagay na ito. Kung kaya ang kanyang pansining na batayan sa pagsulat ay ang tradisyong pansining na napulot niya sa mga nobelang Victorian at sa mga awit at korido na siyang karaniwang binabasa sa kanyang panahon. Bukod rito’y malaki ang interes niya sa pagtatalumpati at so foklor. Makikita ang tanda ng mga ito sa kanyang nobela.

Ayon kay Yabes, isa pang “kawili-wiling” nobelang nilimbag noong 1909 angBaltazar na sinulat ng isang nagngangalang C.A. Duque.

Noong 1911, nilimbag ang popular na nobelang Uray Narigat no Pagimbagan(Gaano mang Kahirap Basta’t Ikabubuti) ni Facundo Madriaga. Ang nobelang ito ay tungkol sa pag-iibigan ni Juan at ng dalagang si Rosalinda. Si Rosalinda ang napili ng mga magulang ni Juan na mapangasawa ng kanilang anak. Si juan naman ay ayaw magpakasal sa isang babae hanggang hindi siya nakatitiyak na ang damdamin nilang dalawa ay para sa isa’t isa. Kaya sa halip na sundin ang utos ng mga magulang na manilbihan sa pamilya ng babae tulad ng nakaugalian, niligawan muna niya si Rosalinda sa sarili niyang pamamaraan. At saka na lang siya nanilbihan nang mapasagot na niya si Rosalinda.

Ang nobelang ito ay nagtatampok sa hidwaan ng pagkamakabago ng kabataan at ang pagkamakaluma ng matatanda, at naglalarawan ng mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng mga Ilokano nang mas mahusay kaysa anumang nasulat tungkol dito sa loob ng lumipas nang tatlong daang taon.

Noong 1914, nalimbag ang Mining wenno Ayat ti Cararua (Mining o Pag-ibig ng Kaluluwa) ni Marcelino Pena Crisologo. Ipinanganak ang may-akda sa Vigan, Ilocos Sur, noong Abril 1866. Tubo siya sa isang ilustradong angkan, na pinagmulan din ng ilang kilalang personahe sa iba’t ibang larangan. Kabilang dito sina Mena Pecson Crisologo (1944-1927), ang pangunahing mandudula sa Iloko at unang Gobernador Sibil ng Ilocos Sur; Leon C. Pichay, kinikilalang “Prinsipe ng bukanegan at putungan,” kuwentista, mandudula, mananalaysay, aktor, mang-aawit, at orador; Mauro Verzosa, isa ring makata at naging Representante ng Isabela; at ang mga batikang pulitikong Crisologo at Singson ng Ilocos Sur, na naging makapangyarihan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang sa kasalukuyan.

Nag-aral si Marcelino Crisologo sa Seminaryo ng Vigan at kumuha rin siya ng mga kurso sa Fine Arts sa Maynila. Noong binatilyo pa siya, ginugol niya ang kanyang panahon sa pagpipinta; at noong siya’y nasa kalagitnaang-gulang, bumaling siya sa pagsusulat ng tula at dula. Sa kanyang pagtanda, sumulat siya ng mga nobela na malinaw na kinakitaan ng impluwensya nina Alexander Dumas at Victor Hugo, at ng kanyang interes sa pagpipinta, kasaysayan, okultismo, at mga babae.

Pilipino Laban sa Kastila

Ang Mining ay isang trahedya tungkol sa masalimuot na pag-iibigan nina Mining at Orlino. Natuklasan ng dalawang ito na sila pala’y magkapatid, at dahil dito ay pilit nilang pinutol ang kanilang relasyong sekswal at nag-ibigan na lang sila sa antas na ispiritwal. May “sub-plot” din ang nobela at ito’y patungkol sa pag-iibigan ng mga magulang ni Mining at ng mga magulang ni Orlino.

Ang nobelang ito ay binubuo ng dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay bumabalik sa nakaraang panahon at ang pokus dito ay ang kuwento ng pag-ibig nina Eloisa at Orencio. Sa ikalawang bahagi, lumipat ang pokus sa kasalukuyan at sa pag-iibigan nina Mining at Orlino. Ang kuwento ay binubuo ng limang ipisodyo: ang pag-iibigan nina Orencio at Eloisa noong 1896; ang di-gaanong nagtagal na buhay-mag-asawa nina Orlino at Lina sa sumunod na taon; ang pag-iibigan nina Mining at Orlino noong 1914; ang pagkamatay ni Mining noong ding taong iyon; at ang pagkamatay ni Orlino.

Ang Mining ay di lamang pangkaraniwang kuwento ng pag-ibig; maaari ding basahin ito bilang paglalarawan ng pakikibaka ng mga Pilipino laban sa mga Kastila. Karamihan ng mga detalye sa unang bahagi ng nobela ay may basehang pangkasaysayan. Sa katunayan, ayon kay Yabes, mas tunay na “national” o pambansa pa ang katangian ng nobelang ito kaysa sa mga nobela ni Rizal o sa mga kinikilalang importanteng nobela sa Tagalog. Ang tagpo ng nobela ay sumasaklaw ng mas malawakang bahagi ng Pilipinas kaysa sinasaklaw ng mga naturang ibang nobela. Ang tagpo ng unang bahagi ay sa Cavite noong Rebolusyon ng 1896 at ang pangalawang bahagi ay sa Vigan, Ilocos Sur, labingwalong taon makalipas ang mga pangyayari sa unang bahagi. Isa pa, ang mga tauhan sa nobela ay hindi lamang mga Ilokano kundi may mga Tagalog din. Kung kaya hindi nakapagtatakang sabihin ng kritikong si Yabes na si Crisologo ang pinakatanyag na nobelista sa Iloko. Sinabi pa niya na ang Mining ang pinakamaganda sa lahat ng nailimbag nang nobela sa Iloko, at walang salang isang obra maestrang Iloko. Pagkatapos ng apat na dekada, ganito pa rin ang sinasabi ni Marcelino Foronda: “Marahil ang Mining ang pinakamahalaga sa lahat ng mga nalimbag na nobelang Iloko sa unang bahagi ng kasalukuyang dantaon.”

Sa kababanggit na mga obserbasyon, mapupunang ang mala-epikong saklaw at ang makasaysayang paksa ng nobelang ito ang dahilan kung bakit kinikilala ito bilang isang obra maestra. Ang totoo’y hindi sapat ang mga katangiang ito upang ang isang nobela’y matawag na obra maestra. Kailangan ding mahusay ang paghawak ng may-akda sa mga pangyayari at tauhan ng nobela, at sa wikang ginamit niya lalung-lalo na sa paglalarawan ng bawat eksena. Lahat ng mga ito’y nasa nobelang Mining . Madalas gumamit dito si Crisologo ng ilang inobasyon, at Malaya niyang iniiba-iba ang kanyang estilo batay sa sitwasyon.

Kung minsan ay simple at maikli ang kanyang mga pangungusap; kung minsan naman ay mahahaba, mabulaklak at punong-puno ng mga sawikain. Ang paglalarawan niya ay makulay at matalinghaga, at ito’y napapatunayan ng kanyang madalas na paggamit ng paghahambing at metapora. Kitang-kita rito ang kanyang “eye for color” bilang isang pintor. Sa katunayan, siya ay isa ring mahusay na pintor ng portrait at landscape bago naging manunulat.

Isa pang mahalagang ambag ni Crisologo sa pag-unlad ng nobelang Iloko ang pag-imbento niya ng mga bagong salita. Ayon kay Yabes, si Crisologo ang nagsimula ng ganito, na pinalaganap naman nina Gaerlan at Leon Pichay (pamangkin ni Crisologo) sa kanilang tulang pamputong at bukanegan. Isang paraang ginamit ay ang kombinasyon ng dalawa o tatlong salita upang lumikha ng bagong kahulugan. Sa nobelang Mining , gumawa si Crisologo ng humigit-kumulang sa dalawampung salita tulad ng diosaiari (prinsesa) at aribai (reyna). Pinagsanib ang diosa (diyosa), (ng), at ang ari (hari) at bai (babai). Sa katagalan, marami sa mga salitang inimbento niya ang naging bahagi ng buhay na bokabularyo ng mga Ilokano.

Tungkol naman sa pamamaraan ng pagkukuwento, gumamit si Crisologo ng mga tradisyunal na pamamaraan ng melodrama na madalas ginagamit sa mga awit at korido, mga komedya at sarsuela at ganoon din sa panitikang Victorian sa Ingles. Kabilang dito ang nawawalang heredero, pagkakakilala sa isang taong matagal nang nawawala sa pamamagitan ng kanyang balat, napulot na batang sa bandang huli’y nababawi ang malaking mana, ang nag-iibigang magkapatid pala sa dugo, at iba pang tauhan tulad ng nasa mga korido at epiko ay nabibilang sa matataas na angkang pinong-pino ang asal at sensibilidad. Bukod dito, gumamit din si Crisologo ng matulaing wika at ng temang idealistiko. At katulad din ng Biag ti Maysa a Lakay , ang wakas ng kanyang Mining ay isang trahedya, at malinaw na hindi na siya sumusunod sa tradisyunal na pagkukuwentong ang wakas ay tigib ng tuwa at lipos ng ligaya.

Sa kamay ni Crisologo, ang nobelang Iloko ay patuloy pa ring nangangaral habang naghahatid ng aliw sa masining na pagkukuwento sa pamamagitan ng makulay at madamdaming paglalahad sa makataong karanasang nilalaman ng nobela. Katulad ni Gaerlan, ang ginamit niyang batayan ng layuning pansining ng nobela ay ang mga napupulot niya sa mga nobelang Victorian at mga awit at korido. Ngunit para sa lalong makabuluhang dating ng kuwento, ginamit din ni Crisologo ang kasaysayan; ipinamalas ng kanyang nobela ang karanasang Ilokano bilang bahagi ng kasaysayang Pilipino. Ang mala-epikong saklaw ng Mining ay bunga ng interes ng makabayang si Crisologo sa kasaysayan at sa Rebolusyon. Bunga rin ito ng walang maliw na popularidad ng mga awit at korido, na napakahaba ng kuwento’t anaki’y wala nang wakasan.

Sumulat din si Crisologo ng iba pang nobela, tulad ng Pinang wenno Agum a Natarumamis (Pinang o Sobrang Ganid), 1915; Bugsot ti Maysa a Puso (Ang Paghihingalo ng Isang Puso), 1916; at Maudi a Tunglab wenno Ayat a Nagunggan (Huling Hingalo o Baliw na Pag-ibig), 1917. Namatay siya noong 1923 at hindi na niya naipalathala ang mga akdang ito. Sa opinion ni Leon Pichay, sa ilang pun to’y higit na mahusay ang mga nobelang ito kaysa sa Mining . Sayang at hindi na natin mahanap ang mga kathang ito kung kaya’t hindi natin mahuhusgahan.

Pagdami ng mga Nobela (1921-1942)

Patuloy ang pagdami ng mga peryodikal sa dekada ng 1920 hanggang 1934, at ang mga ito’y naging pangunahing labasan ng mga manunulat. Sa kanyang A Brief Survey of Iloko Literature , nakapagtala si Yabes ng 81 peryodikal sa Iloko na itinatag mula unang dekada ng 1900 hanggang 1930. Ang ganitong paglaganap ng mga peryodikal ay bunga ng pagdami ng mga limbagan sa buong bansa. Kabilang sa lalong kilalang mga peryodikal na naitatag sa mga panahong iyon ang mga sumusunod: Ti Silaw (Ang Ilaw, 1922); El Mensahero (Ang Mensahero), 1923;Panagbiag (Pamumuhay), 1924; El Filipino (Ang Pilipino), 1925; Amigo del Pueblo (Kaibigan ng Bayan), 1925; La Visita (Ang Bisita), 1925; Timekmi (Aming Tinig), 1927; Anaraar (Aninag) 1927; Wayawaya (Kalayaan), 1932; Karayo(Pananabik), 1933; Aweng (Higing), 1933; Bannawag (Bukang-liwayway), 1934; at Ilocos Times, 1935.

Bunga ng mga ganitong pangyayari, dumami rin ang mga nalathalang nobelang Iloko. Kabilang sa mga nobelang nalathala sa mga peryodikal mula noong mga 1920 hanggang mga 1930 ang mga sumusunod: Nasam-it ken Narucbos Daguiti Dardarepdep ti Agbaniaga (Matamis at Malago ang mga Panaginip ng mga Mangingibangbayan), 1921, ni Marcos Millon; Binay (1925), ni Froilan L. Donato;Nanoy (1926) ni Tomas Abrajano; Panagballigi ti Napanglaw (Tagumpay ng Maralita), walang petsa, ni Eugenio Enrico y Direkto; Ti Arpac (Ang Aking Arpa), 1927, ni Mauro A. Peña; Yuyeng ni Gasat (Paraiso ng Kapalaran), walang petsa, ni Juan P. Bautista; ABC wenno Dagiti Tallo a Jinete Ditoy Lubong (ABC o Ang mga Tatlong Hinete ng Mundo), 1927, ni A. R. Centeno; Kari A Naitanem(Pangakong Napako), 1930, ni Mamerto Gacutano; Inatipa ni Gasat (Pinigilan ng Kapalaran), 1930, ni Paulino de Peralta; Sabsabong ken Lulua (Bulaklak at Luha), 1930, ni F.A. Respicio; Magdalena ken Boanerges (Magdalena at Boanerges), 1932, ni Mariano N. Gaerlan; at Sion , 1932, ni Alberto Gruspe y de Veyra. Ang unang nobelang nabanggit ay tungkol sa pangingibang-bayan ng mga Ilokano.

Sa naturang dekada, may apat pang nobelang sinulat si A. Centeno, ngunit ang mga ito’y nilimbag bilang buong aklat ng Fajardo Press noong siya’y nagtrabaho roon mula 1920 hanggang 1923. Ito ay ang mga sumusunod; Cuton a Nalabaga (Pulang Langgam); Dayaw ti Naganak (Karangalan ng Magulang); Bullalayaw (Bahaghari); at Ing-ing Ken Cinco-Cinco (Biyolin at Lima-Lima).

Dumating ang dekadang 1930, at sa mga kalagitnaan nito’y nanguna si Leon C. Pichay sa larangan ng nobelang Iloko. Sa panahong iyon, may kakaibang pagbabagong nangyari sa nobelang Iloko. Nag-iba ang konsepto ni Pichay tungkol sa nobela sa konsepto nina Gaerlan at Crisologo. Ang mga nobelang sinulat ni Pichay tulad ng mga nobela ng dalawa, ay pang-aklat rin, at hindi para sa seryeng pamperyodikal. Ngunit taliwas sa layunin ng dalawa, sumulat si Pichay ng mga nobela di lamang para sa mga edukado at aral sa sining, kundi para din sa masa. Dahil dito, ang mga tema ng kanyang nobela ay yaong tinaguriang “pambakya” ng mga nag-aakalang sila’y nakakaintindi ng sining. Ilang halimbawa ng tinaguriang “bakyang” tema ni Pichay ay ang pag-iibigan ng isang mayaman at isang dukha, ang pag-ibig ng ina sa kanyang anak, ang pagkamasunurin ng isang anak sa mga magulang at iba pang mapangaral na tema. Kabilang sa mga ganitong nobela ang mga sumusunod: Pagulidan nga Ayat (Huwarang Pag-ibig), 1934; Apay a Pinatayda ni Naw Simon? (Bakit Nila Pinatay ang Kagalang-galang na Simon?), 1935; atPuso ti Ina (Puso ng Ina), 1936. Ang huling akdang nabanggit ay sinerye rin saIlocos Times noong 1938.

Batay sa mga datos na ito, masasabi nating marami-rami na ang nailathalang nobelang Iloko hanggang sa dekada ng 1930, ngunit kaunti pa lamang ito kung ihahambing sa dami ng nalathalang maikling kuwento. Ang biglang pagdagsa ng maikling kuwento ay dala ng kalikasan ng mga peryodikal na naglabas ng ganitong mga akda. Alalahaning mula nang sulatin ni Isabelo de los Reyes ang unang maikling kuwento sa Iloko, ang Ti Langit ti Inanamatayo (Langit ang Ating Pag-asa), kakaunti lamang ang mga nalathalang maikling kuwento sa pagtatapos ng nakalipas na siglo hanggang sa unang bahagi ng ikalawang dekada ng ikadalawampung dantaon. Karamihan ng mga peryodikal noon ay sektaryan, kung kaya’t mas maraming nalalathalang tungkol sa relihiyon at moralidad. Mayroon ding paminsan-minsang lumalabas na maikling kuwento, ngunit ang mga ito’y hindi pinapansin ng mga mambabasa. Saka lamang sila nagkainteres simula noong 1925 sa pagkakatatag ngEl Norte (Ang Hilaga), Timekmi (Aming Tinig), The Intelligencer , at Amigo del Pueblo . At noong itinatag ang Ilocos Times at Bannawag sa kalagitnaan ng mga taong 1930, biglang nagkainteres ang mga mambabasa sa maikling kuwento hanggang sa ito’y maging pinakapopular na babasahin ng masa. Gayunpaman, ang nobela ay di naisantabi na lamang, sapagkat patakaran ng Bannawag sa panahong iyon na iserye ang dalawa o tatlong nobela samantalang naglalabas rin sila ng tatlo o apat na maikling kuwento bawat isyu. Dumami ang nailalathalang nobela kaysa noong wala pa ang Bannawag , at dumami ang mambabasa nito.

Kung kalidad ang pag-uusapan, maaari nating sabihing ang mga nalathalang nobela sa Iloko pagkatapos ng Mining ay higit na mababang klase. Gayunpaman, mayroon din silang sariling katangian. Ayon kay Yabes:

None of these works have the elements of great literature… Most of them are ephemeral production reeking with mushy, sticky romance. If a future critic or literary historian, however, should want to get a faithful picture of the life portrayed by these novels, these second rate productions would be most helpful; because it has been truly said that minor authors express the spirit of an age more faithfully than the major writers.

At hindi nga nagkamali si Yabes sapagkat ang mga kasalukuyang pananaliksik sa kritisismo ay sumusuporta sa pagkamakatwiran ng mga obserbasyong ito.

Maraming kritikong kagaya ni Yabes na pumupuna sa mga naturang nobela dahil sa kanilang pagiging sobrang sentimental. Hindi ganap na makatarungan ang ganitong pagpuna sapagkat kung ang nobela ay naglalarawan sa tunay na buhay ng mga Ilokano, sadyang hindi maiiwasan na ito’y maging romantiko’t sentimental. Unang-una, ang mga Pilipino ay romantiko’t sentimental; ikalawa, ang uri ng nobelang sinulat ng mga nobelistang Pilipino sa naturang panahon ay melodramatikong kuwento ng pag-ibig. Ikatlo, ang tradisyong kinabibilangan ng mga manunulat noon ay ang domestiko, sentimental, at romantikong paksain ng panitikang Victorian ng ika-19 na dantaon. Ganyan din ang tradisyon ng awit at korido, komedya at sarsuela?mga pangunahing babasahin sa Iloko sapul noong mga huling dekada ng ika-19 na dantaon. Ikaapat, dahil din sa unti-unting pagtanggap natin sa rehimeng Amerikano, hindi naglaon ay naglaho ang makabayang kalikasan ng nobela, at ito ay pinalitan ng mga temang romantiko at sentimental.

Tipikal na Halimbawa

Tipikal sa ganitong uri ng nobelang Iloko ang nobela ni Leon C. Pichay na pinamagatang Puso ti Ina (Puso ng Ina). Ang akdang ito ay tungkol kay Lola, isang inang nagsakripisyo ng kanyang kaligayahan, pag-ibig, at dangal para lamang sa kapakanan ng kanyang anak. Dito’y ginamit na naman ang tradisyunal na motif?ang pag-iibigan ng mayaman at mahirap. Si Amado’y isang maralitang makata at si Lola naman ay anak ng mayamang si Don Gorio. Itinakwil si Rosa ng kanyang magulang pagkatapos malaman ng ama nito na ang anak niya ay buntis na pala at ayaw ipalaglag ang bata. Si Amado naman ay ipinabilanggo sa pamamagitan ng pag-akusa sa kanya sa kasalanang pagnanakaw pagkatapos mahuli siya isang gabi na nakikipagtalik kay Lola sa hardin nito.

Makalipas ang mahigit na labing-anim na taon, si Amado ay lumaya na. Nagtungo siya sa Amerika at doon ay yumaman sa pamamagitan ng kanyang pagsusulat, lalong-lalo na ng mga iskrip ng pelikula. Doon ay inaruga niya ang isang matandang pulubing kamukha niyang nasagasahan, at ang matandang ito ay walang iba kundi ang dating Naw Simon. Sa panahong ito ay nalustay na ni Don Gorio ang lahat ng dapat niyang kayamanan. Ngunit hindi alam ng dating Don kung sino talaga itong umaaruga sa kanya.

Ang wakas ng nobela ay napakamelodramatiko: punong-puno ng iyakan ngunit iyakang bunga ng kasiyahan at taimtim na pagsisisi. Bumalik sina Amado at Gorio sa Pilipinas at humingi si Gorio ng patawad kay Lola. Malaki na ang anak ni Lola, si Amante, at ipinakilala siya sa kanyang ama, at pagkatapos ng mahabang iyakan at yakapan, ay nagkabalikan din at nagpakasal ang matagal na nagkawalay na magkasintahan.

Ang iba pang nobelang sinulat ni Pichay ay nagsasaad ng kaparehong tema maliban sa isang nobela?ang Apay a Pinatayda ni Naw Simon? (Bakit ba Nila Pinatay ang Kagalang-galang na Simon?). Ito ay itinuturing na unang kuwentong detektib sa Iloko. Umiikot ang nobelang ito sa buhay ng Kagalang-galang na Ginoong Simon, isang mayaman at ganid na tao. Katulad ng karamihang sa mga kuwentong detektib, ang kontrabida ay pinakamalayong pinagsususpetsahan, at ito’y walang iba kundi ang Hepe ng Pulisya, ang taong naatasang mag-imbestiga sa kasong ito. Malinaw na malinaw na bagama’t ang akdang ito ay isang kuwentong detektib, ang tradisyonal na domestiko, sentimental, at mapangaral na gawi ng panitikang Iloko ang lumilitaw.

Ang pagkakatatag ng Bannawag noong 1934 ay matinding nagpalakas sa pagsulat at paglathala ng iba’t ibang anyo ng panitikang Iloko, kasama na rito ang nobela. Gayunpaman, ang karamihan sa mga nobelang inilathala sa Bannawag noong taong iyon hanggang sa magsara ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay mga salin lamang ng mga nobelang Tagalog na isinerye sa Liwayway . Kabilang sa ilang nasulat sa orihinal na Ilokano at nailathala sa Bannawag ang mga sumusunod na nobelang sinulat ni Arturo Centeno sa dapithapon ng kanyang buhay bilang kuwentista: Sabidong a Makabiag (Lasong Ikabubuhay), Margarita at Taga-Aw-Away (Si Margarita at ang Taga-baryo) 1935.

Marami ring nobelang Iloko ang nalathala sa Hawaii noong panahong iyon. Mula pa noong 1906, ang mga obrerong Ilokano ay nandoon na sa mga plantasyon ng tubo sa Hawaii, at pagdating ng 1930, sila na ang naging pinakamalaking grupong dayuhan doon. Ang pagdagsa ng mga imigrante sa panahong ito ay bunga ng pagsasabatas ngImmigration Act ng 1924, na nagsasaad na ang mga Pilipino ay di itinuturing na mga dayuhan sa Amerika at buong laya silang maglabas-masok doon. Ang mga Ilokanong ito ay napakaraming sarisaring uri ng panitikang naisulat. Kaya naman hindi ganap ang pag-aaral ng kasaysayan ng literaturang Iloko kung kakaligtaan ang mga akdang ito. Sa Katotohanan, ang GUMIL (Gunglo Dagiti Manunurat nga Ilokano), ang samahan ng mga manunulat na Ilokano na itinatag noong 1934, ay may sangay sa Hawaii at ito ay higit na produktibo kaysa punong organisasyon kung ang nailimbag na akda ang pag-uusapan.

Noong 1935, lumabas sa Ilocos Times ang sumusunod na listahan ng mga nobelang nasulat at nalathala sa Hawaii sa panahong iyon: Sungdo ni Ayat (Katapatan sa Pag-ibig) ni Marcos Baguinon; Sudi ni Ayat (Kadalisayan ng Pag-ibig) ni Francisco Farinias; Bileg ni Ayat (Kapangyarihan ng Pag-ibig) ni Francisco Gamboa; Victor ni Franco Manuel; Ti Ranggasmo Kaniak Lak-amemto (Magbabayad Ka sa Kalupitan mo sa Akin) ni Jose Murillo; Balligi ni Ayat (Tagumpay ng Pag-ibig) ni Agapito N. Patacsil; at Nasged a Nammama (Alab ng Pag-asa) ni F. A. Respicio. Ang mga nobelang ito ay sadyang mapang-aliw na mga kuwento ng romantiko at sentimental na pag-ibig sa tradisyon ng awit at korido, at ang mga ito’y nagsisilbing “mekanismo ng pagtakas” para sa mga Ilokanong manggagawa sa Hawaii, mga epektibong paraan na pampalimot o pampamanhid sa kanilang kahirapan at kalungkutan sa mga plantasyon.

Ang lahat ng mga naturang nobelista sa Iloko noong mga dekadang 1920 at 1930 ay nagpatuloy sa kanilang pagsusulat hanggang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang halos walang nasulat dahil sa mapanganib na sitwasyon. Natigil ang lahat ng uri ng pagsusulat at nagsara din ang mga limbagan at ganoon din ang mga lathalaan.

Pagbalik ng mga Amerikano, maraming bagong pangalang lumitaw sa eksenang pampanitikang Iloko at marami ring pangalan ang hindi na lumitaw. Maliban sa mangilan-ngilang katulad ni Pichay, ang mga nobelista bago dumating ang digmaan ay huminto na sa pagsusulat. Ngunit sa panahong ito ay ibinaling na ni Pichay ang kanyang atensyon sa pagsusulat ng tula. Sa mga peryodikal na pinaglalabasan naman, ang Bannawag lamang ang muling nagbukas. At magpahanggang ngayon, monopolisado ng babasahing ito ang paglalathala ng produksiyong pampanitikan ng mga manunulat na Ilokano.

Sugat ng Digmaan

Ang mga nobelang lumabas sa Bannawag pagkatapos ng digmaan ay malinaw na nagpapakita kung gaano kahapdi’t kalalim ang naging sugat natin sa naturang kabanata ng atingkasaysayan, at kung gaano ito nakaapekto sa ating sosyal at moral na kamalayan, at samalikhaing sensibilidad ng ating mga manunulat. Humigit-kumulang sa labing-walong nobelang Iloko ang nalimbag sa Bannawag mula 1936 hanggang 1950. Kabilang sa lalong kilalang nobelista sa panahong iyon sina Mateo Cruz Cornelio, Hermogenes F. Belen, Jose P. Acanse, Salvador Nilo, David Campañano, Juan B. Quimba, Maximo Tavernas, at Marcelino A. Foronda. Ang mga nobelistang ito ay may kanya-kanyang paraang ng paglalarawan kung paano tayo naapektuhan ng nakaraang digmaan.

Ang nobelang Daguiti Balud (Ang mga Preso) ni Hermogenes F. Belen, halimbawa, ay naglalarawan ng labis na kalupitan ng mga Kempetai sa mga nahuhuli nilang gerilya. Damang-dama ng mambabasa ang kakila-kilabot na pangyayari sa digmaan. Sabi nga ni Encarnacion, ang paglalahad ng karanasan sa digmaan ang nag-iisang layunin ng may-akda.

Sa isa pang nobela ni Belen na pinamagatang Datu Hiram , bumalik ang may-akda sa kinagigiliwang tema ng romantikong pag-ibig. Ang tagpo ay ang mga taong 1740, nang madalas ang pananalakay ng mga pirating Moro. Bilang isang “thriller” na kuwento, ginamit ni Belen ang mga melodramatikong elemento ng moro-moro kagaya ng pandurukot, pangangamkam at patayan. Walang anumang nabanggit tungkol sa nakaraang digmaan ngunit ang pananahimik ng may-akda sa paksang ito ay isang paraang ng pag-iwas sa alaala ng nasabing karanasan. Sapagkat ang nobela sa pangkalahatan ay kuwentong aksyon, hindi gaanong napag-ukulan ng pansin ang pag-unlad ng mga tauhan.

Ang nobelang Gapu ta Ay-ayatenka (Sapagkat Mahal Kita) ni Salvador Nilo ay bumalik din sa kinagigiliwang tema ng pag-iibigan ng dukha at mayaman. Sa nobelang ito, iniwan ng mayamang babae ang mahirap niyang kasintahan at nag-asawa ng mayaman. Ang masama rito’y napabayaan siya ng kanyang asawa dahil sa pagkakasubsob nito sa trabaho bilang doctor. Sa bandang huli ay binalikan niya ang una niyang kasintahan. Bagamat ang nobelang ito ay isang melodrama, ito ay makatotohanan din. Sa mamagitan ng masipag na doctor, nailalarawan ang tumitinding pagkamanhid ng modernong Ilokano bunga ng digmaan.

Sa mga taong 1940, naging lubhang mabilis ang pagdami ng produksiyong pampanitikan. Kabilang dito ang nobela, at nauso rin ang mga nobelang salin mula sa Pilipino at Ingles. Inaliw ng mga nobelista ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng pangalan ng babae bilang “pen name” (e.g., Ester Aragon para kay Efren Abueg sa mga isinaling nobela niya mula sa Pilipino, at Rube Peña Rosal at Julieta Zamora para kay Juan S.P. Hidalgo, Jr. sa mga nobela niya sa Iloko).

Immigrasyon at Realismo

Noong 1980, gumawa si Lorenzo Tabin ng pag-aaral tungkol sa tema ng imigrasyon sa mga maikling kuwento at nobelang Iloko mula 1960 hanggang 1978. Natuklasan niyang may humigit-kumulang sa tatlumpung nobelang Iloko ang lumabas noong 1951-1957. At kabilang sa mga lalong kinikilalang nobelista sa panahong yaon ay ang mga sumusunod: Felix A. Abalos, Benito de Castro, Iliodoro P. Lorenzo, Salvador P. Nilo, Lorenzo Tabin, J.C. Corpuz, Felipe Lagon, Constante C. Casabar, Arsenio L. Ramel, Gregorio C. Laconsay, at Mauricio Valdez.

Karamihan sa mga nobelang nasulat ay umiikot pa rin sa tema ng karanasan sa digmaan, romantikong pag-ibig at pangingibang-bayan. May ilan na rin sa mga nobelistang ito ang nagpamalas na ng realismo sa pamamagitan ng kanilang pagtuligsa sa lipunan, at kabilang dito si Constante C. Casabar, ang may-akda ng Dagiti Mariing iti Parbangon (Silang Nagigising sa Madaling Araw), Puris iti Barukong(Tinik sa Dibdib), at Iti Imatang ti Langit (Saksi ng Langit). Kabilang din dito si Marcelino A. Foronda na siyang sumulat ng Nasudi nga Agnanayon (Tapat Magpakailanman).

Ang mga kilalang-kilalang nobelang pumapaksa sa pangingibang-bayan na nalimbag pagkatapos ng digmaan ay ang Daguiti Maingel iti Cabambantayan (Ang mga Bayaning Kabundukan) ni Arsenio Ramel at ang Nasudi nga Agnanayon ni Marcelino A. Foronda, Jr. Ang totoo’y napakarami na ng mga lumabas na nobelang Iloko na tungkol sa pangingibang bayan at dahil dito, maaaring sabihing ang ganitong nobela’y isang natatanging uri ng pagkukuwento sa panitikang Iloko. Gayunpaman, hindi pa rin nakawala ang mga ito sa kumbensiyon at tradisyong pinagmulan ng nobelang Iloko. Ang totoo, napakalaki nga ang papel ng mga ganitong kuwento sa buhay ng mga nangingibang-bayan, sapagkat ang mga nobelang ito ay sinulat upang higit sa lahat ay magbigay-aliw at magpalakas-loob sa mga kababayang lugmok na sa lungkot at hirap na dinaranas sa bansang dinayo. Kaya nga ba’t punong-puno ng melodrama ang mga nobelang ito.

Matagumpay ang mga nobelang Ilokong pumapaksa sa pangingibang-bayan, at ito’y di mahirap ipaliwanag. Alam nating ang mga Ilokano ang pinakasabik sa pangingibangbayan bunga ng kanilang pagnanais na iahon ang sarili at mahal sa buhay, at ito’y isa na sa prinsipal na katangian ng “psyche” at pamumuhay ng Ilokano.

Ang Nasudi nga Agnanayon ay isa na naming kuwento ng pag-iibigan ng mayaman at dukha. Ito ay umiikot sa karanasan ni Rosa, isang dalagitang taga-baryo. Ang dalagang ito ay nagtungo sa syudad upang takasan ang sapilitang pagpapakasal sa matandang balikbayang si Frank. Malaking kamalasang dumanas siya sa syudad ng maraming panganib at kaapihan bilang isang katulong. Sa bandang huli, ang kanyang kasintahang si Bernardo, isang sundalo na buong akala ng iba’y namatay sa giyera sa Korea, ay umuwi nang walang kapansanan. Ang magkasintahan ay ikinasal at nabuhay nang matiwasay.

Bagamat ang banghay ng nobelang ito’y napakaromantiko, nandiyan din ang makatotohanang paglalarawan ng mga tauhan ng kuwento, tulad ni Tandang Frank na binigyan ni Foronda ng kaunting “stature” ngunit ginamit din para sa kanyang mapatuligsang puna sa mga Pilipino sa ibang bansa. Pinuntirya ang mga nagpapanggap na nakapagkolehiyo dahil may kaunti silang naipong salapi, na ang totoo’y nangagpaalila lamang pala bilang tagahugas ng pinggan, tagapitas ng mansanas, hardinero, dyanitor, at manggagawa sa pabrika. Mahalagang malaman ng sinumang babasa sa “satire” na ito na sa kultura ng mga Ilokano, isang karangalan ang magpakasal sa isang Pilipinong naging American citizen na o sa isang balikbayang galling sa America o Hawaii. Sa pagpili ng mapapangasawa, hindi importante ang edad, itsura, at kung anong klaseng pamilya ang pinanggalingan nito. Ang mahalaga ay may pera siya at mayroon na siyang “immigrant status” upang maisama niya ang kanyang asawa sa Amerika o Hawaii, upang ito naman ay maging U.S. immigrant din at American citizen, o di kaya’y pensiyonada. Ang totoo, ang pagtungo sa Hawaii ay tiningala ng mga Ilokano bilang pinakarurok ng kanilang kaligayahan.

Si Constante C. Casabar at ang

Silang Nagigising sa Madaling Araw

Pagdating ng mga taong 1950, lumitaw ang isang matalino, masigasig, at batang-bata pang kuwentista sa panitikang Iloko, si Constante C. Casabar.

Si Casabar ay ipinanganak noong 29 Hulyo 1929 sa Narvacan, Ilocos Sur. Nagtapos siya ng sekondarya sa Narvacan Provincial high Scholl, at ng batsilyer sa journalism sa University of Santo Tomas (UST). Nabuksan sa kanya ang panitikang klasikal at kontemporanyo, lalong-lalo na ang mga sinulat ng mga nobelistang Amerikano’t Ingles. Diumano’y ang mga ito ang nakaimpluwensya sa kanyang estilo. Noong nasa ikaapat na taon na siya sa kolehiyo, naging pangalawang patnugot siya sa Varsitarian , ang pahayagang opisyal ng mga estudyante sa UST.

Noong sumama siya sa staff ng Bannawag , ginawa siyang pampanitikang patnugot. Hindi nagtagal ay naging managing editor at pagkatapos naman ay editor-in-chiefsiya. Noong siya’y pampanitikang patnugot ng magasin, inumpisahan niya noong 1961 ang taunang paligsahan ng maikling kuwento. Marami sa mga kilalang-kilalang manunulat sa Iloko ang dumaan sa kanyang pamamatnubay, tulad halimbawa nina Pelagio Alcantara, Jose Bragado, Manuel Diaz, Fredelito A. Lazo, Antonio Sanchez, Salvador A. Espejo, Edilberto M. Angco, Meliton Gal Brillantes, at Lorenzo Tabin.

Nag-umpisa si Casabar sa pagsusulat noong 1954 bilang kuwentista. Naglabas siya ng mga maikling kuwento sa isang koleksiyong pinamagatang Punasemon Dagita Luam (Pahirin mo na ang Iyong Luha). Sa taon ding iyon, sinulat niya at ipinalathala ang kanyang unang nobela, Maiwaksinto Dagiti Ulep (Mahahawi Rin ang mga Ulap). Nalathala ito sa Bannawag mula 3 Mayo 1954 hanggang 20 Setyembre 1954. Ang panahong ito’y kinikilalang umpisa ng pinakamasigasig niyang produksiyon bilang manunulat.

Pagkatapos malathala ang Maiwaksinto Daguiti Ulep , sumulat pa si Casabar ng 18 nobela (lahat ay nalathala sa Bannawag ). Ito ay ang mga sumusunod : Iti Imatang ti Langit (Saksi ang Langit), 27 Set. 1954 – 8 Agosto 1955; Puris iti Barukong (Tinik sa Dibdib), 5 Agosto 1955 – 13 Agosto 1956; Punasemon Dagita luam (Pahirin Mo na ang Iyong Luha), 22 Agosto 1956 – 3 Set. 1956;Palaspas (Mga Unang Dahon ng Tabako), 18 Marso 1957 – 8 Abril 1957; Puon ti Bullalayaw (Dulo ng (Bahaghari), 9 Set. 1957 – 21 Okt. 1957; Darundon (Mga Huling Bunga), 29 Abril 1957 – 1 Hulyo 1957; Dagiti Mariing iti Parbangon(Silang Nagigising sa Madaling Araw), 24 Set. 1956 – 11 Marso 1957; Iti Panggaw-awatan iti Bulan (Sa Pook na Abot-Kamay ang Buwan), 22 Hulyo 1957 – 19 Agosto 1957; Awis ti Puro Sawi (Tawag ng Isang Sawi), 4 Nob. 1957 – 11 Agosto 1958; Ti Bessang iti Bantay Bakes (Ang Bulaos ng Bundok Bakes), 8 Dis. 1958 – 2 Nob. 1959; Timek ti Pawikan (Tinig ng Pawikan), 23 Peb. 1959 – 9 Marso 1959; Balitok, Insiyenso, ken Lua (Ginto, Insenso, at Luha), 14 Dis. 1959 – 4 Enero 1959; Pangngaasim (Para Mo nang Awa), 6 Peb. 1951 – 1 Mayo 1951; Bit-ang (Bangin), 7 Agosto 1961 – 28 Agosto 1961; A kas met Pammakawan Mi (Gaya ng Aming Pagpapatawad), 22 Peb. 1961 – 30 Enero 1961; Balangkantis (Huwad), 20 Abril 1964 – 20 Hulyo 1964; at Umuna a Bukel(Unang Butil), 14 Dis. 1964 – 7 Hunyo 1965.

Bukod sa mga akdang nabanggit, sumulat pa siya ng sampung nobela at 25 maiikling kuwento na kung saan ginamit niya ang “pen name” na Conrado Camacho.

Noong 1965, nangibang-bayan si Casabar at ang kanyang buong pamilya sa Canada. Isang dahilan ay ang madalas na pagtanggap ng pamilya ng banta sa kanilang buhay dahil sa pagsusulat niya ng mga mapanuligsang kuwento. Ang mga ganitong banta’y nagsimula pa noong panahon ng perseserye sa Bannawag ng Dagiti Mariing iti Parbangon . Sa Canada, nagtrabaho siya bilang “copy editor” saWinnipeg Free Press hanggang 1967. Sa taon ding iyon, lumipat ang kanyang pamilya sa Iowa sa U.S. Doon ay nagtrabaho siya sa Des Moines Registrar . At kamakailan lamang ay lumipat na naman sila sa California.

Ang uri ng edukasyon ni Casabar at ang kapaligirang panlipunan sa Ilocos ang naging malakas na impluwensya sa kanyang pagsusulat at sa uri ng bagong direksyon na ibinigay niya sa pag-unlad ng nobelang Iloko.

Ang Dagiti Mariing iti Parbangon (Silang Nagigising sa Madalang-Araw) ay isang kuwentong katamtaman lang ang haba tungkol sa pakikibaka ni Salvador, laban sa naghaharing moral at panlipunang katiwalian sa bayan ng Guilang, at sa karahasan ng kalikasan doon. Ang bayan ng Guilang ay kathang-isip lamang ni Casabar, ngunit para sa mga nakakaalam ng Ilocos “milieu,” lalo na sa kapanahunan ng may-akda, di mahirap kilalanin na ang Guilang ay kumakatawan sa Narvacan, Ilocos Sur, ang mismong bayan ni Casabar.

Sa nobela, nagtagumpay ang kabutihan, ngunit napakalungkot pa rin ng kuwento kung tutuusin; sadyang napakabigat ang trahedyang tinutungo ng daloy ng kuwento. Lamang ay pilit itong lumabnaw at naging melodramatiko, bunga ng hindi maiwasang kumpromiso sa pangangailangan ng sining at pangangailangan ng Bannawag bilang negosyo, ibig sabihi’y ang pakikibagay ng kuwento sa tradisyunal na panlasa ng masa ng Ilokanong mambabasa. Kabilang sa pangangailangan ng tradisyunal na panlansang pampanitikan ng mga Ilokano ang mga sumusunod: romantikong pag-iibigan, matinding paglalarawan ng kulturang Ilokano, mahiganting katarungan o “poetic justice,” at malinaw na mensahe.

Sa wakas ng nobelang ito, malinaw ang mensaheng moral: ang dugo’y sadyang higit na matimbang kaysa sa tubig, at ang kabutihan ay sadyang magtatagumpay laban sa kasamaan gaano man ito kabigat at kalakas, sapagkat tulad ng nangyari sa nobela, ang kasamaan ay parang halimaw na habang nabubuhay para sa sarili’y kinakain naman nito ang kanyang sariling katawan hanggang ito’y lubusang maubos.

Maraming kahulugan ang pamagat ng nobela. Sa mga nakakaintindi ng kulturang Iloko ang pamagat ay tumutukoy sa nakasanayang gawi ng masisipag na Ilokano na magising nang maagang-maaga upang gumawa sa bukid o asikasuhin ang iba pang gawain. Nakagawian na ito ng mga tao sapagkat masarap bumangon at magtrabaho sa umaga, hindi mainit, at maraming di hamak ang natatapos nilang gawain. Ngunit ang totoo’y hindi ito ang inilalarawan ng nobela kundi ang epekto sa mga Ilokano ng karahasan ng kalikasan sa Ilocos at ng mas marahas pang kapaligirang panlipunan.

Sa simbolikong antas, ang pamagat ay tumutukoy sa kadahupan sa kapayapaan ng mga Ilokano, bunga ng naghaharing katiwalian sa kanilang rehiyon. Sa nobela, ang karahasan ng kalikasan ay makikita sa matingkad na paglalarawan ng napakapobreng baryo ng Sabangan, at ito ay makikita natin sa ikalawa at ikatlong kabanata ng nobela. Dito’y masasaksihan ng mambabasa ang matingkad na paglalarawan ng kakila-kilabot na nangyayari sa mga pobreng mangingisdang walang kalaban-laban sa puwesa’t bangis ng kalikasan sa dagat?ang bagyong bigla na lamang sasalakay sa mga mangingisdang nasa laot; ang mababagsik na pating na nainibasib sa mga tumapon sa dagat nang tumaob ang kanilang bangka; ang mga nakaligtas ngunit duguan at putol ang paa’t brasong sumadsad na lamang sa dalampasigan; ang panangis ng biglang nagkakagising sa madaling-araw dahil sa aksidenteng sinapit ng kanilang mahal sa buhay habang naghahanapbuhay sa laot’ at ang mga nagigising na hindi na makatulog hanggang sa kinaumagahan.

 

Ngunit kung ganito kalala ng kawalang-kapayapaan ng mga taga-Sabangan dahil sa kaharasan ng kalikasan, higit pang malala ang kalagayan ng buong bayan ng Guilang dahil sa naghaharing katiwalian at kabulukan dito. Ang masasamang tao sa lipunang ito na diumano’y kasabwat ng malalakas na pulitiko, mga impluwensyal na mayayaman at pulis, military at namamamahala sa gobyerno ay walang humpay na gumagawa ng sarisaring krimen nang walang takot sa kaparusahan. Araw-araw ay may nangyayaring kabi-kabilang patayan; o di kaya’y lantarang pangingikil atpambubugbog sa mga inosenteng mamamayan sa mga lansangan, tindahan at palengke. Ito ang kanilang paraang ng pagsasabi sa madla na sila ang diyos-diyosan sa bayan, at sinumang magtangkang pumigil sa kanilang ginagawa’y maghanda na sa kamatayan. Kung gabi’y pangkaraniwan na lamang ang biglang pagkagising ng mga tao, lalong-lalo na sa madaling araw, sa putok ng baril at matinis at kakila-kilabot na hiyawan. Ito’y nangangahulugang may pinatay na naming biktima ang mga walang kinatatakutang kriminal. Nagigising gabi-gabi ang mga tao at puyat na puyat na sila dahil sa ganitong mga pangyayari. At ito ang tinutukoy ng salitang “nagigising” sa pamagat ng nobela.

 

 

 

Ngunit may higit pang malalim na kahulugan ang naturang salita: ang pagkagising ng pangunahing tauhan sa isang masakit nakatotohanang kaugnay ng kanyang binabalak na misyon sa kanyang nabubulok na lipunan. Matapos niyang saksihan ang nakaririmarim na sabwatan ng mga awtoridad at mga kriminal, natuklasan niyang wala palang silbi ang pakikipagtuos sa masasamang tao sa bayan sapagkat gaano man kalinaw na sila ang may sala, sila pa rin ang kinikilingan ng mga awtoridad.

 

Sa simula, si Salvador ay isang batang napakataas ng hangarin sa buhay, ang maging isang lider sa paglilinis ng nakaririmarim na lipunan. Hindi lamang siya nababahala; nanggigigil rin siya sa galit dahil sa mga katiwaliang nangyayari at sa pagwawalang-bahala ng mga lider sa lipunan. Ang mga pulitiko, halimbawa, aymagaling lamang mangako ng kung anu-anong proyekto para sa kabutihan ng madla tuwing eleksiyon; ngunit apag nasa puwesto na sila, wala nang ibang aatupagin kundi ang sarili nilang ikayayaman at ikabubuti. Ang nabubulok na mga bahay, ang maruruming plasa’t palengke, ang maaalikabok at butas-butas na kalsada, at ang iba pang tanda ng pisikal na kabulukan, bukod pa sa mga abusadong pulis at iba pang tiwaling maliliit na upisyal sa munisipyo?ang lahat ng ito ay nagpapatunay sa kriminal na pagwawalang-bahala ng alkalde sa kanyang tungkulin. May isa man lamang sanang mamamayang magkaroon ng sapat na tapang upang punahin at labanan ang ganitong kabulukang naghahari. Iyan ang madalas na naiisip ni Salvador, ngunit walang sinumang may kahandaang gumawa ng hakbang.

 

Hindi mapigilang ihambing ni Salvador ang kasalukuyang bulok na kalagayan ng kanyang bayan sa naaalaala niyang kaayusan nito noong siya’y batang-bata pa, bago sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Ang bayan ng Guilang ay napakalinia noon at napakaganda: punong-puno ng mabulaklak at ornamental na halaman ang kapaligiran ng munisipyo at plasa. Nabigyan pa nga ang bayang ito ng gantimpala bilang pinakamalinis at pinakamagandang bayan sa buong rehiyon ng Ilocos. At ito’y sadyang ipinagmamalaki noon ng mga taga-Guilang.

 

Wala na ang panahong iyon. Ngayon, ang buong bayan ay nangangamoy, hindi lamang dahil sa napakaruming kapaligiran kundi dahil rin sa mga nakasusulasok na pangyayari sa lipunan. At tulad ng nabanggit na, ang lahat ng ito’y bunga ng pagwawalang-bahala ng mga mamamayan sa nangyayari, lalong-lalo na ng mga namumuno sa lipunan tulad ng alkalde at ng pari na dapat sana’y mga ulirang huwaran sa tuwid na pamumuhay. Kung ang simbolo ng kriminal na pagwawalang-bahala ng alkalde sa kanyang tungkulin ay ang nabubulok nang munisipyo at iba pang gusaling-bayan at ang marurumi’t butas-butas na daanan, ang pagwawalang-bahala naman ng pari sa kanyang tungkuling ispirituwal sa bayan ay sinasagisag ng lumang simbahang nabubulok na rin, na hindi man lamang niya maibalik-balik sa dating ayos nito bago sumiklab ang digmaan. Ang bahagi ng plasa sa malapit sa simbahan ay napakarumi at napakapangit tingnan, tulad ng bahagi nitong sakop ng munisipyo. Sarisaring gumagalang hayop, katulad ng kambing, aso, manok, baboy, kabayo, baka’t kalabaw, ang palaging nandoon at nagkakalat ng dumi. Sinusudsod ng mga baboy ang lupa at ito’y napakapangit tingnan.

Ang mga nagsisimba naman tuwing araw ng Linggo ay nasa simbahan lamang upang makipagsosyalan at magtsismisan, at hindi upang sumamba sa Diyos. Walang nakaliligtas sa tsismisan, pati pari ay biktima, ngunit ang karamihan sa biktima ay ang mga taga-baryo na madalas ay wala sa uso o ayos ang pananamit. Palibhasa’y sinasamantala ng baryo ang pagsisimba sa Linggo upang magtinda ng kanilang produkto o di kaya’y mamasyal, hindi nakakapagtakang kakaiba sa mga taga-poblasyon ang pagdadamit nila sa ganitong okasyon.

Matalim ang pamumuna o satira dito ni Casabar; at ang pinatatamaan niya ay iyong mga taga-poblasyon na diumano’y laging nangmamata sa mga taga-baryo. Inaakala ng mga ito na mababa sa kanila ang mga taga-baryo, gayong kung tutuusin ay mainam na di hamak ang buhay ng taga-baryo kaysa buhay ng mga nasa poblasyon. At ang higit na kinasusuklaman ni Casabar ay ang mga taga-poblasyong tapos sa kolehiyo na may ganitong ugali ngunit nangakaistambay lamang, walang trabaho?mga abogadong walang kliyente,mga doctor na walang pasyente, mga inhinyerong walang itinatayong gusali o ginagawang konstruksyon; at mga maestrong walang puwesto sa pagtuturo.

Sa malaking inis ni Salvador sa ganitong sitwasyon, nag-isip siya nang malalim upang alamin ang ugat ng maghaharing kasamaan sa kanilang lipunan. Ang unang nakita niya ay ang pulitika. Para sa kanya, ang pulitikang umiral ay napakarumi, at lahat ng mahawahan nito’y sadyang nagiging bulok hanggang mangamoy. Ang hirap nito’y walang bagay sa buhay ng mga taga-Guilang na hindi kasangkot ang pulitika. Ang pagkahayok sa kapangyarihan at pagtangkilik na pampulitika ang ugat ng pagkamanhid ng mga pulitiko sa mga usaping panlipunan at pangkagalingan. At dahil rito, ang mga tao’y napipilitan na ring maging manhid. Idagdag pa rito ang pagwawalang-bahala ng pari, at hindi nga magtataka ang sinuman kung ang mamamayan ay wala na ring nakialam sa mga nagaganap na kasamaan. Isang halimbawang magpapatunay sa ganitong kamalayan ng tao ang nasaksihan ni Salvador noong may mahulog na karpintero mula sa mataas na andamyo. Ang mga nagsitungo sa pinangyarihan ng aksidente ay naparoon upang makiusyoso lamang, hindi upang dumamay sa nasawi. Ang masama pa nito’y nagbibitaw pa sila ng maaaskad na parunggit tungkol sa nasawi: “lasenggero kasi”; “hambog kasi”; “iyan ang napala niya.”

Sa patuloy na pagmumuni-muni ni Salvador, napasok sa kanyang isip na kung may malaking kinalaman ang pulitika sa ganitong pagkamanhid ng mga mamamayan, may higit pang malalim na dahilan, at ito’y nasa karakter mismo ng mga tao. Inaalihan sila ng “psychological malaise” na dulot ng nakaraang digmaang pandaigdig. Para sa kanya, ang mga nabubulok na simbahan, gusaling-bayan, mga kalsada at mga katiwaliang naghahari sa bayan ay mga balantukang pilat ng mga sugat na likha ng digmaan. Dahil dito’y malalim ang ugat ng naghaharing kasamaan sa lipunan. Nakikita ito ngayon ni Salvador at batid niyang hindi ito agad-agad na mapangingibabawan. At pagkatapos ng nangyari sa kanya’y nagising siya sa mapait na masaklap na katotohanang hindi sapat ang idealismo at kagitingan sa matagumpay na pakikibaka laban sa umiral na kasamaan sa Guilang; kailangang haluan din ito ng sapat na katalinuhan at pag-iingat. At ito nga ang sinasabi sa kanya ng kanyang gurong si Manchos: “Hindi ka basta na lamang makahahanap ng solusyon sa problema. May mga paraang kapag siya mong ginamit, ay para mo lamang ibinangga ang ulo mo sa konkretong pader. Kailangan dahan-dahan ka, mag-ingat ka, at gamitin ang utak.” Masasabing ang katotohanang nagisnan ni Salvador ay isa pang dimension ng kahulugan ng pamagat ng nobela. Dahil dito, magiging maingat na maingat na nga si Salvador, at ang pagkamaingat niya’y dumating sa sukdulang parang nawala na ang kanyang dating komitment. At ang resulta nga’y pinagdudahan siya ng mga kasamahan sa unyong sinalihan niya.

Sa pagbuo ni Casabar ng ganitong dimension ng kahulugan ng salitang “mariing,” malayang ginamit niya si Manchos, ang matalino, matalisik, at respetadong guro ni Salvador sa Economics bilang isang “raissoneur” o tagapangatwiran, kung baga sa drama. Matalas ang pag-iisip ng maestrong ito. Pumupukaw sa malalim na kaisipan ang mga tanong niya tungkol sa anumang isyung pinapaksa sa diskusyon; at laging praktikal o pragmatiko ang iminumungkahi niyang solusyon. Sa madaling salita’y kinakatawan ng maestrong ito ang kabilang aspekto ng kaisipan ni Salvador na magagawa niyang punahin kung kailangan, ang pagiging praktikal, maingat, at pragmatiko gaano man katindi ang kanyang idealismo. Makikita ito noong magpasya siyang kalimutan na lamang ang kanyang pangarap na ligawan si Emerita at pakasalan ito, dahil nga sa napakalaking nakikita niyang agwat ng kanilang katayuan sa lipunan, lalong-lalo na noong hindi na siya makapagpatuloy ng pag-aaral. At makikita rin ito sa pasiya niyang tumiwalang sa lihim na unyong sinalihan, noong siya’y magkaroon na ng asawa’t anak.

Kakatwang gaano man kalinaw ang mga isyung panlipunang pinagtutuunan ng nobelang ito, mayroon pang ilang mambabasang nagsasabi na ang Dagiti Mariing iti Parbangon ay isang romantikong kuwento ng pag-ibig lamang. Ang totoo, ang tinatawag na “love “plot” o paksang-banghay ng pag-iibigan ni Salvador at ni Emerita ay hindi ganap na nabuo sa kuwento. Sa kalakhang bahagi ng banghay at aksyon ng nobela, nakikita lamang ang dalawang ito bilang magkaibigang naghahangaan sa isa’t isa. Ngunit walang nangyayaring relasyon sa dalawa bilang magsing-ibig. Ang relasyong ganito ay nag-umpisa lamang sa huling bahagi ng kuwento, noong malapit nang umalis si Ermita upang mag-aral sa Maynila, matapos nitong maakit si Salvador. At pagkatapos ng eksenang ito, ang aksyon ay hindi na uminog sa naturang pag-iibigan. Halos hindi na nababanggit ang paksang ito, maliban lamang sa madalang na sulatan ng dalawa. Ang pag-iibigan nina Emerita’t Salvador ay kinasangkapan lamang ni Casabar upang makalikha ng kinakailangang “ironikong pihit” para magkaroon ng romantiko’t melodramatikong epekto ang kuwento at mapagbigyan ang kumbensiyonal na panlasang pampanitikan ng mambabasa, at ang kapakanang komersyal ng Bannawag.

Sa nobelang ito, ginamit ni Casabar sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang galling bilang manunulat para ipadama sa mga mambabasa ang kanyang labis na pagkamuhi sa mga nangyayari sa Ilocos, lalong-lalo na sa pulitika. At gaya ng isang boksingerong nais manalo, hindi niya tinimbang ang kanyang mga suntok. Simple, siksik, deretsahan at realistiko ang kanyang estilo. Upang mapanatili ang interes ng mambabasa, hindi niya kinalimutan ang halaga ng suspense at ang teknik ng “palipat-lipat na impresyon,” habang ibinubukadkad ang kuwento at ang mga detalye ng mga pangyayari. Sa nobelang ito, iwinaksi na ni Casabar ang kumbensyonal na estilo ng mga nobelistang nauna sa kanya?ang mahaba at sanga-sangang banghay ng kuwento at ang madalas na paggamit ng mabubulaklak, sentimental, masalimuot at maligoy na pangungusap. Gayunpaman, makulay pa rin ang estilo ng nobelang ito, gawa ng matitingka na paglalarawang madalas ay ginagamitan ni Casabar ng pinahabang paghahambing at metapora. At kahit alam niyang inis na ang mga kabataang mambabasa sa masentimyentong pangungusap, gumagamit pa rin siya ng ganitong estilo kung may sapat na batayan. Ang matingkad na paglalarawan sa nobela ay madalas na pinatitingkad pa at pinayayaman di lamang ng malimit na paggamit ng metapora at paghahambing, kundi pati na rin ng madalas na paggamit ng salawikain at mga palasak na kaisipa’t paniwala ng mga Ilokano.

Ang paggamit ng foklor sa nobelang ito ay lumilitaw na isang katangian ng estilo ni Casabar. Ang ganitong estilo ay nakakatulong nang malaki sa pag-ugnay ng kanyang kuwento sa karanasan ng mambabasang Ilokano. Isa pa, ang fauna at flora na nagpapayaman sa kanyang mga deskripsyon ay agad makikilalang Ilokano, at ang mga pook at kalupaang ginagalawan ng mga tauhan sa nobela ay hindi rin mapagkakamalang nasa ibang bayan. Lahat ng ito?pati na ang iba pang aspekto ng foklor at kinaugaliang buhay na nagpapatingkad sa saloobin, pagtingin, pagpapahalaga, at mga gawi o kinaugalian ng mga Ilokano (e.g., ang kanilang di matighaw napagkauhaw sa lupa, ang kanilang araw ng pagtitinda, atbp.) ?ay nagsama-sama sa nobela upang magbigay ng kulay, laman, lasa at amoy ng karanasang Ilokano. Gayunpaman, sa lalong malawakang perspektiba, ang naghaharing kabulukang moral at panlipunan na inilalarawan ng nobela ay siya ring naghaharing kabulukang moral at panlipunan sa buong bansa.

Mahusay ang paghawak ni Casabar ng tagpo sa nobela bilang isang prinsipal na kasangkapan sa pagbuo ng makulay, madula’t makahulugang panloob na istruktura ng nobela. At sa mga nakakaalam, malinaw sa kanila ang posibilidad na si Casabar ay naimpluwensyahan ng mga binabasa niyang akdang galling sa Europa at Amerika na nagbibigay ng mahalagang papel sa dagat bilang sentral na tagpuan ng dula o nobela. Kabilang sa mga posibleng nakaimpluwensya sa kanya ang mga sumusunod: ang nobelang Moby Dick ni Herman Melville; ang maikling nobelang The Old Man and the Sea ni John Millington Synge ng Ireland.

Maigsi lamang ang Riders to the Sea ngunit napakalakas ng dating bilang trahedya dahil sa papel na ibinigay sa tagpuan nitong dagat sa pagbuo ng istrukturang panloob ng dula. Ang isinasadula rito ay ang mapait na kalagayan ng isang ina na si Tandang Maurya. Ang kanyang asawa, biyenan, at anim na anak ay isa-isang nalunod sa dagat. At ganoon na lamang ang kapangyarihan ng marahas na kalikasan sa pamilyang ito na di man lamang nabigyan ng kaunting pagkakataong makapag-isip-isip kung paano sila makalilipat sa higit na Mapayapang lugar. Wala silang kawala sa mapait nilang kalagayan, sapagkat sanhi ang kanilang pagiging mahirap ng kanilang kawalang-kakayahan o kapangyarihang lumipat na lamang mula sa kanilang kinasasadlakan. Ganitong-ganito ang sitwasyong isinasalaysay sa Dagiti Mariing.

Inilalarawan naman sa Moby Dick at The Old Man and the Sea ang dagat bilang mahiwagang puwersa na kung minsan ay malupit at kung minsan ay mapagtangkilik. At ang puwersang ito ay napakahigpit ng hawak sa mga mangingisda?walang iniwan sa higpit ng hawak ng kapalaran sa isang nilalang. Ganito rin ang relasyon ng dagat at ng mangingisda sa Sabangan. Ang dagat ang tanging pinanggagalingan ng pagkain ng mga taong ito, wala nang iba; at ang dagat din ang nagdudulot ng kasiphayuan. Ito ang libingan ng lahat ng mga pangarap.

Nasabi ni Casabar na ang mga sinulat nina Melville, Hemingway, at Synge ay kabilang sa mga obra-maestrang kinagigiliwan niya. Kasama na rin dito ang mga akda nina John Steinbeck, Mark Twain, William Faulkner, James Joyce, Somerset Maugham, Willa Cather, Leo Tolstoy, at Anton Chekhov. Ayon pa sa kanya, ang mga namumukod-tanging naging inspirasyon niya ay sina Hemingway dahil sa kakaibang estilo nito; Steinbeck dahil sa simple niyang pagkukuwento; at Faulkner dahil sa malalim na kamalayang ipinadadama nito. Lahat ng mga elementong ito ay makikita sa Dagiti Mariing iti Parbangon , at sa ilan pang mga kuwento ni Casabar.

Kapansin-pansin sa kanyang nobela ang impluwensya ni Hemingway sa paglalarawan kay Apo Binoy. Katulad ng matandang mangingisda sa The Old Man and the Sea , ipinagmamalaki ni Apo Binoy ang kanyang lakas at galing bilang mangingisda. Gustong-gusto niyang gunitain ang mga nakaraang pakikipagsapalaran niya sa dagat na kinakitaan ng kanyang lakas at galing sa dagat. Ngunit matanda na siya, at tulad ng matandang mangingisda ni Hemingway, di na niya tantiyadong mabuti ang kanyang nalalabing lakas at kakayahan.

Isa pang maaaring impluwensya ni Hemingway kay Casabar sa Dagiti Mariing ay ang pagmanipula sa lengguwahe. Sa nobelang ito, mahusay ang hawak o kontrol ni Casabar sa salita?sa unang pagkakataon sa buong kasaysayan ng nobelang Iloko, tahasang iwinaksi ang tradisyunal na estilo ng panitikang Iloko na mapalabok, mabulaklak, masentimyento, at maligoy na pangungusap. Sa halip, madalas na ginagamit ni Casabar ang mga pangungusap na parang nag-uulat lamang; deretsahan at simple ang konstruksyon. Pati ang ritmo ng mga pangyayari’t diyalogo ni Hemingway ay madalas ding pumapasok sa estilo ni Casabar. Dapat ding banggitin ang paggamit ni Casabar ng masimbolong paglalarawan ni Hemingway sa ulan. Sa mga kuwento ni Hemingway, epektibo ang gamit ng ulan bilang pampatindi ng dating sa mambabasa ng paghihirap ng mga tauhang lugmok sa pagdurusa. Ngunit tahasan man ang pagwawaksi ni Casabar sa tradisyunal na estilo ng panitikang Iloko, hindi nangahulugang tinalikdan na niyang tuluyan ang paggamit ng mahahaba, makulay, mabulaklak, maligoy, at sentimental na pangungusap. Ginamit pa rin niya ang mga ito kung hinihingi ng daloy ng kuwento.

Nasabi ni Casabar na isa si Faulkner sa kinikilala niyang inspirasyon: hinangaan niya si Faulkner dahil sa kalaliman ng kamalayang ipinadadama ng mga kuwentong sinulat nito. Isa sa mga pamamaraang ginamit ni Faulkner upang mapalalim ang kamalayang ipinapadama ng mga kuwento niya ay ang karanasang-bayang naihayag sa folkor (e.g., ang motif ng isang “kulang-kulang” na siya palang may hawak sa karunungan at Katotohanan). Ganito rin ang ginawa ni Casabar sa kanyang Dagiti Mariing . Napakayaman ng nobelang ito sa tinatawag na buhay na karanasang-bayan?mga gawi, paniniwala, sawikain, at salawikaing Ilokano. At dahil dito, malapit na malapit ang diwa ng nobelang ito sa tunay na karanasan at kamalayang Ilokano.

Isa rin si John Steinbeck sa naging pangunahing huwaran niya. Simple at prangka ang estilo ng pagkukuwento ni Steinbeck sa kanyang obra maestrang The Grapes of Wrath , bagay na nagpatindi o nagpalalim sa dating nito bilang isang buhay at makatotohanang kuwento. Sa nobelang Dagiti Mariing , walang inaksaya si Casabar na panahon o espasyo sa tuloy-tuloy at tuwiran niyang paglaladlad sa banghay ng kuwento. Kung ang impluwensya ni Steinbeck kay Casabar ay damang-dama sa estilo ng pagsasalaysay, naroon din ang impluwensya nito sa tema ng nobela: ang kaunlaran ay ibinubunga rin ng karahasang nagdudulot ng pagdurusa sa maliliit, habang pinakakapal nito ang mga bulsa ng ilang maykaya at malalakas sa lipunan. Ang ideyang ito ang sentral na tema ng The Grapes of Wrath , at maaari ngang ito ay hiniram ni Casabar para gamitin sa kanyang nobela. Gaynman, may kaibhan ang pagdebelop ni Casabar sa temang ito. Sa kanyang nobela, ang kaunlaran ay nagiging sanhi ng karahasan, hindi dahil sa paraang ipinakikita ni Steinbeck kundi dahil sa pulitika sa paraang ipinakikita ni Steinbeck kundi dahil sa pulitika na laging sumisira sa takbo ng mga proyektong pangkabuhayang itinataguyod sa Ilocos.

Kung may malaking kaibhan ang Dagiti Mariing sa mga nobelang Ilokong inilalathala ng mga naunang nobelista, lalong-lalo na sa punto ng pagpili ng paksa ng kuwento at sa punto ng estilo ng pagkukuwento’t pagmamanipula ng wika, malaki rin ang pagkakaiba nito sa punto ng kumbensyunal na paglalarawan sa mga tauhan. Halimbawa’y ipinakikilala si Emerita na maganda’t batang-bata pang babae, na umano’y may kakaibang kilos at pagpapahalagang hindi angkin ng kanyang mga kapanahon, lalo na sa punto ng relasyon ng lalaki at babae. Siya at si Salvador ay humahanga sa isa’t isa. Alam nilang sila’y lihim na umiibig sa isa’t isa; ngunit hindi man lamang nabubuksan ang paksang ito sa kanilang mga usapan bunga ng malaking agwat ng kalagayan nila sa lipunan. Mayaman si Emerita ngunit dukhang-dukha si Salvador. Isa pa, pupunta na si Emerita sa Maynila upang pumasok sa kolehiyo. Sa kabilang dako, wala nang pag-asang makapasok si Salvador sa kolehiyo dahil na nga sa aksidenteng nangyari sa kanyang lolo. Mananatili na lamang siyang isang mangingisda sa Sabangan. Kung kaya’t iwinaksi na niya sa kanyang isip ang mga dati niyang pangarap tungkol kay Emerita.

Ngunit kakaibang babae si Emerita. Kung ayaw buksan ni Salvador ang usapan tungkol sa lihim nilang pagtatangi sa isa’t isa, si Emerita na rin ang nagbukas sa pamamagitan ng matagumpay na mapanuksong paraan. Nagplano siya ng isang piknik sa Sabangan na dinaluhan lamang ng apat?siya, si Salvador, at ang dalawa niyang kaibigan. Mabilis ang mga pangyayari. Nahikayat ni Emerita si Salvador na makipagtalik sa kanya. Nangyari ito bago pumunta ang dalaga sa Maynila. Di nagtagal ay naramdaman ni Emerita na buntis na pala siya. Dahil dito, di siya nag-atubiling umuwi, hindi sa bahay nila kundi sa bahay ni Salvador, upang tiyakin kung kayang panindigan ng lalaki ang pinasukan niyang responsibilidad, at tanggapin siya bilang asawa.

Dahil sa pangyayaring ito, itinakwil siya ng kanyang galit na galit na mga magulang; ngunit di niya ito alintana. Ang mahalaga’y nakuha niya ang kanyang nais: ang pag-ibig ni Salvador bilang asawa.

Upang mabigyang-diin ni Casabar ang indibidwalidad ni Emerita at ang kanyang progresibong disposisyon o mentalidad, lumikha siya ng dalawang karakter na malapit kay Emerita, si Fe at si Soling. Ang karakter ng dalawang ito ay taliwas sa karakter niya?mahinhin sila’t walang sariling pag-iisip. Takot na takot sila sa ginawa ni Emerita sa piknik, at pagkatapos noon ay labis na nilang ikinahiya ang kanilang kaibigan.

Batay sa mga ganitong obserbasyon, malaki ang pagkakaiba ni Emerita sa karamihang babae sa mga naunang nobela sa Iloko?mga babaeng masyadong sentimental, masunurin sa magulang, labis na mahinhin, at sinasagisag ng kadalisayan.

Marami pang ibang interesanteng tauhan sa nobela bukod sa mga nabanggit na. At masasabing sa pangkalahatan, matagumpay ang paglalarawan ng mga tauhan saDagiti Mariing . Ipinakikita dito ni Casabar ang kanyang malalim at malawak na kaalaman sa kalikasan ng tao bilang nilalang na binubuo ng sariling pagkatao’t kultura ng kapaligirang panlipunan.

Bilang pangwakas, masasabi natin na mula noong malathala ang Matilde de Sinapangan hanggang sa lumabas ang Dagiti Mariing iti Parbangon , mayroon nang ilang pagbabagong naganap sa nobelang Iloko?pagbabago sa paksa, tema, at estilo. Lamang, ang mga pagbabagong ito ay di pa gaanong marami at radikal upang masabing nakawala na ang nobelang Iloko sa pinagmulang kumbensyon at tradisyon sa nilalaman, diwa, porma at estilo, at patungo na nga sa kakaibang anyo at diskurso.

Sa pag-aaral na ito, nakita nating hanggang sa kapanahunan ni Constante C. Casabar noong mga taong 1950, nang ang mga puwersang panloob at panlabas ay nag-umpisa nang kumulo’t magbunga ng gulo sa lipunan, nanatili ang nobelang Iloko sa kanyang mabigat na pagkiling sa pinagmulang tradisyon at kumbensyon. Nanatili itong napakasentimental, napakamelodramatiko at masyadong mapangaral, at ang tanging layunin ay bigyang-aliw ang mambabasang Ilokano at maipamalas sa kanila ang kultura nilang sinilangan at kinalakhan. Wala pang ipinakikitang nagproprotestang kamalayan, sapagkat nananatili pa rin ang lipunang Ilokano sa pasibong pagtitiis sa isang kalagayang hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, at ang panitikan ay nagsisilbi lamang sa pagtakas sa realidad ng buhay. Ngunit pagdating ng kalagitnaan ng dekadang 1950, mitsang umiikli ang pagtitiis ng mga Ilokano habang lumalala ang sitwasyon ng bayan. Nagsimula na rin silang mapuno sa mga di kanais-nais na pangyayari, at unti-unti na ring umusbong ang nagproprotestang kamalayan.

Hindi nga nakapagtatakang sa paglitaw sa piksyong Iloko ng isang matalino’t sensitibong manunulat na gaya ni Constante Casabar, di naglaon ay nagkaroon na ng makabuluhang pagbabago ang nobelang Iloko. Sa kamay ni Casabar, ito’y naging makatotohanan sa nilalayon, diwa, at estilo, at pinagkaabalahan na nito ang mga isyung panlipunan. Bunga ng kanyang pormal na edukasyon sa panitikan, naging tunay na makasining ang piksyong Iloko lalong-lalo na ang nobela. Ang mga katangiang ito ay naging katangian ng nobelang Iloko sa mga dekadang 1960 hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, masasabing si Constante C. Casabar ang pangunahing nobelistang transisyunal sa Iloko mula sa romantikong tradisyon at kumbensyong pinagmulan nito, tungo sa realistiko at makabagong anyo na may malakas na kamalayang panlipunan.

“Romantisismo, Estilong Pilipino ” Itinatak sa Nobelang Tagalog

“Romantisismo, Estilong Pilipino “
Itinatak sa Nobelang Tagalog
ni Ruby Gamboa-Alcantara

ANG NOBELANG TAGALOG NOON

Ang nobelang Tagalog ay iniluwal sa panahon ng mga Amerikano. Ito ay pinatutunayang produkto na labas sa panahon ng pananakop ng mga kastila bagamat napakayaman sa impluwensiya ng nasabing panahon. Walang maituturing na nobelang masining at makabuluhan na nasulat noong panahon ng Kastila maliban saNOLI at FILI ni Rizal na nasa wikang Kastila. Ang La Loba Negra ni Jose Burgos ay lubhang dramatiko (melodramatika) at ang Ninay (1985) naman ni Pedro Paterno ay kawangking-kawangki sa banghay ng NOLI ni Rizal. Ang Ninay ay nagtangkang maging tunay na nobelang Pilipino sa paggamit ng mga tanawing Pilipino na buong buhay na inilarawan sa nobela at sa paglalangkap ng mga kaugaliang Pilipino (halimbawa’y “paglilibing”) subalit naging pilit ang pagkakapasok ng mga elementong ito kaya’t naging artipisyal ang kabuuan ng tinangkang pagka-Pilipino.

Ang kawalan marahil ng mga naipalimbag, naipalathala, o maaaring naisulat na nobela noong panahon ng Kastila ay maipaliliwanag sa mga sumusunod na dahilan:

•  malaking halaga ang kaugnay na gagastahin sa pagpapalimbag;

•  ang mga manunulat o maging ang karaniwang mamamayan ay walang layang maglahad ng kanilang damdamin at kaisipan dahil sa kahigpitan ng sensura; at

•  namalasak ang mga sanaysay at panunuligsa na ibinunga ng Kilusang Propaganda at siyang mga inilathala sa Pahayagang La Solidaridad.

Karagdagan pa ang katotohanang ang ilang mga nakasulat ng nobela noong panahong nabanggit, halimbawa ay si Rizal, ay hindi nagtatag ng mga panuntunan sa pagsulat ng nobela. Kaya’t walang nagawa ang mga manunulat na/sa Tagalog kundi ang bumuo ng sari-sarili nilang huwaran sa pagsulat. Nanguna rito sina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Peña at kaagad namang sinundan ng mga manunulat na sina Aurelio Tolentino, Iñigo Ed. Regalado, Roman Reyes, at marami pang iba.

Karamihan sa mga tagapanguna ng nobelang Tagalog ay aral sa paaralang Kastila kung kaya’t hindi naman kataka-takang ang kanilang malikha ay mga kuwentong Kastila rin ang kaanyuan. Mapupunang ang kalakhan ng mga nasulat ay natutungkol sa pananampalataya (nobena, awit, korido, moro-moro, komedya, atb.) at kagandahang-asal. Sa kabuuan, binigyang-katangian ni Teodoro A. Agoncillo ang panitikan ng panahon ng Kastila na “patakbuhin na’y amoy simbahan pa.” Kaya’t nabuo ang konsepto ng nobelang Tagalogbilang behikulong pampangaral o pampalipas-oras at dagdag pa ay pampalaganapng maka-kolonyal na buhay at kaugaliang Pilipino (Pilipino sa depenisyon ng panahong iyon.)

ANG TRADISYONG ROMANTISISMO SA NOBELANG TAGALOG

Litaw na litaw na ang panahon ng Kastila ay kakambal ng pagpasok ng romantisismo sa Pilipinas. Nag-ugat ang romantisismo sa kamalayang Pilipino noong 1800 – nang mamalasak ang panitikang halaw sa itinapon ng kulturang Europeo na metrical romances . Ang impluwensiyang ito ay lalo pang pinalaganap ng “panitikang hindi nakasulat” na bukambibig ng mga prayleng Kastila at siya pa ring naging batayan ng mga panulat ng ilang mga Pilipinong nakapag-aral at nakabasa ng mga akda ng mga tanyag na manunulat na Kastila.

Subalit kaiba sa romantisismo ng Espanya ang ” romantisismo sa Pilipinas katulad ng pagkakaiba na ng relihiyong Katoliko sa Europeo sa Katolisismong ipinakilala sana at taglay pa ng Pilipinas. Ang kabalintunaang ito ang naging bunga ng maling pagpapasunod at pamamalakad sa pamahalaan ng mga nagsidating naconquistadores . Ayon sa kasaysayan ng romantisismo sa Espanya, ang “romantisismo ” ay palagiang kapantay sa kahulugan ng rebolusyon o pagbabagong-anyo sapagkat ang Kilusang Romantiko ay reaksiyon sa neo-classicismo na puwersang nagpapamalagi sa status quo sa pagtataguyod ng mga layuning (1) panatilihin ang kaayusan o decorum ; (2) bigyang-diin ang ilusyon ng realidad; at (3) padalisayin ang paggamit ng wika. Sa gayon, ang “romantisismo ay pagpupunyagi, sa kabila ng lumalaking balakid batay sa katotohanan, na matamo, mapanatili o mabigyang pagmamatuwid ang mailusyong pananaw sa sandaigdigan at buhay ng tao na bunga ng maimahinasyong paglalangkap ng karaniwan at di-karaniwan, ng alam at di-alam, ng totoo at ideyal, ng mga may takda at walang katakdaan, ng material at ispiritwal at ng natural at supernatural.”

Sa kabilang dako, ang konseptong ito ng “romantisismo” ay nag-iiba sa paglipas ng panahon. Kaya nga’t ang isinasaad na pagbabagong-anyo na taglay nito sa kapaligirang 1750 sa Pransiya ay natabunan naman ng naipagkamaling mga katangian ng neo-classicismo . Tuloy, ang naging diin ng impluwensiyang tinaguriang “romantisismo estilong Pilipino” ay sa mga katangiang malayo sa katotohanan (ilusyon at/o imahinasyon), eskapismong matatawag , o kung katotohanan man ay eksaherado naman (pag-ibig, sentimentalidad, atb.) katulad halimbawa ng pagiging makapangyarihan ng pag-ibig sa iba pang sangkap sa kuwento, sobrang pagbibigay-kaganapan sa mga detalye ng kalikasan, patriotismong pilit, Katolisismong bulag , at kung anu-ano pa. Pagpapatunay lamang din na ang “romantisismong” ito ay hindi ang romantisismong Europeo na reaksiyon sa neo-classicismo kundi ang kataliwas nito.

Patutunayan ito ng mga katangiang gumitaw sa pagsusuri sa mga sumusunod na nobela na hinati ayon sa panahon ng pagkakalimbag at paghuhubog:

1906 Juan Masili , Patricio Mariano
1910 Bagong Dalaga , Roman Reyes
1911 Kung Magmahal ang Dalaga , Iñigo Ed. Regalado
1920 Ang Mestisa , Engracio Valmonte
1923 Ang Pag-ibig At ang Babaye , Jose Villamor
1933 Sanggumay , Gregorio C. Coching
1945 Fort Santiago , Pedrito Reyes
1946 Lakandula , Alberto S. Cruz
1947 Alipin ng Kagandahan , Roberto S. Teodoro
           Ang Pangarap Kong Birhen , Carlos Padilla
1949 Dalawa Ang Ina , Mateo Reyes
1953 Timawa , M. S. Martin
1958 Ang Pagkamulat Ni Magdalena , A. G. Abadilla at Kapulong
1960 Biro ng Tadhana , Pascual Manalo
1967 Dilim Sa Umaga , Efren R. Abueg
1971 Lagablab ng Kabataan , Dr. Fausto J. Galauran
           Mga Buwaya sa Lipunan , Celso A. Carunungan
           Hanggang Sa Kabila ng Langit , Liwayway A. Arceo
           Satanas sa Lupa , Celso A. Carunungan
1972 Kumusta Si Peter , Benjamin Pascual
1972 Mga Kaluluwa Sa Kumunoy , Efren R. Abueg
1973 Mister Mo, Lover Boy Ko , Efren R. Abueg

Nakalulungkot, malaman na ang nobelang Tagalog ay hindi pa rin nakaigpaw sa elemento ng pag-ibig na ayon kay Balagtas ay

. labis ang kapangyarihan,
Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw!
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang.
At yuyurakan na ang lalong dakila,
bait, katuwira’y ipanganganyaya,
buong katungkula’y wawalaing-bahala,
sampu ng hininga’y ipauubaya.

Simula sa nobelang Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972) ay tinalakay ang tungkol sa pag-ibig: pag-iibigan ng magkasintahan, tatsulok na pag-ibig, doble-tatsulok na pag-ibig, at basta pag-ibig.

Si Enrique, sa Juan Masili , ay nagtangkang magpatiwakal sapagkat ang kanyang katipang si Benita ay ipinagkasundong ipakakasal sa mayamang si Kapitan Ape. SaBagong Dalaga , bubuo ng isang tatsulok sina Manuel, Elisa at Ines, ng isa pa sina Elisa, Matias at Engracio, at ng isa pa sina Elisa, Manuel at Engracio. Ang magkasintahan dito ay sina Manuel at Elisa, si Ines ay kaibigang matalik ni Elisa na may pag-ibig na taglay para kay Manuel, si Engracio ay mangingibig ni Elisa, gayundin si Matias. Sina Engracio at Ines ay nagsapakat na paghihiwalayin sina Elisa at Manuel upang kanilang maangkin. Mabuti na lamang at ang gagawin nilang panulot na si Matias ay tapat ang pag-ibig kay Elisa (ayon ito sa nobela) kaya’t nang magselos si Manuel at magkagalit sila ni Elisa, si Matias ang gumawa ng paraan sa kanilang ipagkakasundo sa dahilang hindi niya matiis na maghirap ang kalooban ni Elisang kanyang minamahal. Ang tatsulok sa Kung Magmahal Ang Dalaga ay binubuo nina Flora, Mario at Padre Raul na isang prayleng Kastila. Kinasangkapan ni Padre Raul ang pagiging relihiyosa ng isa sa tiyahin ni Flora upang mahikayat na itira sa isang hiwalay na bahay si Flora nang mailayo raw diumano sa masasamang mata ng tao. Subalit sa katotohanan, may matinding pagnanasa si Padre Raul na maangkin si Flora at ito ang pamamaraang naisip niyang gawin upang maisakatuparan ang maitim na balak. Sa Ang Mestisa magkakaagaw kay Tirso sina Teang at Elsa. Paghihiwalayin ni Elsa sina Teang at Tirso at babalakin pang pikutin ang lalaki. Si Mercedes naman sa Ang Pag-ibig at Ang Babaye ay magmamartir sa pagkakapahiya sa pagbubunyag ng ginawang pakikipagkita at pakikipagtagpo sa kasintahang si Arturo upang ang huli ay mapawalang-sala sa ibinibintang na pagpatay sa isang babae. Sina Danilo at Carmen naman ay ikakasal sa Fort Santiago , kaya’t maghihinanakit si Dolores na kapatid sa turing ni Danilo sapagkat ang dalaga pala ay may lihim na pagtingin sa binata. Si Carmen naman ay inaalala pa ang dati niyang kaklase na si Roberto. Magkakaroon ng digmaan at si Danilo ay ipadadala sa Bataan; sa pagbabalik, ito ay bulag na. Si Carmen naman ay sasama na kay Roberto at si Dolores ang maiiwan kay Danilo. Sa Lakandula , magkasintahan sina Angel at Amelia ngunit pipikutin ni Tindeng si Angel; magugumon sa bisyo si Angel at sa huli ay magkakatagpong muli sila ni Amelia na isa nang “social worker”. Ang bubuo naman ng mga tatsulok sa Alipin ng Kagandahan ay sina Dela at Oscar at ang iba pang tatsulok ay sina Oscar, Elma at Federico at ng isa pa’y sina Dina, Ruben at Oscar. Sina Rogelio, Maria Luisa at Ester naman sa Ang Pangarap Kong Birhen ; sa Timawa ay sina Andres, Alice at Lily; sa Ang Pagkamulat ni Magdalena ay sina Dario, Denang at Pong ang isa at ang pangalawa ay sina Dario, Denang at Miss Reyes. Mayroon ding tatsulok sa Biro ng Tadhana – sina Loring, Pastor at Jaime. Sa Mga Buwaya Sa Lipunan ay sina Armando, Senador Morales at Chita. Sina Rica, Jaime at Roberto ang unang pangkat at sina Padre Jesus Marin, Rica at Roberto ang pangalawang pangkat sa Hanggang Sa Kabila ng Langit . Sina Benigno, Conrado at Chona sa Satanas Sa Lupa ; at sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ay sina Bayani, Marilou at Atty. Bondoc.

Sa halos lahat ng mga nabanggit na tatsulukan ng pag-ibig ang karaniwang pinagtatapusan ay ang kasal o pagsasama nang maligaya hanggang sa wakes. Ito ay pagsunod pa rin sa pagpapanatili sa/ng kaayusan o pagbabalik sa kaayusan. Sabi nga ni Ginoong Virgilio S. Almario:

Kakanggata ng ganitong pagsulat ang ganitong konsepto ng pagsunod sa tibok ng puso at ng banal at dalisay na pagpapakasakit alang-alang sa minamahal. Nasa pinakamasaklap na pagtitiis ang tamis ng muling pagkakatagpo sa nawawalang kasintahan o asawa. Nasa magandang pagtatangi-tangi naman ng walang kahulilip na via cruces ng pag-ibig ang sulatan ng kakanyahan ng mangangatha.

Isa pa rin itong pagpapatunay na ang naging pag-unlad ng balangkas ng tunguhin ng panitikang Pilipino sa pangkalahatan at ng nobelang Tagalog sa partikular ay isang paulit-ulit na proseso lamang ng pagbalik sa pinagmulan kapag malapit nang marating ang kaituktukan ng pagsulong-pagbalik o ng pagtaas-pagbaba mula sa temang romantikong pag-ibig tungo sa makabuluhang kamalayang panlipunan. Dangan nga lamang at tila nananaig pa rin ang unang baiting.

Kung sisiyasatin natin ang unang sampung taon ng mga Amerikano sa Pilipinas ay malalamang may ilang nobela rin naming nalikha na nauukol sa mga suliranin ng mga anakpawis, magsasaka o magbubukid, manggagawa at iba pang kauri.Samakatuwid, mahihinuhang naipakilala na sa lipunang Pilipino ang katotohanan tungkol sa umiiral na antas ng pangkabuhayan na malaki ang epekto sa iba pang aspeto ng lipunan – pulitikal, sosyal at cultural. At ang katotohanang ito ay taglay o tinaglay ng mga nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos (1906), Anino ng Kahapon ni Francisco D. Laksamana (1906), Sa Ngalan ng Diyos ni Faustino Aguilar, Juan Masili ni Patricio Mariano, at iba pa. Sa gayon, mauuri ang bahaging ito ng panahong iyon bilang paitaas na pagsulong ng balangkas ng pag-unlad sapagkat hindi lamang napirme sa temang romantikong pag-ibig ang mga nobela kundi natuto na ring humarap sa mga tunay-na-pangyayari sa kapaligiran, natuto na ring manuligsa sa kalakaran ng lipunan. At kung madawit pa rin ang tungkol sa pag-ibig, masusuring ito ay ginamit na lamang bilang isang behikulo ng tunay na binibigyang diing tema sa nobela. Subalit katulad pa rin ng kapaniwalaang angkasaysayan ay nauulit , ang pagsulong na ito ay nagbabalik ding pilit sa pinagmulan. Tila may kung anong puwersang pilit na humahadlang sa pagsulong ng panitikan o sa particular, ng nobelang Tagalog.

Ang panahong 1800-1900 ay maihahanay natin bilang isang yugto na humubog sa kamalayan ng mga nobela nina Lope K. Santos, F. Laksamana, atb. Kung kayat’ sa huling bahagi ng panahong ito at unang bahagi ng susunod na panahon 1900-1911(unang yugto ng Panahon ng Amerikano) masasabing nasa itaas ang kamalayan ng nobela . Ang Juan Masili ni Patricio Mariano ang kinatawan ng panahong ito sapagkat dito ay nakita na ang pagtuligsa sa pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap. Ang ama ni Juan sa nobela ay ipinabilanggo at ipinapatay ng mayamang si Kapitan Tiago dahil sa pagtatanggol ng una sa kanyang karangalan na nirumhan ng Kapitan sa ginawang panggagahasa sa asawa (ina ni Juan). Subalit ang nobelang ito ay hindi pa rin lubos na nakatakas sa impluwensiya ng romantisismo tulad ng pagiging sentimental ng ilang bahagi nito at ng halos walang katapusang mga pangyayari. Hindi pa nagkasiya sa pagpapahirap sa buhay ni Juan ang manunulat kung kaya’t ipinagpatuloy niya ito sa pagpapasok kina Enrique at Benita na magiging biktima pa rin ng kabuktutan ng buhay. Kitang-kita pa rin sa nobelang ito ang pagiging romantiko ng pagtanaw sa buhay ni Enrique na sapagkat masasawi sa pag-ibig ni Benita (na ipakakasal sa isang mayaman) ay binalak nitong magpatiwakal. Ito ay romantikong-romantiko sa paniniwalang ang buhay ay puno ng pagdurusa at pagpapakasakit, ang kaligayahan ay isa lamang panaginip sapagkat ang tunay na katotohanan ng buhay ay nasa pagdurusa at pagpapakasakit at pagtitiis, at ang kalutasan lamang ng lahat nang ito ay kamatayan. Samakatuwid, ang itinaas na kamalayan ng Banaag at Sikat ay pakunwang inalalayan ng Juan Masili at patagong binitiwan. Kung kaya’t ang mga nobelang nasulat sa panahong kasunod (1910-1940 0 ay naglunoy na naman sa konsepto ng pag-ibig . Sa mga pamagat na lamang ay makikita na ang sinasabing pagbabalik sa pinagsimulang: 1910 – Bagong Dalaga ni Roman Reyes; 1911 – Kung Magmahal Ang Dalaga ni Iñigo Ed. Regalado; 1920 – Ang Mestisa ni Engracio Valmonte; 1923 – Ang Pag-ibig at Ang babaye ni Jose Villamor; 1933 – Sanggumay ni Gregorio C. Coching. Bukod pa sa pagtalakay sa pag-ibig, ang mga nabanggit na nobela ay tumukoy pa rin sa mga sumusunod na tema:

•  pagtutol ng mga magulang sa pag-iibigan ng mga anak na impluwensiyang nasapol mula sa aristokratang pananay ng mga Kastila ( Bagong Dalaga; Ang Pag-ibig at Ang Babaye ),

•  impluwensiya ni Rizal: panunulisan tulad ni Elias ( Juan Masili ); pag-aampon tulad ni Padre Florentino kay Simon ( Juan Masili , si Juan ay inampon at pinaaral ng isang matanda; Bagong Dalaga , bagama’t ibang uri naman ng pag-aampon ang ginawa ni Mang Adyong kina Aling Dolores at Elisa); katiwalian ng prayleng Kastila ( Kung Magmahal Ang dalaga ) na masasabing reaksiyon sa pananakop ng Kastila; at

•  pamana ng pananakop ng Amerikano; bahay-aliwan at babaing mababa ang lipad ( Sanggumay ).

Ang susunod namang yugto ng paghuhubog, ( 1940-1960 ) na sumasakop sa mga panahon ng Digmaang Pilipino-Hapones, Komonwelt at Republika ng Pilipinasay nagsimula na naman sa unang baiting ng balangkas ng pag-unlad sa nobelang Tagalog ng nauukol sa pag-ibig. Lahat halos ng halimbawang nobela sa panahong ito (sa pag-aaral na ito) ay nagpapatunay: Fort Santiago – 1945, Lakandula – 1946,Alipin ng Kagandahan – 1947, Ang Pangarap Kong Birhen – 1947, Timawa — 1953, Ang Pagkamulat ni Magdalena – 1958, at Biro ng Tadhana – 1960. Bagamat dahil na rin sa pagkakapagpakilala sa Pilipinas ng mga bagong konseptong tinaglay ng mga mananakop na dayuhan at ng pakikipag-ugnayang panlabas ng Pilipinas ay nagkaroon ng dagdag na temang paglulunuyan ang nobela. Bukod pa rito, nagkaroon ng pangganyak ang mga nobelista na sumulat ng naiiba dahil sa ibinigay na laya sa pagsulat ng panahon ng mga Amerikano kaya’t makikita na ang pagtalakay sa mga temang nauukol sa pulitika ( Lakandula ), pagsusundalo at digmaan ( Fort Santiago; Lakandula, Timawa ), materyalismo ( Alipin ng Kagandahan; Lakandula; Timawa ). Nararapat sanang ang pag-akyat sa baitan ng pag-unlad ay tumaas na sa pagpasok ng mga bagong kaisipan subalit matindi ang impluwensiya ng “romantisismo” lalo na sa aspekto ng pagpapanatili ng kaayusan,order decorum tulad ng ipinakita sa Ang Pangarap Kong Birhen, Alipin ng Kagandahan at Biro ng Tadhana kung saan ang mga magkahiwalay na magkasintahan (o mag-asawa) ay nagsamang muli o nagpakasal sa katapusan ng nobela (tulad ng nabanggit na). Gayundin naman sa mga nobelang Fort Santiago, Lakandula at Timawa sa hindi pagiging makatotohanan ng balangkas o sa karamihan ng mga pangyayaring isinasalaysay. Sa Fort Santiago : ang kasal nina Carmen at Danilo ay hindi natuloy sapagkat nagpunta sa digmaan ang binata; sumama kay Roberto si Carmen; bumalik na bulag si Danilo; nagkitang-muli sina Dolores at Danilo at sa katapusan ay sila ang nagkasama. Sa Alipin ng Kagadahan, ang simula ay sa pagkakagulo ng pagliligawan nina Dina, Dela, Oscar, Elma, Ruben, Federico at iba pa; sa katapusan naman ay sina Federico at Elma, Ruben at Dina ang magkakatuluyan. Pareho rin sa nobelang Biro ng Tadhana kung saan sina Miling-Jaime at Loring-Pastor ay nagpakasal, si Loring ay mag-aartista at pag-aasawang muli ni Pastor kay Lupeng pagkamatay ni Loring. Sa yugto ring ito pumasok ang pagpapakilala sa Amerika bilang lupang pangako o pandaigdig ng kaunlaran at kaligayahan tulad ng pagbanggit sa pagkakapanggaling ni Andres Talon (Timawa) sa Amerika kung saan siya ay nag-aral upang sa pagbabalik sa Pilipinas ay makaharap na muli ang mga taong humamak sa kanya. Isa pa marahil bunga ng pagpapakilala ng kaisipang demokratiko sa Pilipinas ang naging tema ng nobelangDalawa ang Ina ni Mateo Reyes na tumungkol sa paglilitis sa korte suprema (ilusyon ng hustisya o katarungan) sa kaso nina Jose de Villa, Mercedes de Villa at Emilia Perez na ang pinagtatalunan ay kung sino ang kikilalaning ina ng batang (binata na sa paglilitis) si Jose – ang kanyang inang nagluwal sa kanya o ang kanyang ina-inahang nagpalaki, nag-arua at nagpaaral sa kanya. Tanging-tanging ang nobelangAng Pagkamulat ni Magdalena ang nag-iba nang kaunti bagamat itinuturing lamang ito na isang pagpapakalunod sa paksang sex . Sabi nila Ginoong Rogelio Ordoñez

Ang “Pagkamulat ni Magdalena” ay halos naglunoy lamang sa paksangsex , at ang paksang sex ay angkop lamang sa mga bansang nasa daigdig na ng makina at may ganap nang maunlad na ekonomiya.

Kung naging matapat man ang paghahangad ng “Pagkamulat ni Magdalena” na naging makasining at kung tanda man ito ng “isang katotohanang paghihimagsik ng panitikang tagalong,” hindi naman ito nakaigpaw sa malakas na impluwensiya sa diwa ng may-akda ng mga akda ni D. H. Lawrence. Kung nagkaroon man ito ng pagtatanghal palayain ang panitikang Pilipino, wala itong nagawa kundi ibilanggo ang kaluluwang Pilipino sa bartolina ng sex !

Gayunman, may bahid ng pagiging propetiko (prophetic) ang Pagkamulat . sa pagtatangkang ilarawan ang magiging panahon ng pananakop ng mga Intsik na Komunista sa taong 1980. Ito ay masasabi pa ring bakas ng “romantisismo” na naiwan sa kamalayang Pilipino hanggang sa panahong iyon ng 1958; sapagkat ang paghula sa magiging hinaharap ay isa pa ring uri ng kalabuan o kahiwagaan o ang kilala sa taguring mistisismo na inianak na rin ng “romantisismo”. Ang katangiang ito ay pinatunayan pa rin sa huling yugto ng nobela kung saan si Denang ay nagkaroon ng mga pangitain ng pangyayaring magiging dahilan o magdudulot ng kapahamakan kay Dario at ng kamatayan naman para sa kanya. Pinaigting pa ito ng tagpo na kung saan ang isang lalaking balbasin ay nagpakita sa kanya bago siya tuluyang nalagutan ng hininga. Katangian pa rin ng nobelang ito ang pagiging biblical sa pagkakapasok pa rin ng ilang elementong panrelihiyon tulad ng mga pangalang Magdalena, Lazaro, Beronika; historikal sa mga pangalang Kasamang Rizal, Del Pilar, atb Ideolohikalsa mga bahaging tumatalakay sa mga simulain o paniniwala na makikita sa mga naganap na pagtatalo tungkol sa pamahalaan (Dario vs. Pong), lipunan at ekonomiya (Dario vs. Johnson) at relasyong pisikal (Dario vs. Denang). Subalit ang mga katangiang nabanggit ay hindi pa rin naglalagay sa nobelang ito sa ituktok ng kamalayang panlipunan sapagkat nangaral lamang ito ng ilang pilosopiya tungkol sa moralidad at imoralidad, seremonyas sa relihiyon, indibidwalismo, kapayakan ng buhay, at pakikipagtulungan ng Pilipinas at Estados Unidos. Nagkulang pa rin ito sa paglalarawan sa realidad ng kolonyal na sosyedad o lipunang Pilipino; hindi ito “isang literaturang maghahantad sa kabulukan ng kasalukuyang lipunan, isang literaturang parang panistis na bibiyak sa ninanana at inuuod na kaisipan ng sambayanan. “(Sapagkat ) Para maituring na mahalaga ang isang literature o anumang bahagi ng literature, dapat na magkaroon ito ng kaugnayan sa mga pangunahing problema ng bayan – kung bakit patuloy na nagdaralita ang maraming Pilipino, kung bakit atrasado an gating ekonomiya, at kung bakit patuloy na napagsasamantalahan ang masa.”

Ang ikaapat na yugto ng paghuhubog ( 1967-1972 ) ay mailalarawang pinakamataas na panahon sa nobelang Tagalog sapagkat sa panahong ito naisulat at nailathala ang mga sumusunod na akda na naging kinatawan ng paghingi ng pagbabago sa lipunan:

1967 Dilim sa Umaga ni Efren R. Abueg (ERA)
1971 Lagablab ng Kabataan ni Dr. F. J. Galauran
           Mga Buwaya sa Lipunan ni Celso A. Carunungan (CAA)
           Satanas Sa Lupa ni CAA
1972  Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ni ERA

Sa Dilim Sa Umaga , tinalakay ang tungkol sa anomalya sa tanggapang pinaglilingkuran ni Antero at pinamumunuan ni Mr. Collas. Ang tanggapang ito ay isang sangay ng gobyerno na namamahala sa komunikasyon. Isiniwalat dito ang ginagawang panloloko sa tao ng ilang pulitikong kauri nina Mr. Collas at Senador Montano; pang-aapi sa mga api nang tulad ni Meliton; anomalya sa mga ospital na nagbibili ng bangkay ng pasyente. Inilahad din ang tungkol sa kilusang pangnasyonalismo sa pamumuno nina Ligaya at Bayani; demonstrasyon ng kabataan at kilusang manggagawa laban sa ilang kampanya ng gobyerno, atbp. Dapat sana ay nakaiwas na ang nobelang ito sa daloy ng “romantisismo” subalit nakita pa ring sa katapusan ng nobela ay ibig tumakas ni Antero sa katotohanang nagaganap sa kanyang kapaligiran. Natakot pa rin siyang makipagtunggali sa katotohanan at humanap ng lunas sa kanyang mga suliranin at sa suliranin din ng kanyang bayan. Nanaig pa rin ang pag-iwas na ito ni Antero – eskapismo pa rin ang kalutasang sinuungan niya. At nang makumbinsi na siyang sumama sa demonstrasyon, ang dahilan ay si Ligaya at hindi ang pagtaas ng kanyang kamalayang panlipunan. Malaki ang pag-ibig ni Antero kay Ligaya at ito ang hindi niya matatanggap na mawala sa kanya. Romantiko pa rin ang naging dahilan sa pagsapi ni Antero sa demonstrasyon ng kabataan. Ayon na nga rink ay Ginoong Abueg nang siya ay magbigay ng isang panayam tungkol sa nobelang Tagalog sa pulong ng TANIW noong Mayo 24, 1970:

Ang bagong kabataang manunulat, sa halip na magkaroon ng hinog na oryentasyong pulitikal, ay nagkaroon lamang ng ilusyon ng romantisismo ng reporma, na sa palagay nila ay magagawa sa pamamagitan ng mga nobelang kung lumalampas sa pagbubunyag ng mga “bulok na bahagi” ng lipunan ay hindi naman nagmumungkahi ng pagbabago, kundi naglalarawan lamang.

Sa Lagablab ng Kabataan ay ipinirisinta ang dalawang puwersang naglalaban tungo sa pagbabagong hinihingi sa lipunan: ang mapusok na paraan na nilalayon ni Crisostomo Ibbarientos at ang mahinahong pagbabago lamang na inaadhika ni Isagani. Ang nobela ay kinakitaan ng malaking impluwensiya ng nobela ni Rizal sa paggamit ng mga tauhang Kabesang Tales, Isagani, Crisostomo. Dity ay isiniwalat ang tungkol sa kilusan ng mga Huk ngunit pahapyaw lamang. May tatak ng pagiging angat sa kamalayan ang nobelang ito subalit tila hindi pa rin nakapagbigay ng kongkretong kalutasan sa mga suliraning panlipunan. Iniwan ang wakas na walang katiyakan sa tutunguhin ni Isagani matapos na siya ay mabaril sa demonstrasyon at mapagaling ang anak na doktor ng Gobernador ng kanilang lalawigan.

Ang Satanas Sa Lupa at Mga Buwaya Sa Lipunan ni Celso A. Carunungan ay naghahantad ng mga katiwaliang nagaganap sa lipunan: ang ginahasang si Lita na isang “hostess,” pagkukulong kay Rodrigo na siyang inakusahan ng paggahasa sapagkat siya lamang ang mahirap sa pangkat, ang pananakot ni Senador Morales kay Armando ( Mga Buwaya Sa Lipunan ); ang pulitika sa bayan na kinakatawan nina Benigno Talavera, isang dating mabuting mamamayan na sumama sa pagkakapasok sa pulitika, Kong. Carpio, Kong. David at Balbino na apre-parehong naglulukuhan upang makaakyat sa kaitaasan ng kapangyarihan at kayamanan, pagkagumon ni Ismael na anak ni Benigno sa marijuana, ang pagkakaroon ng ugnayan nina Benigno at Chona, pagdadalantao nang walang asawa ni Esther na anak pa rin ni Benigno, ang pagtatanan ng magpaparing si Conrado at Chona. Sa dalawang nobelang ito ay nakita ang wakas ng mga kabuktutan sapagkat si Senador Morales ay pinag-usig at si Benigno naman ay namatay na at ang lahat ng ebidensiyang ipinang- blackmail sa kanya ay sinunog na ng asawang si Virginia. Ang isang nakasira sa Satanas Sa Lupa ay ang “romantikong tipo” ni Virginia bilang isang asawa at ina. Sobra-sobrang pagpapakasakit at pagmamartir na tila hindi na makatotohanan ang kanyang pinaglunuyan. Kaya nga’t mapatotohanan pa rin ang ainasabing pagkakabahid ng “romantisismo.”

Ang Mga Kaluluwa Sa Kumunoy ay isa lamang pagpapaunlad ng Dilim Sa Umaga at halos katulad na mga katiwalian sa lipunan ang tinatalakay. Katulad pa ring n inaasahan, makikita pa rin ang pag-iral ng isang tatsulok ng pag-ibig sa mga tauhang sina Bayani, Marilou at Atty. Bondoc.

Ang huling yugtong ito ng paghuhubog ng nobelang Tagalog (1967-1972) ay halos nakarating na sa apex ng kamulatan sa mga unang tinalakay na nobela ngunit bigla na naming bumagsak sa paglabas ng mga nobelang katulad ng Hanggang Sa Kabila ng Langit at Kumusta Ka, Peter ? Na pangkaraniwang istorya lamang ng pag-iibigan, paghihiwalay, pag-alis, atbp, ang inikutan. Kitang-kitang naulit na naman ang sinasabing proseso ng pagtaas-pagbaba at pagsulong-pagbalik ng balangkas ng nobelang Tagalog. Buhay na buhay ang tatak ng “romantisismo”: estilong Pilipino sa mga nobelang ihinahalimbawa.

PAGLALAGOM

Patuloy ang naging pagtaas ng nobelang Tagalog – subalit sa kaituktukan ng ilusyon at imahinasyon. Nagkakaiba-iba na lamang sa depenisyon batay sa mga katangiang naragdag at natisod sa pagpapalit ng panahon subalit mga kaisipan o konsepto pa ring naglulublob at nakalublob na sa ” romantisismo ‘ kahit man estilo nang Pilipino katulad ng:

•  pangunguna ng tungkol sa pag-ibig;

•  pagsasalaysay ng walang katiyakang balangkas;

•  pagiging sobrang sentimental;

•  puno ng pagpapakasakit at pagmamartir;

•  pagbabalik sa kaayusan o pagpapanatili ng kaayusan;decorum

•  kahiwagaan o mistisismo;

•  pagiging didaktiko o mapangaral;

•  pagtakas sa katotohanan o “eskapismo”;

•  katolisismong bulag – panatisismo;

•  patriotismong pilit; at

•  kung anu-ano pang katangiang mailusyon lamang.

At dahilan na rin sa ang “romantisismo” ay pasumpung-sumpong at hindi sumasalalay sa paksaing anupaman, ang paggitaw nito ay walang katapusan, maaari nga lamang magkaiba-iba ng anyo ayon sa paksang kinasapian. Samakatuwid, ang paglulunoy sa mga di-karaniwan, di-alam, ideyal, walang katakdaan at supernatural at ang pagtanggi ng magsiyasat sa katotohanan o realidad at pagtangging makisangkot sa mga puwersang bumubuo sa katotohanan ang siyang PINAKAMABIGAT NA KAPAHAMAKAN ng nobelang Tagalog.

Higit sa lahat, batay sa ginawang pagsusuri at pagtaya sa landasin ng nobelang Tagalog mula sa Juan Masili (1906) hanggang sa Mga Kaluluwa Sa Kumunoy(1972), ang lumabas na pinakamatinding puwersang tagapastol ng “romantisismo, estilong Pilipino” ay ang Censorship ng bawat panahon. Kaya’t habang may tanikala ang panitik ng mga manunulat ng nobelang Tagalog ay babalik at babalik at patuloy na paiilanlang ang mga nobelang tulad ng May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko(Benjamin Pascual), Lumapit, Lumayo. Ang Umaga (Liwayway Arceo), Mister Mo. Lover Boy Ko (Efren R. Abueg) at Misteryosang Biyuda (Benjamin Pascual).

TALABABAAN

Teodoro A. Agoncillo, “Pasulyap Na Tingin Sa Panitikan Tagalog, 1900-1950,” URIAN Lectures II (1970), p. 233.

Impluwensiya – mga katangian ng kultura ng panahon.

Petronilo Bn. Daroy, “Politics As Literature,” Rizal: Contrary Essays(Quezon City: Guro Books, 1968), p. 130.

Cristina Pantoja-Hidalgo, “The Failure of the Filipino Novel,” UNITAS, 45:21-34 (March, 1972).

Teofilo del Castillo at Buenaventura S. Medina, Jr., Philippine Literature From Ancient Times To The Present (Bureau of Printing, 1966), p. 255.

Agoncillo, p. 234.

Nicanor G. Tiongson, Guro ng Panitikang Pilipino, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Unibersidad ng Pilipinas, sa isang panayam sa klaseng Pilipino 270, Unang Semestre 1975-76.

Neo-classicismo – nagsimula sa lipunang itinatag atpinagharian ng Haring Louis XIV ng Pransiya. E. Allison Peers, A History of the Romantic Movement in Spain (New York and London: Hafner Publishing Co., 1964), p. 10.

Ibid.

Mula sa sipi ni Rosario L. Torres sa paliwanag ni Hoxie Fairchild. Rosario L. Torres, “Ang Romantisismo Sa Panitikang Tagalog,”GENERAL EDUCATION JOURNAL (Quezon City: U.P., 1970-1971), p. 239.

Peers, p. 11.

Virgilio S. Almario, “Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog,” Philippine Collegian (Agosto 12, 1974), p. 4.

Agoncillo, p. 234.

Lascelles Abercrombie, Romanticism (New York: Barnes & Noble, Inc., 1963), pp. 41-49.

Rogelio Ordoñez “Sulyap Sa Panitikang Pilipino at Sa Pagkamulat ni Magdalena ,” BANYUHAY , I: 15-16.

Mistisismo – kung minsan, ginagamit ito bilang katumbas ng simbolismo o alegorismo; kung minsan nama’y itinatapat ito sa siyensiya-okulta o teosopiya; at kung minsan ay iniaangkop lamang sa kalagayan ng isipan ng isang mapangarapin o sa Malabo at kagila-gilalas na pamamalagay tungkol sa Diyos at sa daigdig. Gervasio B. Santiago, “Ang Mistisismo Sa Nobelang Tagalog,” Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog(Diliman, Quezon City: Ang Aklatan, U.P., 1974), p. 70.

Ordoñez, p. 18.

Abercrombie.

Pantoja-Hidalgo, pp. 21-34.

TALAAKLATAN

Abercrombie, Lascellas. Romanticism . New York: Barnes & Noble, Inc., 1963.

Agoncillo, Teodoro A. “Pasulyap na Tingin Sa Panitikang Pilipino,”Urian Lectures II (1972).

Almario, Virgilio S. “Panimulang-Suri: Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog,” Philippine Collegian , Agosto 12, 1974 – Setyembre 2, 1974.

Daroy, Petronilo Bn. “Politics As Literature,” RIZAL: Contrary Essays. Edited by P. Bn. Daroy and D. Feria, Q. C.: Guro Books, 1968.

Del Castillo, at B. S. Medina, Jr. Philippine Literature From Ancient Times To the Present . Bureau of Printing, 1966.

Halsted, John B. Romanticism . London and Melbourne: MacMillan & Co., Ltd., 1969.

Lukas, George. Studies in European Realism . New York: Grosset & Dunlap Publishers, 1964.

Midcentury Guide to Philippine Literature Series 4. Manila: MCS Enterprises, Inc., 1972.

Ordoñez, Rogelio. “Sulyap Sa Panitikang Pilipino at sa Pagkamulat ni Magdalena ,” BANYUHAY, I ( Agosto-Setyembre, 1969).

Pantoja-Hidalgo, Cristina. “The Failure of the Filipino Novel,” UNITAS, v: 45 (March, 1972).

Peers, E. Allison. A History of the Romantic Movement in Spain . New York and London. Hafner Publishing Co., 1964.

Sampaksaan ng mga Nobelistang Tagalog (Mga Panayam Tungkol sa Nobelang Tagalog na Binigkas Noong Abril 11, 1969). Diliman, Quezon City: Ang Aklatan, Unibersidad ng Pilipinas. 1974.

Torres, Rosario L. “Ang Romantisismo sa Panitikang Tagalog,”General Education Journal (1970-1971). Pinamatnugutan nina Patricia Melendrez-Cruz at Jesus F. Ramos. Quezon City: Unibersidad ng Pilipinas, 1971.

Welleck, Rene and Warren, Austin. Theory of Literature . 3 rd Edition. New York: Haircourt, Brace & World, Inc., 1956.

KONEKSIYONG PAMPANITIKAN NI RIZAL SA ALEMAN

KONEKSIYONG PAMPANITIKAN NI RIZAL SA ALEMAN
(Panayam para sa UP Institute of Creative Writing at binása sa Pulungang Recto, Faculty Center, UP Diliman, 19 Hunyo 2008)

ni Virgilio S. Almario

MAY DALAWANG layunin ang panayam kong ito. Una, pasinagan o muling pasinagan ang utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Aleman na isang paraan din ng pagpapatunay sa katangian ni Rizal bilang isang palabasá at kung paano niya pinakikinabangan ang kaniyang mga binása. Ikalawa, ungkatin ang papel ng impluwensiyang pampanitikan sa isang manunulat at kung paanong nakapagpapayaman ito sa pagsulat.

Bakit ko pinili ang koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman?

Simple ang sagot: sapagkat kailangan. Sa aking pagbabasá ng mga pag-aaral tungkol sa mga impluwensiyang pampanitikan ni Rizal, wala akong nakaengkuwentrong pagtukoy sa posibilidad man lamang ng pagsamyo ni Rizal sa bulaklak ng panitikang Aleman. Ito’y sa kabilâ ng malinaw na pagpapakíta ni Rizal sa kabuluhan ng panitikang Aleman sa pamamagitan ng pagsasalin sa dulang Wilhelm Tell ni Friedrich von Schiller. Binanggit ni Petronilo Bn. Daroy ang ugat na anarkista ng karakter at pangkalahatang plano ni Simoun ngunit hindi ito naging sanhi ng pagsasaliksik hinggil sa binhian ng kaisipan at praktikang anarkista sa Alemanya at Rusya. Mabuti’t nitóng 2006 ay sinaliksik ni Benedict Anderson ang anarkismo’t epekto nitó sa mga patriyotang Filipino sa panahon ni Rizal.

Sa kabilâng dako, lubhang nabubusisi ang sigurado namang malaking utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Espanyol at panitikang Pranses. Kung minsan nga’y nagiging mapagmalabis ang naturang pagbusisi. Halimbawa, ang pagtatanghal sa katutubong kulay ay mabilisang naikokonekta sa costumbrismo sa Espanya, lalo na sa paggamit nitó ni Benito Perez Galdos sa kaniyang mga nobela. Ngunit isa rin itong malakas na tunguhin sa Alemanya noong pang ika-18 dantaon, lalo na dahil sa teoryang nasyonalista ni Johann Gottfried Herder (1744-1803) hinggil sa kabuluhan ng pagtitipon sa panitikang-bayan bilang salalayan ng pagbuo sa pag-ibig sa bayan. At isa sa mga babasahín ni Rizal si Herder. Isa pa, sapagkat naipahayag ni Graciano Lopez Jaena na malakas ang tama ng Ang Hudyong Lagalag (Le Juif Errant) ay palagian itong nakadambana sa listahan ng mga impluwensiya kay Rizal. Ngunit may suspetsa ako na ni hindi nababása kahit ng mga panatikong Rizalista ang napakahabàng nobelang ito ni Eugene Sue. Kung nabása man lamang nilá kahit ang simula at wakas nitó ay titigil silá sa pagsipi kay Lopez-Jaena at higit na pagmamasdan ang higit na pagkakatulad ng Fili sa Ang Konde ng Monte Cristo (Le Comte de Monte-Cristo) ni Alexandre Dumas at ng Noli sa Florante at Laura.

Isang manunulat na iskolar si Rizal. Sinasabing may 2,000 aklat sa kaniyang aklatan. Ito lamang ay parang napakalawak nang bukirin upang bungkalan ng mga posibleng impluwensiya sa kaniyang kaisipan at pamamaraan bilang manunulat. Ang bagay na ito ay hindi niya ipinagkakaila. Kayâ sa Noli at Fili, halimbawa, ay nakapahiyas ang maraming sipi at banggit sa pangalan ng mga manunulat na kaniyang nabása. Nabanggit niya ang mga Espanyol na sina Gustavo Becquer, Lope de Vega, Espronceda, at Calderon de la Barca. Binanggit niya ang mga Pranses na sina Dumas, Hugo, at Voltaire. Malimit niyang gamitin ang mga pahayag na Latin, lalo na mula kay Cicero. Ginamit niya ang isang pangungusap sa Inferno ni Dante, at sinipi din niya sina Hans Christian Andersen (na isinalin niya ang limang kuwentong pambatà) at Shakespeare. Ngunit higit na mabigat na hamon sa mga Rizalista ang pagtuklas sa mga kaisipan ng mga awtor at pilosopo na hindi niya binanggit ang pangalan. Nangangailangan ito ng higit na masusing pagsusuri sa mga akdang naging bahagi ng edukasyon ni Rizal mulang pagkabatá bukod sa mga akdang popular sa Europa noong panahon niya.

Sa ngayon, dalawang sipi ang nais kong pagtuunan ng pansin upang maging batayan ng aking pag-uusisa sa koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman. Isasanib ko sa pagtukoy sa mga sipi ang paraan ng paggamit ni Rizal sa mga ito, ang naging kabuluhan nitó sa kaniyang nobela, at ang pansin kung bakit hindi ito napag-uusapan sa mga klase para sa P.I. 100.

Epigrap mula kay Schiller
Una, ang epigrap sa Noli, na binubuo ng tatlong saknong mula sa “Shakespeare Shatten” ni Friedrich von Schiller (1759-1805). Nása ilalim ito ng title page ng unang edisyon ng Noli na inimprenta sa Berlin na muling inilathala ng Insituto Nacional de Historia (National Historical Commission ngayon) noong 1978. Nása kaliwang bahagi ang sipi sa orihinal na Aleman, nása kanan ang salin ni Rizal sa Espanyol, at sa ilalim ng mga ito ay nakatalâng “Schiller. La sombra de Shakespeare” (Schiller. Ang Anino ni Shakespeare).

Ang totoo, ang sipi ay mula sa Die Xenien, isang koleksiyon ng mga epigrama na nagsasagutang sinulat nina Schiller at Goethe. Sinasabing mula ang pamagat sa Griyegong xenios o hospitable at sa xenion—ang regalong dalá ng panauhin, bagaman ang kabaligtaran ang layunin nina Schiller at Goethe. Sa halip na magandang regalo, ang xenien ng dalawang makata ay maaanghang na tuligsa sa kanilang mga kritiko at mga puna sa mga aspektong pampolitika at pangkultura sa Alemanya sa panahon nilá. Maraming tuligsa laban sa relihiyon at sa mga relihiyoso sa koleksiyon. Ngayon, ang “Shakespeare Shatten” ay natatangi dahil bukod sa may sarili itong pamagat ay mahabà ito’t tila maikling dula. Ang sipi ay bahagi ng diyalogo nina “Siya” at “Ako” ay may kaugnayan sa kapuna-punang pagbabago ng teatro sa Alemanya.

Bahagi sina Schiller at Goethe sa kilusang pangkultura noon sa Alemanya na may mithiing itaas ang antas ng panitikan sa pamamagitan ng paglingon at paggamit sa estetikang klasiko ng Gresya at Roma. Sa gayon, ikinalulungkot ng dalawang karakter sa “Shakespeare Shatten” ang paglalaho ng inuuliran niláng teatrong Griyego at ang pagpasok ng mga tauhan mula sa kanilang kontemporaneong lipunan. Narito ang siniping orihinal ni Schiller:

SIPI MULA SA ORIHINAL NI FREIDRICH von SCHILLER
NG SHAKESPEARE SCHATTEN (1796)

Er
Was? Es dürfte kein Casar auf euren Buhnen sich zeigen,
Kein Anton, kein Orest, keine Andromacha mehr?

Ich
Nichts! Man siehet bei uns nur Pfarrer, Kommerzzienrate,
Fahndriche, Sekretärs oder Husarenmajors.

Er
Aber ich bitte dich, Freund, was kann denn dieser Misere
Großes begegnen, was kann Großes deen durch sie geschehn?

SALIN BATAY SA ORIHINAL: ANINO NI SHAKESPEARE
(katulong si Rayvi Sunico)

Siya
Ano! Di na maaaring makita sa tanghalan ang isang Cesar,
Isang Anton, isang Orestes, at kahit isang Andromaca?

Ako
Wala lahat! Makikita lang sa atin ang Pari, Komersiyante,
Abanderado, mga Sekretaryo, at mga Opisyal ng Kabayuhan.

Siya
Ngunit tanong ko, Kaibigan, sinong Dakila ang lilitaw
sa ganitong mga Hamak?
Anong Kadakilaan ang mangyayari sa pamamagitan nila?

 

Ngayon, paano ginamit ni Rizal ang siipi mula kay Schiller? O paano naglingkod ang sipi para sa layunin ng kaniyang nobela? Narito ang salin ni Rizal na ginamit niyang epigrap sa Noli:

SALIN NI RIZAL: LA SOMBRA DE SHAKESPEARE

“Qué? No podria un Cesar presentarse
En vuestras tablas? No más un Aquiles,
Un Orestes ó Andromaca mostrarse?”

Quia! Si no vemos más que concejiles,
Curas, alféreces y secretaries,
De husares comandantes y alguaciles.

“Mas, di qué pueden estos perdularios
Hacer de grande? Pueden tales ratas
Dar lugar á hechos extraordinarios.”

SALIN NG SALIN NI RIZAL (katulong si Annie Yglopas)

“Ano? Di na maaaring itanghal ang isang Cesar
Sa inyong entablado? Di maaaring lumitaw
Kahit ang isang Aquiles, isang Orestes, ni isang Andromaca?”

Hindi! Wala kaming makita kundi mga konsehal,
Mga kura, mga alferez, mga sekretaryo,
Mga komandante ng husar at mga alguacil.

“Ngunit, sabihin mo sa akin, anong malaki ang lilitaw
Mula sa mga pabayâng iyan? Maaari bang gumawa
Ng dakila ang ganiyang mga hamak?”

Pinaglaruan ni Rizal ang kaniyang sipi. Hinugot niya ito mula sa kontekstong Aleman ng teatro sa panahon ni Schiller at inilipat sa kaniyang sariling panahon at lipunang kolonyal sa Filipinas. Ipinahihiwatig ito mismo sa ginawâ niyang pagsasalin mula Aleman tungong Espanyol. Pinakialaman ni Rizal ang teksto ni Schiller upang lumitaw na isa ngang awtentikong puna sa lipunang Filipino sa ilalim ng mga Espanyol.
Pinalitan niya ang listahan ng mga tauhang pangkasalukuyan sa teatrong Aleman ayon kay “Ako” at ipinalit ang mga pangunahing tauhan sa lipunang kolonyal ng Filipinas, ang mga pari, komersiyante at opisyal sa orihinal ni Schiller ay naging mga kura, alferez, konsehal, at alguwasil. Sa ganitong pangyayari, ang nobelang Noli ang magsisilbing patunay sa kunwa’y mga siniping pahayag mula kay Schiller. Patutunayan nga ng Noli na hindi lamang mga hamak na tauhan ang mga kura at alferez at walang kakayahang magdulot ng anumang maituturing na malaki’t dakila sa bayan kung hindi mga karima-rimarim na hari-harian at sumpa ng langit sa sambayanang Filipino.

Ngunit ang maparikala o ironikong paggamit na ito ng epigrap ay kahina-hinayang na hindi napahahalagahan ng karaniwang estudyante ng P.I. 100. Bakit? Dahil sa simpleng pangyayari na wala ito sa alinmang ipinagbibili ngayong “salin” sa Filipino ng nobela ni Rizal at ginagamit ng mga paaralan. Na nakapagtataka. Tulad ng nabanggit ko, nakapahiyas pa rin ang sipi mula kay Schiller sa opisyal na edisyong Espanyol noong 1978. Hindi rin ito kinalimutang isalin sa mga unang salin sa Tagalog, gaya ng kina Leonardo Dianzon, Iñigo Ed. Erelado, at Dionisio San Agustin (1957) at sa salin sa Ingles gaya ng kay Charles E. Derbyshire (1912).

Ngunit narito ang isang personal kong haka. Noong 1958 at bílang paghahanda sa ika-100 kapanganakan ni Rizal ay nagbukás ng pambansang patimpalak para sa pagsasalin ng mga nobela ng pambansang bayani. Natapos ang taning panahon at napalugitan hanggang 1960 ngunit walang napilìng nagwagi sa mga lumahok ang lupon ng inampalan nina Mahistrado Felipe Natividad, Dr. Cecilio Lopez, at Jose Villa Panganiban. Dahil dito, napilitang pumilì mula sa mga limbag nang salin ang komisyon sa pagdiriwang ng sentenaryo ni Rizal. Sa naging sarvey, lumitaw na gusto nang nakararami ang salin ni Patricio Mariano at kayâ ito ang inilathala ng komisyon noong 1961. Matagal na panahong ito ang opisyal na ginagamit na salin sa mga paaralan.

Ang malungkot, natanggal ang sipi mula kay Schiller sa limbag ng salin ni Mariano.

Kaugnay nitó, nalathala naman noong Abril 1947 ang salin ng Noli nina Maria Odulio de Guzman, Domingo D. de Guzman, at Francisco Laksamana. Noong 1949, pinagtibay ng Board on Textbooks ng Bureau of Private Schools ang salin bílang supplementary reader para sa mga pribadong paaralan. Dahil dito, ang saling Guzman-Laksamana-Guzman ang lilitaw na pinakapopular na sanggunian sa mga paaralan. Ang nabili kong kopya noong 1996 ay ika-76 printing na nitó. At napakalungkot din, wala ang sipi mula kay Schiller sa saling Guzman-Laksamana-Guzman.

Ano ang haka ko? Sapagkat 99% ng mga “salin” sa Filipino ay gawâ ng mga editor na ni hindi marunong bumása ng Espanyol kayâ’t imposibleng ibinatay kahit sa opisyal na edisyon man lamang ng orihinal ni Rizal noong 1978, malaki ang paniwala ko na pawang halaw o hango lamang ang mga “salin” mula sa edisyong Mariano o Guzman-Laksamana-Guzman. Sa gayon, natural lamang na ni hindi alam ng mga pekeng tagasalin na may sipi mula kay Schiller ang orihinal ni Rizal.

Alusyon kay Heine
Ikalawa, ang banggit hinggil sa isang katha ni Heinrich Heine (1797-1856). Naganap ito sa unang kabanata ng Noli, sa piging na handog ni Kapitan Tiago bilang pasalubong kay Crisostomo Ibarra. Ginamit ni Rizal na pagkakataon ang pagtitipon upang ipakilála ang kaniyang mga pangunahing tauhan sa nobela. Isa sa mga prominenteng panauhin si Padre Damaso at inilarawan siyang madaldal, malakas ang tinig, mahilig kumompás-kompás, matipuno ang pangangatawan, at dahil sa kayabangan ay unang ikinompara bílang isang “nakabalatkayo siyang maharlikang Romano.” Ngunit upang isunod pang paghahambing ang ganito, “wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa bangka sa lawa at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.” (Akin ang salin.)

Ang binanggit na akda ni Heine ay ang “Gotter im Exil” (1854). Dioses en el destierro ang salin ni Rizal sa pamagat ni Heine. Hindi ito isang aklat bagaman isang mahabà sa karaniwang akdang prosa. Isang pinagdugtong-dugtong itong kuwentong naipon diumano ni Heine sa kaniyang mga paglalakbay at narinig sa mga mangingisda’t marino. Tulad ng karaniwang katha-katha ay hitik ang mga ito sa kagila-gilalas at di-kapani-paniwala ngunit nakatuwaang tipunin ng may-akda dahil may iisang hakang tinutukoy. Ano ba ang nangyari sa mga bathalang pagano pagkatapos manaig ang Simbahang Kristiyano? Alinsunod sa ating Kristiyano’t modernong paniwala, likha rin lamang ng imahinasyon ng sinaunang tao ang mga bathala sa mitolohiyang Griyego-Romano. Sa gayon, natural na maglahong parang bula ang mga ito kasabay ng pagguho ng kanilang mga templo. Ngunit, ayon sa mga salaysay na naipon ni Heine, mga totoong nilikha ang mga diyoses. Hindi rin silá naglaho sa mundo o pinarusahan sa impiyerno. Sa halip, at ito ang tesis ng “Gotter im Exil,” buháy na buháy silá ngunit nakabalatkayo o nakatirá nang tiwalag sa malayo’t liblib na pook kayâ hindi natin nakikilála o nakikíta. Bílang pruweba, ang akda ni Heine ay parang X-file ngayon, mga di-sinasadyang engkuwentro ng ordinaryong tao sa mga nakatago o nakabalatkayong diyoses.

Una siyempre ang nakasisindak na engkuwentro ng mga binata kay Venus, na isang kaakit-akit pa ring reklusa sa isang kastilyo at bumibiktima ng mga muslak na lalaki. May mga istorya rin si Mercury bílang tagapag-ayos ng biyahe ng mga kaluluwa sa isang nakatatakot na isla. Gayundin si Jupiter, na natagpuan ng mga istranded na marino sa North Pole, nakatirá sa isang kubo kasáma ng isang huklubang agila at isang matandang kambing, at nangangalakal sa balát ng kuneho.

Ngayon, ang sinipi ni Rizal ay ang kuwento hinggil sa tatlong kahina-hinalang monghe na lumilitaw tuwing equinox ng Setyembre sa lawa ng Tyrol at umaarkila ng isang bangka. Tuwing aabutan din ang bangkero ng salaping bayad ay kung bakit nakararamdam siya ng matinding hindik. Dahil sunod-sunod na taon itong nangyayari, naisip ng bangkerong may-ari ng inaarkilang bangka na alamin kung saan nagpupunta ang tatlo. Lihim siyang nagtago sa ilalim ng mga abubot sa bangka at naging saksi sa pagpunta ng tatlo sa isang lihim na pulo. Pagdaong doon, sinalubong ang tatlo ng magaganda’t makikisig na kabataan, halos walang saplot, at nagkaroon ng malaki’t magdamag na pagsasayá, awitan, inuman, at sayawan, sa pangunguna ng tatlo. Nakilála niya ang lider na si Bacchus at isang bakanal o orgy ang nasaksihan niyang pagdiriwang.
Lubhang nabalísa ang ang bangkero. Nang hindi na makatiis, nagpunta siya sa kumbentong Pransiskano na bantog sa kanilang bayan sa pagbibigay ng mabuting payo. Isiniwalat niya nang halos nakayuko’t nagsisisi sa priyor ang nasaksihang ritwal na pagano. Pagkatapos magsalaysay, napatingin siyá sa kausap at laking sindak ng bangkero nang mapagsino ito. Ang kausap niyang monghe ay si Bacchus! Gayunman, hindi siyá nagpahalata at pinakinggan ang payo ng priyor. Sa dulo ng payo, sinabi nitó na alam niyang lubhang natitigatig ang bangkero at hindi kumakain. Sa gayon, inalok nitó ang bangkero na pumunta sa kusina upang madulutan siya doon ng masarap na tanghalian. Sumunod ang bangkero. Ngunit lalo siyang nasindak nang makilála niyang ang kusinero at tanod sa kusina ay ang dalawang kasáma ni Bacchus sa isla. Mabilis na tumalilis ang bangkero.

Narito ang talata ni Rizal na naglalarawan kay Padre Damaso:

Por el contrario, el otro que era un franciscano hablaba mucho y gesticulaba más. Sin embargo de que sus cabellos empesaban a encanecer,
parecia conservarse bien su robusta naturaleza. Sus correctas facciones,
su mirada poco tranquilizadora, sus anchas quijadas y herculeas formas
le daban el aspecto de un patricio romano disfrasado, y, sin quererlo, os
acordareis de uno de aquellos tres monjes de que habla Heine en sus
Dioses en el destierro, que por el Equinoccio de Setiembre, alla en Tyrol
pasaban a media noche en barca un lago, y cada vez depositaban en la
mano del pobre barquero una moneda de plata, como el hielo fria, que le
dejaba lleno de espanto.

Na maaaring isalin sa ganito:

Kaiba sa kaniya, madaldal at mahilig kumompás ang ikalawa na isang Pransiskano. Kahit nag-uuban na ang kaniyang buhok, waring matibay pa ang kaniyang pangangatawan. Dahil sa katamtaman niyang anyo, nakahihindik na tingin, malalapad na panga, at matipunong pangangatawan, animo isang nakabalatkayo siyang maharlikang Romano, at wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa isang bangka sa lawa, at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak, na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.

Sa pagkakataong ito, ang pagsipi ni Rizal sa akda ni Heine ay bahagi ng kaniyang karakterisasyon. Angkop na angkop ang katauhan ni Bacchus na nakabalatkayong Pransiskano sa katauhan ni Padre Damaso. Ngunit isinagawâ ito ni Rizal sa paraang tila isang palaisipan. Binanggit lamang niya ang tatlong monghe na tumatawid ng lawa sa Tyrol tuwing Setyembre. Liliwanag lamang sa atin ang paghahambing kay Padre Damaso sa nakaabitong si Bacchus kapag nabása natin ang akda ni Heine. Sa kabilâng dako, ang banggit sa akda ni Heine ay parang pagbibigay ng clue hinggil sa totoong katauhan ni Padre Damaso. Bahagi ng tinatawag na foreshadowing sa pagsasalaysay. Sa nobela, lilitaw din na may malaking kasalanang karnal ang Pransiskano. Ngunit kung nabása natin ang akda ni Heine, sasabihin nating natural lamang itong gawain ng isang bathala ng kamunduhan ngunit nakabalatkayo na isang Pransiskano.

Hindi lamang isang mahusay na iskolar ng literaturang Aleman si Rizal. Isa rin siyang dalubhasa sa paggamit ng siste’t parikala. Napakalakas ng kaniyang sense of humor. Ang masaklap, ang masayáng katangiang ito ni Rizal ang hindi gaanong napapansin ng mga bumabása sa kaniyang mga nobela. At muli, ang unang dahilan, nawawala ang sinipi kong pagbanggit kay Heine sa mga ginagamit na hango’t halaw sa paaralan. Tingnan halimbawa ang naging “salin” ng paglalarawan kay Padre Damaso sa Guzman-Laksamana-Guzman:

Ang pransiskano, sa isang dako, ay masalitâ at madalás magkukumpás
ng kamay. Bagamá’t ang kanyáng buhók ay pumuputî na, ang katawán
nama’y malusóg, pagka’t waring itó’y dî niyá pinabábayaán. Ang kanyáng maayos na pagmumukhâ, paninging nakababaklá, malamáng mga pisngí, gayundin ang matipunong tindíg, ay nagbíbigáy sa kanyá ng anyong katulad
ng sa isáng maharlikáng romano na nagbabalatkayóng praile.

Pagbungkal sa Impluwensiyang Pampanitikan
Mahirap na trabaho ang pagsaliksik sa mga akdang nabanggit o sinipi sa mga nobela ni Rizal. Sabi ko nga, isang manunulat na iskolar si Rizal kayâ kailangan ding maging iskolar ang kaniyang kritikong mambabasá. Ngunit madalî iyon kapag pinag-usapan ang ang pagtuklas sa pinagmulan ng kaniyang mga kaisipan. Sa mga sipi at alusyon ay nakalimbag kung sino ang awtor o ano ang pamagat ng librong ginamit niya. Sa kaisipan, malimit na walang palatandaan kung saan niya pinulot ang isang idea o kuro-kurong sinabi ng kaniyang mga tauhan.

Halimbawa, saan nanggaling ang mahabàng talumpati ni Simoun hinggil sa halaga ng pag-aaral sa sariling wika laban sa pagpipilit ni Basilio at mga kasámang estudyante na magkaroon ng paaralan para sa pagtuturo ng wikang Espanyol? Saan niya hinalaw ang paniwala ni Simoun na mistulang kaluluwa ng lahi ang katutubong wika kayâ mistulang alipin ng ibang bansa ang isang lahing gumagamit ng banyagang wika?

Sapagkat koneksiyong Aleman ang aking proyekto, nais kong ipanukala na nasimsim ni Rizal ang naturang kaisipan mula sa mga sinulat ni Herder. Noon pang mga taon ng 1770 ay sumilakbo sa Alemanya ang tinatawag na Sturm und Drang, isang maikli ngunit katangi-tangi’t napakahalagang kilusang pampanitikan at pampilosopiya na namulaklak sa malikhaing panahon ng Romantisismong Aleman. Isang himagsik ito laban sa lubhang pag-iral ng rasyonalismo’t unibersalismo ng panahong Kaliwanagan (Enlightenment) at laban sa malubhang pagkasungyaw ng mga manunulat na Aleman sa panitikang Pranses. Ipinanukala ng Sturm und Drang ang suhetibistang pagtingin sa bagay-bagay at ang pagpapairal sa katutubong henyo. Si Herder ang isang pangunahing ideolog at tagapagsulong ng Sturm und Drang. Sa maraming sanaysay, si Herder ang nagsulong sa paglinang sa katutubong wikang Aleman, sa pagtitipon at muling pagpopularisa sa panitikang-bayan, at sa angkop na pagkilála at pagpapahalaga sa henyong Aleman. Narito halimbawa ang isang sipi mula sa kaniyang Fragmente:

Ang mga idyoma ng wika ay mga kariktang nagmula sa ama, nakakatulad
ng mga sagradong kakahuyan ng olibo na nakapalibot sa akademya ng
Atenas at nakahandog sa kanilang patronang diyosang si Minerva. Ang
bunga ng kakahuyan ay hindi lumalabas ng Ateneas at naglilingkod lamang bilang gantimpala sa mga nagwagi sa pistang Pan-Atenaiko; ang totoo, nang sakupin ng mga Lacedaemonyo ang lahat, hindi pinahintulutan ng diyosa
ang mga banyagang barbaro na pasukin ang sagradong kakahuyan. Sa katulad
na paraan, ang mga pambansang partikularidad ng wika ay mga palatandaan ng kariktan na hindi maaaring angkinin ng mga kapitbahay sa pamamagitan ng
salin, at tunay na sagrado sa patronang diyosa ng wika. Mga kariktan itong nakasanib sa henyo ng wika at kayâ masisira kapag inihiwalay…Bakit mahal
na mahal ng mga British ang uri ng katatawanan sa kanilang pagsulat? Sapagkat
ang katatawanan doon ay hindi maisasalin at kahawig ng kanilang sagradong idyoma…Bakit ipinagtatanggol ng mga Ingles ang kanilang Shakespeare kahit
kapag naliligaw ito sa gubat ng Italyanong concetti at paglalaro sa salita? (Sapagkat) isinusugpong niya ang mga concetti sa katutubong paglalaro sa salita
at nagdudulot ng bungang hinding-hindi maaaring nakawin at ilipat sa ibang klima.

Hindi ba’t ito rin kung sakali ang isesermon ni Simoun kay Basilio kung ipinilit pa ni Basilio na mahalaga ang Espanyol para sa higit na pamumulaklak ng kanilang karunungan? Pansinin pa ang paggamit din ni Herder kay Shakespeare bálang huwaran, kung paanong ginamit niya ang paghiram ng siste mula sa mga Italyano upang payamanin ang sariling wikang Ingles at ang paraan ng pagpapatawang Ingles. Si Herder ang nagpakilála kay Goethe at mga kapanahong manunulat sa henyo ni Shakespeare upang mailayô ang panitikang Aleman sa impluwensiyang Pranses at upang maging modelo sa paglinang ng awtentikong wika’t panitikang Aleman. Sa ganitong paraan din dapat pahalagahan ang paggamit ni Schiller sa “Shakespeare Shatten” sa xenien na sinipi ni Rizal.

Hindi ako iskolar ng Aleman. Ang sipi ko kay Herder ay halaw mula sa Ingles na koleksiyong Selected Early Works 1764-1767 ni Herder na salin nina Ernest A. Menze at Michael Palma at limbag ng The Pennsylvania State University Press (1992). Ang salin ko ng orihinal ni Schiller ay hindi mabubuo kung hindi sa tulong ni Rayvi Sunico. Ngunit nais kong ipanukala ang dagdag na pagsasanay ng ating mga iskolar sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman. Hindi natin ganap na mabubungkal ang reperensiya ni Rizal bílang nobelista at palaisip kung hindi natin lilingapin ang kaniyang kaalaman sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman.

Hindi naman dapat isipin na nahilig lamang sa Aleman si Rizal dahil sa matalik niyang pakikipagkaibigan kay Ferdinand Blumentritt. Kung binása lamang nating mabuti ang Doña Perfecta ni Perez Galdos at sinasabing may malakas na impluwensiya sa pagsulat ng Noli at Fili ay mahihiwatigan natin mismo doon ang bighani ng Alemanya kahit sa mga kabataang Espanyol. Ayon sa nobela ni Perez Galdos, nagiging puntahan na noon ng mga kabataang nais magkaroon ng ibang uri at radikal na edukasyon ang Alemanya. Hindi ba’t kahit ang planong paaralan ni Ibarra sa San Diego ay nakapadron sa edukasyong Aleman? Bago pa o magmula sa panahon nina Herder ay sadyang namulaklak ang kulturang Aleman at kayâ isang sentro na ito ng gawaing intelektuwal pagsapit ng ika-19 siglo. Ipinagmamalaki na nitó ang mga Hegel, Nietzche, at maging Marx bago namalagi doon si Rizal upang tapusin ang kaniyang nobela.

At nais ko ring sabihin na hindi sumusulong ang ating pagpapahalaga kay Rizal sapagkat hindi sumusulong ang iskolarsyip tungkol kay Rizal. Inuulit-ulit lamang sa mga libro, artikulo, at talumpati tuwing Araw ni Rizal ang mga isyung tinalakay nina Daroy, Ricardo Pascual, Palma, Recto, De la Costa, at ibang Rizalista noong dekada 60. At para sa akin, sintomas din ito ng pagkabalaho ng buong adyenda sa saliksik at intelektuwalidad sa mga lumang tunguhin at paradigma. Marami pang dapat gawin ang mga Rizalista. Tulad din ng pangyayaring marami ding dapat gawin ang mga iskolar natin at guro sa akademya upang iligtas ang pagtuturo mula sa kumunoy ng nakamihasnang kaisipan.

Maaari tayong magsimula sa pamamagitan ng pagmuni sa isang popular na pahayag ni Herder: “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Napakaraming ibig sabihin. Bihira ang gustong mag-aral ngayon kay Herder dahil hindi malinaw magsulat. Mahiwaga ang “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Ngunit isang natitiyak kong ibig sabihin nitó ay hindi natin kailanman makikíta ang biyaya mula sa ating sariling lupa kung lagi táyong nakatingala.

 

Ferndale Homes
17 Hunyo 2008

(Panayam para sa UP Institute of Creative Writing at binása sa Pulungang Recto, Faculty Center, UP Diliman, 19 Hunyo 2008)

ni Virgilio S. Almario

MAY DALAWANG layunin ang panayam kong ito. Una, pasinagan o muling pasinagan ang utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Aleman na isang paraan din ng pagpapatunay sa katangian ni Rizal bilang isang palabasá at kung paano niya pinakikinabangan ang kaniyang mga binása. Ikalawa, ungkatin ang papel ng impluwensiyang pampanitikan sa isang manunulat at kung paanong nakapagpapayaman ito sa pagsulat.

Bakit ko pinili ang koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman?

Simple ang sagot: sapagkat kailangan. Sa aking pagbabasá ng mga pag-aaral tungkol sa mga impluwensiyang pampanitikan ni Rizal, wala akong nakaengkuwentrong pagtukoy sa posibilidad man lamang ng pagsamyo ni Rizal sa bulaklak ng panitikang Aleman. Ito’y sa kabilâ ng malinaw na pagpapakíta ni Rizal sa kabuluhan ng panitikang Aleman sa pamamagitan ng pagsasalin sa dulang Wilhelm Tell ni Friedrich von Schiller. Binanggit ni Petronilo Bn. Daroy ang ugat na anarkista ng karakter at pangkalahatang plano ni Simoun ngunit hindi ito naging sanhi ng pagsasaliksik hinggil sa binhian ng kaisipan at praktikang anarkista sa Alemanya at Rusya. Mabuti’t nitóng 2006 ay sinaliksik ni Benedict Anderson ang anarkismo’t epekto nitó sa mga patriyotang Filipino sa panahon ni Rizal.

Sa kabilâng dako, lubhang nabubusisi ang sigurado namang malaking utang-na-loob ni Rizal sa panitikang Espanyol at panitikang Pranses. Kung minsan nga’y nagiging mapagmalabis ang naturang pagbusisi. Halimbawa, ang pagtatanghal sa katutubong kulay ay mabilisang naikokonekta sa costumbrismo sa Espanya, lalo na sa paggamit nitó ni Benito Perez Galdos sa kaniyang mga nobela. Ngunit isa rin itong malakas na tunguhin sa Alemanya noong pang ika-18 dantaon, lalo na dahil sa teoryang nasyonalista ni Johann Gottfried Herder (1744-1803) hinggil sa kabuluhan ng pagtitipon sa panitikang-bayan bilang salalayan ng pagbuo sa pag-ibig sa bayan. At isa sa mga babasahín ni Rizal si Herder. Isa pa, sapagkat naipahayag ni Graciano Lopez Jaena na malakas ang tama ng Ang Hudyong Lagalag (Le Juif Errant) ay palagian itong nakadambana sa listahan ng mga impluwensiya kay Rizal. Ngunit may suspetsa ako na ni hindi nababása kahit ng mga panatikong Rizalista ang napakahabàng nobelang ito ni Eugene Sue. Kung nabása man lamang nilá kahit ang simula at wakas nitó ay titigil silá sa pagsipi kay Lopez-Jaena at higit na pagmamasdan ang higit na pagkakatulad ng Fili sa Ang Konde ng Monte Cristo (Le Comte de Monte-Cristo) ni Alexandre Dumas at ng Noli sa Florante at Laura.

Isang manunulat na iskolar si Rizal. Sinasabing may 2,000 aklat sa kaniyang aklatan. Ito lamang ay parang napakalawak nang bukirin upang bungkalan ng mga posibleng impluwensiya sa kaniyang kaisipan at pamamaraan bilang manunulat. Ang bagay na ito ay hindi niya ipinagkakaila. Kayâ sa Noli at Fili, halimbawa, ay nakapahiyas ang maraming sipi at banggit sa pangalan ng mga manunulat na kaniyang nabása. Nabanggit niya ang mga Espanyol na sina Gustavo Becquer, Lope de Vega, Espronceda, at Calderon de la Barca. Binanggit niya ang mga Pranses na sina Dumas, Hugo, at Voltaire. Malimit niyang gamitin ang mga pahayag na Latin, lalo na mula kay Cicero. Ginamit niya ang isang pangungusap sa Inferno ni Dante, at sinipi din niya sina Hans Christian Andersen (na isinalin niya ang limang kuwentong pambatà) at Shakespeare. Ngunit higit na mabigat na hamon sa mga Rizalista ang pagtuklas sa mga kaisipan ng mga awtor at pilosopo na hindi niya binanggit ang pangalan. Nangangailangan ito ng higit na masusing pagsusuri sa mga akdang naging bahagi ng edukasyon ni Rizal mulang pagkabatá bukod sa mga akdang popular sa Europa noong panahon niya.

Sa ngayon, dalawang sipi ang nais kong pagtuunan ng pansin upang maging batayan ng aking pag-uusisa sa koneksiyong pampanitikan ni Rizal sa Aleman. Isasanib ko sa pagtukoy sa mga sipi ang paraan ng paggamit ni Rizal sa mga ito, ang naging kabuluhan nitó sa kaniyang nobela, at ang pansin kung bakit hindi ito napag-uusapan sa mga klase para sa P.I. 100.

Epigrap mula kay Schiller
Una, ang epigrap sa Noli, na binubuo ng tatlong saknong mula sa “Shakespeare Shatten” ni Friedrich von Schiller (1759-1805). Nása ilalim ito ng title page ng unang edisyon ng Noli na inimprenta sa Berlin na muling inilathala ng Insituto Nacional de Historia (National Historical Commission ngayon) noong 1978. Nása kaliwang bahagi ang sipi sa orihinal na Aleman, nása kanan ang salin ni Rizal sa Espanyol, at sa ilalim ng mga ito ay nakatalâng “Schiller. La sombra de Shakespeare” (Schiller. Ang Anino ni Shakespeare).

Ang totoo, ang sipi ay mula sa Die Xenien, isang koleksiyon ng mga epigrama na nagsasagutang sinulat nina Schiller at Goethe. Sinasabing mula ang pamagat sa Griyegong xenios o hospitable at sa xenion—ang regalong dalá ng panauhin, bagaman ang kabaligtaran ang layunin nina Schiller at Goethe. Sa halip na magandang regalo, ang xenien ng dalawang makata ay maaanghang na tuligsa sa kanilang mga kritiko at mga puna sa mga aspektong pampolitika at pangkultura sa Alemanya sa panahon nilá. Maraming tuligsa laban sa relihiyon at sa mga relihiyoso sa koleksiyon. Ngayon, ang “Shakespeare Shatten” ay natatangi dahil bukod sa may sarili itong pamagat ay mahabà ito’t tila maikling dula. Ang sipi ay bahagi ng diyalogo nina “Siya” at “Ako” ay may kaugnayan sa kapuna-punang pagbabago ng teatro sa Alemanya.

Bahagi sina Schiller at Goethe sa kilusang pangkultura noon sa Alemanya na may mithiing itaas ang antas ng panitikan sa pamamagitan ng paglingon at paggamit sa estetikang klasiko ng Gresya at Roma. Sa gayon, ikinalulungkot ng dalawang karakter sa “Shakespeare Shatten” ang paglalaho ng inuuliran niláng teatrong Griyego at ang pagpasok ng mga tauhan mula sa kanilang kontemporaneong lipunan. Narito ang siniping orihinal ni Schiller:

SIPI MULA SA ORIHINAL NI FREIDRICH von SCHILLER
NG SHAKESPEARE SCHATTEN (1796)

Er
Was? Es dürfte kein Casar auf euren Buhnen sich zeigen,
Kein Anton, kein Orest, keine Andromacha mehr?

Ich
Nichts! Man siehet bei uns nur Pfarrer, Kommerzzienrate,
Fahndriche, Sekretärs oder Husarenmajors.

Er
Aber ich bitte dich, Freund, was kann denn dieser Misere
Großes begegnen, was kann Großes deen durch sie geschehn?

SALIN BATAY SA ORIHINAL: ANINO NI SHAKESPEARE
(katulong si Rayvi Sunico)

Siya
Ano! Di na maaaring makita sa tanghalan ang isang Cesar,
Isang Anton, isang Orestes, at kahit isang Andromaca?

Ako
Wala lahat! Makikita lang sa atin ang Pari, Komersiyante,
Abanderado, mga Sekretaryo, at mga Opisyal ng Kabayuhan.

Siya
Ngunit tanong ko, Kaibigan, sinong Dakila ang lilitaw
sa ganitong mga Hamak?
Anong Kadakilaan ang mangyayari sa pamamagitan nila?

 

Ngayon, paano ginamit ni Rizal ang siipi mula kay Schiller? O paano naglingkod ang sipi para sa layunin ng kaniyang nobela? Narito ang salin ni Rizal na ginamit niyang epigrap sa Noli:

SALIN NI RIZAL: LA SOMBRA DE SHAKESPEARE

“Qué? No podria un Cesar presentarse
En vuestras tablas? No más un Aquiles,
Un Orestes ó Andromaca mostrarse?”

Quia! Si no vemos más que concejiles,
Curas, alféreces y secretaries,
De husares comandantes y alguaciles.

“Mas, di qué pueden estos perdularios
Hacer de grande? Pueden tales ratas
Dar lugar á hechos extraordinarios.”

SALIN NG SALIN NI RIZAL (katulong si Annie Yglopas)

“Ano? Di na maaaring itanghal ang isang Cesar
Sa inyong entablado? Di maaaring lumitaw
Kahit ang isang Aquiles, isang Orestes, ni isang Andromaca?”

Hindi! Wala kaming makita kundi mga konsehal,
Mga kura, mga alferez, mga sekretaryo,
Mga komandante ng husar at mga alguacil.

“Ngunit, sabihin mo sa akin, anong malaki ang lilitaw
Mula sa mga pabayâng iyan? Maaari bang gumawa
Ng dakila ang ganiyang mga hamak?”

Pinaglaruan ni Rizal ang kaniyang sipi. Hinugot niya ito mula sa kontekstong Aleman ng teatro sa panahon ni Schiller at inilipat sa kaniyang sariling panahon at lipunang kolonyal sa Filipinas. Ipinahihiwatig ito mismo sa ginawâ niyang pagsasalin mula Aleman tungong Espanyol. Pinakialaman ni Rizal ang teksto ni Schiller upang lumitaw na isa ngang awtentikong puna sa lipunang Filipino sa ilalim ng mga Espanyol.
Pinalitan niya ang listahan ng mga tauhang pangkasalukuyan sa teatrong Aleman ayon kay “Ako” at ipinalit ang mga pangunahing tauhan sa lipunang kolonyal ng Filipinas, ang mga pari, komersiyante at opisyal sa orihinal ni Schiller ay naging mga kura, alferez, konsehal, at alguwasil. Sa ganitong pangyayari, ang nobelang Noli ang magsisilbing patunay sa kunwa’y mga siniping pahayag mula kay Schiller. Patutunayan nga ng Noli na hindi lamang mga hamak na tauhan ang mga kura at alferez at walang kakayahang magdulot ng anumang maituturing na malaki’t dakila sa bayan kung hindi mga karima-rimarim na hari-harian at sumpa ng langit sa sambayanang Filipino.

Ngunit ang maparikala o ironikong paggamit na ito ng epigrap ay kahina-hinayang na hindi napahahalagahan ng karaniwang estudyante ng P.I. 100. Bakit? Dahil sa simpleng pangyayari na wala ito sa alinmang ipinagbibili ngayong “salin” sa Filipino ng nobela ni Rizal at ginagamit ng mga paaralan. Na nakapagtataka. Tulad ng nabanggit ko, nakapahiyas pa rin ang sipi mula kay Schiller sa opisyal na edisyong Espanyol noong 1978. Hindi rin ito kinalimutang isalin sa mga unang salin sa Tagalog, gaya ng kina Leonardo Dianzon, Iñigo Ed. Erelado, at Dionisio San Agustin (1957) at sa salin sa Ingles gaya ng kay Charles E. Derbyshire (1912).

Ngunit narito ang isang personal kong haka. Noong 1958 at bílang paghahanda sa ika-100 kapanganakan ni Rizal ay nagbukás ng pambansang patimpalak para sa pagsasalin ng mga nobela ng pambansang bayani. Natapos ang taning panahon at napalugitan hanggang 1960 ngunit walang napilìng nagwagi sa mga lumahok ang lupon ng inampalan nina Mahistrado Felipe Natividad, Dr. Cecilio Lopez, at Jose Villa Panganiban. Dahil dito, napilitang pumilì mula sa mga limbag nang salin ang komisyon sa pagdiriwang ng sentenaryo ni Rizal. Sa naging sarvey, lumitaw na gusto nang nakararami ang salin ni Patricio Mariano at kayâ ito ang inilathala ng komisyon noong 1961. Matagal na panahong ito ang opisyal na ginagamit na salin sa mga paaralan.

Ang malungkot, natanggal ang sipi mula kay Schiller sa limbag ng salin ni Mariano.

Kaugnay nitó, nalathala naman noong Abril 1947 ang salin ng Noli nina Maria Odulio de Guzman, Domingo D. de Guzman, at Francisco Laksamana. Noong 1949, pinagtibay ng Board on Textbooks ng Bureau of Private Schools ang salin bílang supplementary reader para sa mga pribadong paaralan. Dahil dito, ang saling Guzman-Laksamana-Guzman ang lilitaw na pinakapopular na sanggunian sa mga paaralan. Ang nabili kong kopya noong 1996 ay ika-76 printing na nitó. At napakalungkot din, wala ang sipi mula kay Schiller sa saling Guzman-Laksamana-Guzman.

Ano ang haka ko? Sapagkat 99% ng mga “salin” sa Filipino ay gawâ ng mga editor na ni hindi marunong bumása ng Espanyol kayâ’t imposibleng ibinatay kahit sa opisyal na edisyon man lamang ng orihinal ni Rizal noong 1978, malaki ang paniwala ko na pawang halaw o hango lamang ang mga “salin” mula sa edisyong Mariano o Guzman-Laksamana-Guzman. Sa gayon, natural lamang na ni hindi alam ng mga pekeng tagasalin na may sipi mula kay Schiller ang orihinal ni Rizal.

Alusyon kay Heine
Ikalawa, ang banggit hinggil sa isang katha ni Heinrich Heine (1797-1856). Naganap ito sa unang kabanata ng Noli, sa piging na handog ni Kapitan Tiago bilang pasalubong kay Crisostomo Ibarra. Ginamit ni Rizal na pagkakataon ang pagtitipon upang ipakilála ang kaniyang mga pangunahing tauhan sa nobela. Isa sa mga prominenteng panauhin si Padre Damaso at inilarawan siyang madaldal, malakas ang tinig, mahilig kumompás-kompás, matipuno ang pangangatawan, at dahil sa kayabangan ay unang ikinompara bílang isang “nakabalatkayo siyang maharlikang Romano.” Ngunit upang isunod pang paghahambing ang ganito, “wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa bangka sa lawa at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.” (Akin ang salin.)

Ang binanggit na akda ni Heine ay ang “Gotter im Exil” (1854). Dioses en el destierro ang salin ni Rizal sa pamagat ni Heine. Hindi ito isang aklat bagaman isang mahabà sa karaniwang akdang prosa. Isang pinagdugtong-dugtong itong kuwentong naipon diumano ni Heine sa kaniyang mga paglalakbay at narinig sa mga mangingisda’t marino. Tulad ng karaniwang katha-katha ay hitik ang mga ito sa kagila-gilalas at di-kapani-paniwala ngunit nakatuwaang tipunin ng may-akda dahil may iisang hakang tinutukoy. Ano ba ang nangyari sa mga bathalang pagano pagkatapos manaig ang Simbahang Kristiyano? Alinsunod sa ating Kristiyano’t modernong paniwala, likha rin lamang ng imahinasyon ng sinaunang tao ang mga bathala sa mitolohiyang Griyego-Romano. Sa gayon, natural na maglahong parang bula ang mga ito kasabay ng pagguho ng kanilang mga templo. Ngunit, ayon sa mga salaysay na naipon ni Heine, mga totoong nilikha ang mga diyoses. Hindi rin silá naglaho sa mundo o pinarusahan sa impiyerno. Sa halip, at ito ang tesis ng “Gotter im Exil,” buháy na buháy silá ngunit nakabalatkayo o nakatirá nang tiwalag sa malayo’t liblib na pook kayâ hindi natin nakikilála o nakikíta. Bílang pruweba, ang akda ni Heine ay parang X-file ngayon, mga di-sinasadyang engkuwentro ng ordinaryong tao sa mga nakatago o nakabalatkayong diyoses.

Una siyempre ang nakasisindak na engkuwentro ng mga binata kay Venus, na isang kaakit-akit pa ring reklusa sa isang kastilyo at bumibiktima ng mga muslak na lalaki. May mga istorya rin si Mercury bílang tagapag-ayos ng biyahe ng mga kaluluwa sa isang nakatatakot na isla. Gayundin si Jupiter, na natagpuan ng mga istranded na marino sa North Pole, nakatirá sa isang kubo kasáma ng isang huklubang agila at isang matandang kambing, at nangangalakal sa balát ng kuneho.

Ngayon, ang sinipi ni Rizal ay ang kuwento hinggil sa tatlong kahina-hinalang monghe na lumilitaw tuwing equinox ng Setyembre sa lawa ng Tyrol at umaarkila ng isang bangka. Tuwing aabutan din ang bangkero ng salaping bayad ay kung bakit nakararamdam siya ng matinding hindik. Dahil sunod-sunod na taon itong nangyayari, naisip ng bangkerong may-ari ng inaarkilang bangka na alamin kung saan nagpupunta ang tatlo. Lihim siyang nagtago sa ilalim ng mga abubot sa bangka at naging saksi sa pagpunta ng tatlo sa isang lihim na pulo. Pagdaong doon, sinalubong ang tatlo ng magaganda’t makikisig na kabataan, halos walang saplot, at nagkaroon ng malaki’t magdamag na pagsasayá, awitan, inuman, at sayawan, sa pangunguna ng tatlo. Nakilála niya ang lider na si Bacchus at isang bakanal o orgy ang nasaksihan niyang pagdiriwang.
Lubhang nabalísa ang ang bangkero. Nang hindi na makatiis, nagpunta siya sa kumbentong Pransiskano na bantog sa kanilang bayan sa pagbibigay ng mabuting payo. Isiniwalat niya nang halos nakayuko’t nagsisisi sa priyor ang nasaksihang ritwal na pagano. Pagkatapos magsalaysay, napatingin siyá sa kausap at laking sindak ng bangkero nang mapagsino ito. Ang kausap niyang monghe ay si Bacchus! Gayunman, hindi siyá nagpahalata at pinakinggan ang payo ng priyor. Sa dulo ng payo, sinabi nitó na alam niyang lubhang natitigatig ang bangkero at hindi kumakain. Sa gayon, inalok nitó ang bangkero na pumunta sa kusina upang madulutan siya doon ng masarap na tanghalian. Sumunod ang bangkero. Ngunit lalo siyang nasindak nang makilála niyang ang kusinero at tanod sa kusina ay ang dalawang kasáma ni Bacchus sa isla. Mabilis na tumalilis ang bangkero.

Narito ang talata ni Rizal na naglalarawan kay Padre Damaso:

Por el contrario, el otro que era un franciscano hablaba mucho y gesticulaba más. Sin embargo de que sus cabellos empesaban a encanecer,
parecia conservarse bien su robusta naturaleza. Sus correctas facciones,
su mirada poco tranquilizadora, sus anchas quijadas y herculeas formas
le daban el aspecto de un patricio romano disfrasado, y, sin quererlo, os
acordareis de uno de aquellos tres monjes de que habla Heine en sus
Dioses en el destierro, que por el Equinoccio de Setiembre, alla en Tyrol
pasaban a media noche en barca un lago, y cada vez depositaban en la
mano del pobre barquero una moneda de plata, como el hielo fria, que le
dejaba lleno de espanto.

Na maaaring isalin sa ganito:

Kaiba sa kaniya, madaldal at mahilig kumompás ang ikalawa na isang Pransiskano. Kahit nag-uuban na ang kaniyang buhok, waring matibay pa ang kaniyang pangangatawan. Dahil sa katamtaman niyang anyo, nakahihindik na tingin, malalapad na panga, at matipunong pangangatawan, animo isang nakabalatkayo siyang maharlikang Romano, at wala sa loob na maaalala mo ang isa sa tatlong monghe na binanggit ni Heine sa kaniyang Mga Diyoses sa Destiyero, na kapag equinox ng Setyembre, doon sa Tyrol ay pinalilipas ang hatinggabi sa isang bangka sa lawa, at tuwina’y nag-iiwan sa kamay ng kawawang bangkero ng isang salaping pilak, na sinlamig ng yelo, at ikinasisindak nitó.

Sa pagkakataong ito, ang pagsipi ni Rizal sa akda ni Heine ay bahagi ng kaniyang karakterisasyon. Angkop na angkop ang katauhan ni Bacchus na nakabalatkayong Pransiskano sa katauhan ni Padre Damaso. Ngunit isinagawâ ito ni Rizal sa paraang tila isang palaisipan. Binanggit lamang niya ang tatlong monghe na tumatawid ng lawa sa Tyrol tuwing Setyembre. Liliwanag lamang sa atin ang paghahambing kay Padre Damaso sa nakaabitong si Bacchus kapag nabása natin ang akda ni Heine. Sa kabilâng dako, ang banggit sa akda ni Heine ay parang pagbibigay ng clue hinggil sa totoong katauhan ni Padre Damaso. Bahagi ng tinatawag na foreshadowing sa pagsasalaysay. Sa nobela, lilitaw din na may malaking kasalanang karnal ang Pransiskano. Ngunit kung nabása natin ang akda ni Heine, sasabihin nating natural lamang itong gawain ng isang bathala ng kamunduhan ngunit nakabalatkayo na isang Pransiskano.

Hindi lamang isang mahusay na iskolar ng literaturang Aleman si Rizal. Isa rin siyang dalubhasa sa paggamit ng siste’t parikala. Napakalakas ng kaniyang sense of humor. Ang masaklap, ang masayáng katangiang ito ni Rizal ang hindi gaanong napapansin ng mga bumabása sa kaniyang mga nobela. At muli, ang unang dahilan, nawawala ang sinipi kong pagbanggit kay Heine sa mga ginagamit na hango’t halaw sa paaralan. Tingnan halimbawa ang naging “salin” ng paglalarawan kay Padre Damaso sa Guzman-Laksamana-Guzman:

Ang pransiskano, sa isang dako, ay masalitâ at madalás magkukumpás
ng kamay. Bagamá’t ang kanyáng buhók ay pumuputî na, ang katawán
nama’y malusóg, pagka’t waring itó’y dî niyá pinabábayaán. Ang kanyáng maayos na pagmumukhâ, paninging nakababaklá, malamáng mga pisngí, gayundin ang matipunong tindíg, ay nagbíbigáy sa kanyá ng anyong katulad
ng sa isáng maharlikáng romano na nagbabalatkayóng praile.

Pagbungkal sa Impluwensiyang Pampanitikan
Mahirap na trabaho ang pagsaliksik sa mga akdang nabanggit o sinipi sa mga nobela ni Rizal. Sabi ko nga, isang manunulat na iskolar si Rizal kayâ kailangan ding maging iskolar ang kaniyang kritikong mambabasá. Ngunit madalî iyon kapag pinag-usapan ang ang pagtuklas sa pinagmulan ng kaniyang mga kaisipan. Sa mga sipi at alusyon ay nakalimbag kung sino ang awtor o ano ang pamagat ng librong ginamit niya. Sa kaisipan, malimit na walang palatandaan kung saan niya pinulot ang isang idea o kuro-kurong sinabi ng kaniyang mga tauhan.

Halimbawa, saan nanggaling ang mahabàng talumpati ni Simoun hinggil sa halaga ng pag-aaral sa sariling wika laban sa pagpipilit ni Basilio at mga kasámang estudyante na magkaroon ng paaralan para sa pagtuturo ng wikang Espanyol? Saan niya hinalaw ang paniwala ni Simoun na mistulang kaluluwa ng lahi ang katutubong wika kayâ mistulang alipin ng ibang bansa ang isang lahing gumagamit ng banyagang wika?

Sapagkat koneksiyong Aleman ang aking proyekto, nais kong ipanukala na nasimsim ni Rizal ang naturang kaisipan mula sa mga sinulat ni Herder. Noon pang mga taon ng 1770 ay sumilakbo sa Alemanya ang tinatawag na Sturm und Drang, isang maikli ngunit katangi-tangi’t napakahalagang kilusang pampanitikan at pampilosopiya na namulaklak sa malikhaing panahon ng Romantisismong Aleman. Isang himagsik ito laban sa lubhang pag-iral ng rasyonalismo’t unibersalismo ng panahong Kaliwanagan (Enlightenment) at laban sa malubhang pagkasungyaw ng mga manunulat na Aleman sa panitikang Pranses. Ipinanukala ng Sturm und Drang ang suhetibistang pagtingin sa bagay-bagay at ang pagpapairal sa katutubong henyo. Si Herder ang isang pangunahing ideolog at tagapagsulong ng Sturm und Drang. Sa maraming sanaysay, si Herder ang nagsulong sa paglinang sa katutubong wikang Aleman, sa pagtitipon at muling pagpopularisa sa panitikang-bayan, at sa angkop na pagkilála at pagpapahalaga sa henyong Aleman. Narito halimbawa ang isang sipi mula sa kaniyang Fragmente:

Ang mga idyoma ng wika ay mga kariktang nagmula sa ama, nakakatulad
ng mga sagradong kakahuyan ng olibo na nakapalibot sa akademya ng
Atenas at nakahandog sa kanilang patronang diyosang si Minerva. Ang
bunga ng kakahuyan ay hindi lumalabas ng Ateneas at naglilingkod lamang bilang gantimpala sa mga nagwagi sa pistang Pan-Atenaiko; ang totoo, nang sakupin ng mga Lacedaemonyo ang lahat, hindi pinahintulutan ng diyosa
ang mga banyagang barbaro na pasukin ang sagradong kakahuyan. Sa katulad
na paraan, ang mga pambansang partikularidad ng wika ay mga palatandaan ng kariktan na hindi maaaring angkinin ng mga kapitbahay sa pamamagitan ng
salin, at tunay na sagrado sa patronang diyosa ng wika. Mga kariktan itong nakasanib sa henyo ng wika at kayâ masisira kapag inihiwalay…Bakit mahal
na mahal ng mga British ang uri ng katatawanan sa kanilang pagsulat? Sapagkat
ang katatawanan doon ay hindi maisasalin at kahawig ng kanilang sagradong idyoma…Bakit ipinagtatanggol ng mga Ingles ang kanilang Shakespeare kahit
kapag naliligaw ito sa gubat ng Italyanong concetti at paglalaro sa salita? (Sapagkat) isinusugpong niya ang mga concetti sa katutubong paglalaro sa salita
at nagdudulot ng bungang hinding-hindi maaaring nakawin at ilipat sa ibang klima.

Hindi ba’t ito rin kung sakali ang isesermon ni Simoun kay Basilio kung ipinilit pa ni Basilio na mahalaga ang Espanyol para sa higit na pamumulaklak ng kanilang karunungan? Pansinin pa ang paggamit din ni Herder kay Shakespeare bálang huwaran, kung paanong ginamit niya ang paghiram ng siste mula sa mga Italyano upang payamanin ang sariling wikang Ingles at ang paraan ng pagpapatawang Ingles. Si Herder ang nagpakilála kay Goethe at mga kapanahong manunulat sa henyo ni Shakespeare upang mailayô ang panitikang Aleman sa impluwensiyang Pranses at upang maging modelo sa paglinang ng awtentikong wika’t panitikang Aleman. Sa ganitong paraan din dapat pahalagahan ang paggamit ni Schiller sa “Shakespeare Shatten” sa xenien na sinipi ni Rizal.

Hindi ako iskolar ng Aleman. Ang sipi ko kay Herder ay halaw mula sa Ingles na koleksiyong Selected Early Works 1764-1767 ni Herder na salin nina Ernest A. Menze at Michael Palma at limbag ng The Pennsylvania State University Press (1992). Ang salin ko ng orihinal ni Schiller ay hindi mabubuo kung hindi sa tulong ni Rayvi Sunico. Ngunit nais kong ipanukala ang dagdag na pagsasanay ng ating mga iskolar sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman. Hindi natin ganap na mabubungkal ang reperensiya ni Rizal bílang nobelista at palaisip kung hindi natin lilingapin ang kaniyang kaalaman sa wika, panitikan, at kasaysayang Aleman.

Hindi naman dapat isipin na nahilig lamang sa Aleman si Rizal dahil sa matalik niyang pakikipagkaibigan kay Ferdinand Blumentritt. Kung binása lamang nating mabuti ang Doña Perfecta ni Perez Galdos at sinasabing may malakas na impluwensiya sa pagsulat ng Noli at Fili ay mahihiwatigan natin mismo doon ang bighani ng Alemanya kahit sa mga kabataang Espanyol. Ayon sa nobela ni Perez Galdos, nagiging puntahan na noon ng mga kabataang nais magkaroon ng ibang uri at radikal na edukasyon ang Alemanya. Hindi ba’t kahit ang planong paaralan ni Ibarra sa San Diego ay nakapadron sa edukasyong Aleman? Bago pa o magmula sa panahon nina Herder ay sadyang namulaklak ang kulturang Aleman at kayâ isang sentro na ito ng gawaing intelektuwal pagsapit ng ika-19 siglo. Ipinagmamalaki na nitó ang mga Hegel, Nietzche, at maging Marx bago namalagi doon si Rizal upang tapusin ang kaniyang nobela.

At nais ko ring sabihin na hindi sumusulong ang ating pagpapahalaga kay Rizal sapagkat hindi sumusulong ang iskolarsyip tungkol kay Rizal. Inuulit-ulit lamang sa mga libro, artikulo, at talumpati tuwing Araw ni Rizal ang mga isyung tinalakay nina Daroy, Ricardo Pascual, Palma, Recto, De la Costa, at ibang Rizalista noong dekada 60. At para sa akin, sintomas din ito ng pagkabalaho ng buong adyenda sa saliksik at intelektuwalidad sa mga lumang tunguhin at paradigma. Marami pang dapat gawin ang mga Rizalista. Tulad din ng pangyayaring marami ding dapat gawin ang mga iskolar natin at guro sa akademya upang iligtas ang pagtuturo mula sa kumunoy ng nakamihasnang kaisipan.

Maaari tayong magsimula sa pamamagitan ng pagmuni sa isang popular na pahayag ni Herder: “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Napakaraming ibig sabihin. Bihira ang gustong mag-aral ngayon kay Herder dahil hindi malinaw magsulat. Mahiwaga ang “Hulog ng langit ang kaisipan, biyaya ng lupa ang salita.” Ngunit isang natitiyak kong ibig sabihin nitó ay hindi natin kailanman makikíta ang biyaya mula sa ating sariling lupa kung lagi táyong nakatingala.

 

Ferndale Homes
17 Hunyo 2008

SA AKING PINIPINTUHO: ISANG SAYAW NG PAGHUHUBAD

SA AKING PINIPINTUHO: ISANG SAYAW NG PAGHUHUBAD

Glecy C. Atienza

 

“Kung ibig mo akong makilala,

lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat…

 

Kung ibig mo akong makilala,

sunduin mo ako sa himlayang dilim

at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil

ibangon mo ako at saka palayain.”

•  Ruth Elynia S. Mabanglo

MATAGAL nang panahong napahinga ang mga kamay na ito. Walang lakas na kumikiliti dito upang humawak ng pluma’t tumulak sa pagsulat. Madalas, masarap na lamang tumanga sa malayo nang pinipilit ang sariling walang maisip. Walang kumplikasyong kailangang kalagin sa pagkakabuhol. Ligtas sa pagkakataong naniningil ng pagbabago.

Ngunit nanggising ang pagkakataon sa mga taong napapaidlip sa pagkakahapo. Pinapatid ng enkuwentro ang pagkakaidlip ng sentido. Kinakalabit ng kamalayan ang umiiwas sa katotohanan.

Kung bakit nang magkita tayo’y may tila salamangkang bumalot sa akin. Sa ibabaw ng usapang singhaba lamang ng paglagok ng isang bote ng beer ay bilis nating napanatag sa palitan ng karanasan. Dama ko ang pagtagos ng iyong mga titig sa aking katawan. At may kung anong lakas na nag-uudyok sa aking ibaling ang aking katawan saan ka man naroon. Ano’t ang sandaling pagdaiti ng katawan ay sapat na upang pahupain ang pagal na isipan.

Laman ka ng aking pangarap saan man ako humarap. Marami akong nais sabihin. Marami akong nais ibukas. Laksang bagay ang nais kong pagsaluhan natin.

Ngunit…

Matindi ang pangambang pumipigil sa akin. Paano kung sa gitna ng aking pangungusap ay bigla akong mawalan ng hininga sa magkahalong pananabik at pangamba? Paano kung sa gitna ng aking kuwento’y putulin mo na lamang ako’t sukat? Paano kung ako’y bigla mo na lamang talikuran matapos mong matuklasan ang mga sikreto ng aking kaibuturan?

Kaya nga ba’t inaari kong malaking tagumpay ang pagharap kong ito kahit sa papel man lamang. Nais kong makipag-ugnayan. Nais kong makipag-unawaan. Ngunit hindi sa paraang natatapos lamang sa isang gabi ng pagtungga ng beer. Lagpas pa sa palitan ng ngiti at lambingang nakakakiliti. Mahirap mang aminin sa sarili’y nais kong tuklasin mo ang kasuluk-sulukan ng pagiging ako. Lagpas sa kapangyarihan ng salita. Sa isang wikang kaya lamang unawain ng puso’t damdamin.

Inaanyayahan kita sa pagbubukas na ito. Hindi ko kayang magkuwento sa iyo nang harapan ngunit tiyak na may ibang paraan. Puede namang magkuwento nang pakilos – nakatagilid, nakaliyad. Maaaring bahagyang nakakubli ang mukha ngunit nakaharap ang katawan. Nakatalikod bagaman nangungusap ang likuran. Magkalayo ang katawan ngunit nabibigkis ng mainit na pag-uugnayan. Damhin mo ang sidhi ng damdaming aagos sa bawat kilos ng buto’t laman. Ganyan ang nais kong maganap sa palitang ito. Pakinggan mo ang bawat imbay at kilos ng aking katawan. Samahan mo sana ako sa pakikipagniig na ito.

Lagpas sa Guhit ng Makinis na Balat

Ika nga’y zero position.

Magsisimula tayo sa wala. Nababalot sa damit ang bawat parteng maselan. Nakalapat ang dalawang paa sa sahig, magkadikit. Tuwid ang katawan. Nakalaylay ang dalawang braso’t kamay sa tagiliran. Bagsak ang mga balikat, nakaalalay sa leeg at ulong tuwid. Latag ang tingin ng mga mata. Nakatutok sa iisang tuldok. Payapa. Payapang tingnan sa likod ng damit na pinagkukublihan. May isang regular na tiktak na bumabalot sa katahimikan. Umaalon-alon ang nakasampay na damit sa ritmo ng hininga ng payapang katawan.

Miminsan ko lamang titigan nang bung-buo ang aking katawan. Pinalaki ako sa paniniwalang maling tumititig sa katawan ng tao. At lalong mali ang tumititig sa katawan lalo’t kung iyo. Ngunit paminsan-minsan ay hindi ko mapigilang magnakaw ng sulyap upang masilayan ang aking katawan. Ang aking katawan. Matay ko mang isipin ay wala namang gasinong kulang sa katawang ito. Ano’t kung may pagkakataon lang ako’y gusto ko itong palitan?

Maliit lamang ako, mahaba ang katawang may kabilugan. Makinis ang balat, maitim ang buhok, mabibilog ang mga bisig at binti. Namumurok sa ilalim ng aking damit ang laman ng dibdib. Namimintog sa likuran ang laman ng balakang. Malinaw ang guhit ng mga kilay, mata, ilong, bibig, pisngi, baba. May kurbada kung saan kinakailangan. Di man siguro kagandahan ay biniyayaan pa rin ng kapansin-pansing katawan.

Sapul pagkabata’y agad na sa aking pinamukha na may mga dapat at hindi dapat sa pagturing at pangangalaga sa katawan ng babae. Pinananatiling malinis at mabango ang katawan – sa diwa at sa gawa. Laging inilalayo ang kamay sa katawan. Tinatakpan nang mahusay ang maseselang bahagi ng katawan. Pinag-iingatan ang balat. Pinag-iingatan ang pagkababae pagkat ito ang tanging handog na maibibigay sa tanging lalaking pakakasalan balang araw. Itong huli ang siyang laging sinasabi. Pakakaingat-ingat daw pagkat minsan lang na makuha ng iba’y di na muling maibabalik. Wasak na habang buhay. Isa itong malaking palaisipan. Kaya’t sapul pagkabata’y sinanay na kami sa kilos na magpapahalaga sa pagkababae. Bawal ang bumukaka, bawal ang magsuot ng manipis na damit. Bawal ang lumakad-lakad na parang kalabaw sa gitna ng kalye. Bawal magsuot ng maiikling shorts o anumang damit na makapupukaw ng pansin mula sa mga lalaki. Manatiling lagi sa loob ng bahay. Umuwi ng maaga. Sa loob ng bahay makasisiguro ang babaeng ligtas siya sa anumang kapahamakan.

Umayon ako sa karaniwang kalakaran sa lipunan sa pag-aakalang mapangangalagaang mabuti ang kalinisan at kabanguhan ng kaisa-isang katawan. Ngunit bakit sa pagmalas ko sa aking buong katawan ay di ko mapigilan ang panginginig ng aking mga balikat. Nararamdaman kong may nais ikubli ang unti-unting pag-arko ng aking katawan upang bumalik sa aking porma sa loob ng sinapupunan. Pilit na nagkukubli ang aking mukha. Binalot ng aking mga braso’t kamay ang nakatuping tuhod at binti. Latag ang tingin sa loob ng pagkakayukayok. Ngunit sa kaloob-looban ay hindi payapa ang pakiramdam. Kasamang kinukubli ng saplot ng nakayukyok na katawan ang karanasang bumasag sa kamusmusan.

Sunduin Mo Ako sa Himlayang Dilim

Sa sandaling umagos ang lakas sa aking mga laman at mag-udyok ng kilos ng katawan, ligalig na ang kaninang payapang katawan. May mga kuwentong umaalingawngaw sa bawat kilos ng ligalig na katawan. Mga kuwentong nagpupumiglas na maisiwalat nang malaya. Kaya’t unti-unti kong tutuklapin ang nakabalot na saplot. Bawat pagtutuklap ay isa na ring paghuhubad.

Hindi simpleng kilig ang nagtutulak sa pagkurap. Madalas ay napapakurap bilang proteksyon ng mata sa sobrang liwanag. Kung minsan ay sa pagkakapuwing. Ang sa akin ay kurap nang pag-aninag sa katotohanang sa dingding at hangin ko lamang kayang ibaling.

Taun-taon ay nagbabakasyon kaming mag-anak sa isang bahay ng pamilya ng tatay ko sa probinsiya. Kasama namin ang kamag-anakan ng tatay ko kaya’t talagang masaya. Maraming kalaro – bata’t matanda, lalaki’t babae.

Dito’y may natutunan akong isang kakaibang laro. Nilalaro namin ito sa isang kubo sa tabi ng dagat, kapag pinagsasama ako ni Tiyong. Masaya pagkat kalong-kalong niya kong palagi. Ginagaygay ng kanyang mga kamay ang maliit kong katawan. Himas-himas niya ang aking dibdib, binti at balakang. Dinadaliri niya ang aking pagitan. Habang ginagawa niya ito’y pinapahid niya ang kanyang harapan sa aking buong katawan. Lagi’t lagi ay pinaaalala niya na naglalaro lamang kami kaya dapat ay masaya. Ako ang nanay at siya naman ang tatay. Paulit-ulit niya itong binibigkas na parang dasal, isang sikretong di dapat banggitin kanino man pagkat baka pagalitan ako ng Nanay at hindi na pagsama ulit sa susunod na bakasyon. Titigil lamang siya kapag basa na ang kanyang likuran at harapan. Ganito ang larong natutunan ko nang ako’y limang taong gulang.

At habang nangyayari ang lahat ng ito’y tila mga pakpak ng paru-paro ang mga pilik-mata ko habang nakikiramdam sa nangyayari. Kinukubli ng kanang braso ang dibdib. Tumitibok ang puso sa ilalim ng palad. Maging ang hininga ay hindi ko makuhang pawalan. Hindi ko alam kung anong tawag sa larong iyon ngunit tiyak ko ang pakiramdam ko. Sa larong ito, nakilala ko ang pakiramdam na totoong di ko mawari.

Nauulit ang ganitong di mawaring pakiramdam kapag nauwi kami sa bahay. Mag-isa ako sa kuwarto namin. At upang mapawi ang takot sa dilim ay hinahayaan kong bukas ang tarangkahan ng pintuan. Tunay ngang wala akong dapat ikatakot pagkat lagi akong sinasamahan ng pinsan kong lalaki. Tinuruan din niya akong maglaro. Muling kumurap-kurap ang aking mga mata habang nakatitig sa dilim.

Nagpatuloy ang ganitong pakikipaglaro. Taun-taon sa probinsiya kapag bakasyon. Minsan, makalawa, makatlong beses sa isang linggo sa bahay. Paulit-ulit ang pakiramdam na hindi mawari. Hanggang sa pagtagal-tagal ay napalitan ang di mawaring-pakiramdam ng pananabik at kaligayahan.

Ito na ang simula ng mga araw at gabi ng di pagkakapalagay. Naliligo ako nang higit sa tatlong beses sa isang araw. Kuskos ako nang kuskos sa maseselang parte ng misteryosong bahagi sa aking pagitan. Hindi ako mapalagay sa pagsusuot ng putting uniporme sa eskuwelahan. Takot akong masilipan kaya’t lagi akong nagsusuot ng itim na shorts sa ilalim ng kanyang kaputian. Ayaw kong may makakita. Ayaw kong may makaalam. Walang sinumang dapat na makaalam.

Nagpatuloy ako sa pagsunod sa mga dapat at di dapat sa pangangalaga ng katawan ng babae kung para lamang mapagtakpan ang mga di ko mawaring pakiramdam at kaligayahan. Lagi akong malinis at mabango. Pinapalis kong pilit ang lahat ng senyales ng aking pakikipaglaro. Lagi kong iniipit ang aking pagitan. Kinukubli kong pilit ang puno’t dulo ng di mawaring pakiramdam. Lagi akong umuuwi ng maaga at nananatili sa loob ng aming bahay. Patuloy ang pagdalaw ng aking kalaro pagsapit ng madaling-araw. At lagi’t lagi’y umaalingawngaw sa aking pandinig ang pangaral ng matatanda sa amin. Kasalanan ang hawakan ang maseselang parte ng katawan. Impiyerno ang naghihintay sa kumikilala sa kaligayahang dulot ng laman.

Sa ika-labindalawa kong kaarawan ay naglandas ang dugo ng buhay sa aking pagitan. Matiim kong pinakiramdaman ang paglabas ng dugo ng buhay mula sa aking katawan. Parang paglilinis sa lahat ng bakas ng panghihimasok sa aking murang katawan. Inabangan ko ang kanyang pagdalaw buwan-buwan, parang pag-aabang sa isang matalik na kaibigan. Kakampi ko siyang tunay pagkat mula nang dumalaw siya’y nakatuklas ako ng isang bagong karanasan. Maaari pala akong umayaw. Maaari akong humindi. Maaari ko nang wakasan ang hindi mawaring pakiramdam. Sa araw ring to’y tinarangka ko na ang aking pintuan bago matulog sa gabi. Tuwing bakasyon ay nagkakaroon ako ng dahilan para hindi sumama sa probinsiya.

Sa aking ika-labing-apat na kaarawan ay nakatatanggap ako ng pinakamagandang regalo sa buong buhay ko. Namatay sa isang aksidente ang pinsan ko. Ipinagdiwang ko ang pagkamatay ng aking kalaro. Iniyakan ng nanay ko ang pagkawala ng pinsan ko. Napakabata pa raw niya para bawian ng buhay. Ang pinsan kong napakabata pa para bawian ng buhay, ang pinsan kong halimaw ang siya niyang iniiyakan. Kung malalaman kaya ni Ina na una pang namatay ang aking kamusmusan kaysa sa aking pinsan, ako rin kaya’y kanyang tangisan? Nagimbal ako sa aking natunghayan. Saka ako napahagulhol.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong sabihin sa aking pamilyang hindi dapat na tangisan ang pagkamatay ng isang halimaw. Gusto kong humiyaw hanggang sa manginig ang tumbong ng tiyo’t pinsan ko. Gusto kong isuntok nang ubos-lakas ang aking mga bisig. Gusto kong itadyak ng buong-lakas ang aking mga binti. Sabihin ko kaya kay Ina? Baka magkagulo ang pamilya. Maniwala kaya sa akin si Ama? Baka ikahiya ako ng aking pamilya. Kung mawawala pa sila sa aki’y wala nang matitira, wala.

Salubungin Mo Ako Saka Palayain

Kaya’t lumikha ako ng aking sariling mundo. Makikipag-usap ako tulad ng ibang ordinaryong dalagitang ka-edad ko. Nakikipaglaro, nakikipagpalitang-kuro tulad ng pangkaraniwan. Ngunit kapag nakalabit ang takip ng ikinukubling karanasan, sa oras na lumagitik ang ulirat at ako’y gapangan ng mga alaala ng larong may di mawaring pakiramdam, biglang nauumid ang aking dila. Nararamdaman kong nagsasara ang aking katawan. Mabilis, mabagal, mariin ang pagtiklop ng aking katawan. Mariin din ang kilos ng aking mga paa, kamay, balikat, balakang, leeg at ulo. Mabilis, mariin, pakurba. Hampas ng katawan, pag-iwas sa mapaglarong kamay. Mabilis, mariin, tuwid. Suntok ng mga bisig, pagsalakay sa katawang nilupig. Mabagal, mariin, pakurba. Piga ng buong katawan, pagkukubli ng katotohanan. Mabagal, mariin, tuwid. Tulak ng mga paa, paghulagpos sa bangungot na di matakasan. Hagupit sa katawan, latay sa puri’t kinabukasan.

Sa munting mundo kong ito’y nababalikan ko ang aking mga pakiramdam. Naaalala ko ang aking mga karanasan sa pakikipaglaro. Nakapagmumura ako nang walang nagbabawal. Nakaiiyak ako nang walang nakakikita. Nakahahagulhol ako nang walang nakakarinig. Nararamdaman kong umaayon ang aking katawan sa bawat kong pakiramdam. Mariing kumikilos, tahimik na nakikiramdam. Naglulunoy ako sa aking nilikhang mundo. Dito’y malaya kong naipapahayag ang aking sarili – walang takot na pumipigil. Walang banta ng kasalanang nakaumang sa bawat paglalahad.

Nagdalaga ako’t nakatapos ng pag-aaral nang walang inihinga, isa mang salita sa aking pamilya. Napatibok ng ilang binata ang aking puso. Kapag napapalagpas sa simpleng akbay ang paglalakbay ng kanilang mga kamay sa aking katawan, napasisigaw ako nang hindi ko namamalayan. Nabigyan ko sila ng dahilan upang lumayo nang hindi kami nagkakaintindihan. Matindi ang panghihinayang ko sa mga pagkakataong iyon. Sayang at hindi ko nakuhang magpaliwanag. Sayang at hindi ko sila naipagsama sa aking munting mundo. Maraming dahilan kaya siguro hindi ko sila naipagsama. Siguro’y hindi pa ako handa, siguro’y hindi ko rin alam kung paanong ipapaliwanag. Saka ko napag-isip na hindi ko nga sila dapat ipagsama sa aking mundo.

Hindi ko sila dapat ipagsama sa aking mundo pagkat ito’y mundong nagkukubli ng mga mararamdaman at nasasaisip. Kung sila’y ipagsasama ko sa mundong iyon, ano pang karanasang malusog ang aming pagsasaluhan gayung ang mundong iyon ay mundo ng pagkukubli at pagtakas sa katotohanan?

Nais kong ibukas ang aking mundo sa taong nais kong magkaroon ng kaugnayan sa buhay ko. Nais kong magbukas hindi upang tumakas kundi upang humarap sa totoo. Nais kong makipag-ugnay hindi upang magkubli sa anino ng iba kundi upang mabigyang-katuturan ang buhay. Nais kong lumaya.

Kaya nga ba’t nais kong ibahin ang pagkakataong ito. Ngayong nakakaramdam ako ng ibayong lakas ng loob upang magpaliwanag sa iyo. Ngayong nakakahanap ako ng sapat na lakas ng pakiramdam at pagtitiwalang mauunawaan mo. Ngayong natuklasan ko na kung paanong ang katawang dating nagkukubli ay maaari ring magpahayag ng katotohanan. Nakakarinig ako ng kakaibang himig mula sa aking puso.

Pinipikit ko ang aking mga mata saka ko pinakikinggan ang mga musikang nakapaligid sa akin. Pinakikinggan ko ang musika ng aking puso, ang himig ng pagsusumamo, ang himig ng pakikipag-ugnay ng puso sa puso. Ang ingit ng mga buto at paglambot ng laman habang unti-unti kong ibinubukas ang aking katawan sa labas ng aking mundo.

At habang pinakikinggan ko ang musika ng aking puso ay hinahayaan kong gumalaw ang aking katawan sa paraang nais ko. Kapag mabilis at mariin ang himig na likha ng puso, magaan at maindayog ang himig. Magaan, mabilis at tuwid. Tumatapik-tapik, ang mga daliri’t paa sa pananabik, naghihintay ng pagkakataong makalapit, makaugnay ka. Magaan, mabilis at kurbada. Pumipitik-pitik ang sulyap ng mga mata, nakaw-damdamin sa mga palipad-hangin. Magaan, mabagal at kurbada. Lumulutang ang isipang pagal, naghahanap ng kalinga’t pagmamamahal. Magaan, mabagal at tuwid. Humahapon ang halik sa mga labing sabik. Magaan, mabagal at pakurba. Haplos ng mga kamay, dampi ng labing nagpapahalaga’t naglalambing. Mariin, mabagal at pakurba. Humahapit ang bisig. Lumalapat ang katawan sa kapwa katawan. Pagbubukas ng sarili. Mariin, mabagal, tuwid. Pagpapaloob ng sarili. Pag-aalay ng buhay at kaluluwa.

Salubungin mo ako sa pagbubukas ng aking mundo.

Sabayan mo ako sa sayaw ng pagbabago.

Saluhan mo ako sa paglaya ko.

Panitikan ng Pagsampalataya: Isang Paglitis/Pagtistis sa Wika’t Retorika ng Pananakop

Panitikan ng Pagsampalataya: Isang Paglitis/Pagtistis sa Wika’t Retorika ng Pananakop
ni Virgilio S. Almario

Unang dapat pagpakuan ng sipat ang pangalan ng unang limbag ng makatang Filipino: “Fernando Bagongbanta.” Isa itong pangalang binyagan at may tatak ng dalawang nagtagpong kultura sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ang unang ngalan ay hiram at maaaring isinunod sa bantog na hari ng Espanya; ang apelyido’y katutubo at may pahiwatig na mapangahas.

Isa ba itong tunay na pangalan o isang sagisag-panulat?

Nalathala ang “Fernando Bagongbanta” kaugnay ng isang diumano’y romance sa bungad ng librong Memoria de la vida cristiana en lengua de tagala (Maynila, 1605) na sinulat ni Padre Francisco de San Jose.

Sa edisyong 1835 ng libro, lumitaw ito sa walang-bilang na pahina pagkaraan ng “Dedicatoria.” Si San Jose ang nagbinyag ng romance sa akdang binubuo ng 112 taludtod sa salit na Tagalog at Espanyol at napapangkat sa 11 saknong. Tinawag naman ni San Jose na isang “ladino” ang may-akda.

Hanggang ngayon, wala pang dagdag na impormasyon hinggil kay “Fernando Bagongbanta” ang mga saliksik. Naiwang kaisa-isang panuring para sa kanya at sa kanyang akda ang bigyag na “ladino” na ayon sa mga teksbuk sa panitikan ay isang makata o tulang bilingguwal. Sa mga kolonya ng mga Espanyol noon, tinatawag na “ladino” ang mga katutubong “Latinisado” o natuto ng wikang Espanyol, bagama’t isa rin itong pangngalan para sa isang “matalino’t tuso.”

Ang pangalan mismong “Fernando Bagongbanta” ay ladino. Sagisag-panulat ba ito, samakatwid, para ipanukala ang wika’t pamamaraan sa kanyang tula? Hindi kaya isang laro ito ni San Jose mismo at ang tula ay isinulat niya o ng isang kasabwat na Dominiko at kailangang kathain ang ladinong si “Fernando Bagongbanta” bilang balatkayo sa nangyaring pagpuri-sa-sarili sa loob ng aklat?

Ang huling tanong ay maaaring isudlong sa haka ni Bienvenido Lumbera na ang romanse ni “Fernando Bagongbanta” ay higit na dapat ituring na tulang Espanyol dahil higit na may kalidad ng pagkatula ang mga taludtod sa Espanyol kaysa mga taludtod sa Tagalog. May ulat na “Francisco Blancas de San Jose” ang buong pangalan ng may-aklat at matutuwa ang mga manghuhula kapag nasilip na kapwa nagsisimula sa “F” at “B” ang mga pangalan ng pari at ng ladino.

Ngunit bakit “Bagongbanta”? Isang “bagong banta” sa panulaang Tagalog? Sa paanong paraan?

Si Julian Cruz Balmaseda ang unang bumanggit noong 1938 nang may himig pasaring na noong bagong datal ang mga Espanyol, ang “ipinalalagay na pinakamagandang uri ng tulang tagalog ay ang magkahalong kastila’t tagalog, upang ipakilala na ang may-akda ay isang ‘ladino’ na nakababatid ng dalawang wika.”2 Diumano’y unang pinasukan ng mga Espanyol ng salita nila ang mga katutubong sawikain at sinundan mismo ng Tagalog bilang pagpaparangalan sa kanilang kakayahan. Narito ang isang halimbawa ni Balmaseda ng gayong pagkikisa:

ang uika ng castellano
ay tantoin mong totoo:
pag ang bata,i, retobado
tumanda ma,i, tarantado

Mangangailangan ng higit na mahahabang salungguhit ang romanse ni Fernando Bagongbanta. Hindi ito pagbubudbod lamang ng salita o pariralang Espanyol sa taludtod. Manapa, bawat saknong ay tila tambalang tinig sa dalawang wika, tulad sa madalas sipiing unang taludturan:

Salamat nang ualang hanga
gracias se den sempiternas
sa nagpasilang nang tala
al que hizo salir la estrella
macapagpanao nang dilim 
que destierre las tineblas
sa lahat na bayan natin
de toda esta nuestra tierra.

May pahiwatig ang unang malaking titik sa unang taludtod at ang bantas na tuldok sa huling taludtod na dapat itong basahin bilang iisang pangungusap. Ngunit isang bitag ito sapagkat kapag binasa, dalawa itong magkasalit na pangungusap. Maaaring basahin nang hiwalay ang mga taludtod na gansal sa tagalog:

Salamat nang ualang hanga
sa nagpasilang nang tala
macapagpanao nang dilim
sa lahat na bayan natin

at maaaring ituring na alingawngaw sa diwa ang mga taludtod na pares sa Espanyol:

gracias se den sempiternas
al que hizo salir la estrella:
que destierre las tineblas
de toda esta nuestra tierra.

Kapag iwinalay ang mga taludtod sa Tagalog, mapapansain sa unang saknong na may anyo itong nahahawig sa katutubong dalit — isang saknong na may apat na taludtod at may sukat na waluhan bawat taludtod. Magpapatuloy ang aapating taludtod sa ibang saknong maliban sa ikalima, na may tatlong taludtod, ikawalo, na may limang taludtod, ikasiyam, na may labing-isang taludtod, at ikalabing-isa, na may siyam na taludtod. Ang sukat na waluhan ay masisingitan ng siyam na taludtod na may tig-sisiyam na pantig at dalawang taludtod na may tig-pipitong pantig. Hindi na masama kung iisiping isang pari na bagong aral sa Tagalog ang maytula. Gayunman, sadyang kahina-hinala ang kahinaan ng tainga niya sa tugma. Halos aksidente ang sintunugan sa dulo ng ilang pareado at may mga pagkakataong tila pagbuo lamang ng pangungusap ang nasa isip ng maytula, gaya sa ikasampung saknong:

Si, galing aya nang palad
o grande, ventura, y buena
nang tauong nanasa nito
del que goza esta legenda:
mapopono ang caloloua
quedara su alma llena
nang cayamanan sa langit 
de celestials riquezas

Parang hinalong calamay ang dulong tunog ng “palad,” “nito,” “caloloua,” at “langit” at lalong tumitingkad, sa kabilang banda, ang tila higit na pinaglimiang sintunugan sa mga katambal na linyang Espanyol.

Sinulat nga ba ito ng isang di-Tagalog?

Maaari namang sinulat ito ng isang Tagalog ngunit hindi makata. Samantala, ang mga taludtod sa Espanyol ay maaaring naisaayos ni San Jose kaya, wika nga ni Lumbera, at higit na matulain ang anyo.

Titigan pa natin ang mga taludtod sa Tagalog sa ibang saknong.

May layunin ang romanse ni Bagongbanta na magbigay-puri sa aklat ni San Jose. Anupa’t pagkatapos magpasalamat sa pagkalimbag ng Memorial na ikinumpara sa isang maningning na “tala” na pumawi sa “dilim” sunod-sunod na inihanay ni Bagongbanta ang iba pang talinghaga para idiin ang silbi ng libro sa mga babasa. Tinawag niya ang aklat na “sulat na lubhang mahal” sa ikalawang saknong at nagging simula ito ng litanya ng panawagan sa tinig ng panambitan hanggang sa ikawalong saknong. Narito ang ikatlo hanggang ikapitong mga saknong:

Ycao ang napoponong caban
Tu eres cual arca llena
Nang manga taloqueng mahal
De todas preciosas sedas
Ipagbubuting totoo
que en galanan ay hermosean
sa banal na caloloua
al alma que es justa, y Buena.

Ycao ang mahal na gamay
joya linda, rica, y bella,
macabuti sa Christiano
que al pecho Christiano arreas
sampon talicalang quinto
y de oro rica cadena
na di co din cacalaguin
que no te sufrire suelta.

Ycao ang sandatang matibay
tu eres arma fuerte, y cierta,
na aquing ipagbabaca
de que usare yo en la guerra
cun tinotocso nang diablo
cuando el mal diablo me tienta.

Ycao ang matigas na toncod
bordon de estrana firmeza
icalilicsing di ualas
ay dara gran ligereza

dito sa paglalacaran
mientras ando en esta tierra
hangan di maquita ang Dios
hasta que al mismo Dios vea.

Ycao ang oguit na matibay
eres timon que no quiebra
cahimat binabagyohan
aunque haya tempested recia
sa iyo aco nananalig
mi esperanza en ti esta puesta
sa aquing paglalagayan
en aquesta mi carrera.

Bilang tula, ang mga saknong na tio ang puso ng pagpuri sa aklat ni San Jose. Ito rin ang pinakamatulaing bahagi ng romanse. Makinis ang retorika at dumadaloy na tila isang walang patlang na batis ang buong pahayag. Nasaliksik ng pananalinghaga ang iba’t ibang hambingan sa panulaang-bayan upang itampok ang birtud ng libro: hitik sa diwang mataas ang uri (“napoponong caban” at “taloqueng mahal,” “mahal sa gamay” at “talicalang guinto”) at mahusay na patnubay sa buhay (“sandatang matibay,” “matigasna toncod,” at “oguitnamatibay”). Kung baga sa isang book review, isang pumpon ito ng pariralang nasa antas pasukdol. Hangang-hanga si Bagongbanta sa galling ng aklat ni San Jose.

Ito naman ang katwiran upang pagkatapos pagsalitaan ni Bagongbanta ang mga mambabasa, ang mga “capoua co Tagalog,” sa ikasiyam at ikasampung mga saknong. Sa bahaging ito, nagbago ang tinig ng panawagan mula sa panambitan tungo sa nangangaral na patalastas:

Ay capoua co Tagalog
o la gente de mi tierre
payiin ang catamaran
vaya fuera la pereza:
lalaqui man at babayi
los varones, y las hembras
at ang manga batang munti
y los niños edad tierna:
nag si pag-aral din nito 
aprended aquesta letra
totoong di ualang liuag
muy poco trabaho cuesta:
bago,y, ang daming paquinabang
mucho es lo que se interesa
dudunong na di sapala
seremos hombres de ciencia
at maguiguing banal din
y de ajustada conciencia
na ualang pagcaibhan
que no haya ya differencia
nang Castila,t, nang Tagalog
del de España al de esta tierra

Si, galing aya nang palad
o granda ventura, y buena
nang taoung nanasa nito
del que goza esta legenda:
mapopono ang caloloua
quedara su alma llena
nang cayamanan sa langit
de celestials riquezas.

Inirerekomenda ni Bagongbanta sa kanyang mga kababayan na una’y igpawan ang iwing katamaran at magbasa upang pakinabangan ang libro ni San Jose. Kung baga sa gamut, parang isang mahiwagang panlunas ang libro sapagkat ikagagaling ng bata ma’t matanda at ng lalaki ma’t babae. Hindi lamang din ito isang aklat pangkaluluwa sapagkat nagdudulot din ng di-maulatang karunungan (“dunong” sa Tagalog ngunit may diin sa “ciencia” sa Espanyol) bukod sa isang hadgan upang maipantay ng mga Tagalog ang kanilang sarili sa mga Espanyol.

Sa dulo, parang baliw na muling dinalit ni Bagongbanta ang panambitan at pagsamba sa libo:

Aaquin aquinin cata
tu seas mi propia hacienda
sumaaquin aquin ca
siempre estes junto a mi cerca
cun acoy datnan nang lumbay
si me llegare tristeza
icao ang tantong pangaling
darme has consuelo de versa:
at cun may pagal at hirap
si bubiera cansancio, o pena
icao ang pagpapahingahan
en ti el corazon alienta
sasang anong paquinabang
los provechos son sin cuenta,
ang magmomola sa iyo
que de ti mi alma espera
gracias pati pa nang gloria
la gracia, y la gloria eterna.

Halos isigaw niya ang ganap na pagtitiwala ng sarili sa libro (“Aaquin aquinin cata/ sumaaquin aquin ca”) upang sumakanya ang lahat ng pakinabang mula dito (“gracias pati pa nang Gloria”).

Kailangang kathain si “Fernando Bagongbanta” o kaya’y kailangang ilimbag ang tulang “ladino” bilang bahagi ng paggigiit sa nagaganap na transplantasyon ng kulturang Kristiyano at Kanluranin sa lahat ng pook na sakop ng mga Espanyol sa kapuluan. Ang may-akda at ang akda ay maaaring basahin bilang sagisag sa pag-iral ng pananakop sa katawan at katauhan ng katutubo. Tingnan muli ang apelyidong “Bagongbanta.” Ngayon ang salitang “banta” ay karaniwang may kahulugang “babala” (malimit na panganib) at “sapantaha” o “suspetsa.” Sa matandang bokabularyo, mangangahulugan din itong “banghay,” “pakana,” “panlilinlang” kaya’t ang apelyido ay maaari nating basahin na isang talinghagang palayaw sa “malikhaing pakana” ng tekstong ladino.

Bago pa lumabas ang aklat ni San Jose, isang malaking bagabag sa panig ng Simbahan at mga misyonero ang pagbibigay ng “katwiran” at “katarungan” sa isinagawang pagsakop ng Espanya sa Pilipinas. Noong 1582, tumawag ng isang pagtitipon ng mga tagapayo si Obispo Domingo de Salazar sa Maynila upang harapin ang naturang suliranin at kardo de konsiyensiya. Dito idineklara ng Unang Sinodo ng Maynila ang hustipikasyon sa kolonyalismo sang-ayon sa etikang Kristiyano: Mapaiiral ang kapangyarihang Espanyol at mapasusunod ang mga katutubo sa loob ng layuning imulat ang mga tao sa Kristiyanismo. Ang ibig sabihin, ang pagtupad ng katutubo sa kanyang tungkulin bilang sakop ay dapat magmula sa kanyang boluntad na pagkilala sa biyaya ng gayong relasyon at hindi dahil sa takot at pang-aabuso. Ang pagbabayad ng buwis at serbisyo ng katutubo sa Hari at pamahalaang kolonyal at dapat nakaalinsunod sa mga aral ng Diyos.

Nakatimo sa pangalan at akda ni Fernando Bagongbanta ang “pangangatwirang” ito sa pananakop. Isa siyang halimbawa ng “binyagan” — ng katutubong nakakita ng “liwanag” bunga ng banal na gawain ng mga misyonero at inihahandog ang buong katauhan bilang kapalit ng kanyang nakamtan na biyaya.

Sa akda ni Bagongbanta nangangasiwa ang aklat ni San Jose bilang metonimiya sa buong makinarya ng pagsakop sa kapuluan. Nagsisilbi ang aklat na isang pagsasa-estetika sa naganap at nagaganap na pagsikil sa katutubong katawang panlipunan — ang teksto bilang “malikhaing pakana” at kublihan sa buong manyubrang pampulitika ng mananakop, mula sa rekonsentrasyon ng mga baranggay sa lilim ng Kampana hanggang sa sapilitang pagmimemorya ng katekismo. Taglay ng teksto ang alindog panretorika — na lalong tumitingkad sa pangyayaring isinulat sa wika ng katutubo — upang bumighani sa sakop na kamalayan, iwalay ito sa makamundong alalahanin (“kasalanan” sa wikang misyonero; “pagsusuwail” o “sedisyon” sa wikang gobyerno), at ganap na lamuyutin itong tumingin sa “pakinabang” at kagandahan lamang ng bagay-bagay sa loob ng kinalalagyang panahon at kairalan.

Bahagi rin ng buong manyubrang pampulitika ang pagtatanghal sa akda ni Bagongbanta bilang salamin ng isang ganap nang simuno. Sa halip na itanghal ang isang tauhang kalahok sa dula ng pananakop, ang simuno ng akda ni Bagongbanta ay isa nang sakop, isang bihag na kamalayan, kaya’t walang maibulalas kundi apirmasyon ng “grasya” at “gloria” sa kanyang kalagayan. Saanmang tunggalian, hindi interesado ang mananakop sa pagsisiyasat ng proseso ng pagsalungat; manapa, higit nitong niluluwalhati ang palakpak ng tagumpay at ang tinig ng pagsuko ng sinasakop.

Batbat ang wika ni Bagongbanta sa malalim na sugat ng pagkaduhagi. Bilang reaksiyong pampulitika, isinasadula ng kanyang 11 saknong ang iba’t ibang antas ng “kusang-loob” na pagtanggap sa pananakop. Pangunahin dito ang pagkilala ng simuno/sakop sa kalagayang kolonyal bilang isang mistikal na karanasan, tulad ng pagsilang ng “tala” sa laganap na “dilim” sa buong bayan, kaya’t walang kakayahan ni dahilan para mag-usisa sa motibong pampulitika at saligang kolonyalista ng kapangyarihang Espanyol. Nakapaloob ang lahat sa bias ng pagsampalataya — ang pagtanggap sa Awtoridad (“Diyos”) bilang simula at wakas — na malimit humangga sa pagpipikit ng mata sa kahit malalaking katiwaliang nangyayari sa ngalan at bunga ng pagsampalataya. Sinisilaw ng pagsampalataya ang binyagang kamulatan kaya’t halos di maaninag ang kaalinsabay at nasa likod na dahas ng dominasyon.

Bilang isang hibas (eufemismo) sa pananakop, nagtatatag ang pagsampalataya ng isang aparatong hirarkikal at may bisang mula itaas pababa sa pagsasalin ng kapangyarihan. Nasa taluktok ng orden ang isang bukal ng Kapangyarihang labas sa anumang paglilitis at pag-uusisa at nagsasalin ng poder na sumakop sa isang despotikong tagapamagitan, na sa kabilang banda’y nagpapalaganap ng kapangyarihan sa mga disipulo’t sakop.

Bukal ng Kapangyarihan

Tagapamagitan

Sakop

Sa loob ng sistemang piyudal at kolonyal na pinairal ng mga Espanyol sa Pilipinas, ang Simbahan ang sagisag ng tagumpay ng pagsampalataya bilang instrumento ng pagsupil sa kalooban ng mga katutubong sakop. Magkasukob ang Simbahan at Gobyerno bilang tagapamagitan — na may angkop na metonimiya sa kambal na lakas ng “krus at espada” — at may tadhanang “binyagan” ang buong lupain at ikalat ang Banal na tipan ng Diyos.

Kaakibat ng pagtatatag sa “banal na karapatang” sumakop ang pagwasak sa dinatnang sinaunang kodigo sa kapuluan. Naganap ito sa pamamagitan ng pagpapatanaw sa sarili ng katutubo bilang isang nilikhang nangangailangan ng “liwanag” at katubusan. Pinupulbos ng pananakop ang katauhan ng sakop, inaalisan ng dangal at maipagmamalaking kaakuhan, sa pamamagitan ng ulit-ulit na pagsilip at pagpapakirot sa anumang sugat o lamat ng kaakuhan dili kaya’y sa pamamagitan ng sapilitang pagpapatanggap sa isang hakang kaakuhan. Malinaw ito sa pag-amin ni Bagongbanta na pinaghaharian dati ng “dilim” ang “hahat na bayan natin.” Muli itong susungaw sa pangangaral sa mga kapwa Tagalog na “payiin ang catamaran” sa ikasiyam na sakong. Nagtutulong ang “dilim” at “kamangmangan,” isa pang mukha ng “katwiran” sa pananakop, kaya’t lumiliwayway ang pagsampalataya bilang isang malaking utang na loob na dapat ipagpasalamat at ang mga dayuhan bilang tagapagdala ng “dunong” (sibilisasyon).

Anupat’t mula sa pananaw ng bihag na kamalayan, ang pagsampalataya sa “bagong” kapangyarihan ay bumibighani bilang isang mapagpalayang karanasan. Maaaring isang tanikala ito ngunit isang “tanikalang ginto” kaya’t dapat ingatan sa halip na kalagin. Tatak ng talamak na hapdi ng pananakop ang pagkasupil pati ng mga lunggati. Nagiging pangunahing layunin, samakatwid, ng buhay ng katutubong sakop ang ganap na pagsampalataya, ang “kabanalan” ng sarili, upang makaigpaw ang sarili sa dating hamak na kalagayan ay maging kapantay ng mananakop (“na ualang pagcacaibhan/ nang Castila,t, nang Tagalog”). Sa halip managinip ng kalayaan, ipinapalit ng sikil ng lunggati ang layuning maging katulad ng mananakop (sa “dunong” — kasama na ang pagsasalita sa wikang Espanyol — at “kabanalan”), isang programang pang-edukasyon na nakapasan hanggang sa balikat ng Kilusang Propagandista nitong ika-19 siglo.

Sa larangang pangwika, mababanaag ang bihag na kamalayan sa paghuhunos ng kahulugan ng mga salita mula sa mga taal nitong gamit tungo sa isinasaling dalumat na Kristiyano’t Kanluranin. Nakatudling na rin sa wika ni Bagongbanta ang pumasok na mga angkat na salita, tulad ng “Christiano,” “Diablo,” “Padre,” “Castila,” “gracias,” at “gloria.” Maliit pa ang bilang ng naturang panghihiram ngunit mahihiwatigan ang bukas na kalooban ng wika upang tanggapin ang banyagang bokabularyong ito para sa mga konseptong Kristiyano — na higit na malilinang sa wika ng pasyon at sinakulo — ngunit higit na kakapal habang tinatamnan ng pananakop ng mga angkat na halaman at punongkahoy ang Paraisong kayumanggi at pinakikialaman pati pananamit at pagkain ng mga katutubo.

Ang pagkamkam at paghalay sa wika ng katutubo ay masisipat kahit sa pagkasangkapan ng mga talinghagang-bayan tungo sa layuning sumasampalataya ni Bagongbanta. Muling titigan ang imahen ng “caban,” “gamay,” “sandata,” “toncod,” at “oguit.” Sa loob ng aparato ng pagsampalataya, dumudulas ang mga ito at nabubulid ang pakahulugan tungo sa mga lunggating kristiyano. Halimbawa, ang “caban” ay hindi na isang karaniwang sisidlan ayon sa sinaunang gamit nito. Naghuhunos ito bilang isang sagradong bagay, tulad ng susunod na gamit dito sa isang litanya bilang “kaban ng Tipan, at kakatawan sa banal na Arka — ang lalagyan ng testamento ng Diyos. Anupa’t hindi rin mamahaling sutla (“talogueng mahal”) ang laman ng kaban, sapagkat Salita ng Diyos, kaya nakapagdudulot ng “ipinagbubuting totoo” ng kaluluwa.

Ganito rin ang transpormasyong “gamay” — isang matandang salita para sa alahas. Naglalaro ang talinghaga mula sa lumang lunggating material tungo sa “tunay” na layunin at lunggating espiritwal. Lilinaw ang subersiyon kapag inisip na asetiko ang dulong lunggati ng pagsampalataya — ang pagdudulot ng aliw na dinalisay sa aliw ng katawang-lupa. Binibighani, samakatwid, ng akda ang katutubong kamalayan tungo sa “aliw” na higit kaysa alinmang aliw na alam nito sa buhay kaalinsabay ng pagtatanggal ng luma’t material ng kabuluhan ng “caban,” “gamay” at “taloque.”

Samantala, ang “sandata” ay isang daglat sa kapangyarihan ng pagsampalataya. Titigan muli ang anyo ng “krus at espada” bilang kambal na hugis at instrumento ng pananakop. Kung lilimiim ang nangyaring mga digma sa kasaysayan sa ngalan ng relihiyon, angkop ang krus bilang hibat sa inililingid nitong dahas at lagim ng pananakop. Sa kabilang dako, ipinatatanaw sa akda ang krus bilang isang sandatang higit na mabisa kaysa anumang sandatang alam ng katutubo sapagkat ito lamang ang maaaring ilaban sa tukso ng demonyo.

Dapat alalahanin ang tunglod ni Moises sa muling pagbasa sa “matigas na toncod.” Ang totoo, nakapaloob mismo sa ikaanim na saknong ang buong episodyo ng pagsalunga ni Moises sa bundok upang makaharap ang Diyos. Mababanaag naman ang Delubyo sa Bibliya sa saknong hinggil sa “oguit na matibay” bilang sagisag sa sasakyan at pananalig ni Noe sa gitna ng bagyo at lintik — isang sitwasyon na umuungkat din sa naunang paglalarawan ng karimlan sa buong bayan. Kahit ang “tala” sa unang saknong ay dapat din ngayong iugnay sa mahimalang senyas ng pagsilang ng Manunubos sa Bethlehem.

Hindi rin dapat kaligtaan ang naganap na pagkamkam sa mga katutubong salita upang pagsidlan ng “Kristiyanong kabuluhan. Ang totoo, sa ngayo’y hindi na magagamit ang mga salitang “banal,” “kaluluwa,” “biyaya,” at “bait” nang hindi sumasangguni sa kodigong Kristiyano. Ang “pakinabang” ay nagkaroon ng ikalawang kahulugan bilang komunyon sa ritwal ng Misa gayundin ang “langit” na naging lunan at paraiso para sa mga anghel at santo. Sa naganap na naturalisasyon ng mga konseptong Kristiyano, nagsanga at yumaman ang pakahulugan sa katutubong salita ngunit halos ibilanggo sa tinanggap na “liwanag,” katulad ng naganap na pagsakop sa katawan at katauhan ng binyagang katutubo.

Sa loob ng aklat ni San Jose ay nalimbag din ang isang tula (nasa mp. 451-452 ng edisyong 1935) na sinulat diumano ng isang di-kilalang Tagalog (una persona tagala). Binubuo ang tula ng limang saknong at bawat saknong ay may anim na taludtod na may sukat na pipituhin at tugmang isahan. Narito ang tula:

May bagyo ma,t, may rilim
ang ola,y, titiguisin
aco,y, magpipilit din:
aquing paglalacabayin
toloyin cong hanapin
Dios na ama namin.

Cun di man magupiling
tocsong mabaomabaoin,
aco,y, mangangahas din:
itong libro,y, basahin,
at dito co hahangoin
aquing sasandatahin.

Cun dati mang nabulag
aco,y, pasasalamat,
na ito ang liuanag
Dios ang nagpahayag
sa Padreng nagsiualat 
nitong mabuting sulat.

Naguiua ma,t, nabagbag
daloyong matataas, 
aco,y, magsusumicad
babagohin ang lacas;
dito rin hahaguilap
timbulang icaligtas.

Cun lompo na,t, cun pilay
anong di icahacbang
naito ang aacay
magtuturo nang daan:
toncod ay inilaan
sucat pagcatibayan.

Tulad ng akda ni Bagongbanta, ang tulang ito ng isang di-kilalang Tagalog (isang makatang-bayan?) ay isinulat at inilimbag para magbigay-puri sa aklat ni San Jose. Maraming sabang ng pagkakatulad ang dalawang tula sa tayutay, tinig, himig, at maging sa kinasangkapang talinghagang-bayan. Ngunit kapag idinikit pa ang akda ni Bagongbanta sa “May bagyo ma’t may rilim” (nakagawian na ngayong itawag sa tula), halimbawa’y sa una hanggang ikawalong saknong ni Bagongbanta, uusling parang mahabang kamison kaysa laylayan ng saya ang mga sangkap na di-kanais-nais na pagkatula ng taludturan ni Bagongbanta. Bukod sa makinis na tugma’t sukat, na mahigpit na hihingi noon pa sa kahit na panulaang-bayan ng mga Tagalog, higit na dramatiko’t malinis ang salansan ng mga saknong sa huling tula.

Unang titigan ang paggamit ng pasakaling “kung” (“Cun”) at “ma’t” sa bawat pangungusap ng ikalawang tula. Hindi lamang ito isang kasangkapang panggramatika’t panretorika upang bigkisin ang buong limang saknong. May bias rin itong magpaliwanag sa lohika’t daloy ng mga pangungusap at nakatutukoy sa mga particular na sitwasyon pinaggagamitan ng hambingan.

Sa ganito, higit na malinaw ang panukalang hambingan para sa silbi ng libro ni San Jose. Ikinumpara ang pagbasa sa aklat sa isang paglalakbay sa gitna ng mga panganib — may bagyo’t may dilim, nagkalat ang tukso, madaluyong ang alon — kaya’t kailangan ang aklat bilang “sandata,” “liwanag,” “timbulan,” at “tungkod.” Sabi nga sa isang akdang panrelihiyon, at mula sa Bibliya: “maliuag cang mapasoc sa langit, at marali pa ang anuang sa butas ng kayayom” (na ang ibig sabihin, mahirap makapasok sa langit at madali pa ang pagpasok ng kalabaw sa butas ng karayom).

Kapwa malakas at madamdamin ang tinig ng dalawang papuri kay San Jose ngunit higit na lohikal at mapaglimi ang sa di-kilalang makatang Tagalog. Itinuituro mismo ng katwiran at sisteng katutubo sa panulaang-bayan ang gayong disiplina.

Maitatanong: Bakit kaya isinaksak sa gitna ng aklat ang “May bagyo ma’t may rilim” samantalang pambungad ang “Salamat nang walang hangga?” Hindi kaya isang imitasyon lamang ng: “May bagyo ma’t may rilim” ang akda ni Bagongbanta na dinagdagan ang tindi ng madamdaming papuri bukod sa bilang ng taludtod at saling Espanyol para higit na tumangos ang ilong ni San Jose? Bahagi kaya ito ng mahihinalang sabwatan upang higit na itampok ang tulang “ladino?”

Kapag sinipat pa ang “May bagyo ma’t may rilim” masisilip sa estratehiya ng pasakaling retorika ang pailalim na pagsalungat ng saloobing katutubo sa nagaganap na aparato ng pananakop. Tumitibok sa taludturan ang higit na praktika na pagtuturing sa silbi ng sinulat ni San Jose, iniuugnay pilit sa mga tiyakang suliranin at karanasan sa buhay, kaya’t nasusubhan ang eksaheradong pananalig at “pakinabang” na binigkas ni Bagongbanta sa kanyang ikasiyam na saknong. May iwing resistensiya ang di-kilala o di-ipakilalang (?) makata sa maalindog na “liwanag” ng pagsampalataya at mula sa pananaw ni San Jose, isang dahilan para hindi ito isamang pambungad sa piling ni Bagongbanta. Anu’t anuman, ang naging pagganap ng ladino at ng makatang-bayan bilang mga tagasambit ng pagsampalataya o mga simunong sakop ay magpapabanaag sa atin ngayon sa iba’t ibang tindi o antas ng bias ng pananakop sa mga katutubo. Ang naging lunan ng mga tula sa loob ng aklat ay maaaring basahing sagisag sa balorasyon ng mga akda sang-ayon sa panukatan ng mananakop.

Kapag binalikan ang tinig sa akda ni Bagongbanta, mauulinigan ang kirot at hapdi sa bihag na kamalayan.

Sa loob ng aparato ng pagsampalataya, ang tinig ay nagmumula sa saray na pang-ibaba at sakop. Gayunman, masigasig itong ibukod ang sarili bilang isang natatanging sakop, bilang “binyagan” at tumanggap ng “liwanag” na dapat ihiwalay sa nakararaming di-binyagan at nasa “dilim.” Gumagawa samakatwid ito ng bagong saray sa pagitan ng tagapamagitan (mga dayuhang pari at pinuno ng gobyerno) at ng mga sakop (“mga capoua Tagalog”) at may uring deboto at disipulo, isang pribilehiyadong tinig na maaaring tagapagpauna ng mga lunggati at posisyon ng maginoo’t principales sa lipunang kolonyal noon sa Pilipinas.

Malakas ang simbuyo ng tinig na gayahin ang himig at anyo ng tagapamagitan. Maaaring ito’y mataginting, tulad ng tinig sa pulpito, at nagpapanukala ng pagkilala sa natamo nang pakinabang ng sarili sa “dilang magandang aral.” Taglay ng tinig ang parikala sa sariling katayuan. Mataginting ito ngunit hungkag na gaya ng batingaw; matapat ngunit puro alingawngaw ng hinuhuwad at orihinal na tinig. Hindi nito mabubura ang gawang at pagkakaiba ng dayuhang tagapamagitan (ang misyonero/prayle) at ng simunong sakop. Gaya ng pangyayaring, sa kasaysayan, hanggang noong 1841 ay itinuring pang rebelde at binitay ang katutubong si Apolinario de la Cruz dahil sa ambisyong maging pari. Isang tinig itong dahil sa pagtatakwil sa katutubong sarili ay nawawalan ng awtensidad. Mananatiling isang sagisag-panulat ang mga tulad ni Fernando Bagongbanta — isang “ladino,” ngayo’y sa pakahulugang alanganin, hindi banyaga, hindi katutubo o kaya’y isang katutubong binabakla ng banyagang lunggati, ng lunggating huwad at ipinasarili ng dayuhan,

Ang sidhi ng pagtatanghal sa halaga ng sarili’t tungkulin (bilang tagapuri sa aklat ni San Jose at bilang halimbawa ng isang tumanggap ng “liwanag”) ang siya ring nagiging sanhi ng opasidad ng kanyang tinig. Hindi sapat ang wika ng simunong sakop upang ganap na maipaliwanag (maibahagi ang “liwanag”) ang mistikal na karanasan. Kaya kinakailangan ang konstelasyon ng mga talinghaga sa unang anim na saknong upang maturol ang layon, upang maging kongkreto ang pagsampalataya, na lalo namang nagiging mistikal, plural, at walang issang kabuuan. Ang pagsisikap ay parang literal na pagsuong sa ningas ng gamugamo sa kuwentong-bayan na binulag ng liwanag. Kasalungat nito sa kasaysayan ang kasawian ni Tamblot, isang babaylan, at umabot sa 2,000 kapanalig sa Bohol dahil sa patuloy nilang pagsamba sa mga sinaunang anito at diwata noong 1621. O kaya’y ni Sumuroy, anak ng isang babaylan sa Samar, na nanguna sa mga manggagawa noong 1649 laban sa sapilitang pagtatrabaho sa pagawaan ng barkong pandigma sa Cavite.

Para sa atin ngayon, tulad ng ipinahihiwatig ng komentaryo ni Lumbera sa pagkatula ng akda ni Bagongbanta, bigo ang wika upang isatula ang pagsampalataya. Sa kabilang dako, maaaring sipatin ang mga patlang sa taludtod bilang siwang na pinaghaharian ng sumusupil na kamalayan, na para bang nangingibabaw ang pagsampalataya kung saan nauudlot ang katutubo’t sakop na wika.

Si Bagongbanta ang unang Abraham sa panulaang Tagalog, nakahandang isakripisyo ang sariling dugo’t laman alang-alang sa pananalig. Bilang isang pagbabalik-sipat, maaaring lingunin ang gantimpala sa gayon pagpapasakit kalakip ng malasakit sa mga sinasadya’t di-sinasadyang biyaya ng kolonyalismong Espanyol. Ngunit higit na kagila-gilalas basahin ang kanyang teksto bilang larangan o sityo ng paggahis at paggahasa sa wika’t katawang katutubo. Mayaman sa pahiwatig ang kanyang teksto tungo sa wastong pagkilala ng Mahal na Passion ni Gaspar Aquino de Belen at Urbana at Feliza ni Modesto de Castro bilang mga kaganapan ng lunggati’t mithiing tila bulyos na inihahampas ngayon sa sarili’t penitenteng katawan kapag Semana Santa.

Malalim ang tinamong sugat ng katawan ng wika sa tarak ng “krus at espada.” Naghilom man ang mga ito’y balantukan at kumikirot sa dapyo ng tunay na damdaming mapagpalaya. Nakapagbibihis si Bagongbanta at maaaring isa sa matatabil na kaaway ng katutubong wika ngayon o isa sa mga pumipetisyong maging estado ng Estados Unidos ang Pilipinas. Maaari din namang matuklasan natin siyang isa sa mga nangangayupapa sa krus na kawayan sa kung sang sulok ng Bundok Banahaw.

Mga Tala:

1 Bienvenido L. Lumbera, Tagalog Poetry: 1570-1898 (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1986), p. 37.

2 Julian Cruz Balmaseda, Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (Surian ng Wikang Pambansa, 1938), p. 15.

Palabas Bukas, Problema Ngayon

Palabas Bukas, Problema Ngayon
ni Silvino V. Epistola

May problema dahil mapanuri ang manonood. Nasisiyahan lamang siya kapag kasalimuotan sa buhay na kailangang pag-isipan at himaymayin nang maayos ang isinasaentablado. Kung matawa siya nais niyang malaman kung bakit siya natawa. Kung sakali namang matigatig ang kanyang kalooban, kailangan din niyang matalos kung ano sa palabas ang nakatigatig sa kanya at kung bakit. Kailangan din niyang malaman kung ano ang kahulugan ng palabas at kung ano ang katuturan ng kanyang pinanood.

Problema din ang palabas bukas para sa mga taga-teatro. Hindi pa man nasisimulan ng mandudula ang kanyang obra, problema na ang palabas bukas. Nang mapasakamay ng direktor ang eskrip, problema pa rin itong humihingi ng kalutasan. Sa pagsisimula ng mga rehersal naging problema na ito ng mga aktor na katuwang ng direktor sa pagbibigay-buhay sa dula sa ibabaw ng entablado. Bago pa man naitakda ang mga petsa ng pagpapalabas, marami na ang nasangkot sa paglutas ng problema. Sa pagtataas ng telon at sa pagliliwanag ng entablado saka pa lamang magsisimulang matanto ng mapanuring manonood kung pagsasayang ng oras o hindi ang kanyang pananatili sa loob ng teatro.

Ang karaniwang manonood ay may problema rin. Batid niyang may kakapusan ang kanyang kaalaman tungkol sa panonood ng mga palabas para itanong ang itinatanong ng mapanuring manonood. Bakit niya hinahanapan ng kahuluga’t kabuluhan ang palabas? Sapat nang naaliw sila, tumawa’t lumuha hanggang tuluyan na nilang malimutan ang mga suliraning hindi magpatahimik sa isipan at pati na rin ang hirap at pasakit na di-maiwasan sa totoong buhay. Hindi ba sulit na r’yan ang ipinambayad sa takilya? Ngunit sa isang kung anong dahilan hindi maiusal ng karaniwang manonood ang “Oo” na ibig-ibig na sana niyang ibigay. Naisip niyang marami pa siyang dapat alamin tungkol sa panonood ng palabas para maunawaan niya kung ano ang nangyayari sa ibabaw ng entablado at kung ano ang nangyayari sa kanyang sarili na hindi niya tantong mawawaan.

Ganyan ang problemang haharapin natin dito ngayon.

Ang Problema

Masisisi kaya ang mga taga-teatro kung magdaldalan o magbatuhan kaya ng nilamukos na papel ang mga nasa loob ng teatro sa halip na panoorin ang palabas? May magsasabi agad na walang ibang may kasalanan kundi ang mga taga-teatro na rin. Ang palabas ay hindi raw nakaakit ng matamang pagsubaybay. Walang nakitang mahalagang nagaganap sa ibabaw ng entablado ang mga manonood. Ni hindi rin sila nakakita ng anumang nakaaaliw, kaya’t inaliw na lamang nila ang kanilang sarili.

Mayroon ding magsasabing wala ritong dapat sisihin kundi ang mga manonood na rin. Dala ng kakulangan sa aral, hindi nila tantong naunawaan ang nangyayari sa entablado. Hindi sila tinuruang manood, kayat ganoon ang kanilang inasal. Napilit silang magpunta sa teatro para panoorin ang dulang sinasabing hindi lamang maganda kundi makahulugan pa gayong hindi naman sila inakay na magkamuwang sa paganito’t paganyan ng teatro.

Kung sasabad sa usapan ang nagpapunta sa kanila sa teatro, ganito ang ating maririnig. “Saan pa kaya matututong manood ng palabas ang mga walang muwang kundi sa teatro na rin? Kung hindi nakayanang hulihin ng palabas at ng mga nagpapalabas ang puso’t diwa ng manonood, kangino pa kayang pagkukulang iyan kundi ng mga taga-teatro?” Hindi na inabot ng ganyang pagsisisihan ang mapanuring manonood. Nang makita niyang walang tinutungo ang palabas umalis na siya.

Ang Pagkapalabas ng Palabas

Sa magkatambal na ugnayan ng teatro at buhay panlipunan masusumpungan ang pagkapalabas ng palabas (sa salitang panteatro, teatrikalidad).

Sa teatro at sa lipunan man, naaayon sa umiral na mga kaugalian ang gawa’t asal ng tao. Pag-aralan natin at himaymaying mabuti ang mga kaugaliang iyan at ating matitiyak kung ano talaga ang bumubuo sa pagkapalabas ng palabas (o teatrikalidad) sa gawa’t kilos ng tao sa ibabaw ng entablado at sa lalong malawak na entablado ng lipunan. Ang panteatrong talinghaga, kung gayon, ay bunga ng may kalabuang pagtingin sa buhay ng tao bilang palabas at sa panteatrong palabas bilang larawan ng buhay sa tunay na daigdig.

Malinaw samakatuwid sa ating pagkakaunawa sa teatrikalidad na hinuhubog at tumutulong sa pamuling paghubog ng panlipunang kaayusan ang palabas. Napapanatili at napapababago nito ang sistema ng pagpapahalaga at gayundin ang balangkas ng mga pamantayan sa lipunan tumatangkilik sa teatro laban sa mga katunayang di-kabilang sa mga umiiral na katunayang panlipunan.

Sa teatro kinikilala itong bahagi ng pagkamalikhain ng dulaan. Dahil walang mandudula at wala ring eskrip sa totoong lipunan, hindi karaniwang napapansin ang malikhain sa mga ginagawa at inaasal ng mga tao sa tunay na buhay. Kung ito man ay mapansin, itinuturing itong kakatwa, dapat marahil ikahiya, may pagkamapangahas at mula sa anumang anggulo lalabas at lalabas na kakaiba. Dahil mataas ang pagpapahalagang iginagawad sa likas at tunay na pag-uugnayan ng tao sa tao, ihinihiwalay ang “likas” sa “panteatro,” ang “tunay” sa “plastik” (“maarte,” “O.A.”).

Ibababa muna nating sumandali ang telon sa suliranin ng teatrikalidad ngayong nababanaagan na nating teatro ang teatro at daigdig ang daigdig. Huwaran ng dulaan ang daigdig, ngunit huwaran ba ng daigdig ang dulaan? Kailangan pa nating linawin ang pagkakaiba ng dulaan at ng daigdig na galawan ng tao sa tunay nilang buhay.

Ang Talinghaga ng Teatro

Sa loob at labas ng teatro, may katwiran ang katuwiran.

Ang hirap nga lamang ay marami ang mga katwiran sa mundo at marami rin ang masusumpungang katuwiran kahit saan. May mga katwirang nagsasaad na ito at wala nang iba ang katuwiran. May mga katwiran ding nagsasaad na iba ang katuwiran. Kahit na ano na yata ay maaaring ipangatwirang katuwiran. Bago tayo tuluyang mangaligaw sa dawagan ng mga katwiran at katuwiran, bakit hindi muna natin intindihin kung ano talaga ang ating pinag-uusapan? Ang tanong na dapat nating harapin ay iisa: Ano nga ba ang teatro?

Ang sabi ng Mandudula ay isang entablado ang buong daigdig at lahat tayong naririto ay may papel na gagampanan. Pagdating ng takdang panahong itinaning para sa bawat nilalang, isa-isa tayong pagigitna sa entablado, mamayagpag sandali at mag-iingay ng bahagya at pagkatapos uurong na sa likod ng telon upang hindi na makita o makaringgan pa ng kahit ano. Sinabi din ng Mandudula na ang buhay ng tao sa daigdig ay isang dula.

Paniwalaan nating totoo ang sinabi ng Mandudula at isang matulaing kaunawaan ang bubulaga sa ating kamalayan, kagilagilalas at totoong nakabibigla. Sa teatro magdadalawa ang ating pagkabigla sa sandaling makilala natin ang hindi inaasahang katangian ng katunayan, pangkalikasan man ito o panlipunan. Sa unang pagkabigla makikilala natin ang palabas sa ibabaw ng entablado bilang isang natatanging likhang-isip na binubuo ng isang kapanipaniwalang paglalarawan ng gawa’t asal ng tao na may inihahayag na kahalagahan at may masasabing kahihinatnan. Sa ikalawang pagkabigla, makikilala natin na ating ginagamit ang pangngalang at kasangkapang pandalumat na siyang nagbibigay sa palabas ng bisang makasangkapan sa pag-unawa ng gawa’t asal ng tao sa tunay na buhay.

Totoo kung gayon ang sabi ng iba kung naaalala pa ninyo ang lumang awit: May palabas bukas sa teatro. May palabas araw-araw sa may bukana ng Pitong Gatang at Umbuyan.

Ang Dulaan sa Kasaysayan

Mahirap iwasan sa panunuri ng iba’t ibang mga nakaugalian nang sistema ng paggawa sa teatro ang paghahanay ng mga sistemang ito ayon sa kanikanilang panahon sa kasaysayan ng teatro. Tila baga sa ganitong paraang pangkasaysayan maipakikita na may pagsulong na nangyayari sa teatro. Tila baga ang kasaysayan ng teatro ay kasaysayan ng pagbabago mula sa pinakapayak tungo sa masasalimuot na paraan ng pagsasaentablado ng mga dulang pasaligutgot nang pasaligutgot ang pagkakatha. Sa katunayan, hindi ganyan ang nangyari sa totoong panahon ng teatro.

Hindi napapalitan ng bagong sistema ng paggawa ang nakaugalian nang sistema sa dulaan tuwing magbabago ang panahong pangkasaysayan. Ang bago ay nadaragdag sa luma. Dahil may katapat na kaugaliang panlipunan ang bawat kaparaanang ginagamit sa teatro sa sarili nitong panahon, ang tradisyon sa teatro ay hindi lamang isang kodigo ng mga alituntuning kailangang sundin ng mga nagsisiganap sa entablado, ng mga mangangatha ng dula, at mangyari pa ng mga manonood. Ang tradisyon sa teatro ay isa ring katipunan ng mga posibleng pamamaraang magagamit sa paglalarawan ng mga panlipunang pagkilos.

Madalas na ngayong makita sa ating mga tanghalan ang sari-saring paraan at estilo ng pagpapalabas. Naririyan ang bukas o bilog na entablado, ang dulaang walang telon, ang tuwirang paggamit ng mga pangretorikang sangkap na pawang hiram sa teatro ng Renasimiento. Kung ginagamit man ang mga pamamaraang iyan ngayon hindi ito masasabing pagbabalik sa mga paraan ng pag-iisip at pagkilos na nangingibabaw sa panahong yaon na matagal nang lumipas. Ang tangi nating masasabing kahulugan ng ganitong paglitaw ng mga lumang kaparaanan ay nagawa nang palawakin ng mga taga-teatro ang kanilang kamalayan hanggang sa masaklaw nito ang katuturan at ang kahalagahan ng mga kaugalian bilang tagapagpahayag ng kahulugan.

Sa ating pangkasalukuyang teatro ang talinghagang panteatro pa rin ang nakapangyayaring larawang-diwa. Sa ibang mga lupain at gayundin dito sa ating bayan, ito pa rin ang talinghagang nagbibigay katipayakan sa patuloy na pag-iral ng teatrikalidad at ng ating pagkamalay rito. Kabilang si Plato sa mga madalas gumamit sa talinghagang nabanggit. Sinabi niya na ang dakilang entablado ng buhay ang pinangyayarihan ng komedya at trahedya. Sa iba namang aklat sinabi niyang tau-tauhan lamang na pinagagalaw ng mga diyos at diyosa sa pamamagitan ng dalawang pisi ng magkatunggaling kapanatagang-loob at pagkatakot.

Dalawa ang ibig sabihin ni Plato: Isa, hindi kapanagutan ng isang tao ang kanyang ginagawa. Kapanagutan ito ng di-nakikita at di-matiyak na lumikha sa buong palabas. Dalawa, mayroon pang ibang lipunan na umiral sa labas ng ating kasalukuyang tinatanggap na totoong lipunan. Nakapaloob sa sinabi ni Plato ang problema ng kaugnayan ng tao sa papel na kailangan niyang gampanan. Iyan ang problemang laging binubuhay ng panteatrong talinghaga. Subalit ang lalong malinaw na aspekto ng talinghagang panteatro (ang pagtutumbas ng “pangganap sa ibabaw ng entablado” at ng gawa’t asal ng tao) ang pinakamadalas gamitin ng mga manunulat na Griyego at Romano.

Noon pang ika-16 na dantaon palasak na ang talinghagang Theatrum Mundi(Teatro ng Mundo). Hindi lamang sa panitikan kundi pati na rin sa mga larawan ng sining lumalabas ang konsepto ng teatro bilang sagisag ng buhay ng tao. Kahit na noong nagiging popular ang mga teatrong pang-relihiyon at ang mga tanghalang wala kahit katiting na kaugnayan sa relihiyon bilang mga pook na pinagpapalabasan ng mga dula, naroroon pa rin at hindi nawawala ang moral o relihiyosong konsepto ng klasikong teatro.

Sa gayon, kapag ginagamit sa dula ang talinghagang panteatro ang tinutukoy nito ay hindi lamang ang entabladong nakikita ng lahat sa loob ng tanghalan kundi pati na rin ang daan-daan taong pagtanaw sa entablado bilang huwaran ng buhay at sa mga hangganang ipinataw sa pag-itan ng posibleng asal at ng mga katunayan ng pamumuhay sa totoong lipunan. Batid ito ng karamihang nasa teatro at ugali na nilang pag-ugnayin ang teatro, sa pampanitikan nitong kahulugan, at ang pang-moralidad at mapunahing pagtanaw sa sangkatauhan.

Nasa loob ng bakuran ng galak at aliw ang mga bagong teatro ng ika-18 dantaon, nasa bahagi ng buhay na wala nang kahit anong kaugnayan sa relihiyon. Nakapako na ngayon ang pansin ng lahat sa saligang konsepto ng buhay bilang isang kathang pandulaan, sa mga pandramang aspekto ng ordinaryong pampubliko at pansariling buhay. Ang pagkawili ng madla sa teatro ay pinasigla ng mga paghahambing ng pagganap sa ibabaw ng entablado at ng pagkilos sa pangkaraniwang buhay ng pangkaraniwang tao sa lipunan. Sa palabas hindi magkalayo ang asal at estilo ng pagkilos ng mga nagsisiganap at ng mga manonood na buhat sa Korte at sa mga lungsod sampu ng kanilang mga alila at mga alalay.

Noong mga panahong yaon ang konsepto ng mundo bilang isang teatro na pinagpapalabasan ng drama ay nahila na mula sa rurok ng kalangitan at ibinaba sa antas ng pang araw-araw na buhay sa ordinaryong lipunan. Itinuring na salamin ng katunayan ang entablado sa halip na salamin ng kabanalan, at ang mga palabas sa ibabaw ng entablado ay itinuturing na maiikling kasaysayan sa buhay ng tao sa isang tiyak na panahon at sa isang tiyak na pook. Hango ang kaisipang ito sa lumilinaw na noong pagkamalay ng mga tao na may kaparaanan silang magagamit sa pagbuo ng sarili nilang katauhan, sa pagsasaayos ng mga sitwasyon sa buhay at pati na rin sa pagdidisenyo ng ginagalawan nilang kapaligiran. Hindi na bago noon pa man ang ganitong pananaw. Naging lalong malinaw lamang ito mula noong mga huling dekada ng ika-17 dantaon hanggang sa kasalukuyan. Ngayon, ang pangmundong pananaw ng nakararami ay wala nang kaugnayan sa relihiyong dating pinagkukunan ng mga kaisipang pambuo sa kaliit-liitan nilang konsepto.

Ang Manonood at ang Tagaganap

Ang palasak na kaunawaang panteatro, sa pagkakatanggap ng karaniwang tao, ay nahubaran na ngayon ng katuturang kosmiko at moral. Pumalit dito ang pansariling kamalayan ng aktor.

Ang panteatrong katangian ng buhay na tinatanggap ng halos lahat ng tao nang wala nang isip-isip pa ay mukhang nararanasan na lamang nang tahasan ng mga taong malayo sa pinakamata ng mga pangyayari. Manonood lamang ang turing nila sa kanilang sarili. Maaaring hindi sila nabigyan ng papel na magagampanan gayong naroroon naman sila o kung nabigyan man sila ng papel hindi naman nila masabing malinaw kung papaano nila ito uunawain at gagampanan kaya’t hindi na sila sumama sa karamihang pumagitna sa entablado ng buhay.

Matatagpuan ang mga manonood sa mga seremonya, sa mga kaguluhang nangyayari sa lansangan o sa tapat ng bahay na walang kurtina samantalang nagsasagutan ang mga nasa loob. Mga aktor silang walang papel dahil sa isang neurotikong sanhi ay hindi nila maituturing na bahagi sila ng buhay, o kaya hindi pa nila tantong nagagagap ang kaugalian ng bayang hindi nila sarili. Mga aktor ding walang papel ang mga nasadlak na lamang at sukat sa isang situwasyong ni sa panaginip ay hindi nila inakalang kasasangkutan nila bilang pasyente, halimbawa, sa isang pagamutan ng mga baliw, o bilang isang kriminal na tinutugis ng mga pulis.

Gayari ang karaniwang nararanasan sa unang araw ng mga pumapasok sa di-bukas at di-kilalang daigdig ng pagawaan. Sa mga pagkakataong ganito binibigyang diin ng marami ang pagkaramdam nila na may pagka di makatotohanan ang kanilang nararanasan. Sinasabi nilang tila sila nasa isang panaginip o dili kaya ay nanonood ng palabas sa isang teatro.

Ang ganitong damdamin ay nagkakaroon ng kasidhian kapag may ipinagagampan na di-kilalang papel na imposibleng maunawaan sa loob ng napaka-ikling panahong ibinigay. Hindi makapaniwala ang aktor na siya na nga ang nasa gitna ng entablado at gumagampan sa papel na bigla na lamang naging kanya. Hinahalagahan ng iba ang kanyang pagganap. May paratang na “sobra” o “kulang” ang paggampan niya, “maaga” o “huli” ang kanyang pagdating o paglisan. Sasabihin ding magaling siyang kumilos sa ibabaw ng entablado (sa di kanaisnais nitong kahulugan).

Ang gawa’t kilos ng tao ay nagaganap sa isang “eksena’ na may sadyang kaayusan. Ang ganitong lengguwahe, naging pangkaraniwan man ito sa maraming konteksto, ay ginagamit pa rin sa pagtitiyak ng mga pagkilos na may pagkateknikal. Natural paminsan-minsan kung kumilos ang karamihan gayong inaamin din nilang “arte” ang kanilang ginagawa. Ang sapantaha rito’y mayroong napagtibay ngunit totoong napakahirap tiyaking karaniwang antas ng pagkilos na hindi masyadong malaman at hindi rin masasabing walang kahulugan.

Ang Pagkilala sa Teatrikalidad

Ang mga nakaaalam kung ano ang drama, kahit na wala silang nalalaman kundi ang teatro sa sarili nilang bayan sa sarili nilang panahon, ang tanging makapagsasabi kung may pagkapanteatro ang pagkilos ng isang tao. Pang-ngalang pangmanonood ang “panteatro” tulad ng “teatro” na ang kahulugan sa Griego ay pook na inilaan para sa panonood ng mga palabas.

Ang pagkilos kung gayon ay panteatro hindi dahil may uri itong teatro kundi dahil may nakita ang isang tagamasid na kaayusan at pagkasunod-sunod ng mga kilos na may pagkakahawig sa nakikita niya sa teatro. Sa tingin ng manonood sa teatro iyan ay gawa ng mandudula, ng direktor at ng mga tagaganap. Ngunit kung kasangkot nang kahit bahagya ang manonoood malamang na hindi magiging ganoon kalinaw ang pagkamalay niya sa mga prosesong nagibibigay kabuoan sa pagkilos na kanyang pinanonood. Sinasapantaha niya hindi lamang ang mga motibo at mga intensyon kundi pati na ang mga pinagmumulan sampu ng antas ng mga puwersang nagpapakilos sa tao at kung ano ang nangyayaring di-inaasahang mangyayari. Nasa kanyang kamalayan ang isang prosesong humuhubog sa mga pangyayari upang magkaroon ang mga ito ng kabuoan at kahihinatnan gayong hindi naman laging matitiyak kung anu-anong mga puwersa ang nakapangyayari.

Ang teatrikalidad kung gayon ay hindi isang sistema ng pagkilos o ng pagpapahiwatig, ngunit nagiging katangian ng kahit anong uri ng pagkilos na masusundan at mabibigyan ng kahulugan nang ayon sa mga konseptong panteatro. May lalong malinaw na pagkamalay ang ibang mga tao sa simbolo kaysa nakakasangkapang aspekto ng alinmang pagkilos na sa pakiramdam nila ay may katangiang panteatro. Mangyari pa, mayroon laging panlipunang panuntunang sinusunod ang mga kaanib sa isang lipunan, kaya’t ang antas ng teatrikalidad ay tinitiyak nang ayon sa isang partikular na pananaw, isang sistema ng pagtingin sa mundo.

Pangkat-pangkat na naninirahan ang mga tao sa maraming panlipunang daigdig at bawat daigdig na iyan ay likhang isip na nagmumula sa iisang pananaw na hawak ng mga magkakaanib. Ang pagkilos sa alinman sa mga daigdig na iyan ay maaaring lumitaw na may pagkapanteatro sa paningin ng hindi kasangkot na tagamasid o ng mga bagong dating na bago-bago pa lamang natututuhan ang mga alituntunin. Batid nila ang mga elemento ng komposisyon sa pamamahala ng pagsusunod-sunod ng pagkilos na maaaring mamalayan ng mga nagsisiganap na kusang nangyayari.

Drama ay Pagkilos

Ang pagkilala ng mapagpahiwatig na aspekto ng karaniwang pagkilos bilang mga bagay na makatuturan at nakaaakit pag-aralan ay hindi bahagi ng pag-unawa ng drama bilang isang uri ng sining. Ang pagkilalang ito ay lumilitaw sa kasaysayan ng tao sa sandaling malaman ng batang paslit na ang mga nangyayari sa kanyang paligid ay hindi niya mapamamahalaan. Ang mga pangyayaring may epekto sa kanya o may kabuluhan para sa kanya ay gawa ng ibang tao, kilala man niya ito o hindi.

Dumarating sa kamalayan ng bata ang katangiang dramatiko kapag may nakikita siyang pangyayari na hindi niya kinasasangkutan kahit na tinangka niyang makisangkot sa simula. Wala sa kabatiran ng maliliit na bata ang mga hangganang nakapalibot sa mga taong hindi niya kilala o kaya sa mga taong walang kinalaman sa kanila hanggang hilahin silang palayo o hanggang sila ay itaboy ng mga nakatatanda sa kanila. Unti-unti nilang natutuhan na maraming pangyayari, at ang ilan sa mga ito ay maaaring may kinalaman sa sarili nilang pamilya, na hindi sila inaasahang makisangkot nang tahasan. Kaharap nila ang mga pagkilos na mauunawaan lamang nila kung ipaliliwanag o lilinawin ang mga ito sa pamamagitan ng salita.

“Pagkilos” ang ibig sabihin ng “drama” ngunit ang tinutukoy ay pagkilos na ginaya, pagkilos na higit sa lahat ay may pagkasagisag, sa kahulugang may kinalaman ito sa kung anong nangyari na o maaaring nangyari na. Kung sa bagay bahagi ito ng teatro. Gayunpaman sa pang-araw-araw na buhay lumilikha ng drama ang mga tao sa pamamagitan ng epekto ng kanilang pagpapakahulugan sa nangyari at gayon din sa pamamagitan ng epekto ng kanilang pagpapakahulugan sa asal ng mga kasangkot sa nangyayari. Ang “asal” sa gayon ay nagiging “pagkilos” kapag kinikilala na itong may ipinahihiwatig na intensyon.

Kadalasan ang intensyon ay kahulugang kinakailangang igawad sa asal at kilos ng tao at nang magkaroon naman ng kahulugan ang gayong asal at pagkilos. Kung sa lengguwahe ay mayroong mapanglikhang gramatika na nakapagbibigay sa atin ng kakayahang unawain ang mga pangungusap na walang katulad, mayroon ding isang uri ng gramatika na nakapagbibigay sa atin ng kakayahang unawain na ang isang tapik sa balikat ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon sa ating paninindigan o ng pagpapaalalang mali ang ating ginagawa.

Batid natin siyempre kung papaano binibigyang kahulugan ng ibang tao ang ating pagkilos sa kanilang pagsasapantaha na ganito’t ganyan ang intensyon ng bawat gawin nating pagkilos. Sa gayon ang demonstrasyon sa Plaza Miranda, ang kaguluhan sa Welcome Rotunda, ang libing sa Loyola, ang pagkakaingay ng magkakaibigan sa isang beer garden o kahit na ang mainitang pagsasagutan ng mag-asawa na ating namataan sa isang bukas na pinto ay nagiging para sa sinumang nais manood.

Para sa mga kasangkot sa aksyong nagaganap, ang pagkilos ay kasangkapang magagamit sa pagsasakatuparan ng isang mahalagang layunin, ngunit magkakaroon lamang ng kaganapan ang katuparang iyan kapag naunawaan ng iba ang buong kahulugan at tunguhin ng pagkilos. Sa sandaling mangyari iyan, matutupad ang nais matupad.

Ilusyon at Realidad

Lahat ng uri ng katha ay panggagaya, at ang dramatikong paglalarawan ang pinakakompletong panggagaya, sapagkat nasasalalay ito sa pagpapalagay na ang pinatauhang daigdig na pandrama ay nagsasarili at kumakatawan sa isang pansamantalang realidad na katumbas ang kahalagahan sa kahalagahan ng realidad ng panlipunang daigdig sa labas ng teatro. Sapagkat ginaganap ngayon sa ating harapan ang drama iginigiit nito na bahagi ng kasalukuyan at hindi ng isang panahong nakaraan na ang nagaganap na drama sa ibabaw ng entablado.

Subalit ang isang dramatikong paglalarawan ay isang balangkas ng mga kaunawaan at mga kahulugan. Wala itong pagkakasangkapan. Ang pagkaunawa ng isang mandudula sa posibleng dramatikong pagbuo ng aksyon at tema ang siyang binibigyan ng kahulugan ng isang direktor. Ito naman ang ipinaaabot niya sa mga tagaganap na siyang magpapaabot nito sa mga manonood sa loob ng teatro sa araw ng palabas. Isang kung anong malayo na sa orihinal na pagkakaunawa ng mandudula ang mapapanood at kanya-kanya nila itong uunawain nang ayon sa sarili nilang karanasan sa buhay at sa pananaw na hango mula sa kanilang pakikisangkot, tuwiran man o hindi, sa buhay ng samahan, komunidad at lipunang kanilang ginagalawan. Ang maraming iba’t ibang kaunawaang ito ang nagbubukas ng puwang para makapasok sa bawat palabas ang elemento ng ilusyon. Nakikita ng mga manonood ang nais nilang makita, at bumabagay ang mga tagaganap sa mga kanaisang iyan sa abot ng kanilang kaya.

Sa teatro ang realidad at ilusyon ay mga pang-ngalang may paiba-ibang mga kahulugan at katukuyan. Wala sa mga salitang ito ang kahulugang “salungatan.” Masasabing realidad lahat ang mga nagaganap sa ibabaw ng entablado sapagkat nakikita at naririnig na nangyayari lahat ito. Sapagkat nahihiwatigan sa pamamagitan ng mga pandama kasing totoo ng anumang nangyayari sa tunay na buhay sa labas ng teatro ang ginaganap na pagkilos sa entablado. Sa kabilang dako may pagkakasundo ang mga kasangkot sa palabas, tagaganap man sila o manonood, na walang ugnayan ng sanhi at epekto sa dalawang uri ng makatotohanang pangyayari sa loob at labas ng teatro. Tiyak ang pagkalisok ng dalawa sapagkat wala naman talagang naniniwalang ang aktor at ang persona na kanyang binibigyang tinig at katawan ay iisa. Batid ng lahat na ang mga pagkilos na makabuluhang makapagpapabago sa lagay ng situwasyon sa teatro tulad ng pagsilang, pagkamatay, kasalan, gahasa at iba ay laging pagkukunwa.

Sa pagtitiyak ng aktor kung sang antas ng realidad sila magsasalubong ng manonood, sa tatlong kaparaanan tuwirang nakikipagtalastasan ang aktor sa manonood. Isa, ang pagsasapakatan nila ng manonood, “Magkunwa tayong realidad ang palabas.” Dalawa, ang paghikayat niya sa manonood, “Kapanipaniwalang pamalit ang palabas na ito, isang realidad na totoong malapit, manapa’y maipamamalit sa tinanggap mong realidad sa tunay na buhay. Tatlo, ang pag-anyaya niya sa manonood, “Pagtuwangan nating gawin itong realidad na makapagpapawalang saysay sa alinmang realidad na iyong naranasan na.” Sa bawat antas ng realidad naroroon ang ilusyon. Subalit magkakaroon lamang ng lubos na kaganapan ang ilusyon kung magkakaisa ang aktor at ang manononood sa alinmang antas ng realidad o “Pagtitiyak ng situwasyon.”

Maipaliliwanag ang pagtitiyak ng situwasyon sa pang-araw-araw na buhay bilang isang prosesong pangsosyolohiya na galing sa magkabalalay na kamalayan ng paglitaw at pag-uugnayan ng panlipunang pagkilos. Tinutukoy ng “paglitaw” ang unang pagsulpot sa ating kamalayan at pagpapakahulugan sa mga balangkas na napatotohanan na ng tagaganap sa sarili niyang situwasyon. Sa gayon pansamantalang napagsasama-sama niya ang magkakahiwalay na mga pangyayari sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa isang batayan ng kahulugan.

Upang makalahok sa isang panlipunang okasyon at maisabalikat ang mga kaugnayang kaakibat ng paglahok, kailangang tanggapin ang panimulang pangako na sisikapin nilang panatiliing umiral ang okasyong kanilang sinalihan at mananatili silang nasa loob ng takdang kasaklawan nito. Sa gayon kailangan magkaroon ng isang kaunawaang panlahat kung ano talaga ang kasaklawang ito, ang pagtanggap ng matitiyak na pagkapangkaraniwan ng asal, hangarin at layon. Iyan ang pinangalanang “pagkakasundo.”

Ang pagkilala at pagtanggap ng mga kabawalang ipinapataw ng pagdalo sa isang okasyong panlipunan, kasabay ng pagtanggap ng tiyak na mga kahalagahan at kahulugan ng uring ito ng mga sanhi at epekto ng pagkilos, ng iisang paniniwala sa malamang na kahihinatnan at kahahantungan ng asal at gawa. Iyan ang tinaguriang “pakikisangkot sa isang situwasyon.”

Ang pagkakasundo at pakikisangkot sa isang situwasyon ay bahagi ng isang lumilitaw na prosesong umiral tuwing magkakaroon ng ugnayan ng mga dumadalo sa anumang okasyon. Habang matagumpay na naisasagawa ang prosesong ito na lumikha ng kaukulang mga pamantayan, mga kahalagahan at mga alituntuning makikitang kaugnay din sa mga pamantayan, mga kahalagahan at mga alintuntuning nagsiiral sa nangyari nang mga okasyon. Ang “paglitaw” at “pakikisangkot” ay dalawang sangkap ng prosesong nagtutulak na maganap ang isang panlipunang pagkilos. Nakita ng aktor, nagpakahulugan at pagkatapos gumanap siya.

Bagamat mukhang labis ang pagkasimple ng panghihimaymay na ito ng kaparaanan ng pag-unawa, layon at paglikha sa pang-araw-araw na buhay, halos katumbas ito ng paglikha na inihaharap ng mandudula sa teatro at tinatanggap naming kapanipaniwala ng mga manonood. Kung matagumpay. Ang pagkaunawa ng manonood sa palabas ay batay sa paglitaw ng kahulugan at ang kakayahan ng manonood na iugnay ang palabas sa sariling karanasan, pagkakaunawa sa mga kaugalian, mga papel na ginagampanan at mga alituntuning pang-asal ng kasalukuyan o nagdaan nang panahon ng panlipunang kapaligiran.

Kadalasan, bahagi na ng isang tiyak nang kaayusan ang tema ng isang dula (maliban na lamang kung ito’y improbisasyon) at ang aksyon ay binibigyang buhay lamang ng mga tagaganap. Ang ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng pagpipilian at naitakda na ang uri ng pagkilos na maaaring isagawa. Dito unang lumilitaw ang ilusyon. Natiyak na ang antas ng realidad at may lubos nang katuparan ang pagpapalagayan ng mga kaugnay sa palabas, ang mga tagaganap at ang mga manonood.

Subalit ang ilusyon ay isa lamang tiyak na pang-ngalang panteatro para sa isang prosesong likas sa lahat ng pag-uugnayang panlipunan. Ito ay pagpapako ng pansin sa mga kasangkot sa isang tiyak na situwasyon, pagtatakda sa nasabing situwasyon ng mga kilos na angkop o makabuluhan o may malinaw na kahihinatnan, at pagkilos na naaayon sa napiling antas ng realidad. Ang proseso ay isang uri ng pagkukuwadro sa mga pangyayari. Ang mahalaga ay maipahiwatig ang antas ng pagkaselan o pagkamakahulugan na masasabi tungkol sa isang pangyayari.

Sa bawat pagtitipon batid ng mga panauhin na aliw ang layon ng kanilang pagdalo, at kumikilos ang bawat isa na parang magkakapantay silang lahat, na parang pinararangalan ang bawat isa nang higit sa lahat. Hindi isang pansamantalang katha lamang ang “parang” ng pagkapantay-pantay ng lahat. Ilusyon ito. Ganoon din ang “parang” ng kahalagahan ng okasyon, ang pangangailangang panatiliin ang pagkasunod-sunod ng mga pagkilos hanggang sa kahuli-hulihang sandali, pigilin ang mga nakakaasiwang di-pag-iimikan, ang paglalantad ng kapootan, ang lubusang pagkayamot na makapagbibigay sa mga panauhin ng dahilan para magsilisan nang wala sa panahon.

Ang may pagsasariling uri ng dula ay sadyang pinanatili ng mga sumasali sa ganoong mga okasyon. Kahit na sa karaniwang buhay ang antas ng realidad ay pinipili kahit na hindi ito magagawang panatiliin kung hindi makatatalima ang mga kasali sa mga mahihigpit na alituntuning kinababatayan ng pagpapanatili nito. Ang mga antas ng realidad na tinatanggap sa teatro ? ang “kunwaring” realidad, ang “mapipiling iba,” at ang nakapagpapawalang-saysay na realidad na may kinalaman sa pagsisikap na baguhin at panindigan ang pagtitiyak sa situwasyon, ang tinatawag na “mga alituntunin ng laro.”

Hindi lubos na magkakaiba ang tatlong antas na ito ng realidad sa panlipunang daigdig. Batay ang bawat isa sa napagkasunduang mga alituntunin hinggil sa maaaring kalabasan ng pagkilos. Para sa mga mapag-alinlangan ang “nakapangyayaring realidad” mismo ay kathang-isip lamang, ngunit para sa mga may tiyak na paninindigan ang tinutukoy nito ay isang kasaklawang maaaring pangyarihan ng di-mababawing pagkilos na may bisa sa buong katauhan ng bawat tao at sa maaari niyang gawin sa hinaharap. Ang konsepto ng katunayan ay karaniwang napalalawak upang saklawin ang isang mas mahabang hanay ng mga pangyayaring pinili ng isang tao sa dahilang ang mga iyan ang nakapagbibigay kabuoan sa kanyang pang-biyolohiya at panlipunang karera.

Sa katunayan, karaniwang tinitiyak kung ano ang “totoong” sarili at kung ano ang “totoong” gawa ng sarili sa pamamagitan ng isang di-malinaw na pang-daylektikong pagsasalungatan ng pagka-di-makatunayang pagkukunwa at ng “maaaring mapiling ibang realidad.” Ibinabawas ng isang tao sa kanyang buhay ang mga gawa sa larangan ng pulitika, karera, pampamilya o panlipunang buhay na itinuturing niyang laro. Marahil sa mata ng isang nagmamasid na ibang tao, pagkatapos ng ganyang pagbabawasan wala nang matitira pa sa buhay ng tao, ngunit para sa indibidwal batay ang katinuan ng isip sa paniniwalang mayroong natitira na magagawa niyang pamantayan ng lahat ng kanyang mga gawa. Sa gayon ang daigdig ng mga di-makatotohanang gawa ang sumusuhay sa isang pansariling pangangatuwiran na magagamit sa pagsasaayos ng “tunay” na buhay.

Nasa institusyonalisasyon ng laro (pagkukunwa) o di-makatuturang pagkilos sa lipunang kinabibilangan ang pagtataguyod ? pagpapatibay, halos ? ng personal na realidad. O kaya isa itong larawan ng institusyonalisasyon ng tatlong antas sa lipunan.

Higit na masalimuot at mas mahirap kaysa madadalumat mula sa karanasan ang pagkilala sa realidad. Sa “likas na pananaw” ng isang pangkaraniwang tao sa pang-araw-araw niyang buhay, may matatagpuang isang paraang makapagpapanatili sa isang napagkasunduan nang antas ng realidad. Ginagamit ang pang-ngalang ” epoche” na pantukoy sa pagkukulong sa ad hoc na kuwadrong inilalapat sa palibot ng isang tiyak na uri ng situwasyon at pagkilos. Sa gayon naisasaisantabi ang paniniwala sa realidad ng daigdig at ng mga pangyayaring nasa labas ng situwasyong ikinuwadro. Para sa taong nasasakupan ng “likas na pananaw,” epoche ng “likas na pananaw” ang pagtatakwil sa anumang pag-aalinlangan na ang daigdig at ang mga laman nito ay naiiba sa nakikita niya.

Makakasangkapan din ito ng manonood sa pagpapaliwanag ng katuturan ng pandulang daigdig sa loob ng teatro, subalit sa pagkakataong ito ang epoche , ang kuwadrong kinapalolooban ng aksyon, ay naihayag na at batid na ng lahat na pansamantala lamang ito. Nagiging isa pang mapipiling-iba ngunit marupok na realidad ang daigdig ng palabas.

Sa gayon, nanatiling malapit ang mga tagateatro sa udyok na paglaruan, tulad ng paglalaro ni Pirandello sa Six Characters in Search of an Author , ang pabago-bagong mga hangganan sa pagitan ng daigdig na panteatro at ng pangkaraniwang daigdig. Nagawa niyang ihayag ang pag-aalinlangan hinggil sa realidad nang hindi sinisira ang ilusyon ng realidad. Nagawa niya ito dahil lahat ng kanyang gawain ay ginawa niya sa loob ng sinaklungang daigdig na walang realidad. Makapagsasalamin ng napakaraming mga larawan ngunit hindi kailanman mababasag ang salaming daigdig. Sa puntong iyan hinihiwalayan ni Pirandello ang kanyang mga kapanahong mandudula at direktor na nagtangkang sumira sa bilog ng ilusyon magawa lamang nilang iisa ang dalawang daigdig ng teatro at ng totoong buhay. Subalit hindi nila naiwasan ang suliranin sa pagtatakda ng kahulugan. Sa kanilang panghihikayat na makisangkot ang mga manonood ginawa nilang teatrikalidad ang teatro.

Inihahandog ng tradisyonal na teatro ang isang daigdig ng laro (gaano man ito kaseryo) na makapagpapaluwag sa kaigtingan ng mga kaligaligang dulot sa mga manonood na nag-iisip kung ano ang kalalabasan at kahihinatnan ng mga pagkilos; malinaw at hayag na ang pagkakasunod-sunod ng mga pagkilos at ang di-kaginsaginsang pagpasok ng di-inaasahang pangyayari. Sa mga “happening” o sa mga palabas na hindi talagang pinaghahandaan, magkakalayo ang mga panaklong na nakapalibot sa di-makatunayang daigdig ng teatro kaya’t malayang nakapapasok ang alinlangan sa kalalabasan, para sa mga manonood at mga tagaganap, ang mga pagkilos sa karaniwang pinid na daigdig ng teatro, ng nangyayari at ng maaari nilang gawin sa labas ng teatro. Kabaligtaran ng prosesong ito sa karaniwang buhay ang pagkilala at kung minsan ang panggigiit sa teatrikalidad bilang isang karapat-dapat tanggaping sangkap ng seremonya at ritwal na may pagkarelihiyoso at may pagkasekular, sapagkat sa paniniwala ng marami-rami din namang mga tao makatutugon ito sa isang kung anong layunin, kahit hindi na ito ang orihinal na layunin.

Ang napakadaling makaligtaang mga seremonya at ritwal sa pangkaraniwang buhay (mga demonstrayon, pagpapalitan ng mga regalo, pag-iibang anyo sa pagpasok sa piitan, sa pagamutan, sa hukbong sandatahan, o kahit na sa unang araw ng pagpasok sa pagawaan, mga ritwal ng prosesong pampulitika at iba pa) ay maaaring bigla na lamang maglantad ng sarili bilang pinagsama-samang mga katangian ng asal at gawa na mukhang nakawala sa kanilang mga panaklong, mga larawang hubad sa realidad sa gitna ng realidad, mga larawang tumatawag ng totohanang pagtingin sa karaniwang ipinalalagay na pangkaraniwan (hindi panteatro) sa pagkilos.

Ang guhit na naghihiwalay sa dalawang uri ng pagkilos, ang panteatro at ang di-panteatro, ay batay sa kaalaman tungkol sa pagpili ng moral na pananaw na nagkakaroon ng bisa nang ayon sa proseso ng sosyalisasyon sa isang partikular na panlipunang kapaligiran, at sa isang partikular na panahon. Hindi ito dahil lamang sa antas ng paglalantad. Ang matimping asal ng isang grupo ng mga Ingles sa isang pormal na pagtitipon ay maaaring lumitaw sa mga nagmamasid na kasing panteatro ng lantarang asal ng isang pamilyang Italyano sa kanilang pagbabatiang may kasamang halik, yakap at kamayan.

Malayang ginagamit ang terminolohiya ng teatro sa karaniwang usapan at mahalagang bahagi na ito ng pampropesyonal na lengguwahe ng mga peryodista. Palasak din ito sa pagsusulat ng mga talambuhay na sa pagkakasulat ay tagamasid ang manunulat at hindi tagalikha ng mga tauhan. Ang ganitong uri ng lengguwahe ay maaaring maging kapalit ng paghihimaymay bagamat maaari rin itong kasangkapanin sa panunuri.

Hindi marami ang nagnanais maniwalang umaarte sila tuwina. Mukha itong pagkilala sa paratang ng kawalan ng sinseridad at pagtatatwa sa sariling “kaakuhan.” Sa pagtataguyod ng tangi nilang pag-aaral, handa ang mga sosyolohista na panindigang hindi maaaring malaman ang sarili at lahat ng mapagmamasdan ay maaaring ilarawan sa isang makahulugang paraang sa pamamagitan ng tinatawag nilang teorya tungkol sa pagganap ng papel, isang pagpapabuti sa pang-ngalang hango sa lengguwahe ng teatro. Ginagamit din ang salitang “dramatismo” na tumutukoy sa isang paraang ng panghihimaymay na kumakasangkapan ng mga saligang uri ng akto, eksena, tagaganap, pagkatagaganap, persona, layunin. Binibigyan-diin ng “dramatismo” ang mga batayang porma ng pag-iisip na kinasasalalayan ng panlipunang pagkilos. At ayon sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang karanasan, lumilitaw ito sa pagkakilala ng tao sa daigdig sa kanilang karanasan, lumilitaw ito tuwing may magpapataw ng mga motibo sa gawa ng iba.

Ang karamihan sa mga sosyolohista ay nagbukas ng kanilang isip sa tagaganap o aktor. Ginagamit nila ang ilang kategorya ng akto, eksena, tagaganap, pagkatagaganap, persona, motibo, at layon sa pagkakaugnay ng mga ito sa aktor. Ang diing ibinibigay sa konsepto ng “papel” ay nagmumula sa katunayang galing dito ang kailangang kawil na magdadatig, sa isang dako, ng panlipunang realidad ng isinaayos na daigdig ng mga institusyon at ng mga pagbabagong pinagdaraanan ng mga ito at, sa kabila, ng pantaong realidad ng pansariling kamalayan at pansariling asal.

Ang Palabas sa Loob at Labas ng Teatro

Ang mga katumbasan ng paggampan ng papel sa loob at labas ng teatro, ng pagsasaayos ng eksena sa entablado at sa ibang mga lugar, at ng mga tema ng drama at sa ritwal sa pangkaraniwang buhay. Ang ibig sabihin nito’y isang gawaing kinasasangkutan ng lahat ang pagsasadula ng buhay.

Hindi rin nito ibig sabihing nawawalan ng halaga ang drama bilang isang sining, bilang isang bagay na nagpapalawak ng karanasan at nagpapasidhi ng kahulugan. Naghahandog ang drama ng karanasang makitid ngunit kinapapalamanan ng buong ikit ng mga situwasyong mapagsasaliksikan at mapagpipilian ng mga kinahinatnan ng mga pagpipili, pagpapasiya at pagkilos.

Ang aksyon sa dula ay hindi lamang likhang-sining kundi isa rin kathang buhay na nag-aatas ng isang pamantayan. Pamana ng ritwal ang katangian ng dulang mag-atas ng mga pamantayan. Batay ang tagumpay ng isang dula sa paghihikayat ng mandudula na magtatakda ang mga manonood ng isang paninindigan, tanggapin ang ilang tiyak na pamantayan sa pagkilos at sa mga kumikilos, at hatulan lahat na masama o mabuti, matagumpay o bigo, umaayon o sumasalungat. Ang manonood ay naggagawad ng hatol mula sa isang kinatatayuang hindi maaaring maging kanya sa tunay na buhay. Mula sa ganyang panteatrong kinatatayuan nakikita niya at napag-aalaman ang lahat ng dapat makita at malaman.

Abala kung gayon ang mga manonood sa isang ulirang pagyari at pamuling pagyari ng moral na buhay. Dahil dito ang kalumaan o kawalang saysay ng isang dula ay higit na nakapagpapawalang sigla kaysa nobela. Ang mga manonood ay hindi lamang hinihilingang magsikap na panatilihin ang daloy ng drama, hinihilingan din silang iugnay ang palabas sa sariling karanasan sa buhay sa labas ng teatro, kahit na sa iisang kalagayan lamang ito kaugnay, sa alta sociedad ng Bacolod, halimbawa, bago nagkadigma o sa magulo at maruming dako sa may bukana ng Umbuyan at Pitong Gatang.

Lumilitaw ang drama sa pamamagitan ng karanasan ng mandudula at ng mga tagaganap mula sa kinikilalang teatrikalidad ng pangkaraniwang buhay. Ngunit kailangan nito ang walang patid na pag-uugnayan ng sining at buhay. Ang mga panteatrong posibilidad ay makikilala lamang kung nagawa nang paghiwalayin ang manonood at ang tagaganap. Ang pagbabalangkas ng mga pangyayari, ang pagbubuhos ng pansin sa mga situwasyon at sa mga indibidwal ay bahagi ng realidad na nararanasan ng lahat sa pangkaraniwan nilang buhay sa mundo. Ngunit binibigyang daan ng kathambuhay ang pagmumuni-muni sa karanasang inilarawan nang walang kagulumihanang dala ng pangangailangang magpasya o magsagawa ng kaukulang pagkilos. Ang drama ay isang uri ng pinaigting na kathambuhay kaya tinutularan nito ang tunay na pagkilos sa totoong buhay. Kahit na sa tradisyonal na teatro ang manonood ay kasangkot sa palabas. May ginagampanan siyang papel na maisasaisantabi niya pagkatapos. Dahil sa ganitong pagkakasangkot ng mga manonood masasabing existentialist ang teatro. Sa tanghalan may tulong na ibinibigay ang mga manonood sa pagkaseremonya ng palabas habang minamasdan nilang ginagawang mga pormang panseremonya ang buhay. Ang kaigtingang nakapamagitan sa mga grupong kasangkot sa palabas, ang mga manonood at ang mga tagaganap, ay kaugnay sa karanasan ng teatrikalidad na nasa kamalayan ng lahat ng mga manonood sa labas ng teatro.

Sa pangkaraniwang buhay bawat tao ay abala sa walang tigil na pagsisikap na takdaan ang kanyang papel, ang kanyang eksena, ang mga hakbang na kanyang gagawin. Abala din ang bawat isa sa pagkilala kung sinu-sino ang kanyang mga kapwa tagaganap. Napag-isipan na sa teatro ang ganitong mga hangganang naghihiwalay sa mga uri. Ang pakikisangkot ay hindi na kailangang magdulot pa ng agam-agam. Sa dramatikong palabas ang panteatrong pagkilos ay naituwid na at naiayon sa mga alituntuning umiral. Binalangkas ang panteatrong pagkilos sa isang paraang makapagpapakita sa mga posibilidad ng magkakaugnay na kawil ng sanhi at epekto, pinutol ng hindi sinasadyang pangyayari o ng panghihimasok. Ang pansamantalang realidad ng panteatrong daigdig kahit na sa pinakamataas nitong antas ay hindi pagkamakatunayan ay nakatuon lagi sa totoong daigdig na nasa bingit ng kamalayan ng mga manonood.

Ang kamalayang pinagmumulan ng nakakasangkapang kilos ang siya ring kamalayang kumikilala sa sariling pagkabuo sa elemento ng teatrikalidad. Ang pagkilalang ito ang maaaring maging masakit at humantong sa pagtatakwil sa sarili. Sa pinakamahalaga nilang pakikipag-ugnayan at pinagkakaabalahan, nais isipin ng mga tao na wala sa kanila ang lahat ng mga katangian ng tagaganap. Mapananatili ang kaukulang kaunawaan ng katunayan kung titingnan ang teatrikalidad hindi bilang isang paraan ng pagkilos kundi bilang isang paraang ng pagkilala. Bahagi ito ng mapanuri, mapaghatol, mapagpahalagang ‘ako” na tumatayo sa tabi ng sarili bilang konsyensya o “ego.” Ngunit ang sadyang kagamitan nito ay napagyayaman ng panteatrong pagkamalay at ng kabatirang panteatro na nagbibigay ng kabuluhan sa sarili bilang isang panlipunang nilalang.

Kung ang drama ay isang pagpapalawak ng buhay, ang panteatrong panaw man ay nakapagpapalawak din. Ipinalagay ni Sartre na di-mapagkakatiwalaang lubos at di-maitatakwil ng tao ang kathambuhay. Hindi rin mapagkakatiwalaan at hindi maitatakwil ang teatro at ang panteatrong pananaw na bumubuo at binubuo nito. Kung wala tayong kakayahang bumuo at kumilala sa pagkakabuo ng ating sariling pagkilos at ng pagkilos ng iba, malamang na malansag ang panlipunan at pansariling buhay. Maaaring malaya tayo sa ating pakiramdam, ngunit ito ay kalayaan na sa kasalukuyan nating estado ng kasulungan ay hindi natin mapag-uukulan ng pagdidili-dili. Kailangan nito ang kumpletong pamuling pagyaring sarili ng bawat indibidwal.

Ang mga panganib ng “teatrikalidad” ay nasa kahigpitan o sa pagkamaulit. Madalas lumitaw ang magkakatulad na pananaw. Ito ay dala ng kawalan ng kakayahang yumari o kumilala ng bagong mga kaanyuan sa pagkatha. Ang panlipunang asal ay maaaring lumitaw na tila binubuo ng mga ritwal na walang katuturan kung ipagkakait natin ang bago sa sarili nating karanasan. Pinagkakasya na lamang natin ang mga “larawan ng daigdig” na hatid ng sosyalisasyon. Ang kaugalian, panretorika man o pampatotoo, ang pagganap ng papel at pagbalangkas ng mga pagkilos bilang mga banghay at tema ay batay lahat sa mapagkasundo at mapaglikhang ugnayan ng mga indibidwal sa iba’t ibang panlipunang kapaligiran. Sa panteatrong pananaw, ang mga ito ang gramatika ng mga panuntunan ng pag-iisip at pagdamdam na kinababatayan ng panlipunang pagkilos.

Mangyari pa, ang tanging kailangan nating taglayin pagpunta natin sa teatro bukas ay ang gramatikang ito. Kung sakaling problema pa rin bukas ang palabas, may hawak na tayong mabisang kasangkapan upang buwagin ang mga balakid sa ating pag-unawa sa palabas bukas.

Pagsulat ng Kuwentong Pambata

Pagsulat ng Kuwentong Pambata
ni Rene O. Villanueva

Ano ba ang esensiyal na pagkakaiba ng kuwentong pambata sa isang kuwentong hindi pambata?

Ito ang tanong na kailangang sagutin ng sinomang nagnanais sumulat ng kuwento para sa mga bata; dahil ang kuwento ay kuwento, pambata man o hindi. Maaaring may bahagyang pagkakaiba ang dalawa sa haba o paraan ng salaysay o sa uri ng wikang ginagamit. Ngunit ang mga ito ay pagkakaibang hindi esensiyal o hindi ganoong kahalaga.

Ang mahalagang pagkakaiba ay nasa katangian ng pinatutungkulan ng kuwento. Kaya kuwentong-pambata dahil sadyang kinatha para sa mga batang mambabasa.

Linawin muna natin ang ilang katangian ng sinasabi nating “batang mambabasa.” Naiiba ito sa depinisyon kung sino o ano ang “bata.”

Sino ang “bata”?

Ayon sa Unicef ang bata ay sinomang ang edad ay mula 18 taon pababa. Maraming kategorya ng bata batay sa depinisyong ito. Nariyan ang mga unborn child o batang nasa sinapupunan pa lamang mula O hanggang 9 na buwan. Pagkasilang ng bata, maaari siyang maikategorya sa sumusunod na uri: sanggol o pagkapanganak hanggang tatlong taon; pre-school o mula tatlo hanggang anim na taon; school-age o mula anim hanggang 13 taon; adolescent o juvenile, mula 11 hanggang 16 na taon; young adult, mula 16 hanggang 21 taon.

Dapat ipaalala na maaaring mag-iba-iba ang saklaw na edad ng mga kategorya depende sa nag-uuri. Ngunit sa pangkalahatan ay magagamit ang ganitong pag-uuri para linawin ang panahong itinuturing na kabataan. Dapat ding tandaan na batay sa developmental psychology bawat uri ay may kanya-kanyang katangian. Ang mga bata sa bawat kategorya ay may natatanging interes at pangangailangang nararapat tugunan ng pamilya at lipunan, bagaman hindi pare-pareho ni pantay-pantay ang kantidad ni kalidad ng paglaki at pag-unlad ng bawat bata sa bawat antas o kategorya.

Sa pagsulat ng kuwentong-pambata, ang katha, sa pangkalahatan, ay nakatuon sa mga nasa walo o sampung taong gulang pababa o sa tinatawag natin ngayong beginning readers.

Anong klaseng mambabasa ang mga batang nagsisimulang magbasa?

Sino ang “batang mambabasa”?

Maaaring hindi pa sila nakapagbabasa nang mag-isa o nagsisimula pa lamang sila makakilala sa ugnayan ng mga titik at tunog ng mga salita. Maaaring nakauunawa na sila ng mga salita o pangungusap mula sa pakikinig sa wikang pasalita ngunit marami pang konsepto at kahulugan ang kailangan nilang mantindihan. Hindi ito nangangahulugang wala o kulang ang kakayahan nilang umunawa sa mga bagay na nararanasan nila. Mas angkop sabihing ang mga batang kabilang sa ganitong kategorya ay may natatangi at sarili nilang paraan ng pag-unawa. Wala pa silang sapat ni lubos na kakayahan para maituring na literate individuals.

Ayon kay Piaget, ang paraan ng pag-unawa ng mga bata sa ganitong edad ay maituturing na animistic. Sa unang mga taon ng paglaki ng bata, hanggang sa walo o sampung taon, ang bata ay maaari lamang magkaroon ng napakapersonal na pag-unawa sa mga bagay na kanyang nararanasan.

Bilang mambabasa, maaaring kailangan pa nila ng matatanda para magbasa sa kanila. Mas mahilig silang makinig sa mga kuwentong binabasa sa kanila.

Ano ang kahulugan nito sa pagkatha ng kuwentong-pambata? Maaarin nating ipagpauna sa mga nagbabalak magsusulat ng kuwento na ang haba ng salaysay o kalidad ng wika sa pagkukuwento ay hindi limitado sa napakaikling naratibo ni sa paggamit ng napakapayak sa wika.

Ang Mito ng Haba at Kapayakan ng Kuwentong-pambata

Ang dalawang katangiang ito ay rekomendasyon lamang ng mga editor at publisista ng kuwentong-pamba; mga praktikal na konsiderasyon lamang. Hindi sila kabilang sa nararapat na katangiang dapat taglayin ng kuwentong-pambata.

Batay sa karanasan ko sa pagsusulat sa Aklat Adarna, ang rekomendadong haba ng isang kuwento ay 14 na spread at kadalasang binubuo ng 10 hanggang 25 linya o pangungusap o mas maikli. Nakatuon ang haba ng kuwento sa bilang ng spread sa halip na pahina sapagkat ang bawat spread o dalawang pahina ay pinaghahatian ng teksto at larawan (isang pahina o kalahating spread para sa teksto at isang pahina o ang kabilang spread para sa larawan). Ang rekomendadong bilang ng linya ay para magkaroon ng espasyo sa parallel text (teksto ng salin sa Ingles o teksto para sa mas nakatatandang mambabasa).

Sa katangian naman ng wikang gagamitin, isang praktikal na rekomendasyon lamang ang paggamit ng simpleng wika sa pagkukuwento sa mga pambata.

Noong aktibo pa ako sa pagsusulat para sa Adarna, mga katapusan ng dekada ’70 hanggang dekada ’80, hindi pa gaanong handa ang mga akademikong institusyon sa siyentipikong pagtaya sa kakayahan ng mga batang mambabasa. Halos walang mga pag-aaral sa lawak ng bokabularyo ng mga batang walo o sampung taon pababa, lalo kung wikang Filipino ang ginagamit. Ang karaniwang kinokonsulta ay mga pag-aaral sa mga batang mambabasa mula Europa o Estados Unidos, na wikang Ingles o Europeo ang gamit sabihin pa.

Natitiyak kong marami nang pag-unlad sa ngayon sa larangang ito; ngunit mahirap pa ring sabihin nang may katiyakan kung gaano kahaba o kapayak ang wika ng isang kuwentong-pambata.

Kung babasahin nating muli ang salin ng mga orihinal na kuwento ni Hans Christian Andersen at ng Brothers Grimm, o kahit ang mga kuwentong kabilang sa Arabian Nights kapansin-pansin ang haba at dawag (lushness) ng mga ito. At ang pagsasalin sa kanila sa modernong bersiyon na mas maikli o mas payak ay hindi laging nangangahulugan ng kapaki-pakinabang na karanasan sa pag-unawa ng mga batang mambabasa.

Paanong Mag-isip ang mga bata

Kailangan nating balikan ang katangian sa pag-iisip at paraan ng pag-unawa ng mga batang mambabasa upang higit na malinawan ang isyu ng haba at kapayakan ng isang kuwento para sa bata.

Iba ang paraan ng pag-iisip at pag-unawa ng mga batang walo o sampung taong gulang pababa kaysa sa ating mga may edad na. Hindi gaya ng nakatatandang mambabasa, hindi sila objective kung mag-isip at umunawa. Ang paraan ng pag-iisip nila hanggang sa pagsapit nila sa age of puberty ay karaniwang animistiko.

Sa isang batang walong taon, batay sa halimbawa ni Jean Piaget, ang araw ay buhay dahil nagbibigay ng liwanag. At saan kaya nagpupunta ang araw pagsapit ng gabi? Sa isang bata, marahil ang araw ay umuuwi sa bahay ng kanyang mga magulang o lolo’t lola para doon matulog at magpahinga. Upang muling magbigay-liwanag paggising kinabukasan.

Magreklamo man ang matatanda na ang ganitong paraan ng pag-iisip ay hindi siyentipiko; at magpanggap man ang bata na sumasang-ayon siya sa matatanda para sila masiyahan o para maiwasan niya ang siya ay kutyain, sa kanyang puso ay alam ng bata kung ano ang totoo. Maaaring ilibing niya ang paniwalang ito sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa upang maligtas mula sa pagkalkal ng rationality, ngunit mabubuhay at mapalalakas ito ng pagbabasa niya ng epektibong kuwentong-pambata.

Ayon kay Bruno Bettelheim, sa “The Uses of Enchantment,” ang klasikong pag-aaral sa silbi ng fairy tales at mga kuwentong-pambata, “anoman ang ating edad, ang mga kuwento lamang na sumasang-ayon sa mga prinsipyo ng pag-unawa natin sa mga bagay ang mga kuwentong tunay nating pinaniniwalaan.”

Pinagtitiwalaan ng bata ang mga fairy tales at mga tradisyonal na kuwentong pambata dahil ang “pananaw nito sa daigdig ay tulad ng pananaw nila.”

Hamon sa Muling Pagsasalaysay ng Kuwentong-bayan

Sa kasalukuyan, maraming nalalathalang kuwentong-pambata ang muling pagsasalaysay ng ating mga sinaunang mito, alamat at mga kuwentong-bayan.

Sa isang banda, sinasabing mahalaga ito dahil sa pagpapakikilala sa bata ng kulturang Filipino. Subalit dalawang bagay ang dapat isaalang-alang kaugnay ng ganitong tunguhin sa paglikha ng kuwento sa mga batang Filipino.

Una ang mga alamat at mito, at marami sa tinatawag na kuwentong-bayan ay malayong maituring na pambata at hindi binuo sa kapakanan ng bata.

Ang mga mito at alamat ay nalikha sa panahong tinatawag nating “unang panahon.” Noong ang ating mga ninuno ay hindi pa siyentipiko kung mag-isip. Maipapalagay nating nang panahong iyon, dahil sa kabataan ng mundo, maraming bagay ang nakapagtataka at nangangailangan ng paliwanag.

Halimbawa, bakit minsan o may panahong nagdidilim ang langit at bumubuhos sa lupa ang malakas na ulan? Upang sagutin ito, lumikha ang mga taga-Panay ng kuwento upang ipaliwanag ang penomenon ng ulan.

Sa kuwento ng mag-asawang diyos na sina Tungkung Langit at Alunsina, iniwan ng babaeng bathala ang asawa dahil ayaw payagan ni Tungkung Langit ang babaeng diyos na gamitin nito ang kapangyarihang lumikha. Mas mabuti raw na magkasya na lamang ang babae na magsilbing inspirasyon ng lalaki sa paglikha ng buong sanlibutan at lahat ng lalamanin nito, mula sa panahon, mga planeta at iba pa. Bagaman paulit-ulitna nakiusap si Alunsina sa asawa na bigyan siya ng pagkjakataong maging manlilikha, nagbingi-nbingihan ang lalaking diyos at inakalang naiinip lamang ang asawa. Kaya upang pawin ang inip ng maybahay, gumawa si Tungkung langit ng kulog at kidlat na gugulantang sa babae. Hanggang sa magsawa si Alunsina sa pakikiusap kaya iniwan niya ang tahanan nila sa langit. Matindi ang naging kalungkutan ni tungkung Langit nang matuklasan ang pagkawala ng maybahay. Pakiramdam niya ay laging malamig ang kanilang higaan at walang silbi ang kanan. Ngunit ang matinding panindim ng lalaking diyos sa pagkawalay niya sa asawa ay naibsan nang mapansin niya,isang araw, na may kakaibang bagay ilalim kanilang tahanan sa kalangitan. Nakita ni Tungkung Langit ang Daigdig na nilikha pala ni Alunsina para patunayan (una, sa kanyang sarili) na siya ay isa ring manlilikha. Muli, hinimok ng lalaking diyos ang babaeng bathala para magbalik sa piling niya sa kalangitan. Ngunit hindi dininig ni Alunsina ang paulit-ulit mang pakiusap ng dating asawa.

Kaya upang muling makaniig at makatalik ni Tungkung Langit ang pinakamamahal, kailangan niyang magpalit ng anyo, maging isang malakas na buhos ng ulan na makabababa sa daigdig upang bumuhos, dumilig, magpataba, at magpalunti sa bathalang si Alunsina na nasa anyo naman ng lupa.

Sa pamamagitan ng paghabi ng isang marikit na kuwento ng pag-ibig, naipaliwanag ng mga taga-Panay kung bakit umuulan. Mahihinuha nating nakapagpagaang ng loob ng mga sinaunang tao ang ganitong paliwanag kaysa sa hindi nila pag-unawa sa penomenon ng pag-ulan. Ang paghabi ng kuwento ay isang paraan ng pagsupil sa mga takot o pagkabahala ng tao sa kanyang paligiran at pag-unawa rito.

Sa sinaunang lipunan, ang paghabi ng kuwento ay pagpapaliwanag sa mga karanasang hindi madaling maunawaan. Ang mismong pag-iisip ng kuwento ang siyang paliwanag sa karanasan, na humahantong sa kapanatagan ng buhay o pagbaka sa mga takot.

Sa paglipas ng panahon, marami pang magiging paliwanag kung bakit umuulan. Halimbawa noong panahon bago ang paglaganap ng relihiyong Kristiyanismo, marami ang naniniwala na uulan kapag nanawagan at nag-alay ang tao sa mga diwata at anito na nagbabantay sa kaligiran. Katumbas ito ng paniwala noong panahon ng Kristiyanismo na mapipigil ang pagbuhos ng ulan sa pamamagitan ng pag-aalay ng itlog kay Santa Clara.

Nang dumating ang panahong siyentipiko, maaaring sa ikalawang hati ng siglo 19 nang matatag ang meteorological observation sa Maynila sa pamumuno ni Padre Faura, nagkaroon ng ibang paliwanag kung bakit umuulan. Pinag-aralan ang galaw ng hangin at iba pa penomenong pang klima at pang-atmospa. Ipinaliliwanag na ang penomenon ng ulan sa pamamagitan ng siyensiya. Mula sa pagmamasid at pagtatala ng mga obserbayon. Napatunayan ang prinsipyo ng evaporation at condensation. Dahil may siyentipiko nang paliwanag kung bakit umuulan, ang sinaunang alamat kaugnay ng paghihiwalay ng lalaki at babaeng bathala ay naisantabi na at, nito na lamang kalagitnaan ng dekada ’80, muling binuhay ng Cacho Publishing ang alamat bilang kuwentong-pambata, gaya ng ginagawa ng ngayon na maraming pabliser ng mga aklat para sa bata.

Naging pambata ang mga sinaunang kuwento dahil nagkagulang na ang mundo at yumayakap na ang mga Filipino sa ibang paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mga bagay. Isang paraang ng pag-unawa na mailalarawan bilang batay sa realidad, empirikal, rasyonal, lohikal at siyentipiko. Kaya ang sinuna, matanda, pantastiko at tradisyonal na paliwanag gaya ng kuwento nina Tungkung Langit at Alunsina, ay naging isa na lamang katha, isang kuwento na para na ang pangunahing silbi ay aliwin ang mga bata.

Magkagayon man, may mahalagang silbi pa rin ang mga ganitong kuwento. Marami ang naniniwala na magagamit ang kuwento at mga kauri nitong kuwentong-bayan bilang mapa ng sinaunang paraan ng pag-iisip ng ating mga ninuno o durungawan ng kasalukuyang Filipino sa kanilang katutubo at nakaraang kultura, pag-iisip at paraan ng pamumuhay. Sa maraming guro at kuwentista, ito ang pangunahing silbi ng mga alamat, mito at kuwentong-bayan.

Ngunit sa muling pagsasalaysay sa kanila, naniniwala akong mahalagang mabihisan ng bagong kaalaman o halagahan para sa kontemporanyong lipunan ang mga ganitong kuwento. Dapat pag-isipan ng moderenong kuwentista, pambata man o hindi, kung paanong makapaglilingod ang mga kuwentong-bayan sa kontemporanyong mambabasa at lipunan. Hindi sapat na muling isalaysay ang mga kuwento para marinig ng mga bagong tagapakinig o kaya ay muli silang isalaysay sa bagong anyo, gaya ng dulang musikal. O isalaysay lamang sila gamit ang modernong wika at mga kontemporanyong pamamaraang pansining.

Ang muling pagsasalaysay sa mga kuwentong mula sa ibang panahon o lipunan ay humihingi ng pagsasalaysay na magsisilbi sa interes ng mga kinukuwentuhan. Kung hindi ganito, walang saysay ang muling pagsasalaysay.

Pagpapahalaga sa Kulturang Filipino

Mahalaga ring linawin ang ideya kaugnay ng kulturang Filpino sa muling pagsasalaysay ng mga kuwentong-bayan.

Ang kulturang Filipino ay patuloy na umuunlad; at sa bawat panahon ay nagbabago. Umuunlad ito batay sa mga pagbabagong historikal, panlipunan at iba pa. Hindi nararapat na mabalaho ang ideya natin tungkol sa kulturang Filipino sa isang panahon, lalo sa sinauna at di-siyentipikong panahon.

Sa paglikha ng mga kuwento, maipakikita ang kultura at lipunang Filipino kahit sa mga kontemporanyong kuwento, kahit sa mga kuwentong walang malinaw na panahon o lunan, kung ito ang layuning minamahalaga ng isang manunulat.

Halimbawa, ang kuwentong “Unang Baboy sa Langit” ay kuwento tungkol kay Butsiki, ang patron ng mga baboy na “may tala sa noo at ginto ang mga kuko.” Kakaiba ang biik na si Butsiki mula nang isinilang siya. Isa siyang malinis na baboy; naghihilamos siya pagkagising, naghuhugas ng kamay bago st matapos kumain, gumagamit ng panyo kapag buabahing, nagpapalit ng damit-pantulog bago matulog sa gabi at nagdarasal. Hindi lamang siya malinis, tinuruan, din niya ng kalinisan ang mga kamag-anak at kapitbahay. Kaya itinuring siyang kaaway ng mga ahente ng dumi at salaula. Nagalit kay Butsiki ang mga butete sa kanal at mga lamok sa madidilim na sulok-sulok ng kanilang kural. Isinakdal nila ang kakaibang baboy sa diktador na pinuno ng mga hayop; at nilitis siya. Napatunayang nagkasala si Butsiki dahil lumalabag siya sa kalikasan ng mga baboy sa kanyang pagtupad sa isang malinis na buhay.

Kaya ipinagbawal ang kalinisan. Ipinagbawal ang paglilinis ng paligid at pagiging malinis. Dahil dito, lumaganap ang peste sa mga baboy at marai ang dinapuan ng sakit na nagging dahilan para iwasan ng mga tao ang pagkatay o pagkain sa kanila. Ngunit gaya ng paniwala ni Butsiki, “walang silbi ang isang baboy na hindi naging litson o ni hindi man lamang naging sitsaron.” Kaya pagsapit ng pista, ang baboy lang na may tala sa noo ang nalitson at pinagsaluhan ng mga tao. Ang kaluluwa ni Butsiki ay umakyat sa langit, sinalubong ng mga anghael habang pinauulanan ng mga kalatsutsi at sinasalubong ng masigabong pagdiriwang ng mga banal na trumpeta. Pagsapit niya sa kalangitan, idineklara si Butsiki bilang “unang patron ng mga baboy.”

Paanong makapaglalarawan ng kulturang Filipino ang isang kuwentong tungkol sa mga baboy, lamok at butete; tungkol sa isang baboy na tumangging maging salaula, at naniniwalang ang kabuluhan ng pagiging baboy ay nasa pagiging masarap na litson kung may handaan o kaya’y katakam-takam na sitsaron sa isang salo-salo?

Malayang sumasalok ang kuwento sa balon ng kontemporanyong kasaysayan ng Pilipinas ng mga Fiilipno. Inaalala ng kuwento ang karanasan ng bansa sa ilalim ng batas-militar at authoritarian regime, bukod sa nililingon nito ang isa sa pinakamaking imahen sa kulturang popular, ang pahayag ni Elsa (na ginampanan sa pelikula ni Nora Aunor) na “Walang Himala!” Maaaring makaligtas sa bata ang obhetibong halaga ng ganitong reperensiya, ngunit maaaring masapul nila ang kahulugan ng paniniil at kawalang hustisya ng sistema sa isang baboy na ang nais lamang naman ay magtaguyod ng kalinisan. Ang halaga ng kalinisan ay isang bagay na madalas itagubilin ng matatanda sa mga bata; at maraming bata ang sumusuway dito. Sa pamamagitan ng parikalang paglalahad o pagbaligtad sa sitwasyon (ang ipinatutupad ng lider ay pagiging marumi, na sinuway naman ni Butsiki), inaasahang mauunawaan ng bata ang kahulugan ng pagsunod at pagsuway sa alituntunin, bukod sa naging bunga ng pagiging marumi.

Napahahalagahan din sa kuwento ang papel ng bata. Ipinakikita sa kuwento na ang bata ay hindi lamang laging tagasunod sa mga itinatagubilin ng mga nakatatanda, minsan maaari din siyang sundan at sundin ng iba; na ang bata ay makapamumuhay nang may kimkim na lihim (ang pagiging malinis ni Butsiki, sa kabila ng pagiging marumi ng mga kasambahay sa kural), bagaman ang ganito ay makapaghahatid ng kapahaman sa kanyang mga kapamilya. Isa rin ito sa susi kung bakit kapana-panabik ang bahaging ito ng kuwento: ano kaya ang ibubunga ng lihim ni Butsiki? Tinutugunan din nito ang takot o pag-aalala ng bata na maging mitsa siya ng kapahamakan o disgrasya sa pamilya. Karaniwan ang ganitong pag-aalala sa bata; ang mga kakulangan nila (kawalang kasanayan sa maraming bagay, gaya ng di-wastong pagkilos, walang sapat na kakayahang maipaliwanag ang sarili) ay maaring humantong sa kasawian ng mga kasambahay, gaya sa nangyari sa mga kaanak ni Butsiki.

Dahil may kultura sa bawat panahon at ang kultura ay laging napapanahon, naniniwala rin ako na isang mahalagang katangian ng kuwentong-pambata ang pananaw nito sa kultura ng batang mambabasa. Makikita ito sa kuwentong naganap sa kontemporanyong panahon at sa lugar na madaling makilala ng mga pamilyar sa urban poor.

Sa “Ang Makapangyarihang Kyutiks ni Mama,” ikinawing sa napapanahong kuwento ang natatanging paraan ng pag-iisip ng bata.

Akala ng Batang Babae na pangunahing tauhan sa kuwento, ang mama niya ay isang doktor. Kasama-sama kasi siyang lagi ng ina sa pagpunta sa iba-ibang bahay; ang mama niya ay laging may dalang bag na kinalalagyan ng mga botelya na sari-sari ang kulay. Naihambing niya ang Mama niya kay Doktora Santiago na ipinatatawag ng ina tuwing siya ay maysakit. Gaya ng Mama niya, si Doktora ay lagi ring may dalang bag na may sari-saring gamot.

Napansin din niya ang mga babaeng nagpapatawag sa kanyang mama. Sila’y malulungkot, matatamlay at mukhang may problema, parang gaya ng nararanasan niya kapag siya ay may karamdaman at hindi makapaglaro sa labas ng bahay. Ngunit sa sandaling bigyan sila ng gamot ng kanyang mama mula sa makukulay na botelya, nagbabalik ang kulay at saya sa kanilang mga mukha. “Matapos silang pahiran ng kyutiks ni mama, ngumingiti sila. Parang mga batang babaeng naghahalakhakan.”

Maaring matagal pa bago matuklasan ng bata ang katotohanan, na ang ina niya ay hindi doktora kundi isang manikurista, ngunit hindi na iyon ang mahalaga.Ang mahalaga ay nasa tapat na pagmamalaki at lantay na paghanga ng isang bata sa kanyang ina, dahil sa kakayahan nitong makatulong sa kapwa. Hindi direktang nangangaral ang kuwento tungkol sa dignity of labor, respect for women, mutual help among women, o iba pang malalaking aral na maaaring matukoy sa kuwento.

Bagaman makikita sa kuwento ang mga ito, ang aral o pagpapahalaga ay ipinababahala sa bata. Hindi idinuduldol o ipinangangalandakan sa babasa. Kaya hindi rin dapat salungguhitan o bulatlatin sa pamamagitan ng tiyak at malinaw na paliwanag ng sinomang babasa ng kuwento sa bata.

Sa mga hindi mapapalagay kung hindi kami magbibigay ng tahasang gabay sa pagsulat ng kuwento sa bata, lilinawin natin ang paliwanag ni Feny de los Angeles ng Community of Learners, tungkol sa dalawang bukal ng mga kuwentong-pambata.

Bawat kuwento ay mauugat sa kultura.Una sa kultura ng bata. Pangalawa sa kultura ng kabataan.

Ang kultura ng bata ay tumutukoy sa lahat ng maraming konteksto ng mga batang Filipino; sa kanilang kinalalagyang komunindad, sa kinabibilangan nilang kasaysayan, tradisyon at uri ng pamumuhay. Bawat batang Filipino ay napaliligiran ng kasaysayan, tradisyon, grupong-panlipunan, uri ng pamumuhay at paniniwala at marami pa. Lahat nang ito ay maaaring maging balon ng mga kuwento na mapaghahanguan ng kuwento ng sinomang nagnanais makasulat ng kuwentong-pambata. Samantala, tumutukoy naman ang kultura ng kabataan sa lahat ng tao, lugar, damdamin, at karanasan ng bawat batang Filipino kaugnay ng kanyang pagiging bata, ng kanyang paglaki at pagkakagulang.

Bilang pangwakas, inaanyayahan ko kayong magbasa ng mga modernong kuwentong-pambata na sinulat ng mga Filipinong kuwentista para sa mga batang Filipino.; kasabay ng hamong suriin ang bukal na pinaghanguan sa mga ito o ang nangingibabaw na paraan ng pag-iisip at pag-unawa sa mundo.

Maraming salamat sa inyong panahon at pakikinig.

Paggunita sa Tanaga

Paggunita sa Tanaga
ni Virgilio S. Almario

Bukod sa mga bugtong at salawikain, maraming sinaunang maikling anyo ng tula sa Filipinas. Isa dito ang tanaga, na ayon sa vocabulario nina Noceda at Sanlucar (1754) ay isang uri ng tulang may napakataas na pagpapahalaga sa lipunang Tagalog:Poesia muy alta en tagalo, compuesta de siete silabas, y cuatro versos, llena de metaforas . Binubuo ang tanaga ng apat na taludtod at bawat taludtod ay may sukat na pipituhin. Sa loob ng naturang anyo, kailangang ganap na maipahayag ng makata ang nais sabihin sa pamamagitan ng matalinghagang pangungusap.

Umaabot sa 15 ang tanagang natipon at ginamit na halimbawa nina Noceda at Sanlucar sa kanilang bokabularyo. Isa dito ang nagpapahayag ng pagpapahalaga sa birtud ng kababaang-loob sa pamamagitan ng pagkokompara sa mga punong paho at doso:

Mataas man ang paho 
Malangba ang pagtobo 
Ang doso rin ang lalo,t, 
Hangini di maobo.

Isa pa ang tigib sa pagbibiro at siste dahil sa tila-musmos na paghamon ng marupok na lumot sa tibay ng tulos na kung tutuusi’y pagsasandigan niya ng sariling kapalaran:

Catitibay ca tolos 
sacaling datnang agos 
aco,i, momonting lomot 
sa iyo,i, popolopot.

Ngunit ang susunod ang maituturing na isang hiyas:

Nang ualang biring guinto, 
Doon nagpapalalo 
Nang magcaguinto guinto 
Doon nanga songmoco.

May dalawang talim ang naturang tula. Sa isang banda, isang bugtong ito hinggil sa palay. Gayunman, isang aral din ito sa hungkag at sa totoong karunungan. Ang taong kulang sa dunong ay karaniwang tulad ng namumutikas pa lamang na palay: palalo at nakatingala lagi sa langit. Sa kabilang dako, ang taong tigib sa karanasan ay tulad ng uhay na hitik sa butil: marunong yumuko at magpakababa.

Isang suwerte natin ngayon na natipon at nailimbag nina Noceda at Sanlucar ang mga naturang sinaunang tanaga. Sa loob ng mahigit sansiglo, waring nawala ito sa gunita ng taumbayan. Salamat at nitong makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling binuklat ni Ildefonso Santos ang aklat nina Noceda at Sanlucar at natuklasan ang tanaga.

Lumikha mismo siya ng ilang tanaga at inilathala nang may kalakip na paliwanag hinggil sa ginamit na katutubong anyo. Isa dito ang kaniyang paghalaw sa bugtong ng palay at nilagyan niya ng gayong pamagat:

Palay siyang matino, 
Nang humangi’y yumuko, 
Nguni,y, muling tumayo: 
Nagkabunga ng ginto!

Nabasa ni Federico Licsi Espino Jr. ang tanaga ni Ildefonso Santos at isinulat niya ang naturang tuklas sa isang artikulong Ingles sa magasin niyang pinaglilingkuran. Bukod dito, sinundan niya ang pagsisikap ni Santos; sumulat din siya ng tanaga, at isa ang sumusunod na “Muling Pagkabuhay”:

Dahan-dahan, ang langit 
Ay nagbababang-luksa; 
Unti-unti, ang binhi’y 
Nabubuhay sa lupa.

Nagsisulat din ng tanaga sina Rogelio G. Mangahas, Rio Alma, Lamberto E. Antonio, Pedro Ricarte, at iba pa nitong dekada 60. Pagdating ng dekada 70, ganap nang muling nabuhay ang tanaga sa hanay ng mga makata.

Ang Textanaga ang kaganapan ng naturang resureksiyon. Bukod sa inobatibong paggamit ng texting, pinalawak ngayon ng naturang kontest ang kamalayan sa tanaga hindi lamang sa mas malaking bilang ng kasalukuyang makata kundi maging sa henerasyon ng mga Filipinong limitado ang kaalaman sa sarili’t katutubong panitikan ng Filipinas.

Sa loob ng sambuwan at kaugnay ng pagdiriwang sa Pambansang Buwan ng mga Sining nitong Pebrero 2003, libo-libong lahok ang tinanggap ng mga tagapangasiwa ng Textanaga . Nanggaling ang mga lahok sa iba’t ibang dako ng Metro Manila bukod sa dumating mula sa Bulacan, Nueva Ecija, Pangasinan, Laguna, Batangas, Quezon, at Palawan. May nagwagi pang taga-Bicol. Ang higit na nakatutuwa, nilahukan ito ng mga guro, estudyante, klerk, negosyante, abogado, CPA, sundalo, pari, at mga tao mula sa sari-saring propesyon at gawain ngunit nabibigkis ng mithiing tumula.

Hindi naging sagwil ang pangyayaring hinggil lamang sa pag-ibig ang maaaring paksain ng bawat lahok. Itinatanghal sa mga nagwagi linggo-linggo ang mataas na uri ng pananalinghaga, gaya ng hinihingi sa tanaga. May hayag na mithiing pakatutubo, tulad sa:

Ay! Masaganang payaw 
Ang katawan mo, Mahal; 
At bul-ol akong bantay 
Sa mapintog mong palay.

Dili kaya’y malikhaing pagsangkap sa sinaunang paniwala, pamahiin, at gawain ng bayan, gaya sa:

Nag-almusal mag-isa, 
Kaning lamig, tinapa; 
Nahulog ang kutsara… 
Ikaw na sana, Sinta.

Malakas din ang simbuyong gamitin ang wika’t karanasan ng lungsod, gaya sa:

No virus ang computer
Puro sunshine ang weather, 
Parang life sa death after 
Pag tayo ay together.

Na kahit ipahayag sa karanasang lalawiganin ay hindi nawawalan ng masayang dating, gaya sa:

Puto lang ako Sinta- 
May init ng bibingka, 
Tamis ng maja blanca, 
Sapin-saping ligaya.

Bagaman may halimbawang mahihiwatigan ng tahimik ngunit mahiwagang paglurok sa bagay-bagay, sa paraang tinatawag na Silanganin, gaya sa:

Dinatnan kong tahimik 
Ang lawa at namingwit; 
Nasilip ka sa langit, 
Hinagkan ko ang tubig.

Walang kapantay ang biyayang dulot ng Textanaga sa popularisasyon ng tanaga at sa karugtong na pagkamalay ng sambayanan sa kulturang Filipino. Isang hakbang ito sa muling pagkabuhay din ng diona, dalit, at ibang maikling katutubong anyo ng pagtula o sa muling pamumulaklak ng balagtasan, dallot, o komposo sa entabladong Filipino. Kailangan ang ganitong danas bago tayo ganap na dapurakin ng cable TV, DVD, at mga bagong Hinete ng Globalisasyon.

Ferndale Homes 
28 Pebrero 2003

Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata

Mula sa Tradisyon Tungo sa Kongregasyon: Si Teo S. Baylen Bilang Relihiyosong Makata
ni Jimmuel C. Naval

Folk tradition influenced Teo S. Baylen’s poetry.  A prominent lyric poet of the 20th century, Baylen projects his subjects in a strictly conventional manner.  He is a poet always with a gospel to preach thus religion has been the consistent tone of his verses.

The imagery of folk tradition particularly folk poetry has its influence apparent in TSB’s works.  He always believed that God will eventually save humanity from evils of science and man’s irreverence.  The aphoristic style, a heritage from Balagtas contained in folk traditions of proverbs and riddles, distinguishes the poetry of this great poet laureate of Cavite.

 

INTRODUKSYON

Nang unang dumating ang Amerikanong Protestanteng ebanghelista na si Rev. William “Billy” Graham sa Pilipinas noong 1962, nagpahayag siya ng pagkabahala sa lumalalang pagtiwalag ng mga tao sa Diyos sa unti-unting pagkalagot ng personal na relasyon ng tao sa kanyang lumikha.  Ang pananaig ng makabagong agham at kaisipang komunista ang tinutukoy niyang mga Cain sa pagkabigo ng tao sa pakikipag-isa kay Kristo.  Libu-libong mananampalatayang Filipino ang dumalo sa pambansang pangangaral na ito ni Rev. Graham na ginanap sa Luneta at kabilang sa mga ito ay ang pamilya ni Teo S. Baylen ng Cavite City.

Kilala na noon si TSB bilang makata sa mga pahina ng Liwayway, Sampaguita, Ilang-Ilang, Paru-paro, Bulaklak, at kahit sa mga aklat pampanitikan sa mataas na paaralan; subalit mas kilala siya bilang pastor at matapat na lingkod ng Diyos sa kanyang kongregasyon.  Ipinagkaloob niya ang buhay kay Kristo para gamitin sa pamamahagi ng mabuting balita noong bago pa magkadigma, at isinumpa niya kahit sa pagtula na maglilingkod sa Diyos hanggang sa bawiing muli ang ipinahiram na buhay.  Para sa kanya, ang buhay ay dapat ilaan tungo sa pagkilala kay Kristo sa iba.  Ito lamang ang landas para ang buhay ay mabago at di mauwi sa walang pag-asa:

 Noon ako’y patay at walang pag-asa
Ang aking kahapo’y libingang yari na
Ako, sa kabaong ng pagkakasala
Ay tinatangisan ng Inang may dusa

Nguni, isang araw ay nakatagpo ko
Ang isang Lalaking dala’y Ebanghelyo
“Binata” aniya; “tanggapin si Kristo
na pangako’y buhay” – Buhay na nabago.

Ang problema ni TSB ay kung papaano mapapagsabay ang dalawang tungkuling parehong may pitak sa kanyang puso at kaluluwa na di magbubunga ng pag-iimbot sa isa’t isa.  Totoong may kahirapang maglingkod sa dalawang Panginoon at ito’y batid niya.  Subalit ang nais ng makata ay pagsabayin ang dalawa sa puntong nagpapatatag ang una (paglilingkod sa Diyos) na di naman nangangahulugan ng di pagbibigay ng halaga sa pangalawa (pagiging makata).

Sinagot niya ang suliranin sa pamamagitan ng paglalathala ng aklat na Tinig ng Darating (1963).  Sa aklat na ito ng mga tula, matinding naging instrumento ni TSB ang kanyang mga berso sa pagpapatingkad ng kanyang paniniwalang Kristiyano.

Nangangaral sa madaling sabi ang mga tula ni TSB sa una niyang aklat.  Mapupulutan ito ng mga payo na dapat landasin ng sinumang nananalig sa Diyos.  Ang tula ay tahasang tumutuligsa sa makamundong gawain ng tao at naghahasik ng patnubay na para sa isang marangal at kaaya-ayang pamumuhay.  Bagama’t marami ring makata ang lumikha ng tula na hawig sa estilo at pahayag ng makatang Caviteño noong unang hati ng dekada 60, naiiba ang kapangyarihan ng tinig sa taludtod ni TSB.  Waring ang paglalangkap ng kanyang bisyong Kristiyano at ng kanya mismong buhay bilang debotong lingkod ng Diyos ay siya ring bukal ng pambihirang katapatan ng kanyang tinig sa tula at kaban ng karanasang nagpapabulas ng kanyang talinghaga.

Sa pagtawag sa kanya bilang isang relihiyosong makata naimpluwensiyahan ang mananaliksik na ito ng dalawang pangunahing punto.  Una, ang nilalaman ng pamamaraang namayani at ikinabukod ng apat niyang aklat ng tula.  Ikalawa, ang pagiging lider-Kristiyano niya sa Kongregasyong inaniban mula panahon ng kabataan hanggang sa pumanaw sa gulang na 86 noong 1990.

Ang pag-aaral na ito ay bahagi ng malawak na pagtalakay sa panulaan ni TSB bilang pagpapatunay na siya ay isang relihiyoso.  Bagamat sa seryeng ito, nais tutukan ng mananaliksik ang pag-aaral sa mga tulang relihiyoso sa paraang iniuugnay sa tradisyon ng pagtulang nakahumalingan ng makata, sa kanyang buhay at paniniwala, at sa mga pangyayari sa kanyang panahon at lipunang hinubog sa nilalaman ng kanyang tula.  Tutukuyin din dito ang tunguhin at sangkap ng panulang-bayan at ng namamayaning pagtula sa panahon ng Espanyol, lalo na sa huwarang akda ni Balagtas na naging salalayan ng maraming tula ni TSB.

 

MGA TINIG NG KAHAPON

Isang gabi bago ang huling lamay kay TSB nang marinig ang kuwentong nakapaglilinaw sa dagdag na katangian ng makata bukod sa pagiging relihiyoso.  Ang kuwento ay pinaghatian ng magkapatid na Aliw at Timoteo sa pagsasalaysay:

Kuwento lamang ito ni Nana (Lola Akang) at hindi naming nakita bagama’t mariin ding sinusugan ng mga taong laging nakakasaksi sa ginagawa ni Nani.  Bata pa kami noon, siguro pagkatapos ng giyera.  Ang sabi’y marami raw nalikhang tula ang Tatay na malimit niyang kinakabisa at tinutula sa tabing dagat habang namimingwit.  Sabi pa nga ng Nana mas nauuna pa raw marinig ng alon, talaba at ng mga bato sa dalampasigan ang tula.  Siguro nga bago pa sulatin ito ay matagal nang tapos sa isipan ng Nani.

Ang isa pang nakakatawang kuwento ng Nana at iba pa naming kapitbahay na mangingisda ay ang ugali ng Tatay na tulaan ang malalaking bato sa Dalahican.  Nang minsang tumula raw ang Tatay ng isang mahabang tula, hindi niya alam na may nangangapa ng alimasag at nananakag ng hipon sa likod ng malaking batong kanyang tinutulaan.  Kaya nang matapos ang pagtula, palakpakan at hiyawan ang mga taong nakapakinig sa likod ng bato.  Malimit gawin ng Tatay ang ganoong gawi.  Minsan kahit hindi siya namimingwit, tutungo sa pinakamataas na bato, doon uupo at magsusulat ng tula o diretsong bibigkas ng tula.  Sabi naman ng Nana nananalangin lamang ang Nani.1 

Tipikal na salaysay ito tungkol sa paghahanap ng makata ng isang tahimik na lugar upang lumikha ng tula.  Subalit ang gawi ni TSB na sa malaki at pinakamataas na bato sa tabing dagat nililikha ang tula ay maaaring magbigay ng paliwanag sa dalawang bagay.

Una, ang “pakikipag-usap” ng makata sa malaking bato, alon, takipsilim o bukang-liwayway habang isinasaulo ang mga di pa nasusulat na tula ay isang patunay na malaki ang impluwensiya ng tradisyong oral sa katauhan ni TSB bilang makata.  Likha at salimbibig ang mga sinaunang bugtong, salawikain at kuwentong bayan na buhay pa hanggang sa kasalukuyan.2  Sa pagtatanong ng ilang mangingisdang nakasaksi, ayon kay Aliw, “Bakit kinakausap ng matanda ang bato, pader, at dagat,” ang ugali ni TSB ay bahagi ng kanyang pagbuhay sa matanda’t popular na tradisyon sa panulaan.

Pangalawa, ang gawain niyang iyon ay maaaring dulot ng regular na pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Napakaraming eksenang kawangis ng kay TSB ang matutunghayan sa Bibliya sa tuwing lumilikha ng tula o mananalangin kaya.  Idagdag pa ang pagiging pamilyar ng makata sa pagdarasal ni Hesus, halimbawa’y sa hardin ng Hetsemani, na malamang na isa sa maraming tumimo sa isip ng makata kung kaya malimit tunguhin ang ibabaw ng malaking bato sa pampang.

Subalit hindi lamang ang panalangin ni Hesus kundi ang pagsesermon sa bundok (Mateo 5-7), ang pagtanggap ni Moises ng Sampung Utos sa Bundok ng Sinai (Exodo 24), at ang paglikha ng mga salmo ni Haring David (Mga Awit 70-73) ang maaaring nakaimpluwensiya kay TSB.  Dito rin marahil papasok ang puntong marami sa mga tulang kanyang nalikha ay kawangis ng isang panawagan, tulad ng “Mula Sa Isang Kubo”:

Diyos, loobin Mong ang palad ko’t bisig
Ay maging lipakin sa linang ng bukod
Nang upang mabuhay na walang ligalig
Kami, na sa Iyo ay may pananalig.

Ilayo Mo ako sa mga alitan,
Mahigang kasiping ay katahimikan;
Matulog na walang banta’t agam-agam
At walang patalim na kipkip sa unan!

Liwanagan Mo po ang hungkag kong diwa
Nang di pamugaran ng imbing akala;
Totoo’t sa buti ang puso’t nasa,
Nguni, ang katawa’y marupok na lupa.

Kung magkagayo’y dalawang bagay ang malinaw na nakaimpluwensya sa panulaan ng makatang Caviteño.  Ang mga ito ay may mga tinig na maririnig kung sisiyasatin ang estilo at nilalaman ng mga tula ng makata.  Una, ang katutubong panulaang-bayan na naging salalayan ng maraming tula ni TSB.  Pangalawa, ang pagtulang misyonero na malapit sa nilalaman at himig ng kanyang tula.4  Bilang makatang tradisyonal at relihiyoso, dalubhasang ginamit ni TSB ang dalawang naturang daloy at naging saligan ng lakas at katangian ng kanyang pagtula.

Halimbawa, sang-ayon sa pagsusuri ng mga Balagtasista,5 apat ang sangkap ng tradisyonal na tula:  tugma, sukat, talinghaga, at kariktan o kasiningan.  Mababasa ito sa panayam at sanaysay hinggil sa tula nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda, at Iñigo Ed. Regalado.  Sa kanila, ang mga elementong ito ng tula ay likas sa panulaang tagalog at siyang ikinatangi nito mula pa noong bago dumating ang mga Espanyol.

Sa simula’t simula pa nga ay tahasang masasabi na ang tulang tagalog ay may sinunod na mga panuto (regal).  Kung noong una’y hindi nakasulat ang mga panutong ito ay maliwanag namang nakapaloob sa lahat ng mahuhusay at mga tunay na tula.  Siyang tinalunton at pinagbatayan ng mga batikan at pihikang manunula.6

Sa kaso ni TSB, hindi maipagkakamaling isa siya sa naging masugid na tagasunod at tagapagtanggol ng nabanggit na mga sangkap ng tradisyonal na pagtula.

 

ANG SUKAT AT TUGMA NG HARAYA

Marami nang pag-aaral ang nagpapatunay o nagpapalagay na ang tulang may sukat at tugma ay bahagi ng sinaunang mga tula at hindi nasira kundi napatatag pa noong panahon ng Espanyol.  May mga pag-aaral na hinggil dito na lumabas noong panahon ng Espanyol.7

Maaaring ipalagay na ang mga naunang pag-aaral sa panulaan ang nakatulong sa pormalisasyon ng sukat at tugma sa tulang Tagalog.  Ngunit ang mas naging malakas na impluwensiya ay ang panayam ni Jose Rizal sa harap ng Sociedad Etnografia de Berlin noong Abril 1887.8  Anupa’t ginamit ng mga makatang Tagalog sa pagpapalit ng siglo ang mga pag-aaral na ito, lalo na ang kay Rizal, bilang kalasag para sa tradisyonal na tula.

Ang pagiging isang awtoridad ni Rizal ay hindi matatawaran.  Ang malayang taludturan ay hindi nakilala sa ating panulaan at dahil diya’y hindi maaaring sabihin na yao’y isang katangiang katutubo.  Alinsunod kay Rizal ay wala tayong malayang taludturan palibhasa’y magaan at pangkaraniwan ang palatugmaang Tagalog na nasasalig lamang sa pagkamagkakasing tunog ng mga huling pantig ng bawat taludtod na di gaya ng sa Kastila at Ingles na lubhang masalimuot at masagwil.

Ang sukat at tugma ay tiningnan bilang sangkap na hindi maaaring ihiwalay sa tula.

Sa Tagalog, ayon sa panuntunang ipinamana ng kinagisnang pamamaraan magpakaganda-ganda man kung walang sukat ni tugma ay hindi maaaring ibilang na tula.  Maaaring kilalaning tuluyang may tula, ngunit kailanman ay hindi tunay na tula.

Bunga ng ganitong pananalig, ang mga unang makatang Balagtasista ay naging lubhang abala sa pagsusukat at pagtutugma.  Naging palaaral ng wika ang mga ito para masustenihan ang hilig sa paghabi ng tugma at sukat.

Dalawa lamang ang antas ng tulang Tagalog sang-ayon sa tradisyonal na gamit.  Ito ang tinatawag ngayong tugmang karaniwan at tugmang tuldikan.11  Nang magtangka si Iñigo Ed. Regalado na magsaliksik pa sa tugmaan, idinagdag niya bilang pinakamataas ang tugmang wagas o dalisay.  Narito ang paliwanag niya sa tatlong uri ng tugma:

 tugmang karaniwan (sintunugan ng huling pantig ng dulong salita ng bawa’t taludtod), tugmang tuldikan (magkakaisa ang bagsak at taglay na tuldik), at tugmang dalisay (na ang huling pantig at ang sinusundang patinig sa dulong salita ng bawat taludtod ay nasusulat sa iisang baybay lamang), katulad ng rima perfecta sa tulang Kastila at perfect rhyme sa tulang Ingles.12

Isa si TSB sa mga nasabuyan ng tugmang karaniwan na malimit ginagamit ng mga Balagtasista bago sumulpot ang iba pang tugmaan sa pagpasok ng ika-20 siglo.  Sa unang tula ni TSB na nalathala sa Sampagita noong 1931, makikitang magkauri ang tunog ng pandulong pantig sa dalawa o mahigit pang taludtod:

 

Daloy na nang manaw sa tirahang bundok
ay sa kaliman ng lupa naglagos;
Sa pusod ng bangin at mga bulaos
doon nananalaytay’t lihim na umagos;
nang datnin ang baya’y saka pumulanggos
sa puno ng isang manggang nilulumot!13

Narito naman ang halimbawa ng saknong ni TSB na gumagamit ng tugmang tuldikan:

Ang ilog na iyan sa mula pa’t mula
Mabilis ang agos, malalim na lubha
Sa pangpang daw niyan ay may isang dampa
Na bahay ng isang marikit na mutya.14

Kung mahirap gumawa ng saknong na may tugmang tuldikan ay lalong mahirap lumikha ng isang mahabang tula.  Sa ganitong estilo, tiyak na lilitaw ang makatang may malawak na bokabularyo sa paglikha ng tulang iisang uri ang tunog at pawang iisa ang tuldik ng salitang pantugma.  Si TSB ay isa sa makatang nakasustento sa gayong panukala:

Kung ako ay bigo at hindi natuto

Sa naiwang aral ng maraming siglo,

Kung di ko nakamtan sa mga likha ko

Ang saganang buhay at payapang dako.

Kung ang kabihasnang ito ay patungo

Sa daang madugo na ang apoy ay dulo,

Kung ito ang bunga ng laboratoryo

At ng aking kristal na subukang-tubo,

Bayaang magbalik ako sa araro

Na pinanggalingan ng payak na tao,

Ang paniniwala ay muling dadako

Sa tinalikurang sinag sa kalbaryo-

Ako ay babalik na yuko ang ulo

Sa aking iniwang dambana sa kubo!15

Samantala pinakamahirap sundin ang tugmang dalisay.  Hinihingi ng antas ng tugmang ito na magkatugma hindi lamang ang tunog at tuldik sa huling pantig sa taludturan.  Kinakailangan ding magkauri ang patinig ng mga pantig bago ang huling pantig ng mga pandulong salita.  Sa tropa ng mga Balagtasista, isa si Regalado sa mga masugid na nakasusunod sa kanya mismong ipinanukala.  Maging si TSB na umaming isa si Regalado sa mga makatang kanyang itinatangi dahil sa kasiningan ng berso nito ay hindi rin ganap na nakasunod sa bakas ng tugmaang dalisay.  Dalawa lamang saknong ni TSB na mula sa magkaiba pang tula ang sumusunod sa tugmaang wagas ni Regalado:

Pinigtal ng hangin ngayong dapit-hapon
Ang isa sa dilaw na dalawang dahon
Tatanaw-tanaw ka habang yumayaon
Sa kanyang liwanag kasamang malaon.16

Kasukalan itong bangis na naggala
Ang masibang nais ng ganid na nasa
Ang laya’y tanawin at ginagahasa
Nang Isang Malupit-na-Paniniwala.17

Kung pag-uusapan naman ang kailanan ng tugma, lahat na yata ng uri nito ay matatagpuan sa panulaan ni TSB.  Nariyan ang dalawang taludtod na may tugmang isahan na hawig sa bugtong o salawikain:

Lulan ng sinag ko na karosang bubog
Ang Kapayapaang sa Lupa’y nanaog.18

Ang tatlong taludtod:

Imnong iyan ay lagablag ng himagsik
Na sa diwang-inalipi’y nagbabalik
Nang ang layaing nakanya na’y ginigipit.19

O ang karaniwang may aapating taludtod:

Magmula sa apat na panig ng mundo
Sa iisang mithi ay nagsama kayo;
Ang magkakaibang pananalig ninyo
At kulay ng balat ay hindi inino.20

Mayroon ding lilimahin at aaniming saknong na gumagamit ng tugmang isahan si TSB.  Subalit ang isa sa dapat bigyang-pansin na magpapatatag sa panukalang gagap ng makata ang kanyang wika ay ang 24 na taludturang may isahang tugma:

Natanaw sa ulap ang iyong kariktan
Na nakabalantok sa may habagatan;
At. ipinagpag ka sa tuyong damuhan
Ng pakpak ng hanging nagmula kung saan
Nang ikaw’y malaglag ay batong kuminang
Sa dahong malukong na kinasampiran;
Pagpatak sa lupa’y iyong binulungan
Ang butong nahimbing sa katasang tigang;
O, ikaw ay basbas ng katalagahan
Sa nananalanging bukid na tiwangwang!
Nguni’t nang lumaon. ikaw’y karahasang
Naipon sa lupa hanggang manligamgam;
Nilabnot ng iyong dumagsang kalakhan
Ang buhay na iyong ginising sa linang;
Sa kabaliwan mo’y buong kalunsuran
Ang naiwang guho, giba’t kawasakan!
Nakukutya akong sisihi’t sumbatan
Ang kagandahan mong naging kalupitan;
Pagkat sa simula ako rin ay ganyang
Sa isang magandang layuni’y linalang;
Ngayo’y ano ako?  Lumakas na angkan!
Bahang nagbabanta ng kapahamakan!
Bukas-makalawa, itong santinakpan,
Kabaliwan ko’y. (nawa’y may humadlang!)21

Gayunman, may pagtatangka ring humiwalay at gumamit ng iba bukod sa kinagawiang isahang tugma sa loob ng isang saknong ang makatang Caviteño.  Halimbawa, gumamit si TSB ng tugmang sunuran ― sa isang aapating taludtod, unang dalawang taludtod lamang ang magkasintunog at iba sa huling dalawa (aabb):

A, iyan ang anyo ng lagim
Na sa santinakpa’y darating
O uod na galling alabok
Ito ba’y hamon sa Diyos?22

Bawat hukay, bawat libing
Ay isa lang pintong bukas
Na patungo sa lupaing
Maligaya’t walang wakas.23

Gayunman wala siya ni isang tugmang iniipitan (abba).  Ipinagpapalagay na ang paghiwalay ng ilang makata sa nakababagot na tunog sa tugmang isahan sa isang saknong na namalasak noong panahon ng Espanyol ay isang senyas ng pagiging moderno at mapag-eksperimental ng isang makata.  Maaari ring ang gayong estilo ay isang tanda at pahiwatig ng pagpapakilala ng isang bagong pahayag.  Subalit sa kaso ni TSB, ang panandaliang pag-eeksperimento sa kailanan ng tugma (sa paggamit ng tugmang sunuran at salitan) ay walang ibang layunin kundi ipakita na kaya rin niyang lumikha ng ibang tugmaan.

Noong magsimulang magsulat si TSB ng tula, tugmang isahan na kaagad ang makikita sa kanyang saknungan.  Nagpatuloy ito hanggang sa mahigit walumpung porsiyento ng kanyang tulang nasulat at nalathala.  Tanging sa ikalawang koleksiyon ng tula (Pinsel at Pamansing) lamang makikita ang tugmang salitan at sunuran.  Subalit nang nagkauban si TSB ay nagbalik ito sa pinagmulang tugmang isahan sa bawat saknong:

Ang Saligambatas ay plasmang babago
Sa dugo, sa ugat ng lumpong lahi mo;
Pulitika’y isang matandang bampiro
Na ang lilipara’y mabungong disyerto.24

Konserbatibo si TSB kahit sa eksperimental na tugmaan.  Bakit halimbawa hindi siya gumamit ng tugmang iniipitan?  Dahil sa tugmang ito ay maaaring masira ang daloy ng tula at di kaagad maunawaan ng kanyang tagapakinig (dahil binabasa ang tula sa kongregasyon) at mambabasa ang mensaheng nais iparating sa pamamagitan ng tula.  Mas madaling maunawaan ng sinumang babasa o makikinig ng isang tula kung magkakauri ang tunog sa huling pantig ng bawat taludtod.

Sa usapin ng sukat, mapapansing may malaking kinalaman ang sukat ng mga tulang lumaganap at naging popular noong panahon ng Espanyol sa malimit gamiting sukat sa kasalukuyang siglo.  Dalawa ang pangkalahatang uri ng sukat:  sukat na pares (pares ang bilang ng pantig sa taludtod) at sukat na gansal (gansal ang bilang ng pantig sa taludtod).  Sa dalawang natatanging sukat na ito, mas naging gamitin ng mga makatang Pilipino ang sukat na pares sanhi ng pamamalasak ng korido at pasyon na may sukat na wawaluhin at ng awit na may sukat namang lalabindalawahin noong panahon ng Espanyol hanggang sa bungad ng ika-20 siglo.

Sa panulaan ni TSB makikita ang iba’t ibang sukat ng pares.  May aanimin, wawaluhin, sasampuin, lalabindalawahin, lalabing-apatin, lalabing-animin, at ang pinakamahaba ay ang lalabingwaluhin.  Subalit mapapansing mas ginagamit niya ang sukat na lalabindalawahin na nakapaloob sa saknong na may apat na taludtod.  Mahigit limampung porsiyento ng kanyang mga tula ay may sukat na ganito.  Isang matatag na patunay na ballot ng haraya ng awit ni Balagtas ang makata:

Ikaw ay pamanang sintanda ng mundo
Na nananalaytay sa ugat kong ito
Mahal ka sa akin pagkat na sa iyo
Ang susi sa pinto ng kasakdalan ko.25

Kakikitaan rin ng mga tulang may sukat na gansal si TSB, subalit napakaliit nito kung ikukumpara sa sukat na pares.  Kahima’t sinasabi sa mga naunang pag-aaral sa panulaang Tagalog na ang sukat na gansal ang mas may katutubong ugat sa panitikang Filipino, tulad ng tanaga, ambahan, at iba pang anyo ng tulang bayan noon, di gaanong nakaimpluwensiya sa panulaan ni TSB ang ganitong sukat.  Ang totoo, limang tula lamang ng makata ang nagtataglay ng sukat na gansal.  Ito ay ang mga tulang “Makulay,”  “Ang Hukom,” “Paninilo ng Kabayong May Pakpak,” “Nangaaanod na Pangara,” at “Mulat Ka sa Kulungan.”

Tulad sa kaso ng kailanan ng tugma, isahan ding lagi ang kailanan ng tradisyonal na sukat.  Tapat si TSB sa ganitong uri ng sukat.  Gayunman, tulad ng mga modelong Balagtasista, gumawa din siya ng mga tulang may eksperimental na sukat.  May mangilan-ngilang tula ang makata na may sukat ng dalawahan na sunuran:  6/6/12/12/12 (“Agos na Iisang Kulay”), sukat na iniipitan: 12/8/8/8/12 (“May Bagong Edisyon”), at sukat na salitan:  8/12/8/12/8/12/8/12 (“Tatak ng Lahi”).

Sa kabilang dako, may mga pagkakataong nag-eeksperimento rin si TSB na tila isang bagong dugong modernista.  Sa tulang “In Hoc Signo Vinces” mapapansing pinagsama ng makata ang sukat na gansal at pares:

Naglunsad ng kanyang layunin
ang isa sa matandang ismo.
At noo’y dumanak ang dugo
ng isang dantaong pagano.

Nawasak
ang pusong batisan
ng dipang sagisag!  Sa gayon

Nabuksan
ang isang santuwaryo
na lahat ng ibig paampon.26

Binubuo ng labindalawang tercet ng tula at may salitan ito na maaaring markahan ng ganito:  3/6/9, 3/6/9, 3/6/9, 3/6/9.  Mapapansing ang taludtod na magkakasin-tunog ay yaon lamang ikatlo ng bawat saknong.  Sa bisa ng ganitong eksperimento ni TSB, hindi lamang ang sukat at tugma ang may pabago-bagong anyo sa tula.  Pati ang himig na tila papataas ay may progresong tulad ng kanyang sukat (3/6/9) na kung susurii’y tumutugma sa pangunahing katangian ng panulaan ng makata.

 

MGA ARAL NG NAKARAAN

Sa ilang mga pag-aaral na lumitaw noon at ngayon hinggil sa panulaang Tagalog, laging itinuturing ang talinghaga bilang pinakamahalagang salik ng tula.  Ito rin ang pinakatampok sa katangian ng tula.  Ayon sa panayam ni Iñigo Ed. Regalado,27 ang talinghaga ay ang “nakapagtatakang sinabi” ng makata.

Sa mga naunang makatang-bayan, ang paghabi ng tula ay di lamang pagpapahayag ng diwa o ng damdamin.  Ito ay isang paglalahad ng karanasan upang pagtularan ng nais ihayag sa saknungan.  Upang ganap pang maunawaan ng nakikinig ang nais ihayag, malimit itong ikumpara sa bagay lalo na yaong alam o napagdaanan ng lahat.  Sa bias ng ganitong sistema, madaling malalaman ng sinuman ang talinghaga na nais ihatid ng makata.  Ang ganitong halimbawa ay maaaring makita sa matatandang bugtong at salawikain na malimit umuugit sa talakay ng mga karanasang pangmadla.

Sa panulaan ni TSB, malinaw ang epekto ng katutubong pananalinghaga, lalo na yaong nagpapakita ng analohiya ng karanasan ng tao at ilang aspekto ng kapaligiran.  Higit pa, malimit niyang gamitin ang sariling karanasan na inangkat sa obhetibong realidad sa lipunan, gaya ng mga bagay-bagay na pangkalikasan, kasama ang mga gawaing batid ng lahat.  Nasa talas ng kanyang pagmamasid, lawak ng kaalaman sa buhay, at kakayahang mapag-ugnay-ugnay ang lahat ang bisa at kapangyarihan ng talinghaga na nabubuo sa loob ng taludtod.

Halimbawa sa tulang “Parang Buto ng Lansones,” inilarawan ni TSB ang isang bagay sa pamamagitan ng pagkukumpara sa isang bagay na maaaring batid ng lahat:

Ang pag-ibig ko sa iyo
ay lansones na malasa
Ganyan din ang pagsinta mong
may lamukot na ligaya.

Ngunit ang suyuang iyan
kapag naging paglililo
Parang buto ng lansones
sa sinumpang paraiso!28

Tinutukoy ni TSB ang pag-ibig niya sa isang dilag na parang “lansones na malasa.”  Ibig sabihi’y hinog ito at natural na matamis.  Banggitin pa ang salitang “lamukot” na nagdagdag paliwanag na ubod nang tamis ang pagsinta.  Gay yundin sa pangalawang saknong, inihayag ng makata na maaaring pumait ang suyuan kung nagkaroon ng paglililo tulad ng buto ng lansones.  Dinagdagan pa ang kapait nang banggitin ang isinumpang paraiso.

Sa pagpapalawig pa, sa loob ng isang tula, ang talinghaga ang mismong larawan ng kamalayan ng makata.  Isinisiwalat nito ang kilos at lakas ng isip samantalang ginagagad ang isang karanasan.  Inilalarawan nito ang nakaraan, paniniwala, at iba pang makabuluhang bagay at pangyayaring kinasangkapan ng makata sa pagsusuri ng kanyang karanasan sa lipunan.  Sa biglang sabi, ang talinghaga ay maaaring isang patotoo sa isang karanasan at paniniwala ng makata na ipinamamalay sa mambabasa upang kapulutan ng mapangaral na pahayag.

Halimbawa, sa tulang “Ang Bukal” inilarawa’t pinahalagahan ni TSB ang bukal batay sa sariling karanasan at paniniwala:

ay isang Engkantadang gubat
na nagpapaulan ng kristal na basag
Oh, Bukal, isa kang kuhanan ng hiyas
sa “obra maestra” ng dakilang Pantas.29

Batay sa karanasan sa nayong nasa tabing ilog ang obhetibong realidad na pinag-angkatan ng makata sa imahen na nakalarawan sa unang dalawang taludtod.  Gayundin sa ikatlo at ikaapat na linya, mahihinuhang pamilyar sa mga kuwentong bayan ang may akda.  Samantalang sa huling dalawa, malinaw na ang paniniwalang Kristiyano ang naging salalayan ng makatang Caviteño sa matalinghagang pahayag.

Ang paggamit ng talinghagang nag-uugnay sa mga karanasan, pangyayari, pangyayari, at bagay-bagay na alam ng taumbayan ay isang katangian ng mga bugtong, salawikain, at ibang tulang-bayan.  Tiyakang bihasa si TSB sa gawaing ito at isang magandang katangian ng kanyang pagtula.  Halimbawa, narito ang isang saknong niyang mala-bugtong:

Bawat hukay, bawat libing
Ay isa lang pintong bukas
Na patungo sa lupaing
Maligaya’t walang wakas.30

Bagama’t walang pinahuhulaan sa tulang “Bawat Hukay” si TSB, malinaw naman itong naglalarawan ng dalawang imaheng maaaring makatulong sa mambabasa o tagapakinig kung ano ang imaheng ibig ilarawan ng tula.

Narito naman ang isang saknong na malinaw na hango sa isang popular na salawikain at may bisang katulad ng salawikain:

Ang sahig ng dampang ito’y kahirapan
Subalit may bubong na katahimikan
Mapalad ta giliw, Dami ng mayamang
May mga gusali ay walang tahanan.31

Samantala, isa pang sangay ng katutubong tradisyon na malimit itanghal sa mga tula ng makata ay ang kuwentong-bayan.  Maraming tula si TSB na kakikitaan hindi lamang ng paksa kundi ng aral ng istoryang pambayan, gaya sa “Ang Hiling ng Aso,” “Ang Kabibe,” “Sampung Hayop,” “Larawan ng mga Bansa,” “Ang Dalag at ang Tapon,” “Mga Tulang Hindi Nakasulat,” at “Kilyawan.”

Isa sa mga pangunahing halimbawa na nagtataglay ng mensaheng malimit nakikita sa mga kuwentong-bayan ang tulang “Mga Tulang Di Nakasulat:”

Napapakinggan ko ang magkasing-ibon
Na nagbubulungan sa likod ng dahon:
Gaano na kayang pagkain ang naipon
Ng hantik na iyang may butil na sunong.32

Pag-iimpok at pagtitipid ang aral ng saknong.  Isang birtud na pinayabong rin ng panulaang nakalimbag sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Makiling sa pangaral si TSB.  Ngunit hindi dahil lamang ito sa kanyang layuning relihiyoso.  Ang kahapon mismo ng tulang Pilipino ay hitik sa halimbawang maaari niyang gamiting huwaran.  Bukod sa didaktikong tunguhin ng katutubong salawikain at kuwentong-bayan, namayani ang tulang nangangaral noong panahon ng Espanyol.  Mula sa mga tulang nalimbag ng mga misyonero hanggang sa mga pasyon, komedya, awit at korido nitong ika-19 na siglo ay pangunahing tatak ng pananaludtod ang adhikaing magpahayag at magpalaganap ng doktrinang Kristyano.

Bahagi ng sinuso ni TSb ang naturang didaktikong pananalinghaga.  Tingnan halimbawa ang matalik na pagkakatulad ng mga berso mula sa Pasyong Mahal33ng di kilalang manunulat at ng tula ni TSB tungkol sa limang pangunahing pangyayaring biliko na nagkakahawig ang kanilang paksa.  Una, sa paglikha ng sanlibutan:

Ikaw’y karayaang may magandang anyo
At kabulaanang nakabalatkayo;
Halimaw na wari’y tupang walang kibo,
Ngunit ang mithii’y nagbubo ng dugo!

Sa sama, ang mundo ay iyong nilipos
At ang pandaya mo’y ito:  Walang Diyos;
Sa hawak na taong panghalamang dulos,
Ang ipinalit mo’y madugong pang-ulos!47

Malimit mula sa itaas ang tinig ni TSB.  Tinutuligsa niya ang mga hindi naniniwala sa “mabuting balita” na hindi nila maaabot ang kapanatagan sa buhay kung mananatili sa piniling diyus-diyosan:

Oo, walang Diyos ang imbi’t masama
Ang tanging Diyos mo’y sandatang pamuksa
Kabutihan ang di makataong gawa
At pagpapahirap sa iyong kapwa.

Di makatitig sa kapayapaang
Liwanag na iyong pinaghimagsikan
Kaya ang nais mo itong santinakpan
Ay baluting ganap ng salot karimlan.48

Sa ganitong panawagan ay mariin ang mga salitang nag-uutos, nang-uusig, o dili kaya’y nagpapaliwanag.  Isang tungkulin na hindi nalalayo kay TSB na isang nangangaral ng Salita ng Diyos.

Tinig na paitaas at paibaba, bombastiko, nagdididipa at nagsesermon sa pulpito ang litaw na anyo ng panawagan ni TSB.  Impluwensiya ito hindi lamang ng nangibabaw na anyo ng panawagan sa relihiyosong panitikan noong panahon ng Espanyol, kundi maging ng tono ng Diyos Amang nangungusap kay Moises at sa Israel o ng Diyos anak na nangangaral sa Kanyang mga alagad na matutunghayan at binabantasan ng tandang pananong, padamdam, at sunud-sunod na tuldok, sa Bibliya.

Sa paglaganap ng tulang pasalaysay (metriko romanse) nitong ika-18 at ika-19 na siglo ay sumulpot ang kakaibang anyo ng panawagan.  Ito ay ang sentimental na panambitan na nasa himig na padalangin at patagulaylay.49  Ang tinig na ito ay laging lipos ng luha, pangungulila at pagmamakaawa na malimit nakakintal sa harana:  isang sitwasyong ang binatang mangingibig ay nasa lupa, nakatingala sa tapat ng bintana, at umaawit ng pag-ibig sa isang mutya sa itaas.

Sa awit ni Francisco Baltazar na Florante at Laura, malinaw na maririnig ang tinig ng sentimental na pananambitan:

At ngayong malaki ang aking dalita
ay di humahanap ay maraming luha
sukat ang kapatak na makaapula
kung sa may pagsintang puso mo’y nagmula.

Wala na Laura’t ikaw na nga lamang
ang nakalulunas niring kahirapan,
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako’y muling mabubuhay.50

Dahil sa talang nagsasabing kinalakhan ni TSB ang pagbasa ng awit tuwing gabi at bilog ang buwan tiyakang kumintal sa kanyang isipan hindi lamang ang paksang pag-ibig halimbawa sa obra ni Balagtas, kundi maging ang tinig ng panambitan sa himig patagulaylay.  Narito ang isa niyang humihibik na saknungan:

Limutin daw kita!  O, di maaari
Diwa ko ay ikaw ang hanap lagi;
Puso ko at ikaw ay magkasangguni
Ngalan ko sa iyo’y diyos ang nagtali.

Kagabi, ang isang pangitain lamang
Nang paglamayan ta’y nabigyan ng buhay
Ngayon ay narito, may tinig may buhay
At ikaw..  O, ikaw..ang nakalalarawan.51

Anupa’t sa kabuuan, ang pagtula ni TSB ay matapat na kaugnay ng naging pangunahing katangian ng panulaan mula sa katutubong tulang-bayan hanggang sa pangangaral ng mga misyonero at malungkuting salamisim ni Balagtas.  Sa urian ni Almario, isa siyang Balagtasista.  Makikilala naming gayon siya kahit sa paggamit lamang ng tugma at sukat.

Sinabi noon ng mga pangunahing Balagtasista:

Sa Tagalog, sa panuntunang ipinamana ng kinagisnang pamamaraan magpakaganda-ganda man, kung walang sukat at tugma ay hindi maaaring ibilang na tula.  Maaaring kilalaning tuluyang may tula ngunit kailanman ay hindi tunay a tula.52

Mahigpit ang pagkapit ng mga makatang Tagalog na ito sa tradisyon.  Para sa kanila ang batas sa pagsulat ng tula ay makakatas lamang diumano sa akdang Florante at Laura ni Balagtas na may masining na paglalaro ng mga salita pagpapalaman ng kaisipan at pagtalakay sa karunungan ng buhay.53  Ang payo pa, kung nais matuto ng pagtula ay walang dapat gawin kundi bumasa ng akda ni Balagtas.

Masunurin sa mga payo at utos si TSB lalo na kung nag-uutos ay mas nakakatanda sa kanya o ang ipinasusunod na utos ay mula pa sa sinaunang panahon.  Kay TSB, walang halaga ang pagsalungat kung magbubunga naman ito ng di pagkakaunawaan o awayan para sa malalim pang pagkakasala ng tao:

Ngayong gabi’y ilan silang nangarito
Na sa gilid ng sulata’y dinatnan mo;
Sana, anak, ay huwag kang manggugulo
Pagkat isa sa kanila’y kausap ko.

Balang araw pagka ikaw’y malaki na
Ay magiging kaibigan mo rin sila;
At saka mo matatantong bawat isa
Ay bahagi ng puso mo’t kaluluwa.54

Kaya sa kanyang panulaan ay halos wala siyang nilabag sa itinakda ng mga nakatatandang makata.  Halimbawa, sa unang aklat-kalipunan ng tula ni TSb na lumabas noong 1963, dalawa lamang dito ang nasa vers libre.  Ito ay ang “Mga Bulang Sabon” at “Ako’y Isang Takas.”  Maaaring impluwensiya ito ng panulaang Modernista ni Alejandro G. Abadilla at ang kanyang grupong Kapisanang Panitika(na kasapi rin si TSB).  Ang “Ako’y Isang Takas” ay pumapaksa sa paghihimagsik laban sa nakamihasnan, kasama na ang tugma at sukat.  Ngunit pansinin ang daloy ng naturang taludturan:

nakatanan ako
sa mababa’t siksikang
bilangguang kinagisnan ko.

tumakas ako sa nagpuputik na
piitang iyon ng lumang pananalig.

tayo na doon sa bagong daigdig
na itinuro mo sa akin noon
tuwing dadalaw ka.

nilagot ko
ang mga tanikalang may
labindalawa,
labing-anim,
labing-walong
kawing!

at nakaigpaw
ang naghihimagsik na ako
sa mga rehas na kalawanging
nakahanay nang
apatan, animan
waluhan, sampuan,
labindalawahan!

tinuya ako ng ibang bilanggong
nawili na sa musika ng mga tanikala!
hinadlangan ako ng mga tanod
na ang tingin sa tanikala’y hiyas!
ngayon, una’t huling kasintahan:
malaya na nga kaya
ang banyuhay na ito
sa sinapupunan mo?55

Mapapansing hindi pa rin ito nakatakas sa kumbensiyonal na diksiyon.  Sa pangalawang kalipunan (Pinsel at Pamansing), may tatlong tulang nasa malayang taludturan ang lumitaw at wala nang naulit sa huling dalawa pang libro.

Higit na naging tungkulin ni TSB ang tagapag-ingat at tagapagsinop ng tradisyonal na pagtula.  Sa bagay na ito’y nagtutugma maging ang kanyang kahandaan bilang makata at ang kanyang misyon bilang taga-pagpalaganap ng banal sa Salita at pananalita na sa tingin niya’y dapat kupkupin laban sa makabagong paniwala.  Si TSB bilang Balagtasista at si TSB bilang alagad ng Banal na Espiritu Santo ay iisa at iyon din ang kanyang ikinapamukod sa lipon ng mga kapanahong makata.  

 
1           Timoteo Baylen, Jr.  Pakikipanayam noong Dis. 9, 1990 sa tahanan ng mga Baylen sa Cavite .City
 
2           Bienvenido L. Lumbera, Tagalog Poetry 1570-1898.  Tradition and influences in its Development  (Quezon City:  Ateneo de Manila University Press, 1986), p. 4.
 
 
(no footnote no. 3)
3.  Teo S. Baylen, “Mula sa isang Kubo,” Tinig ng Darating, p. 55.
 
4           Tingnan sa Bienvenido Lumbera, “Missionary Poets,” Tagalog Poetry, p. 27.
 
5           Ayon sa paliwanag ni Virgilio S. Almario ang mga makatang Balagtasista ay yaong malimit na kapitan at gawing huwaran sa pagsulat ng berso ang akda ni Francisco Balagtas.  Para sa kanila, bagamat hindi nakasulat ng kritisismo si Balagtas, ang mga batas sa pagsulat ng tula ay makakatas sa kanyangFlorante at Laura.  Idagdag pa ang saligang patakaran ng mga Balagtasista ay para balikan at lingapin ang lumipas na kalinangan upang mapahalagahan at huwag malimot ang natatanging ‘pamana’ ng lahi.
 
6           Iñigo Ed. Regalado, “Ang Panulaang Tagalog,” Publications of the Institute of National Language 6, Blg. 5 (Hulyo 1947), p. 28.
 
7           Sa pag-aaral ni Lumbera hinggil sa Panulaang Tagalog noong panahon ng Espanyol, nagbanggit siya ng ilang aklat na lumabas noon na nagsusuri sa mga sinaunang tula.  Halimbawa ay ang pag-aaral ni Gaspar de San Agustin sa kanyang Compendio del arte de la lengua tagala na tungkol sa sukat at sa tugmang “mariin” at “mababaw,” ang paglalarawan ni Melchor Oyanguren ng karaniwang bilang at tono ng tradisyonal na awit na kasama rin sa librong “Compendio,” at ang pag-aaral ni Francisco Bencuchillo sa kanyang “Arte poetico Tagalog” saArchivo del bibliofilo Filipino (W. Retana, Ed) na bukod sa nasabi na ni Agustin ay naglilinaw din sa paraang ng pagtutugma sa katinig at sa pagsasaknong.
 
8           Virgilio S. Almario, Balagtasismo Versus Modernismo, (Q.C.:  Ateneo Press, 1984), p. 90.
 
 
(note:  no footnore nos. 9-10)
 
9         Sinipi mula sa tesis ni Valerio Nofuente, “Ang Paghihimagsik ni Alejandro G. Abadilla sa Tradisyon ng Panulaang Tagalog,” (MA Pilipino, UPCAS, 1977), p. 166.
 
10     Ibid., p. 167.
 
11          Tingnan sa Virgilio S. Almario, Taludtod at Talinghaga, Ikalawang limbag (Pasig:  Anvil Publishing Inc., 1991), p. 30.
 
12          Virgilio S. Almario, Balagtasismo Versus Modernismo, p. 91.
 
13          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bukal,” Sampaguita, Hulyo 22, 1931.
 
14          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Sirena sa Ilog ng Noveleta,” Pinsel at Pamansing, p. 55.
 
15          Teo S. Baylen, “Laboratoryo at Dambana,” Tinig ng Darating, p. 3.
 
16          Pinsel at Pamansing, p. 65.
 
17          Panglimang saknong sa Teo S. Baylen, “Tinig sa Dahon ng Isang Awit,” Kalabaw at Buffalo, p. 79.
 
18          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Bethlehem!  Bethlehem!” Tinig ng Darating, p. 5.
 
19          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Multo sa Apoy ng Isang Imno,” Pinsel at Pamansing, p. 13.
 
20          Unang saknong  sa Teo S. Baylen, “Sugo ng Kapayapaan”Tinig ng Darating, p. 11.
 
21          Teo S. Baylen, “Buhay Ka Ba O Kamatayan,” Pinsel at Pamansing, p. 54.
 
22          Teo S. Baylen, “Hugis-Kabute,” Tinig ng Darating, p. 54.
 
23          Teo S. Baylen, “Bawat Hukay,” Tinig ng Darating, p. 45.
 
24          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Bagong Plasma,”RX(1973), p. 29.
 
25          Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Ikaw, Ako, at ang Tanikala,” Tinig ng Darating, p. 18.
 
26          Teo S. Baylen, “In Hoc Signo Vinces,” Pinsel at Pamansing, p. 32.
 
27          Basahin sa Virgilio S. Almario, Taludtod at Talinghaga, p. 147.
 
28          Teo S. Baylen, “Parang Buto ng Lansones,” Tinig ng Darating, p. 58.
 
29          Huling saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bukal,” Sampaguita, Hulyo 22, 1931.
 
30          Teo S. Baylen, “Bawat Hukay,” Tinig ng Darating, p. 45.
 
31          Teo S. Baylen, “Tahanan,” Tinig ng Darating, p. 28.
 
32          Ikatlong saknong sa Teo S. Baylen, “Mga Tulang Hindi Nakasulat,” Tinig ng Darating, p. 41.
 
33          Casaysayan nang Pasiong Mahal ni Jesucristong Panginoon Natin (1814).  Ang “Pasiong Mahal” ay sumulpot lampas isang taon pagkatapos ng Ang Mahal na Passion ni Gaspar Aquino de Belen.  Ito ay tinatawag ring Pasyong Pilapil dahil kay Padre Mariano Pilapil na siyang may malaking ambag sa pagsasaayos ng binago nitong edisyon noong ika-19 na siglo.  Tinawag ring Pasyong Genesis dahil naglalarawan ito ng mga pangyayari mula sa paglikha ng mundo hanggang sa huling paghuhukom.
 
 
(note:  no footnote nos. 34-46)
 
34.   Ika-42 na saknong ng “Pasyong Mahal,” (Maynila:  Librerias y Papelerias de Martinez, 1926), p. 7.
 
 
35.   Pang-apat na saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bugtong nang Dios,” Liwayway, Nob. 27, 1931.
 
 
36.   Ika-69 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 9.
 
 
37.   Ika-10 saknong sa Teo S. Baylen, “Ang Bugtong nang Dios,”Liwayway, No. 27, 1931.
 
 
 
 
38.   Ika-237 at 239 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 21.
 
39.   Teo S. Baylen, “Pangitain,” Pinsel at Pamansing, p. 20
 
40.   Ika-635 at 639 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 162.
 
41.   Teo S. Baylen, “Ang Ahas na Tanso,” The Signal, Vol. II no. 4, April 1960, p. 14.
 
42.   Ika-627 na saknong ng “Pasyong Mahal,” p. 162.
 
43.   Teo S. Baylen, “Tatlong Kurus sa Golgota,” Tinig ng Darating, p. 31.
 
44.   Virgilio S. Almario, “Mga Anyo’t Talinghaga ng Pnawagan:  Tungo sa Morpolohiya ng Tinig sa Tulang Palabas,” UP Creative Writing Center, 14 Sept. 1990. p. 2.(kompyuterisado).
 
45.   Unang saknong sa Teo S. Baylen, “Mula sa Isang Kubo,”Tinig ng Darating, p. 55.
 
46.   Virgilio S. Almario, “Mga Anyo’t Talinghaga ng Panawagan,” p. 10.
 
 
47 Una at ikalawang saknong sa Teo S. Baylen, “Luciper,” Tinig ng Darating, p. 15.    
 
48 Ikawalo at ikasyam na saknong sa Teo S. Baylen, “Luciper.”
 
49 Almario, V.S., “Mga Anyo’t Talinghaga ng Panawagan,” p. 14.
 
50 Ika-56 at 60 na saknong sa Francisco Baltazar, Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania, Carlos Ronquillo, ed. (Manila:  Imprenta de Ramirez y Giraudier, 1921), p. 38.
 
51 Ikapito at ikawalong saknong sa Teo S. Baylen, “Kagabi,” Tinig ng Darating, p. 42.
 
52 Iñigo Ed. Regalado, “Ang Malungkot na Pagpapatay sa Tulang Tagalog,” Liwayway, Hunyo 24, 1944, p. 12.  (MCF)
 
53 Basahin si V. S. Almario, “Hanggang Saan Ang Kadakilaan ni Balagtas,” Sagisag I, Blg. 4, Agosto 4, 1975, p. 7.
 
54 Una at ikalawang saknong sa Teo S. Baylen, “Paminggalan,” Tinig ng Darating, p. 47.
 
55 Teo S. Baylen, “Ako’y Isang Takas,” Tinig ng Darating, p. 44.