Imbitasyon para sa Bantas: LIRA Workshop Batch 2017 Fellows’ Night

Iniimbitahan ang lahat na dumalo sa “Bantas: LIRA Workshop Batch 2017 Fellows’ Night” na gaganapin sa ika-5 ng Disyembre, 2017, 7 n.g. sa Conspiracy Garden Café, Visayas Ave., Lungsod Quezon.

Itatampok sa event ang mga akda ng fellows ng nagdaang LIRA Poetry Clinic, kasama ang chapbook na ilulunsad sa mismong pagdiriwang. Magkakaroon ng raffle, mga pagtatanghal, at pagbabasa ng tula.

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinaguyod noong 1985 ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, naglinang ito ng maraming kilalang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr, Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Ańonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ang LIRA bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO). Isa ang LIRA Poetry Clinic sa taunang proyekto ng organisasyon na naglalayong linangin ang mga nais tumula sa Filipino.

Para sa iba pang mga detalye, maaaring pumunta sa Facebook Event page: https://tinyurl.com/BantasLIRA

LIRAhan: Paglulunsad ng From the Eyes of a Healer

Tayo na sa lunsad-aklat ng From the Eyes of a Healer: an anthology of medical anecdotes (Alubat Publishing) na inedit ni Joey A. Tabulá, manggagamot at kasapi ng LIRA, sa 16 Mayo 2017, 8-10ng, sa Conspiracy Bar, Lungsod Quezon.

Magkakaroon ng maikling programa para kilalanin ang mga kontribyutor ng antolohiya. Abangan ang mga natatanging pagbása mula sa mga kontribyutor na manggagamot ng bayan. Mayroon ding pagbása ng tula mula sa mga kasapi ng LIRA at musika sa gabing ito.

Mula kay Prop. Michael L. Tan: What a delightful compilation of stories.  The candor, the willingness to speak of their feelings, uncertainties and vulnerabilities, humanizes the healing profession, and makes us better appreciate how Medicine’s true drama comes in little everyday triumphs. These are stories of physicians who are good: good as mabuti, good as magaling.

 

Kilalanin ang editor ng From the Eyes of a Healer:

Si Joey A. Tabula ay isang general internist. Fellow siya ng Tula sa Iyas (2016) at Iligan (2017) National Writers Workshop at aktibong miyembro ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), grupo ng mga boluntaryo-makata na nagsusulat sa Filipino. Mababasa ang kaniyang malilikhaing akda sa Philippines Free Press, Philippines Graphic, Liwayway, Philippine Daily Inquirer, at ilang lokal na antolohiya. Nagtapos siya ng Medisina sa UP at ng Internal Medicine sa PGH at kasalukuyang nag-aaral ng MFA in Creative Writing sa DLSU.

LIRA Poetry Workshops, bukás na para sa aplikasyon!

Inaanyayahan ang lahat ng interesado sa pagtula na magpasa ng aplikasyon sa Taunang Palihang Pampanulaan 2016 ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), isang samahan ng mga makatang nagsusulat at nag-aaral sa wikang Filipino.

Ang mabusising pagsasanay ng LIRA ay naglalayong linangin ang mga makatang nais paghusayin ang kanilang sining at handa ring mag-ambag sa pagpapalago ng panitikan, wika, kultura, at pambansang kaakuhan (national identity). Kabilang ito sa programa na “makata-bolunterismo,” na siyang nagbigay-karangalan sa LIRA bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) ng bansa noong 2011.

Makapakikinig sa serye ng mga panayam at makalalahok sa mabusising mga palihang pamumunuan ng mga dalubhasa sa pagtula at/o panulaang Filipino ang mga matatanggap na fellows. Tumatagal mula Hunyo hanggang Nobyembre ang lingguhang klase tuwing Sabado at Linggo mula 9:00 n.u. hanggang 5:00 n.h, na kadalasang ginaganap sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at iba pang lugar sa Metro Manila.

 

Premyadong mga Makata at Pinakamahabang Palihan sa Pagtula

Ang LIRA Poetry Clinic ang kasalukuyang pinakamahabang tumatakbong palihan, na nakatuon lamang sa pagtula at panulaang Filipino. Nagdiriwang ito ng ika-31 anibersaryo ngayong taon. Ang punong-guro ay ang tagapagtatag na si Virgilio S. Almario, ang makatang Rio Alma, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Ilan sa mga taunang nagtuturo sa LIRA ay ang mga sumusunod na nangungunang makata at guro, na karamiha’y produkto rin ng palihan, premyado at may mga sariling aklat ng tula: Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael Coroza, Fidel Rillo, Marne Kilates, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, DM Reyes, Edgar Calabia Samar, Enrique Villasis, Jerry Gracio, Nanoy Rafael, Ergoe Tinio, Ina Abuan, Giancarlo Lauro Abrahan, at MJ Tumamac.

Hangad ng palihan na makapag-aruga ng mga makata-boluntaryo, na makikisangkot hindi lamang sa sining, kundi pati na rin sa pagtataguyod ng panitikan, wika, kultura, at pambansang kaakuhan.

Sa mga interesado, mangyaring magpasa ng mga sumusunod:

 1. Application Form, [PDF | DOC] na may Mga Tala para sa Fellow at detalye ng pakikipag-ugnayan (address, email address, telepono);

2. Limang (5) tula sa Filipino (hindi tatanggap ng mga tulang nakasulat sa Ingles at iba pang wika).

SUBJECT LINE: Taunang Palihang Pampanulaan 2016

Ipasa ang mga ito sa palihanglira@gmail.com

Ang huling araw ng pagpapasa ay Mayo 01, 2016.

Ang workshop fee ay isang libo at limandaang piso (Php1,500), na gagamitin para sa mga readings at iba pang workshop necessities ng mga fellow. 

Para sa higit pang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan kay Cheska Lauengco, Ugnayang Pangmadla, sa palihanglira@gmail.com or sa 09996173476. Maaari ring bisitahin ang facebook.com/PalihangLIRA o mag-tweet/instagram sa @makatanglira

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

.

 

 

 

Mga tula ng mga makata sa Filipino mula 1985 hanggang 2015, inilunsad na at muling ilulunsad ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-30 taon ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ang paglulunsad ng librong pinamagatang LIRA 30: Tatlong Dekada ng Makatang LIRA. Ito na ang ikaapat na librong inilathala at inilimbag ng nasabing organisasyon. Tampok sa librong ito ang mga tulang ikinatha ng mga makatang LIRA sa loob ng tatlumpung taon. 

Iginawad nina Aldrin Pentero (Pangulo ng LIRA) at RR Cagalingan (Pangalawang Pangulo ng LIRA) ang mga unang kopya ng nasabing libro kina G. Virgilio S. Almario (Pambansang Alagad ng Sining at tagapagtaguyod ng organisasyon), Fidel Rillo (makata at editor ng libro), at Michael Gallego (makata at nagdisenyo ng libro) sa The Oracle Hotel and Residences noong 22 Disyembre 2015.

Sari-saring mga paksa ang tinalakay ng bawat makata sa librong ito: mula sa mga paglilimi sa panahon- “Matapos ang ulan, umiinit/ Ang daigdig, nanlalamig/ An gating mga puso” (mula sa tulang Matapos ang Ulan, Umiinit ni Jerry B. Gracio), mga pinananambitan- “Kung katahimikan ay humahaginit/ Sa silid, sa isip, sa mundong nagulat./ Ang Walang Hanggahan, siyang nakikinig.” (mula sa tulang Naririnig Kaya ni Rebecca Anonuevo), mga muling pagkikita- “Mas mahalaga na nga siguro ang dating hindi mahalaga:/Dahil nagkita tayo at hindi mo naman ako nakilala,/Mas mabuti pang hindi na lamang tayo nagkita.” (mula sa tulang Dahil Hindi Tayo Nagkita ni Giancarlo Abrahan), at mga biling nakasanayang marinig- “Bilin ni Tiya Ana,/ ubusin ang inyong tapsilog,/ huwag magtira kahit kapiranggot./ Kumain nang masigla para maging malusog/ at nang ang inyong katawan ay hindi mahulog.” (mula sa tulang Ang Bisita ni Beverly W. Siy).

Magkakaroon muli ng paglulunsad ng libro sa unang LIRAhan ng taon sa 19 Enero 2016, Martes, alas-7n.g. sa Conspiracy Bar, Visayas Ave., Quezon City. Sa gabing ito, makabibili ng librong LIRA 30 sa halagang 200 pesos, na mas mababa kaysa regular na halaga nitong 250 pesos. Magbabasa rin ng kani-kaniyang mga tula sa libro ang ilan sa mga kasapi. Magbibigay naman ng maikling talumpati ang editor na si Fidel Rillo. Sa pagtatapos ng gabi ay tutugtog ang modern jazz band na Modern Playground. Ang LIRAhan ang buwanang gabi ng tula at musika ng LIRA. Ginaganap ito tuwing ikatlong Martes ng buwan. Ito ay bukas sa publiko.

Upang magkaroon ng librong LIRA 30 at para rin sa mga tanong tungkol sa LIRAhan at sa organisasyon, mangyaring mag-e-mail sa palihanglira@gmail.com o makipag-ugnayan kay Mia Lauengco sa (63) 999 617 3476. 

Ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito. Taon-taon, nagdadaos ang LIRA ng palihan at klinikang pampanulaan mula Hunyo hanggang Disyembre. Nagsisilbing tagapanayam at umuupo sa workshop ang mga kilala at premyadong makata at manunulat. Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo Facebook page (www.facebook.com/PalihangLIRA) o mag-email sa palihanglira@gmail.com 

 

LIRA 30 na

Makisaya sa isang gabi ng pag-alaala at pagtula upang ipagdiwang ang ika-30 taon ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Ilulunsad sa gabing ito ang ikatlong librong LIRA at magkakaroon din ng sari-saring pagbasa ng tula at performances mula sa mga ka-LIRA.

Gagawin ang pagtitipong ito sa 22 Disyembre 2015 (Martes), 6:00 n.g. sa The Oracle Hotel and Residences (317 Katipunan Ave., Loyola Heights, Lungsod Quezon). Semi-formal ang kasuotan. Bilang tulong na rin sa organisasyon at sa pagpapatupad ng mga nakabalangkas na programa nito, mayroong 500 pesos na entrance fee para sa mga taga-LIRA, at 550 pesos naman para sa mga bisita at kaibigan ng LIRA. Kasama na rito ang buffet dinner at isang kopya ng bagong libro. 300 pesos (taga-LIRA)/ 350 pesos (bisita) naman ang entrance fee kung hindi nais makakuha ng kopya ng libro. 

Para sa pagkumpirma ng pagdalo, huwag mag-atubiling mag-email sa palihanglira@gmail.com o makipag-ugnayan kay Cheska Lauengco (0999 617 3476). 

Inaasahan namin ang inyong pagdalo. Halina’t magsaya sa ika-30 taon ng LIRA!

LIRA’s Fellows Night gaganapin sa Disyembre 15

Ang Fellows Night  ng LIRA ay gaganapin sa ika-15 ng Disyembre 15, 2015 sa Conspiracy Garden Cafe, 59 Visayas Ave., Quezon City. Ang gabing ito ang magsisilbing pagdiriwang ng dalawang bagay: 
Ang gabing ito ay pagdiriwang para sa dalawang bagay:

Pormal na Pagtatapos ng Batch-Oy, ang ika-30 batch ng fellows, sa lingguhang palihan na itinataguyod ng Linangan sa Imahen Retorika at Anyo (LIRA) mula Hunyo hanggang Nobyembre;
Paglulunsad ng koleksiyon ng mga tula ng Batch-Oy. 

Sa gabing ito, magkakaroon din ng pagbabasa ng mga tula mula sa mga miyembro ng Batch-oy na nabubuo nila Paolo Apagalang, Karl Santos, Kid Orit, Merl Peroz, Ted Guayco, Au Pareja, Tala Tanigue, Raphael Fulgar, Lester Abuel, Roma Estrada, Korina Muella, Nat Pardo-Labang, Marlon Tacalan, Nes Fernandez, Pao Peña, Neto Aedto

Tutugtog din si Tao Aves, ang mga bandang Sour Cheeks, The Modern Playground at Silakbo. 

Siyam Siyam: Isang Espesyal na Serye ng mga Panayam sa mga Makatang Filipino

Sa tatlong dekada ng paglilinang sa kakayahan sa pagtula ng mga makata, ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at ang taunang klinikang pampanulaan nito ay nagbunga na ng mga de kalibreng makatang nagsisilbing haligi ng panulaang Filipino ngayon. Ilan sa mga ito ay sina Rebecca Anonuevo, Roberto Anonuevo, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Jerry Gracio, Maningning Miclat, Vim Nadera, Nick Pichay, at Edgar Calabia Samar. Tulad ng iba pang mga makatang LIRA, sila rin ay dumaan sa anim na buwang palihang LIRA at serye ng mga panayam na ginagawa lingo-linggo upang higit pang mapaunlad ang kanilang galing sa matulaing paggamit ng mga salita sa pagpapausbong ng imahinasyon at damdamin ng mga mambabasa. Marami na ring natanggap na kritisismo ang kanilang mga akda, lalo na dahil sa kanilang estilo o tinatalakay na mga paksa, subalit ang kanilang pagmamahal at matinding pagtatalaga sa sarili sa pagtula ay nagtutulak sa kanilang magtuloy-tuloy lamang sa paglikha. Ngayon ay mayroon nang mga nailimbag na mga libro at koleksyon ng mga tula ang mga nasabing makatang LIRA, at tuloy pa rin sila sa pagsusulat at sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa pagtula sa pamamagitan ng pagpasok nila sa iba’t ibang larang at sa pagbibigay ng mga panayam sa taunang klinikang pampanulaan ng LIRA. 

Sa pagdiriwang ng ika-30 taon ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ngayong taon ay magkakaroon ng isang espesyal na serye ng mga panayam na pinamagatang Siyam Siyam. Naglalayon itong higit pang palawakin ang kaalaman ng publiko sa panulaang Filipino. Tatalakayin dito ang mga tula at pagtula ng mga nabanggit na makatang LIRA na sina Rebecca Anonuevo, Roberto Anonuevo, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Jerry Gracio, Maningning Miclat, Vim Nadera, Nick Pichay, at Edgar Calabia Samar. Ipapares sila sa isang kapwa manunulat at akademiko na malawig ang kaalaman sa kanilang proseso at estetiko sa pagtula. Pagkatapos ng lecture ay magbibigay ng mungkahi ang mga nasabing makata. Para sa unang bahagi ng Siyam Siyam sa Miriam College noong 25 Oktubre 2015, tinalakay ni Propesor John Iremil Teodoro ang mga tula ni Rebecca Anonuevo, at siya naman ay sa mga tula ni Maningning Miclat. Sa susunod na yugto ng Siyam Siyam na gagawin naman sa Tanghalang Teresita Quirino sa University of Santo Tomas, katuwang ang Center for Creative Writing and Literary Studies, sa 11 Nobyembre 2015, magbibigay ng panayam si John Enrico Torralba kay Romulo Baquiran Jr., at si Vijae Alquisola naman kay Vim Nadera. Sunod namang bibisita ang LIRA sa SEC C ng Ateneo de Manila University, katuwang ang Kagawaran ng Filipino, sa 25 Nobyembre 2015 upang magbigay ng lectura si Louie Jon Sanchez sa mga tula ni Michael M. Coroza, at si Michael Jude Tumamac naman kay Edgar Calabia Samar. Sa taong 2016 naman gagawin ang Siyam Siyam sa De La Salle University, at doon tatalakayin ni Joselito de los Reyes ang mga tula ni Jerry Gracio, ni Fidel Rillo ang mga tula ni Roberto Anonuevo, at ng isang makatang LIRA ang kay Nicholas Pichay. Lahat ay inaanyayahang dumalo at makiisa sa panulaang Filipino. Ang lahat ng mga bahaging ito ay libre para sa lahat ng nais dumalo. 

Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang facebook.com/palihangLIRA, makipag-ugnayan kay Mia Lauengco (+63 999 617 3476) o kay Aldrin Pentero (+63 932 843 8925), o mag-email sa palihanglira@gmail.com

 

ANG MGA MAKATA

Si Rebecca Anonuevo ay kilala bilang manunulat na tumatalakay sa mga isyu ng kababaihan. Ilan sa mga antolohiya niya ng mga tula ay ang Bago ang Babae, Pananahan, Nakatanim na Granada ang Diyos, at Saulado. Nakapagkamit na rin siya ng mga karangalan tulad ng Don Carlos Palanca Memorial Awards at National Book Award for literary criticism. Nakapagtapos siya ng Ph.D. Literature sa De La Salle University-Manila. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Miriam College.  

Si Roberto T. Anonuevo ay nakapag-akda ng mga kalipunan ng tula tulad ng Alimbukad, Paghipo sa Matnag Tubig, at Pagsiping sa Lupain. Kabilang din siya sa mga nasa Hall of Fame ng Don Carlos Palanca Memorial Awards. Ilan sa mga gantimpala din na kanyang nakamit ay ang Talaang Ginto: Gawad Collantes (1990, 1993, 1999). Kasalukuyan siyang nagsisilbing Director General ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Maliban sa pagiging makata, si Romulo Baquiran Jr. ay isa ring kuwentista at tagasalin. Nakapagtapos siya ng AB Filipino sa University of the Philippines noong 1984. Ilan sa mga akda niya ay ang Engkwentro, Parikala, at Onyx na nanalo ng National Book Award noong 2003. Natamo rin niya ang Don Carlos Palanca Memorial Awards noong 1988, 1989 at 1990, at Likhaan Awards noong 1987. 

Si Michael M. Coroza ay isang ginagalang na makata, mananalaysay, tagasalin at editor. Kasalukuyan siyang Associate Professor sa Kagawaran ng Filipino sa Ateneo de Manila University. Nagtuturo rin siya sa University of Santo Tomas, kung saan din siya ay nakapagtapos ng AB Philosophy. Nagtapos din siya ng M.A.Literature (Filipino) sa Ateneo de Manila, at Ph. D.Filipino sa University of the Philippines. Siya rin ang pinakabata sa grupong pam-Balagtasan na MTV, kasama sina Vim Nadera at Teo Antonio.  Walong beses din niyang nakamit ang unang gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Ginawaran di nsiya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Gawad Francisco Balagtas. Tinanggap din niya mula sa maharllikang pamilya ng Thailand ang South East Asia Writers Award (S.E.A Write Award) noong 2007.
Si Jerry Gracio ay nagtapos ng Malikhaing Pagsulat sa University of the Philippines. Ilan sa kanyang mga akda ay nabigyan ng gantimapala, gaya ng Apokripos na nakamit ang National Book Award noong 2006, at ng kanyang koleksyong Aves na nagawaran ng University of the Philippines Centennial Literary Prize for Poetry. Naging Makata ng Taon din siya noong 2005, at nagkaroon ng Don Carlos Palanca Memorial Awards sa iba’t ibang kategorya gaya ng poetry, short fiction, at screenplay.

Si Maningning Miclat ay kilala para sa kanyang mga tula sa Ingles, Filipino, at Mandarin. Ang kanyang akdang Wo De Shi ay koleksyon ng mga tula sa Mandarin, at ang kanyang librong Voices from the Underworld ang kanyang unang aklat ng mga tula sa Ingles. Kinilala rin siya ng Beijing bilang isa sa mga pinakamahusay na makata sa Mandarin. Maliban sa pagtula ay mahilig ding magpinta si Maningning. Dahil sa kanyang kontribusyon sa sining ng pagtula at pagpipinta, iniaalay sa kanya ang Maningning Miclat Poetry Awards.

Si Vim Nadera o Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr. ay itinuturing na “Ama ng Performance Poetry sa Filipinas” dahil sa kanyang natatanging galing sa paglikha at pagtatanghal ng mga tula, at sa kanyang  pagiging Balagtasero. Kasapi siya ng grupong Balagtasan na MTV, kasama sina Michael M. Coroza at Teo Antonio Jr. Maliban ditto ay nakapagtatag siya ng sari-saring mga palihan, seminar, organisasyon, at patimpalak gaya ng UST Writers’ Workshop, Moving the Pen Journalism/ Lietrary Seminar, Gatula at USTETIKA. Sinimulan din niya ang Poetry Therapy sa Filipinas para sa mga pasyenteng may kanser. Marami rin siyang nakamit na mga pagkakakilanlan gaya ng Makata ng Taon, at siya ang pinakabatang nakapagkamit ng gantimpalang ito. Nanalo rin siya sa National Book Awards, Rizal International Filipino Poetry Contest, Don Carlos Palanca Memorial Awards, at marami pang iba. Kasalukuyan siyang nagsisilbi bilang Direktor ng Philippine High School for the Arts. 

Si Nick Pichay ay makata, abogado, tagasalin, at mandudula na kilala para kanyang mga klasikong akda. Ilan sa mga naisulat niyang komedya ay ang Psychedelia Apokalypsis, Pangulo Naming Mahal, at paghahalaw sa Ang Pagdadalaga ni Maximom Oliveros sa teatro sa akdang Maxie the Musical. Ang kanyang koleksyon ng mga tula na Ang Lunes na Mahirap Bunuin ay naglalaman ng sari-saring tulang nabigyang-gantimpala. 

Si Edgar Calabia Samar ay kasalukuyang nagtuturo ng panitikang Filipino at Malikhaing Pagsulat sa Ateneo de Manila University. Kilala siya para sa kanyang mga akdang may temang umiikot sa mitolohiyang Filipino. Ilan sa kanyang mga naisulat ay ang Walong Diwata ng Pagkahulog, Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay, at ang serye ng Janus Silang. Nakamit na rin niya ang iba’t ibang gantimpala gaya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards, Gawad Surian sa Tula, PBBY-Salanga Writer’s Prize, NCCA Writer’s Prize, at marami pang iba.
 

Ang mga Magbibigay ng Panayam

Si John Iremil Teodoro ay kasalukuyang nagtuturo sa Miriam College. Siya ay isang makata, peryodista, at mandudula. Kilala siya bilang isa sa mga nanguna sa pagsusulat ng panitikang panhomosekswal. Siya rin ang may pinakamaraming nailimbag na mga akda sa Kinaray-a sa kasalukuyan.

Si John Enrico Torralba ay nagtapos ng MA Araling Filipino sa De La Salle University, na kanya ring pinagsilbihan bilang guro rito. Mayroon siyang dalawang aklat na pinamagatang Ang mga Kaibigan ni Ella at Estranghero at iba pang Tula. Ngayon ay nagtatrabaho siya sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Si Vijae Alquisola ay kasalukuyang nagtuturo sa University of Santo Tomas. Nagsilbi na rin siyang panellist sa mga palihan. Nakapagkamit na rin siya ng Don Carlos Palanca Memorial Awards.

Si Louie Jon Sanchez ay kasalukuyang nagtuturo sa Ateneo de Manila University. Kilala siya sa pagtalakay niya sa kontemporaryong panulaan sa Filipinas, sa mga napapanahong phenomenon sa larang ng entertainment at showbusiness sa Filipinas, at sa kanyang kritisismo at intelektwal na pagtalakay sa mga soap opera ng bansa. Nakamit din ni Sanchez nang tatlong beses ang titulong Makata ng Taon mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Kasama na rin sa kanyang mga aklat ng tula ang Kung Saan sa Katawan.

Si Michael Jude Tumamac ay makata, kuwentista at guro na kilala para sa kanyang mga akdang para sa mga bata. Ang kanyang akdang Ngumiti si Andoy ay nakapagkamit din ng PBBY Salanga Prize noong 2013. 

Si Joselito de los Reyes ay isang premyadong makata at mananalaysay na kasalukuyang nagtuturo sa UST. Ilan sa kanyang mga libro ay ang Paubaya at Istatus Nation.

Si Fidel Rillo ay nagawaran na ng Gawad Balagtas mula UMPIL para sa kanyang mga tula. Bukod dito ay nakatanggap siya ng mga parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards, Cultural Center of the Philippines, at Surian ng Wikang Pambansa para sa kanyang mga kuwento, tula at sanaysay. Kilala rin siya para sa disenyo ng mga pabalat ng libro, at naparangalan na rin siya ng National Book Development Board para rito.

Para sa mga tanong at paglilinaw, mangyaring makipag-ugnayan lamang kina:
Mia Lauengco
Ugnayang Pangmadla
palihanglira@gmail.com/ mflauengco@gmail.com
+63 999 617 3476/ +63 927 839 2711

Aldrin Pentero
Pangulo
palihanglira@gmail.com/ ap.pentero@gmail.com
+63 932 843 8925

LIRA Poetry Clinic, bukas pa sa aplikasyon hanggang Mayo 15

Inaanyayahan ang lahat na magpasa sa Taunang Palihang Pampanulaan 2015 ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).

Kilala bilang LIRA Poetry Clinic, ang palihan ay tumatagal mulang Hunyo hanggang Nobyembre, at madalas na ginaganap sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ito ang kasalukuyang pinakamahabang tumatakbong palihan, na nakatuon lamang sa pagtula sa Filipino. Nagdiriwang ito ng ika-30 anibersaryo ngayong taon.

Ang punong-guro ay ang tagapagtatag na si Virgilio S. Almario, ang makatang Rio Alma, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino. Direktor ng Palihan si Dr. Michael M. Coroza, associate professor ng Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila at lawreado ng Southeast Asian WRITE Award.

Ilan sa mga taunang nagtuturo sa LIRA ay ang mga sumusunod na nangungunang makata at guro, karamiha’y produkto rin ng palihan, premyado at may mga sariling aklat ng tula: Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Edgar Calabia Samar, Enrique Villasis, Marne Kilates, DM Reyes, Jerry Gracio, Nanoy Rafael, Ergoe Tinio, MJ Tumamac, Giancarlo Lauro Abrahan, at Ina Abuan.
Hangad ng palihan na makapag-aruga ng mga bagong dugong makata-boluntaryo, na makikisangkot hindi lamang sa sining, kundi pati na rin sa pagtataguyod ng panitikan, wika, kultura, at pambasang kaakuhan.

Sa mga interesado, mangyaring magpasa sa isang Word Document ng mga sumusunod:
1. biodata, na may detalye ng pakikipag-ugnayan (address, email address, telepono);
2. pinakabagong larawan;
3. limang tula sa Filipino (hindi tatanggap ng mga tulang nakasulat sa Ingles at iba pang wika).
Ipasa ang mga ito sa palihanglira@gmail.com na may subject line na “LIRA Poetry Clinic 2015”.

Ang huling araw ng pagpapasa ay Mayo 15, 2015.

Para sa iba pang tanong o detalye, makipag-ugnayan kay G. Louie Jon A. Sanchez, katuwang na direktor ng palihan, sa email ding nabanggit.

Librong LIRA maglulunsad ng dalawang libro nina Villasis at Tuvilla

Ilulunsad ng Librong LIRA ang dalawang bagong libro: Agua ni Enrique S. Villasis at Sa Ilalim ng Pilik ni Charles Bonoan Tuvilla sa Mayo 19, 7pm, Conspiracy Bar, Visayas Avenue, Quezon City.

Ang Librong LIRA ay ang pampublikasyong sangay ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo, isang grupo ng mga makatang nagsusulat sa wikang Filipino.

Si Enrique S. Villasis ay tubong Milagros, Masbate. Nagtapos siya ng BS Electronics and Communication Engineering mula sa Mapua Institute of Technology. Ang kaniyang mga tula ay nagwagi sa Don Carlos Palanca (2011, 2012, 2013) at Maningning Miclat (2011). Aktibong kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo. Ito ang kaniyang unang aklat ng mga tula.

Si Charles Bonoan Tuvilla ay isinilang sa Murphy, lumaki sa Bangui, Ilocos Norte, nakisilong nang ilang taon sa mga kamag-anak sa Pembo, Makati, nangupahan sa San Miguel, Maynila nang siya ay magtrabaho sa Malakanyang, at kasalukuyang nasa Estados Unidos. Siya ay kasapi ng LIRA, naging fellow ng IYAS writing workshop, at nagkamit ang kaniyang mga tula ng mga parangal mula sa Don Carlos Palanca at Maningning Miclat foundations.

BigKisan at Bigkasan: LIRA Fellows’ Night 2014

Makilahok sa isang gabi ng bigkasan ng tula, kantahan, at inuman kasama ang mga makata ng Lingangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at mga katoto sa sining ngayong darating na Martes, ika-9 ng Disyembre, alas 6-9 ng gabi sa Conspiracy Bar, Visayas Ave., Lungsod Quezon. Ito ay libre para sa publiko.

Samahan din ang pangkat BigKis, fellows ngayong taong 2014 sa klinikang Pampanulaan ng LIRA, sa pagdiriwang ng pagtatapos nila sataunang palihang ito at sa paglulunsad nila ng kanilang foliong pinamagatang “BigKis: Biglang Kislap” na naglalaman ng halos isang daang mga tula.

Mayroon ding naghihintay na mga papremyo para sa mga dadalo.

Ang BIGKIS folio ay magtatampok ng mga tula nina:
(Bigkis, LIRA Fellows 2014)

Nonoy Abis
Robin Amodia
Wei Angeles
Reli Arceo
France Breis
Evan Daynos
Danilo Diaz
Ynca Duerme
Persis Flores
Liza Gaspar
Andoy Glory
Cheska Lauengco
Louise Lopez
Vic Macapagal
Graciella Musa
CR Pilares
Antonette Ramos
Eurmajesty Roque
Adelma Salvador
Raymund Sison
Joti Tabula
Reji Delos Trinos
Ly Uy
Kaka Vidamo
Eileen Villegas
——————————————————-
Ang LIRA ay isang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

https://www.facebook.com/PalihangLIRA
https://twitter.com/makatangLIRA
palihanglira@gmail.com