Ang TALAANG GINTO: MAKATA NG TAON ay timpalak sa pagsulat ng tula na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing Ika-2 ng Abril taon-taon.

Nilalayon ng timpalak na lalo pang pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino.

Ang paksa para sa Makata ng Taon 2015 ay tungkol sa kabataan. Tatalakayin ng tulang ipapasa ang kabataan bilang hinaharap kaugnay ang tema ng Araw ni Balagtas 2015 na “Si Balagtas at ang Kabataan.” Ilalahok ang mga tulang may sukat at tugma na nasa antas tudlikan pataas. Ang mga taludtod ng tulang ilalahok ay hindi bababa sa apatnapung (40) taludtod.