Ipakikilala ang bagong antolohiya ng mga kuwento sa Hiligaynon, Ang Pagbalik sang Babaylan, sa iginagayak ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na Ugsad ng Literatura sa Bisayas Nakatundan: Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Hiligaynon, Kiniray-a, at Akeanon, 1—3 Disyembre 2014, West Visayas State University, La Paz, Lungsod Iloilo.

Tampok sa Pagbalik ang mga kuwento nina Leoncio P. Deriada (Kampeon ng Wika 2014), Teodulfo Abella Naranjo, Maria Luisa S. Defante-Gibraltar, Alice Tan-Gonzales, Isabel D. Sebullen, Alain Russ Dimzon, Felino S. Garcia Jr., Peter Solis Nery, Jesus C. Insilada, Genevieve L. Asenjo, Marcel Milliam, Lester Mark Carnaje, at Norman T. Darap. Nagsalin naman ng mga akda sa Filipino sina John Iremil Teodoro (editor), Arlene M. Moscaya, Isabel D. Sebullen, Ma. Ivy Pulmones-Tutanes, Noel G. De Leon, Peter Solis Nery, Elsed S. Togonon, Genevieve L. Asenjo, Marcel Milliam, Arlene M. Moscaya, Early Sol A. Gadong, at Norman T. Darap.

“Hindi matatawaran ang kahalagahan ng antolohiyang ito sa dahilang itinutuloy nito ang tradisyon ng pagsulat ng sugilanon,” wika ni John E. Barrios sa kaniyang introduksiyon. “Na walang pag-iitsapuwera sa Katutubong Kultura at kasalukuyang hamon ng Diskurso ng Wika, Bansa, Rehiyon, at Globalisasyon,” dagdag pa ng Komisyoner ng KWF para sa wikang Hiligaynon. Kabilang ang Pagbalik sa Aklat ng KWF na naglalayong maipamahagi sa mga Filipino ang mga napapanahon, wasto, at mahahalagang kaalaman at pagpapahalagang Filipino. Layunin nitóng maglathala ng mga katangi-tanging saliksik at mga likha na magtatampok sa paggamit ng Filipino bilang wika ng karunungan.

Para sa mga katanungan hinggil sa kumperensiya, mangyaring makipag-ugnayan kay Gng. Lourdes Z. Hinampas sa mga numerong (02) 736-2519 / 0928-348-5870 / 0932-634-8721, o kay Dr. Francisca T. Borja sa numerong 0920-217-0514 / 0925-544-2627. Maaari ring magpadala ng email sa komfil.gov@gmail.com, o bumisita sa kwf.gov.ph.