Panawagan para Sa LGBTQIYA


12988146_10209145878945040_2061452236_n.jpg

Isa sa mga bansang gay-friendly ang Pinas sa buong mundo, naiwawagayway natin ang Rainbow flag sa Pride parade. Ngunit, ganap na bang malaya?

Sirena na ang mga batang beki na inilublob ng tatay sa drum. Nairampa na nila ang kanilang gown at stiletto. Nakapagtatag ng federacion at nagkapag-establish ng lengwaheng bekimon. Nakalipad na ang mga T-bird. Pumagaspas silang nakablusa’t palda. At sinlaya ng mga mariposa. Old-fashioned kung tawagin mo silang tranny o transgendered. Hindi lang sila parlorista at mga reyna sa beaucon. Marami nang branches ang kanilang salon. Masarap pa rin sa adobo ang buo o kaya durog na paminta. Sintatag na ng sunshine ang mga silahis. May nakapagladlad na ng kapa, may nanatiling closeta. Hindi na questioning sa atin ang Q and I. Dahil naging TV personalities, matinee idol at crush ng bayan si judai.

Inaanyayahan ang mga bakla, lesbiyana, bisexual, transgender, queer at intersex writers na mag-ambag ng mga kwentong pangkabataan o young-adult fiction at personal na sanaysay na magtatampok ng mga imahen, karanasan, kaakuhan, at pag-iral. Layon ng antolohiyang ito na makapaglaan ng komunidad at espasyong madadaluyan ng iba’t ibang usaping kinahaharap ng isang indibidwal tulad ng mga isyung paglaladlad o coming out, diskriminasyon, heterosexism, sexual orientation at gender identity.

Ang mga kuwento ay maaaring pumapaloob sa kategorya ng realismo, pantasya, romantiko, horror, at iba pa. Ang mga personal na sanaysay ay maaaring tumatalakay sa sariling karanasan ng pagbubuo ng identidad, pakikipagkaibigan, paghanga sa isang gay icon, pait ng diskriminasyon, body issues at family life. Subalit kinakailangang pinakatampok pa rin dito ang positibo at mapagpalayang diskursong sex, kasarian o gender, sexuality at identity ng kabataang nabibilang sa LGBTQI community sa Pilipinas.

Inaasahang handa ang mga manunulat na ihayag ang kanilang tunay na pangalan kung kaya’t hindi tatanggap ng mga akdang nasa ilalim ng sagisag-panulat.

Mga kailangang isaalang-alang sa pagkatha para sa LGBTQIYA:

1. Nakadisenyo ang banghay ng mga kuwento at personal na sanaysay para sa mga young-adult na mambabasa (may gulang na 12 hanggang 16).

2. Nagtatampok ng karanasan ng Pilipinong kabataang bakla, lesbiyana, bisexual, transgender, queer at intersex.

3. Kailangang mapagpalaya, positibo at naghahangad ng ikabubuti ng buhay ng mga kabataang LGBTQI ang susulating akda.

4. Nakasulat ang mga akda sa wikang Filipino.

5. Lima hanggang labinlimang pahina lamang sa Letter size, normal margin, double-spaced, 12pts Arial. Ipadala sa LGBTQIYA@gmail.com kalakip ang maiksing bionote. Ang huling araw ng pagpapasa ay sa Hunyo 30, 2016.

6. Isang kuwento o personal na sanaysay lamang ang maaaring mailathala ng bawat manunulat.

7. Dapat maging bukas ang manunulat para sa rebisyon.

Ang mga editor sa antolohiya ay sina Eugene Y. Evasco, Palanca Hall of Famer at Jack A. Alvarez, awtor ng Ang Autobiografia Ng Ibang Lady Gaga.

Likhang sining: Adeva Jane Esparrago’s Avoir Peur

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *