SAMAHANG LAZARO FRANCISCO (SLF), ITINATAG!


Ni: R. B. Abiva

 

“Kaysa isang katawang malaya na may kaluluwang alipin, ibig ko pa ng isang katawang busabos na may kaluluwang malaya.” – Lázaro Francisco (1898-1980)

 

Noong Hulyo 1, 2019 ay pormal na naitatag ang Samahang Lazaro Francisco (SLF) sa Mass Communication Laboratory, 3/F Rev. Carlos V. Manacop Building, Wesleyan University – Philippines, Mabini Extension, Cabanatuan City sa pangunguna ng makata at manunulat na si G. Rene Boy E. Abiva/RBA na siya rin ngayong tumatayo bilang Tagapangulong Tagapagtatag ng Samahan. Nagsilbi namang Miyembrong Tagapagtatag sina Gng. Mildred G. Abiva, G. Emmanuel John R. Pangan, G. Ferman B. Lazatin, G. Mark Anthony D. Miranda, G. Rhounee Ron Kevin D. Frany, G. Jim Barry DG. Bendoy, G. John Paul B. Dizon at G. Carlo Brix Sioting.

 

Si Dr. Floriño A. Francisco, anak ng yumaong nobelista, habang kanyang pinipirmahan ang librong Pamana na kanyang handog sa buong kasapian ng SLF. Kasama sa larawan sina G. Rene Boy Abiva, Gng. Mildred Abiva, Dr. Emmanuel G. Cleto, Prop. Nelya Cleto at G. Emmanuel John R. Pangan.

 

Makasaysayan ang pagkakatatag ng Samahang Lazaro Francisco (SLF) sa Lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija sapagkat kung babalikan ang kasaysayan, taong 1958 ay dito binuo ni Lazaro Francisco, o Ka Saro, ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino o KAWIKA sa matandang bahay ng mga Francisco na ngayon ay isa ng museyo. Ang pagtatatag noon ng KAWIKA ay dinaluhan ng mga kasabayan niyang nobelista gaya nina Liwayway Arceo, Amado V. Hernandez, at iba pa.

Ayon sa nilagdaang deklarasyon ng grupo, nadama ng SLF na kailangang tugunan ang malaking kakulangan pagdating sa pangangalaga sa katutubong kultura, kasaysayan, wika, sining at yamang kaisipan ng Pilipinas partikular sa Rehiyon ng Gitnang Luzon. Malinaw na tinumbok ng Samahan na kailangang itaguyod at pagyabungin ang Panitikang Filipino sa iba’t ibang malikhaing porma upang maitaas ang kamalayang panlipunan ng mamamayan alinsunod sa tradisyon ng realismo na pinayabong ng Pambansang Alagad sa Sining para sa Literatura na si Lazaro Francisco o Ka Saró.

 

Ang unang makinilya ni Lazaro Francisco kung saan niya hinabi ang kalakhan sa kanyang mga higanteng nobela.

 

Malayo rin ang tanaw at sipat ng SLF at hangad nilang hasain ang likas na kakayanan ng mga bagong sibol na manunulat sa pamamagitan ng paglulusad ng palihan at iba pang katulad na aktibidad. Dagdag pa, sisikapin nilang itampok ang buhay at mga akda ni Ka Saró sa publiko gaya ng pagmamahal sa tinubuang lupa, pagkampi sa mga dusta at busabos, pangangailangan ng katarungang panlipunan, pagpapahalaga sa edukasyon, moral at iba pang pamana ng yumaong nobelista sa mga kabataan at mamamayan.

Sa isang pakikipanayam ng SLF kay Dr. Floriño A. Francisco, anak ng yumaong nobelista at may-akda ng PAMANA, at sa iba pang mga kaanak na sina Dr. Emmanuel G. Cleto, Prop. Nelya Cleto, G. Armando Aleja, inihayag nila ang labis na kagalakan at pagsuporta sa nasabing Samahan. Ayon sa kanila’y isang malaking karangalan ang ginawang pagkilala ng mga ito sa kanilang Tatay Saro.

Umaasa, nananalig at nanumpang magsisikap ang lahat upang maitaguyod ang mga mithiin ng Samahang Lazaro Francisco sa pamamagitan ng mutual na tulungan. Tinatanaw ng SLF na makapaglulunsad ito ng isang Timpalak Panitik sa darating na Pebrero 22, araw ng kapanganakan ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura.


One thought on “SAMAHANG LAZARO FRANCISCO (SLF), ITINATAG!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *