“Walang dakilang wika sa alinmang bansa na ‘di ang nagtaas at naghatid sa tugatog ay ang kanyang mga manunulat.”Lázaro Francisco, 1898-1980

Pebrero 22, ng taong kasalukuyan, ay ginunita ng Siyudad ng Cabanatuan ang ika-122 taon ng kapanganakan ng nag-iisang “Master of Tagalog Novel” at National Artist for Literature na si Lázaro “Ka Sáro” Francisco. Bilang bahagi ng selebrasyon, pinangunahan ng bagong tatag na Samahang Lázaro Francisco ang pag-oorganisa ng isang timpalak-panitik na layo’y buhayin ang apoy at daluyong ng sosyal realismo, tradisyong kinabibilangan ni Ka Sáro sa loob ng mahabang panahon. Sa tulong ng Lázaro Francisco Cultural Heritage Association at Masonic Lodge 53- Siyudad ng Cabanatuan, ang unang bugso ng patimpalak sa pagsusulat ng tula at maikling kuwento ay naging matagumpay.

Ang pagkakaroon ng ganitong timpalak ay tugon ng Samahang Lázaro Francisco sa bumababang pagpapahalaga ng bansang Pilipinas sa wika at panitikang Filipino, na mula’t sapul ay magiting na ipinagtanggol ni Lázaro Francisco sa pamamagitan ng pagbubuo noong 1958 ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA) kung saan nakasama niya ang mga gaya nina Amado Hernandez at Liwayway Arceo.

Ang sentral na tema ng timpalak ay tumatalakay sa pang-araw-araw na buhay at danas ng mga magbubukid sa Gitnang Luzon. Dagdag pa, katugunan ito sa haka ng nobelista sa nobelang Daluyong: Marami pa ang katulad ko ring may sakit na dapat ilantad sa mga Bathala ng Templo.

Sa pagsusulat ng tula, nasungkit ni Cristobal F. Alipio (Noon, Kung Tulain Ang Buhay Sa Bukid) ang Unang Gantimpala, Andyleen C. Feje (Tuwing Dayatan) ang Ikalawang Gantimpala, at Rossite N. Ramillo (Tadhana) ang Ikatlong Gantimpala habang finalist naman sina Jerwyn V. Labagnoy (Da Pasyoneyt Mannalon To His Lab A Daga) at Banjo Lim Somera (Batang Aripet).

Sa pagsusulat ng maikling kuwento, nasungkit naman ni Edmar C. Tigulo (Ragasa ng Kapalaran) ang Unang Gantimpala, Michael Angelo V. Santos (Santelmo) ang Ikalawang Gantimpala, at Marilou P. Macapagal (Sapang Buhay) ang Ikatlong Gantimpala. Naging finalist naman sina Arthur Allen P. Baldevarona (Iping) at Alvin Nimer Moga (Gintong Kahapon).

Iginawad ang gantimpalang salapi, medalyon, at sertipiko sa mga nanalo, sertipiko naman sa mga finalist, sa Lázaro Francisco Museum, Siyudad ng Cabanatuan, Lalawigan ng Nueva Ecija.

“Isang karangalan para sa pamilya Francisco ang pagkakabuo ng Samahang Lázaro Francisco sapagkat mayroon nang tiyak na magpapatuloy sa naiwang legasiya ng aming ama,” wika ni Dr. Florinio Francisco.

Ayon naman kay dating Propesor Armando Aleja ng Araulo University, “Ang Samahang Lázaro Francisco ang kauna-unahang grupo ng mga manunulat sa Nueva Ecija, mula nang mamatay si Ka Sáro noong 1980, ang naghandog ng ganito kataas na pagkilala at may kaugnayan talaga sa panitikang aktibidad. Marami pa pala ang tagong manunulat sa aming bayan.” 

Dagdag pa ni Worshipful Master Hernando Carlos ng Masonic Lodge 53- Siyudad ng Cabanatuan, “Hindi nabigo si Kapatid na Lázaro sa kanyang mga nasimulan. At tiyak ikatutuwa niya ang ganitong timpalak, at ang pagkakatatag ng isang samahan ng manunulat na sumusunod sa kanyang mga yapak.”

Nagsilbi namang mga hurado sina Dr. Rommel B. Rodriguez ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at dating direktor ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) na kamakaila’y ginawaran ng UP bilang natatanging mananaliksik sa Filipino, Dr. Efraim S. Vidal, Jr. ng Wesleyan University- Philippines, kasapi ng Masonic Lodge 53, at kasalukuyang Language and Literature Cordinator ng nasabing unibersidad, at G. Rene Boy Abiva, Tagapangulong-Tagapagtatag ng SLF, makata, manunulat, 58th UPNWW Fellow, at 9th PASNAAN Best Writing Fellow.

“Asahang taun-taon nang ilulunsad ang Gawad Lázaro Francisco, gayundin ang Palihang Lázaro Francisco, upang sa gayo’y maisalba pa ang natitirang katutubong wika sa buong lalawigan ng Nueva Ecija, patuloy na makadiskubre ng mga manunulat na nasa sulok-sulok lamang ng lalawigan, mabuhay ang wika at panitikang Filipino, ang tradisyon ng sosyal realismo, at lalong mapalakas ang agos ng lokal na produksiyon kaakibat ang pagtangkilik sa mga ito,” dagdag ni R.B. Abiva.

Ang aktibidad ay masayang dinaluhan ng mga anak ni Lázaro Francisco, kapatid sa Masonic Lodge 53- Siyudad ng Cabanatuan, at kaibigan at kaanak ng mga nagwagi sa patimpalak. ###  

Description: https://scontent.fmnl4-5.fna.fbcdn.net/v/t1.15752-9/87039872_617839729010551_3274658567424049152_n.jpg?_nc_cat=106&_nc_ohc=tmKAbCA0WsAAX8GA9uJ&_nc_ht=scontent.fmnl4-5.fna&oh=cec504a73c0f01d5ffc1c2727d43dc5a&oe=5EB776A7
Ang mga nagwagi sa pagsusulat ng maikling kuwento.
Description: https://scontent.fmnl4-6.fna.fbcdn.net/v/t1.15752-9/87399665_618144695688971_7662432972749930496_n.jpg?_nc_cat=108&_nc_ohc=y_XDylU1g2IAX8TVyF2&_nc_ht=scontent.fmnl4-6.fna&oh=553ae0df6a3ba34842cec2a152da5aa2&oe=5F0136AF
Pinatunayan ni G. Marilou P. Macapagal na hindi hadlang ang kanyang sakit upang siya’y maging isang manlilikha. Siya ang awtor ng maikling kuwentong Sapang Buhay na nagkamit ng Ikatlong Gantimpala.
Description: https://scontent.fmnl4-5.fna.fbcdn.net/v/t1.15752-9/87065693_189229339008871_5857505174565683200_n.jpg?_nc_cat=106&_nc_ohc=SOuiIPV7XskAX_niQeI&_nc_ht=scontent.fmnl4-5.fna&oh=2f95de391de29ab0d225c53755e41685&oe=5F00D3B4
Ang mga nagwagi sa pagsusulat ng tula.
Description: https://scontent.fmnl4-6.fna.fbcdn.net/v/t1.15752-9/87134186_488645195134560_7981009650784927744_n.jpg?_nc_cat=108&_nc_ohc=i6YZxbjfh7wAX_5TONh&_nc_ht=scontent.fmnl4-6.fna&oh=85f9c464b1654fa1a67be6abfb142368&oe=5EBBFACF
Ang mga kapatid ni Lázaro Francisco sa Masonic Lodge-53 ng Siyudad ng Cabanatuan.
Description: https://scontent.fmnl4-4.fna.fbcdn.net/v/t1.15752-9/87203343_586806788567400_1018162249950298112_n.jpg?_nc_cat=102&_nc_ohc=8NmkjKJsVOgAX8imU8v&_nc_ht=scontent.fmnl4-4.fna&oh=cfcbca8960c49d19a34cab8784abb8b6&oe=5F00BE5A
Tinanggap ng Samahang Lázaro Francisco sa pamumuno ng makatang si Rene Boy Abiva/ R.B.A ang pinakamataas na pagkilala at pagpapahalaga mula sa pamunuan ng Lázaro Francisco Cultural Heritage Association.