ni Lawrence Velasco

Sa sulok ng aking isipan,
Na kung saan ang isang mang-mang ay nakikipagtalastasan,
Habang taimtim na naka-upo sa isang sisidlan,
Umaasang ang hinanakit sa mundo’y mabawasan,

Tumaas ang balahibo,
Nanigas ang katawan,
Tila ba’y balisang-balisa,
Dahil sa bulkang nagbadya,

Isang patak.
Dalawang patak.
Tatlo.
Apat?

Ang kaninang pawis na nagmistulang butil-butil na kanin ay tuluyang tumagaktak,
Nais nang palayasin ang estrangherong sa madilim na kuweba’y nakatira,
Di magkandamayaw,
Samut saring emosyon,
Narito’t sa dibdib ay sumasayaw,
Kamao’y isinarado,
Linabanan ang nabubulok na estranghero,

Nagmatigas.
Nagmaasim.
Nagmalaki.
Tama na.
Sobra na.

Ako’y sawang-sawa na.
Itong mga pasakit at paghihirap ay umabot na sa sukdulan.
Ang pagtitimpi at pagpapanggap ay tuluyang tinuldukan.
Pikit matang pagpaling-paling ng mukha,
Na halos di ma-ipinta,
Kasabay ng pakikipaghabulan sa buntong hininga.

Alangang huni.
Alangang alulong.

Blag… Blag… Blag…

Tuluyang nabasag ng malakas na pagsabog
Ang nakabibinging katahimikan,
Sa wakas
Estranghero’y lumabas,
At sabay na nagsi-awitan ang mga anghel,
Nagsilabasan ang tunog ng ibat-ibang kulay.

Pag-asa’y natanaw sa kabila ng bahong sumingaw,
Ang nanggagala-iting ngipin ay nakapagpahinga,
Mga luhay tumulo dahil sa ginhawang nadama,
Ginhawang hindi ko madama sa mundong ating kinagagalawan,
Sa mundong mapanghusga,
Sa mundong punong-puno ng kasinungalingan,
Ginhawang sa Kubeta ko lamang nadaraman.

Kubeta ang nag-iisang lugar na aking pinagkakatiwalaan,
Ng mga sikreto,
Ng aking pagkatao.
Matatakbuhan sa oras ng pangangailangan,
Kubetang tanggap ang aking pagiging marupok,
Itong kwadradong silid na aking sandalan sa tuwina,
Na laging handang tanggapin ang lahat ng aking hinaing,
Handang taggapin lahat ng aking dumi’t sama ng loob,
Taga salo ng aking baho’t dinaramdam,
Dito’y hindi kailangang magpanggap,
Dito’y hindi kailangang maging matibay,
Dito’y hindi kailangang magmalinis,
Ngunit sa paglisan ay kailangang malinis,
Sapagkat sa labas ng kubeta ay may naghihintay na mundong mapanghusga,
Ang mundong mas mabaho pa sa amoy ng estranghero.