ni Lawrence Velasco

Ako ay isang babaeng mandirigma,
Gamit ang makabagong disenyo ng lanzeta,
Ay buong tapang na ipagtatanggol ang aming nasyon,
Mula sa naghihikahos na batas,
Mula sa mapang-abusong karapatan,
Mula sa madilim na karahasan,
Mula sa mga taong sarado ang isipan,
Mga nakulong sa masalimuot na bangungot ng kahapon,
Pagbabago’y pilit na ipinagtatabuyan kaya hindi makaahon.

Maliit ngunit matulis.
Maliit ngunit matalim.
Maliit ngunit handang makipagsabayan sa mahahabang espadang kanilang ipinagmamalaki.
Kayang patirikin ang mata ng kalaban,
Sa bawat paghiwa, pagsirit ng dugo ay masisilayan.

Talim sa talim.
Butas kung butas.
Ako ay mapangahas.
Tusok kung tusok.
Hindi man malalim sumisid ngunit lahat ay kayang patunayan,
Na sa bawat laban, hindi masusukat ang kagitingan ng isang mandirigma base sa kung gaano kahaba ang sandatang pag-aari nito.

Ito ang makabagong disenyo ng lanzeta,
Na hihiwa ng inyong isip upang ang pangit na kaisipan ay tuluyan mawala at hindi na isipin pa.
Hanggang sa, ako ay nagsawa,
Nanlamig at nanlamya ang aking paghahangad na mapalitan ang sandatang gamit ay bigla na lamang nagbaga.
Sira na ang aking bahay-tae,
Sa pagbabawas ay hindi na umiire,
Ako’y sawang-sawa na sa pakikipag espadahan,
Ayaw ko na sa labang ito.
Ayaw ko nang maging mandirigma.
Habang ako’y patungo sa isa na namang digmaan,
Hindi ko namalayang ako’y itinungo ng aking mga paa,
Hindi sa kuta ng kalaban kundi, sa karagatan, dito nakapagpasya,
Na iwan ang maliit kong sandata,
Upang maglakbay sa karagatan at mangisda,
Panandaliang hahanapin ang sarili manghuli’t mangolekta ng hinahangad kong kabibe.

Pero teka,
Hinga, ano nga ba ang kabibeng nais ko at nanaisin ng iba?
May kabibeng laging basa,
Meron din namang tuyo,
May maitim, makinis at mabalbon,
May kabibeng nakuha na ang perlas habang meron namang matagumpay na iniingatang mapanatili ang perlas nito,
May mga kawawang kabibeng nabubulok na ang perlas.
May malalaking kabibe ang iba nama’y maliliit,
Meron din namang masisikip,
Yung iba pa nga sobrang gamit na gamit na,
Ngunit ang pinaka nakalulungkot sa lahat,
Ay ang mga kabibeng nagpapagamit at ginagamit,
Mga kabibeng naabuso at patuloy na inaabuso.
Kaya’t sa aking paglalakbay,
Isa lamang ang napagtanto,
Ang kabibe ay kabibe,
Ano mang uri pa ito,
At kailan ma’y hindi masusukat ang iyong pagkatao base sa kabibeng iyong pagmamay-ari,
Buti ka nga may kabibe, Sana all.
Anak ng pinagpatong-patong na kabibe naman oo, kahit anong klase ng kabibe basta magkaron ako.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon,
Makabagong teknolohiya’y ginulantang ang buong mundo,

Buhay ang Diyos!

Sa unang pagkakataon,
Ang kabibeng hinahangad ko’y makakamtan ko na,
Ito ang pagbabagong matagal ko nang hinintay,
Sa digmaan ay marami na akong pinatay,
At patuloy na papatay upang makamit lamang ang tagumpay na hinangad,
At sa wakas ito’y natupad,
Mga taong nakaputi sa akin ay lumapit,
Sa kanilang ibinulong ako’y napapikit,
Agad na sumama’t ang nais ay pinilit.

Paggising sa umaga akoy napasigaw:

“puke ina”
“puke ina”

Puke na ina!

Samut saring emosyon ang sa aking dibdib ay tumatalon,
Luha ng lungkot pagod at kasiyahan ang sa aking mata’y tumulo,
Yakap yakap ang aking ama’t ina,
Sa wakas, matatanggap na ako ng lahat.

Ako’y ganap nang babae!

Hindi na mandirigma.
Kundi isang BABAE!

Pero bakit ganto,
Paglabas ko ng aking silid,
Mga utak na nakasilid ang sa akin ay gumulantang,

Bakit ganyan ka?
Bakit ganito?

Pano kung ganyan?
Pano kung ganito?

Sa impyerno raw ang hantong ko,

“Kahit anong gawin mo bakla ka pa rin”
“Kailan may hindi ka magiging babae”

Puso ko’y dinurog nitong mga matatalim na salita,
Mga samut saring batikos na sa simbahan pa magmula,

Masama bang maghangad?
Masama bang tupadin ang pangarap?

Hindi ko na alam ang gagawin pa,
Dito sa mundong mapanghusga.

Ngayon alam ko na.
Ako’y nagkamali.

Nagsayang ng pagod at oras para sa respetong aking hinahangad na makuha sa ibang tao.
Anak ng pinagpatong-patong na kabibe,
Ngayon alam ko na.
Hindi puke ang dahilan kung bakit ang isang babae ay itinuturing na babae.

Hindi lang basta puke!
Basta ang alam ko.
Bago pa man ang lahat.
Ako ay isa nang babae.
Isang babaeng mandirigma.
Babae by heart.
Tandaan nyo yan.

HINDI PUKE ANG MAGDIDIKTA NG INYONG PAGKABABAE.
HINDI PUKE ANG BASEHAN NG PAGKATAO NG ISANG BABAE.
HINDI PUKE ANG DAPAT GAWING BASEHAN NG RESPETONG IBIBIGAY SA ISANG BABAE.
PAGKAT LAHAT NG BABAE AY KARAPAT-DAPAT IRESPETO.
HINDI KAMI BASTA MAY PUKE LANG.
KAMI AY BABAE KAHIT WALANG PUKE.
AT SA MGA TAONG HINDI PA RIN KAMI MATANGGAP?
ANAK KAYO NG PINAGPATUNG-PATONG NA KABIBE.