ni Lawrence Velasco

Nakalulungkot isipin na napakaraming dapat magdusa,
Kababaihang gabi-gabing dinadalaw ni kamatayan habang nakahimlay sa kama.

Kasiping ang hinagpis at pasakit?
Bakit?
Tila ata walang nagmamalasakit?
Nasaan?

Ang batas na dapat ay tumuligsa sa karahansan Ano ang ginagawa ng mga taong may kapangyarihan?
Isa sa kada isang oras ang sa bansa’y ginagahasa,
Ngunit isa lamang itong maliit na porseyento,
Sapagkat karamihan sa kanilay nagtatago,
Sa dilim ng kahihiyan,
Sapagkat karamihan sa kanila’y natatakot,
Sa bangungot ng nakaraan,
Kay lakas ng boses ngunit di makasigaw,
Di makahingi ng saklolo,
Sa pag-aakalang wala nang makakapitan
Sa pag-aakalang ang batas ay para lamang sa mga mayayaman.

Hatol: silang kababaihan na hinubog ng karahasan ay patuloy na lalaban para sa hustisya at pantay na karapatan.

Christine Lee Silawan,
Labing anim na taong gulang nang magpaalam sa ilaw ng tahanan,
Ang sana’y magmimisa’y iba ang kinahantungan,
Mukha’t katawan ay binalatan,
Ginahasa’t literal na pagkatao’y hinubaran, Nagtamo ng tatlumpung saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Hatol: silang kababaihan na hinubog ng karahasan ay patuloy na lalaban para sa hustisya at pantay na karapatan.

Padre Daniel Baul ng Archdiocese San Fernando Pampangga,
Inakusahan ng labing pitong taong gulang na bata, Sa mismong tahanan ng Diyos,
Binastos ang kanyang sagradong katawan
Sa sagradong tahanan,
Sa murang edad ay nabahiran ang inosenteng kaisipan
Itong mga hipokritong tagapagpakalat ng salita ng diyos ay nagkalat,
Hindi lahat ng masasamang tao ay nasa likod ng rehas,
Ang iba’y nakakubli sa magagandang kasuotan,
Nasa simbahan.

Hatol: silang kababaihan na hinubog ng karahasan ay patuloy na lalaban para sa hustisya at pantay na karapatan

Pilipinas, bayan kong sinilangan.
Tayo’y umilalim at silipin,
Ang bahong nagtatago’y panandaliang pasingawin.

Kababaihan za ating bansa’y dinudumog ng iba’t ibang kalalakihan na nanggaling pa sa iba’t ibang panig ng mundo,
Sila’y bigyan ng saklolo,
Ating mga kababayan ay ginagawang palahian,
Upang batang bughaw ang mata’y makamtan,
Sapagkat malakas ang bentahan,
Samantalang ang kaawa-awang batang hindi papalarin na maibenta at mabigyan ng ama’t ina ay sa ilegal na bahay kupkupan ang kahahantungan,
Kung saan pakikipagtalik ang puhunan,
Habambuhay na magiging alipin ng madaya, mapang-abuso, at ganid,na mundo

Child pornography para sa salapi,
Makabagong teknolohiya para sa pagpapakita ng maseselang parte ng katawan,
Bilyon-bilyon ang bayaran,
Ang pangunahing salarin ay ang kahirapan,
Pilipinas ang nangungunang pinagkukunan,
Pinanggagalingan ng ganitong klaseng kaugalian.

Hatol: silang kababaihan na hinubog ng karahasan ay patuloy na lalaban para sa hustisya at pantay na karapatan,

Kababaihan kung ituring ay mababang antas ng lipunan,
Kay daling pagsamantalahan,
Ginagawang kagamitan na pagkatapos pagsawaan,
Ay itatapon sa basurahan.

Ngunit sa aking mahimbing na pagkakatulog ay sinilip ako ng liwanag,
Ginising ako ng mga sigaw,
Ng mga kababaihan,
Ng mga kalalakihan,
Sama-samang lumalaban,
Sabay-sabay na nagmartsa habang nakataas ang kanang kamay,
Mga inabuso, aabusuhin at patuloy na inaabuso ay ipinagtatanggol,
Tapos na ang madilim na kahapon,
Unti-unti nang nagkakapangil ang batas.

Sa wakas!

Mga biktima ng karahasan ay unti-unti nang lumalabas,
Nadampian ng liwanag ang madilim na kwartong kanilang pinagtataguan,
Nadampian ng pag-asa ang mga nanlulumbay na kaluluwa,
Gobyerno’y nabingi sa sigaw ng mga inalipusta,
At sa pagtama ng dalwang kahoy
Sa tatlong tunog na nagmula sa nag-umpugang kahoy.
Sa kauna-unahang pagkakataon,
Ang batas sa atin ay umayon.

Hatol: wala nang kababaihan ang makararanas pa ng karahasan, pantay na hustisya at karapatan ay tuluyang nakamtan.