ni: Jeffrey G. Delfin

Kay sarap maglaro sa aming bakuran
Malawak na lupain iyong makikita
Limampung bata ay kasyang-kasya
Nakakakilos ng malaya,
Nakapagtatawanan ng sama-sama

Kay sarap maglaro sa aming bakuran
Tumbang Preso ay kinagigiliwan
Hagis dito, hagis doon ng mga tsinelas
Parang eroplanong nagliliparan
Matamaan lamang ang latang walang laman

Kay sarap maglaro sa aming bakuran
Luksong-baka naman ang nilalaro sa may likuran
Sina ate at kuya ay nagsisipaglundagan
Sa likod ng taya na halos makuba
Ngunit hindi patitinag at hindi matutumba

Kay sarap maglaro sa aming bakuran
Ang mga batang paslit sa may tagiliran
Patintero naman ang pinagkakaabalahan
Ang mga taya ay nakabantay sa kanilang puwesto
Upang ‘di-malusutan ng mga kalabang tuso

Kay sarap maglaro sa aming bakuran
Sa may bandang harapan,
Tatsing ang siyang pinagkakaguluhan
Buto ng kasoy ang siyang pamato
Magwawagi na naman ang asintado