ni: Jeffrey G. Delfin

Una kong narinig ang iyong pangalan
Sa isang awiting pambayan
Tuwing Flag Ceremony ika’y nababanggit
Isang Pilipino na sa bayan ay nagmalasakit

Sino ka bang talaga Herminiano Peregrino?
Upang tanghaling isang huwarang Pilipino
Na kaya lagi kaming taas noo
Ipinagmamalaking maging Cabangeño

Bunga ng pagtatanong ng aking isip
Mabigyang kasagutan ang ‘di-malirip
Ako ay nagsaliksik sa iyong pagkatao
Madagdagan ang kaunting kaalaman sa iyo

Noong Pilipinas ay sinakop ng Hapones
Isa ka pala sa sundalong nagtanggol sa Zambales
Noong 1943 ng ika’y nahuli
Pinilit kang mga guerilya ay ipagbili

Pinuwersang magpakita sa Botolan Public Plaza
Inudyukang mga guerilya ay sumuko na
Imbes sundin ang inuutos nila
Hinikayat mo pang lumaban sila

Saludo ako sa iyong katapangan
Ipinagtanggol ang Zambales ‘di-lamang ang Cabangan
Isa kang bayaning ‘di dapat kalimutan
Lalung-lalo na ng mga kabataan