Ferdinand Pisigan Jarin

NANG TINANGGAL NA NI MAMA ANG SCOTCH TAPES na ipinandikit sa pambalot sa isa sa dalawang  regalo, mas nagtatanong ang utak ko kung para kanino ang mga iyon kesa sa pagkasabik kung ano ang laman nito   Hindi pa kami nakakatanggap ng anumang regalo ng kapatid ko sa aking pagkakatanda. Limang taon ako noon. Ang kapatid kong si Michael ay tatlo. Namimilog ang mata ng kapatid ko sa binubuksang regalo. Ako, nagtataka kumbakit may regalo. Kung talagang para kanino.

            Nang bumulaga na ang laruang motorsiklong de-susi mula sa unang regalo at laruang Tren  na de-baterya naman sa ikalawa, tuluyan nang na-plaster ang katuwaan sa mukha ng aking kapatid. Sa mukha ko, nganga ng pagtataka.

            Nakangiti at walang sali-salitang iniabot sa akin ni Mama ang motorsiklo at ang Tren naman sa aking kapatid. Si Tita Perlita, ang malayong pinsan ni Mama ay ngiting-ngiti rin habang pinagmamasdan kaming mag-iina. Siya ang nagdala ng mga regalo mula Maynila. Isang tanghali ‘yon, buwan ng Enero noong 1981 nang humahangos siyang dumating sa aming bahay sa Quinabuangan, isang sityo na kabilang sa Poblacion sa bayan ng Candelaria sa probinsiya ng Zambales. Mabilis na nagsungawan sa harap na bintana ang ulo naming mag-iina, pati na ng aking tatlong pinsan na sina Kuya Rowell, Chris, at ang kaedad kong si Mutya, ng sa tarangkahan pa lang ay sumisigaw na si Tita Perlita nang “ Ate Linda! Main akon awit Christmas Gift ibat ha Ibale!” ( Ate Linda, may dala akong Christmas Gift mula sa Maynila! )

            Mabilis kaming sumunod ng aking kapatid at mga pinsan kay Mama pababa ng bahay para salubungin si Tita  Perlita sa likurang-bakuran. Nailigtas kami nang biglang-pagdating ni Tita Perlita noong araw na ‘yon sa puwersahang pagpapatulog sa mga bata tuwing tanghali, na ayaw na ayaw namin dahil mas gusto naming maglaro. Doon, sa ilalim ng ipinasadyang bubong na pawid kung saan nakapuwesto ang mesa ng Mahjongan nila Nanay at Tatay ( ang aking Lola at Lolo ) , na idinugtong naman sa likurang dingding ng aming Palikuran, kinumpol namin si Tita Perlita. 

            “ Maabig ha awlo komuyo, Tia Floring, Tio Poling!” ( Magandang araw sa inyo, Tiya Floring, Tiyo Poling ), bati ni Tita Perlita kina Nanay at Tatay na noo’y nakaupo at nagpapahinga sa bakuran. Gumanti naman ng tango at ngiti si Tatay. “Iba’t ka ha Ibale? Itaw ka nag-Pasko?” (Galing ka sa Maynila? Doon ka nag-Pasko?”) nakangiting-tanong naman sa kanya ni Nanay. “Ya, Tia. Itaw ha Cembo. ” (Opo Tiya. Doon sa  Cembo )

            Matapos magpasalamat ni Mama kay Tita Perlita, may katagalang tiningnan ni Mama ang mata ko na nakatitig sa kanya matapos n’yang maiabot sa amin ang mga regalo. Si Michael, sumentro na ang munting mundo sa munting tren na hawak-hawak.

            “Ferdie, Michael, galing ito sa mga Ninong at Ninang n’yo sa Maynila.” Malumanay na sinabi ni Mama para sagutin ang mga tanong sa isip ko. Kilalang-kilala n’ya ako.

            Noon ko lang nalaman na may mga Ninong at Ninang din pala kami ng aking kapatid. Wala akong maikuwento tungkol sa kanila o tungkol sa anumang regalo nang magpasikatan ang ilan kong kalaro sa Quinabuangan nang nagdaang Pasko. Dahil nga walang naikukuwento si Mama sa amin. At sumasabog ang inggit at pagtataka sa batang-isip at dibdib ko noon. Inggit dahil wala akong maipakitang regalo mula sa mga Ninong at Ninang tulad ng sa kanila at pagtataka kung bakit wala kaming mga Ninong at Ninang doon sa Quinabuangan. O kahit mula sa ilang baryo pa na nakapaloob sa bayan namin sa Candelaria sa probinsiya ng Zambales.  Wala bang masyadong kaibigan si Mama? Hindi ba kami bininyagan?

            Noong tanghaling ‘yon, nasagot na ni Mama ang pinakatanong ko nang nagdaang Pasko.

            Pero lagi akong maraming tanong.

            “Ano po’ng pangalan nila?” Tanong ko.

            “Sa ‘yo, galing kina Ninang Minda at Rey mo. Kay Michael, kina Ninang Mayang at Julie n’ya.”

            “Taga-Maynila sila?”

            “Opo.”

            “ ‘Yong Cembo?”

            “Opo. Sa Makati ‘yon. Maynila rin.”

            “ Bakit doon sila nakatira Mama? Dati rin ba silang taga-rito sa Quinabuangan?”

            Napahinto si Mama sa pagsagot sa akin. Ewan ko kung bakit. Pero tiyak ko, nakita kong lumungkot ang mga mata n’ya.

            Si Tita Perlita na ang sumagot. Inagaw na n’ya ito sa natahimik kong ina.

            “Doon kasi kayo bininyagan. Magkakapit-bahay tayo dati roon. Doon kasi kayo dating nakatira, Dado ko.”  Masuyo at nakangiting-sagot ni Tita Perlita sa tanong ko.

            Mas natahimik ako kesa kay Mama. Naramdaman ko ang bigat ng hawak kong motor-motoran.

            Mabilis na itinakbo ng bulinggit na katawan ng aking kapatid  ang kanyang tren-trenan sa sala ng bahay at mabilis din namang sumunod ang tatlo ko pang pinsan sa kanya. Mas interesado sila sa laruang tren. Kasunod na nito ang ingay nila sa pagtatalo kung paano bubuuin ang riles ng tren-trenan hanggang sa mga batang-hiyawan dala ng sobrang pagkatuwa sa takbo at tunog ng laruan habang binabagtas ang paikot na munting riles.

            Umakyat na sina Nanay at Tatay sa kanilang kuwarto para mag-siyesta. Sina Mama at Tiya Perlita, nagsimula nang magkuwentuhan.

            Di ko pinansin ang kapatid ko at mga pinsan na maingay pa ring naglalaro ng tren-trenan nang madaanan ko sila sa sala. Tahimik, mag-isa, bitbit ang maraming tanong sa batang-isipan ko,  nang magtungo ako sa silong ng bahay.

            Doon sa silong namin noon, mas ramdam ko ang saya lalo’t  mas gusto kong mag-isa. Bukod sa pag-aayos ng salansan ng mga panggatong na kahoy na madalas iutos sa akin ni Nanay, dito ko rin pinapakialaman at nilalaro ang mga instrumentong ginagamit nila Tatay at ng kanyang banda sa tuwing nakagarahe ang mga ito kapag wala silang kontrata para tumugtog sa mga lamayan man o piyesta. Naroroon din nakatambak ang mga lumang teksbuk sa Elementarya, Science Laboratory Manuals at iba pang babasahin na pinaglumaan ng aking mga nakababatang Tiyahin at Tiyuhin na noo’y nasa Hayskul na. Lagi akong sabik noon na basahin ang mga ito kesa sa paglalaro lalo’t nagugustuhan ko ang mga kuwento na nakasulat sa Filipino. Kahit ang mga nakatambak na mangilan-ngilang babasahin na ipinamimigay ng mga Social Worker sa Munisipyo. Marami rin kasing mga nakakatuwang kuwento dito ang nabasa ko mula sa kung paano ang wastong pagtatanggal ng Kuto at Lisa sa  ulo ng mga bata , pagtutule (na lubos kong kinatatakutan ang pagdating ng araw noon ) hanggang sa wastong pagpaplano ng pamilya. Ipinapaalala nila ito sa paraan ng pagko-Komiks na nagtulak sa akin na maging laging sabik din sa pagbabasa ng Komiks nang tumatanda na. Apat na taon pa lang ako nang simulan at matiyagang turuan ako ni Mama na magbasa gamit ang ABAKADA. Kaya nga noong taong ‘yon, kahit anim na taon ang kinakailangang edad ng isang bata bago makapag-Kindergarten, pinayagan ng eskuwelahang-pang-Elementarya ng Candelaria na ipasok na ako sa Kinder kahit na limang taon pa lang ako.  Mabilis na nga raw kasi akong magbasa.  Mas una ko kasing nakilala  ang konsepto ng Library sa silong ng aming bahay noon kesa sa paaralan.

            Sa loob ng silong nang tanghaling ‘yon, unang beses kong di rin pinansin ang mga kahoy, instrumento at babasahin.

            Marahan kong ibinaba sa lupa ang motor-motoran. Hindi ko muna sinusian. Iginulong-gulong ko muna ito sa lupa. Nagkahugis sa lupa ang mga diretsong linya, paikot na linya, at mga linyang di-tiyak kung saan pupunta na iginuhit ng mga mumunting gulong ng laruan. Ilang sandali pa, mga salita na ang mga iginuhit sa lupa ng gulong ng laruan.

            Maynila. Makati. Cembo. Mama. Michael.

            Dati pala kaming taga-Maynila. Kaya pala iba ang tono nang pagta-Tagalog ng mga kalaro ko at kaklase at Sambal silang mag-usap-usap sa isa’t isa pati sa loob ng kanilang mga bahay di tulad namin nila Mama at Michael. Kahit nila Nanay at Tatay at ng aking mga pinsan.

            May iginuhit pang salita ang gulong ng motor-motoran sa lupa.

            Papa.

            Tahimik at tuloy-tuloy na dumaloy ang luha sa batang pisngi ko noon. Naputol ko ang pihitan ng susi ng motor-motoran nang magdesisyon akong patakbuhin na ito ng kusa.