SI ARNOLD MATENCIO VALLEDOR, may asawa at apat na anak, Punongguro II ng isang pampublikong paaralan sa Catanduanes ay naging fellow ng 10th Ateneo National Writers Workshop taong 2010. Nagsalin sa Bikol Norteng Catandungan ng ilang tweets ni Dr. Rolando B. Tolentino sa aklat na #Pag-ibig (2014) at ng ilang tula ni Dr. Allan Popa sa aklat na Hunos (2016). Napabilang ang tatlong tula sa aklat na An Satuyang Kakanon sa Aroaldaw na tinipon at isinalin sa Filipino ni Kristian Sendon Cordero taong 2015.

Nalathala ang mga akda (maikling kuwento, maikling-maikling kuwento, dagli, maikling kuwentong pambata, tula, artikulo at tapusang komiks) sa Liwayway Magasin. Nalathala ang maikling kuwento at tula sa ANI 40, Cultural Center of the Philippines Literary Journal (2018). Kabilang ang tatlong dagli sa LAGDA: Journal ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at isa sa antolohiyang AKSYON: Dagli ng Eksenang Buhay ng 7 Eyes Productions (2020). Kabilang ang maikling kuwento sa antolohiyang BALINTUNA: Mga Kuwentong Kakatwa, at ilang tula sa antolohiyang LAKBAY: Mga Tulang Lagalag ng 7 Eyes Productions (2020); tula sa Kasingkasing Nonrequired Reading in the Time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020); at maikling kuwento sa antolohiyang BALLIGI: Mga Kuwentong Tagumpay at Pagpupunyagi ng KAISA (Kapisanang may Adhikain na Itaguyod ang Sining sa Akademya) (2020).

Mapapabilang ang tatlong tulang pambata sa inihahandang antolohiya nina Dr. Eugene Y. Evasco at G. John Ronnel G. Popa na may tentatibong pamagat na Managinip, Mangarap: Mga Tulang Pambata sa Panahon ng Pandemya.

Nanalo ng Unang Gantimpala sa Gawad Obrang Literaturang Bikolnon noong nakaraang Mayo 31, 2020 sa Kategoryang Pinakamatanos na Parausipon (Pinakamahusay na Manunulat [ng Maikling Kuwento]), at Ikalawang Gantimpala sa Kategoryang Pinakamatanos na Pararawitdawit (Pinakamahusay na Makata) na pinangunahan ng Kaboronyogan kan mga Artistang Bikolano.