Kilala bilang Ambrocio Escalante Pascua, túbong Talavera, Nueva Ecija. Nagtapos ng BSIE sa Nueva Ecija University of Science and Technology. Isang guro, magsasaka, electrician, karpintero, makata, mandudula at nagsusulat ng awit.

Nagsimulang magsulat ng tula noong 2002 at gumamit ng sagisag panitik na Kumander Tagay para sa programang IKAW at AKO sa LIKOD ng TULA sa himpilang ng radyo DWNE sa Nueva Ecija na kung saan naging mambabalagtas din sa palatuntunang PAMBAYANG BALAGTASAN.

Naging kasapi ng Kapisanan Ng mga Makata sa Gitnang Luzon (KAMAKATA) na itinatag ng makatang Ric Linsangan noong 1975. Naging kasapi ng Pusong Makata Inc. noong 2017.

Naging fellow ng Linangan sa Imahen Retorika at Anyo noong 2018 at naging miyembrong kilala bilang KT noong 2019.

Naging fellow ng Ikalawang Palihang Lazaro Francisco noong 2019 at nagwagi ng Unang Gantimpala sa Unang Gawad Lazaro Francisco 2020 sa kaniyang tulaing Noon, Kung Tulaing ang Búhay sa Bukid.

Naging direktor ng Ikatlong Palihang Lazaro Francisco noong 2020. Kabilang ang kaniyang mga koleksiyon ng tula ay nailathala sa aklat na Simsim at Salamisim(Ikatlong Pagsasalin, 2018), Baga (Mga Piling Tula Mula sa LIRA Fellows, 2018), Gasera:Wika ay Laya (Samahang Lazaro Francisco, 2021) Reséko (Antolohiya Ng mga akdang nagwagi sa Unang Gawad Lazaro Francisco at iba pang akdang Bukid, 2021).

Inilathala ng Krung Gallery of Written Dreams Publishing ang kaniyang dalawang aklat ng tula, Mga Hunos sa Banos (2019) at Bitak-bitak na Pitak (2021). Gayundin ay nakapaglabas siya ng dalawang zine, Diga at Ligaw (2020).

Attachments