Binigyan tayo ng boses para magsalita. Sa ikalimang episode ng GANAP, “So What, Chocnut: Pista ng mga Tula at Awit Laban sa Red-Tagging at Red-Shaming,” ipagdiriwang at ipaglalaban natin ang pagprotesta. Gaganapin ito sa ika-29 ng Hunyo, alas otso hanggang alas nuwebe nang gabi (8-9n.g.). Ang episode na ito ay co-sponsored ng Bookshelf PH.

13th month pay, maternity leave, libreng edukasyon, mass testing, at libreng bakuna laban sa COVID-19—iilan lamang ito sa mga bagay na pinakikinabangan natin na nagmula sa walang humpay na pagdemanda ng taumbayan para sa ating mga karapatan. Ngunit mayroong kultura na tinatawag nating red-tagging at red-shaming, na nagiging sanhi ng pag-aresto, at kung minsan, pagpatay, ng mga kababayan nating lumalaban para sa bayan. Kaya pati ang ating karapatang magsalita, kailangan pang ipaglaban.

Maaari nating gamitin ang ating mga boses upang linawin na walang mali at dapat ikahiya sa pagpo-protesta. Sa episode na ito, kasama natin ang mga kilalang makata na sina Joi Barrios, Nicolas Pichay, Marra Lanot, Krip Yuson, Rio Alma, Joey Baquiran, Luna Sicat, Marj Evasco, Vim Nadera, Gemino Abad, Roland Tolentino, Lourd de Veyra, Fidel Rillo, at Boni Ilagan (na magbabasa para kay Bien Lumbera). Tunghayan rin ang mga mang-aawit na sina Monique Wilson, Becky Demetillo, Rica Saturay, at Upeng Galang. Kasama rin ang iba pang panauhin gaya nina Carol Araullo at Bibeth Orteza. Sina Noel Ferrer, Marian Roque, at Jina Umali ang mga magiging tagapagpadaloy sa programang ito.

Mula sa pagtayo ng mga community pantry hanggang sa patuloy na pagtaguyod natin sa West Philippine Sea, napakaraming isyu na nangangailangan ng ating boses. Tuklasin natin ang ating tinig sa darating na pista ng mga tula at awit sa ikalimang episode ng GANAP!

#ProudToProtest #NoToRedTagging

###