Ang sabi ni Lea Salonga, “What a journey it has been, and the end is not in sight.” Ang pangako naman ni Sarah G., gagawin niya ang lahat, kahit pa “tahakin ang kilome-kilometrong layo,” basta “sa huli ay tayo.”

Ano naman kaya ang paglalarawan sa paglalakbay ng mga manunulat na LGBTQIA+? Saan-saan na kaya nakapunta ang mga manunulat, saan pa gustong magpunta? Ano ang naging epekto ng mga paglalakbay na ito sa ating mga pagnanasa at paglulunggati, sa ating mga ugnayang sexual at romantiko, sa samu’t saring network ng relasyon na kinabibilangan ng LGBTQIA+? Sa panahon ng COVID-19, anong negosasyon ang nagaganap sa ating pang-araw-araw na reyalidad at sa mga alaala ng ating mga paglilimayon? Ano na ang nangyari sa mga booking, sa mga engkuwentro sa mga kaakit-akit na estranghero, sa pagtuklas ng mga panibagong paraan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa, mga panibagong paraan ng pagtuklas sa ating mga pagkatao? Saan kaya patungo ang mga kuwento natin ng paglalakbay, bilang mga indibidwal, bilang isang dinamikong komunidad, bilang isang bansa?

Layon ng antolohiyang DestiNasyon: New Philippine LGBTQIA+ Travel Prose na tipunin ang samu’t saring artikulasyon ng danas ng paglalakbay ng mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+. Nais bigyang-diin ng antolohiya ang pagsasanib ng politikang pang-indibidwal at panlipunan. Totoong nalimitahan ang ating pisikal na paglalakbay, pero hindi ito nangangahulugang walang paglalakbay na nagaganap. Nariyan ang ating paglalakbay sa panahon ng pandemya, mula sa simpleng paglalakad, pamimisikleta, hanggang sa panibagong hamon ng pamamasahe na may social distancing protocols. Nariyan din ang ating nabigasyon sa masalimuot na dagat ng social media, ng internet, ng ating buhay virtual. Matagal nang lumiit ang mundo dahil sa transpormasyon nito bilang isang global village, pero higit kailanman, damang-dama ito ngayon, habang kailangan nating manatili sa kanya-kanyang tahanan para sa ating pisikal na kaligtasan. Patuloy na binabago ng pagsala ng virtual sa akto ng paglalakbay ang ating ugnayan sa lugar at kapwa tao.

Maaaring tingnan bilang halimbawa ang mga akdang isinulat ng mga manunulat na LGBTQIA+. Inilalarawan ni Eugene Evasco sa “Ang Mapa ng Taglagas sa Aking Maleta” ang pagbisita niya sa Munich, Germany bilang isang manunulat at mananaliksik ng panitikang pambatang LGBT. Ang “It’s a Crazy Planets: Mga Stopover sa Other Space” naman ay isang maikling kuwento ni Aristotle Atienza na binubuo ng pira-pirasong salaysay tungkol sa nabigasyon ng virtual na espasyo, partikular ang online dating, sa Planet Romeo. At para sa pisikal at di-pisikal na paglalakbay ng isang queer na propesor sa panahon ng pandemya, nariyan ang “Buhay Qua Ranting” ni Ronald Baytan.

Ang mga ipapasang akda ay maaaring maging katha/maikling kuwento o personal na sanaysay/creative non-fiction, maaaring nakasulat sa Filipino o Ingles. Maaari ring magpasa ng katha o sanaysay na nakasulat sa wikang rehiyunal, basta mayroong salin sa Filipino o Ingles. Ang salin ang bibigyan-konsiderasyon sa antolohiya. Kung kinakailangan, maaaring gumamit ng pseudonym ang mga magpapasa ng kanilang mga akda. Iginagalang ng mga editor ang karapatang maging pribado ng mga nais mag-ambag sa antolohiya. Ang mga editor ay sina Rolando Tolentino at Chuckberry Pascual.

Maliban pa sa mga halimbawang nabanggit sa itaas, narito ang ilang mungkahing paksa o isyung maaaring sipatin sa mga akda gamit ang lente ng paglalakbay:

• Online dating
• Hook ups, ONS
• Virtual na pagnanasa
• Mga bagong relasyong bunga ng new normal
• Pagninilay sa pandemya
• Curation ng “biyahe” sa social media
• Pagharap sa traumatikong karanasan
• Pagharap sa mga isyu ng diskriminasyon
• Pagbabago ng identipikasyon ng sarili
• Paglikha bilang queer na indibidwal
• Iba’t ibang isyung may kinalaman sa SOGIE

Ang manuskrito ay kinakailangang double-spaced, maximum ng 20 pahina. Maaaring ipadala ang mga submisyon o katanungan sa [email protected] Magsama ng tatlong pangungusap na bionote, at sertifikasyon na ito ay orihinal sa awtor at hindi pa nailalathala. Ang deadline ng pagpapasa ay sa Enero 31, 2022.

Kaya huwag nang magpatumpik-tumpik pa at magpasa na! Sabi nga ni Ate Reg, “tara, biyahe tayo!”

(c) Ang mga retrato ay mula kay Chuckberry Pascual, Rolando Tolentino, at sa http://www.artesdelasfilipinas.com/archives/50/the-manunggul-jar-as-a-vessel-of-history?fbclid=IwAR1D49pJDSs8cLkR171AekWUca5x71vsRM9bH3v5yE18WOgXWzY5c4L5Xzs