Jerwin Bilale Uy

Hindi naman kami ganuon kalapit. Bilang lamang din sa daliri ang mga pagkakataon na nagkausap kami na kadalasa’y dahil siya ang laging napag-iiwanan ng aking ina ng susi sa inuupahan naming bahay. Iaabot niya sa’kin ang susi nang nakangiti’t magpapasalamat ako. Ganu’n lamang ang siste ng aming mga konbersasyon. Madalas ko siyang masulyapang tulala, malalim ang iniisip, pirmi ang upo sa maliit na upuang kahoy sa tapat ng kanilang bahay samantalang ang malay ay lumilipad sa kung saang lugar na malayo sa mga ingay ng sasakyan sa katabing kalsada, di alintana ang kaabalahan ng lungsod. Nakatira siya kasama ng mga kapatid na may kanya-kanyang pamilya sa ibabang bahagi ng apartment. Nirerentahan namin ang ikalawang palapag. Umeekstra-ekstra sa pagmamanicure kahit pa manager na ang kanyang anak ng isang kilalang fast food restaurant kaysa walang mapagkaabalahan. Laging nagpapalinis ng kuko sa kanya ang aking tiyahin. Wala akong alam tungkol sa kanyang asawa.

Noong mga nakaraang dalaw ko sa Maynila bago pa magkaroon ng lockdown, napansin kong lagi na siyang nakasuot ng mga balabal na mayroong iba-ibang kulay. Asul, lila, luntian at iba pa. (Niregaluhan niya rin ng kahel na balabal ang aking ina noong kanyang kaarawan). Nagbabalat ang kanyang mga labi’t mas lalong bakas sa kanyang maputlang mukha ang kalungkutan sa tuwing madadatnan ko siyang nakatanghod sa kawalan. Abala rin siya, kasama ng mga kapatid sa bago nilang negosyo: lugawan. Tuwing hapon ay nagluluto sila ng lugaw at iba pang pang-meryenda na agad namang nauubos sa magdamag. Nuong hapong iyo’y bumili ako ng lugaw at nataong siya ang bantay. Pirmi ang kanyang mga labi habang inaabot sa’kin ang lugaw. Hindi na niya ko nagawang ngitian pero nagpasalamat pa rin ako. Batid kong hindi niya iyon kasalanan.

Iyon na pala ang huling beses na makikita ko siya. Kababalita lamang ng aking Ina na pumanaw na si Aling Eyang. Ilang araw daw itong hindi naglalabas dahil sa iniindang sakit. Natigil ang kanyang regular na konsultasyon at maintenance buhat ng lockdown. Kahit ano’ng pilit ng mga kapatid niya’y hindi na siya nagpa-ospital dahil sa takot na tamaan ng virus ngunit mas higit sa nakaambang gastusin. Nagulat na lamang ang lahat nang akmang gigisingin siya ng kanyang pamangkin ay hindi na ito umiimik. Kulay lila na, kagaya ng kanyang balabal ang kanyang mga daliri. Kinremate agad siya kinabukasan.

Nuong huling dalaw ko pala’y katatapos lamang ng operasyon niya mula sa kanser sa bituka. Kapag nabuhay pa raw siya hanggang limang taon ay suwerte na siya, pagtatapat ng duktor. Hindi ko alam kung paanong haharap sa mga ganuong depinidong palugit ng hangganan. Hindi ko rin alam kung saan siya nakahugot ng lakas ng loob upang dalhin ang ganuong kasunduan sa kamatayan sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Maski ako’y kinakapos sa mga salita gawa ng sariling kahinaan. Pagkat nababatid lamang natin ang takot, na hindi pa [pala] tayo handang lisanin ang buhay sa mga panahong tiyak na ang katapusan, sa mga panahong huli na ang lahat. Sa mga panahong kagaya nito na tila ba lahat ng iyong mahal sa buhay ay maaaring basta na lamang mawala sa isang iglap. 

Hagulgol daw nang hagulgol ang anak ni Aling Eyang. Pano’y may samaan pala sila ng loob, kuwento ni Mama. Hingi raw ito nang hingi ng tawad habang dala-dala sa stretcher ng mga rumespondeng trabahador ng funeral service katulong ang ilang kamag-anak upang ipasok ito sa kanilang sasakyan. Ngunit paano makapagpapatawad ang katawang pinanawan na ng kaluluwa’t hininga? Paano makukumpuni ang napigtal na relasyon at distansya sa kabila ng pagyakap, paghalik at pagluha? Ang tanging magagawa mo na lamang ay manuod sa iyong sariling kabiguan; walang puwang ang mga pagsisisi sa harap ng pamamaalam.

Hindi na ganoon kahigpit ang restriksyon ngayon kaya mas madalas na akong nakauuwi ng Maynila. Ngunit sa tuwing malapit na sa bahay, hindi ko pa rin maiwasang lingunin ang maliit na upuang kahoy, bahagyang umaasa na isang matandang babaeng nakabalabal ang mag-aabot ng susing inihabilin ng aking Ina, nakangiti sa akin.