Jazz Reformado

Sampung taon mula noong umakyat nang matarik ang sales ng mga jacket sa ‘Pinas. 

Sa unang taon, umakyat nang kakaunti sa bandang norte – karaniwan para sa mga naninirahan sa mga lugar na ‘yon ang pagpanik ng benta ng mga kasuotang panlamig noong panahong tumama ang bahagyang mga pagbabago sa klima. Malamig sa Baguio, kaya nga pinupuntahan tuwing tag-araw, mano bang makatakas lamang sa nakababalisang init ng Kamaynilaan nang pansamantala. 

Nagsimulang bumaba ang temperatura sa mga karatig-rehiyon, gumapang ang ginaw pababa ng mapa na tila nagbabagang lava. Kung igo-Google mo sa Youtube ang mga tao sa Hawaii na binibidyo ang pagtupok ng lava mula sa pumutok na bulkan sa kanilang mga kabahayan – ganoon! Mabagal, maari mo ngang panoorin habang ito’y gumugulong sa lupa, subalit wala ka nang magagawa sa oras na palibutan nito ang iyong mga ari-arian. Deds na. Ganoon. 

Ganoon ang paggalaw ng lamig sa buong bansa, hanggang sa ‘di nagtagal ay malamig na maski sa kasuluk-sulukan ng mga likod ng mga air-con

Hindi ako nagbibiro. Huling tsek ko’y negative 25 na ang katamtamang klima sa Maynila, na tipong lahat ng apat na bentilador namin sa bahay ay nakasilid na lamang sa bodega.

“Baka magamit pa pagkatapos,” sambit palagi ng aking lola habang minamasahe ang kaniyang masasakit na mga kasu-kasuan.

Ika-23 ng Pebrero, mag-iisang taon mula noong naitala ang pinakamababang sukat ng temperatura Maynila, mag-iisang taon na rin mula noong ginawang mandato ng gobyerno ang pagbabawal sa pagpasok sa mga paaralan at mga opisina gawa ng sunod-sunod na mga blizzard, alas-tres ng madaling araw – kausap ko ang aking mga ka-grupo sa Social Sciences 1 habang inihahanda ang aming presentasyon patungkol kay Michael Foucault, nang nayanig ang camera ng isa sa aking mga kaklase.

“Putang ina.”

Nakita ko pang naging ulap ang kaniyang hininga sa aking screen habang nakatitig sa kaniyang bandang kanan, ang kaniyang mura’y natunaw sa kawalan. Tumigil ang oras nang panandalian, lahat kami sa bidyo call ay naka-abang sapagkat kung nasaan man ang ka-grupo ko na iyon, kung ano man ang kaniyang naririnig o nakikita, ay siyang papalapit na rin sa aming lahat.

Lima – sampu – labinlimang segundo ang lumipas nang marinig ko ang unang malakas na kalabog sa aming bubungan. Noong umpisa’y isa lamang, na naging dalawa, tatlo – kalauna’y ang matitinis na pagtama at pagkaluskos ng kung ano man ang bumabagsak mula sa langit ay naging buhos. 

“Ulan?!” rinig ko mula sa aking laptop. Isinigaw ito ng aking ka-grupo sa lakas ng pagdaluyong ng bagyo. Kaunti na lang ri’y halos mabingi na ang aking mga tenga.

“Masyadong malakas!” sagot ng isa pa. 

Ilang segundo pa ang lumipas at nawalan na ng kuryente ang aming bahay. Naputol ang bidyo call, malaki ang tsansang hindi namin maipe-presenta ang ginagawa naming groupwork, at wala pang ilang minuto’y dumungaw na ang aking ama sa aking kwarto. 

Kinabukasan noon, ang sabi sa balita’y pansamantala lamang ang pagbuhos ng hale

Hale! Ang alam ko lang dati sa hale ay banda – ngayon, walang dalawang araw na hindi mapupuno ang aming alulod ng mga tipak ng yelong ito na minsan pa nga’y bumubutas sa aming bubong.

Ang sabi sa mga sumunod na brodkast, hinihikayat na ang lahat na magsimula nang mag-ipon ng supply ng pagkain, tubig, at gamot. Delikado na ngayon ang paglabas-labas sapagkat kahit pansamantala lamang ang mga ganitong pangyayari, mabuti nang maging handa sa mga susunod na pagkakataon. Samantala, magde-deklara ang estado ng Batas Militar upang labanan ang niyebe at lamig.

Walang handa, sa totoo lang.

Ang jacket, mga medyas, at kumot – lahat ng ito ay mayroon sa aking aparador. Karamihan ng mga medyas ko’y maninipis, kalakhan ay may mga butas na kayang pag-dungawan ng aking mga daliri sa paa. Lima nito ang sinusuot ko sa ilalim ng mga medyas na aking binili noong nahilig ako sa football. Ang kumot ng aking lola ay magta-tatlong dekada na niyang ginagamit, na kung tutuusi’y mas marami pang butas kesa sa ilong ng pangulo. Sa tuwing lalabas si Papa upang bumili ng pagkain namin para sa linggong iyon, maski ang jacket na suot naming tatlong magkakapatid, ni Mama, at ni Tita, ay kaniyang ipapatong sa isa’t isa. Tanging si lola lamang ang matitirhan ng kasuotang panlamig.

Pansamantala, nakahiligang sambitin ng mga tao sa Malacañang. 

Maraming bagay sa mundo ang pansamantala. Tao, hayop, kalungkutan, mainit na sabaw, niyebe. 

Trono.