Mark Dorado

Kami na Galing sa Ibaba

Photography by George Steinmetz, National Geographic Magazine (2013)

Sa bubungan namin lagi isinasabit upang patuyuin ang aming basang medyas.

Sa paraang ganoon lang ang paa namin lumulutang,  higit pa

sa anim na talampakan ang layo sa palagi naming kinatitirikan, 

ng mga nauna sa amin at sa kanuno-nunuan  na nabaon na sa paniniil

ng dumi at putik ng kalunsuran. At kung magdarasal, umiigpaw pa ang aming lipad sa

makipot na bukana ng bubong kung saan  lamang maaaring makasisilip ang Poon.

Tumitingala sa mga santong nakabigting parang nabubulok na paa ng baboy. 

Nananalangin na nawa’y makarating sa paanan ng langit ang alingasaw ng alipunga.

Ang Teorya ng Invisible Hand

“Itak sa Puso ni Mang Juan (1978)” by Antipas Delotavo

Nang akinse ng buwan,

bitbit niya ang pinutol niyang kamay

upang ipanghapunan sa mga supling.

Minaigi niya itong pinulupot sa diyaryo

bilang panabik sana sa mga dilang 

nagkalasog-lasog na sa pagdidildil sa asin,

ngunit nilamutak na ng dugo 

ang nakatapal na mukha ng sikat na artista.

Pinunit. Binura ang mga balita 

na tila wala ng kasaysayang naganap.

Wala na ang balita ng patayan. Ng kahibangan ng politika.

Ng mga nagmamahal. Ng mga nagmamahalan. 

Ang kasalukuyan ay nakasilip lamang sa butas nilang sikmura.

Sapat na marahil iyon. Para sa panglingguhang konsumo. 

Panghuli ang mabuto’t kinakalyo na mga daliri

na hindi madaling nguyain at tunawin

 ilang araw pa ang itatagal.

Sa katapusan, aasahan niya namang

mapuputulan siya ng isa pang kamay.

Mga lihim na pamamaalam sa panahon ng pandemya

huling nagkalapit ang ating kamay 

noong ipinaubaya mo sa akin ang iyong lihim,

nang isinuko mo ang iyong kabuuang

nakabalot sa itim na plastik.

laman nito ang iyong pinaghubaran

pinagduraan,

ang lahat ng bagay na dumungis sa pagkabanal ng isang tao,

at kung ano pang hindi na dapat masagap at mahawakan ng ninuman.

Iniabot mo itong may paalala’t pananalig sa akin

na bibitbitin ko itong lihim sa tama nitong hantungan,

tahimik, 

walang nakakaalam,

gaya ng iyong pamamaalam.