Rosalie Arcillas

Matagal nang pinagmamasdan ng bata ang isang puti at mataas na pigura na naka display lamang sa kanyang silid. Mayroon din na singtulad ng pigura sa silid ng kanyang mga magulang, ngunit hindi ito kasing tangkad ng pigurang nasa kanyang silid. At ang ikinapagtataka ng bata ay ang sindi sa taas ng pigurang nasa silid ng magulang niya samantalang ang kaniya ay wala nito. Tanging isang maliit na sinulid ang nakalagay sa pinaka taas ng pigurang nasa kanyang silid.

Kandila. Kandila pala ang tawag sa pigurang ito. Wika ng bata sa kanyang isipan.

Matagal na hinintay ng bata ang pagsisindi sa kanyang kandila dahil sa wakas, magiging katulad na ito ng kandila ng kanyang magulang.

Labis ang pagkamangha ng bata sa tingkad ng apoy mula nang ito ay kanilang sindihan. Sa wakas, ang aking sariling kandila.

“Alagaan mo ang iyong kandila. Huwag mong hahayaang mamatay ang apoy. At huwag mong hahayaang mabali at madurog ito. Iisa lamang ang iyong kandila” wika ng kanyang magulang. “Kapag nanghihina na ang apoy, tawagin mo kami. Ngunit kapag kami’y wala sa iyong tabi, gamitin mo ang dalawang bato na ito para muling sindihan ang iyong kandila.” wika ng kanyang mga magulang at ipinakita sa dalaga kung paano ito gamitin. Tila ba ay kay dali lamang nitong gawin. Di kalaunan ay lumabas na sa silid ang kanyang mga magulang at iniwan na ang bata sa loob matapos ang seremonya ng pag sindi ng kandila.

Ilang araw, buwan, at taon ang lumipas ay inaalagaan ng bata, na ngayo’y dalaga na, ang kaniyang kandila. Pinanatili ng kanyang mga magulang ang sindi sa kanyang kandila. Sa tuwing nanghihina ang apoy sa kandila ng dalaga ay muli itong pinapalakas gamit ang apoy sa kandila ng kanyang mga magulang.

Lumiliit na ang kandila

Sa tagal ng panahon ay napansin ng dalaga ang pag-iksi ng kandila. Hindi lamang ng kanya, ngunit pati na rin ang kandila ng kanyang mga magulang. May patak na umaagos sa gilid ng pigura na marahil ay dahilan ng pag-igsi ng kandila.

“nalulungkot po ba ang kandila?” tanong ng dalaga.

“pawis ang tumutulo sa kandila, anak. Ang pawis na tumutulo sa kandila ay dahil sa malakas na pag liyab ng apoy” sagot ng kanyang magulang.

Pero sa palagay ng dalaga ay luha ang tumutulo sa kandila. Nag-iisa ito at nasa isang kulong na silid. Marahil ay nalulungkot ang kandila.

“Maaari ko po bang ilabas ang kandila?” tanong ng dalaga sa kaniyang magulang.

“Mas magiging ligtas ang apoy ng kandila kung ito ay mananatili sa loob ng silid. Mas magiging ligtas ito kung ito ay mananatili sa kanyang kinalalagyan” mariin na sagot ng kanyang mga magulang.

Ngunit hindi kumbinsido ang dalaga. Kinagabihan, pasikretong lumabas sa silid ang dalaga dala-dala ang kandila. Lumabas ito sa kanilang bahay at laking gulat niyang kadiliman ang bumungad sa kaniya. Ang apoy sa kaniyang kandila ang nagsisilbing ilaw sa kanyang daraanan.

Sa kanyang paglalakbay ay nakasalubong niya ang iba’t ibang tao na mayroon ding bitbit na kandila. Ngunit kapansin pansin ang pagkakaiba sa hugis, tangkad, at liyab ng apoy ng mga ito.

Hindi naglaon ay namatay ang sindi ng kanyang kandila. Nahirapan siyang makakita sa dilim. Inilabas niya ang dalawang bato na makapagbibigay raw ng apoy sa kandila, ngunit hirap na hirap siyang gamitin ito. Huminto ang dalaga sa isang gilid ng kalsada at nagmukmok. Kung sinunod ko lamang ang payo ng aking mga magulang, marahil ay may sindi pa ang aking kandila.

“anong ginagawa mo dito, munting dalaga?” tanong ng ginang na napatigil sa kanyang harapan. Ipinakita ng dalaga ang walang sindi na kandila. Napangiti ang ginang sa dalaga.

“Hindi ba dapat hinahanap mo ang bagay na makapagpapabalik ng apoy sa iyong kandila?”

“Ngunit hindi po gumagana ang pagkiskis ng dalawang bato” wika ng dalaga na muling ikinangiti ng ginang. Isinilid ng ginang ang kanyang kamay sa kaniyang bulsa at inilabas dito ang posporo.

“Baka hindi iyan ang tamang bagay na makapagbibigay ng apoy sa iyong kandila. Bakit hindi mo subukang tahakin ang ibang daan at maghanap ng bagay na mas madaling makapagbibigay ng apoy sa iyong kandila?” nakangiting wika ng ginang na kalaunan ay naglakad na muli.

Sinunod ng dalaga ang payo ng ginang at tinahak ang ibang daan. Ngunit habang naglalakad ay nakasalubong niya ang kanyang mga magulang. Galit, pag aalala. Hindi niya mabasa kung ano ang nararamdaman ng magulang sapagkat madilim ang lugar at wala na ang apoy sa kaniyang kandila.

Bumalik sila sa kanilang tahanan at muling ibinalik sa silid ang dalaga. Dala-dala ang sarili nilang kandila, muli nilang sinindihan ang kandila ng dalaga. Ngunit hindi maalis sa isipan niya ang nakita sa labas ng tahanan. Bakit ang kanyang kandila ay sinisindihan ng kanyang mga magulang ngunit ang mga tao sa labas ay may kanya-kanyang materyales para masindihan ang sariling kandila?

Muling pina alala ng kanyang mga magulang ang silbi ng dalawang bato ngunit nang subukan niyang gamitin ito ay hindi niya magawa ang lumikha ng apoy. Nawawalan na siya ng pasensya at sa sobrang inis ay kinuha niya ang kandila at akmang ihahagis ito dahil sa sobrang inis ngunit natandaan niya ang sinabi ng mga taong kaniyang nakasalamuha, kabilang na ang kanyang mga magulang.

“Iisa lamang ang iyong kandila”

Muling ibinalik ng dalaga ang kaniyang kandila sa kinalalagyan nito at sa halip ay lumapit na lamang siya sa bintana at tinanaw ang kaganapan sa labas ng tahanan.

“Kailan at saan ko kaya mahahanap ang tamang bagay na makapagsisindi sa aking kandila?”